Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 12/1 p. 9-14
  • “Masayang Pabalita” Mula sa Apocalipsis

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Masayang Pabalita” Mula sa Apocalipsis
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Tagapaghayag ng Masayang Pabalita
  • Ang Inilalaan sa Atin ng Apocalipsis
  • Ang Kordero na Karapat-dapat sa Paggalang
  • “Ang Kaniyang mga Paghatol ay Totoo at Matuwid”
  • Ang Maluwalhating Milenyong Paghahari
  • Maging Maliligayang Mambabasa ng Aklat ng Apocalipsis
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Ang Aklat ng Apocalipsis​—Ano ang Kahulugan Nito?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Apocalipsis—Ang Maligayang Kasukdulan Nito!
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
  • Aklat ng Bibliya Bilang 66—Apocalipsis
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 12/1 p. 9-14

“Masayang Pabalita” Mula sa Apocalipsis

“Nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit, at siya ay may walang-hanggang mabuting balita na ipahahayag bilang masayang pabalita doon sa mga tumatahan sa lupa.”​—APOCALIPSIS 14:6.

1. Bagaman ang mga Saksi ni Jehova ay naniniwalang kinasihan ang aklat ng Apocalipsis, bakit hindi naman sila isang “apokaliptikong sekta”?

TALIWAS sa mga paratang laban sa kanila, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi isang “apokaliptikong sekta” o isang “kulto ng paggunaw.” Gayunman, tinatanggap nila ang Apocalipsis, o aklat ng Pagsisiwalat, bilang bahagi ng kinasihang Salita ng Diyos. Totoo, ang Apocalipsis ay naglalaman ng mga mensahe ng paghatol laban sa balakyot. Subalit sa kanilang pagpapatotoo sa madla, ang pangunahing pinagtutuunan ng pansin ng mga lingkod ng Diyos ay ang kamangha-manghang pag-asa na nakasaad sa Bibliya, lakip na yaong nasa Apocalipsis, o Pagsisiwalat. Kaya nga, hindi sila nagdaragdag o nag-aalis sa makahulang mga salita na masusumpungan dito.​—Apocalipsis 22:18, 19.

Mga Tagapaghayag ng Masayang Pabalita

2. Ano ang ilang kasulatan na madalas gamitin ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang gawaing pangangaral?

2 Ang madalas sipiin na maka-Kasulatang saligan ng pangmadlang ministeryo ng mga Saksi ni Jehova ay ang sinabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14, talababa sa Ingles) At ano nga ba ang “mabuting balitang ito ng kaharian”? Maraming Saksi ang sasagot sa pamamagitan ng pagsipi sa mga talata sa Apocalipsis kabanata 20 at 21 na tumutukoy sa Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo at ng kaniyang pamahalaan ng Kaharian at sa lipunan ng tao, na doo’y “hindi na magkakaroon” ng kamatayan, dalamhati, at kirot.​—Apocalipsis 20:6; 21:1, 4.

3. Sa anong misyon tumutugma ang pangmadlang ministeryo ng mga Saksi ni Jehova?

3 Bilang mga tagapaghayag ng masayang pabalitang ito, ang mga Saksi ni Jehova ang tunay na tagapagsalita ng isang makasagisag na makalangit na mensahero na ang misyon ay inilalarawan din sa Apocalipsis. “Nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit, at siya ay may walang-hanggang mabuting balita na ipahahayag bilang masayang pabalita doon sa mga tumatahan sa lupa, at sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.” (Apocalipsis 14:6) Lakip sa “walang-hanggang mabuting balita” ang patalastas na “ang kaharian [o, pamamahala] ng sanlibutan” ay “naging ang kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo” at na ang “itinakdang panahon” ni Jehova ay sumapit na “upang dalhin sa pagkasira yaong mga sumisira sa lupa.” (Apocalipsis 11:15, 17, 18) Hindi nga ba isang mabuting balita iyan?

