Nagpapadala ang Gilead ng mga Misyonero “Hanggang sa Pinakamalayong Bahagi ng Lupa”
SA LOOB ng mahigit sa kalahating siglo na ngayon, ang Watchtower Bible School of Gilead ay patuloy na nagpapadala ng mga misyonero. Noong Setyembre 11, 1999, nagtapos ang ika-107 klase ng Gilead. Binubuo ito ng 48 estudyante mula sa 11 bansa, at ang mga ito ay inatasan upang maglingkod sa 24 na iba’t ibang lupain. Makakasama nila ang libu-libong iba pang mga misyonero, na gumanap ng mahalagang papel sa pagtupad ng mga huling salita ni Jesus bago umakyat sa langit. Inihula niya na ang kaniyang mga alagad ay “magiging mga saksi [niya] . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”—Gawa 1:8.
Ang programa ng gradwasyon, na ginanap sa Watchtower Educational Center sa Patterson, New York, ay tunay na isang malaking okasyon sa magandang kapaligiran. Masayang-masaya ang mga estudyanteng nagtapos sa pagdalo ng kanilang mga kamag-anak, matatalik na kaibigan, at mga panauhin. Kabilang ang mga nakinig at nagmasid sa pamamagitan ng video at audio na nakakonekta sa mga gusali sa Brooklyn at Wallkill, ang kabuuang dumalo ay 4,992.
Paglingkuran si Jehova at ang Kapuwa Nang May Katapatan
“Sino ang Nasa Panig ni Jehova?” Iyan ang paksa ng pambungad na mga pananalita ni Carey Barber, miyembro ng Lupong Tagapamahala at tsirman ng programa ng gradwasyon. Ipinaliwanag niya na ito ang usapin na napaharap sa mga Israelita noong kaarawan ni Moises. Napaalalahanan ang mga estudyanteng nagtapos at yaong mga dumalo na marami sa mga Israelita ang namatay sa iláng dahil hindi sila nanatiling may katapatan sa panig ni Jehova. Pagkatapos maging biktima ng idolatriya, sila’y “umupo upang kumain at uminom. Nang magkagayon ay tumindig sila upang magkasayahan.” (Exodo 32:1-29) Nagbabala si Jesus sa mga Kristiyano sa katulad na panganib: “Ngunit bigyang-pansin ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi kailanman mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang ang araw na iyon ay kagyat na mapasa-inyo.”—Lucas 21:34-36.
Ang sumunod na tagapagsalita, si Gene Smalley, ng Writing Department, ay nagtanong sa nagtapos na mga estudyante: “Kayo ba’y Magiging Isang Paregoric?” Ipinaliwanag niya na ang salitang Griego na pa·re·go·riʹa ay ginamit sa Ingles na pangalan para sa isang halo ng gamot na nagpapakalma sa sakit. Gayunman, ginamit ni apostol Pablo ang madamdaming salitang Griegong ito sa Colosas 4:11 upang ilarawan ang kaniyang mga kamanggagawa. Sa New World Translation, ang salitang ito ay isinalin na “isang tulong na nagpapalakas.”
Sa kanilang mga atas ay maaaring maging makabagong-panahong mga paregoric sa makatotohanang paraan ang nagtapos na mga misyonero sa pamamagitan ng may kapakumbabaang pagiging nagpapalakas na tulong sa lokal na mga kapatid na lalaki at babae at sa pamamagitan ng pagpapaaninaw ng espiritu ng pakikipagtulungan at pag-ibig sa pakikisama sa mga kapuwa misyonero.
Sumunod na nagsalita si Daniel Sydlik, miyembro ng Lupong Tagapamahala, sa paksang “Mamuhay Ayon sa Ginintuang Alituntunin.” Ipinaliwanag niya na ang mataas na simulain na isinaad ni Jesus sa Mateo 7:12, na “lahat ng mga bagay . . . na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila,” ay nagsasangkot ng paggawa ng positibong mga bagay para sa iba, hindi lamang basta pag-iwas sa paggawa nang nakapipinsala.
Upang maisagawa ito nang matagumpay, tatlong bagay ang kailangan: nakakakitang mata, madamaying puso, at matulunging kamay. Sa pagtatapos, sinabi niya: “Kapag nadarama natin ang pagnanais na tumulong, kailangang tumulong tayo kaagad. Kailangan nating gumawa ng ibayong pagsisikap upang gawin sa iba kung ano ang nais nating gawin nila para sa atin.” Ito’y lalo nang totoo sa mga misyonero na nagtutungo sa ibang lupain upang tulungan ang mga tao na magsagawa ng tunay na Kristiyanismo.
