Ang Bibliya—Tunay na Kasaysayan Ba?
HINATULAN nila ang mga tagapamahala. Tinuligsa nila ang mga saserdote. Sinaway nila ang karaniwang mga tao dahil sa kabalakyutan ng mga ito. Inihayag pa nga nila sa madla ang kanilang sariling mga kahinaan at mga kasalanan. Sila’y tinugis at pinag-usig, at ang ilan ay pinaslang pa nga dahil sa pagsasalita at pagsulat ng katotohanan. Sino sila? Ang mga propeta ng Bibliya, na marami sa kanila ay sumulat sa Banal na Kasulatan.—Mateo 23:35-37.
Sa kaniyang aklat na The Historian and History, sumulat si Page Smith: “[Ang mga Hebreo] ay walang awa sa kanilang mga bayani na gaya rin sa kanilang mga kontrabida, sa kanilang mga sarili na gaya rin sa kanilang mga kaaway, sapagkat sumusulat sila sa ilalim ng matamang pagmamasid ng Diyos at walang mapapala at malaki ang maiwawala sa pagkukunwari.” Isinulat din ni Smith na “kung ihahambing sa nakababagot na mga kronolohiya ng mga mandirigmang hari ng Sirya o Ehipto, ang ulat ng mga kapighatian at mga tagumpay ng bayan na pinili ng Diyos . . . ay isang kapana-panabik na salaysay. Natuklasan ng mga mananalaysay na Hebreo ang isa sa pinakamahahalagang elemento ng kasaysayan—na ito ay ginagampanan ng tunay na mga tao, kalakip ang lahat ng kanilang mga pagkakamali at mga kapintasan.”
Ang mga manunulat ng Bibliya ay tumpak din sa napakaliliit na detalye. Matapos suriin ang Bibliya sa liwanag ng kasaysayan at arkeolohiya, ang manunulat na si Werner Keller ay nagsabi sa introduksiyon ng kaniyang aklat na The Bible as History: “Dahil sa gabundok na dami ng mga ebidensiyang totoo at lubusang napatunayan na makukuha na ngayon, . . . patuloy na inuulit-ulit ng mga ito sa aking isipan ang isang pangungusap na ito: ‘Tama nga pala ang Bibliya!’ ”
Dinamikong Kasaysayan na May Mapuwersang mga Aral
Sa kalakhang bahagi, ang mga manunulat ng Bibliya ay mga karaniwang tao—mga magsasaka, pastol at mangingisda. Gayunman, ang kanilang isinulat sa loob ng halos 1,600 taon ay nakaimpluwensiya sa mas maraming tao kaysa sa alinpamang akda, sinauna o makabago. Karagdagan pa, ang kanilang mga akda ay inatake ng marami, ngunit nabigo. (Isaias 40:8; 1 Pedro 1:25) Sa ngayon, ang Bibliya ay mababasa sa kabuuan o sa ilang bahagi nito sa may 2,200 na wika—di-hamak na mas marami kaysa sa iba pang aklat! Bakit bukod-tangi ang Bibliya sa bagay na ito? Ang sumusunod na mga pagsipi ay tumutulong na sagutin ang katanungang iyan.
“Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”—2 Timoteo 3:16, 17.
“Ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.”—Roma 15:4.
“Ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila [sa mga Israelita] bilang mga halimbawa, at isinulat ang mga ito bilang babala sa atin [na mga Kristiyano] na dinatnan ng mga wakas ng mga sistema ng mga bagay.”—1 Corinto 10:11.
Oo, bilang isang rekord na kinasihan at iningatan ng Diyos hinggil sa tunay na mga tao—ang ilan ay nagpalugod sa Diyos at ang ilan ay hindi—ang Bibliya ay nakahihigit sa lahat ng iba pang mga aklat. Hinding-hindi ito isang walang-damdaming listahan ng mga dapat at di-dapat gawin o isang koleksiyon ng kapana-panabik na maiikling kuwento upang libangin ang mga bata. Totoo, gumamit ang Diyos ng mga manunulat na tao, ngunit ito’y lalo lamang nagpaganda sa Bibliya, anupat binibigyan ito ng damdamin na nakaaantig sa puso ng mga mambabasa sa lahat ng salinlahi. Ang arkeologong si William Albright ay nagsabi: “Ang malalalim na kaunawaan ng Bibliya sa moral at espirituwal, na bumubuo ng isang natatanging kapahayagan ng Diyos sa tao na ibinigay sa pamamagitan ng karanasan ng tao, ay totoo rin sa ngayon kung paanong totoo ang mga ito dalawa o tatlong libong taon na ang nakalilipas.”
