Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Pagtitiis—Kailangan ng mga Kristiyano
    Ang Bantayan—1993 | Setyembre 15
    • Pagtitiis​—Kailangan ng mga Kristiyano

      “Ilakip sa inyong pananampalataya . . . ang pagtitiis.”​—2 PEDRO 1:5, 6.

      1, 2. Bakit lahat tayo ay kailangang magtiis hanggang wakas?

      ANG naglalakbay na tagapangasiwa at ang kaniyang asawa ay dumadalaw sa isang kapuwa Kristiyano na mahigit nang 90-taóng gulang. Siya’y gumugol ng mga dekada sa buong-panahong ministeryo. Sa kanilang pag-uusap, nagunita ng nakatatandang kapatid ang tungkol sa ilang pribilehiyo na kaniyang tinamasa sa lumipas na mga taon. “Ngunit,” ang kaniyang hinanakit habang umaagos ang luha sa kaniyang mukha, “ngayon ay hindi ako gaanong makagawa ng anuman.” Binuklat ng naglalakbay na tagapangasiwa ang kaniyang Bibliya at binasa ang Mateo 24:13, na kung saan si Jesu-Kristo ay sinisipi na nagsabi: “Ang magtiis hanggang wakas ay siyang maliligtas.” Pagkatapos ay tiningnan ng tagapangasiwa ang mahal na kapatid at nagsabi: “Ang panghuling atas nating lahat, gaano man kalaki o kaliit ang ating magagawa, ay ang magtiis hanggang sa wakas.”

      2 Oo, bilang mga Kristiyano lahat tayo ay kailangang magtiis hanggang sa wakas ng sistemang ito ng mga bagay o hanggang sa wakas ng ating buhay. Wala nang ibang paraan upang tanggapin ang pagsang-ayon ni Jehova ukol sa kaligtasan. Tayo ay nasa isang takbuhan ukol sa buhay, at tayo’y kailangang “tumakbo nang may pagtitiis” hanggang sa wakas. (Hebreo 12:1) Idiniin ni apostol Pedro ang kahalagahan ng katangiang ito nang kaniyang sabihin sa kapuwa mga Kristiyano: “Ilakip sa inyong pananampalataya . . . ang pagtitiis.” (2 Pedro 1:5, 6) Subalit ano nga ba ang pagtitiis?

      Pagtitiis​—Kung Ano ang Ibig Sabihin Nito

      3, 4. Ano ang ibig sabihin ng magtiis?

      3 Ano ba ang ibig sabihin ng magtiis? Ang pandiwang Griego para sa “magtiis” (hy·po·meʹno) ay literal na nangangahulugang “manatili o lumagi na nasa ilalim.” Ito’y lumilitaw ng 17 beses sa Bibliya. Sang-ayon sa mga leksikograpo na sina W. Bauer, F. W. Gingrich, at F. Danker, nangangahulugan ito na “manatili sa halip na tumakas . . . , manatiling matibay, patuloy na lumaban.” Ang pangngalang Griego para sa “pagtitiis” (hy·po·mo·neʹ) ay lumilitaw nang mahigit na 30 beses. Tungkol dito, ang A New Testament Wordbook, ni William Barclay, ay nagsasabi: “Ito ang espiritu na nabábatá ang mga bagay, hindi lamang taglay ang buong pagsang-ayon ng kalooban, kundi taglay ang maningas na pag-asa . . . Ito ang katangian na nagpapanatiling nakatayo ang isang tao na ang mukha’y nakaharap sa hangin. Ito ang kagalingan na maaaring bumago sa pinakamahirap na pagsubok upang maging kaluwalhatian sapagkat sa kabila ng hirap ay natatanaw nito ang tunguhin.”

      4 Kung gayon, ang pagtitiis ay tumutulong sa atin na makapanatiling matibay at hindi nawawalan ng pag-asa sa harap ng mga balakid o mga kahirapan. (Roma 5:3-5) Samantalang dumaranas ng kasalukuyang pagsubok ito’y nakatanaw sa tunguhin​—ang gantimpala, o regalo, na walang-hanggang buhay, sa langit man o sa lupa.​—Santiago 1:12.

      Pagtitiis​—Bakit?

      5. (a) Bakit lahat ng Kristiyano ay “nangangailangan ng pagtitiis”? (b) Sa anong dalawang uri maaaring hatiin ang ating mga pagsubok?

      5 Bilang mga Kristiyano, lahat tayo ay “nangangailangan ng pagtitiis.” (Hebreo 10:36) Bakit? Pangunahin na ay sapagkat tayo’y ‘napapaharap sa sari-saring pagsubok.’ Ang Griegong teksto rito sa Santiago 1:2 ay nagpapahiwatig ng isang di-inaasahan o di-ninanais na pakikipagsagupaan, gaya nang kung ang isang tao ay may nakasagupang isang magnanakaw. (Ihambing ang Lucas 10:30.) Napapaharap tayo sa mga pagsubok na maaaring hatiin sa dalawang uri: yaong pangkaraniwan sa mga tao bilang resulta ng minanang kasalanan, at yaong lumitaw dahilan sa ating maka-Diyos na debosyon. (1 Corinto 10:13; 2 Timoteo 3:12) Ano ang ilan sa mga pagsubok na ito?

      6. Papaano nagtiis ang isang Saksi nang mapaharap sa isang malubhang karamdaman?

      6 Malubhang sakit. Tulad ni Timoteo, ang ilang Kristiyano ay kailangang magtiis ng “madalas na pagkakasakit.” (1 Timoteo 5:23) Lalo na pagka napaharap sa isang talamak, marahil pagkasakit-sakit, na karamdaman kailangan na tayo’y magtiis, hindi sumusuko, sa tulong ng Diyos at hindi naiwawala ang ating pag-asang Kristiyano. Isaalang-alang ang halimbawa ng isang Saksi na mahigit lamang 50 taóng gulang at nasa matagal, mahirap na pakikipagbaka sa isang mabilis-kumalat at nakamamatay na bukol. Sa dalawang operasyon ay nanatili siyang matatag sa pasiya na huwag pasalin ng dugo. (Gawa 15:28, 29) Subalit ang bukol ay muling nakita sa kaniyang tiyan at nagpatuloy ng paglaki malapit sa kaniyang gulugod. Habang ganoon, siya’y dumanas ng di-maguniguning pisikal na kirot na hindi mapawi ng gaano mang karaming gamot. Gayunman, samantalang dumaranas ng kasalukuyang pagsubok siya’y nakatanaw sa gantimpalang buhay sa bagong sanlibutan. Patuloy na ibinahagi niya sa mga doktor, nars, at mga bisita ang kaniyang maningning na pag-asa. Siya’y nakapagtiis hanggang sa wakas​—ang wakas ng kaniyang buhay. Ang iyong suliranin sa kalusugan ay baka naman hindi nagsasapanganib sa buhay o kasingkirot ng naranasan ng mahal na kapatid na iyan, subalit ito’y maaari pa ring maging isang malaking pagsubok ng pagtitiis.

