Kailangan Ka Bang Maging Sikat?
ANG TV screen ay pinaandar na samantalang ang mga kamera ay nakapokus sa bantog na manunugtog. Siya’y ngumiti, pagkatapos ay tumugtog na siya. Tayo’y nakikinig nang buong kaluguran sa musika. Inilapit ang kamera, at ating nakita ang ekspresyon ng kaniyang mukha at ang paggalaw ng kaniyang dalubhasang mga daliri habang siya’y tumutugtog.
Oo, ang ganiyang bida ang nakatatawag-pansin sa madla. Ngunit pagka tapos na ang pagtatanghal, pansinin ang mahabang listahan ng mga may bahagi sa tanghalan—orkestra, konduktor, mga sound technician, camera men, direktor, prodyuser, make-up artist, at maramiing mga iba pa. Lahat ay kinakailangan upang magtagumpay ang pagtatanghal. Lahat ay may bahagi.
Isang katulad na situwasyon ang umiiral sa kongregasyon Kristiyano. May mga indibiduwal na may prominenteng bahagi. Ang iba naman ay simpleng mga karaniwang mamamahayag ng balita ng Kaharian. Dapat bang isipin ng ganiyang mga tao na sila’y di-gaanong mahalaga sapagkat sila’y hindi ‘sikat sa madla’? Dapat ba nilang ikabahala kung sila ay hindi prominente?
“Lahat ay Magkakaroon ng Bahagi”
Malaki ang inihahayag ng isang ulat tungkol kay Haring David. Ayon sa Bibliya minsan ay nanguna siya sa isang pangkat ng 400 lalaki sa isang dramatikong misyon ng pagliligtas. Sila’y humayo upang mabawi ang kani-kanilang pamilya at mga ari-arian sa isang pangkat ng mga magnanakaw. Dalawang daan sa kanila ang naiwan upang magbantay sa bagahe. Nang ang pangkat ng mga sumaklolo ay bumalik nang matagumpay kasama ang mga babae, mga bata, at mga ari-arian, pati ang maraming nasamsam, isang suliranin ang napaharap: Sino ang dapat magkaroon ng bahagi sa mga samsam ng digmaan? Iyon ba lamang mga aktuwal na nakipagbaka ang karapat-dapat makibahagi sa samsam? Si David ay nagbigay ng kasagutan na itinuring na isang batayan, “isang disisyon ng hukuman para sa Israel.” Sinabi niya: “Sapagkat kung gaano ang bahagi ng lumusong sa pakikipagbaka ay gayon ang bahagi ng naiwan upang magbantay ng bagahe. Sila’y pare-parehong magkakaroon ng bahagi.” (1 Samuel 30:24, 25) Si Jehova ang umakay kay David upang gumawa ng ganitong paghatol. At mababanaag dito ang matinding pagpapahalaga ni Jehova sa mga naglilingkod bilang mga tagatangkilik.
Ngunit ang prinsipyo bang ito ay kumakapit sa kongregasyong Kristiyano? Si apostol Pablo ay sumasagot sa pamamagitan ng paghahalimbawa. Kaniyang inihalimbawa ang kongregasyon sa katawan ng tao at nagsabi: “Ang mata ay hindi makapagsasabi sa kamay: ‘Hindi kita kailangan’; o, ang ulo ay hindi makapagsasabi sa paa: ‘Hindi kita kailangan.’” Oo, sa katawan ng tao bawat parte—kahit ang maliit na daliri ng paa—ay may mahalagang gawain. Ipinakikita ng Diyos ang ganoon ding karunungan sa pag-oorganisa sa kaniyang kongregasyon. “Ang Diyos ang naglagay sa kani-kaniyang dako sa kongregasyon,” inaatasan ang bawat isa ng kani-kaniyang responsabilidad.—1 Corinto 12:21, 28.
Noong unang siglo, ang mga ibang Kristiyano ay naging prominente. Halimbawa, si Pedro ay malimit na sikat sa madla. Siya ang tagapagsalita para sa mga apostol noong makasaysayang araw ng Pentecostes. (Gawa 2:14) Siya’y nagkaroon ng pribilehiyo na tulungan ang mga unang Gentil na nakumberte sa pagka-Kristiyano. (Gawa 10:44-48) Sa katunayan, dalawang aklat ng Bibliya ang may taglay ng kaniyang pangalan! Subalit ang ilan sa mga ibang apostol ay bahagya na lamang nabanggit. Sina Mateo, Nathanael (Bartolome), Tadeo (si Judas, na anak ni Santiago), si Simon na masigasig, at si Santiago, anak ni Alfeo (tinatawag na Santiago na Bata), ay hindi gaanong nabanggit. Gayunman, may katapatang sinuportahan nila ang kanilang Panginoon sa kaniyang pangangaral at pagtuturo.
May Kahinhinang Paglilingkod Nang Buong-Kaluluwa
Isang nahahawig na kalagayan ang umiiral ngayon. Sa kongregasyon Kristiyano, si Jehova pa rin ang ‘naglalagay ng mga miyembro ayon sa kaniyang minamagaling.’ Ang resulta ay na higit na sikat ang iba kaysa iba. Subalit ano ang dapat na maging saloobin natin tungkol sa ating mga pribilehiyo ng paglilingkod, anuman ang mga ito? Ganito ang pagkasabi ng Colosas 3:23, 24: “Anuman ang inyong ginagawa, gawin iyon nang buong-kaluluwa na gaya ng kay Jehova ginagawa, at hindi sa mga tao, sapagkat batid ninyo na kay Jehova kayo tatanggap ng kaukulang gantimpala.”
