Ang Kaligtasan sa Pagkahayag ni Jesu-Kristo
“Kayo’y patuloy na magalak . . . upang kayo’y mangagalak at labis na magalak din sa panahon ng pagkahayag ng kaniyang kaluwalhatian.”—1 PEDRO 4:13.
1. Papaano pinayaman ni Jehova ang kaniyang mga lingkod?
PINAYAMAN ni Jehova ang kaniyang mga Saksi ng maraming kaloob. Bilang ating Dakilang Tagapagturo, tayo’y tinuruan niya ng lubos na kaalaman tungkol sa kaniyang kalooban at layunin. Sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, pinagyaman niya sa atin ang kakayahan na magpasikat ng liwanag nang may lakas ng loob. Ang kinasihang apostol na si Pablo ay nagsasabi sa atin sa 1 Corinto 1:6, 7: “Ang patotoo tungkol sa Kristo ay pinagtibay sa inyo, upang kayo’y huwag magkulang sa anumang kaloob, habang kayo’y sabik na naghihintay sa pagkahayag ng ating Panginoong Jesu-Kristo.”
2. Anong masayang pag-asa ang ibinibigay ng “pagkahayag ng ating Panginoong Jesu-Kristo”?
2 Ang “pagkahayag ng ating Panginoong Jesu-Kristo”—ano ang kahulugan niyan? Ito ay tumutukoy sa panahon na si Jesus ay nahahayag bilang isang maluwalhating Hari, na kumikilos upang gantimpalaan ang kaniyang tapat na mga tagasunod at maghiganti sa mga balakyot. Gaya ng ipinakikita ng 1 Pedro 4:13, iyon ay magiging isang panahon upang ang tapat na pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano at ang kanilang tapat na mga kasama buhat sa malaking pulutong ay “mangagalak at labis na magalak,” sapagkat inihuhudyat niyaon ang wakas ng sistema ng mga bagay ni Satanas.
3. Papaano tayo maninindigang matatag, tulad ng ating mga kapatid sa Tesalonica?
3 Habang lumalapít ang panahong iyon, dahil sa kaniyang galit ay lalo tayong gigipitin ni Satanas. Tulad ng isang leong umuungal, kaniyang sinisikap na sakmalin tayo. Tayo’y kailangang maninindigang matatag! (1 Pedro 5:8-10) Ang ating mga kapatid sa sinaunang Tesalonica, nang bago pa sa katotohanan, ay dumanas ng mga kapighatian na katulad niyaong mga nararanasan ng marami sa mga Saksi ni Jehova sa ngayon. Kaya naman, ang mga salita sa kanila ni apostol Pablo ay lubhang makabuluhan para sa atin. Siya’y sumulat: “Matuwid ang Diyos na bayaran ng kapighatian yaong mga lumilikha ng kapighatian para sa inyo, ngunit, para sa inyo na nagtitiis ng kapighatian, ay ginhawa na kasama namin sa pagkahayag ng Panginoong Jesus mula sa langit na kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel sa nagliliyab na apoy, samantalang pinasasapit niya ang paghihiganti sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga ayaw sumunod sa mabuting balita hinggil sa ating Panginoong Jesus.” (2 Tesalonica 1:6-8) Oo, darating ang ginhawa!
4. Bakit ang klero ay karapat-dapat sa hatol na isasakatuparan sa pagkahayag ni Jesus?
4 Noong panahon ni Pablo marami sa kapighatian ay likha ng mga Judiong lider ng relihiyon. Gayundin sa ngayon, ang pananalansang sa maibigin-sa-kapayapaang mga Saksi ni Jehova ay kalimitan pakana ng mga taong nag-aangking kumakatawan sa Diyos, lalung-lalo na ang klero ng Sangkakristiyanuhan. Ang mga ito ay nagkukunwaring nakakakilala sa Diyos, subalit tinatanggihan nila ang “iisang Jehova” ng Bibliya, at hinahalinhan siya ng isang mahiwagang Trinidad. (Marcos 12:29) Sila’y hindi tumatalima sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus, at sa pamamahala ng tao umaasa ng kaginhawahan at tinatanggihan ang mabuting balita ng dumarating na Kaharian ng katuwiran ni Kristo. Lahat ng relihiyosong mananalansang na ito ay kailangang malipol sa panahon ng “pagkahayag ng Panginoong Jesus buhat sa langit”!