      7. Anong uri ng kirot ang kaugnay ng pagtitiis para sa ilan sa ating espirituwal na mga kapatid?

      7 Kirot ng damdamin. Paminsan-minsan, ang ilan sa mga lingkod ni Jehova ay nakararanas ng “kapanglawan ng puso” na ang resulta ay “isang nababagbag na diwa.” (Kawikaan 15:13) Ang matinding panlulumo ay karaniwan sa ‘mapanganib na panahong ito na mahirap pakitunguhan.’ (2 Timoteo 3:1) Ang Science News ng Disyembre 5, 1992, ay nag-ulat: “Ang matindi, kadalasan sumasalantang panlulumo ay dumarami sa bawat kasunod na salinlahing isinilang sapol noong 1915.” Ang mga sanhi ng gayong panlulumo ay sari-sari, mula sa pisyolohikong mga salik hanggang sa malungkot at di-kalugud-lugod na mga karanasan. Para sa ilang Kristiyano, kasali na sa pagtitiis ang araw-araw na pakikipagpunyagi na makapanatiling matatag sa kabila ng kirot ng damdamin. Gayunman, sila’y hindi sumusuko. Nananatili silang tapat kay Jehova sa kabila ng mga pagluha.​—Ihambing ang Awit 126:5, 6.

      8. Anong pagsubok tungkol sa pananalapi ang maaaring maranasan natin?

      8 Sa sari-saring pagsubok na napapaharap sa atin ay maaaring kasali ang malubhang paghihirap sa kabuhayan. Nang ang isang kapatid sa New Jersey, E.U.A., ay biglang naalis sa trabaho, siyempre pa, siya’y nabahala tungkol sa pagpapakain sa kaniyang pamilya at sa pagbabayad sa bahay. Gayunman, hindi lumabo ang kaniyang pag-asa sa Kaharian. Samantalang humahanap siya ng ibang trabaho, sinamantala niya ang pagkakataon na maglingkod bilang isang auxiliary pioneer. Sa wakas, siya’y nakakita ng trabaho.​—Mateo 6:25-34.

      9. (a) Papaano nangangailangan ng pagtitiis ang pagkaulila sa isang mahal sa buhay? (b) Anong mga talata ang nagpapakita na hindi mali na lumuha dahil sa pagdadalamhati?

      9 Kung ikaw ay nakaranas ng pagkaulila sa isang mahal sa buhay, kailangan mo ang pagtitiis na tumatagal kahit na pagkatapos na yaong mga nakapalibot sa iyo ay bumalik na sa kanilang normal na mga gawain. Baka maranasan mo rin na lalo palang mahirap para sa iyo sa taun-taon ang pagsapit ng panahon ng kamatayan ng iyong mahal sa buhay. Ang pagtitiis ng gayong pagkaulila ay hindi nangangahulugan na mali ang lumuha dahil sa pagdadalamhati. Likas lamang na ipagdalamhati ang kamatayan ng isang taong iniibig natin, at ito sa anumang paraan ay hindi nagpapakita ng kawalan ng pananampalataya sa pag-asa sa pagkabuhay-muli. (Genesis 23:2; ihambing ang Hebreo 11:19.) Si Jesus ay “tumangis” pagkamatay ni Lazaro, bagaman Kaniyang buong pagtitiwalang sinabi kay Marta: “Ang iyong kapatid ay mabubuhay.” At nabuhay nga si Lazaro!​—Juan 11:23, 32-35, 41-44.

      10. Bakit ang mga lingkod ni Jehova ay may pambihirang pangangailangan na magtiis?

      10 Bukod sa pagtitiis sa mga pagsubok na karaniwan sa lahat ng tao, ang mga lingkod ni Jehova ay may pambihirang pangangailangan na magtiis. “Kayo’y kapopootan ng lahat ng bansa dahil sa aking pangalan,” ang babala ni Jesus. (Mateo 24:9) Sinabi rin niya: “Kung ako’y kanilang pinag-usig, kayo man ay kanilang pag-uusigin din.” (Juan 15:20) Ano ang dahilan ng lahat ng pagkapoot at pag-uusig? Sapagkat saanman tayo nakatira sa lupang ito bilang mga lingkod ng Diyos, sinisikap ni Satanas na sirain ang ating katapatan kay Jehova. (1 Pedro 5:8; ihambing ang Apocalipsis 12:17.) Sa layuning ito pinangyayari ni Satanas ang matinding pag-uusig, anupat nalalagay sa mahigpit na pagsubok ang ating pagtitiis.

      11, 12. (a) Ang mga Saksi ni Jehova at ang kanilang mga anak ay napaharap sa anong pagsubok sa kanilang pagtitiis noong dekada ng 1930 at sa may pasimula ng dekada ng 1940? (b) Bakit tumatangging sumaludo sa bandila ang mga Saksi ni Jehova?

      11 Halimbawa, noong dekada ng 1930 at sa may pasimula ng dekada ng 1940, ang mga Saksi ni Jehova at ang kanilang mga anak sa Estados Unidos at sa Canada ay naging tudlaan ng pag-uusig dahil tumanggi silang sumaludo sa bandila udyok ng kanilang budhi. Iginagalang ng mga Saksi ang bandila ng bansa na kanilang kinatitirhan, subalit sinusunod nila ang simulain na ipinahayag sa Kautusan ng Diyos sa Exodo 20:4, 5: “Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng ano mang anyong nasa langit sa itaas o nasa lupa sa ibaba o nasa tubig sa ilalim ng lupa. Huwag mong yuyukuran sila o mahihikayat ka mang maglingkod sa kanila, sapagkat akong si Jehova na iyong Diyos ay isang Diyos na humihingi ng bukod-tanging debosyon.” Nang ang ilang batang mag-aarál na Saksi ay pinaalis dahil nais nilang ang Diyos na Jehova lamang ang sambahin, itinayo ng mga Saksi ang mga Kingdom School upang sila ay maturuan. Ang mga estudyanteng ito ay nagbalik sa pampublikong mga paaralan nang kilalanin ng Korte Suprema ng Estados Unidos ang kanilang relihiyosong paninindigan, gaya ng ginagawa ng naliwanagang mga bansa sa ngayon. Gayunman, ang may tibay-loob na pagtitiis ng mga kabataang ito ay nagsisilbing isang mahusay na halimbawa lalo na para sa mga kabataang Kristiyano sa ngayon na nakaharap sa mga paglibak dahilan sa sinisikap nilang mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya.​—1 Juan 5:21.