Nagbigay Nang Maiinit na Paalaala ang mga Instruktor
Ang instruktor ng Gilead na si Karl Adams ay nagpatibay sa mga misyonerong nagtapos na “Patuloy na Lumago.” Sa anu-anong paraan? Una, sa kaalaman at sa kakayahang gamitin ito nang mahusay. Sa Gilead, natutuhan ng mga estudyante kung paano magsaliksik upang makuha ang pinagmulan at pinangyarihan ng mga ulat sa Bibliya. Sila’y pinatibay na isaalang-alang kung paano dapat makaapekto sa kanilang buhay ang bawat ulat. Sila ay hinimok na patuloy nilang gawin ito.
“Ikalawa, patuloy na lumago sa pag-ibig. Ang pag-ibig ay isang bagay na, kapag inalagaan, lumalago. Kapag napabayaan, maaari itong mamatay,” sabi ni Kapatid na Adams. (Filipos 1:9) Ngayon, bilang mga misyonero, kailangan nilang lumago sa pag-ibig sa ilalim ng iba’t ibang kalagayan. At ikatlo: “Patuloy kayong lumago sa di-sana-nararapat na kabaitan at kaalaman sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo.” (2 Pedro 3:18) “Ito ang kamangha-manghang kabaitan na ipinamalas ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Anak,” ang sabi ng tagapagsalita. “Habang lumalago ang ating pagpapahalaga para sa di-sana-nararapat na kabaitang iyan, ang ating kaluguran ay lalago sa paggawa ng kalooban ng Diyos at sa pagsasakatuparan ng iniatas niya sa atin na gawin.”
Isa pang instruktor ng Gilead, si Mark Noumair, ang nagsalita sa temang “Tanggapin Ninyo Ito Nang May Pag-ibig, at Mababata Ninyo Ito.” Siya’y nagpaalaala: “Matutong tanggapin ang mapanghamong mga kalagayan sa buhay misyonero nang may pag-ibig, at makakayanan ninyong batahin ito. Dinidisiplina lamang ni Jehova yaong mga iniibig niya. Kahit nadarama ninyong ang isang payo ay di-makatuwiran, may kinikilingan, o walang-katarungan, ang pag-ibig kay Jehova at ang inyong kaugnayan sa kaniya ay makatutulong sa inyo na tanggapin ito.”
Binanggit ni Kapatid na Noumair na ang pagmimisyonero ay nagsasangkot ng maraming tungkulin. “Ngunit ang tungkulin na walang pag-ibig ay magpapangyari sa inyo na maging di-kontento. Kung walang pag-ibig, ang inyong mga tungkuling-bahay—tulad ng pagluluto, pamimili, paglilinis ng prutas, pagpapakulo ng tubig—ay magiging nakababagot. Kailangan ninyong huminto at tanungin ang inyong sarili, ‘Bakit ko ba ginagawa ang mga ito?’ Buweno, kung sasabihin mo sa iyong sarili, ‘Ang aking mga pagsisikap ay nakatutulong sa kalusugan at kaligayahan ng aking mga kapuwa misyonero,’ kung gayon hindi magiging mahirap na gawin ito.” Sa pagtatapos, siya’y masidhing nagpayo: “Maging ito man ay sa pagtanggap ng disiplina, sa pagtupad ng inyong mga pananagutang misyonero, o sa paglutas ng mga di-pagkakaunawaan, ang pagtanggap nito nang may pag-ibig ay makatutulong sa inyo na magbata sa inyong atas. ‘Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.’ ”—1 Corinto 13:8.
Sumunod ay pinangasiwaan ng instruktor ng Gilead na si Wallace Liverance ang pagsasadula ng ilang nakasisiyang mga karanasan na tinamasa ng mga estudyante habang gumagawang kasama ng lokal na mga kongregasyon. Karagdagan sa pagtungo sa bahay-bahay, ginamit nila ang kanilang pagsasanay misyonero sa paghanap sa mga tao sa mga hintuan ng trak, mga laundromat, mga istasyon ng tren, at iba pang mga lugar.
