Palawakin ang Inyong Kapayapaan sa Pamamagitan ng Tumpak na Kaalaman
“Di-sana nararapat na awa at kapayapaan ang nawa ay sumagana sa inyo sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman sa Diyos at kay Jesus na ating Panginoon.”—2 PEDRO 1:2.
1, 2. (a) Bakit ang pakikipagpayapaan sa Diyos ay maihahambing sa pag-aasawa? (b) Paano natin mapatitibay ang ating pakikipagpayapaan sa Diyos?
ANG naitatag mong relasyon na pakikipagpayapaan sa Diyos na Jehova nang ikaw ay bautismuhan ay, sa mga ilang kaparaanan, gaya ng isang pag-aasawa. Bagaman ang araw ng kasal ay kalugud-lugod, ito’y pasimula lamang ng isang mahalagang relasyon. Dahil sa pagsisikap, panahon, at karanasan, ang relasyon ng mag-asawa ay lalong magiging matimyas, at magiging isang kanlungan sa panahon ng kabagabagan. Gayundin naman, sa pamamagitan ng pagsisikap at sa tulong ni Jehova, mapalalawak mo ang iyong pakikipagpayapaan sa kaniya.
2 Ipinaliliwanag ni apostol Pedro kung paano yaong mga “nagsipagkamit ng isang pananampalataya” ay makapagpapatibay ng kanilang pakikipagpayapaan sa Diyos. Siya ay sumulat: “Di nasa nararapat na awa at kapayapaan ang nawa ay sumagana sa inyo sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman sa Diyos at kay Jesus na ating Panginoon.”—2 Pedro 1:1, 2.
“Tumpak na Kaalaman sa Diyos”
3. Ano ang kahulugan ng pagkakaroon tumpak na kaalaman kay Jehova at kay Jesus?
3 Ang salitang Griego para sa “tumpak na kaalaman” (e·piʹgno·sis) na ginagamit sa kontekstong ito ay nangangahulugan ng isang lalong malalim, lalong matalik na kaalaman. Ang anyo ng pandiwa ay maaaring tumukoy sa kaalaman na nakamit sa pamamagitan ng personal na karanasan at isinalin na “lubusang mapagkilala” sa Lucas 1:4. Ipinaliliwanag ng Griegong iskolar na si Culverwel na sa kaniya ang salita ay nagpapahiwatig ng pagiging “higit na may pagkakilala sa isang bagay na dating alam ko na; isang lalong eksaktong pagkamalas sa isang bagay na dati’y nakita ko na buhat sa malayo.” Ang pagkakamit ng gayong “tumpak na kaalaman” ay sumasaklaw sa pagkakilala kay Jehova at kay Jesus nang lalong matalik bilang mga persona, at pagkakaroon ng higit na kaalaman sa kanilang mga katangian.
4. Paano natin mapalalawak ang ating kaalaman sa Diyos, at bakit napasusulong nito ang ating pakikipagpayapaan sa kaniya?
4 Ang dalawang paraan upang makamit ang kaalamang ito ay sa pamamagitan ng mabubuting kaugalian sa personal na pag-aaral at regular na pagdalo sa mga pulong ng bayan ng Diyos. Sa ganitong mga paraan ay matutuhan mo nang lalong malinaw kung paano kumikilos ang Diyos at kung ano ang kaniyang iniisip. Ikaw ay makabubuo ng isang lalong malinaw na larawan niya sa iyong kaisipan. Subalit ang pagkakilala sa Diyos nang lalong matalik ay nangangahulugan ng pagtulad sa larawang ito at pagpapaaninag nito. Halimbawa, binanggit ni Jehova ang isang tao na sa kaniya’y naaninaw ang isang tulad-Diyos na kawalang-pag-iimbot, at pagkataos ay sinabi Niya: “Hindi ba iyon ang pagkakilala sa akin?” (Jeremias 22:15, 16; Efeso 5:1) Ang pagtulad sa Diyos nang lalong higit ay nagpapalawak ng iyong pakikipagpayapaan sa kaniya sapagkat ikaw ay sumusulong sa pagbibihis ng bagong pagkatao “na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay nagbabago ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito.” Ikaw ay nagiging lalong kalugud-lugod sa Diyos.—Colosas 3:10.
5. (a) Paanong ang tumpak na kaalaman ay tumulong sa isang babaing Kristiyano? (b) Sa anu-anong paraan lalo nating matutularan si Jehova?