      12 Ang sari-saring pagsubok na napapaharap sa atin​—kapuwa ang karaniwang dinaranas ng mga tao at ang napapaharap sa atin dahilan sa ating pananampalatayang Kristiyano​—​ay nagpapakita kung bakit kailangan natin ang pagtitiis. Subalit papaano tayo makapagtitiis?

      Magtiis Hanggang Wakas​—Papaano?

      13. Papaano nagkakaloob si Jehova ng pagtitiis?

      13 Ang bayan ng Diyos ay may tiyak na bentaha sa mga hindi sumasamba kay Jehova. Sa paghingi ng tulong, tayo’y maaaring dumulog sa “Diyos na nagkakaloob ng pagtitiis.” (Roma 15:5) Ngunit, papaano nagkakaloob si Jehova ng pagtitiis? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng mga halimbawa ng pagtitiis na nakaulat sa kaniyang Salita, ang Bibliya. (Roma 15:4) Samantalang ating pinag-iisipan ang mga ito, tayo ay hindi lamang napatitibay-loob na magtiis kundi malaki rin ang ating natututuhan tungkol sa kung papaano magtitiis. Isaalang-alang ang dalawang litaw na mga halimbawa​—ang may tibay-loob na pagtitiis ni Job at ang walang-kapintasang pagtitiis ni Jesu-Kristo.​—Hebreo 12:1-3; Santiago 5:11.

      14, 15. (a) Anong mga pagsubok ang pinagtiisan ni Job? (b) Papaano napagtiisan ni Job ang mga pagsubok na kaniyang naranasan?

      14 Anong mga kalagayan ang sumubok sa pagtitiis ni Job? Siya’y dumanas ng paghihirap sa kabuhayan nang mawala ang karamihan ng kaniyang mga ari-arian. (Job 1:14-17; ihambing ang Job 1:3.) Nadama ni Job ang sakit ng pangungulila nang ang lahat ng sampung anak niya ay mamatay dahil sa isang malakas na hangin. (Job 1:18-21) Siya’y dumanas ng malubha, pagkasakit-sakit na karamdaman. (Job 2:7, 8; 7:4, 5) Siya’y ginipit ng kaniyang sariling asawa upang tumalikod sa Diyos. (Job 2:9) Ang malalapit niyang kaibigan ay nagsalita ng mga bagay na nakasasakit, malupit, at walang katotohanan. (Ihambing ang Job 16:1-3 at Job 42:7.) Gayunman, sa lahat na ito ay nagpakatatag, nanatiling tapat si Job. (Job 27:5) Ang mga bagay na kaniyang pinagtiisan ay nakakatulad ng mga pagsubok na napapaharap sa mga lingkod ni Jehova ngayon.

      15 Papaano napagtiisan ni Job ang lahat ng mga pagsubok na iyon? Ang isang nagpalakas kay Job ay ang pag-asa. “May pag-asa kahit na sa isang punungkahoy,” ang sabi niya. “Kung ito’y putulin, ito ay sisibol uli, at muling mananariwa ang mga sanga.” (Job 14:7) Ano ang pag-asa ni Job? Gaya ng mapapansin sa sumunod na ilang talata, sinabi niya: “Kung ang isang malakas na tao ay mamamatay mabubuhay pa kaya siya? . . . Ikaw ay tatawag, at ako mismo ay sasagot sa iyo. Ikaw ay magnanasa [o, mananabik] sa gawa ng iyong mga kamay.” (Job 14:14, 15) Oo, si Job ay nakatanaw sa kabila pa ng kaniyang kasalukuyang pagdurusa. Batid niya na matatapos din ang mga pagsubok sa kaniya. Sa pinakamatagal siya’y magtitiis hanggang sa kamatayan. Ang kaniyang inaasahan ay na siya’y bubuhaying muli ni Jehova, na maibiging nagnanasa na buhaying muli ang mga patay.​—Gawa 24:15.

      16. (a) Ano ang ating matututuhan tungkol sa pagtitiis buhat sa halimbawa ni Job? (b) Ang pag-asa sa Kaharian ay kailangang maging gaano katotoo sa atin, at bakit?

      16 Ano ang ating matututuhan buhat sa pagtitiis ni Job? Upang makapagtiis hanggang wakas, huwag nating kaliligtaan ang ating pag-asa. Alalahanin din, na ang katiyakan ng pag-asa sa Kaharian ay nangangahulugan na anumang pagdurusa na danasin natin ay “panandalian” lamang kung ihahambing doon. (2 Corinto 4:16-18) Ang ating mahalagang pag-asa ay buong-tibay na nakasalig sa pangako ni Jehova na pagsapit ng panahon sa malapit na hinaharap ay “papahirin niya ang bawat luha sa [ating] mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati o ng pananambitan o ng hirap pa man.” (Apocalipsis 21:3, 4) Ang pag-asang iyan, na “hindi humahantong sa kabiguan,” ang magbabantay sa ating kaisipan. (Roma 5:4, 5; 1 Tesalonica 5:8) Ito’y kailangang maging gayon na lamang katotoo sa atin​—totoong-totoo na anupat sa pamamagitan ng mga mata ng pananampalataya, mailalarawan natin na tayo’y nasa bagong sanlibutan na​—​hindi na nakikipagpunyagi sa sakit at panlulumo kundi gumigising sa bawat araw na nasa mabuting kalusugan at taglay ang malinaw na pag-iisip; hindi na nag-aalala tungkol sa malulubhang kagipitan sa kabuhayan kundi namumuhay nang tiwasay; hindi na ipinagdadalamhati ang pagpanaw ng mga mahal sa buhay kundi nakararanas ng di-kawasang kaligayahan sa pagkakita na sila’y buháy na. (Hebreo 11:1) Kung wala ng gayong pag-asa tayo’y maaaring madaig ng kasalukuyang mga pagsubok sa atin hanggang sa sumuko tayo. Taglay ang ating pag-asa, anong laking pampasigla sa atin na tayo’y patuloy na makipagbaka, patuloy na magtiis hanggang wakas!

