Ang Bibliya ba ay Mabibigyan ng Kahit Anong Pakahulugan?
“KAYO’Y palundag-lundag lamang sa mga talata ng Bibliya, pinipili ninyo ang mga tekstong tumatama sa inyong pakahulugan,” ang reklamo ng babae sa isa sa mga Saksi ni Jehova na dumalaw sa kaniyang tahanan.
Subalit ang pagtukoy ba sa mga teksto sa iba’t ibang bahagi ng Bibliya ay aktuwal na patotoo na ang isang tao’y nagbibigay roon ng pakahulugan upang mapatama sa kaniyang sariling mga kuru-kuro? At kung gayon nga, ibig bang sabihin nito na ang Bibliya ay mabibigyan ng kahit anong pakahulugan—na ang bawat isa nito’y tama katulad din ng iba?
Hayaang Magsalita ang Autor
Bagaman ang Bibliya’y mayroong iisa lamang Autor, ang Diyos na Jehova, gayunma’y marami ang sumulat nito. Ang humigit-kumulang 40 mga manunulat na ito ng Bibliya ay hindi nagkakasalungatan sa isa’t isa—na, siyanga pala, isang patotoo na ang Diyos ang autor—gayunman walang iisang manunulat ng Bibliya ang nagsasabi ng lahat ng dapat sabihin tungkol sa anumang partikular na paksa. Kaya’t upang maunawaan kung ano ang sinasabi ng Autor ng Bibliya tungkol sa isang paksa, kailangan na tipuning sama-sama ang lahat ng tekstong may kaugnayan sa paksang tinatalakay. Ganito nga ang sinisikap na gawin ng binanggit na Saksi.
Siya’y nasa matatag na katayuan. Halimbawa, buklatin ang iyong Bibliya sa Roma kabanata 9. Dito’y makikita mo ang isang litaw na halimbawa ng kung paanong ang tapat na Kristiyanong si Pablo ay gumawa rin ng gayon. Sa iisang kabanatang ito, si Pablo ay sumisipi ng 11 beses buhat sa mga ibang bahagi ng Bibliya. Ang mga kritiko ay maaari pa ngang magsabi na si Pablo ay gumagawa ng maraming “paglundag-lundag.” Pasimula sa unang aklat ng Bibliya, siya’y lumulundag sa ika-39 na aklat, bago nagpapatuloy sa ika-2, sa ika-28, at sa katapus-tapusan, sa ika-23 aklat ng Bibliya.a
Mangyari pa, isang pagkakamali para kay Pablo na ang mga teksto ay alisin sa kanilang konteksto at pilipitin ang mga iyon upang mapatama sa kaniyang sariling personal na mga idea. Subalit hindi ito ginawa ni Pablo. Gayunman, marahil ay may kasalanan ang ilan sa mga sinaunang Kristiyano, sapagkat may binanggit si apostol Pedro na “ilang bagay na mahirap unawain, na pinipilipit ng mga walang-alam at di-matatatag, gaya rin ng kanilang ginagawa sa natitirang bahagi ng Kasulatan, sa kanilang sariling ikapapahamak.”—2 Pedro 3:16.
Ang mga “bagay na mahirap unawain” ay kaydaling bigyan ng maling unawa. Kahit ang mga katha ng tanyag na mga manunulat na katulad baga ni Shakespeare ay binibigyan ng sari-saring pakahulugan—maliwanag na hindi lahat ng mga iyon ay tama. Samakatuwid, hindi katakataka na totoo rin ito kung tungkol sa Bibliya. Kung si Shakespeare ay buháy pa ngayon, maaari nating itanong sa kaniya: “Ano bang talaga ang ibig mong sabihin?” Datapuwat, ito ay imposible; kaya imposible rin na tanungin natin ang mga manunulat ng Bibliya para sa higit pang pagbibigay-linaw. Nakatutuwa naman, matatanong pa rin natin ang Autor nito, sapagkat siya’y buháy! (Awit 90:1, 2) At siya’y nangakong magbibigay ng gayong espirituwal na patnubay sa mga taong may pananampalataya na humihiling nito sa kaniya.—Lucas 11:9-13; Santiago 1:5, 6.
Samantalang nasa Ehipto, ang tapat na lingkod na si Jose ay kumilala sa kahalagahan ng paghingi ng patnubay sa Diyos nang hilingin sa kaniya na ipaliwanag ang isang panaginip na ibinigay ng Diyos sa Faraon ng Ehipto. “Hindi ba ang Diyos ang nagpapaliwanag ng kahulugan?” ang tanong niya. Pagkatapos na ibigay ni Jose ang tamang paliwanag ng kahulugan, si Faraon ay naudyukan na magsabi: “Makasusumpong kaya tayo ng isang gaya nito, na taong kinakasihan ng espiritu ng Diyos?” At kay Jose ay sinabi niya: “Yamang ipinabatid sa iyo ng Diyos ang lahat ng ito, walang matalino at pantas na kagaya mo.”—Genesis 40:8; 41:38, 39.