5 Isang babaing Kristiyano na nagngangalang Lynn ang nahirapan na magpatawad dahilan sa isang di-pagkakaunawaan nila ng isang kapuwa Kristiyano. Subalit dahilan sa maingat na personal na pag-aaral ni Lynn ay naisipan niya na suriin ang kaniyang saloobin. “Nagunita ko kung anong uri ng Diyos si Jehova, kung paanong hindi siya mapagtanim,” ang inamin niya. “Pinag-isipan ko ang lahat ng maliliit na bagay na ginagawa natin kay Jehova araw-araw, gayunman ay hindi niya ipinagtatanim ito. Kung ihahambing naman ay napakaliit itong di namin pagkakaunawaan ng aking kapatid na Kristiyano. Kaya kailanma’t makikita ko siya, nasasabi ko sa aking sarili, ‘siya’y iniibig ni Jehova gaya ng kung paanong iniibig niya ako.’ Ito ang tumulong sa akin upang mapagtagumpayan ang problema.” Nakikita mo ba ang mga pitak na kung saan kailangan ding tularan mo nang lalong higit pa si Jehova?—Awit 18:35; 103:8, 9; Lucas 6:36; Gawa 10:34, 35; 1 Pedro 1:15, 16.
Ang Tumpak na Kaalaman ni Kristo
6. Paano ipinakita ni Jesu-Kristo na ang gawaing pangangaral ang pinakamahalaga sa kaniya?
6 Ang pagkakaroon ng tumpak na kaalaman kay Jesus ay humihiling ng pagkakaroon ng “kaisipan ni Kristo” at pagtulad sa kaniya. (1 Corinto 2:16) Si Jesus ay isang masigasig na tagapangaral ng katotohanan. (Juan 18:37) Ang kaniyang masidhing espiritu ng pag-eebanghelyo ay hindi napipigil ng pagtatangi ng lahi. Bagaman ang ibang mga Judio ay napopoot sa mga Samaritano, siya’y nagpatotoo sa isang babaing Samaritano sa isang balon. Siyanga pala, kahit na ang matagal na pakikipag-usap sa publiko sa kaninumang babae ay marahil iniismiran noon!a Subalit hindi pinayagan ni Jesus na mahadlangan siya ng pagtatangi ng lahi para ihinto ang kaniyang pagpapatotoo. Ang gawain ng Diyos ay nakagiginhawa. Sinabi niya: “Ang pagkain ko ay gawin ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.” Ang kagalakan ng pagkakita sa tugon ng mga tao, tulad ng babaing Samaritano at ng marami sa kaniyang mga kababayan, ang tumustos kay Jesus na gaya ng pagkain.—Juan 4:4-42; 8:48.
7. (a) Ang kaalaman kay Jesus ay dapat magpakilos sa atin na gawin ang ano? (b) Inaasahan ba ng Diyos na pare-parehong dami ng pangangaral ang gagawin ng lahat ng kaniyang mga lingkod? Ipaliwanag.
7 Ang nadarama mo ba ay gaya rin ng nadama ni Jesus? Ipagpalagay natin, na ang pakikipag-usap tungkol sa Bibliya sa isang di-kakilala ay mahirap para sa marami at kadalasa’y iniismiran ng iba sa komunidad. Datapuwat, upang magkaroon ng ganoon ding saloobin na gaya ng kay Jesus, hindi natin maiiwasan ang bagay na ito: Tayo’y kailangang magpatotoo. Kung sa bagay, hindi lahat ay makagagawa ng pare-parehong dami ng pangangaral. Ito’y nagkakaiba-iba ayon sa ating mga kakayahan at mga kalagayan sa buhay. Kaya huwag isipin na ang Diyos ay hindi kailanman nasisiyahan sa iyong banal na paglilingkod. Gayunman, ang ating kaalaman tungkol kay Jesus ang dapat magtulak sa atin na gawin ang ating pinakamagaling na magagawa. Pinuri ni Jesus ang buong-kaluluwang paglilingkod.—Mateo 13:18-23; 22:37.
Kailangan na Kapootan ang Kabalakyutan
8, 9. Ano ang ilan sa mga bagay na kinapopootan ng Diyos, at paano maaaninaw sa atin ang ganoon ding pagkapoot?