      17. (a) Anong mga pagsubok ang pinagtiisan ni Jesus? (b) Ang matinding paghihirap na pinagtiisan ni Jesus ay posibleng makikita buhat sa anong pangyayari? (Tingnan ang talababa.)

      17 Tayo’y hinihimok ng Bibliya na ‘masidhing magmasid’ kay Jesus at ‘siya’y pag-isipang maingat.’ Anong mga pagsubok ang kaniyang tiniis? Ang ilan sa mga ito ay resulta ng kasalanan at di-kasakdalan ng iba. Tiniis ni Jesus hindi lamang ang “pag-alipusta ng mga makasalanan” kundi pati ang mga suliranin na bumangon sa gitna ng kaniyang mga alagad, kasali na ang kanilang paulit-ulit na pagtatalo kung sino ang pinakadakila. Higit pa riyan, kaniyang dinanas ang isang walang-katulad na pagsubok sa pananampalataya. Siya’y “nagtiis sa pahirapang tulos.” (Hebreo 12:1-3; Lucas 9:46; 22:24) Mahirap na gunigunihin man lamang ang pagdurusa ng isip at ng katawan may kaugnayan sa kirot ng pagkabayubay at ang kahihiyan nang siya’y patayin na gaya ng isang mamumusong.a

      18. Sang-ayon kay apostol Pablo, anong dalawang bagay ang nagbigay-lakas kay Jesus?

      18 Ano’t si Jesus ay nakapagtiis hanggang wakas? Bumabanggit si apostol Pablo ng dalawang bagay na nagbigay-lakas kay Jesus: ‘ang panalangin at mga daing’ at gayundin ang “kagalakan na inilagay sa harap niya.” Si Jesus, ang sakdal na Anak ng Diyos, ay hindi nahiya na humingi ng tulong. Siya’y nanalangin “lakip ang malakas na pagsigaw at pagluha.” (Hebreo 5:7; 12:2) Lalo na nang malapit na ang sukdulang pagsubok sa kaniya kinailangan na siya’y manalangin nang paulit-ulit at nang buong kataimtiman upang humingi ng lakas. (Lucas 22:39-44) Sa pagtugon sa mga pagsusumamo ni Jesus, hindi inalis ni Jehova ang pagsubok, kundi kaniyang pinalakas si Jesus upang mapagtiisan iyon. Si Jesus ay nakapagtiis din sapagkat ang kaniyang pananaw ay umabot sa kabila pa ng pahirapang tulos hanggang sa gantimpala sa kaniya​—ang kagalakan ng pagkakaroon niya ng bahagi sa pagbanal sa pangalan ni Jehova at ang pagtubos sa sangkatauhan buhat sa kamatayan.​—Mateo 6:9; 20:28.

      19, 20. Papaano tayo tinutulungan ng halimbawa ni Jesus upang magkaroon ng makatotohanang pangmalas kung ano ang kasangkot sa pagtitiis?

      19 Buhat sa halimbawa ni Jesus, tayo’y may natutuhang ilang bagay na tumutulong sa atin upang magkaroon ng makatotohanang pangmalas sa kung ano ang kasangkot sa pagtitiis. Ang landas ng pagtitiis ay hindi madaling lakaran. Kung tayo’y nahihirapang pagtiisan ang isang pagsubok, tayo’y may kaaliwan sa pagkaalam na ganoon din ang nangyari kay Jesus. Upang makapagtiis hanggang wakas, tayo’y kailangang paulit-ulit na manalangin na bigyan tayo ng lakas. Pagka nasa ilalim ng pagsubok baka naiisip natin kung minsan na tayo’y hindi karapat-dapat manalangin. Subalit inaanyayahan tayo ni Jehova na ipaalám natin sa kaniya ang laman ng ating puso ‘sapagkat tayo’y ipinagmamalasakit niya.’ (1 Pedro 5:7) At dahilan sa ipinangako ni Jehova sa kaniyang Salita, inubliga niya ang kaniyang sarili na magkaloob ng “lakas na higit kaysa karaniwan” sa mga tumatawag sa kaniya nang may pananampalataya.​—2 Corinto 4:7-9.

      20 Kung minsan tayo ay kailangang magtiis na taglay ang pagluha. Para kay Jesus ang kirot na dulot ng pahirapang tulos ay sa ganang sarili hindi isang dahilan na ikagagalak. Bagkus, ang kagalakan ay nasa gantimpala na inilagay sa harap niya. Sa ating kaso ay hindi makatotohanan na asahang sa tuwina’y magiging laging masaya at natutuwa tayo pagka nasa ilalim ng pagsubok. (Ihambing ang Hebreo 12:11.) Gayunman, sa pamamagitan ng pagtanaw sa gantimpala, marahil ay magagawa natin na ‘ariin iyon nang buong kagalakan’ kahit na mapaharap tayo sa pinakamahirap na mga kalagayan. (Santiago 1:2-4; Gawa 5:41) Ang pinakamahalaga ay na manatili tayong matatag​—kahit na kung kinakailangan na iyon ay may kasabay na pagluha. Gayunpaman, hindi sinabi ni Jesus, ‘Ang bahagyang lumuluha ay maliligtas’ kundi, “Ang magtiis hanggang wakas ay siyang maliligtas.”​—Mateo 24:13.

      21. (a) Sa 2 Pedro 1:5, 6, hinihimok tayo na lakipan ng ano ang ating pagtitiis? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

      21 Ang pagtitiis ay kailangan kung gayon para sa kaligtasan. Gayunman, sa 2 Pedro 1:5, 6, hinihimok tayo na lakipan ng maka-Diyos na debosyon ang ating pagtitiis. Ano ba ang maka-Diyos na debosyon? Papaano ito nauugnay sa pagtitiis, at papaano mo makakamit ito? Ang mga tanong na ito ay tatalakayin sa susunod na artikulo.

      [Talababa]

      a Ang matinding paghihirap na pinagtiisan ni Jesus ay posibleng maunawaan buhat sa pangyayaring ang kaniyang sakdal na katawan ay nalagutan ng hininga makalipas lamang ang ilang oras ng pagkabayubay, samantalang ang mga magnanakaw na ibinayubay kasabay niya ay kinailangang baliin ang mga hita upang mapabilis ang pagkamatay. (Juan 19:31-33) Sila’y hindi nakaranas ng paghihirap ng isip at katawan na gaya ng ipinaranas kay Jesus nang magdamag na siya’y walang tulog bago siya ibayubay, marahil hanggang sa sukdulan na wala na siyang lakas na pasanin man lamang ang kaniyang sariling pahirapang tulos.​—Marcos 15:15, 21.

