Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 7/22 kab. 21 p. 22-25
  • Ang Halamanan ng Eden ay Isinauli—Sa Buong Lupa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Halamanan ng Eden ay Isinauli—Sa Buong Lupa
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Tunay na Kapayapaan at Katiwasayan sa Isinauling Paraiso
  • Mga Pagbabago sa Wika at sa Lagay ng Panahon
  • Isang Magandang Dako sa Walang-takdang Sansinukob
Gumising!—1987
g87 7/22 kab. 21 p. 22-25

Kabanata 21​—Pandaigdig na Katiwasayan sa Ilalim ng “Prinsipe ng Kapayapaan”

Ang Halamanan ng Eden ay Isinauli​—Sa Buong Lupa

1. (a) Sa anong diwa isasauli ang halamanan ng Eden, at bakit hindi ito sasaklaw ng isang limitadong dako lamang sa globo? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng mga salita ni Jesus sa manggagawa ng masama?

ANG halamanan ng Eden ay “isang paraiso ng kasiyahan,” at sa ganiyang diwa ito ay isasauli. (Genesis 2:8, Douay Version) Ang orihinal na Paraiso ay sumakop ng isang limitadong lawak o laki sa globo. Subalit nilayon ni Jehova na ang mga hangganan nito ay palawakin, sa buong paligid, ng lumalaking sambahayan ng tao hanggang sa ang Paraiso ay sumakop sa buong lupa at gayakan ito ng katangi-tanging likas na kagandahan. (Genesis 1:26-28; 2:8, 9, 15) Ang mga salita ni Jesus sa may simpatiyang manggagawa ng masama na namatay na katabi niya sa Kalbaryo ay tumiyak sa lalaki na siya ay bubuhaying-muli kapag ang pagsasauli sa Paraiso ay ayos na ayos na, at sa panahong iyon ay mapapansin niya ang kasiya-siyang pagbabago sa makalupang tanawin. (Lucas 23:43) Ano kaya ang magiging katulad ng isinauling pangglobong Paraiso? Paano kaya ito magiging kakaiba sa orihinal na halamanan ng Eden?

2. (a) Ano ang nasa orihinal na halamanan ng Eden na hindi makikita sa pambuong-daigdig na Paraiso? (b) Bakit makatuwiran na hindi susubukin ng Diyos ang pagkamasunurin ng sangkatauhan sa pamamagitan ng isang punungkahoy?

2 Sa kabigha-bighaning mga hula tungkol sa maluwalhating mga bagay na nasa unahan lamang, nakikita natin ang isang bagay na wala sa isinauli, pambuong-daigdig na Paraiso. Ano iyon? Ito ay “ang punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama” na “nasa gitna ng halamanan.” (Genesis 2:17; 3:3) Maliwanag na ito’y isang punungkahoy. Makatuwiran bang isipin na sa gitna ng isinauli, pambuong-daigdig na halamanan ng Eden ay magkakaroon ng gayong isang punungkahoy na ipagbabawal ng Diyos? Hindi. Ito ay mangangailangan ng katakut-takot na paglalakbay para sa mga tao sa kadulu-duluhan ng lupa na magtungo sa kinaroroonan ng punungkahoy na iyon sa Gitnang Silangan upang malamang ay kumain ng bunga nito bilang pagsuway sa Kataas-taasang Diyos.

3. Ano pa ang mawawala na sa isinauling Paraiso?

3 Higit pa riyan, hindi magkakaroon sa lugar na iyon ng isang “nagsasalitang” ahas upang anyayahan yaong mga lumalapit sa punungkahoy na kainin ang kaakit-akit na pagmasdang bungangkahoy nito bilang pagtikis sa mga utos ng Diyos. At hindi magkakaroon doon ng anumang di-nakikitang balakyot na espiritu na magmamaneobra sa isang ahas at gawin ito na para bang nagsasalita at anyayahan ang nakatingin na maghimagsik laban sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa isang landasin ng pagsuway sa Maylikha, na may nakamamatay na mga resulta.

