Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 6/1 p. 5-7
  • Matiyagang Maghintay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Matiyagang Maghintay
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mag-isip Nang Malinaw
  • Hindi Mabagal ang Diyos
  • Mas Malakas Mangusap ang Gawa Kaysa sa Salita
  • Patiunang Kaalaman
  • “Panatilihin ang Inyong mga Sarili sa Pag-ibig ng Diyos”
  • Ingatang Malapit sa Isipan ang Araw ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Manghawakan Tayong Mahigpit sa Ating Mahalagang Pananampalataya!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Aklat ng Bibliya Bilang 61—2 Pedro
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Tinuruan Siya ng Panginoon na Maging Mapagpatawad
    Tularan ang Kanilang Pananampalataya
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 6/1 p. 5-7

Matiyagang Maghintay

ANG pastol na paulit-ulit na sumisigaw ng “Lobo!” gayong wala namang lobo ay nakapansin na hindi na siya pinakinggan nang humingi siyang muli ng tulong. Gayundin sa ngayon, marami ang hindi na nakikinig sa napipintong araw ni Jehova sapagkat hindi na mabilang ang mga babalang narinig nila na napatunayang hindi naman totoo. Ang mismong bagay na napakarami na ang hindi makaunawa kung aling babala ang tunay at sa gayo’y pakinggan iyon ay sinamantala naman ng mahigpit na kaaway ng Diyos, si Satanas, ang huwad na “anghel ng liwanag.”​—2 Corinto 11:14.

Ang pagiging kampante ay magiging mapanganib kahit doon sa mga matagal-tagal na ring naglilingkod kay Jehova. Bakit? Tingnan ang babala ni apostol Pedro noong unang siglo.

Mag-isip Nang Malinaw

Ang ikalawang kinasihang liham ni Pedro ay isang paalaala sa sinaunang mga Kristiyano, at gayundin naman sa atin sa ngayon. “Mga iniibig,” isinulat niya, “ito na ngayon ang ikalawang liham na isinusulat ko sa inyo, na dito, gaya ng sa aking unang liham, ay ginigising ko ang inyong malinaw na kakayahan sa pag-iisip sa pamamagitan ng isang paalaala.” (2 Pedro 3:1) Anong saligan mayroon si Pedro para mabalisa nang ganito? Itinampok ni Pedro ang pagkakaroon ng mga manunuya na ang panunuya ay nagpapahina sa kinakailangang pagkadama ng pagkaapurahan sa panahon na kinabubuhayan ng mga lingkod ng Diyos. Ngayon na ang panahon upang mag-ingat na madaya ng mga manlilibak. Kaya nga hinihimok ni Pedro ang kaniyang mga mambabasa na ‘maalaala ang mga pananalitang sinalita noong una ng mga banal na propeta.’ (2 Pedro 3:2; Gawa 3:22, 23) Ano ba ang sinabi ng mga propeta?

Marami nang pagkakataon na binigyang-pansin ng mga tapat na lingkod ng Diyos kung paano winakasan ng mga kahatulan ng Diyos ang kabalakyutan. Pinaalalahanan ni Pedro ang kaniyang mga mambabasa hinggil sa Baha noong kaarawan ni Noe na ginamit ng Diyos bilang paraan ng pakikialam nang mapuno ng kasamaan ang lupa. Ang humuhugos na Delubyong iyon ang matagumpay na tumapos sa daigdig noong panahong iyon. Ngunit iniligtas ng Diyos si Noe at ang kaniyang pamilya sa isang daong kasama ng kinatawang nabubuhay na mga kinapal “sa bawat uri ng laman.” Binigyang-patotoo ng malaganap na mga alamat ang katotohanan ng ulat ng Bibliya.a​—Genesis 6:19; 2 Pedro 3:5, 6.

Tinawag ni Pedro ang pakikialam na iyan ng Diyos na ‘isang katotohanan na nakalampas sa pansin’ ng ilang tao. Pagkatapos ang iba ay ipinaghele ng mga manunuya noon tungo sa pagiging kampante. Gayunman, hindi kailanman dapat kalimutan ang nagawa na ni Jehova. Sinabi sa atin ni Pedro: “Sa pamamagitan ng gayunding salita ang mga langit at ang lupa sa ngayon ay nakalaan sa apoy at itinataan sa araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-maka-Diyos.” (2 Pedro 3:7) Oo, muling magaganap ang pakikialam ng Diyos.