  • Ilakip sa Inyong Pagtitiis ang Maka-Diyos na Debosyon
    Ang Bantayan—1993 | Setyembre 15
    • Ilakip sa Inyong Pagtitiis ang Maka-Diyos na Debosyon

      “Ilakip sa inyong pananampalataya . . . ang pagtitiis, sa inyong pagtitiis ang banal na debosyon.”​—2 PEDRO 1:5, 6.

      1, 2. (a) Pasimula sa dekada ng 1930, ano ang nangyari sa mga Saksi ni Jehova sa mga lupaing nasakop ng Nazi, at bakit? (b) Papaano nakapanindigang matatag ang bayan ni Jehova sa ilalim ng kalupitang ito?

      IYON ay isang madilim na yugto ng panahon sa kasaysayan ng ika-20 siglo. Pasimula ng dekada ng 1930, libu-libong Saksi ni Jehova sa mga lupaing nasakop ng Nazi ang may kalupitang inaresto at itinapon sa mga concentration camp. Bakit? Sapagkat sila’y nangahas na manatiling walang kinikilingan at tumangging magbunyi ng “Heil Hitler.” Papaano sila pinakitunguhan? “Walang ibang grupo ng mga bilanggo . . . ang napalantad sa sadismo ng mga kawal ng SS na katulad ng mga Estudyante ng Bibliya [mga Saksi ni Jehova]. Ito’y sadismo na binubuo ng sunud-sunod at walang-katapusang mga pagpapahirap sa pisikal at sa mental, na anupat walang salita sa daigdig ang maaaring gamitin upang mailarawan ito.”​—Karl Wittig, isang dating opisyal ng pamahalaang Aleman.

      2 Papaano nakapanindigang matatag ang mga Saksi? Sa kaniyang aklat na The Nazi State and the New Religions: Five Case Studies in Non-Conformity,15 si Dr. Christine E. King ay nagsabi: “Tanging sa mga Saksi [kung ihahambing sa ibang mga grupong relihiyoso] bigo ang pamahalaan.” Oo, ang mga Saksi ni Jehova sa kabuuan ay nanindigang matatag, kahit na para sa daan-daan sa kanila, ito ay nangahulugan ng pagtitiis hanggang sa kamatayan.

      3. Ano ang dahilan at ang mga Saksi ni Jehova ay nakapagtiis sa mahigpit na mga pagsubok?

      3 Ano ang dahilan at nakapagtiis ang mga Saksi ni Jehova sa gayong mga pagsubok hindi lamang sa Alemanyang Nazi kundi sa buong daigdig? Ang kanilang Ama sa langit ang tumulong sa kanila na magtiis dahilan sa kanilang maka-Diyos na debosyon. “Si Jehova ay marunong magligtas buhat sa tukso sa mga taong may maka-Diyos na debosyon,” ang paliwanag ni apostol Pedro. (2 Pedro 2:9) Maaga sa liham ding ito, ang mga Kristiyano ay pinayuhan ni Pedro: “Ilakip sa inyong pananampalataya . . . ang pagtitiis, sa inyong pagtitiis, ang banal na debosyon.” (2 Pedro 1:5, 6) Kaya ang pagtitiis ay may malapit na kaugnayan sa maka-Diyos na debosyon. Ang totoo, upang makapagtiis hanggang wakas, tayo’y kailangang ‘magtaguyod ng banal na debosyon’ at ito’y ipakita. (1 Timoteo 6:11) Subalit ano nga ba ang maka-Diyos na debosyon?

      Kung Ano ang Maka-Diyos na Debosyon

      4, 5. Ano ba ang maka-Diyos na debosyon?

      4 Ang pangngalang Griego para sa “maka-Diyos na debosyon” (eu·seʹbei·a) ay maisasalin sa literal na “nararapat na pagpapakundangan.”a (2 Pedro 1:6, Kingdom Interlinear) Ito’y nagpapakilala ng taos-pusong masiglang damdamin sa Diyos. Ayon kay W. E. Vine, ang pang-uri na eu·se·besʹ, na literal na nangangahulugang “karapat-dapat pakundanganan,” ay tumutukoy sa “lakas na, palibhasa’y inaakay ng banal na pagpapakundangan sa Diyos, nahahayag sa tapat na paglilingkod.”​—2 Pedro 2:9, Int.

      5 Ang pananalitang “maka-Diyos na debosyon” samakatuwid ay tumutukoy sa pagpapakundangan o debosyon kay Jehova na nagpapakilos sa atin na gawin ang nakalulugod sa kaniya. Ito ay ginagawa kahit na sa gitna ng mahihirap na pagsubok dahil iniibig natin ang Diyos buhat sa puso. Ito ay isang tapat, personal na kaugnayan kay Jehova na nahahayag sa paraan ng ating pamumuhay. Ang tunay na mga Kristiyano ay pinapayuhan na manalangin upang sila’y “mangabuhay na tahimik at payapa kalakip ng buong maka-Diyos na debosyon.” (1 Timoteo 2:1, 2) Ayon sa mga leksikograpong sina J. P. Louw at E. A. Nida, “sa maraming wika ang [eu·seʹbei·a] sa 1 Tm 2.2 ay angkop na maisasalin na ‘mamuhay ayon sa ibig ng Diyos na maging pamumuhay natin’ o ‘mamuhay ayon sa sinabi sa atin ng Diyos na dapat nating maging pamumuhay.’ ”

      6. Ano ba ang kaugnayan ng pagtitiis at ng maka-Diyos na debosyon?

      6 Ngayon ay lalong mauunawaan natin ang kaugnayan ng pagtitiis at ng maka-Diyos na debosyon. Dahilan sa tayo’y namumuhay ayon sa ibig ng Diyos na maging pamumuhay natin​—may maka-Diyos na debosyon​—​sa atin ay napopoot ang sanlibutan, na patuloy na nagdadala ng mga pagsubok sa pananampalataya. (2 Timoteo 3:12) Subalit walang paraan na tayo’y pakikilusin ng motibo na tiisin ang gayong mga pagsubok kung hindi sa ating personal na kaugnayan sa ating Ama sa langit. Bukod dito, si Jehova ay tumutugon sa gayong taos-pusong debosyon. Gunigunihin lamang kung ano ang madarama niya sa pagtanaw mula sa langit at pagmamasid sa kanila, na dahilan sa kanilang debosyon sa kaniya, ay nagsusumikap na palugdan siya sa kabila ng lahat ng paraan ng pananalansang. Hindi nga kataka-takang siya’y marunong “magligtas buhat sa tukso sa mga taong may maka-Diyos na debosyon”!