4. Bakit si Satanas na Diyablo ay wala sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ng “Prinsipe ng Kapayapaan”?

4 Hindi, ang hindi nakikitang espiritung nilalang na nasa likuran ng “nagsasalitang” ahas doon sa halamanan ng Eden ay wala na sa panahon ng Milenyong Paghahari ng “Prinsipe ng Kapayapaan,” si Jesu-Kristo. Ang balakyot na iyon, si Satanas na Diyablo, ay ganap na pipigilan pagkatapos ng Armagedon. Ang Apocalipsis 20:2, 3 ay nagsasabi sa atin na susunggaban ng “Prinsipe ng Kapayapaan” ang “matandang ahas, na siyang Diyablo at Satanas,” at igagapos siya at ihahagis siya sa kalaliman sa loob ng sanlibong taon.

Tunay na Kapayapaan at Katiwasayan sa Isinauling Paraiso

5. Sa isinauling Paraiso, bakit iiral sa buong lupa ang tunay na kapayapaan at katiwasayan?

5 Anong laking kapayapaan at katiwasayan ang susunod! Mawawala na ang impluwensiya at pananakop ni Satanas sa sangkatauhan bilang “ang pinuno ng sanlibutan”! (Juan 14:30) Sapagkat ang mga kampon ni Satanas na mga demonyo ay nasa kalaliman din, ang lupa sa wakas ay magiging malaya sa lahat ng uri ng espiritismo, okultismo, at black magic​—oo, lahat ng anyo ng demonismo na kinasusuklaman ni Jehova.​—Deuteronomio 18:10-12.

6, 7. (a) Bakit hindi magiging panganib ang mga nilikhang hayop sa tao? (b) Anong hula tungkol dito ang magkakaroon ng literal na katuparan?

6 Ang mga nilalang na hayop ay hindi na mananakit o magiging panganib man sa mga maninirahan sa isinauling Paraiso. Ibabalik ng Diyos sa nakabababang nilikha ang anumang nawalang takot sa mga tao. Kaya maaasahan natin na magkakaroon ng isang literal na katuparan ang magandang paglalarawan ng buhay hayop na nakatala sa Isaias 11:6-9 sa loob ng Milenyong Paghahari ng “Prinsipe ng Kapayapaan”:

7 “At ang lobo ay aktuwal na tatahang sandali kasama ng lalaking kordero, at ang leopardo ay mahihigang kasiping ng batang kambing, at ang guya at ang batang leon at ang patabaing hayop ay magkakasama; at isa lamang munting batang lalaki ang papatnubay sa kanila. At ang baka at ang uso ay manginginain; ang kanilang mga anak ay mahihigang magkakasiping. At kahit na ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka. At ang batang pasusuhin ay tunay na maglalaro sa lungga ng cobra; at sa lungga ng isang makamandag na ahas ay aktuwal na isusuot ng isang batang kahihiwalay sa suso ang kaniyang kamay. Sila’y hindi mananakit o lilikha ng anumang pinsala sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay mapupuno nga ng kaalaman tungkol kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa mismong dagat.”

8. Ano ang kahulugan ng makahulang pananalita na “ang alikabok ang magiging” pagkain ng ahas?

8 Magiging hindi kaayon ng Diyos ang pagkasi sa gayong hula na magkaroon lamang ng espirituwal na katuparan at hindi magpabanaag ng gayong mga bagay sa aktuwal na makalupang buhay. Sa gayunding paraan, ang Isaias 65:25 ay nagsasabi sa atin: “Ang lobo at ang kordero ay manginginaing magkasama, at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka; at kung tungkol sa ahas, alabok ang magiging pagkain niya.” Ito ba’y nangangahulugan ng pagkalipol ng mga ahas sa pangglobong paraiso ng Eden? Hindi, ang makahulang pananalita na ang “alabok ang magiging” pagkain ng ahas ay nangangahulugan na ang mga membro ng pamilyang reptilya ay hindi na muling magiging isang salot sa buhay at mabuting kalusugan ng mga nilikhang tao. Kailangang kilalanin nila na ang sangkatauhan ang kanilang panginoon na may kapamahalaan sa lahat ng bagay na gumagalaw sa ibabaw ng lupa, gaya ng kalagayan ni Adan sa halamanan ng Eden nang panganlan niya ang lahat ng mga hayop nang walang takot.​—Genesis 2:19, 20; Oseas 2:18.

