-
Dumarating si Jesus na May Pampatibay-LoobApocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
-
-
1. Kanino sumusulat si Juan, at sino ngayon ang dapat magkaroon ng masidhing interes sa kaniyang mensahe?
DAPAT makapukaw ng masidhing interes ang sumusunod na pangungusap sa bawat miyembro ng mga kongregasyon ng bayan ng Diyos sa ngayon. Ito’y isang serye ng mga mensahe. Ang mga ito ay may partikular na pagkakapit habang papalapit “ang takdang panahon.” (Apocalipsis 1:3) Ang pagbibigay-pansin sa mga kapahayagang iyon ay magdudulot sa atin ng walang-hanggang pakinabang. Sinasabi ng ulat: “Si Juan sa pitong kongregasyon na nasa distrito ng Asia: Magkaroon nawa kayo ng di-sana nararapat na kabaitan at kapayapaan mula sa ‘Isa na ngayon at ang nakaraan at ang darating,’ at mula sa pitong espiritu na nasa harap ng kaniyang trono, at mula kay Jesu-Kristo.”—Apocalipsis 1:4, 5a.
-
-
Dumarating si Jesus na May Pampatibay-LoobApocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
-
-
3. (a) Ayon sa pagbati ni Juan, saan nagmumula ang “di-sana-nararapat na kabaitan at kapayapaan”? (b) Anong pananalita ni apostol Pablo ang katulad ng pagbati ni Juan?
3 “Di-sana-nararapat na kabaitan at kapayapaan”—lubhang kanais-nais ang mga ito lalung-lalo na kung alam natin kung kanino nagmumula ang mga ito! Ang “Isa” na pinagmumulan ng mga ito ay ang Soberanong Panginoong Jehova mismo, “ang Haring walang hanggan,” na nabubuhay “mula sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda.” (1 Timoteo 1:17; Awit 90:2) Nasasangkot din dito ang “pitong espiritu,” isang pananalitang nagpapahiwatig ng ganap na pagkilos ng aktibong puwersa, o banal na espiritu, ng Diyos samantalang naghahatid ito ng kaunawaan at pagpapala sa lahat ng nagbibigay-pansin sa hula. Napakahalaga rin ng papel ni “Jesu-Kristo,” na tungkol sa kaniya ay sumulat si Juan nang maglaon: “Puspos siya ng di-sana-nararapat na kabaitan at katotohanan.” (Juan 1:14) Kaya ang pagbati ni Juan ay katulad din ng mga pananalitang binanggit ni apostol Pablo bilang konklusyon ng kaniyang ikalawang liham sa kongregasyon ng Corinto: “Sumainyo nawang lahat ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Panginoong Jesu-Kristo at ang pag-ibig ng Diyos at ang pakikibahagi sa banal na espiritu.” (2 Corinto 13:14) Maging totoo rin nawa ang mga salitang ito sa bawat isa sa atin na umiibig sa katotohanan ngayon!—Awit 119:97.
“Ang Tapat na Saksi”
4. Paano inilarawan ni Juan si Jesu-Kristo, at bakit angkop na angkop ang mga paglalarawang ito?
4 Kasunod ni Jehova, si Jesus ang pinakamaluwalhating persona sa sansinukob, gaya ng kinikilala ni Juan, nang ilarawan niya si Jesus bilang “‘ang Tapat na Saksi,’ ‘Ang panganay mula sa mga patay,’ at ‘Ang Tagapamahala ng mga hari sa lupa.’” (Apocalipsis 1:5b) Gaya ng buwan sa langit, tiyak na mananatili siyang ang pinakadakilang Saksi sa pagka-Diyos ni Jehova. (Awit 89:37) Pagkatapos makapanatiling tapat hanggang sa kaniyang sakripisyong kamatayan, siya ang kauna-unahan mula sa sangkatauhan na ibinangon tungo sa imortal na buhay bilang espiritu. (Colosas 1:18) At ngayon sa mismong harapan ni Jehova, dinakila siya nang higit kaysa sa lahat ng mga hari sa lupa, palibhasa’y ipinagkaloob sa kaniya ang “lahat ng awtoridad . . . sa langit at sa lupa.” (Mateo 28:18; Awit 89:27; 1 Timoteo 6:15) Noong 1914, iniluklok siya bilang Hari upang magpuno sa gitna ng mga bansa sa lupa.—Awit 2:6-9.
5. (a) Paano nagpatuloy si Juan sa pagpapahayag ng pagpapahalaga sa Panginoong Jesu-Kristo? (b) Sinu-sino ang nakikinabang sa pagbibigay ni Jesus ng kaniyang sakdal na buhay bilang tao, at paano tumanggap ng pantanging pagpapala ang pinahirang mga Kristiyano?
5 Patuloy na ipinahayag ni Juan ang kaniyang pagpapahalaga sa Panginoong Jesu-Kristo sa ganitong marubdob na pananalita: “Sa kaniya na umiibig sa atin at nagkalag sa atin mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang sariling dugo—at ginawa niya tayong isang kaharian, mga saserdote sa kaniyang Diyos at Ama—oo, sumakaniya nawa ang kaluwalhatian at ang kalakasan magpakailanman. Amen.” (Apocalipsis 1:5c, 6) Ibinigay ni Jesus ang kaniyang sakdal na buhay bilang tao upang ang mga nananampalataya sa kaniya sa daigdig ng sangkatauhan ay maisauli sa sakdal na buhay. Ikaw, mahal naming mambabasa, ay maaaring mapabilang dito! (Juan 3:16) Subalit isang pantanging pagpapala ang nabuksan para sa pinahirang mga Kristiyano na katulad ni Juan dahil sa sakripisyong kamatayan ni Jesus. Sila’y ipinahahayag na matuwid salig sa haing pantubos ni Jesus. Tinalikuran ng mga kabilang sa munting kawan ang lahat ng pag-asang mabuhay sa lupa, gaya ng ginawa ni Jesus, at inianak sila sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos, na may pag-asang buhaying-muli at maglingkod kasama ni Jesu-Kristo sa kaniyang Kaharian bilang mga hari at saserdote. (Lucas 12:32; Roma 8:18; 1 Pedro 2:5; Apocalipsis 20:6) Kaylaking pribilehiyo! Kaya hindi kataka-takang bumulalas si Juan nang buong katiyakan na ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan ay nauukol kay Jesus!
-