      7. Bakit kailangang linangin ang maka-Diyos na debosyon?

      7 Gayunman, tayo’y hindi isinisilang na taglay na ang maka-Diyos na debosyon, ni kusang namamana natin iyon buhat sa maka-Diyos na mga magulang. (Genesis 8:21) Sa halip, iyon ay kailangang linangin. (1 Timoteo 4:7, 10) Tayo’y kailangang gumawa upang mailakip ang maka-Diyos na debosyon sa ating pagtiiis at sa ating pananampalataya. Ito, sabi ni Pedro, ay nangangailangan ng “masigasig na pagsisikap.” (2 Pedro 1:5) Kung gayon, papaano natin matatamo ang maka-Diyos na debosyon?

      Papaano Natin Matatamo ang Maka-Diyos na Debosyon?

      8. Ayon kay apostol Pedro, ano ang susi sa pagtatamo ng maka-Diyos na debosyon?

      8 Ipinaliwanag ni apostol Pedro ang susi sa pagtatamo ng maka-Diyos na debosyon. Sinabi niya: “Di-sana nararapat na awa at kapayapaan ang nawa ay sumagana sa inyo sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman sa Diyos at kay Jesus na ating Panginoon, yamang saganang ipinagkaloob sa atin ng kaniyang banal na kapangyarihan ang lahat ng bagay na nauukol sa buhay at sa banal na debosyon, sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman sa isa na tumawag sa atin sa pamamagitan ng kaluwalhatian at kagalingan.” (2 Pedro 1:2, 3) Kaya upang ang ating pananampalataya at pagtitiis ay malakipan ng maka-Diyos na debosyon, tayo’y kailangang sumulong sa tumpak, alalaong baga, sa buo, o ganap, na kaalaman sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo.

      9. Papaano maipaghahalimbawa na ang pagkakaroon ng tumpak na kaalaman sa Diyos at kay Kristo ay higit pa ang nasasangkot kaysa pagkakilala lamang kung sino sila?

      9 Ano ang kahulugan ng magkaroon ng tumpak na kaalaman sa Diyos at kay Kristo? Maliwanag, kasangkot dito ang higit pa kaysa pagkakilala lamang kung sino sila. Halimbawa: Maaaring kilalá mo ang iyong pinakamalapit na kapitbahay at binabati mo pa siya sa pangalan. Subalit pahihiramin mo ba siya ng isang malaking halaga? Hindi, maliban kung talagang kilalang-kilala mo kung anong uri siya ng tao. (Ihambing ang Kawikaan 11:15.) Gayundin naman, ang tumpak, o lubos na pagkakilala kay Jehova at kay Jesus ay higit pa ang kahulugan kaysa paniniwala lamang na sila’y umiiral at sa pagkaalam ng kanilang pangalan. Upang tayo’y makapagtiis ng mga pagsubok hanggang sa kamatayan alang-alang sa kanila, kailangang talagang kilalang-kilala natin sila. (Juan 17:3) Ano ba ang kasangkot dito?

      10. Anong dalawang bagay ang kasangkot sa pagkakaroon ng tumpak na kaalaman kay Jehova at kay Jesus, at bakit?

      10 Ang pagkakaroon ng tumpak, o ganap na kaalaman tungkol kay Jehova at kay Jesus ay kinasasangkutan ng dalawang bagay: (1) ang pagkakilala sa kanila bilang mga persona​—ang kanilang mga katangian, damdamin, at mga paraan​—​at (2) ang pagtulad sa kanilang halimbawa. Kasangkot sa maka-Diyos na debosyon ang isang taos-puso, personal na kaugnayan kay Jehova at ito’y nakikita sa pamamagitan ng ating pamumuhay. Samakatuwid, upang matamo iyon, kailangang makilala natin nang personal si Jehova at lubusang malaman natin ang kaniyang kalooban at mga paraan hanggang sa sukdulang magagawa ng tao. Tunay na upang makilala si Jehova, na kawangis natin, kailangang gamitin natin ang gayong kaalaman at tayo’y magsikap na makatulad niya. (Genesis 1:26-28; Colosas 3:10) At yamang ganap na tinularan ni Jesus si Jehova sa kaniyang sinabi at ginawa, ang tumpak na pagkakilala kay Jesus ay isang mahalagang tulong sa paglinang sa maka-Diyos na debosyon.​—Hebreo 1:3.

      11. (a) Papaano tayo makapagtatamo ng tumpak na kaalaman sa Diyos at kay Kristo? (b) Bakit mahalaga na bulay-bulayin natin ang ating nababasa?

      11 Subalit, papaano tayo makapagtatamo ng gayong tumpak na kaalaman sa Diyos at kay Kristo? Sa pamamagitan ng masigasig na pag-aaral ng Bibliya at ng salig-sa-Bibliyang mga publikasyon.b Gayunman, kung ibig natin na ang personal na pag-aaral natin ng Bibliya ay magbunga ng pagtatamo natin ng maka-Diyos na debosyon, mahalaga na tayo’y magkaroon ng panahon na magbulay-bulay, samakatuwid nga, magmuni-muni, o pag-isipan ang ating nabasa. (Ihambing ang Josue 1:8.) Bakit ito mahalaga? Tandaan na ang maka-Diyos na debosyon ay isang masigla, taos-pusong damdamin tungkol sa Diyos. Sa Kasulatan, ang pagbubulay-bulay ay paulit-ulit na iniuugnay sa makasagisag na puso​—ang panloob na pagkatao. (Awit 19:14; 49:3; Kawikaan 15:28) Pagka tayo’y nagmuni-muni nang may pagpapahalaga sa ating binabasa, ito’y tumatagos hanggang sa panloob na pagkatao, sa gayo’y pinupukaw ang ating damdamin, at may impluwensiya sa ating pag-iisip. Tanging sa ganiyan lamang mapatitibay ng pag-aaral ang ating personal na kaugnayan kay Jehova at magpapakilos sa atin na mamuhay sa paraan na nakalulugod sa Diyos kahit na sa harap ng mga kalagayan na nagsisilbing hamon o mahihirap na pagsubok.