Maraming mga Saksi sa ngayon ang nagtatamasa ng tunay na kagalakan sa paglilingkod sa mga tungkuling mababa bilang mga tagatangkilik lamang. Nariyan, halimbawa, si Edmundsen, isang Saksi na naglilingkod sa Pietermaritzburg, Timog Aprika. Siya’y nabautismuhan noong 1946 at pumasok sa buong-panahong paglilingkod noong 1950. Hindi siya napapalagay ‘sa limelight,’ wika nga. Gayunman, siya’y nagagalak at 15 sa kaniyang mga anak at mga apo ang nag-alay at bautismadong mga Saksi, at 27 pa ng kaniyang mga apo at mga apo sa tuhod ang dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon! At sa ngayon, bagama’t mahina ang pandinig at malabo ang mata, siya’y naglilingkod pa rin bilang auxiliary payunir. Sa edad na 84 siya’y isa pa ring elder sa kongregasyon at nagpapahayag sa madla! Gayunman, si Edmundsen ay hindi prominente. Ngunit katulad ng libu-libong tapat na mga lingkod ng Diyos, siya’y nakapaglilingkod nang makabuluhan kay Jehova.
Mga Kagantihan
Oo, kababaang-loob ang kailangan upang makapaglingkod sa isang puwestong hindi prominente. Ngunit ito ay nagbibigay sa atin ng panahon upang mapaunlad natin ang ating mga personalidad at mga abilidad bago tayo mapaharap sa mabibigat na pananagutan. Si Haring Josias ay naghari sa Juda sa edad na walong taon. (2 Hari 22:1) Subalit gaanong kahanda siya sa tungkuling iyon? Si Moises, sa kabilang dako, ay 40 taon na naging isang karaniwang pastol sa Midian bago naging isang tagapagligtas. Sa haba ng panahong iyon ay napaunlad niya ang mga katangian na gaya baga ng kaamuan. (Bilang 12:3) Siya’y natutong maghintay kay Jehova. At nang sa wakas tawagin siya ni Jehova upang manguna sa Israel sa susunod na 40 taon, siya’y handa na para sa pananagutang ito!
Kaya ang isang taong nag-iisip na ang kaniyang mga abilidad ay hindi ginagamit nang husto sa kongregasyon ay hindi dapat masiraan ng loob. Baka inaakala ni Jehova na higit na pagtitiyaga o kababaang-loob ang kailangang paunlarin bago ang gayong tao ay pagkalooban ng higit pang mga pribilehiyo. Alalahanin din na ang lubhang karamihan ng mga lingkod ni Jehova ay naglilingkod nang hindi sikat sa madla. Ang Bantayan ay isang prominenteng bahagi ng programa sa pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova sa loob ng mahigit na isang siglo. Gayunman ay hindi binabanggit ang mga manunulat nito. Pag-isipan din ang maraming libu-libo na naglilingkod sa mga tahanang Bethel o bilang mga payunir at mga misyonero. Sila’y hindi nakabilad sa madla. Gayunman ay nagtatamasa sila ng buhay na magawain at kasiya-siya at may matinding kasiyahan na dulot ng pagpapakasakit nila sa pagtulong sa iba.—Gawa 20:35.
Ang Gantimpala Para sa mga Naglilingkod Nang May Pagpapakumbaba
Sa orihinal na 12 apostol, isa lamang ang naging isang malaking kabiguan—ang traidor na si Judas Iscariote. Ang mga iba ay nagtamasa ng maluwalhating gantimpala. Sa Apocalipsis 21:10, 14 inilalarawan ng Bibliya ang “banal na lunsod” bilang nakatayo sa 12 mga batong pundasyon. Sa bawat isa nito ay nakasulat ang pangalan ng isang apostol ng Kordero. Kapuna-puna, dalawa sa mga tapat na apostol na ito ay Simon ang pangalan. Ang isa na si Simon Pedro ay lubhang sikat sa madla; ang isa naman, na si Simon na masigasig, ay hindi. (Gawa 1:13) Oo, bahagyang-bahagya ang sinasabi tungkol sa Simon na ito. Subalit ang dalawang Simon na iyan ay tumanggap ng magkaparehong gantimpala—ang pribilehiyo na pagiging pundasyong mga miyembro ng makalangit na pamahalaan sa ilalim ng Haring si Jesu-Kristo!
Kung sa bagay, hindi lahat ng binuhay na mga pinahiran ay magsisilbing “mga batong pundasyon.” Gagamitin ni Jehova ang mga nasa kaniyang pamahalaan sa anumang tungkulin na inaakala niyang pinakamagaling sa kanila. Tayong mga may pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa ay makatitiyak din na sa ilalim ng kaayusang iyan tayo’y gagamitin ng ating Hari sa pinakamagaling na paraang maaari. Kung kaaya-aya ang ating mga kapaligiran, at tayo’y may mga mabubuting kasama, sarisaring kalugud-lugod na trabaho, at walang kabiguan o pagkabagot, malulubos ang pag-unlad ng ating mga pagkatao at mga kakayahan!
Kaya’t tayo man ay tinawag para sa makalangit na buhay o umaasang magtatamo ng buhay sa isang pinagandang lupa, tayo’y makontento na sa dako natin sa paglilingkod kay Jehova at gumawa nang buong-kaluluwa. Ito ang landas ng karunungan at kagalakan. Imbis maghangad na maging sikat, tularan ang kababaang-loob ni Haring David, na nagsabi: “Isang bagay ang hiniling ko kay Jehova—iyon ang hahanapin ko, na ako’y makatahan sa bahay ni Jehova lahat ng araw ng aking buhay, upang malasin ang kagandahan ni Jehova at magmasid nang may pagpapahalaga sa kaniyang templo.”—Awit 27:4.