Sinong Diyos ang Iyong Sinasamba?
SA PALIBOT ng daigdig, ang tanong na iyan ay sasagutin ng mga tao sa maraming iba’t ibang paraan. Napansin ni apostol Pablo na: “Maraming ‘mga diyos’ at maraming ‘mga panginoon,’ ” at sa ngayon ang mga diyos na sinasamba ay umaabot sa milyun-milyon. (1 Corinto 8:5) Gayunman, alam mo ba na maraming tao ang sumasamba sa isang naiibang diyos buhat sa isa na kanilang inaakalang sinasamba nila? At natalos mo ba na maraming mga ateista ang higit na relihiyoso kaysa mga taong naniniwala sa isang diyos? Sa anong paraan?
Bueno, ang isang kahulugan ng pagsamba ay “kilalanin na taglay ang dakila, may kalakip pa ngang labis-labis na paggalang, pagpaparangal, o debosyon.” Sa orihinal na mga wika ng Bibliya, ang mga salita ukol sa pagsamba ay may kakabit na kaisipan ng paglilingkod o pagyuko sa harap ng sinuman. Taglay ito sa isip, tingnan natin kung papaano maaaring magkamali ang mga tao tungkol sa kung sino o ano ang talagang sinasamba nila.
Pinagsanib na Pagsamba
Kunin ang halimbawa ng sinaunang mga Samaritano. Marami sa kanila ang sa pasimula’y mga banyaga na dinala ng mga Asiryo sa Palestina upang humalili sa ipinatapon na sampung hilagang mga tribo ng Israel. Dati, sila’y sa mga diyos na pagano sumunod, ngunit ngayon sila’y nagsikap na matuto tungkol kay Jehova, ang Diyos ng Israel. Kung magkagayo’y kanila bang tuluyang iniwan ang kanilang dating relihiyon? Hindi, ang Bibliya’y nag-uulat: “Kanilang ginawa ang ayon sa kanilang dating relihiyon. At ang mga bansang ito’y nangatakot kay Jehova, ngunit ang kanilang sariling mga larawang inanyuan ang kanilang pinatunayan na pinaglilingkuran nila.” (2 Hari 17:40, 41) Samakatuwid ang mga Samaritano, samantalang naturingan na kumikilala kay Jehova ay naglingkod pa rin sa kanilang dating mga diyos, sa gayo’y nagsasagawa ng isang uri ng pinagsanib na relihiyon.
Nangyari rin ang ganiyan nang ang Romanong Katolisismo ay ipinakilala sa Timog Amerika ng mga misyonero. Kanilang nakumberte ang karamihan ng mga mamamayan, ngunit katulad ng sinaunang mga Samaritano, ang mga tao ay hindi nakalimot sa kanilang dating mga diyos. Sa gayon, sa Brazil ang paganong rituwal ng voodoo ay sinusunod pa rin ng mga “Kristiyano,” tulad din ng mga selebrasyon na nagpaparangal sa sinaunang mga diyus-diyusan, tulad baga ng diyosang si Iemanjá. Ganiyan din ang nagaganap sa mga ibang lupain sa Timog Amerika.
At, ang relihiyon na ipinasok ng mga misyonerong iyon sa Timog Amerika ay isa ring pinagsanib na relihiyon. Marami sa kaniyang mga doktrina, tulad baga ng Trinidad, apoy ng impiyerno, at pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, ay galing sa sinaunang mga relihiyong pagano at mga pilosopya. Tunay na wala ang mga ito sa Bibliya. Gayundin, ang mga kapistahan—kasali na ang Pasko at Pasko ng Pagkabuhay—ay nagmula sa mga di-Kristiyano.a Maaari bang ganapin ang gayong paganong mga kapistahan at maniwala sa gayong di-Kristiyanong mga doktrina at sumamba pa rin ang isa sa Diyos ng Bibliya, na nagsabi: “Huwag kang magkakaroon ng mga ibang diyos sa harap ko”? (Exodo 20:3) Tiyak na hindi!
“Mag-ingat Kayo sa mga Diyus-diyusan”
Pag-isipan ang isa pang paraan na pandaya sa mga tao kung tungkol sa pagsamba. Si apostol Juan ay sumulat: “Mumunting mga anak, mag-ingat kayo sa mga diyus-diyusan.” (1 Juan 5:21) Humigit-kumulang isang libong milyong katao ang nakatala bilang bahagi ng Sangkakristiyanuhan, at ang mga ito ay nag-aangkin na sumasamba sa kaparehong Diyos na sinamba ni Juan. Gayunman, daan-daang milyon sa kanila ang yumuyukod sa mga larawan ng “mga santo,” ni Jesus, at ni birheng Maria.