Nagbigay ng Katiyakan ang May Karanasang mga Misyonero
Kapag nagtungo ang mga bagong misyonero sa isang banyagang bansa, kailangan ba silang mabalisa? Kaya ba nilang harapin ang mga hamon ng isang banyagang atas? Ano ang ginagawa ng mga tanggapang pansangay upang tulungan ang mga bagong dating na ito na maging matagumpay? Upang sagutin ito at ang iba pang mga katanungan, kinapanayam ni Steven Lett, ng Service Department, at ni David Splane, ng Writing Department, ang mga kapatid na noon ay dumadalo sa paaralang pansangay sa Watchtower Educational Center. Ang mga kapatid na kinapanayam ay naglilingkod sa mga komite ng sangay sa Espanya, Hong Kong, Liberia, Benin, Madagascar, Brazil, at Hapon.
Ang makaranasang mga lingkod na ito ni Jehova, na marami sa kanila ay naglingkod bilang mga misyonero sa loob ng maraming dekada, ay nagbigay-muli ng katiyakan sa mga estudyante at gayundin sa kanilang mga magulang at mga kamag-anak na dumalo. Batay sa kanilang personal na karanasan at niyaong sa mga kapuwa misyonero, ipinakita nila na ang mga suliranin at mga alalahanin ay matagumpay na mapakikitunguhan. Maaaring malaki ang suliraning kanilang kinakaharap, “ngunit malulutas ito, at tinutulungan tayo ng Samahan,” ang komento ni Raimo Koukkanen, isang misyonero sa Madagascar. “Hindi namin pinili ang atas, tinanggap namin ito,” sabi ni Östen Gustavsson, na naglilingkod ngayon sa Brazil. “Kaya nagpasiya kaming gawin ang aming pinakamabuti upang makapanatili sa aming atas.” Si James Linton, na naglilingkod sa Hapon, ay nagsabi na ang nakatulong sa kaniya ay “ang pagkakaroon ng mga kapatid na dati nang naglilingkuran sa isang atas pangmisyonero.” Ang pagmimisyonero ay isang maligaya at nakasisiyang paraan ng paglilingkod kay Jehova at ng pangangalaga sa kaniyang tupa.
Pag-iwas sa Salot na Pumapatay sa Espirituwalidad
Si Theodore Jaracz, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, na nagtapos mismo sa ikapitong klase ng Gilead noong 1946, ang nagbigay ng pangwakas na pahayag, sa paksang “Ang Hamon sa Pagpapanatiling Buháy sa Espirituwal.” Tinukoy muna ang malulubhang kalupitan sa iba’t ibang panig ng daigdig, sinabi niya na sa katunayan, mas malulubhang kalamidad ang nagaganap sa sangkatauhan.
Sa pagtukoy sa Awit 91, ipinakilala ni Kapatid na Jaracz ang “salot” at “pagkapuksa” na nagbunga ng espirituwal na pagkakasakit at pagkamatay ng milyun-milyon sa palibot natin. Ang Diyablo at ang kaniyang balakyot na sistema ay gumagamit ng tulad-salot na propaganda, batay sa intelektuwalismo at materyalismo, upang pahinain at patayin ang espirituwalidad, ngunit tinitiyak sa atin ni Jehova na ang salot na ito ay hindi makalalapit sa “sinumang tumatahan sa lihim na dako ng Kataas-taasan.”—Awit 91:1-7.
“Ang hamon,” sabi ni Kapatid na Jaracz, ay “manatiling malusog sa pananampalataya, ang manatiling nasa dako ng katiwasayan. Hindi tayo maaring maging tulad ng mga manunuya ‘na walang espirituwalidad.’ Isa itong suliranin sa ngayon. Ito ang isa na napapaharap sa ating lahat sa loob ng organisasyon. Ito’y maaari ring mapaharap sa inyo sa inyong atas pangmisyonero.” (Judas 18, 19) Ngunit binanggit sa mga misyonerong nagtapos na makapagtatagumpay silang mapanatili ang espirituwalidad sa kanilang mga atas. Halimbawa, sila’y hinimok na isaalang-alang kung paano nagbabata ang ating mga kapatid sa Russia, sa Asia, at sa mga lupain ng Aprika—sa kabila ng mga pagbabawal, matinding pagsalansang, panunuya, propaganda ng mga ateista, at maling mga paratang. At, sa maraming kaso, idagdag pa ang mga suliraning pisikal, na dala ng alitang etniko at kakulangan ng mga pangangailangan.