Ang Inilalaan sa Atin ng Apocalipsis

4. (a) Anong saligang katotohanan ang nakabalangkas sa kabanata 1 ng Apocalipsis? (b) Ano ang kahilingan sa mga nagnanais makinabang sa masayang pabalita?

4 Ang pambungad na kabanata ng aklat ng Apocalipsis ay naglalarawan kay Jehova bilang “ang Alpha at ang Omega, . . . ang Isa na ngayon at nang nakaraan at ang darating, ang Makapangyarihan-sa-lahat.” At inilalarawan ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, bilang “ang Tapat na Saksi,” “ang panganay mula sa mga patay,” at “ang Tagapamahala ng mga hari sa lupa.” Tinutukoy rin nito si Jesus bilang ‘siya na umiibig sa atin at nagkalag sa atin mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang sariling dugo.’ (Apocalipsis 1:5, 8) Kaya nga, sa simula pa lamang, ipinaliliwanag na ng Apocalipsis ang mga saligang katotohanan na nakapagliligtas ng buhay. Yaong “mga tumatahan sa lupa” ay hindi makikinabang sa masayang pabalita na dinadala sa kanila maliban nang kilalanin nila ang soberanya ni Jehova, sampalatayanan ang itinigis na dugo ni Jesus, at paniwalaang siya’y binuhay-muli ni Jehova at na si Kristo ang inatasan-ng-Diyos na Tagapamahala sa ngayon.​—Awit 2:6-8.

5. Sa anong papel inilalarawan si Kristo sa mga kabanata 2 at 3 ng Apocalipsis?

5 Ang sumunod na dalawang kabanata ay naglalarawan kay Kristo Jesus bilang ang maibiging makalangit na Tagapangasiwa ng mga kongregasyon ng kaniyang mga alagad sa lupa. Ang balumbon na ipinadala sa piniling pitong Kristiyanong kongregasyon na nasa Asia Minor noong unang siglo C.E. ay naglalaman ng pampatibay-loob at maririing payo na kapit pa rin sa ngayon. Ang mga mensaheng ipinadala sa mga kongregasyon ay karaniwan nang nagsisimula sa pananalitang gaya ng “Nalalaman ko ang iyong mga gawa” o “Nalalaman ko ang iyong kapighatian.” (Apocalipsis 2:2, 9) Oo, alam na alam ni Kristo ang nangyayari sa mga kongregasyon ng kaniyang mga alagad. Pinuri niya ang ilan dahil sa kanilang pag-ibig, pananampalataya, pagpapagal sa ministeryo, pagbabata, at katapatan sa kaniyang pangalan at salita. Ang iba naman ay sinaway niya dahil sa hinayaan nilang manlamig ang kanilang pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang Anak, o nabuyo sila sa seksuwal na imoralidad, idolatriya, o apostatang sektaryanismo.

6. Ang pangitaing nakaulat sa kabanata 4 ay tumutulong sa mga tao na maunawaan ang ano?

6 Ang kabanata 4 ay naglalaan ng kahanga-hangang pangitain hinggil sa makalangit na trono ng Diyos na Jehova. Ipinababanaag nito ang maluwalhating presensiya ni Jehova at ng makalangit na kayarian ng pamamahalang gagamitin niya. Ang may-putong na mga tagapamahala, na ang mga trono ay nakapalibot sa gitnang trono ng sansinukob, ay nangangayupapa kay Jehova at nagpapahayag: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na amin ngang Diyos, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng mga bagay, at dahil sa iyong kalooban sila ay umiral at nalalang.”​—Apocalipsis 4:11.

7. (a) Ano ang iniutos ng anghel na gawin ng mga naninirahan sa lupa? (b) Ano ang isang mahalagang bahagi ng ating gawaing pagtuturo?