Hindi Mabagal ang Diyos

Lumipas na ang libu-libong taon. Bakit kinailangan pang maghintay ang Diyos ng napakahabang panahon upang lutasin ang mga problema ng sangkatauhan? Muli, idiniin ni Pedro ang isa pang katotohanan. Sabi niya: “Huwag palampasin sa inyong pansin ang isang katotohanang ito, mga iniibig, na ang isang araw kay Jehova ay gaya ng isang libong taon at ang isang libong taon ay gaya ng isang araw.” (2 Pedro 3:8) Iba ang tingin ni Jehova sa panahon kaysa sa atin. Sa walang-hanggang Diyos, ang panahon mula nang lalangin si Adan hanggang sa ngayon ay hindi man lamang umabot ng isang linggo. Ngunit anuman ang tingin natin sa panahon, bawat milenyo at bawat araw na magdaan ay nagdadala sa atin papalapit sa pagsasakatuparan ng layunin ni Jehova.

Ang kasabihang “kung basta hinihintay lang, lalo itong nagtatagal” ay nagpapahiwatig na ang basta paghihintay lamang sa isang pangyayari ay waring nagpapaantala sa kaganapan nito. Gayunman, iminungkahi ni Pedro na ‘maghintay at ingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.’ (2 Pedro 3:12) Paano tayo magkakaroon ng isang saloobin na magpapanatili sa atin na maging alerto sa napipintong pakikialam ng Diyos?

Mas Malakas Mangusap ang Gawa Kaysa sa Salita

Itinutuon ni Pedro ang pansin sa gawa at kilos. Tinutukoy niya ang “banal na mga paggawi” at “mga gawa ng maka-Diyos na debosyon.” (2 Pedro 3:11) Ano ang nasasangkot dito?

Ang tunay na lingkod ng Diyos ay kumikilos sa isang paraan na nakalulugod sa Kaniya. Ang pananampalataya ng gayong tunay na mananamba ay naaaninag sa kaniyang paggawi. Ito’y nagpapakilala ng kaniyang kaibahan sa mga basta nagsasabi lamang ng pananampalataya sa Diyos at sa kaniyang mga pangako. Marahil ay napapansin mong naiiba ang mga Saksi ni Jehova dahil sa kanilang pangmadlang ministeryo. Sila’y dumadalaw sa inyong tahanan upang ituon ang pansin sa mga pangako ng Diyos na nakabalangkas sa Bibliya. Ngunit nagpapatotoo rin sila sa kanilang mga pag-asa at paniniwala saanman nila masumpungan ang mga tao.

Ang Saksing abala sa paghahayag ng kaniyang pananampalataya sa iba ay lalong nagpapatibay at nagpapalakas sa kaniyang mga paniniwala. Ang paghahayag ay nagpapasigla ng damdamin at kasabay nito’y nagdudulot ng panloob na kagalakan at kapanatagan. Kapag ipinahahayag natin ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, napaluluguran din natin si Jehova. Alam natin na siya’y ‘hindi liko upang kalimutan ang ating gawa at ang pag-ibig na ipinakita natin para sa kaniyang pangalan,’ gaya ng sinabi ng kasamahan ni Pedro na si apostol Pablo.​—Hebreo 6:10; Roma 10:9, 10.

Ano ang naging resulta ng pagmamalasakit na ito na mapalaganap ang mabuting balita ng Kaharian sa naghihingalo nang mga araw ng kasalukuyang balakyot na sistema? Daan-daang libong tapat-pusong mga tao ang natututo kung paano sila mapapalapit kay Jehova, kung paano makikinabang sa kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan at makasusumpong ng tunay na kaligayahan sa pag-asang mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa.

Patiunang Kaalaman

Bagaman nalaman natin mula sa Bibliya na ang Diyos na Jehova ay makikialam sa kaniyang takdang panahon, kailangan nating makinig sa isa pang babala na ibinibigay ni Pedro. “Yamang taglay ang patiunang kaalamang ito, maging mapagbantay kayo upang hindi kayo mailayong kasama nila sa pamamagitan ng pagkakamali ng mga taong sumasalansang-sa-batas at mahulog mula sa inyong sariling katatagan.”​—2 Pedro 3:17.

Tiyak na alam na antimano ni Jehova na ang ilan na walang matibay na pananampalataya ay panghihinaan ng loob dahil sa waring pagkaantala ng pakikialam ng Diyos. Alam din niya na maaaring pasamain ng impluwensiya ng di-makadiyos na mga tao ang kaniyang tunay na mga lingkod o, sa paano man, maaaring pahinain ang kanilang paniniwalang malapit na ang pagpapabanal sa pangalan ng Diyos. Tunay na magiging isang malaking trahedya na mahulog mula sa pagiging matatag sa mga huling araw na ito!

