JUAN, ANG MGA LIHAM NI
Kabilang ang mga liham na ito sa mga bahagi ng kinasihang Kasulatan na huling isinulat. Bagaman hindi lumilitaw sa mga liham na ito ang pangalan ng apostol na si Juan, sa pangkalahatan ay sumasang-ayon ang mga iskolar sa tradisyonal na pangmalas na iisa ang manunulat ng Mabuting Balita Ayon kay Juan at ng tatlong liham na pinamagatang Una, Ikalawa, at Ikatlo ni Juan. Maraming pagkakahawig sa pagitan ng mga ito at ng ikaapat na Ebanghelyo.
Ang autentisidad ng mga liham na ito ay lubusan nang napagtibay. Pinatutunayan ng panloob na katibayan na ang mga ito ay kasuwato ng iba pang bahagi ng Kasulatan. Gayundin, pinatototohanan ng maraming sinaunang manunulat ang pagiging tunay ng mga ito. Si Polycarp ay waring sumipi mula sa 1 Juan 4:3; si Papias naman, ayon kay Eusebius, ay nagpatotoo hinggil sa unang liham, gaya ng ginawa nina Tertullian at Cyprian; at iyon ay matatagpuan sa Syriac na Peshitta. Si Clemente ng Alejandria ay waring nagpahiwatig na may kabatiran siya sa dalawa pang liham; lumilitaw na sumipi si Irenaeus mula sa 2 Juan 10, 11; si Dionisio ng Alejandria, ayon kay Eusebius, ay bumanggit tungkol sa mga iyon. Pinatototohanan din ng huling nabanggit na mga manunulat ang autentisidad ng Unang Juan.
Malamang na isinulat ni Juan ang mga liham mula sa Efeso noong mga 98 C.E., malapit sa panahon ng pagsulat niya ng kaniyang ulat ng Ebanghelyo. Waring ipinahihiwatig ng inuulit-ulit na pananalitang “mumunting mga anak” o “mga anak” na isinulat ang mga ito sa kaniyang katandaan.
Unang Juan. Ang liham na ito ay isinulat sa istilong sanaysay, yamang wala itong pagbati ni konklusyon. Sa ikalawang kabanata, kinakausap ni Juan ang mga ama, mga anak, at mga kabataang lalaki, anupat nagpapahiwatig na hindi ito personal na liham sa isang indibiduwal. Malamang na ito’y para sa isang kongregasyon o mga kongregasyon at, sa katunayan, kumakapit ito sa buong samahan niyaong mga kaisa ni Kristo.—1Ju 2:13, 14.
Si Juan ang huling nabubuhay na apostol. Mahigit 30 taon na ang nakalilipas mula nang isulat ang huli sa iba pang mga liham ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Malapit nang mawala sa eksena ang lahat ng mga apostol. Maraming taon na ang nakalilipas bago ang panahong iyon, sinulatan ni Pablo si Timoteo na malapit na silang magkahiwalay. (2Ti 4:6) Hinimok niya si Timoteo na patuloy na manghawakan sa parisan ng nakapagpapalusog na mga salita at na ipagkatiwala sa mga taong tapat ang mga bagay na narinig niya kay Pablo, upang ang mga taong ito naman ay makapagturo sa iba.—2Ti 1:13; 2:2.
Nagbabala ang apostol na si Pedro tungkol sa mga bulaang guro na babangon mula sa loob ng kongregasyon at magpapasok ng mapanirang mga sekta. (2Pe 2:1-3) Karagdagan pa, sinabi ni Pablo sa mga tagapangasiwa ng kongregasyon sa Efeso (kung saan isinulat ang mga liham ni Juan nang maglaon) na may “mapaniil na mga lobo” na papasok at hindi makikitungo nang magiliw sa kawan. (Gaw 20:29, 30) Inihula niya ang malaking apostasya kalakip na ang “taong tampalasan.” (2Te 2:3-12) Kaya naman, noong 98 C.E., ang kalagayan ay gaya ng sinabi ni Juan: “Mga anak, ito ang huling oras, at, gaya ng inyong narinig na ang antikristo ay darating, maging sa ngayon ay lumitaw na ang maraming antikristo; na dahil sa bagay na ito ay natatamo natin ang kaalaman na ito ang huling oras.” (1Ju 2:18) Dahil dito, ang liham ay lubhang napapanahon at napakahalaga upang mapatibay ang tapat na mga Kristiyano bilang balwarte laban sa apostasya.
