CALCEDONIA
Sa ngayon, ang batong tinatawag na calcedonia ay isang uri ng malakristal na kwarts na malinaw o tinatagos ng liwanag at ginagamit na palamuti at hiyas. Hindi ito kasintigas ng purong kwarts, at matatagpuan ang mga ito sa mga butas sa loob ng mga batong-bulkan. Ang karaniwang uri ng calcedonia ay di-gaanong malinaw at may bahid na puting paikut-ikot o batik-batik. Ang ilang calcedonia ay kulay puti, abuhin, dilaw, asul, at kayumanggi.
Noong sinaunang panahon, ang calcedonia ay isang bato na karaniwang ginagamit sa mga hiyas na nililok. Ang pangalan nito ay galing sa isang matandang Griegong lunsod na tinatawag na Chalcedon (sa Asia Minor), na dating pinagkukunan ng mineral na ito. Sa Bibliya, ang tanging teksto na bumanggit sa calcedonia (sa Gr., khal·ke·donʹ) ay nagsasabing ito ang ikatlong pundasyon ng pader ng Bagong Jerusalem.—Apo 21:2, 19; tingnan ang HIYAS AT MAHAHALAGANG BATO.