Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 6/1 p. 3-4
  • Mag-ingat sa mga Manunuya!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mag-ingat sa mga Manunuya!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Lahat ba ay Gaya Pa Rin ng Dati?
  • Ingatang Malapit sa Isipan ang Araw ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Panunuya
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • “Ang Dakilang Araw ni Jehova ay Malapit Na”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Matiyagang Maghintay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 6/1 p. 3-4

Mag-ingat sa mga Manunuya!

Sa ngayon, palasak ang mga panghuhula, at biglang lumakas ang negosyo ng pagsasabi ng kinabukasan. “Habang papalapit ang taóng 2000,” sabi ng The Daily Telegraph ng London, “isang bagay na kakaiba ngunit hindi naman lubusang kataka-taka ang nagaganap. Libu-libong tao sa buong daigdig ang nakararanas ng kakatwa at kadalasa’y nakapangingilabot na mga pangitain hinggil sa kinabukasan.” Para sa maraming nagmamasid, ang masidhing interes na ito sa kinabukasan ay isang pag-uulit lamang ng mga inaasahang pagbabago noon na hindi naman natupad.

HABANG nagsisikip ang trapiko dahil sa mga kabayo noong ika-19 na siglo, inihula ng isang lalaki na darating ang araw at ang mga lunsod sa Europa ay mapupuno ng dumi ng kabayo. Mangyari pa, napatunayang mali ang kaniyang hula. Kaya nga, upang idiin kung paano madalas na nabibigo ang mga hula, ganito ang sabi ng The Times ng London: “Ang kinabukasan ay isa lamang tambak ng dumi ng kabayo.”

Ang iba’y tumutuya sa mga nakakakita ng napipintong panganib. Halimbawa, hinamon ng isang propesor sa negosyo sa isang unibersidad sa Estados Unidos yaong mga nagbababala hinggil sa pagguho ng kapaligiran na makipagpustahan kung talaga ngang sasamâ ang kalakaran. Gaya ng iniulat sa magasing New Scientist, sinasabi niya na “ang kalidad ng ating buhay ay sumusulong at magpapatuloy na ganito magpakailanman.”

Sa gitna ng kalituhan dahil sa mga sinasabi at sa mga kumokontra naman dito, marami ang naniniwala na ang lahat ay mananatiling walang pagbabago. Sa pagtuya sa anumang pag-iisip hinggil sa pakikialam ng Diyos sa mga gawain ng mga tao, sila’y nagpapakita ng isang saloobin na gaya ng mga manunuya noong unang siglo C.E.

Lahat ba ay Gaya Pa Rin ng Dati?

Ang ikalawang kinasihang liham ng Kristiyanong apostol na si Pedro, na isinulat noong mga 64 C.E., ay nagbabala: “Sa mga huling araw ay darating ang mga manunuya na may pagtuya, na lumalakad alinsunod sa kanilang sariling mga nasa.”​—2 Pedro 3:3.

Nais ng mga manunuya na magmukhang katawa-tawa ang kanilang tinutuya. Ang taong nagpapadala sa pagtuya ay maaaring mahulog sa isang makasariling patibong sapagkat karaniwan nang nais ng mga manunuya na tanggapin ng mga nakikinig ang kaniyang pangmalas. Maaaring ang ilan sa mga manunuyang ibinabala ni Pedro ay ganito, “lumalakad alinsunod sa kanilang sariling mga nasa.” Upang mapag-ingat ang kaniyang mga mambabasa, gumamit ang apostol ng isang mariing anyo ng pagpapahayag. Nagbabala siya tungkol sa pagdating ng “mga manunuya na may pagtuya.”

Pinag-alinlanganan ng mga manunuyang iyon noong unang siglo ang katotohanan ng “ipinangakong pagkanaririto” ni Kristo, anupat sinasabi: “Nasaan itong ipinangakong pagkanaririto niya? Aba, mula nang araw na matulog sa kamatayan ang ating mga ninuno, ay nagpapatuloy nang gayung-gayon ang lahat ng mga bagay mula noong pasimula ng paglalang.” (2 Pedro 3:4) Iyan ang tingin nila. Gayunman, noon pa mang taóng 33 C.E., inihula na ni Jesus ang hinggil sa kapahamakang darating sa lunsod ng Jerusalem. “Ang mga araw ay darating sa iyo,” ipinahayag niya, “kapag ang iyong mga kaaway ay magtatayo sa paligid mo ng bakod na may matutulis na mga tulos at papalibutan ka at gigipitin ka sa bawat panig, at ikaw at ang iyong mga anak sa loob mo ay isusubsob nila sa lupa, at hindi sila mag-iiwan ng bato sa ibabaw ng bato sa iyo.” Talagang maling-mali ang mga tumutuya sa babalang iyan! Noong 70 C.E., kinubkob ng mga hukbong Romano ang Jerusalem at winasak ang lunsod, anupat lumaganap ang kamatayan sa mga tagaroon. Bakit hindi napaghandaan ng karamihan sa mga tagaroon sa lunsod ang kapahamakang ito? Sapagkat hindi nila naunawaan na sila’y sinuri ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Anak na si Jesus.​—Lucas 19:43, 44.

Tinutukoy ni apostol Pedro ang panghinaharap na pakikialam ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. “Ang araw ni Jehova ay darating na gaya ng isang magnanakaw,” babala ni Pedro. (2 Pedro 3:10) Sa panahong iyan ay aalisin ng Diyos sa buong globo ang mga di-makadiyos at ililigtas ang mga napatunayang matuwid. Gaya ng madalas na ipinaliliwanag ng babasahing ito, ang “pagkanaririto” ni Kristo Jesus ay nagsimula noong 1914. Subalit ang kaniyang pagkilos bilang Tagapuksang inatasan ng Diyos upang alisin ang kabalakyutan ay sa hinaharap pa. Dahil dito, ang babala ng apostol na mag-ingat sa mga manunuya ay kumakapit ngayon taglay ang mas matinding pagkaapurahan.

Marahil ay matagal mo nang hinihintay ang pakikialam ng Diyos sa mga gawain ng tao. Ano ang tutulong sa iyo upang matiyagang maghintay nang hindi nagiging biktima ng mga manunuya? Pakisuyong ituloy mo ang pagbabasa.

[Blurb sa pahina 4]

“Ang mga araw ay darating sa iyo, kapag ang iyong mga kaaway ay . . . papalibutan ka at gigipitin ka sa bawat panig, . . . at hindi sila mag-iiwan ng bato sa ibabaw ng bato sa iyo.” Ang babalang iyan ay hindi dapat tuyain. Winasak ng mga hukbong Romano ang Jerusalem, anupat lumaganap ang kamatayan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share