Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 7/1 p. 8-13
  • Gaano Katibay ang Inyong Paniniwala sa Pagkabuhay-Muli?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Gaano Katibay ang Inyong Paniniwala sa Pagkabuhay-Muli?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Pag-aalinlangan Tungkol sa Isang Buhay sa Hinaharap
  • Ang Pangmalas ng Sangkakristiyanuhan Tungkol sa Buhay Pagkatapos ng Kamatayan
  • Ang Tunay na Pag-asa ng mga Patay
  • Katawan at Kaluluwa
  • Ang Kaluluwa—Ikaw Ba? O Ito ba’y Nasa Loob Mo?
    Gumising!—1985
  • Magsagawa ng Pananampalataya Ukol sa Buhay na Walang-Hanggan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Ligtas ba sa Kamatayan ang Kaluluwa?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • May Epekto sa Iyong Buhay ang Iyong Pagkakilala sa Kaluluwa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 7/1 p. 8-13

Gaano Katibay ang Inyong Paniniwala sa Pagkabuhay-Muli?

“Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Siya na nagsasagawa ng pananampalataya sa akin, kahit na siya ay mamatay, siya ay mabubuhay.”​—JUAN 11:25.

1, 2. Bakit kailangang magtiwala ang isang mananamba ni Jehova hinggil sa pag-asa sa pagkabuhay-muli?

GAANO katibay ang inyong pag-asa sa pagkabuhay-muli? Pinatatatag ba kayo nito laban sa takot na mamatay at inaaliw kayo kapag namatayan kayo ng minamahal? (Mateo 10:28; 1 Tesalonica 4:13) Tulad ba kayo ng maraming lingkod ng Diyos noong unang panahon, na nagtiis ng mga pambubugbog, panlilibak, pagpapahirap, at mga gapos ng bilangguan, anupat pinalakas ng paniniwala sa pagkabuhay-muli?​—Hebreo 11:35-​38.

2 Oo, ang isang taimtim na mananamba ni Jehova ay hindi dapat mag-alinlangan na magkakaroon ng pagkabuhay-muli, at ang kaniyang pagtitiwala ay dapat makaapekto sa paraan ng kaniyang pamumuhay. Kahanga-hangang bulay-bulayin ang bagay na sa takdang panahon ng Diyos, ibibigay ng dagat, kamatayan, at ng Hades ang mga patay na nasa kanila, at tataglayin ng mga binuhay-muling ito ang pag-asa na mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa.​—Apocalipsis 20:13; 21:4, 5.

Mga Pag-aalinlangan Tungkol sa Isang Buhay sa Hinaharap

3, 4. Anong paniniwala ang taglay pa rin ng marami tungkol sa buhay pagkatapos ng kamatayan?

3 Matagal nang itinuturo ng Sangkakristiyanuhan na may buhay pagkatapos ng kamatayan. Ganito ang sabi ng isang artikulo sa magasing U.S. Catholic: “Sa paglipas ng panahon, sinikap ng mga Kristiyano na makayanan ang mga pagkabigo at pagdurusa sa buhay na ito sa pamamagitan ng pag-asam sa iba pang buhay, isa na may kapayapaan at kasiyahan, may kalubusan at kaligayahan.” Bagaman sa ilang lupain ng Sangkakristiyanuhan, ang mga tao ay naging makasekular at medyo walang tiwala sa relihiyon, marami pa rin ang nakadarama na tiyak na mayroon pang maaasahan pagkatapos ng kamatayan. Ngunit napakaraming bagay ang hindi nila natitiyak.

4 Sinabi ng isang artikulo sa magasing Time: “Naniniwala pa rin ang mga tao sa [kabilang-buhay]: naging malabo lamang ang kanilang ideya kung ano talaga ito, at hindi na nila ito gaanong naririnig sa kanilang mga pastor.” Bakit hindi na gaanong bumabanggit ang mga ministro ng relihiyon tungkol sa kabilang-buhay di-tulad ng dati nilang ginagawa? Ganito ang sabi ng iskolar sa relihiyon na si Jeffrey Burton Russell: “Sa palagay ko’y nais ng [mga klerigo] na iwasan ang paksa dahil inaakala nilang kakailanganin pa nilang akyatin ang mistulang pader ng malaganap na pag-aalinlangan.”

