Mga Huling Araw—Taggutom, Salot, Polusyon—At ang Pangangaral ng Kaharian
“Ang gutom ay dumarating sa iba pang anyo. Ito ang araw-araw na gutom na dinaranas ng mahigit na 700 angaw na mga tao. . . . Taun-taon ang di-nakikitang gutom na ito ay pumapatay ng kasindami ng 18 hanggang 20 angaw katao—mahigit sa doble ng mga namatay sa bawat taon noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II.—World Hunger—Twelve Myths, nina Frances Moore Lappé at Joseph Collins.
GAYA ng inihula ni Jesus, nararanasan din ng ating salinlahi ang mga taggutom at mga kakapusan ng pagkain subalit may kaunting pagbibigay-katuwiran sa ilang mga kaso kaysa naunang mga salinlahi. Bakit gayon? Sapagkat ang modernong teknolohiya at ang mga paraan ng komunikasyon at transportasyon ay dapat sanang gumawa sa taggutom na isang lipás na bagay. Gayunman, ginamit ng mga may-ari ng lupa at mga pulitiko ang mga tao bilang mga sangla, anumang paghihirap ang danasin ng mahihirap at mga walang lupa.
Ang gutom at taggutom ay patuloy na dumadalaw sa Aprika. Nito lamang Setyembre 1987, ang babala ay ibinigay na ang Ethiopia ay muling nasa ilalim ng pagkubkob habang “ang gutom ay mabilis na kumakalat na muli sa naghihirap na bansang iyon sa Aprika,” ulat ng The New York Times. Ang dating pinuno ng Ethiopia sa pamamahagi ng tulong para sa taggutom ay nagsabi: “Lumilitaw na mayroon na ngayong halos limang milyong mga tao na apektado ng taggutom, at hindi namin alam kung gaano kasama pa ang kauuwian nito.”
Kasabay nito, ang mga ulat buhat sa napakalaking subkontinente ng India ay naglalarawan ng isa pang malagim na larawan na dala naman ng tagtuyot. Ang pambansang Ministro ng Estado sa Agrikultura ay nagsabi: “Halos 60 porsiyento ng aming kabuuang populasyon ay mapipinsala ng tagtuyot na ito.” Sinabi pa niya na “ang bilang na ito ay mas mataas kaysa naunang mga tantiya at nangangahulugan na halos 470 milyon ng populasyon na 780 milyon ay apektado.” Talaga bang nauunawaan natin ang mga bilang na iyon at ang tamà nito sa sambahayan ng tao?
Idagdag mo pa sa patuloy na siklo ng mga taggutom, baha, at mga tagtuyot ang katakut-takot na halagang ibinayad sa gutom noong dalawang digmaang pandaigdig at sa resulta nito. Gaya ng iniulat ng isang manunulat tungkol sa kalagayan noong 1945-46: “Mayroong pambuong-daigdig na kakapusan ng pagkain bilang resulta ng digmaan at ang kalagayan sa buong Europa . . . ay kapaha-pahamak. Di-nagtagal nagkaroon ng malubhang taggutom sa mga bahagi ng Rusya at Rumania at sa Gresya libu-libo ang mamamatay sa gutom. Kahit na sa Britaniya ang tinapay ay irarasyon sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng bansa.”
Oo, ang kabayong maitim ng taggutom, na ang nakasakay rito’y inuugoy ang isang timbangan sa himpapawid, ay sumagasa sa mga bansa at kumakaskas pa rin sa sangkatauhan.—Apocalipsis 6:5, 6.
Peste at Salot
Inihula ni Jesus na magiging bahagi ng tanda ng mga huling araw ang “mga salot.” (Lucas 21:11) Nasaksihan ba ng ating ika-20 siglo ang bahagi nito ng peste at salot? Nagsimula sa trangkaso Espanyola na humampas sa pagtatapos ng Digmaang Pandaigdig I at sumawi ng mga 20 angaw na buhay, ang sangkatauhan, gaya ng dating mga salinlahi, ay pinahihirapan ng mga sakit. Subalit sa kabila ng mga pagsulong ng siyensiya at medisina sa mga huling araw na ito, angaw-angaw pa rin ang namamatay taun-taon.