7 May kahulugan ba ito sa mga tao sa ngayon? Talagang mayroon. Kung nais nila ng buhay sa ilalim ng Milenyong Kaharian, dapat silang makinig na mabuti sa ipinahahayag ng “anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit”: “Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian, sapagkat ang oras ng paghatol niya ay dumating na.” (Apocalipsis 14:6, 7) Isa sa pangunahing layunin ng gawaing pagtuturo sa Bibliya na isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova ay ang makatulong “doon sa mga tumatahan sa lupa” na makilala at sambahin si Jehova, kilalanin ang kaniyang Pagka-Maylalang, at kusang-loob na magpasakop sa kaniyang matuwid na soberanya.

Ang Kordero na Karapat-dapat sa Paggalang

8. (a) Paano inilarawan si Kristo sa mga kabanata 5 at 6? (b) Ano ang maaaring matutuhan ng lahat ng nakikinig sa masayang pabalita mula sa pangitaing ito?

8 Ang sumunod na dalawang kabanata, 5 at 6, ay naglalarawan kay Jesu-Kristo bilang isang Kordero na nasumpungang karapat-dapat magbukas ng isang balumbon na may pitong tatak, anupat isinisiwalat sa makasagisag na wika ang mga pangyayaring nagaganap sa ating kaarawan. (Ihambing ang Juan 1:29.) Patungkol sa makasagisag na Korderong ito, ganito ang sabi ng makalangit na mga tinig: “Ikaw ang karapat-dapat na kumuha sa balumbon at magbukas ng mga tatak nito, sapagkat ikaw ay pinatay at sa pamamagitan ng iyong dugo ay bumili ka ng mga tao para sa Diyos mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa, at ginawa mo silang isang kaharian at mga saserdote sa ating Diyos, at sila ay mamamahala bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.” (Apocalipsis 5:9, 10) Itinuturo ng pangitaing ito na batay sa itinigis na dugo ni Kristo, ang ilang tao mula sa iba’t ibang lahi ay tinatawag upang makasama niya sa langit at ‘mamahala bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.’ (Ihambing ang Apocalipsis 1:5, 6.) Isinisiwalat sa dakong huli ang kanilang limitadong bilang sa Apocalipsis.

9. Paano inilarawan si Kristo sa kabanata 6?

9 Sa pangitain ding ito, inilalarawan din si Kristo bilang may-putong na nakasakay sa isang puting kabayo, na humahayong “nananaig at upang lubusin ang kaniyang pananaig.” Mabuti na lamang, daraigin niya ang masasamang epekto na isinasagisag ng tatlo pang mangangabayo ng Apocalipsis, na ang nagngangalit na pagpapatakbo ay nagdulot ng digmaan, taggutom, at kamatayan sa sangkatauhan mula noong napakahalagang taon ng 1914. (Apocalipsis 6:1-8) Ang pambihirang papel ni Kristo, ang Kordero ng Diyos, sa pagliligtas sa sangkatauhan at sa pagsasakatuparan sa kamangha-manghang mga layunin ni Jehova ay isang pangunahing tema ng pagtuturo ng mga Saksi ni Jehova mula sa Bibliya.

10. (a) Anong mahalagang impormasyon ang ibinibigay sa kabanata 7? (b) Paano tinukoy ni Kristo yaong mga tumatanggap ng Kaharian?

10 Ang kabanata 7 ay naglalaman ng tunay na masayang pabalita. Tanging sa aklat lamang ng Apocalipsis natin makikita ang bilang niyaong bumubuo sa tinatawag ni Jesus na “munting kawan” na sa kanila ibinigay ng Ama ng Kordero ang Kaharian. (Lucas 12:32; 22:28-30) Ang mga ito’y tinatakan ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng kaniyang espiritu. (2 Corinto 1:21, 22) Si apostol Juan, na siyang tumanggap ng Apocalipsis, ay nagpapatunay: “Narinig ko ang bilang niyaong mga natatakan, isang daan at apatnapu’t apat na libo.” (Apocalipsis 7:4) Ang eksaktong bilang na ito ay tinitiyak sa isang kabanata sa dakong huli bilang ang kabuuan niyaong “binili mula sa sangkatauhan” na mamamahalang kasama ng Kordero sa makalangit na Bundok Sion. (Apocalipsis 14:1-4) Bagaman ang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan ay nagbibigay ng malabo at di-nakakakumbinsing paliwanag tungkol sa bilang na ito, kapansin-pansin, ganito naman ang sabi ng iskolar ng Bibliya na si E. W. Bullinger hinggil dito: “Simple lamang ang pagkakasabi ng katotohanan: isang tiyak na bilang kontra sa di-tiyak na bilang sa mismong kabanatang ito.”