Ang sari-saring nagkakasalungatang interpretasyon na makikita natin sa ngayon sa gitna ng di-umano’y mga Kristiyano ay hindi maisisisi sa Autor ng Bibliya, ni maisisisi man ito sa mga manunulat ng Bibliya. Bilang mga propeta ng Diyos, ang mga ito ay “nagsalita mula sa Diyos habang sila’y iniaanod ng banal na espiritu.” (2 Pedro 1:20, 21) Ito’y kasalanan ng mga mambabasa ng Bibliya na hindi sumusunod sa mga pag-akay ng espiritu ng Diyos sa pagpapaubaya na ang Diyos ang magpaliwanag ng kahulugan ng kaniyang sariling Salita. Kanilang tinulutan na ang personal na mga kuru-kuro ang magpadilim sa kanilang pananaw tungkol sa kung ano ang sinasabi ng Autor mismo ng Bibliya. Kumuha tayo ng dalawang halimbawa.
Ano ang Parusa sa Kasalanan?
May mga tao na tinuruang maniwala na ang parusa sa kasalanan para sa isang nilalang na buháy ay walang-hanggang pagpapahirap sa apoy ng impiyerno. Nababasa marahil ng gayong mga tao ang Apocalipsis 20:10, na kung saan tinutukoy ang Diyablo na “inihagis sa dagat-dagatang apoy at asupre,” at kanilang ipinaliliwanag iyon ayon sa kahulugan na umaalalay sa kanilang mga kuru-kuro. Mangyari pa, ito’y hindi kasuwato ng Eclesiastes 9:5, na nagsasabi na ang mga patay ay “walang anumang kamalayan”; ni ito man ay kasuwato ng Roma 6:23, na nagsasabing “ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan,” hindi ang pagpaparusa sa isang nilalang na may malay. Gayundin, ang iba ay marahil magtatanong nang may pagtataka, hindi baga ang Apocalipsis 20:10 ay nagsasabi na si Satanas (at, marahil, yaong mga taong nailigaw niya) ay “pahihirapan araw at gabi magpakailan-kailanman”?
Noong unang siglo, ang salitang Griego para sa “pagpapahirap”—na ito’y ginamit ng manunulat ng Bibliya na si Juan—ay may pantanging kahulugan. Yamang ang mga bilanggo kung minsan ay pinahihirapan (bagaman ito’y labag sa kautusan ng Diyos), ang mga bantay-bilangguan ay nakilala bilang mga tagapagpahirap.
Isa pang manunulat ng Bibliya ang tumutukoy nito nang banggitin niya ang tungkol sa isang di-tapat na alipin na ang panginoon nito ang “nagbigay sa kaniya sa mga tagapagpahirap, hanggang sa siya’y makabayad ng lahat ng inutang niya.” (Mateo 18:34, King James Version) Bilang komento sa tekstong ito, ang The International Standard Bible Encyclopedia ay nagsasabi: “Marahil ang pagkabilanggo mismo ay itinuturing na ‘pagpapahirap’ (walang alinlangan na gayon nga), at ang mga ‘tagapagpahirap’ ay hindi tumutukoy sa ano pa man kundi sa mga bantay-bilangguan.”
Sa gayon makikita natin na sa pamamagitan ng paghahambing-hambing sa mga teksto at pagsasaalang-alang sa kanilang kahulugan ayon sa wika na ginamit sa pagsulat ng Bibliya, posible nga na makamit ang isang interpretasyon na kasuwato ng ibang bahagi ng Bibliya. Pagkatapos na maiwaksi ang dati nang mga paniwala, malinaw na makikita natin na ang Apocalipsis 20:10 ay hindi patotoo ng walang-hanggang pagpapahirap sa sinuman sa apoy ng impiyerno. Ang hantungan ng lahat ng mga rebelde sa Diyos ay walang-hanggang pagkabilanggo sa kamatayan. Ang kanilang pagkapuksa ay lubusan na para bang sila’y ibinulid sa isang literal na dagat-dagatang apoy.
Ano ba ang Hantungan ng Lupa?
Sang-ayon sa 2 Pedro 3:10 (KJ), “ang lupa rin naman at ang mga gawang naririto ay masusunog.” May mga taong ang interpretasyon dito ay na pupuksain ang globo, marahil sa isang digmaang nuklear. Subalit, dahilan sa sinasabi ng Autor ng Bibliya sa mga ibang talata, paanong mangyayari iyan? Sa Awit 104:5 (KJ) ang salmista ay kinasihan na nagsabing “inilatag [ng Diyos] ang mga patibayan ng lupa, at na ito’y hindi aalisin magpakailanman.” Ang pantas na si Haring Solomon, na kinasihan din, ay nagsabi sa Eclesiastes 1:4 (KJ) na “isang salinlahi ay lumipas, at ibang salinlahi ang dumarating: ngunit ang lupa ay nananatili magpakailanman.”