Ang “Pagparito” ni Jesu-Kristo
5. Papaanong ang pagkahayag ni Jesus ay buong-linaw na inilalarawan sa Mateo 24:29, 30?
5 Ang pagkahayag na iyan ay buong-linaw na inilalarawan ni Jesus sa Mateo 24:29, 30. Sa paglalarawan sa sari-saring tanda ng kaniyang pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay, sinasabi niya: “Ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at ang mga bituin ay mangalalaglag buhat sa langit, at mangangatal ang mga kapangyarihan sa mga langit.” Sa panahong iyon “ang tanda ng Anak ng tao ay lilitaw sa langit.” Ang mga bansa sa lupa ay “magsisitaghoy, at kanilang makikita ang Anak ng tao [ang Mesiyanikong Hari ng Diyos] na pumaparitong nasa mga alapaap ng langit taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.” Ang ganitong ‘pagparito,’ er·khoʹme·non sa Griego, ay tumutukoy sa pagpapakita ni Jesus bilang Tagapagbangong-Puri ni Jehova.
6, 7. Papaano “makikita siya ng bawat mata,” at sino ang mga kasali rito?
6 Ang ganitong ‘pagparito’ ay inilalarawan din ni apostol Juan sa Apocalipsis 1:7, na nagsasabi: “Narito! Siya’y pumaparitong nasa mga alapaap.” Oh, ang mga kaaway na iyon ay hindi aktuwal na makakakita kay Jesus ng literal na mga mata, sapagkat “ang mga alapaap” ay nangangahulugan na siya’y pumaparitong di-nakikita upang isakatuparan ang inihatol. Kung ang hamak na mga tao ay makakakita sa kaniyang makalangit na kaluwalhatian ng mata na walang proteksiyon, mabubulag sila, gaya ni Saulo, nang nasa daang patungo sa Damasco, nang siya’y mabulag nang pakita sa kaniya ang niluwalhating si Jesus sa biglang pagliwanag ng isang malaking ilaw.—Gawa 9:3-8; 22:6-11.
7 Ang Apocalipsis ay nag-uulat na “makikita siya ng bawat mata, at ng nagsiulos sa kaniya; at lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa kaniya.” Ito’y nangangahulugan na sa kapuksaang pinaulan ni Jesus sa kanila ay makikilala ng mga mananalansang na si Jesus ay dumating na na taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian bilang Tagapuksa na inatasan ni Jehova. Bakit ang mga kaaway na ito ay tinukoy na ang “nagsiulos sa kaniya”? Sapagkat ang kanilang pagkapoot sa mga lingkod ni Jehova sa ngayon ay katulad niyaong sa mga mang-uusig kay Jesus. Sila nga ay “magsisitaghoy dahil sa kaniya.”