5. Paano minamalas ngayon ng marami ang doktrina tungkol sa apoy ng impiyerno?

5 Sa maraming simbahan, saklaw ng kabilang-buhay ang isang langit at isang maapoy na impiyerno. At kung atubili ang mga klerigo na magsalita tungkol sa langit, lalo pa silang atubili na magsalita tungkol sa impiyerno. Ganito ang sabi ng isang artikulo sa pahayagan: “Sa ngayon kahit ang mga simbahan na naniniwala sa walang-hanggang pagpaparusa sa isang literal na impiyerno . . . ay hindi gaanong nagdiriin sa ideyang ito.” Sa katunayan, karamihan sa mga makabagong teologo ay hindi na naniniwala na ang impiyerno ay isang literal na dako ng pagpapahirap, gaya ng itinuro tungkol dito noong Edad Medya. Sa halip, sinasang-ayunan nila ang isang mas “makataong” bersiyon ng impiyerno. Ayon sa maraming makabago, hindi literal na pinahihirapan ang mga makasalanan sa impiyerno, kundi sila’y nagdurusa dahil sa kanilang “espirituwal na pagkakahiwalay sa Diyos.”

6. Paano nasusumpungan ng ilan na kulang ang kanilang pananampalataya kapag napaharap sila sa trahedya?

6 Ang pagbabanto sa doktrina ng simbahan upang hindi masaling ang pagiging sensitibo ng mga makabago ay maaaring makatulong sa ilan upang maiwasan ang pagiging di-popular, ngunit iniiwan nitong nag-aapuhap ng paniniwalaan ang milyun-milyong taimtim na nagsisimba. Kaya naman, kapag napaharap sa kamatayan, malimit na nasusumpungan ng mga ito na kulang ang kanilang pananampalataya. Ang kanilang saloobin ay kagaya niyaong sa babae na namatayan ng ilang miyembro ng pamilya sa isang kalunus-lunos na aksidente. Nang tanungin kung nakapagdulot nga ba sa kaniya ng kaaliwan ang kaniyang relihiyosong pananampalataya, may pag-aatubili siyang sumagot ng, “Sa palagay ko.” Subalit kahit na kung may pananalig siyang sumagot na nakatulong sa kaniya ang kaniyang relihiyosong pananampalataya, anong pangmatagalang pakinabang ang idudulot nito kung hindi naman matibay ang pinagsasaligan ng kaniyang mga paniniwala? Ito ay mahalagang isaalang-alang dahil, ang totoo, lubhang naiiba sa itinuturo ng Bibliya ang itinuturo ng karamihan sa mga simbahan tungkol sa isang buhay sa hinaharap.

Ang Pangmalas ng Sangkakristiyanuhan Tungkol sa Buhay Pagkatapos ng Kamatayan

7. (a) Anong paniniwala ang pare-parehong taglay ng karamihan ng mga simbahan? (b) Paano inilarawan ng isang teologo ang doktrina tungkol sa imortal na kaluluwa?

7 Sa kabila ng kanilang mga pagkakasalungatan, halos lahat ng denominasyon ng Sangkakristiyanuhan ay sumasang-ayon na ang mga tao ay may isang imortal na kaluluwa na nananatiling buháy pagkamatay ng katawan. Karamihan ay naniniwala na kapag namatay ang isang tao, maaaring pumunta sa langit ang kaniyang kaluluwa. Nangangamba naman ang ilan na baka magtungo sa maapoy na impiyerno o sa purgatoryo ang kanilang kaluluwa. Ngunit ang ideya tungkol sa isang imortal na kaluluwa ay mahalaga sa kanilang pangmalas sa isang buhay sa hinaharap. Nagkomento hinggil dito ang teologong si Oscar Cullmann, sa isang sanaysay na inilathala sa aklat na Immortality and Resurrection. Sumulat siya: “Kung tatanungin natin ang isang ordinaryong Kristiyano sa ngayon . . . kung ano ang inaakala niyang turo ng Bagong Tipan hinggil sa kapalaran ng tao pagkatapos mamatay, maliban sa ilan ay matatanggap natin ang sagot: ‘Ang imortalidad ng kaluluwa.’ ” Subalit idinagdag ni Cullmann: “Ang malaganap na tinatanggap na ideyang ito ay isa sa pinakamalaking maling pagkaunawa ng Kristiyanismo.” Binanggit ni Cullmann na noong una niyang sabihin ito, lumikha siya ng isang malaking kaguluhan. Gayunman, tama siya.