Hindi na ngayon ang panahon na mag-alinlangan pa sa gagawin ni Jehova. (Hebreo 12:1) Sa halip, ngayon na ang panahon para lalong pahalagahan ang naging bunga ng pagtitiyaga ni Jehova​—ang pag-asa ng kaligtasan para sa milyun-milyon na nagiging bahagi ng internasyonal na malaking pulutong at nananabik na makaligtas sa dumarating na malaking kapighatian. (Apocalipsis 7:9, 14) Nagpayo si Pedro: “Patuloy kayong lumago sa di-sana-nararapat na kabaitan at kaalaman sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo. Sumakaniya ang kaluwalhatian kapuwa ngayon at sa araw ng walang-hanggan.”​—2 Pedro 3:18.

“Panatilihin ang Inyong mga Sarili sa Pag-ibig ng Diyos”

Ang pagiging abala sa pangangaral ng Kaharian at regular na pagdalo sa mga pulong Kristiyano para sa pagsamba at pag-aaral ng Salita ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng proteksiyon. Kaya nga, mawawalan na tayo ng panahon sa labis na pagkabahala tungkol sa lumulubhang kalagayan ng balakyot na sistema sa ngayon. Ang takot at kabalisahan ay hindi kailangang manaig sa buhay ng tunay na mga Kristiyano. (1 Corinto 15:58) Habang lalo tayong abala sa paglilingkod kay Jehova, lalo namang bumibilis ang paglipas ng panahon.

Si Judas, ang kapanahon ni Pedro at kapatid ni Jesus sa ina, ay nagpayo sa atin: “Kayo, mga iniibig, sa pamamagitan ng pagpapatibay ng inyong mga sarili sa inyong kabanal-banalang pananampalataya, at pananalangin taglay ang banal na espiritu, ay panatilihin ang inyong mga sarili sa pag-ibig ng Diyos, habang kayo ay naghihintay sa awa ng ating Panginoong Jesu-Kristo ukol sa buhay na walang-hanggan.” (Judas 20, 21) Pansinin ang kahalagahan ng isang positibong saloobin na pinauunlad ng matiyagang pananalangin. (1 Tesalonica 5:17) Pagkatapos ay idinagdag ni Judas: “Patuloy na magpakita ng awa sa ilan na may mga pag-aalinlangan; iligtas ninyo sila sa pamamagitan ng pag-agaw sa kanila mula sa apoy. Subalit patuloy na magpakita ng awa sa iba, na ginagawa ang gayon nang may takot, habang kinapopootan ninyo maging ang panloob na kasuutan na narumhan ng laman.” (Judas 22, 23) Talagang kailangang-kailangan na magpatibayan sa isa’t isa sa mahirap na panahong ito! At talagang mahalaga na huwag mahulog sa tukso, anupat ginagamit ang pinahabang “araw ng kaligtasan” na ito bilang dahilan para sa “mahalay na paggawi,” na ngayo’y napakapalasak na sa balakyot na kalagayang moral ng daigdig sa ngayon.​—Judas 4; 2 Corinto 6:1, 2.

Sa pakikinig sa maibiging payo nina Pedro, Pablo, at Judas at sa pagiging abala at aktibo sa paglilingkod sa Diyos, ikaw ay matiyagang makapaghihintay sa pakikialam ni Jehova. Pero gagawin mo kaya iyon?

Huwag mag-atubiling makipag-alam sa mga Saksi sa inyong lugar para tulungan kang mapatibay ang iyong pananampalataya sa pangako ng Maylalang na walang-hanggang buhay. Alamin ang kahilingan upang maging kuwalipikadong makibahagi sa di-na-mauulit na pagpapatotoong ito sa buong globo na matatapos sa dumarating na malaking kapighatian. (Marcos 13:10) Kung gayon ay matatamo mo ang pag-asang mabuhay sa bagong sanlibutan ng katuwiran na ipinangako ni Jehova. (2 Pedro 3:13) Bigyang-pansin ang kaniyang mga paalaala! Matiyagang maghintay! Maging abala!

[Talababa]

a Pakisuyong tingnan ang aklat na Ang Bibliya​—Salita ng Diyos o ng Tao?, pahina 116, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 7]

Alamin na ngayon ang tungkol sa mga pangako ng Diyos hinggil sa Paraiso

[Picture Credit Line sa pahina 5]

Lobo: Animals/Jim Harter/Dover Publications, Inc.; batang pastol: Children: A Pictorial Archive from Nineteenth-Century Sources/Grafton/Dover Publications, Inc.,

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share