8. Ano ang babala kapuwa nina Jesus at Pablo tungkol sa biglang pagkapuksa?
8 Papaano darating ang araw na iyon ng paghihiganti ni Jehova? Sa hula sa Lucas kabanata 21, inilalarawan ni Jesus ang kapaha-pahamak na mga pangyayaring nagsilbing tanda ng kaniyang pagkanaririto mula noong 1914. Pagkatapos, sa mga talatang 34 at 35, nagbabala si Jesus: “Pakaingat kayo na ang inyong puso ay huwag malugmok sa katakawan at sa kalasingan at sa pagsusumakit ukol sa buhay na ito, at dumating na bigla sa inyo ang araw na iyon na gaya ng silo. Sapagkat gayon darating sa lahat ng nananahan sa buong lupa.” Oo, ang araw na iyon ng paghihiganti ni Jehova ay dumarating na bigla, sa isang iglap! Ito’y pinatunayan ni apostol Pablo sa 1 Tesalonica 5:2, 3, na nagsasabi: “Ang araw ni Jehova ay dumarating na kagayang-kagaya ng isang magnanakaw sa gabi. Pagka sinasabi nila: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ saka naman ang biglaang pagkapuksa ay biglang-biglang darating sa kanila.” Kahit na ngayon ang mga bansa ay nag-uusap-usap tungkol sa kapayapaan at katiwasayan at nagmumungkahi na palakasin ang Nagkakaisang mga Bansa upang magsilbing pinakapulisya sa mga lugar ng kaligaligan sa pamamagitan ng lakas-militar.
9. Para kanino ‘kumislap ang liwanag,’ at bakit?
9 Sa mga 1Tes 5 talatang 4 at 5, ang apostol ay nagpapatuloy ng pagsasabi sa atin: “Ngunit kayo, mga kapatid, kayo’y wala sa kadiliman, upang sa araw na iyon ay datnan kayong gaya ng pagdating ng magnanakaw, sapagkat kayong lahat ay mga anak ng liwanag at mga anak ng araw. Tayo ay wala sa gabi ni sa kadiliman man.” Nagagalak tayo na maging mga anak ng liwanag—tagapagdala ng liwanag sa mga iba na humahanap ng tunay na kapayapaan at katiwasayan sa bagong sanlibutan ng Diyos. Sa Awit 97:10, 11, ating mababasa: “Oh kayong mga umiibig kay Jehova, kapootan ninyo ang masama. Kaniyang iniingatan ang mga kaluluwa ng kaniyang mga banal; kaniyang inililigtas sila sa kamay ng masama. Ang mismong liwanag ay kumislap para sa matuwid, at ang kasayahan ay para sa mga may matuwid na puso.”
Ang Pagkakasunud-sunod ng mga Pangyayari
10. Anong patiunang babala ang dapat nating dinggin tungkol sa araw ng Diyos ng pagtutuos? (Apocalipsis 16:15)
10 Ano ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari pagka nagsimula na ang malaking kapighatian? Buklatin natin ang Apocalipsis kabanata 16. Pansinin, gaya ng pagkalarawan sa mga Apoc 16 talatang 13 hanggang 16, na ang karumaldumal na mga espiritung makademonyo ang tumitipon sa mga bansa sa lupa sa Har-Magedon, ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Muli, idiniriin ang tulad-magnanakaw na pagdating ng araw ng pagtutuos, at tayo’y binibigyan ng babala na manatiling gising—laging suot ang espirituwal na mga kasuutang nagsisilbing tanda ng ating kaligtasan. Ang panahon ay dumating na para hatulan ang mga bayan sa lupa, ang mga bansa, at—ang isa pa. Sino iyon?
11. Papaano nagpakilala ng kaniyang sarili ang babae sa Apocalipsis 17:5?
11 Iyon ay isang makasagisag na babae na nagsisikap gawing “importante” ang kaniyang sarili. Siya’y inilalarawan sa Apocalipsis 17:5 bilang “isang hiwaga: ‘Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot at ng kasuklamsuklam na mga bagay sa lupa.’ ” Subalit hindi na siya isang hiwaga sa mga Saksi ni Jehova. Malinaw na ipinakilala niya ang kaniyang sarili bilang ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, na ang nangingibabaw na bahagi ay binubuo ng mga sekta ng Sangkakristiyanuhan. Kasuklamsuklam sa paningin ni Jehova ang kaniyang pakikialam sa pulitika, ang kaniyang pagiging “lasing sa dugo ng mga banal” bunga ng pag-uusig sa tunay na mga Kristiyano, at ang kaniyang pananagutan ukol sa dugo “ng lahat ng mga pinaslang sa lupa,” kasali na ang mahigit na sandaang milyong nangamatay sa mga digmaan sa ika-20 siglo lamang na ito.—Apocalipsis 17:2, 6; 18:24.