Layunin. Gayunman, hindi sumulat si Juan upang basta pasinungalingan lamang ang mga bulaang turo. Sa halip, ang pangunahing layunin niya ay ang patibayin ang pananampalataya ng unang mga Kristiyano sa mga katotohanang tinanggap nila; madalas, ipinakikita niya ang kaibahan ng mga katotohanang ito sa mga bulaang turo. Posibleng ang Unang Juan ay ipinadala bilang isang liham na ililibot sa lahat ng nakapaligid na kongregasyon. Ang pangmalas na ito ay sinusuportahan ng malimit na paggamit ng manunulat sa anyong pangmaramihan ng Griegong panghalip na isinaling “inyo, ninyo, at kayo.”
Ang kaniyang argumento ay maayos at mapuwersa, gaya ng ipakikita ng sumusunod na pagsusuri sa liham. Ang liham ay lubhang nakaaantig ng damdamin, at maliwanag na sumulat si Juan udyok ng kaniyang malaking pag-ibig sa katotohanan at ng pagkamuhi niya sa kamalian—sa kaniyang pag-ibig sa liwanag at pagkapoot sa kadiliman.
Tatlong pangunahing tema. Tatlong tema, partikular na, ang malawakang tinalakay ni Juan sa kaniyang unang liham: ang antikristo, kasalanan, at pag-ibig.
May kinalaman sa antikristo, napakalinaw ng kaniyang pananalita. Sinabi niya: “Ang mga bagay na ito ay isinusulat ko sa inyo tungkol doon sa mga nagsisikap na magligaw sa inyo.” (1Ju 2:26) Ikinakaila ng mga taong ito na si Jesu-Kristo ang Anak ng Diyos na dumating sa laman. Ipinaliwanag niya na ang mga ito ay dating kasama ng kongregasyon ngunit lumabas sila upang maipakita na “hindi natin sila kauri.” (2:19) Ang mga ito ay hindi ang uring matapat at maibigin na “may pananampalataya upang maingatang buháy ang kaluluwa” kundi ang uri na “umuurong sa ikapupuksa.”—Heb 10:39.
Tungkol naman sa kasalanan, ang ilan sa tampok na mga puntong binanggit ay: (1) Tayong lahat ay nagkakasala, at ang mga nagsasabing hindi sila nagkakasala ay hindi nagtataglay ng katotohanan at ginagawa nilang sinungaling ang Diyos (1Ju 1:8-10); (2) tayong lahat ay dapat magpunyagi laban sa kasalanan (2:1); (3) naglaan ang Diyos ng pampalubag-loob na hain para sa mga kasalanan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, na ating katulong sa Ama (2:1; 4:10); (4) ang mga tunay na Kristiyano ay hindi namimihasa sa kasalanan—hindi sila nagpapatuloy sa paggawa ng kasalanan, bagaman maaaring makagawa sila ng pagkakasala paminsan-minsan (2:1; 3:4-10; 5:18); (5) may dalawang uri ng kasalanan, ang uri na maaaring patawarin at ang uri na kusang-loob at sinasadya anupat wala nang kapatawaran (5:16, 17).