May iba pang mga tusong anyo ng pagsamba sa mga diyus-diyusan. Noong taóng 44 C.E., si Haring Herodes Agrippa ay nagpahayag sa madla, at ang mga tao ay lubhang napukaw kung kaya’t kanilang ipinagsumigawan: “Tinig ng isang diyos, at hindi ng isang tao!” (Gawa 12:21, 22) Oo, kanilang inidolo si Herodes, ginawang isang diyos. Katulad na mga bagay ang nangyayari sa ngayon. Noong mga araw ng kapusukan na ang Nasismo ay sumisikat sa kapangyarihan sa Europa, ang sigaw na “Heil Hitler!” ay tunay na isang sigaw ng pagsamba. Marami ang handang makipaglaban at mamatay alang-alang sa Führer na para bagang siya’y isang diyos, ang tagapagligtas ng bansa. Gayunman, karamihan ng naghahandog ng gayong pagsamba ay mga miyembro ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan!
Bago kay Hitler at pagkatapos, ang mga ibang lider sa pulitika ay gayundin ang ginawang pagtataas sa kanilang sarili bilang mistulang mga tagapagligtas at sila’y humiling na pag-ukulan sila ng bukud-tanging debosyon. Yaong mga napadala ay siyang gumawa na mga diyos sa mga taong ito, ano man ang pormal na relihiyon na kinauugnayan ng “mga mananamba” o kahit na sila’y mga ateista. Ang pagdakila na tinatanggap sa kanilang mga tagahanga ng karismatikong mga bituin sa isports, mga bituin sa pinilakang tabing, at iba pang mga artista ay mistulang pagsamba na rin.
Pagsamba sa Salapi
Gayundin, pag-isipan ang kabuluhan ng mga salita ni Jesus nang kaniyang sinabi: “Sinuma’y hindi makapaglilingkod sa dalawang panginoon; sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o kaya’y magtatapat siya sa isa at pawawalang-halaga ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa mga Kayamanan.” (Mateo 6:24) May kilala ka bang sinuman na kasapi sa isang relihiyon ngunit ang pangunahing kinawiwilihan sa buhay ay ang pagkita ng salapi? Kung gayon, sino nga ba ang talagang pinaglilingkuran ng gayong tao, ang Diyos o mga kayamanan? Ilang mga di-sumasampalataya ang kilala mo na nasilo ng matinding pagkabalisa sa paghanap ng salapi? Tiyak, sila man ay mga mananamba sa salapi, marahil ay higit na masigasig kaysa maraming mga mananampalataya.
Isang nahahawig na simulain ang ipinaliwanag ni apostol Pablo nang siya’y sumulat: “Patayin nga ninyo ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa kung tungkol sa pakikiapid, karumihan, pagkagahaman sa sekso, masamang nasa, at kaimbutan, na ito’y idolatriya.” (Colosas 3:5) Kung ating pinag-iimbutan ang isang bagay nang ganiyan na lamang na anupa’t ginugugol natin ang lahat ng ating lakas upang kamtin iyon, marahil nilalabag pa ang batas sa paggawa ng gayon, kung gayo’y nagiging isang idolo, isang diyos ang bagay na iyon sa atin. (Efeso 5:5) Sa isa pang liham, si Pablo’y sumulat tungkol sa mga ilang gumagawa ng kasalanan: “Ang kanilang diyos ay ang kanilang tiyan.” (Filipos 3:19) Kung ang ating buong layunin sa buhay ay palugdan ang ating sarili, nagpapakabundat sa ating tiyan, wika nga, kung gayo’y tayo ang ating sariling diyos. Ilan ba ang nakikilala mo na sumasamba sa ganitong uri ng diyos?
Oo, gaya ng isinulat ni apostol Pablo: “May maraming ‘mga diyos’ at maraming ‘mga panginoon.’ ” At sa maraming kaso, ang kanilang mga mananamba ay kagaya ng sinaunang mga Samaritano, na naglilingkod sa iisang diyos sa pamamagitan ng kanilang mga salita at ang iba naman ay sa pamamagitan ng kanilang mga kilos. Ngunit, sa totoo ay mayroon lamang iisang Diyos na karapat-dapat sa ating pagsamba. Kilala mo ba siya? Isa pa, may iisang bagay na nagbubuklod sa pagsamba sa lahat ng iba pang mga diyos maliban sa kaniya. Ano iyon? Makikita natin sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, pahina 212-213, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.