Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ang Karingalan ng Makalangit na Trono ni Jehova
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • Mga Kidlat, mga Tinig, at mga Kulog

      12. Ano ang sumusunod na nakikita at naririnig ni Juan, at ano ang ipinagugunita ng “mga kidlat at mga tinig at mga kulog”?

      12 Ano ang susunod na nakikita at naririnig ni Juan? “At mula sa trono ay may lumalabas na mga kidlat at mga tinig at mga kulog.” (Apocalipsis 4:5a) Kay-inam na ipinagugunita nito ang iba pang nakasisindak na pagtatanghal ng makalangit na kapangyarihan ni Jehova! Bilang halimbawa, nang “bumaba” si Jehova sa Bundok Sinai, ganito ang iniulat ni Moises: “Noong ikatlong araw nang mag-umaga na ay nagsimulang kumulog at kumidlat, at nagkaroon ng isang makapal na ulap sa ibabaw ng bundok at ng napakalakas na tunog ng tambuli. . . . Nang patuluyang lumalakas nang lumalakas ang tunog ng tambuli, si Moises ay nagsimulang magsalita, at ang tunay na Diyos ay nagsimulang sumagot sa kaniya sa isang tinig.”​—Exodo 19:16-19.

      13. Ano ang inilalarawan ng mga kidlat na nagmumula sa trono ni Jehova?

      13 Sa panahon ng araw ng Panginoon, itinatanghal ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan at presensiya sa kahanga-hangang paraan. Hindi, hindi sa pamamagitan ng literal na kidlat, sapagkat mga tanda ang nakikita ni Juan. Kung gayon, ano ang isinasagisag ng mga kidlat? Buweno, nakapagbibigay-liwanag ang pagkidlat, subalit nakamamatay rin ito. Kaya ang mga kidlat na ito na nagmumula sa trono ni Jehova ay angkop na lumalarawan sa mga kislap ng kaliwanagan na patuluyan niyang ipinagkakaloob sa kaniyang bayan, at higit pang mahalaga, ang mga ito ay lumalarawan sa kaniyang maapoy na mga mensahe ng paghatol.​—Ihambing ang Awit 18:14; 144:5, 6; Mateo 4:14-17; 24:27.

      14. Sa anong paraan naririnig ang mga tinig sa ngayon?

      14 Sa ano naman kumakatawan ang mga tinig? Isang tinig ang nakipag-usap kay Moises nang bumaba si Jehova sa Bundok Sinai. (Exodo 19:19) Mga tinig mula sa langit ang naghatid ng karamihan sa mga utos at kapahayagan sa aklat ng Apocalipsis. (Apocalipsis 4:1; 10:4, 8; 11:12; 12:10; 14:13; 16:1, 17; 18:4; 19:5; 21:3) Sa ngayon, naghahatid din si Jehova ng mga utos at kapahayagan sa kaniyang bayan, anupat nililiwanag ang kanilang kaunawaan hinggil sa mga hula at simulain ng Bibliya. Ang mga impormasyong nagbibigay-liwanag ay kadalasang isinisiwalat sa internasyonal na mga kombensiyon, at ang gayong mga katotohanan sa Bibliya ay ipinahahayag naman sa buong daigdig. Ganito ang sinabi ni apostol Pablo tungkol sa tapat na mga mangangaral ng mabuting balita: “Aba, sa katunayan, ‘sa buong lupa ay lumabas ang kanilang tinig, at hanggang sa mga dulo ng tinatahanang lupa ang kanilang mga pananalita.’”​—Roma 10:18.

      15. Anong mga kulog ang nagmula sa trono sa panahong ito ng araw ng Panginoon?

      15 Kulog ang kadalasang kasunod ng kidlat. Tinukoy ni David ang literal na kulog bilang “tinig ni Jehova.” (Awit 29:3, 4) Nang ipakipaglaban ni Jehova si David sa mga kaaway nito, sinasabing nagpakulog Siya. (2 Samuel 22:14; Awit 18:13) Sinabi ni Elihu kay Job na ang tinig ni Jehova ay gaya ng kulog, habang gumagawa Siya ng “mga dakilang bagay na hindi natin matatalastas.” (Job 37:4, 5) Sa panahong ito ng araw ng Panginoon, si Jehova ay ‘nagpapakulog,’ anupat nagbababala hinggil sa makapangyarihang mga gawa na pasasapitin niya laban sa kaniyang mga kaaway. Paulit-ulit na umaalingawngaw sa buong lupa ang makasagisag na mga dagundong na ito ng kulog. Maligaya ka kung nagbibigay-pansin ka sa dumadagundong na mga kapahayagang ito at kung ginagamit mo nang may katalinuhan ang iyong dila upang lumakas pa ang tunog ng mga ito!​—Isaias 50:4, 5; 61:1, 2.

      Mga Lampara ng Apoy at Malasalaming Dagat

      16. Ano ang kahulugan ng “pitong lampara ng apoy”?

      16 Ano pa ang nakikita ni Juan? Ito: “At may pitong lampara ng apoy na nagniningas sa harap ng trono, at ang mga ito ay nangangahulugang pitong espiritu ng Diyos. At sa harap ng trono ay may gaya ng isang malasalaming dagat na tulad ng kristal.” (Apocalipsis 4:5b, 6a) Si Juan mismo ang nagpapaliwanag sa kahulugan ng pitong lampara: “Ang mga ito ay nangangahulugang pitong espiritu ng Diyos.” Sumasagisag ang bilang na pito sa pagiging ganap ayon sa pamantayan ng Diyos; kaya tiyak na kumakatawan ang pitong lampara sa ganap na kakayahan ng banal na espiritu na magbigay-liwanag. Anong laki ng pasasalamat ng uring Juan sa ngayon dahil ipinagkatiwala sa kanila ang ganitong kaliwanagan, pati na ang pananagutang ipamahagi ito sa mga tao sa lupa na gutom sa espirituwal! Kaylaki ng kagalakan natin na bawat taon, daan-daang milyong kopya ng magasing Bantayan sa mga 150 wika ang patuloy na nagpapasinag ng liwanag na ito!​—Awit 43:3.

  • Ang Karingalan ng Makalangit na Trono ni Jehova
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • [Buong-pahinang larawan sa pahina 78]

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share