Hinggil sa pag-ibig, mas tuwiran ang isinulat ni Juan. Ipinahayag niya: (1) Ang Diyos ay pag-ibig (1Ju 4:8, 16); (2) ipinakita ng Diyos ang kaniyang pag-ibig nang ipahintulot niyang mamatay ang kaniyang Anak bilang pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan; gayundin, nang gumawa siya ng probisyon sa pamamagitan ni Kristo upang ang kaniyang mga pinahiran ay maging mga anak ng Diyos (3:1; 4:10); (3) dahil sa pag-ibig ng Diyos at ni Kristo, may pananagutan tayong magpakita ng pag-ibig sa ating mga kapatid (3:16; 4:11); (4) ang pag-ibig sa Diyos ay nangangahulugan ng pagtupad sa kaniyang mga utos (5:2, 3); (5) itinataboy ng sakdal na pag-ibig ang takot, anupat inaalis ang anumang pumipigil ng kalayaan sa pagsasalita sa Diyos (4:17, 18); (6) ang pag-ibig sa mga kapatid ay hindi lamang sa salita kundi sa gawa, anupat ibinibigay sa kanila ang mga bagay na taglay natin kung sila’y nangangailangan (3:17, 18); (7) ang sinumang napopoot sa kaniyang kapatid ay mamamatay-tao (3:15); at (8) hindi dapat ibigin ng mga Kristiyano ang sanlibutan at ang mga bagay na naroroon (2:15).
Ikalawang Juan. Ang ikalawang liham ni Juan ay nagsisimula sa mga salitang: “Ang matandang lalaki sa piniling ginang at sa kaniyang mga anak.” (2Ju 1) Sa gayon ay ipinahiwatig ni Juan sa mataktikang paraan na siya ang manunulat. Talaga namang siya’y “matandang lalaki,” yamang noong panahong iyon ay mga 90 o 100 taóng gulang na siya. Siya ay matanda rin sa diwa ng Kristiyanong pagkamaygulang at naging isang “haligi” ng kongregasyon.—Gal 2:9.
Ipinapalagay ng ilan na ang liham na ito sa “piniling ginang” ay ipinatutungkol sa isa sa mga kongregasyong Kristiyano at na ang mga anak ay espirituwal na mga anak, anupat ang mga anak ng “kapatid na babae” (2Ju 13) ay mga miyembro ng isa pang kongregasyon. Sa kabilang dako, naniniwala ang ilan na ipinatungkol ito sa isang indibiduwal, na marahil ay nagngangalang Kyria (Griego para sa “ginang”).
Ang marami sa mga puntong iniharap ni Juan sa kaniyang ikalawang liham ay buod ng mga impormasyon mula sa kaniyang unang liham. Binanggit niya ang katotohanang nananatili sa mga talagang nakakakilala nito at ang di-sana-nararapat na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos. Nagsasaya siya sapagkat ang ilan ay patuloy na “lumalakad sa katotohanan.” Nagpapakita sila ng pag-ibig sa isa’t isa at tinutupad nila ang mga utos ng Diyos. Gayunman, may mga manlilinlang na humayo na sa sanlibutan, ang antikristo na nagkakailang ang Anak ng Diyos ay dumating sa laman. (Ihambing ang 2Ju 7 at 1Ju 4:3.) Sa 2 Juan 10, 11, dinagdagan niya ang tagubilin na nasa kaniyang unang liham, anupat ipinakita kung anong pagkilos ang dapat gawin ng mga miyembro ng kongregasyon sa mga nagpapauna sa turo ng Kristo at dumarating na may dalang sariling turo o turo ng mga tao. Iniutos ni Juan na sila’y hindi dapat batiin o tanggapin sa tahanan ng isang Kristiyano.
Ikatlong Juan. Ang ikatlong liham ay mula sa “matandang lalaki” para kay Gayo, lakip ang mga pagbati sa iba pa sa kongregasyon. Isinulat ito sa karaniwang istilong liham. Kahawig na kahawig ito ng una at ikalawang liham sa istilo at materyal anupat malinaw na isinulat din ng apostol na si Juan. Hindi matiyak kung sino si Gayo. Bagaman bumanggit ang Kasulatan ng ilang indibiduwal na may ganitong pangalan, ito’y maaaring iba pang Gayo, yamang isinulat ang liham 30 taon o mahigit pa pagkasulat ng Mga Gawa, Roma, at Unang Corinto, kung saan lumitaw rin ang pangalang Gayo.—Gaw 19:29; 20:4; Ro 16:23; 1Co 1:14.