8. Anong pag-asa ang iniharap ni Jehova sa unang lalaki at babae?

8 Hindi nilalang ng Diyos na Jehova ang mga tao upang pumunta sa langit pagkamatay nila. Hindi niya orihinal na layunin na sila’y mamatay. Sina Adan at Eva ay nilalang na sakdal at binigyan ng pagkakataong punuin ang lupa ng matuwid na supling. (Genesis 1:28; Deuteronomio 32:4) Sinabihan ang ating unang mga magulang na mamamatay lamang sila kung susuwayin nila ang Diyos. (Genesis 2:17) Kung nanatili lamang silang masunurin sa kanilang makalangit na Ama, patuloy sana silang mabubuhay sa lupa magpakailanman.

9. (a) Ano ang katotohanan tungkol sa kaluluwa ng tao? (b) Ano ang nangyayari sa kaluluwa kapag ito’y namatay?

9 Subalit nakalulungkot, hindi sinunod nina Adan at Eva ang Diyos. (Genesis 3:6, 7) Inilarawan ni apostol Pablo ang kalunus-lunos na ibinunga nito: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Sa halip na mabuhay magpakailanman sa lupa, namatay sina Adan at Eva. Ano ang nangyari sa kanila? Mayroon ba silang imortal na kaluluwa na maitatalaga ngayon sa isang maapoy na impiyerno dahil sa kanilang kasalanan? Sa kabaligtaran, sinasabi ng Bibliya na bago pa nito, nang siya’y lalangin, si Adan ay “naging isang kaluluwang buháy.” (Genesis 2:7) Ang tao ay hindi binigyan ng isang kaluluwa; siya’y naging isang kaluluwa, isang nabubuhay na persona. (1 Corinto 15:45) Aba, hindi lamang si Adan ang naging “isang kaluluwang buháy” kundi, gaya ng ipinakita sa wikang Hebreo na ginamit sa pagsulat ng Genesis, ang nakabababang mga hayop ay “mga nabubuhay na kaluluwa” rin naman! (Genesis 1:24) Nang mamatay sina Adan at Eva, sila’y naging mga kaluluwang patay. Nang dakong huli, nangyari sa kanila ang gaya ng sinabi ni Jehova kay Adan: “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay hanggang sa ikaw ay bumalik sa lupa, sapagkat kinuha ka mula riyan. Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.”​—Genesis 3:19.

10, 11. Ano ang inamin ng New Catholic Encyclopedia tungkol sa turo ng Bibliya sa kaluluwa, at paano ito maihahambing sa sinasabi ng Bibliya?

10 Sa diwa, sumasang-ayon dito ang New Catholic Encyclopedia. Sa artikulo nito na “Soul (in the Bible),” sinabi nito: “Walang dichotomy [paghahati sa dalawang bahagi] ng katawan at kaluluwa sa MT [“Matandang Tipan,” o Hebreong Kasulatan].” Idinagdag pa nito na sa Bibliya, ang salitang “kaluluwa” “ay hindi kailanman nangangahulugan ng isang kaluluwang nabubukod sa katawan o sa indibiduwal na persona.” Sa katunayan, ang kaluluwa ay kadalasang “nangangahulugan ng indibiduwal na kinapal mismo maging iyon man ay hayop o kaya’y tao.” Ang gayong katapatan ay nakagiginhawa, ngunit ipagtataka lamang ng isa kung bakit hindi nalalaman ng mga nagsisimba sa pangkalahatan ang bagay na ito.

11 Anong laking pagkabalisa at pangamba ang naiwasan sana ng mga nagsisimba kung nalaman lamang nila ang payak na katotohanan sa Bibliya: “Ang kaluluwang nagkakasala​—ito mismo ay mamamatay,” hindi magdurusa sa apoy ng impiyerno! (Ezekiel 18:4) Bagaman ito ay ibang-iba sa itinuturo ng Sangkakristiyanuhan, ito’y lubusang kasuwato ng sinabi ng pantas na taong si Solomon sa ilalim ng pagkasi: “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran, ni mayroon pa man silang kabayaran [sa buhay na ito], sa dahilang ang alaala sa kanila ay nalimutan. Ang lahat ng masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong buong kapangyarihan, sapagkat walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol [karaniwang libingan ng tao], ang dako na iyong pinaparoonan.”​—Eclesiastes 9:5, 10.