Sa mayamang Kanluraning daigdig, madalas nating naririnig ang mga panawagan para sa mga pondo at mga panlunas sa kanser, sakit sa puso, at AIDS. Oo, daan-daang libo ang namamatay taun-taon mula sa mga ito at sa iba pang mga sakit. Gayunman, may mga sakit na lumilipol ng angaw-angaw sa bawat taon sa Aprika, Asia, at Latin Amerika.
Sa kaniyang aklat na Mirage of Health, si René Dubos ay sumulat: “Ang malaria, iba pang impeksiyon na dala ng mga parasito, at mga bulate ang sanhi ng pisyolohikal at pangkabuhayang paghihirap sa karamihan sa mahihirap na dako.” Bunga nito, “angaw-angaw na mga tao sa Asia, Aprika, at Latin Amerika ang naghihirap at namamatay taun-taon dahil sa sakit na bulate, African sleeping sickness, o malaria.” Ang labis na paghihirap na dala ng mga sakit na ito ay hindi basta sinusukat sa dami ng namamatay dahil dito. Sabi ni Dubos: “Ang mga sakit na dala ng mikrobyo ay hindi pa nagapi.”
Sabi pa ni Dubos: “Sa kabaligtaran, ang kasakiman [ng taong puti] ay nagkakaloob sa kaniya ng siyentipikong halina sa alinmang tuklas na pabor sa kaniyang sariling kapakanan.” Kaya, ang pagdiriin sa Kanluraning daigdig ay tungkol sa kanser at sakit sa puso—at hindi dapat kaligtaan ang mga sakit na seksuwal na naililipat. Sinasabi ng isang medikal na babasahin na mayroong humigit-kumulang tatlong milyong bagong mga kaso ng gonorrhea taun-taon sa Estados Unidos lamang.
Gayumpaman kahit na suriin natin ang maunlad o hindi maunlad na daigdig, nakikita natin ang katibayan ng ‘kabayong maputla ng Kamatayan at ng nakamamatay na salot,’ ang ikaapat na kabayo ng Apocalipsis.—Apocalipsis 6:8.
Ipinapahamak ang Lupa
Sa pandaigdig na lawak, ipinapahamak at sinisira na ng tao ang delikadong pagkakatimbang ng kalikasan sa kaniya mismong kapaligirang pinamumuhayan sa pamamagitan ng polusyon, pagsasamantala, kapabayaan, at pagkalbo sa kagubatan.
Apektado ng pag-ulan ng asido, dahil sa paghalo ng ulan at niyebe sa mga produkto ng pasingawan (nitrogen oxides at asupre) mula sa mga planta ng kuryente na nagsusunog ng karbón at langis, ang mga lawa at mga kagubatan sa Hilagang Hating-globo. Gaya ng sabi ng mga manunulat ng aklat na Earth: “Isang resulta ng pag-ulan ng asido ay ang pagbabago ng maraming lawa sa mga lugar na gaya ng New England at Scandinavia mula sa punô ng buhay at produktibong mga sistema sa ekolohiya tungo sa nasaid, kung minsa’y totoong patay, na mga karagatan. Halimbawa, lahat ng mga isda ay namatay sa daan-daang mga lawa sa Adirondacks, at halos 50,000 mga lawa sa Canada ang nanganganib na maging gayon din.”
Kung tungkol naman sa mga kagubatan, marami ang dumaranas ng “kamatayan ng mga kagubatan.” “Napansin ang mga sintomas ng ‘kamatayan ng mga kagubatan’ sa mga kagubatan sa Silangang Europa, sa USSR, Italya, Espanya, Canada, Britaniya at sa gawing itaas ng Gitnang-kanluran ng Amerika.” Ang mga manunulat ding iyon ay nagsasabi pa: “Sa diwa, ang sangkatauhan ay nagsasagawa ng isang pagkalaki-laking eksperimento, nilalason ang karamihan sa isang hating-globo (at marahil mga bahagi ng kabilang hating-globo), at pagkatapos ay tinitingnan kung ano ang mangyayari.”
Ang panggigipit sa kapaligirang pinamumuhayan natin ay pinatitindi ng isa pang di-nababagong salik—nalampasan na kamakailan ng populasyon ng daigdig ang limang bilyong marka. Ang mga biyologong sina Anne at Paul Ehrlich ay nagsabi: “Talagang ang lahat ng anyo ng buhay sa Lupa ay naghihirap dahil sa pagdami ng Homo sapiens (tao).” Ang tao ay dumarami at nagsasamantala. Dapat na pangalagaan ng mga salinlahi sa hinaharap ang kanilang sarili.