Ipinayo ni Juan ang pagpapakita ng Kristiyanong pagkamapagpatuloy at sinabi niya na si Diotrepes, na gustong magkaroon ng unang dako sa kongregasyon, ay hindi tumatanggap nang may paggalang sa mga mensahe mula kay Juan o sa iba pang responsableng mga tao, ni nagpapakita man si Diotrepes ng anumang paggalang sa ibang mga naglalakbay na kinatawan ng sinaunang kongregasyong Kristiyano. Nais pa nga nitong palayasin sa kongregasyon yaong mga magiliw na tumanggap sa gayong mga kapatid. Kaya naman binanggit ni Juan na kung personal siyang paroroon, na inaasahan niyang gawin, itutuwid niya ang bagay na ito. (3Ju 9, 10) Pinapurihan niya ang isang tapat na kapatid na nagngangalang Demetrio, na maaaring siyang naghatid ng liham, anupat pinasigla si Gayo na magiliw na tanggapin yaong mga humayo upang patibayin ang mga kongregasyong Kristiyano.
Sa kabuuan ng tatlong liham, mapapansin natin na idiniriin ang Kristiyanong pagkakaisa, ang pag-ibig sa Diyos na ipinakikita sa pamamagitan ng pagtupad sa kaniyang mga utos, ang pag-iwas sa kadiliman at paglakad sa liwanag, ang pagpapakita ng pag-ibig sa mga kapatid, at ang patuloy na paglakad sa katotohanan. Sa gayon, maging sa kaniyang katandaan, ang “matandang lalaki” na si Juan ay saganang pinagmulan ng pampatibay-loob at lakas para sa mga kongregasyon sa Asia Minor at sa lahat ng mga Kristiyanong bumabasa ng kaniyang mga liham.
[Kahon sa pahina 1269]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG UNANG JUAN
Isang mapuwersang sanaysay na nilayong ingatan ang mga Kristiyano laban sa mga impluwensiya ng mga apostata
Isinulat ng apostol na si Juan noong mga 98 C.E., pagkatapos ng Apocalipsis at di-katagalan bago siya mamatay
Mag-ingat sa mga kabulaanang ikinakalat tungkol kay Jesus
Ang pagdating ni Jesus sa laman ay pinatutunayan ng bagay na siya’y narinig, nakita, at nahawakan (1:1-4)
Ang sinumang nagkakaila na si Jesus ang Kristo ay sinungaling, isang antikristo; alam ng mga pinahirang mananampalataya ang katotohanan at hindi nila kailangang makinig sa naiibang turo (2:18-29)
Hindi mula sa Diyos ang anumang kinasihang kapahayagan na nagkakailang si Jesu-Kristo ay dumating sa laman; maraming bulaang propeta ang humayo na (4:1-6)
Ang sinumang nagkakaila na si Jesus ang Anak ng Diyos ay tumatanggi sa sariling patotoo ng Ama tungkol sa kaniyang Anak (5:5-12)
Ang mga Kristiyano ay hindi namumuhay sa kasalanan
Kung iiwasan natin ang kadiliman at lalakad tayo sa liwanag, lilinisin tayo ng dugo ni Jesus mula sa kasalanan (1:5-7)
Kung tayo ay magkasala, dapat nating ipagtapat ang ating kamalian, at lilinisin tayo salig sa hain ni Jesus (1:8–2:2)
Hindi namimihasa sa kasalanan ang mga Kristiyano; ang mga namimihasa sa kasalanan ay nagmumula sa Diyablo; hinahanap ng mga anak ng Diyos ang katuwiran at itinatakwil nila ang kasalanan (3:1-12; 5:18, 19)
Hinihimok ang mga Kristiyano na ipanalangin ang kanilang kapatid kung mahulog ito sa kasalanan—hangga’t hindi iyon kasalanan na “ikamamatay” (5:16, 17)