Isang pagkakasalungatan ba? Hindi, ang Autor ng Bibliya, isang Diyos ng katotohanan, ay hindi maaaring sumalungat sa kaniyang sarili. Paano kung gayon mapagtutugma ang dalawang talatang ito? Ating pag-usapan ang konteksto ng 2 Pedro 3:10.
Sa 2 Ped 3 talatang 5 at 6 ay tinutukoy ni Pedro ang tungkol sa Baha noong kaarawan ni Noe at ito’y inihahalintulad, sa 2 Ped 3 talatang 7, sa pagkapuksa na darating pagsapit ng “araw ng paghuhukom at paglipol sa mga taong masasama.” Ano ba ang napuksa sa Baha? Ang 2 Ped 3 talatang 6 ay nagsasabi na “ang sanlibutan noon ay . . . pumanaw.” Hindi ang makalupang globong ito ang pumanaw. Bagkus, isang balakyot na makasanlibutang sistema ang pumanaw. At nang ipangako ng Diyos kay Noe sa Genesis 9:11 (KJ), na kailanman ay hindi na magkakaroon ng “baha na pupuksa sa lupa,” malinaw na hindi ang planeta ang kaniyang tinutukoy, sapagkat ito ay hindi naman napuksa. Samakatuwid “ang lupa” na pupuksain, ayon sa 2 Pedro 3:10, ay iyon ding uri ng “lupa” na pinuksa sa Baha—hindi ang planetang Lupa kundi isang balakyot na makalupang lipunan ng mga tao.—Ihambing ang Genesis 11:1, na kung saan ang “lupa” ay ginagamit sa isang nakakatulad na paraan.
Magsaliksik ka hanggang gusto mo, hindi ka makasusumpong ng teksto sa Bibliya na salungat sa interpretasyong ito. Kung gayon, tiyak na ito ang tama na nagbubuhat sa Autor mismo ng Bibliya.
Bakit Hindi Mabibigyan ng Kahit Anong Pakahulugan?
Ano ang iisipin ng isang ginang ng tahanan tungkol sa isang aklat sa pagluluto na maaaring bigyan ng anumang pakahulugan? O ano ang mapapakinabang na pagkagastahan ng salapi ang isang diksyunaryo na nagpapaubaya sa mambabasa niyaon na ang mga salita’y bigyan ng pakahulugang ayon sa anumang nais niya? Iyan ba ang uri ng giyang aklat na aasahan natin na ibibigay ng Diyos sa kaniyang mga nilalang? Tunay naman, sa ganiyang kaso, magiging angkop kaya na tukuyin iyan bilang isang giyang aklat?
Ang tapat, may takot sa Diyos na mga tao ay hindi interesado sa pagpilipit sa Kasulatan “sa kanilang sariling ikapapahamak.” (2 Pedro 3:16) Upang maiwasan ang paggawa nito, kanilang hinahanap ang lahat ng tekstong may kinalaman sa paksang gusto nilang maunawaan. Pagka nasumpungan ang mga teksto na maliwanag na sumasalungat sa dati nang mga paniwala, ang mga paniwalang iyon ay dagling iwinawaksi, sapagkat ang mga iyon ay hindi maaaring maging tama.
Dahilan sa pagkakaroon ng ganitong uri ng kaamuan, angaw-angaw na mga taong dati’y may iba’t ibang relihiyon ay ngayon nagkakaisa na ng relihiyon kasama ng mga Saksi ni Jehova. Sa halip na naising bigyang-kahulugan ang Bibliya upang mapatugma sa kanilang sariling mga kuru-kuro, ang kanilang tinatanggap ay ang maliwanag na kahulugang ibinibigay ng Autor mismo ng Bibliya.
Anong inam na malamang ang Bibliya’y hindi mabibigyan ng kahit anong pakahulugan. Kung ating tinutulutan na ang Autor nito ang siyang magpaliwanag sa atin ng kahulugan nito, ito’y tunay na “mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdisiplina ayon sa katuwiran.” Tanging sa ganito lamang, kung gayon, tutulungan tayo nito na maging “ganap ang kakayahan, lubusang nasasangkapan para sa bawat mabuting gawa.”—2 Timoteo 3:16, 17.
[Talababa]
a Ang mga sinipi ay makikita sa Roma kabanata 9, talatang 7 (Genesis 21:12), 9 (Genesis 18:14), 12 (Genesis 25:23), 13 (Malakias 1:2,3), 15 (Exodo 33:19) 17 (Exodo 9:16), 25 (Oseas 2:23), 26 (Oseas 1:10), 27, 28 (Isaias 1:9) at 33 (Isaias 28:16).