Upang ilarawan ang di-kumukupas na kahalagahan ng Bibliya, bumalik tayo sa mismong pasimula ng kasaysayan ng tao—kung saan ang Bibliya lamang ang makapagdadala sa atin—at isaalang-alang ang ilang susing aral mula sa aklat ng Genesis.
Napapanahong mga Aral Mula sa Sinaunang Salaysay
Bukod sa iba pang mga bagay, isinisiwalat ng aklat ng Genesis ang pasimula ng pamilya ng tao—mga pangalan at iba pang detalye. Sa paksang ito ay walang ibang akda sa kasaysayan ang lubhang espesipiko. ‘Ngunit ano ang kahalagahan sa ngayon ng pagkaalam hinggil sa ating unang mga ninuno?’ marahil ay maitatanong mo. Ito’y may napakalaking kahalagahan, sapagkat sa pagsisiwalat na ang lahat ng tao—anuman ang kulay, tribo, o bansa—ay nagmula sa iisang mag-asawa, inaalis ng Genesis ang anumang saligan para sa pagtatangi ng lahi.—Gawa 17:26.
Ang Genesis ay nagbibigay rin ng patnubay sa moralidad. Naglalaman ito ng ulat hinggil sa Sodoma, Gomorra, at sa kanilang mga kalapit-lunsod, na pinuksa ng Diyos dahil sa malubhang lisyang paggawi sa sekso ng mga naninirahan doon. (Genesis 18:20–19:29) Ang talatang 7 ng Judas na isang aklat ng Bibliya ay nagsasabi: “Ang Sodoma at Gomorra at ang mga lunsod sa palibot nila, pagkatapos na sila . . . ay makiapid nang labis-labis at sumunod sa laman sa di-likas na paggamit, ay nakalagay sa harap natin bilang isang babalang halimbawa.” Ang mga tao sa Sodoma at Gomorra ay hindi tumanggap ng anumang kautusan sa moral mula sa Diyos; gayunman, gaya ng lahat ng tao, taglay nila ang bigay-Diyos na sangkap ng budhi. Kaya, makatarungang mapananagot ng Diyos ang mga taong iyon sa kanilang mga gawa. (Roma 1:26, 27; 2:14, 15) Gayundin sa ngayon, pananagutin ng Diyos ang lahat ng tao sa kanilang mga gawa, tanggapin man nila o hindi ang kaniyang Salita, ang Banal na Bibliya.—2 Tesalonica 1:8, 9.
Isang Aral ng Kasaysayan Hinggil sa Kaligtasan
Isang lilok sa Arko ni Tito sa Roma ang naglalarawan sa mga sundalong Romano habang dala ang mga sagradong sisidlan mula sa templo sa Jerusalem matapos ang pagkawasak ng lunsod na ito noong taóng 70 C.E. Mahigit sa isang milyong Judio ang napatay. Gayunman, nakaligtas ang masunuring mga Kristiyano dahil sa patiunang babala ni Jesus: “Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napaliligiran ng nagkakampong mga hukbo, kung magkagayon ay alamin ninyo na ang pagtitiwangwang sa kaniya ay malapit na. Kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magsimula nang tumakas patungo sa mga bundok, at yaong mga nasa loob niya ay umalis, at yaong nasa mga dakong lalawigan ay huwag nang pumasok sa kaniya; sapagkat ito ay mga araw para sa paglalapat ng katarungan.”—Lucas 21:20-22.
Palibhasa’y hindi lamang isang sinaunang kasaysayan, ang kapighatian sa Jerusalem ay lumarawan sa mga aspekto ng isang mas malaking kapighatian na malapit nang lumamon sa buong daigdig. Ngunit minsan pa, may mga makaliligtas. Inilalarawan ang mga ito bilang “isang malaking pulutong . . . mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” Sila’y “lumabas mula sa malaking kapighatian” dahil sa kanilang pananampalataya sa itinigis na dugo ni Jesus—isang pananampalataya na matibay na nakasalig sa kasaysayan at hula ng Bibliya.—Apocalipsis 7:9, 14.
Isang Kasaysayan na Hindi na Kailanman Mauulit
Sa ngayon ay nabubuhay tayo sa panahon ng pamamahala ng Pandaigdig na Kapangyarihan ng Anglo-Amerika, ang panghuli sa hula ng Bibliya. Ang parisan sa kasaysayan ay nagsasabi na gaya ng iba pa bago nito, ito’y magwawakas. Ngunit paano? Ayon sa Bibliya, ang wakas ng kapangyarihang ito ay talagang magiging kakaiba. Sa pagtukoy sa taóng 1914 C.E., ang Daniel 2:44 ay nagsabi hinggil sa namamahalang mga kapangyarihang pulitikal, o “mga kaharian”: “Sa mga araw ng mga haring iyon ay magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.”