      Pagkakapit ng Maka-Diyos na Debosyon sa Tahanan

      12. (a) Ayon kay Pablo, papaano maikakapit ng isang Kristiyano ang maka-Diyos na debosyon sa tahanan? (b) Bakit ang tunay na mga Kristiyano ay nag-aasikaso sa kanilang matatanda nang magulang?

      12 Ang maka-Diyos na debosyon ay dapat na unang ikapit sa tahanan. Ang sabi ni apostol Pablo: “Ngunit kung ang sino mang biyuda ay may mga anak o mga apo, ang mga ito’y hayaang matuto muna na mamuhay ayon sa maka-Diyos na debosyon sa kanilang sariling sambahayan at patuloy na gumanti ng kaukulan sa kani-kanilang mga magulang at mga ninuno, sapagkat ito’y kalugud-lugod sa paningin ng Diyos.” (1 Timoteo 5:4) Ang pag-aasikaso sa matatanda nang magulang, gaya ng pagkabanggit ni Pablo, ay isang pagpapakita ng maka-Diyos na debosyon. Ginagawa ng tunay na mga Kristiyano ang gayong pag-aasikaso hindi lamang dahil sa ito’y tungkulin nila kundi dahil sa pag-ibig sa kanilang mga magulang. Ngunit, higit pa riyan, kanilang kinikilala ang pagpapahalaga ni Jehova sa pag-aasikaso sa pamilya. Alam na alam nila na ang pagtangging tulungan ang kanilang mga magulang sa panahon ng pangangailangan ay para na ring ‘pagtatakwil sa pananampalatayang Kristiyano.’​—1 Timoteo 5:8.

      13. Bakit isang tunay na hamon ang pagkakapit ng maka-Diyos na debosyon sa tahanan, subalit anong kasiyahan ang resulta ng pag-aasikaso sa mga magulang?

      13 Totoo, hindi laging madaling ikapit sa tahanan ang maka-Diyos na debosyon. Ang mga miyembro ng pamilya ay baka hiwa-hiwalay dahilan sa malalayo sa isa’t isa ang kanilang tahanan. Baka ang malalaki nang anak ay nag-aasikaso ng kani-kanilang pamilya at maaaring nagpupunyagi sa paghahanap-buhay. Ang uri o ang antas ng pag-aasikaso na kailangan ng isang magulang ay maaaring makaapekto nang malaki sa pisikal, mental, at emosyonal na kalusugan ng mga nag-aasikaso. Gayunpaman, makapagdudulot ng tunay na kasiyahan ang pagkaalam na ang pag-aasikaso sa mga magulang ay hindi lamang nagbibigay ng “isang kaukulang kabayaran” kundi nagpapalugod din sa Isa na ‘pinagkakautangan ng pangalan ng bawat sambahayan sa langit at sa lupa.’​—Efeso 3:14, 15.

      14, 15. Maglahad ng isang halimbawa ng pag-aasikaso ng mga anak sa kanilang magulang.

      14 Isaalang-alang ang isang tunay na makabagbag-damdaming halimbawa. Si Ellis at ang lima sa kaniyang mga kapatid ay nakaharap sa isang hamon ng pag-aasikaso sa kanilang ama sa tahanan. “Noong 1986 ang aking ama ay naatake serebral (stroke), anupat siya’y naging lubusang paralisado,” ang sabi ni Ellis. Ang anim na anak ay may kani-kaniyang bahagi sa pag-aasikaso sa kanilang ama, mula sa pagpapaligo sa kaniya hanggang sa pagtiyak na siya’y regular na ipinipihit sa kaniyang pagkahiga upang hindi magpaltos ang kaniyang likod. “Amin siyang binabasahan, kinakausap, tumutugtog ng musika para sa kaniya. Hindi namin natitiyak kung siya’y may kamalayan sa mga nangyayari sa kaniyang paligid, ngunit pinakikitunguhan namin siya na parang siya’y may lubusang kamalayan sa lahat ng nangyayari.”

      15 Bakit ang mga anak ay nag-aasikaso sa kanilang ama nang ganoon? Nagpatuloy si Ellis: “Pagkamatay ng aming ina noong 1964, si Itay na lamang ang nagpalaki sa amin. Noon, ang edad namin ay mula 5 taon hanggang 14. Siya’y naroon na handang tumulong sa amin noon; kami naman ay narito para tumulong sa kaniya ngayon.” Maliwanag, hindi madali ang gayong pag-aasikaso, at nasisiraan ng loob kung minsan ang mga anak. “Pero natatalos namin na pansamantala lamang ang kalagayan ng aming ama,” ang sabi ni Ellis. “Inaasam-asam namin ang panahon pagka ang aming ama ay naisauli na sa kalusugan at magkakasama-sama uli kami ng aming ina.” (Isaias 33:24; Juan 5:28, 29) Tunay, ang gayong mapagmahal na pag-aasikaso sa magulang ay tiyak na nagpapagalak sa puso ng Isa na nag-uutos na igalang ng mga anak ang kanilang mga magulang!c​—Efeso 6:1, 2.

      Ang Maka-Diyos na Debosyon at ang Ministeryo

      16. Ano ang dapat na maging pangunahing dahilan sa ating ginagawa sa ministeryo?

      16 Nang ating tanggapin ang paanyaya ni Jesus na ‘sumunod sa kaniya nang patuluyan,’ sumasailalim tayo sa isang banal na utos na mangaral ng mabuting balita ng Kaharian at gumawa ng mga alagad. (Mateo 16:24; 24:14; 28:19, 20) Maliwanag, ang pagkakaroon ng bahagi sa ministeryo ay isang obligasyon ng Kristiyano sa “mga huling araw” na ito. (2 Timoteo 3:1) Gayunman, ang ating motibo sa pangangaral at pagtuturo ay dapat na higit pa kaysa pagkadama lamang na ito’y isang tungkulin o obligasyon. Ang matimyas na pag-ibig kay Jehova ang dapat na pangunahing dahilan sa ating ginagawa at kung gaano ang nagagawa natin sa ministeryo. “Sa kasaganaan ng puso nagsasalita ang bibig,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 12:34) Oo, pagka ang ating puso ay nag-uumapaw sa pag-ibig kay Jehova, nadarama natin na tayo’y nauudyukan na magpatotoo sa iba tungkol sa kaniya. Pagka ang pag-ibig sa Diyos ang ating motibo, ang ating ministeryo ay isang makabuluhang kapahayagan ng ating maka-Diyos na debosyon.