11. (a) Anong masayang pabalita ang masusumpungan sa kabanata 7? (b) Anong pag-asa ang binubuksan para sa mga kabilang sa “malaking pulutong”?

11 Anong di-tiyak na bilang ang tinutukoy ni Bullinger? Sa talatang 9, sumulat si apostol Juan: “Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko, at, narito! isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” (Apocalipsis 7:9) Sino ang bumubuo ng malaking pulutong na ito, ano ang kanilang kasalukuyang katayuan sa harap ng Diyos, at anong kinabukasan ang nakalaan para sa kanila? Ang apokaliptikong sagot ay isang mabuting balita para sa mga naninirahan sa lupa. Mababasa natin: “Ito ang mga lumabas mula sa malaking kapighatian, at nilabhan nila ang kanilang mahahabang damit at pinaputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero.” Dahil sa pananampalataya sa itinigis na dugo ni Kristo, sila’y iingatan sa “malaking kapighatian.” Si Kristo ang “aakay sa kanila sa mga bukal ng mga tubig ng buhay. At papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.” (Apocalipsis 7:14-17) Oo, milyun-milyong nabubuhay sa ngayon ang maaaring makasama sa di-mabilang na pulutong na makaliligtas sa wakas ng kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay. Bilang mga sakop ng Haring Jesu-Kristo sa panahon ng kaniyang Milenyong Paghahari, sila’y aakayin niya tungo sa walang-hanggang buhay sa lupa. Hindi ba mabuting balita iyan?

“Ang Kaniyang mga Paghatol ay Totoo at Matuwid”

12, 13. (a) Ano ang nilalaman ng kabanata 8 hanggang 19? (b) Bakit hindi dapat mabahala ang mga tapat-pusong tao sa gayong mga hula?

12 Ang kabanata 8 hanggang 19, higit sa lahat, ang dahilan kung kaya nakilala ang aklat na Apocalipsis, o Pagsisiwalat, bilang isang aklat na humuhula ng nakapangingilabot na malalaking kapahamakan. Ang mga ito’y naglalaman ng matitinding mensahe ng paghatol (na isinasagisag ng mga pagtunog ng trumpeta, mga salot, at mga mangkok ng galit ng Diyos) laban sa iba’t ibang elemento ng sistema ng mga bagay ni Satanas. Ang mga paghatol na ito ay ipapataw, sa huwad na relihiyon muna (“Babilonyang Dakila”), pagkatapos ay sa di-makadiyos na mga sistema ng pulitika, na isinasagisag ng mababangis na hayop.​—Apocalipsis 13:1, 2; 17:5-7, 15, 16.a

13 Inilalarawan ng mga kabanatang ito ang paglilinis sa mga langit, anupat inihagis si Satanas at ang kaniyang mga demonyo sa kapaligiran ng lupa. Inilalaan nito ang tanging makatuwirang paliwanag kung bakit nagkaroon ng walang-katulad na kabagabagan sa daigdig mula noong 1914. (Apocalipsis 12:7-12) Inilalarawan din nito, sa makasagisag na pananalita, ang pagwasak sa balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas sa lupa. (Apocalipsis 19:19-21) Dapat bang ikasindak ng mga tapat-pusong tao ang gayong madulang mga pangyayari? Hindi, sapagkat sa panahong magpapataw ng kahatulan ang Diyos, isang makalangit na pulutong ang hihiyaw: “Purihin ninyo si Jah! Ang kaligtasan at ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan ay nauukol sa ating Diyos, sapagkat ang kaniyang mga paghatol ay totoo at matuwid.”​—Apocalipsis 19:1, 2.