12. Bakit ang mga sekta ng Sangkakristiyanuhan ay hinatulan na?
12 Pinakamasama sa lahat, ang mga sekta ng Sangkakristiyanuhan ay nagdala ng upasala sa pangalan ng Diyos na kanilang paimbabaw na inaangking sila ang kumakatawan. Kanilang itinuro ang mga pilosopyang Babiloniko at Griego sa halip na ang dalisay na Salita ng Diyos at sila’y naging dahilan ng pagkahulog sa imoralidad ng buong mga bansa sa kanilang pagsang-ayon sa maluwag na mga istilo ng pamumuhay na lumalabag sa mga simulain ng Bibliya. Masasakim na mga mangangalakal sa kanila ang hinatulan na ng mga salita ng Santiago 5:1, 5: “Pakinggan ninyo ito, kayong mayayaman, tumangis kayo at humagulgol dahil sa mga kapighatiang darating sa inyo. Kayo’y nangabuhay sa luho sa ibabaw ng lupa at napalulong sa kalayawan. Inyong pinataba ang inyong mga puso sa araw ng patayan.”
Sa Aba ng Babilonyang Dakila!
13. Papaano nagpapasimula ang malaking kapighatian, at anong pagkaapurahan ang idiniriin sa Apocalipsis 18:4, 5?
13 Ang pagpapasimula ng malaking kapighatian ay dumarating sa pagsasagawa ng kahatulan ni Jehova sa Babilonyang Dakila. Ang Apocalipsis 17:15-18 ay buong-liwanag na naglalarawan sa “kaisipan” ng Diyos—na maneobrahin ang “sampung sungay,” na malalakas na puwersa sa loob ng multinasyonal na “mabangis na hayop” ng UN, upang puksain siya. “At ang sampung sungay na nakita mo, at ang mabangis na hayop, ang mga ito ay mapopoot sa patutot at kanilang wawasakin at huhubaran siya, at kanilang kakanin ang kaniyang laman at lubusang susunugin siya ng apoy. Sapagkat inilagay ng Diyos sa kanilang puso na isagawa ang kaniyang kaisipan.” Hindi kataka-takang isang tinig na nagmumula sa langit ang magbigay ng isang apurahang babala sa Apocalipsis 18:4, 5: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na maparamay sa kaniyang mga kasalanan, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot. Sapagkat ang kaniyang katakut-takot na mga kasalanan ay abot hanggang langit, at naalaala ng Diyos ang kaniyang mga gawang katampalasanan.” Ang panawagan ay nagpapatuloy: Putulin ang lahat ng kaugnayan sa huwad na relihiyon, bago maging huli na ang lahat!
14. Sino ang magdadalamhati sa pagkawasak ng Babilonyang Dakila, at bakit?
14 Papaano ituturing ng sanlibutan ang pagkawasak ng Babilonyang Dakila? Mula sa malayo, ang likong mga pulitiko—“mga hari sa lupa”—ay tumatangis sa kaniya sapagkat sa loob ng lumipas na daan-daang taon ay nakasumpong sila ng kaluguran sa isa’t isa sa kanilang espirituwal na pakikiapid. Tumatangis din at namimighati dahil sa kaniya ang masasakim na negosyante, “naglalakbay na mga mangangalakal . . . , na nagsiyaman dahil sa kaniya.” Ang mga ito rin ay nakatayo nang malayo sa kaniya, na nagsasabi: “Sa aba, sa aba—ng dakilang lunsod, nabibihisan ng pinong lino at ng kayong kulay-ube at pula, at napapalamutian ng ginto at ng mahalagang bato at perlas, sapagkat sa loob ng isang oras ay nalipol ang gayong malaking kayamanan!” Lahat ng mayayamang kasuutan ng mga klerigo at ang maringal na malalaking katedral ng daigdig ay mapaparam na magpakailanman! (Apocalipsis 18:9-17) Subalit tatangisan ba ng bawat isa ang Babilonyang Dakila?