12. Saan nakuha ng Sangkakristiyanuhan ang turo nito tungkol sa imortal na kaluluwa?

12 Bakit nagtuturo ang Sangkakristiyanuhan ng isang bagay na ibang-iba sa sinasabi ng Bibliya? Sa artikulo nito na “Soul, Human, Immortality Of,” sinasabi ng New Catholic Encyclopedia na ang naunang mga Ama ng Simbahan ay nakasumpong ng suporta para sa paniniwala sa isang imortal na kaluluwa, hindi sa Bibliya, kundi sa “mga makata at mga pilosopo at sa karaniwang tradisyon ng kaisipang Griego . . . Nang maglaon, higit na pinili ng mga eskolastika na gamitin ang kay Plato o ang mga simulain mula kay Aristotle.” Sinasabi nito na “ang impluwensiya ng Platoniko at Neoplatonikong kaisipan”​—kasali na ang paniniwala sa imortal na kaluluwa​—ay isiningit nang maglaon “sa pinakasaligan ng teolohiyang Kristiyano.”

13, 14. Bakit hindi makatuwiran na umasang maliliwanagan sa pamamagitan ng mga paganong pilosopong Griego?

13 Dapat bang bumaling ang nag-aangking mga Kristiyano sa mga paganong pilosopong Griego upang malaman ang tungkol sa isang saligang bagay na gaya ng pag-asang buhay pagkatapos ng kamatayan? Siyempre hindi. Nang sumulat si Pablo sa mga Kristiyanong nakatira sa Corinto, Gresya, sinabi niya: “Ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa Diyos; sapagkat nasusulat: ‘Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang sariling katusuhan.’ At muli: ‘Alam ni Jehova na ang mga pangangatuwiran ng mga taong marurunong ay walang saysay.’ ” (1 Corinto 3:19, 20) Ang mga sinaunang Griego ay mga mananamba sa idolo. Paano, kung gayon, sila maaaring pagmulan ng katotohanan? Tinanong ni Pablo ang mga taga-Corinto: “Anong pakikipagkasundo mayroon ang templo ng Diyos sa mga idolo? Sapagkat tayo ay isang templo ng isang Diyos na buháy; gaya ng sinabi ng Diyos: ‘Mananahan ako sa gitna nila at lalakad sa gitna nila, at ako ay magiging kanilang Diyos, at sila ay magiging aking bayan.’ ”​—2 Corinto 6:16.

14 Ang kapahayagan ng sagradong mga katotohanan ay unang ibinigay sa pamamagitan ng bansang Israel. (Roma 3:1, 2) Pagkaraan ng 33 C.E., ibinigay iyon sa pamamagitan ng pinahirang kongregasyong Kristiyano noong unang siglo. Nang nagsasalita tungkol sa mga Kristiyano noong unang siglo, sinabi ni Pablo: “Sa atin isiniwalat ng Diyos [ang mga bagay na inihanda para sa mga umiibig sa kaniya] sa pamamagitan ng kaniyang espiritu.” (1 Corinto 2:10; tingnan din ang Apocalipsis 1:1, 2.) Ang doktrina ng Sangkakristiyanuhan tungkol sa imortalidad ng kaluluwa ay kinuha sa pilosopiyang Griego. Hindi iyon isiniwalat sa pamamagitan ng mga kapahayagan ng Diyos sa Israel o sa pamamagitan ng kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano noong unang siglo.

Ang Tunay na Pag-asa ng mga Patay

15. Ayon kay Jesus, ano ang tunay na pag-asa ng mga patay?

15 Kung walang imortal na kaluluwa, ano ba ang totoong pag-asa ng mga patay? Sabihin pa, iyon ay ang pagkabuhay-muli, isang pangunahing doktrina sa Bibliya at isang tunay na kamangha-manghang pangako ng Diyos. Iniharap ni Jesus ang pag-asa sa pagkabuhay-muli nang sabihin niya sa kaniyang kaibigan na si Marta: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Siya na nagsasagawa ng pananampalataya sa akin, kahit na siya ay mamatay, siya ay mabubuhay.” (Juan 11:25) Ang paniniwala kay Jesus ay nangangahulugan ng paniniwala sa pagkabuhay-muli, hindi sa isang imortal na kaluluwa.