Ang mga ilog, dagat, at mga karagatan ay dinudumhan ng walang-budhing pag-abuso ng tao sa mga kayamanang ito. Ang mga dumi sa imburnal, basura, at mga kemikal ay itinatambak sa mga karagatan na para bang ang mga ito ay lokal na basurahan, isang kalabisang karugtong ng buhay sa lupa.
Ito, samakatuwid, ang unang salinlahi sa kasaysayan ng tao na literal na ipinapahamak ang lupa. Ngayon, sa kauna-unahang pagkakataon, ang hula sa Apocalipsis 11:18, na nagsasabing “ipapahamak [ng Diyos] yaong mga nagpapahamak sa lupa,” ay maaaring matupad. Iyan ay dapat maganap sa sukdulan ng “panahon ng kawakasan.”—Daniel 12:4.
Isang Pambihirang Gawaing Pagbibigay-babala
Mayroon pang isang bahagi ang hula ni Jesus na natutupad sa pambihirang paraan. Inihula niya na isang malaking gawaing pangangaral, isang gawaing pagpapatotoo, ang isasagawa sa lahat ng mga bansa bago dumating ang wakas. (Mateo 24:14; Marcos 13:10) At ito ay isasagawa sa loob ng buong buhay ng salinlahi ng 1914. Ito’y naging posible lamang sa ika-20 siglo kung kailan ang modernong mga pagsulong sa transportasyon, komunikasyon, mga computer, at pag-iimprenta ay nagpahintulot sa mga Saksi ni Jehova na paabutin ang kanilang napakalawak na gawaing pagtuturo sa 200 mga wika sa buong lupa.
Ngayon ang mga Saksi ay gumagawa ng magasing Bantayan sa 103 mga wika! Mahigit na 13 milyong kopya ng bawat labas ay ipinamamahagi. Ang magasing binabasa mo ay inilalathala sa 54 na mga wika, at mahigit na 11 milyong kopya ang iniimprenta sa bawat labas. Halos tatlo at kalahating milyong mga Saksi ang regular na naghahayag ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos sa kanilang ministeryo sa 210 mga bansa.
Ang pambihirang gawaing ito ay isinasagawa sa kabila ng pambuong-daigdig na pag-uusig na inihula rin ni Jesus sa kaniyang tunay na mga tagasunod. Oo, ang gawain at ang kaligtasan mismo ng mga Saksi ni Jehova sa pandaigdig na lawak ay nabubuhay na patotoo na tayo ay nasa mga huling araw na!—Marcos 13:9, 10.
Ang Sukdulan Ay Malapit Na
Sa gayon, sa modernong katuparan ng hula ni Jesus, lahat ng mga pangyayaring ito ay bumubuo ng isang tanda tungkol sa di-nakikitang pagkanaririto ni Jesus at ng mga huling araw, o “ang katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3) (Tingnan ang kahon sa pahina 11.) Ang mga ito ay bumubuo ng isang larawan na gaya ng isang jigsaw puzzle na nagsasabi, “Ito ang mga huling araw para sa sistemang ito ng mga bagay.”—Tingnan din ang 2 Timoteo 3:1-5, 12, 13.
Bagaman ang marami sa mga kalagayang inihula ni Jesus ay isahang umiral din sa naunang mga salinlahi, ang kombinasyon ng lahat ng mga ito sa iisang salinlahi ay hindi pa nangyari noon. Gaya ng nakita natin, ang ilan ay hindi pa nangyari sa alinmang naunang salinlahi, ni maaari man itong mangyari. Ang iba ay naghihintay pa ng isang ganap na katuparan bago magwakas ang salinlahing ito. At may iba pang mga pangyayari na hinihintay ngayon ng mga Saksi ni Jehova nang may malaking pananabik. Ang mga pangyayaring iyon ay pambungad sa pagpapaabot ng Diyos ng pamamahala ng kaniyang Kaharian sa lupang ito. Kaya ang tanong ngayon ay, Ano ang susunod?
[Kahon sa pahina 7]
Paano Mo Sasagutin? Mula Noong 1914 . . .