15, 16. Anong dahilan ng kagalakan ang tataglayin ng bayan ng Diyos?
15 Ang Apocalipsis 18:20, 21 ang sumasagot: “Magalak ka tungkol sa kaniya, Oh langit, pati kayong mga banal at kayong mga apostol at kayong mga propeta, sapagkat siya’y hinatulan na at pinarusahan na ng Diyos alang-alang sa inyo!” Tulad ng isang malaking gilingang bato na inihagis sa dagat, “gayon sa isang kakila-kilabot na pagkahulog igigiba ang Babilonya ang dakilang lunsod, at hindi na masusumpungan pa.”
16 Anong laking dahilan ng kagalakan! Ang Apocalipsis 19:1-8 ang nagpapatunay nito. Apat na ulit na ang panawagang, “Purihin si Jah, ninyo bayan!” ay nanggagaling sa langit. Ang una sa tatlo sa mga Hallelujah na ito ay pumupuri kay Jehova sapagkat kaniyang isinakatuparan ang matuwid na kahatulan sa walang-kasinsamang patutot, ang Babilonyang Dakila. Wala na ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon! Isang tinig ang nanggagaling sa trono ng Diyos, na nagsasabi: “Purihin ninyo ang ating Diyos, lahat kayong mga alipin niya, na natatakot sa kaniya, ang maliliit at ang malalaki.” Anong laking pribilehiyo kung tayo’y makakabahagi sa awit na iyan!
Ang Kasal ng Kordero
17. Kung paghahambingin ang Apocalipsis 11:17 at 19:6, sa anong dalawang konteksto nagsisimulang magpuno si Jehova bilang Hari?
17 Ang ikaapat na Hallelujah ay nagpapasok ng isa pang tema: “Purihin si Jah, ninyong mga tao, sapagkat si Jehova na ating Diyos, ang Makapangyarihan-sa-lahat, ay nagsimula nang maghari.” Subalit hindi ba isang nahahawig ding koro ang nasa Apocalipsis 11:17? Doon ay mababasa natin: “Pinasasalamatan ka namin, Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat, . . . sapagkat hinawakan mo ang iyong dakilang kapangyarihan at ikaw ay nagpasimulang maghari.” Oo. Gayunman, ang konteksto ng Apocalipsis 11:17 ay tumutukoy sa pagluluwal ni Jehova sa Mesiyanikong Kaharian noong 1914 “upang magpastol sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng panghampas na bakal.” (Apocalipsis 12:5) Ang Apocalipsis 19:6 ay nasa konteksto ng pagkapuksa ng Babilonyang Dakila. Sa pagkaalis ng tulad-patutot na relihiyon, ang pagka-Diyos ni Jehova ay maipagbabangong-puri na. Ang pagsamba sa kaniya bilang Kataastaasang Soberano at Hari ay iiral na ngayon nang walang-hanggan!
18. Ang pagkaalis ng Babilonyang Dakila ay nagbubukas ng daan para sa anong masayang patalastas?
18 Sa gayon, ang masayang patalastas ay maaari nang gawin: “Mangagalak tayo at magsayang mainam, at luwalhatiin natin siya [si Jah], sapagkat dumating na ang kasal ng Kordero at naghanda na ang kaniyang asawa. Oo, pinahintulutan siyang magbihis ng maningning, malinis at pinong lino, sapagkat ang pinong lino ay lumalarawan sa mga gawang matuwid ng mga banal.” (Apocalipsis 19:7, 8) Kung kailan tatanggap ng kanilang makalangit na pagkabuhay-muli ang mga pinahiran na naririto pa sa lupa ay hindi sinasabi. Subalit tayo ay binigyan ng katiyakan sa konteksto nito na ang kanilang pagkakaroon ng bahagi sa kasal ng Kordero, si Kristo Jesus, ay magiging isang maligayang panahon, at lalo na yamang kanilang nasaksihan nang tuwiran ang pagkaabang sumapit sa walang-kasinsamang patutot, ang Babilonyang Dakila.