8 Ang tumpak na kaalaman ay tumutulong din sa atin na maunawaan kung anong mga bagay ang kinapopootan ni Jesus at ni Jehova. (Hebreo 1:9; Isaias 61:8) “May anim na bagay na kinapopootan si Jehova; oo, pito na kasuklam-suklam sa kaniyang kaluluwa: mga palalong mata, sinungaling na dila, at mga kamay na nagbububo ng dugong walang sala, puso na kumakatha ng masasamang akala, mga paa na matulin sa pagtakbo sa kasamaan, sinungaling na saksi na nagsasalita ng kabulaanan, at ang naghahasik ng pagtatalo sa gitna ng magkakapatid.” (Kawikaan 6:16-19) Ang mga saloobing ito at mga pag-uugali ay “kasuklam-suklam sa kaniyang kaluluwa.” Ang salitang Hebreo dito na isinaling “kasuklam-suklam” ay galing sa isang salita na nangangahulugang “marimarim, maalibadbaran,” “ayawan, gaya baga ng isang bagay na inaayawan ng lahat ng sentido; masuklam, mapoot na may kasamang mapusok na galit.” Samakatuwid upang tayo’y magkaroon ng pakikipagpayapaan sa Diyos, kailangang magkaroon tayo ng ganoon ding pagkasuklam.
9 Halimbawa, ilagan ang “mga palalong mata” at anumang pagpapakita ng kapalaluan. Pagkatapos mabautismuhan ang iba ay nag-iisip na hindi na nila kailangan ang regular na pagtulong sa kanila niyaong mga nagturo sa kanila. Subalit ang mga baguhang Kristiyano ay dapat mapakumbabang tanggapin ang tulong samantalang sila’y nagiging matibay sa katotohanan. (Galacia 6:6) At, iwasan din ang pagtitsismis, na madaling maging sanhi ng “pagtatalo sa gitna ng magkakapatid.” Sa pamamagitan ng pagkakalat ng nakasisirang mga tsismis, pamimintas na walang batayan, o mga kabulaanan, maaaring tayo’y hindi “nagbububo ng dugong walang sala,” subalit tiyak na maaari nating ‘masira’ ang mabuting pangalan ng iba. Tayo’y walang pakikipagpayapaan sa Diyos kung tayo’y walang pakikipagpayapaan sa ating mga kapatid. (Kawikaan 17:9; Mateo 5:23, 24) Sinasabi rin ng Diyos sa kaniyang Salita na “siya’y napopoot sa paghihiwalay.” (Malakias 2:14, 16) Kung gayon, kung ikaw ay may asawa, sinisikap mo bang panatilihing matatag ang iyong kalagayang pagkamay-asawa? Ang pag-alembong at pakikipagkarinyuhan sa asawa ng iba ay kasuklam-suklam ba sa iyo? Ikaw ba, tulad ni Jehova, ay napopoot sa seksuwal na imoralidad? (Deuteronomio 23:17, 18) Ang pagkapoot sa ganiyang mga gawain ay hindi madali, yamang ang mga ito ay kaakit-akit sa ating makasalanang laman, at sinasang-ayunan ng sanlibutan.
10. Paano natin mapauunlad ang pagkapoot sa kabalakyutan?
10 Bilang isang tulong sa pagpapaunlad ng pagkapoot sa kabalakyutan, iwasan na manood ng mga palabas sa sine, sa TV, o magbasa ng mga babasahin na ang itinatampok ay espiritismo, imoralidad, o karahasan. (Deuteronomio 18:10-12; Awit 11:5) Ang mga gawang masama ay ginagawa na waring ‘hindi naman gayong kasama’ o ginagawang katawa-tawa, kaya ang gayong libangan ay pumipigil sa pagsisikap na mapaunlad ang maka-Diyos na pagkapoot doon. Sa kabilang dako, ang taimtim na panalangin ay tutulong, sapagkat sinabi ni Jesus: “Manalangin kayong patuluyan, upang huwag kayong magsipasok sa tukso. Kung sa bagay, ang espiritu ay may ibig, ngunit mahina ang laman.” (Mateo 26:41) Nang siya’y mapaharap sa isang matinding pita ng laman, isang Kristiyano ang nagsabi: “Pinipilit kong ako’y manalangin. Kung minsan nadarama kong hindi ako karapat-dapat na lumapit kay Jehova, subalit sa pagpilit ko sa aking sarili na gawin iyon, sa pamamagitan ng pagmamakaawa sa kaniya, nakakamit ko ang lakas na kailangan ko.” Lalo mong madaling madarama kung bakit kinamumuhian ni Jehova ang gawang masama kung sasariwain mo sa iyong isip ang masaklap na mga bunga nito.—2 Pedro 2:12, 13.
