Ang Pangmalas ng Bibliya
Pagsasalita ng mga Wika—Galing Ba Ito sa Diyos?
“TUWIRAN, nakadama ako ng kakaibang damdamin sa aking mga kamay, at ito . . . ay nagsimulang dumaluyong! Para ba itong isang libo—parang sampung libo—pagkatapos ay isang milyong boltahe ng kuryente . . . nagsalita ako sa wika na hindi ko maunawaan sa loob ng halos dalawang oras.”
Inilalarawan ng karanasang ito ang isa sa lubhang pinagtatalunang gawain na nauugnay sa pagsambang Kristiyano sa ngayon: ang pagsasalita ng mga wika. Ito’y totoo lalo na sa mga pangkat ng Pentecostal at sa mga kilusang karismatiko sa ibang mga simbahan.
Idiniin ni Dr. Vinson Synan, ng Pentecostal Holiness Church ang problemang nakakaharap ng taimtim na mga mananamba tungkol sa bahaging ginagampanan ng pagsasalita ng mga wika. Sabi niya: “Ang pagsasalita ng mga wika ay isang kahihiyan sa atin.” Bakit? Binanggit ni Dr. Synan na ang mga wika sa ngayon ay waring walang kabuluhan sa atin. “Kahiya-hiya man,” sabi pa niya, “ang glossolalia [pagsasalita ng mga wika] ang kaloob na pinipili ng Diyos sa estratehikong mga yugto sa kasaysayan upang palaganapin at baguhin ang Iglesya.”—Amin ang italiko.
Isa sa gayong ‘estratehikong yugto’ ang pinakamahalagang pangyayari mga 1,900 taon na ang nakalipas.
Bakit ang mga Wika?
Noon ay Pentecostes ng taóng 33 C.E. Isang pagbabago ang inaasahang dumating. Hahalinhan ng isang bagong tipan ang sinaunang Judiong tipang Batas. Sa anong dahilan? Upang buksan ang isang mas mabuting daan sa pagsamba sa Diyos na Jehova. Paano makikita ng mga tao na ang pagpapala ng Diyos ay nasa pagbabagong ito ng pagsamba? Gagamitin niya ang isang silakbo ng makahimalang mga pangyayari, pati na ang pagsasalita ng mga wika, upang pakilusin ang puso ng mga taong mahilig sa katuwiran. Makikita ng mga ito na tunay ngang ipinagkakaloob ngayon ng Diyos na makapangyarihan-sa-lahat ng kanilang mga ninuno ang kaniyang pagsang-ayon sa mga alagad ni Jesus.
Ang kaloob ng mga wika ay mayroong isa pang layunin noong Pentecostes. Noong kaarawan ni Jesus, ang paglilimbag at pagbubrodkast ay hindi pa umiiral, at ang nasusulat na mga rekord ay bihira sa pangkaraniwang mga tao. Kaya, ang mabuting balita tungkol sa kalooban at mga layunin ng Diyos ay kailangang ihatid sa mga tao sa pamamagitan ng mga dila ng mga mananampalataya. Ang mga mananamba ni Jehova ay nagtungo sa Jerusalem para sa Kapistahan ng Pentecostes na mula sa maraming lupain ng Aprika, Asia, at Europa at sila’y nagsasalita ng iba’t ibang mga wika. Mga 120 alagad ni Jesus ang nagkatipon din sa Jerusalem. Binigyan-kapangyarihan ng banal na espiritu ng Diyos, ang mga alagad ay nagsimulang magsalita sa iba’t ibang wika. Anong laking piging ng mabuting balita ang inihain sa karamihan ng mga mananamba! Ang mga ito ay “nakarinig na nagsisipagsalita sila sa [kanilang sariling] mga wika ng mga makapangyarihang gawa ng Diyos.”—Gawa 2:5-11.
Gaano kabisa ang himalang ito? Tatlong libong mga tagapakinig ang naging mga mananampalataya nang araw ring iyon! (Gawa 2:41) Nagbabalik sa kanilang malayong mga tahanan, ang mga bagong komberteng ito ay nagpatotoo tungkol sa tunay na pagsamba “hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.”—Gawa 1:8.