Nawasak ang Sanlibutan ni Satanas
19. Ano pang pangyayari ang inilalarawan sa Apocalipsis 19:11-21?
19 Ang maputing kabayo na unang binanggit sa Apocalipsis 6:2 ang muling lumilitaw. Mababasa natin sa Apocalipsis 19:11: “Ang nakaupo sa [maputing kabayo] ay tinatawag na Tapat at Totoo, at siya’y humahatol at nakikipagbaka ayon sa katuwiran.” Sa gayon ang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon” ay humahayo upang makipagbaka sa mga bansa at yurakan “ang alilisan ng alak ng galit ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Walang kabuluhan ang pagtitipon ng “mga hari sa lupa at ang kanilang mga hukbo” upang makipagdigma sa Har–Magedon. Tinatapos ng Sakay ng maputing kabayo ang kaniyang pananakop. Walang bahagya mang natitira sa makalupang organisasyon ni Satanas.—Apocalipsis 19:12-21.
20. Ano ang nangyayari sa Diyablo mismo?
20 Ngunit kumusta naman ang Diyablo mismo? Sa Apocalipsis 20:1-6, si Kristo Jesus ay inilalarawan na “isang anghel na bumababa buhat sa langit taglay ang susi ng kalaliman at may hawak na isang malaking tanikala.” Kaniyang sinusunggaban ang dragon, ang matandang Ahas, na siyang Diyablo at Satanas, iginagapos siya, inihahagis siya sa kalaliman, at sinasarhan at tinatatakan iyon sa ibabaw niya. Ngayong si Satanas ay wala na at hindi na niya maililigaw ang mga bansa, ang maluwalhating Sanlibong Taóng Paghahari ng Kordero at ng kaniyang nobya ay nagsisimula. Wala nang mga luha ng kalungkutan! Wala nang kamatayang minana kay Adan! Wala nang dalamhati, wala nang pananambitan, wala nang hirap! “Ang mga bagay noong una ay naparam na.”—Apocalipsis 21:4.
21. Samantalang may kasabikang hinihintay natin ang pagkahayag ni Jesu-Kristo, ano ang dapat na maging determinasyon natin?
21 Samantalang buong-pananabik na hinihintay natin ang pagkahayag ng ating Panginoong Jesu-Kristo, tayo’y magpakita ng sigasig sa pagbabalita sa iba ng maibiging mga pangako ng Diyos sa Kaharian. Ang kaligtasan ay malapit na! Harinawang tayo’y lumakad nang pasulong, laging pasulong, bilang naliwanagang mga anak ng Soberanong Panginoong Jehova!
Bilang Repaso
◻ Ano ang nagpapakita na ang pagkahayag ni Jesu-Kristo ay kaylapit-lapit na?
◻ Papaano darating ang araw ng paghihiganti ni Jehova?
◻ Papaano dapat malasin ng “mga umiibig kay Jehova” ang kasalukuyang kalagayan ng sanlibutan?
◻ Ano ang magiging pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari pagka nagsimula na ang malaking kapighatian?
[Larawan sa pahina 23]
Si Jesus ‘ay napaparitong nasa mga alapaap,’di-nakikita, upang isakatuparan ang hatol
[Larawan sa pahina 25]
Hindi na magtatagal at ang huwad na relihiyon, ang balakyot na sistema ni Satanas, at si Satanas mismo ay pawang babagsak