11. Anong mga suliranin ang baka lumiligalig sa atin paminsan-minsan?
11 Bagaman may pakikipagpayapaan sa Diyos, paminsan-minsan ikaw ay maliligalig ng araw-araw na mga kagipitan at mga tukso at kahit na ng iyong sariling mga kahinaan. Tandaan, ginawa mo ang iyong sarili na isang natatanging target na tudlaan ni Satanas. Siya’y nakikipagbaka sa mga sumusunod sa mga utos ng Diyos at sila’y mga Saksi ni Jehova! (Apocalipsis 12:17) Kung gayon, paano, mapananatili ang kapayapaan sa iyong kalooban?
Pagharap sa mga Kadalamhatian na Sumisira ng Kapayapaan
12. (a) Ano ang kasaysayan na nasa likod ng Awit 34? (b) Paano inilalarawan ng Kasulatan ang damdamin ni David sa panahon ng kaniyang karanasang ito?
12 “Marami ang mga kadalamhatian ng matuwid,” isinulat ni David sa Awit 34:19. Sang-ayon sa pahiwatig tungkol sa awit na ito Aw 34:Sup, isinulat ito ni David pagkatapos na siya’y mapasa-bingit ng kamatayan. Sa pagtakas kay Haring Saul, si David ay humanap ng kanlungan kay Achish, ang Filisteong hari ng Gath. Si David ay nakilala ng mga utusan ng hari at, sa pagkaalala nila ng kaniyang nakalipas na mga tagumpay para sa Israel, sila’y nagreklamo kay Achish. Nang maulinigan ni David ang pag-uusap, kaniyang “iningatan sa kaniyang puso ang mga salitang ito, at siya’y natakot na mainam kay Achish na hari ng Gath.” (1 Samuel 21:10-12) Siyanga pala, ito ang sariling bayan ni Goliath at napatay ni David ang kanilang bayani—at dala pa nga niya ang tabak ng higante! Gagamitin kaya nila ang malaking tabak na ito upang pugutan siya ng ulo? Ano ang maaaring gawin noon ni David?—1 Samuel 17:4; 21:9.
13. Ano ang ginawa ni David sa panahon ng kaniyang kadalamhatiang ito, at paano natin siya matutularan?
13 Si David ay nagsumamo sa Diyos sa pamamagitan ng matinding paghingi ng tulong. “Ang napipighating ito ay nanawagan, at si Jehova mismo ang duminig. At sa lahat ng kaniyang paghihirap ay Kaniyang iniligtas siya,” ang sinabi ni David. Sinabi rin niya: “Sa lahat ng aking kabagabagan ay iniligtas niya ako.” (Awit 34:4, 6, 15, 17) Ikaw ba’y natuto rin na magsumamo kay Jehova, na ibinubuhos ang laman ng iyong puso sa mga sandali ng pagkabalisa? (Efeso 6:18; Awit 62:8) Bagaman ang iyong sariling paghihirap ay maaaring hindi naman kasinlubha ng dinanas ni David, gayunma’y mapatutunayan mo na tutulungan ka ng Diyos sa tamang panahon. (Hebreo 4:16) Subalit higit pa ang ginawa ni David kaysa manalangin lamang.
14. Paano ginamit ni David ang “kakayahang mag-isip,” at ano ang inilaan ng Diyos upang tulungan tayo na gumawa rin ng gayon?
14 “Siya [si David] ay nagkunwaring nasisiraan ng bait sa harap nila at nagsimulang kumilos na parang baliw. . . . Sa wakas ay sinabi ni Achish sa kaniyang mga utusan: ‘Narito, tingnan ninyo ang lalaki ay ulol. Bakit nga ninyo dinala siya sa akin?’ ” (1 Samuel 21:13-15) Si David ay nakaisip ng isang pamamaraan na ginamit niya upang makatakas. Pinagpala naman ni Jehova ang kaniyang pagsisikap. Gayundin naman, pagka tayo’y napaharap sa mabibigat na problema, inaasahan ni Jehova na gagamitin natin ang ating pag-iisip at hindi basta lamang aasahan natin na siya ang lulutas niyaon para sa atin. Kaniyang ibinigay sa atin ang kaniyang kinasihang Salita, na “nagbibigay sa mga walang karanasan ng talino, . . . kaalaman at kakayahang mag-isip.” (Kawikaan 1:4; 2 Timoteo 3:16, 17) Ang Diyos ay naglaan din naman ng mga matatanda sa kongregasyon, na tutulong sa atin na makaalam kung paano tayo patuloy na makasusunod sa mga pamantayan ng Diyos. (1 Tesalonica 4:1, 2) Malimit, ang mga lalaking ito ay tutulong sa iyo sa pagsasaliksik sa mga publikasyon ng Watch Tower Society para makatulong sa iyo na gumawa ng tamang pasiya o harapin ang isang problema.