Mahigit lamang mga dalawampung taon pagkaraan ng Pentecostes, binanggit ni Pablo na ang kaloob ng mga wika ay sa wakas hihinto. (1 Corinto 13:8) Bakit makatuwiran ito? Sapagkat ang mga himala noong Pentecostes, bilang pagpapatunay sa maagang Kristiyanismo, ay nagsilbi na nang husto sa kanilang layunin at hindi na kinakailangan.
Maaari nating ihalintulad ang kalagayan doon sa Bundok Sinai mahigit 1,500 taóng nauna. Dito pinangyari ng Diyos ang kamangha-manghang sobrenatural na mga tanda upang ikintal sa nagkatipong mga tao na ang tipang Batas ay mula sa Diyos. Minsang ang bagong kaayusang ito ay tinanggap na ng mga tao, ang partikular na makahimalang mga tandang ito ay hindi na nakita.—Exodo 19:16-19.
Pagsasalita ng mga Wika sa Ngayon?
Sa ngayon inaakala ng marami na sila ay tinutulungan ng banal na espiritu ng Diyos upang magsalita ng mga wika. Paano natin maitutugma ito sa maka-Kasulatang katibayan na ang kaloob ng mga wika ay lumipas na?
Ang pagsasalita ng mga wika ay karaniwan nang madamdaming mga silakbo ng mga tunog na hindi maunawaan ng sinuman. Kaya hindi ito maaaring galing sa Diyos. Sinabi ni Jesus na sisikapin ng relihiyosong mga mapagpaimbabaw na isangkalan ang kaniyang pangalan sa gayong “makapangyarihang mga gawa,” subalit tinanggihan niya ang mga “manggagawang ito ng katampalasanan.” (Mateo 7:21-23) At si Pablo ay makahulang nagbabala na sa hinaharap ay magkakaroon ng mapanlinlang na mga himala, o “kabulaanang mga tanda at makapangyarihang mga gawa.” Kaya, “ang bawat daya ng kalikuan” ay isang espesyalidad ng pusakal na magdaraya, si Satanas na Diyablo.—2 Tesalonica 2:8-10.
Alam mo ba na ang pagsasalita ng mga wika ay isang bahagi ng ilang relihiyong pagano sa Gresya noong kaarawan ni Pablo? Pinagsasama ng kanilang ritwal ang pagsasalita ng mga wika sa mga gawain na gaya ng pagkukudlit sa laman at marahas na pagsasayaw nang hubó’t hubad. Malinaw na ipinakikita ng makasaysayang mga halimbawang ito na ang pagsasalita ng mga wika ay maaaring mangyari sa ilalim ng mga impluwensiya ng mga demonyo.
Ang Katuwiran ay Nagpapaliwanag
Kung hindi ka pa rin nakatitiyak tungkol sa pinagmulan ng ekstatikong pagsasalita ng mga wika sa ngayon, pag-isipan ang binabanggit ng 1 Juan 4:1, na nagsasabi: “Mga minamahal . . . subukin ninyo ang mga kinasihang pananalita upang mapatunayan kung ang mga ito ay nanggagaling sa Diyos.” Oo, subukin sa pamamagitan ng mahinahong pag-aaral ng Salita ng Diyos, na may pananalanging paghingi ng tulong. (Gawa 17:11) Suriin kung ang mga relihiyong iyon na nagsasalita ng mga wika sa ngayon ay tunay ngang pinapatnubayan ng “buong katotohanan.”—Juan 16:13.
Nang ang mga Kristiyano ay magsalita ng mga wika noong unang siglo, pinatibay nito ang mga tagapakinig. Ang kinasihang mensahe ay maliwanag at nauunawaan.—1 Corinto 14:26-28.
Yaong mga nagpaparangal ngayon sa katotohanan ng Bibliya ay bumibigkas ng mga kapahayagan na nakahihigit sa pananalita na lumabas sa kinasihang mga dila noong araw na iyon ng Pentecostes noong una. Bakit gayon? Sapagkat inihahayag nila ang pamamahala ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo sa lahat ng masunuring sangkatauhan sa mas maraming tagapakinig at sa permanenteng anyo. Ang kanilang mensahe ay bahagi ng nasusulat na rekord ng Bibliya, at di-gaya ng unang-siglong mga Kristiyano na nagsasalita ng mga wika, ang Bibliya, sa kabuuan o sa bahagi, ay makukuha sa 1,800 mga wika.
[Larawan sa pahina 21]
Ang unang-siglong mga Kristiyano ay binigyan ng kaloob upang magpatotoo sa banyagang mga wika