14, 15. (a) Paano isasakatuparan ang wakas ng kasalukuyang balakyot na sistema sa matuwid na paraan? (b) Bakit ang bahaging ito ng Apocalipsis ay dapat na maging isang dahilan ng pagsasaya para sa mga tapat-pusong tao?

14 Hindi makapaglalagay si Jehova ng isang matuwid na sistema ng mga bagay nang hindi muna inaalis sa lupa yaong mga sumisira nito. (Apocalipsis 11:17, 18; 19:11-16; 20:1, 2) Gayunman, walang tao o makapulitikang estado ang may awtoridad o kapangyarihan na magsakatuparan nito. Tanging si Jehova lamang at ang kaniyang hinirang na Hari at Hukom, si Kristo Jesus, ang makagagawa nito sa matuwid na paraan.​—2 Tesalonica 1:6-9.

15 Gaya ng napakaliwanag na ipinakikita ng Apocalipsis, layunin ni Jehova na wakasan na ang kasalukuyang balakyot na sistema. Ang bagay na ito ay dapat na maging isang dahilan ng pagsasaya para sa mga lalaki at babaing “nagbubuntong-hininga at dumaraing dahil sa lahat ng karima-rimarim na bagay na ginagawa.” (Ezekiel 9:4) Dapat na maikintal nito sa kanila ang apurahang pangangailangan na pakinggang mabuti ang panawagan ng anghel na may masayang pabalita, na nagsasabi: “Matakot kayo sa Diyos . . . sapagkat ang oras ng paghatol niya ay dumating na, kaya sambahin ninyo ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa.” (Apocalipsis 14:7) Sambahin nawa at paglingkuran ng mga taong ito si Jehova kasama ng kaniyang mga Saksi, “na tumutupad sa mga kautusan ng Diyos at may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.”​—Apocalipsis 12:17.

Ang Maluwalhating Milenyong Paghahari

16. (a) Bakit tinanggihan ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan ang pag-asa hinggil sa Milenyo? (b) Bakit naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na sasagutin ang huwarang panalangin?

16 Ang kabanata 20 hanggang 22 ng aklat ng Apocalipsis ay naglalaman ng maka-Kasulatang saligan para umasa sa Milenyo. Ito ang tanging bahagi ng Bibliya na aktuwal na bumabanggit sa sanlibong-taóng yugto na magiging simula ng walang-katapusang kaligayahan sa langit at sa lupa. Tinanggihan ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan ang pag-asa hinggil sa Milenyo. Yamang itinuturo ng simbahan na ang mga matuwid ay magtutungo sa langit at ang masasama naman ay sa impiyerno, wala nang dako para sa isang paraisong lupa. Ang huwarang panalangin, na humihiling na “maganap nawa ang kalooban [ng Diyos] sa lupa kung paano sa langit,” ay lubusan nang nawalan ng kahulugan para sa karamihan sa mga miyembro ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan. (Mateo 6:10, New International Version) Ngunit hindi ganiyan ang mga Saksi ni Jehova. Matibay ang kanilang paniniwalang hindi ginawa ng Diyos na Jehova ang lupa “sa walang kabuluhan,” kundi “upang tahanan.” (Isaias 45:12, 18) Kaya nga, ang sinaunang hula, ang huwarang panalangin, at ang apokaliptikong pag-asa ng Milenyo ay pawang nagkakasuwato. Sa panahon ng kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari, titiyakin ni Kristo na ang kalooban ni Jehova ay nagaganap sa lupa, gaya sa langit.