15. Bakit ang Awit 34:18 ay nakaaaliw?
15 Kahit na kung nagdadalamhati ang ating puso dahilan sa ating sariling mga kahinaan o mga kabiguan, kung taglay natin ang tamang saloobin, tayo’y makapananatiling may pakikipagpayapaan sa Diyos. Si David ay sumulat sa Awit 34:18: “Si Jehova ay malapit sa kanila na may bagbag na puso; at silang may nagsisising diwa ay kaniyang inililigtas.” Kung tayo’y hihingi ng kapatawaran at gagawa ng kinakailangang mga hakbang upang ituwid ang mga pagkakamali (lalo na yaong malubhang pagkakasala), si Jehova ay mananatiling malapit sa atin, at aaliwin tayo.—Kawikaan 28:13; Isaias 55:7; 2 Corinto 7:9-11.
Ang Personal na Kaalaman ay Nagbibigay ng Kapayapaan
16. (a) Ano ang isa pang paraan upang matamo natin ang tumpak na kaalaman sa Diyos? (b) Ipaliwanag ang pangungusap ni David na: “Iyong tikman at tingnan ninyo na si Jehova ay mabuti.”
16 Ang isa pang paraan upang matamo natin ang tumpak na kaalaman sa Diyos, bukod sa pagkuha ng espirituwal na impormasyon, ay sa pamamagitan ng ating personal na pagkaranas ng kaniyang maibiging tulong. (Awit 41:10, 11) Ang pagkaligtas sa kahirapan ay hindi laging nangangahulugan ng agad-agad o lubos na pagkatapos ng isang problema; baka kakailanganin na patuloy na pagtiisan mo iyon. (1 Corinto 10:13) Bagaman ang buhay ni David ay iniligtas sa Gath, siya’y nanatiling isang takas sa loob ng mga ilang taon, anupa’t napapaharap sa sunud-sunod na panganib. Sa lahat ng iyon, nadama ni David ang pangangalaga at pagtangkilik sa kaniya ni Jehova. Kaniyang itinaguyod at nasumpungan naman niya ang pakikipagpayapaan sa Diyos, at kaniyang napag-alaman na yaong mga gumagawa ng gayon “ay hindi magkukulang sa anumang mabuti.” Sa pagkatanto sa pamamagitan ng personal na karanasan kung paano siya tinangkilik ni Jehova sa panahon ng kadalamhatian, kaya naibulalas ni David: “Inyong tikman at tingnan ninyo na si Jehova ay mabuti, O kayong mga tao; maligaya ang matipunong tao na nanganganlong sa kaniya.”—Awit 34:8-10, 14, 15.
17. Sa panahon ng isang sakuna, ano ang naging epekto nito sa isang pamilya na nanganganlong kay Jehova?
17 Sa pamamagitan ng panganganlong kay Jehova sa panahon ng kahirapan ay iyong ‘matitikman at makikita na si Jehova ay mabuti.’ Dahilan sa isang aksidente, isang Kristiyano sa bandang kalagitnaang kanluran sa Estados Unidos ang nawalan ng trabaho na may malaking suweldo at ginawa niya nang may 14 na taon. Palibhasa’y wala silang kita, siya at ang kaniyang pamilya ay nanalangin sa Diyos. Kasabay nito, sila’y nagbawas din ng gastusin, namulot sa karatig na mga bukid, at nanghuli ng isda para makain. Sila’y tinulungan ng mga iba sa kongregasyon at tumatanggap din sila ng trabahong part-time pagka mayroon nito, kaya naman ang pamilyang ito na binubuo ng apat katao ay natustusan din. Isang taon pagkaraan ng aksidente, ang ina ay nagmuni-muni ng ganito: “Puwede sana naming dayain ang aming sarili sa pag-iisip na kami ay kay Jehova umaasa, gayong ang totoo’y umaasa kami sa aming sariling abilidad, sa aming kasama, o sa aming trabaho. Subalit, sa totoo’y natuto kaming magtiwala sa walang iba kundi sa Kaniya. Ang mga iba pang bagay na ito ay maaaring maiwala, subalit kailanman ay hindi kami pinababayaan ni Jehova—kahit na sa isang saglit. Bagama’t wala kami kundi ang sapat-sapat lamang, ang aming relasyon kay Jehova bilang isang pamilya ay naging lalong malapit.”