Iingatan tayo ng pag-ibig sa Diyos at sa mga kapuwa Kristiyano
Siya na umiibig sa kaniyang kapatid ay lumalakad sa liwanag at hindi matitisod (2:9-11)
Upang ang Kristiyano ay magkaroon ng pag-ibig sa Ama, dapat niyang gawin ang Kaniyang kalooban at iwasang ibigin ang sanlibutan at ang mga pang-akit nito (2:15-17)
Ipinakikita ng tunay na pag-ibig sa mga kapatid na ang isa ay nakatawid na mula sa kamatayan tungo sa buhay; kung hindi tayo nagpapakita ng pag-ibig sa ating mga kapatid sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila kapag sila’y nangangailangan, wala sa atin ang pag-ibig sa Diyos (3:13-24)
Dapat mag-ibigan sa isa’t isa ang mga Kristiyano sapagkat ang Diyos ay pag-ibig; iniibig natin Siya sapagkat siya ang unang umibig sa atin; kung inaangkin ng isang Kristiyano na iniibig niya ang Diyos ngunit napopoot siya sa kaniyang kapatid, siya ay sinungaling (4:7–5:2)
[Kahon sa pahina 1270]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG IKALAWANG JUAN
Isang liham na ipinatungkol sa “piniling ginang”—marahil ay isang indibiduwal o posibleng isang kongregasyon
Isinulat ng apostol na si Juan noong mga 98 C.E.
Patuloy na lumakad sa katotohanan (tal 1-6)
Iniibig ni Juan at ng lahat ng iba pa na nakakakilala sa katotohanan ang “piniling ginang” at ang mga anak nito na lumalakad sa katotohanan
Pinatibay-loob niya ito na patuloy na linangin ang pag-ibig
Ang pag-ibig ay nangangahulugan ng ‘paglakad ayon sa kaniyang mga utos’
Magbantay laban sa mga manlilinlang (tal 7-13)
Ikinakaila ng mga manlilinlang na si Jesu-Kristo ay dumating sa laman
Dapat iwasan ng mga mananampalataya ang sinumang hindi nananatili sa turo ni Kristo; hindi nila dapat tanggapin sa kanilang mga tahanan ang gayong tao ni magsabi man sa kaniya ng isang pagbati; kung gagawin nila iyon, magiging mga kabahagi sila sa kaniyang balakyot na mga gawa
[Kahon sa pahina 1271]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG IKATLONG JUAN
Isang kinasihang liham kay Gayo na maaaring pakinabangan ng lahat ng Kristiyano
Isinulat ng apostol na si Juan noong mga 98 C.E., halos kasabay ng dalawa pa niyang liham
May pananagutan tayo na maging mapagpatuloy sa mga kapuwa Kristiyano (tal 1-8)
Nakadama si Juan ng malaking kagalakan nang iulat ng naglalakbay na mga kapatid ang tungkol sa paglakad ni Gayo sa katotohanan at ang tungkol sa kaniyang pag-ibig, maliwanag na ipinakita nang magiliw niya silang tanggapin
Tayo ay “mga kamanggagawa sa katotohanan” kung nagpapakita tayo ng pagkamapagpatuloy sa mga kapatid na humahayo alang-alang sa pangalan ng Diyos
Maging tagatulad, hindi sa masama, kundi sa mabuti (tal 9-14)
Palibhasa’y gustong magkaroon ng unang dako, ayaw ni Diotrepes na tanggapin nang may paggalang ang anuman mula kay Juan
Hindi niya tinatanggap ang naglalakbay na mga kapatid at sinisikap niyang palayasin ang sinumang nais magpakita ng pagkamapagpatuloy sa kanila
Huwag gayahin ang masama; tularan ang mabuti