9, 10. Ano ang inihuhula ng Awit 65 at Isaias 25:6 tungkol sa lupa sa ilalim ng paghahari ng “Prinsipe ng Kapayapaan”?

9 Ang kagandahan at kasaganaan ng pambuong-daigdig na halamanan ng Eden na iyon ay higit pa sa ating maguguniguni. Subalit ang Bibliya ay nagbibigay sa atin ng isang makahulang paglalarawan nito sa ika-65 awit, na ipinatutungkol sa Diyos. Sa bahagi, ang awit na ito ay nagsasabi: “Iyong ibinaling ang iyong pansin sa lupa, upang iyong pasaganain ito; iyong pinagyayamang mainam. Ang batis mula sa Diyos ay punô ng tubig. Iyong inihahanda ang kanilang binutil, sapagkat ganiyan mo inihahanda ang lupa.” Walang kakulangan sa ulan noon kundi, bagkus, “mga ambon”! (Awit 65:1, 9-13) Magkakaroon ng saganang pagkain para sa lahat ng mga maninirahan sa lupa.

10 Ang kasaganaang ito ay inihula rin sa Isaias 25:6: “Si Jehova ng mga hukbo ay tiyak na gagawa para sa lahat ng bayan, sa bundok na ito, ng kapistahan ng matatabang bagay, ng kapistahan ng mga alak na laon.” Ang mga maninirahan sa isinauling Paraiso ay kakain ng matatabang pagkain na susustini sa puso at magpapakinang ng mukha. Sila’y iinom ng alak, alak na laon at sinala, na magpapagalak sa kanilang mga puso. (Awit 104:14, 15) Walang mga kakapusan ng pagkain sa ilalim ng Milenyong Paghahari ng “Prinsipe ng Kapayapaan”! Sa halip, magkakaroon ng “labis-labis.”​—Awit 72:16.

Mga Pagbabago sa Wika at sa Lagay ng Panahon

11. Anong pagbabago sa wika ang magaganap, at paano nito maaapektuhan ang sangkatauhan?

11 Ang pambuong-lupang Paraiso ba ay daranas ng kalituhan sa pagkakaroon ng maraming wika? Hindi, sapagkat ang “Prinsipe ng Kapayapaan” ay tinutukoy rin bilang “Makapangyarihang Diyos.” (Isaias 9:6) Kaya maaari niyang baligtarin ang kalituhan sa wika na nagsimula sa Tore ng Babel. (Genesis 11:6-9) Ano kaya ang magiging wikang panlahat ng lahat ng makalupang mga anak ng “Walang-hanggang Ama”? Ito kaya ay ang orihinal na wika ng unang Adan, ang wika na ibinigay sa kaniya ni Jehova? Malamang. Tiyak, ang lahat ng mga hadlang sa wika ay papawiin. Ikaw ay makapaglalakbay saanman at makipag-usap sa mga tao. Mauunawaan mo sila, at mauunawaan ka nila. Magkakaroon ng isang wika para sa lahat ng tao, at magiging angkop na ang buong Bibliya ay mababasa sa wikang iyan. (Ihambing ang Zefanias 3:9.) Sa wikang iyan ang lahat ng lupa ay mapupunô ng kaalaman ni Jehova “gaya ng mga tubig na tumatakip sa mismong dagat.”​—Isaias 11:9.