16. Bakit makatuwiran na maniwala sa pagkabuhay-muli?

16 Nauna rito ay bumanggit si Jesus ng tungkol sa pagkabuhay-muli nang sabihin niya sa ilang Judio: “Huwag kayong mamangha rito, sapagkat ang oras ay dumarating na ang lahat niyaong nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas.” (Juan 5:28, 29) Ang inilalarawan dito ni Jesus ay ibang-iba sa isang imortal na kaluluwa na nananatiling buháy pagkamatay ng katawan at tuwirang nagpupunta sa langit. Iyon ay isang panghinaharap na ‘paglabas’ ng mga tao na nasa libingan, sa loob ng maraming siglo o ng libu-libong taon pa nga. Iyon ay mga kaluluwang patay na binubuhay-muli. Imposible ba? Hindi kung para sa Diyos na “bumubuhay sa mga patay at tumatawag sa mga bagay na wala na para bang umiiral.” (Roma 4:17) Baka libakin ng mga mapag-alinlangan ang ideya ng pagbuhay-muli sa mga tao, ngunit kasuwatung-kasuwato ito ng katotohanan na “ang Diyos ay pag-ibig” at na siya ang “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga marubdob na humahanap sa kaniya.”​—1 Juan 4:16; Hebreo 11:6.

17. Ano ang isasagawa ng Diyos sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli?

17 Tutal, paano magagantimpalaan ng Diyos yaong mga napatunayang ‘tapat maging hanggang sa kamatayan’ kung hindi niya sila bubuhaying-muli? (Apocalipsis 2:10) Pinangyayari rin ng pagkabuhay-muli na maging posible para sa Diyos na maisagawa ang tungkol sa isinulat ni apostol Juan: “Sa layuning ito ang Anak ng Diyos ay inihayag, alalaong baga, upang sirain ang mga gawa ng Diyablo.” (1 Juan 3:8) Noon pa sa halamanan ng Eden, si Satanas ay naging mamamatay-tao ng buong sangkatauhan nang akayin niya ang ating unang mga magulang tungo sa kasalanan at kamatayan. (Genesis 3:1-6; Juan 8:44) Sinimulan ni Jesus na sirain ang mga gawa ni Satanas nang ibigay niya ang kaniyang sakdal na buhay bilang isang katumbas na pantubos, na magbubukas ng daan upang mapalaya ang sangkatauhan mula sa minanang pagkaalipin sa kasalanan na ibinunga ng kusang pagsuway ni Adan. (Roma 5:18) Ang pagkabuhay-muli niyaong mga namatay dahil sa Adanikong kasalanang ito ay isa pang pagsira sa mga gawa ng Diyablo.

Katawan at Kaluluwa

18. Paano tumugon ang ilang pilosopong Griego sa sinabi ni Pablo na si Jesus ay binuhay-muli, at bakit?

18 Nang nasa Atenas si apostol Pablo, ipinangaral niya ang mabuting balita sa isang pulutong na kinabibilangan ng ilang pilosopong Griego. Nakinig sila sa pagtalakay niya tungkol sa isang tunay na Diyos at sa panawagan nito na magsisi. Ngunit ano ang sumunod na nangyari? Tinapos ni Pablo ang kaniyang talumpati, sa pagsasabing: “Nagtakda [ang Diyos] ng isang araw kung kailan nilalayon niyang hatulan ang tinatahanang lupa sa katuwiran sa pamamagitan ng isang lalaki na kaniyang inatasan, at naglaan siya ng garantiya sa lahat ng mga tao sa bagay na binuhay niya siyang muli mula sa mga patay.” Ang mga salitang ito ay pumukaw ng kaguluhan. “Nang makarinig sila ng tungkol sa pagkabuhay-muli ng mga patay, ang ilan ay nagpasimulang manlibak.” (Gawa 17:22-32) Ganito ang sabi ng teologong si Oscar Cullmann: “Para sa mga Griego na naniniwala sa imortalidad ng kaluluwa ay maaaring mas mahirap kaysa sa iba na tanggapin ang Kristiyanong pangangaral tungkol sa pagkabuhay-muli. . . . Ang turo ng dakilang mga pilosopong sina Socrates at Plato ay hindi maaaring makasuwato [makasundo] ng nasa Bagong Tipan.”