      17. Papaano mapauunlad ang tamang motibo sa ministeryo?

      17 Papaano natin mapauunlad ang tamang motibo sa ministeryo? Pag-isipan nang may pagpapahalaga ang tatlong dahilan na ibinigay ni Jehova sa atin upang ibigin siya. (1) Iniibig natin si Jehova dahilan sa nagawa na niya para sa atin. Wala nang lalong dakilang pag-ibig ang maipakikita pa niya kaysa paglalaan ng pantubos. (Mateo 20:28; Juan 15:13) (2) Iniibig natin si Jehova dahilan sa ginagawa niya ngayon para sa atin. Tayo’y may kalayaan ng pakikipag-usap kay Jehova, na sumasagot sa ating mga panalangin. (Awit 65:2; Hebreo 4:14-16) Samantalang inuuna natin ang mga kapakanan ng Kaharian, ipinagkakaloob sa atin ang mga pangangailangan sa buhay. (Mateo 6:25-33) Tumatanggap tayo ng patuluyang panustos na espirituwal na pagkaing tumutulong sa atin na harapin ang mga suliranin na napapaharap sa atin. (Mateo 24:45) At taglay natin ang pagpapala na pagiging bahagi ng isang pambuong daigdig na pagkakapatirang Kristiyano na talagang nagbubukod sa atin buhat sa natitirang bahagi ng sanlibutan. (1 Pedro 2:17) (3) Iniibig din natin si Jehova dahilan sa gagawin pa niya para sa atin. Dahilan sa kaniyang pag-ibig, tayo’y ‘nakahawak nang mahigpit sa tunay na buhay’​—ang buhay na walang-hanggan sa hinaharap. (1 Timoteo 6:12, 19) Pagka isinaalang-alang natin ang pag-ibig sa atin ni Jehova, tiyak na pakikilusin tayo ng ating puso na magkaroon ng isang tapat na bahagi sa pagsasabi sa iba ng tungkol sa kaniya at sa kaniyang mahalagang mga layunin! Hindi na kailangang sabihin pa sa atin ng iba kung ano ang dapat gawin o gaano ang dapat gawin sa ministeryo. Ang ating puso ang magpapakilos sa atin na gawin ang ating makakaya.

      18, 19. Anong hadlang ang napagtagumpayan ng isang sister upang magkaroon ng bahagi sa ministeyo?

      18 Maging sa harap ng mahihirap na kalagayan, mauudyukan na magsalita ang isang pusong pinukaw ng maka-Diyos na debosyon. (Ihambing ang Jeremias 20:9.) Ito ay ipinakikita sa kaso ni Stella, isang labis na mahiyaing babaing Kristiyano. Nang magsimula siya ng pag-aaral ng Bibliya, naisip niya, ‘Hindi ako makapagbabahay-bahay kailanman!’ Ang kaniyang paliwanag: “Ako’y talagang mahiyain. Hindi ako makalalapit sa iba upang magpasimula ng pakikipag-usap.” Habang siya’y patuloy na nag-aaral, lumalaki ang kaniyang pag-ibig kay Jehova, at tinubuan siya ng nagniningas na hangaring makipag-usap sa iba tungkol sa kaniya. “Natatandaan ko na sinabi ko sa aking guro sa Bibliya, ‘Talagang gusto kong magsalita, pero hindi ko magawa, at iyan nga ang gumagambala sa akin.’ Hindi ko makakalimutan ang kaniyang sinabi sa akin: ‘Stella, pasalamat ka at ibig mong magsalita.’ ”

      19 Hindi nagtagal at si Stella ay nagpapatotoo na sa kaniyang pinakamalapit na kapitbahay. Pagkatapos ay gumawa siya ng para sa kaniya ay isang napakalaking hakbang​—siya’y nakibahagi sa ministeryo ng pagbabahay-bahay sa unang-unang pagkakataon. (Gawa 20:20, 21) Nagugunita pa niya: “Isinulat ko ang aking presentasyon. Ngunit takot na takot ako noon na bagaman nasa harapan ko iyon, dahil sa nerbiyos ay hindi ako makatingin sa aking mga nota!” Ngayon, makalipas ang mahigit na 35 taon, likas na napakamahiyain pa rin si Stella. Gayunman, mahal niya ang ministeryo sa larangan at nagpapatuloy na magkaroon ng makabuluhang bahagi rito.

      20. Anong halimbawa ang nagpapakita na kahit ang pag-uusig o pagkabilanggo ay hindi makapagpapatikom ng bibig ng tapat na mga Saksi ni Jehova?

      20 Maging ang pag-uusig o pagkabilanggo ay hindi makapagpapatikom ng bibig ng tapat na mga Saksi ni Jehova. Isaalang-alang ang halimbawa nina Ernst at Hildegard Seliger ng Alemanya. Dahilan sa kanilang pananampalataya, kung pagsasamahin ay nakagugol sila ng mahigit na 40 taon sa mga kampong piitan ng mga Nazi at mga bilangguang Komunista. Kahit sa bilangguan, sila’y mapilit na nagpatotoo sa ibang mga bilanggo. Nagunita pa ni Hildegard: “Ako’y inuri ng mga opisyal sa bilangguan bilang ang pinakamapanganib, dahilan sa, gaya ng sinabi ng isang bantay na babae, ako’y nagsasalita tungkol sa Bibliya buong maghapon. Kaya ako’y inilagay sa isang selda sa basement.” Matapos na sila’y palayain sa wakas, sina Brother at Sister Seliger ay gumugol ng kanilang buong panahon sa ministeryong Kristiyano. Sila kapuwa ay naglingkod nang buong katapatan hanggang sa kanilang kamatayan, si Brother Seliger ay noong 1985 at ang kaniyang kabiyak ay noong 1992.

      21. Ano ang kailangan nating gawin upang malakipan ng maka-Diyos na debosyon ang ating pagtitiis?

      21 Sa masigasig na pag-aaral ng Salita ng Diyos at paggugol ng panahon sa pagbubulay-bulay nang may pagpapahalaga sa ating natutuhan, tayo’y lalago sa tumpak na kaalaman sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. Ito, sa kabilang dako, ay magbubunga ng higit na pagtatamo natin ng mahalagang katangiang iyan​—ang maka-Diyos na debosyon. Kung walang maka-Diyos na debosyon ay walang paraan upang matiis ang sari-saring pagsubok na dumarating sa atin bilang mga Kristiyano. Kaya sundin natin ang payo ni apostol Pedro, na patuloy na ‘lakipan ang ating pananampalataya ng pagtitiis at ang ating pagtitiis ng maka-Diyos na debosyon.’​—2 Pedro 1:5, 6.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share