1. Anong malalaking digmaan ang ipinakipaglaban?
2. Ilang matitinding lindol ang maaalaala mo?
3. Naranasan ba ng tao ang anumang pangunahing mga sakit at mga salot?
4. Anong malulubhang taggutom at mga kakapusan ng pagkain ang nagpahirap sa daigdig?
5. Iniharap na ba ng bulaang mga propeta at bulaang mga mesiyas ang kanilang mga sarili?
6. Mayroon bang katibayan ng dumaraming karahasan at katampalasanan?
7. Mayroon bang panlalamig ng pag-ibig at pakikipagkapuwa-tao?
8. Mayroon bang anumang organisasyon na nag-aangkin na ito ang magdadala ng kapayapaan sa daigdig?
9. Mayroon bang panggigipuspos sa mga bansa at takot sa hinaharap?
10.Nakikita mo ba ang patotoo ng isang pambuong-daigdig na gawaing pangangaral ng Kaharian?
(Para sa mga kasagutan, tingnan sa pahina 11.)
[Kahon sa pahina 11]
Sagot sa mga Tanong sa Pahina 7a
1. Mateo 24:7—Dalawang digmaang pandaigdig (1914-18; 1939-45); Gera Sibil Espanyola (1936-39); Digmaan sa Korea; Digmaan sa Vietnam; Iraq-Iran; mga digmaan sa Gitnang Silangan at iba pa.
2. Mateo 24:7—Mga lindol: 1920 at 1932, Kansu, Tsina, 200,000 at 70,000 ang namatay ayon sa pagkakasunod; 1923, Kanto, Hapón, 142,000 ang namatay; 1935, Quetta, Pakistan, 60,000 ang namatay; 1939, Chillán, Chile, 30,000 ang namatay; 1939, Erzincan, Turkey, 30,000 ang namatay; 1960, Agadir, Morocco, 12,000 ang namatay; 1970, Peru, 66,700 ang namatay; 1972, Managua, Nicaragua, 5,000 ang namatay; 1976, Guatemala City, Guatemala, 23,000 ang namatay; 1976, Tangshan, Tsina, 800,000 ang namatay.
3. Lucas 21:11—Sakit sa puso; kanser; AIDS; onchocerciasis (river blindness); malaria; mga sakit na seksuwal na naililipat.
4. Lucas 21:11—Taggutom: 1920-21, hilagang Tsina, tinatayang 20 milyon ang apektado; 1943-44, India, 1,500,000 ang namatay; 1967-69, Nigeria, mahigit na 1,500,000 mga bata ang namatay; 1975-79, Kampuchea, 1,000,000 mga kamatayan; 1983-87, Black Africa 22 milyong mga tao ang apektado.
5. Mateo 24:11—Patuloy na inililigaw ng charismatic na mga lider ng relihiyon, mga mesiyas sa TV, at mga guru ang angaw-angaw.
6. Mateo 24:12; 2 Timoteo 3:13—Ang krimen, karahasan, delingkuwensiya, at pag-abuso sa droga ay laganap sa maraming bahagi ng daigdig. Ang negosyo ng droga sa daigdig ay gumawa ng isang lahi ng walang-awang maimpluwensiyang mga tao at mga mamamatay-tao na nauugnay sa droga.
7. Mateo 24:12—Ang mga pinto ngayon ay nakakandado at nakatrangka; mga asong sumasalakay ay ginagamit upang pangalagaan ang ari-arian; ang mga kapitbahay ay kadalasang hindi kilala.
8. Apocalipsis 17:3, 8-11—Ang Liga ng mga Bansa at ang Nagkakaisang Bansa.
9. Lucas 21:26—Dalawang digmaang pandaigdig ang naging dahilan ng labis-labis na paghihirap at panggigipuspos. Ang banta ng nuklear na pagkalipol mula noong 1945 ay nagpalaganap ng takot at panggigipuspos sa buong daigdig.
10. Mateo 24:14—Mahigit na tatlong milyong mga Saksi ni Jehova ang nangangaral ng ‘mabuting balita ng kaharian ng Diyos’ sa 200 mga wika.
[Talababa]
a Ang talaang ito ay nagbibigay ng halimbawa ng mga pangyayari; hindi ito kompleto.
[Larawan sa pahina 10]
Pinahihirapan ng taggutom ang malalaking bahagi ng globo
Dinudumhan ng tao ang kaniyang pinamumuhayan na kasama ng iba pang nabubuhay na nilalang
Angaw-angaw na mga tao ang apektado ng sarisaring sakit
Isang pambihirang gawaing pagbibigay-babala ang isinasagawa sa 200 mga wika sa buong daigdig
[Picture Credit Line sa pahina 10]
FAO photo