12. Paano magkakaroon ng katuparan ang Zacarias 14:9?

12 Sa panahong iyon matutupad ang mga salita ng Zacarias 14:9: “Sa araw na yao’y magiging isa si Jehova, at ang kaniyang pangalan ay isa.” Si Jehova lamang ang sasambahin bilang ang isang tunay na Diyos. Sa “araw na yaon” ng Kaharian ni Jehova sa pamamagitan ng “Prinsipe ng Kapayapaan,” ihahayag ng Diyos ang eksaktong bigkas ng kaniyang pangalan. Sa panahong iyon magkakaroon lamang ng isang pagbigkas sa banal na pangalang iyan ng lahat sa lupa. Ang kaniyang pangalan ay magiging isa.

13. Bakit ang lagay ng panahon, hangin, at mga alon ay hindi magiging banta sa mga maninirahan ng lupa?

13 Kung ano ang magiging lagay ng panahon at mga pagbabago sa kapaligiran sa panahong iyon ay isang bagay rin na pananabikan ng mga umaasam-asam sa pangglobong Paraiso ng “Prinsipe ng Kapayapaan.” Isang bagay ang tiyak: Ang buong lupa ay magiging isang katangi-tanging dakong pamuhayan. Ang Paraisong iyon ay hinding-hindi na gagambalain ng mapangwasak na mga bagyo, mga buhawi, mga daluyong, unós, o sigwada. Ang hangin, alon, at lagay ng panahon ay susunod na lahat sa “Prinsipe ng Kapayapaan.” (Marcos 4:37-41) Ang pangglobong halamanan ng Eden ay magkakaroon ng ganap na kontroladong lagay ng panahon. Ang buong lupa ay pagagandahin tungo sa isang paraiso ng kasiyahan, kung saan magiging maligayang pribilehiyo ng lahat ng sangkatauhan na manirahan nang tiwasay hanggang sa panahong walang hanggan.

14, 15. (a) Anong pangako na nakatala sa Apocalipsis 21:3, 4 ang matutupad? (b) Paanong ang Diyos ay mananahan sa gitna ng sangkatauhan? (c) Anong uri ng luha ang papahirin magpakailanman?

14 Sa panahong iyon walang dahilan para sa anumang mga luha ng kalungkutan! Ang makahulang Salita ni Jehova ay tumitiyak sa atin: “Ang tabernakulo ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at siya’y mananahan na kasama nila, at sila’y magiging kaniyang bayan. At ang Diyos mismo ay sasa-kanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man.”​—Apocalipsis 21:3, 4.

15 Ang mga langit ang trono ng Diyos, at ang lupa ang tuntungan ng kaniyang paa. (Isaias 66:1) Kaya ang Diyos ay hindi maaaring manirahan sa lupa sa isang literal na diwa. Subalit siya ay mananahan na kasama ng sangkatauhan. Sa loob ng Sanlibong Taong Paghahari, si Jehova ay mananahan sa gitna ng sangkatauhan sa pamamagitan ng kaniyang kinatawan, ang kaniyang niluwalhating Anak, si Jesu-Kristo. Anong pagkaangkup-angkop nga na ang pagkanaroroon ni Jehova ay kakatawanin ng kaniyang “Prinsipe ng Kapayapaan”! Ipinagugunita nito ang mga salita ng Isaias 7:14 tungkol sa pangalang ikinapit sa Mesiyas​—Immanuel. Ang pangalang iyan ay nangangahulugang “Sumasa-atin ang Diyos.” (Mateo 1:23) Tunay na kapana-panabik nga, sa pamamagitan ng kaniyang pinakamamahal na Anak, ang Diyos ay “mananahan” na kasama ng sangkatauhan! Sa panahong iyon malamang na maluha tayo sa kagalakan habang nakikita natin ang kahanga-hangang mga himalang ginagawa ng “Makapangyarihang Diyos” na ito, lalo na kapag ang mga mahal natin sa buhay ay ibinalik na sa buhay sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli sa mga kalagayan sa Paraiso. (Gawa 24:15) Ang gayong mga himala ay isang kahanga-hangang katibayan na ang Diyos ay kasama ng sangkatauhan at na pinapahid niya ang lahat ng luha ng kalungkutan sa ating mga mata magpakailanman.