18. Ano ang tutulong sa iyo upang mapagtiisan kahit na ang patu-patuloy na mga problema?
18 Oo, baka palaging may problema ka sa pananalapi. O baka ang isa ay palaging pinahihirapan ng isang talamak na karamdaman; ng di-pagkakaunawaan; ng pagkaligalig ng emosyon, tulad halimbawa ng pamamanglaw; o marami pang mga ibang problema. Gayunman, dahil sa tunay na pagkakilala sa Diyos,ikaw ay magkakaroon ng pananampalataya sa kaniyang pagtangkilik sa iyo. (Isaias 43:10) Ang di-masisirang pagtitiwalang ito ay tutulong sa iyo na magtiis at magkaroon ng “kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip.”—Filipos 4:7.
19. Paano natin nalalaman na hindi biru-biro kay Jehova ang ating mga pagdurusa?
19 Pagka dumaranas ng isang nakaliligalig na karanasan, huwag kalilimutan na alam ni Jehova na ikaw ay nagdurusa. Sa isang awit na kinumpuwesto rin nang siya’y nagbubulay-bulay ng kaniyang karanasan sa Gath, idinalangin ni David kay Jehova: “Ilagay mo ang aking mga luha sa iyong botelya. Wala ba sila sa iyong aklat?” (Awit 56:8) Tiyak, pinakinggan ng Diyos ang panalangin ni David. Anong laking kaaliwan na malaman na titipunin ng Diyos ang gayong mga luha na likha ng pamimighati at kabalisahan at ang mga ito ay ilalagay, wika nga, sa kaniyang botelya, gaya ng kung paano ang isa’y magbubuhos ng mamahaling alak o inuming tubig sa gayong sisidlan! Ang gayong mga luha ay laging maaalaala, oo, isusulat sa aklat ng Diyos. Anong pagkalumanay nga ng pagmamahal ni Jehova kung tungkol dito!
20. Paano natin mapapalawak ang ating pakikipagpayapaan sa Diyos?
20 Samakatuwid ang iyong bautismo ay pasimula lamang ng isang mapayapang kaugnayan sa Diyos. Sa pamamagitan ng higit pang pagkaalam ng personal na mga katangian ng Diyos at ni Jesus, at personal na pagkaranas ng pag-alalay sa iyo ni Jehova sa panahon ng mga pagsubok, mapalalawak mo pa ang iyong pakikipagpayapaan sa Diyos. Ang iyong kaugnayan kay Jehova ay hindi lamang magsisilbing isang kanlungan at kasiguruhan ngayon kundi ikaw ay magkakaroon din ng magandang pag-asa na mabuhay magpakailanman sa Paraiso, na kung saan ikaw ay “lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:11, 29.
[Talababa]
a Sang-ayon sa Talmud, ang sinaunang mga rabbi ay nagpayo na ang isang iskolar ay “hindi dapat makipag-usap sa isang babae sa kalye.” Kung ang ganitong ugali ay uso noong kaarawan ni Jesus, baka ito ang dahilan kung bakit ang kaniyang mga alagad ay “nangagtaka dahil sa siya’y nakikipag-usap sa isang babae.”—Juan 4:27.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Sa anu-anong paraan matatamo natin ang tumpak na kaalaman sa Diyos at kay Jesus?
◻ Dahil sa pagtulad sa Diyos at kay Jesus ay magagawa natin ang ano?
◻ Paano natin matutularan ang pagkapoot ng Diyos sa masama?
◻ Paano tayo makapananatili sa kapayapaan sa kabila ng mga kahirapan?
[Larawan sa pahina 17]
Hindi pinayagan ni Jesus na ang pagtatangi ng lahi ay makahadlang sa kaniyang pagpapatotoo. Iyo bang tinutularan ang kaniyang sigasig sa pangangaral?
[Mga larawan sa pahina 18]
Pagka napaharap sa isang malubhang problema, si David ay nananalangin kay Jehova . . . .at nagkunwaring baliw upang magbalak na makatakas. Dininig ni Jehova ang panalangin ni David