Kapag nanghihina sa espirituwalidad, “mahalaga na bigyang pansin ang sanhi ng suliranin at pagkatapos ay lunasan ito, na ginagamit ang payo ng Salita ng Diyos.” Nagbigay ng mga halimbawa sa Bibliya. Si Josue ay pinatibay na basahin ang kaniyang kopya ng Kautusan nang pabulong sa araw-araw. (Josue 1:8) Nang masumpungan ang aklat ng Kautusan noong kaarawan ni Josias, pinagpala ni Jehova ang matapat na pagkakapit ng mga tagubilin nito. (2 Hari 23:2, 3) Alam ni Timoteo ang banal na mga kasulatan mula sa kaniyang pagkasanggol. (2 Timoteo 3:14, 15) Ang mga taga-Berea ay higit pa sa basta mabubuting tagapakinig; sila ay itinuring na “mararangal ang pag-iisip” dahil sinuri nila ang Kasulatan sa araw-araw. (Gawa 17:10, 11) At si Jesu-Kristo ang pangunahing halimbawa ng isa na nakaaalam at gumamit ng Salita ng Diyos.—Mateo 4:1-11.
Sa pagtatapos, mainit na pinaalalahanan ni Kapatid na Jaracz ang bagong mga misyonero: “Ngayon ay handa na kayo na isagawa ang inyong atas pangmisyonero. At kayo ay mangingibang bayan, sa isang napakaliteral na diwa, sa maraming iba’t ibang bahagi ng daigdig. Kung tatanggapin natin ang hamon na manatiling buháy sa espirituwal, kung gayon ay hindi natin hahayaang hadlangan tayo ng anuman sa pagsasagawa natin ng napagpasiyahan nating gawin. Kayo’y mangangaral nang may kasigasigan, pupukaw sa iba na tularan ang inyong pananampalataya, at idadalangin namin kasabay ninyo na yaong inyong tuturuan, ay bubuhayin ni Jehova gaya ng ginawa niya sa atin. Sa gayon ay marami pa ang makaliligtas sa espirituwal na kalamidad na ngayo’y nananalanta sa buong daigdig. Makakasama natin sila sa lumalaking bilang upang gawin ang kalooban ni Jehova. At nawa’y pagpalain kayo ni Jehova sa layuning iyan.”
Pagkatapos na basahin ng tsirman ang mga pagbati mula sa iba’t ibang bansa sa palibot ng daigdig, dumating na ang oras para sa pagbibigay sa mga estudyanteng nagtapos ng kanilang mga diploma. Pagkatapos ay sumunod ang pagbasa ng isang mainit na liham ng pagpapahalaga na isinulat ng mga estudyante. Kay laking pasasalamat nila kay Jehova at sa kaniyang organisasyon dahil sa pantanging pagsasanay na tinanggap nila at para sa kani-kanilang mga atas bilang mga misyonero na magtutungo “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa”!—Gawa 1:8.
[Kahon sa pahina 29]
Estadistika ng Klase
Bilang ng mga bansang may kinatawan: 11
Bilang ng mga bansang pinagdestinuhan: 24
Bilang ng mga estudyante: 48
Bilang ng mga mag-asawa: 24
Katamtamang edad: 34
Katamtamang taon sa katotohanan: 17
Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 12
[Larawan sa pahina 26]
Ang Ika-107 Klase na Nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay may bilang mula sa unahan, at itinala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.
1. Peralta, C.; Hollenbeck, B.; Shaw, R.; Hassan, N.; Martin, D.; Hutchinson, A. 2. Edwards, L.; Vezer, T.; Ceruti, Q.; Entzminger, G.; D’Aloise, L.; Baglieri, L. 3. Knight, P.; Krause, A.; Kasuske, D.; Rose, M.; Friedl, K.; Nieto, R. 4. Rose, E.; Backus, T.; Talley, S.; Humbert, D.; Bernhardt, A.; Peralta, M. 5. D’Aloise, A.; Humbert, D.; Dunn, H.; Gatling, G.; Shaw, J.; Ceruti, M. 6. Baglieri, S.; Krause, J.; Hollenbeck, T.; Martin, M.; Bernhardt, J.; Hutchinson, M. 7. Backus, A.; Dunn, O.; Gatling, T.; Vezer, R.; Knight, P.; Hassan, O. 8. Nieto, C.; Talley, M.; Friedl, D.; Kasuske, A.; Edwards, J.; Entzminger, M.