19. Paano sinikap ng mga teologo ng Sangkakristiyanuhan na gawing magkasuwato ang turo ng pagkabuhay-muli at ang doktrina ng imortal na kaluluwa?

19 Magkagayunman, kasunod ng malaking apostasya pagkamatay ng mga apostol, nagsikap ang mga teologo na pagsamahin ang Kristiyanong turo tungkol sa pagkabuhay-muli at ang paniniwala ni Plato sa imortal na kaluluwa. Nang maglaon, sumang-ayon ang ilan sa isang bagong solusyon: Sa kamatayan, ang kaluluwa ay humihiwalay (“lumalaya,” gaya ng pagkasabi ng ilan) sa katawan. Pagkatapos, ayon sa Outlines of the Doctrine of the Resurrection, ni R. J. Cooke, sa Araw ng Paghuhukom ay “muling mapapasanib ang bawat katawan sa sarili nitong kaluluwa, at ang bawat kaluluwa sa sarili nitong katawan.” Ang pagsasanib ng katawan sa imortal na kaluluwa nito sa hinaharap ang sinasabing siyang pagkabuhay-muli.

20, 21. Sino ang walang-pagbabagong nagtuturo ng katotohanan tungkol sa pagkabuhay-muli, at paano sila nakinabang mula rito?

20 Ang teoriyang ito ang opisyal pa ring doktrina ng pangunahing mga simbahan. Bagaman waring makatuwiran sa isang teologo ang gayong ideya, hindi pa rin pamilyar dito ang karamihan sa mga nagsisimba. Basta naniniwala sila na pupunta kaagad sila sa langit kapag namatay sila. Dahil dito, sa Mayo 5, 1995, isyu ng Commonweal, nagparatang ang manunulat na si John Garvey: “Ang paniniwala ng karamihan ng mga Kristiyano [hinggil sa buhay pagkatapos ng kamatayan] ay waring mas malapit sa Neoplatonismo kaysa sa anumang tunay na maka-Kristiyano, at wala itong saligan mula sa Bibliya.” Sa katunayan, dahil sa ipinalit nila sa Bibliya ang turo ni Plato, pinawi ng klero ng Sangkakristiyanuhan ang Biblikal na pag-asa sa pagkabuhay-muli para sa kanilang mga kawan.

21 Sa kabilang dako, tinatanggihan ng mga Saksi ni Jehova ang paganong pilosopiya at pinanghahawakan ang turo ng Bibliya tungkol sa pagkabuhay muli. Nasumpungan nilang nakapagpapatibay, nakasisiya, at nakaaaliw ang turong ito. Sa susunod na mga artikulo, makikita natin kung gaano katatag at makatuwiran ang turo ng Bibliya tungkol sa pagkabuhay-muli, kapuwa para sa mga may makalupang pag-asa at para sa mga may pag-asang buhaying muli tungo sa langit. Bilang paghahanda sa pagtalakay sa mga artikulong ito, inirerekomenda namin na basahin ninyong mabuti ang 1Cor kabanata 15 ng unang liham sa mga taga-Corinto.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Bakit dapat nating linangin ang matibay na pagtitiwala sa pagkabuhay-muli?

◻ Anong pag-asa ang iniharap ni Jehova kina Adan at Eva?

◻ Bakit hindi makatuwiran na hanapin ang katotohanan sa Griegong pilosopiya?

◻ Bakit isang makatuwirang pag-asa ang pagkabuhay-muli?

[Larawan sa pahina 10]

Nang sila’y magkasala, naiwala ng ating unang mga magulang ang pag-asa ng buhay na walang hanggan sa lupa

[Larawan sa pahina 12]

Ang mga iskolar ng simbahan ay naimpluwensiyahan ng paniniwala ni Plato sa imortalidad ng kaluluwa

[Credit Line]

Musei Capitolini, Roma

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share