Isang Magandang Dako sa Walang-takdang Sansinukob

16. Ang pagkabuhay bang muli ng mga patay ay kailangang maghintay hanggang sa ang Paraiso ay mapalawak sa buong globo? Ipaliwanag.

16 Ang unang Adan ay sinabihan kung paano sisimulan ang proyekto na pagpapalawak sa Paraiso mula roon mismo sa halamanan ng Eden. Ang katuparan ng orihinal na layuning iyan na palawakin ito sa buong lupa ay matutupad. Subalit ang pagkabuhay bang muli ng mga patay ay kailangang maghintay hanggang sa ang Paraiso ay umabot sa buong globo? Hindi. Halimbawa, yaong mga bubuhaying-muli sa isang maagang pagkabuhay-muli ay bubuhaying-muli sa mga bahagi ng lupa kung saan naroroon at nabago na ng mga makaliligtas sa Armagedon ang mga dakong iyon tungo sa isang paraiso. Habang ang pagkabuhay-muli ng sangkatauhan sa pangkalahatan ay nagpapatuloy, ang mga dakong ito ng Paraiso ay lalawak hanggang sa ang buong lupa ay maging Paraiso.

17. Anong paglalarawan ang ibinibigay tungkol sa pangglobong Paraiso?

17 Mahihigitan ng dumarating na Paraiso ang lahat ng kaibig-ibig na mga parke o halamanan sa ngayon. Maningning, ang buong lupa ay gaganda na gaya ng isang mapayapang paraiso, isa na kaaya-aya hindi lamang sa mata ng mga tao kundi kahit sa mata ng Maylikha. Ito ay magiging isang pangglobong halamanan ng Eden na ginagayakan ng mga pananim at mga punungkahoy​—mabuting pagmasdan at nagbubunga ng pagkain para sustinihan ang nilikhang buhay sa kasakdalan. Ang lupa ay mananatili magpakailanman na isang magandang dako sa lahat ng walang-takdang sansinukob ni Jehova. At lahat ng nagkakaisang sangkatauhan ay magkakaroon ng walang hanggang obligasyon at pribilehiyo na panatilihin ang lupa na isang magandang dako.

18. Paano natin nalalaman na ang lahat, mga lalaki at mga babae, ay mapayapang mananahan nang sama-sama bilang magkakapatid?

18 Ang lahat ng membro ng maka-Diyos na sambahayan ng tao ay mapayapang maninirahang sama-sama bilang magkakapatid sa buong kalinisan, sapagkat sila sa katunayan ay magiging mga anak ng “Walang-hanggang Ama,” ang “Prinsipe ng Kapayapaan.” Kaya hindi na magkakaroon ng mapagmataas na pagdomina ng mga lalaki sa mga babae, na kanilang mga kapatid. At ang pinaging-sakdal na mga babae ay magiging gaya ng nilayon ng Diyos na Jehova, gaya ng nilayon niya kay Eva na maging “isang katulong para” sa kaniyang asawa, si Adan.​—Genesis 2:18; tingnan din ang 1 Pedro 3:7.

19. Ang lupang Paraiso ay maghaharap ng anong tanawin doon sa mga naninirahan sa di-nakikitang mga langit?

19 Ang tanawin na ihaharap ng malaparaisong lupa sa panahong iyon na punô ng sakdal na mga lalaki at babae roon sa di-nakikitang mga langit ay magiging lubhang maringal at mas maganda kaysa anyo ng lupa nang una itong lalangin, nang “magsiawit na magkakasama ang mga bituing pang-umaga, at ang lahat ng mga anak ng Diyos ay naghiyawan sa kagalakan.” (Job 38:7) Sa panahong iyon ang Kataas-taasang Diyos, si Jehova, ay lubusang maipagbabangong-puri bilang ang Isa na ang maluwalhating layunin ay hindi kailanman madadaig. Ang lahat ng papuri ay suma-kaniya!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share