Oo, papalisin ng Kaharian ng Diyos—ang kaniyang makalangit na pamahalaan sa pangunguna ni Kristo Jesus—ang bawat bakas ng mapaniil na pamamahala ng tao sa Armagedon, ang kasukdulan ng nabanggit na “malaking kapighatian.” Pagkatapos nito, ang Kahariang ito ay “hindi isasalin sa iba pang bayan,” na nangangahulugang hindi ito kailanman maibabagsak o mapaaalis sa puwesto. Ang pamamahala nito ay magiging “hanggang sa mga dulo ng lupa.”—Awit 72:8.
Sa wakas, ang malupit na siklo ng pamumuno ng huwad na relihiyon, mapaniil na pulitika, at sakim na komersiyo ay maglalaho na. Ang Awit 72:7 ay nangangako: “Sisibol ang matuwid, at ang kasaganaan ng kapayapaan hanggang sa mawala na ang buwan.” Hindi pagkamakasarili at pagmamapuri kundi ang nangingibabaw na katangian ng Diyos na pag-ibig ang mamamayani sa planetang ito. (1 Juan 4:8) Sinabi ni Jesus: “Ibigin ninyo ang isa’t isa.” Hinggil dito, ang istoryador na si Will Durant ay nagsabi: “Ang pinakamahalagang aral na natutuhan ko sa kasaysayan ay katulad niyaong kay Jesus. . . . Ang pag-ibig ang pinakapraktikal na bagay sa daigdig.”
Ang pag-ibig ng Diyos sa mga tao ang nag-uyok sa kaniya na kasihan ang pagsulat ng Bibliya. Tanging ito lamang ang tunay na nagbibigay-liwanag sa nakalipas, sa kasalukuyan, at sa hinaharap. Pakisuyong yakapin ang nagbibigay-buhay na mensahe nito sa pamamagitan ng paglalaan ng kahit kaunting panahon sa pag-aaral ng Bibliya. Sa layuning iyan at bilang pagsunod sa utos ni Jesus, ibinabahagi ng mga Saksi ni Jehova ang “mabuting balita ng kaharian” sa kanilang kapuwa. Ang mabuting balitang ito ay malapit nang maging higit pa kaysa hula lamang. Ito’y magiging buháy na kasaysayan.—Mateo 24:14.
[Blurb sa pahina 9]
“Tama nga pala ang Bibliya!”—WERNER KELLER
[Blurb sa pahina 11]
“Ang malalalim na kaunawaan ng Bibliya sa moral at espirituwal . . . ay totoo rin sa ngayon kung paanong totoo ang mga ito dalawa o tatlong libong taon na ang nakalilipas.”—WILLIAM ALBRIGHT, ARKEOLOGO
[Larawan sa pahina 9]
Batong Moabita: Naglalaman ng bersiyon ni Haring Mesa ng digmaan sa pagitan ng Moab at Israel (2 Hari 3:4-27), ng pangalan ng iba’t ibang mga lugar sa Bibliya, at ng pangalan ng Diyos ayon sa sinaunang mga Hebreong letra. Musée du Louvre, Paris.
[Credit Line]
Musée du Louvre, Paris.
Pilak na baryang denario: Ang replika ay nagpapakita ng larawan at inskripsiyon ni Tiberio Cesar (Marcos 12:15-17).
Nabonidus Chronicle: Isang cuneiform na tapyas na nagpapatotoo sa biglang pagbagsak ng Babilonya kay Ciro. (Daniel, kabanata 5)
[Credit Line]
Photograph taken by courtesy of the British Museum.
Tipak ng bato: Nagtataglay ng pangalan ni Poncio Pilato sa Latin.
[Credit Line]
Photograph © Israel Museum, Jerusalem; courtesy of Israel Antiquities Authority.
Larawan ng Dead Sea Scroll sa likuran: Isang pag-aaral sa teksto ng Isaias ang nagpapatunay na ang aklat na ito ay nanatiling halos hindi nagbabago sa loob ng mahigit sa 1,000 taon ng pagkopya ng kamay.
[Credit Line]
Shrine of the Book, Israel Museum, Jerusalem.
[Larawan sa pahina 10]
Pinatutunayan ng lilok sa Arko ni Tito ang pagkawasak ng Jerusalem noong 70 C.E.
[Credit Line]
Soprintendenza Archeologica di Roma