17. Ano ang nagpapahiwatig na “ang sanlibong taon” ay dapat unawain sa literal na paraan?

17 Ang terminong “sanlibong taon” ay anim na ulit na lumitaw sa unang pitong talata ng Apocalipsis kabanata 20. Kapansin-pansin ang bagay na apat na ulit itong ginamit na may pamanggit na pantukoy (definite article) na “ang,” na nagpapakitang ito’y tumutukoy sa isang literal na milenyo, hindi basta sa isang di-tiyak na haba ng yugto ng panahon, na siyang nais ng maraming komentarista ng Sangkakristiyanuhan na paniwalaan natin. Ano ba ang mangyayari sa panahon ng Milenyo? Una, si Satanas ay aalisan ng kakayahan sa buong panahong iyon. (Apocalipsis 20:1-3; ihambing ang Hebreo 2:14.) Kay ganda ngang balita iyan!

18. (a) Bakit matatawag na isang “araw” ng paghatol ang Milenyo? (b) Ano ang magaganap sa wakas ng sanlibong taon?

18 Yamang ang “kapangyarihang humatol” ay ibinibigay doon sa mga ‘mamamahala bilang mga hari kasama niya [ni Kristo] sa loob ng isang libong taon,’ ang yugtong ito ay, sa katunayan, isang sanlibong-taóng “araw” ng paghatol. (Apocalipsis 20:4, 6; ihambing ang Gawa 17:31; 2 Pedro 3:8.) Ang mga patay ay bubuhaying-muli at, kasama ng mga nakaligtas sa “malaking kapighatian,” ay makatarungang hahatulan ayon sa kanilang mga ginawa, o mga ikinilos, sa panahong iyon. (Apocalipsis 20:12, 13) Sa wakas ng isang libong taon, sandaling pakakawalan si Satanas upang ipasailalim ang sangkatauhan sa isang pangwakas na pagsubok anupat pagkatapos nito siya, ang kaniyang mga demonyo, at sinumang mga rebelde sa lupa na sumunod sa kaniya ay pupuksain magpakailanman. (Apocalipsis 20:7-10) Ang mga pangalan ng mga taong nakapasa sa pagsubok ay permanente nang isusulat sa “aklat ng buhay” at ihahatid sa isang maligayang buhay na walang katapusan, na naglilingkod at sumasamba kay Jehova sa isang paraisong lupa.​—Apocalipsis 20:14, 15; Awit 37:9, 29; Isaias 66:22, 23.

19. (a) Bakit tayo makatitiyak na ang kamangha-manghang mga pangako na nakasaad sa aklat ng Apocalipsis ay walang-pagsalang matutupad? (b) Ano ang isasaalang-alang sa susunod na artikulo?

19 Iyan ang masayang pabalita na nakasaad sa Apocalipsis. Ang mga ito’y hindi mga pangako ng tao na napapako. Sumulat si apostol Juan: “Ang Isa na nakaupo sa trono ay nagsabi: ‘Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.’ Gayundin, sinabi niya: ‘Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.’ ” (Apocalipsis 21:5) Ano ang dapat nating gawin upang makibahagi sa katuparan ng masayang pabalitang ito? Ang aklat ng Apocalipsis ay naglalaman ng napakaraming payo para sa mga nagnanais na mapaluguran ang Diyos. Ang pagsunod sa mga payong iyon ay magdudulot sa atin ng walang-kahulilip na kaligayahan, ngayon at magpakailanman, gaya ng ipakikita sa susunod na artikulo.

[Talababa]

a Para sa kumpletong paliwanag sa aklat na Apocalipsis, tingnan ang aklat na Apocalipsis​—Malapit na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, na inilathala noong 1988 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

Mga Punto sa Repaso

◻ Anong mga saligang katotohanan na masusumpungan sa Apocalipsis kabanata 4 hanggang 6 ang bumubuo ng isang mahalagang bahagi sa masayang pabalita?

◻ Anong masayang pabalita ang masusumpungan sa Apocalipsis kabanata 7?

◻ Bakit hindi dapat mabahala ang mga tapat-pusong tao sa mga mensahe ng paghatol na masusumpungan sa Apocalipsis?

◻ Sa anong mga paraan ang Milenyo ay magiging isang “araw” ng paghatol?

[Larawan sa pahina 10]

Lubusang aalisin ng Haring Jesu-Kristo ang digmaan, taggutom, at kamatayan sa lupa

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share