Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 1/1 p. 5-8
  • Isinilang ang Bagong mga Nilalang!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isinilang ang Bagong mga Nilalang!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paglalang ng “mga Bagong Langit at ng Isang Bagong Lupa”
  • Ginagawang Bago ang Lahat ng Bagay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Isang Bagong Langit at Isang Bagong Lupa
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
  • Ginagawang Bago ang Lahat ng Bagay—Gaya ng Inihula
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Isang Bagong Sanlibutan Ayon sa Pangako ng Diyos
    Patuloy na Magbantay!
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 1/1 p. 5-8

Isinilang ang Bagong mga Nilalang!

MINSAN ay sinabi ng pantas na si Haring Solomon: “Walang anumang bago sa ilalim ng araw.” (Eclesiastes 1:9) Totoo iyan kung tungkol sa pisikal na sanlibutan na ating pinamumuhayan, subalit ano naman kung tungkol sa malawak na sakop ng espirituwal na mga nilalang ni Jehova? Sa dakong iyan, isa na lalong dakila kaysa kay Solomon, oo, ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman, ay naging isang pangunahing bagong nilalang. Papaano nangyari ito?

Noong taóng 29 ng ating Karaniwang Panahon, ang sakdal na tao, si Jesus, ay nagharap ng kaniyang sarili upang pabautismo kay Juan sa Ilog Jordan. “Pagkabautismo ay kaagad umahon si Jesus sa tubig; at, hayan! nabuksan ang langit at nakita niya ang espiritu ng Diyos na bumababang tulad sa isang kalapati at lumapag sa kaniya. Hayan! At, may isang tinig na nanggaling sa langit at nagsabi: ‘Ito ang aking sinisintang Anak, na aking sinang-ayunan.’ ” (Mateo 3:16, 17) Sa gayon, ang taong si Kristo Jesus ang naunang bagong nilalang, na pinahiran upang gawin ang kalooban ng Diyos. Sa kalaunan, salig sa kaniyang sakripisyong kamatayan, si Jesus ay naging ang Tagapamagitan ng isang bagong tipan sa pagitan ng Diyos at ng isang piniling grupo ng mga tao. Bawat isa rito ay naging “isang bagong nilalang,” na inianak ng espiritu ng Diyos sa isang makalangit na pag-asa, taglay ang inaasahang paghaharing kasama ni Jesus sa kaniyang makalangit na Kaharian.​—2 Corinto 5:17; 1 Timoteo 2:5, 6; Hebreo 9:15.

Sa nakalipas na mga siglo, ang mga pinahirang ito, na inianak-sa-espiritung mga Kristiyano ay tinipong kaisa ni Kristo bilang ang tunay na kongregasyong Kristiyano, na sa ganang sarili ay isang bagong nilalang. Ito’y tinawag ng Diyos buhat sa sanlibutang ito ukol sa isang layunin, gaya ng sinasabi ni apostol Pedro: “Kayo ay ‘isang piniling lahi, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang tanging pag-aari, upang ihayag ninyo sa madla ang mga kaningningan’ niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kagila-gilalas na liwanag.” (1 Pedro 2:9) Tulad ni Kristo Jesus, ang unang-unang bagong nilalang ng Diyos, ang sumunod na bagong nilalang na ito ay may pangunahing obligasyon na mangaral ng mabuting balita. (Lucas 4:18, 19) Bilang isahan, ang mga miyembro nito, na may pangwakas na bilang na 144,000 ay kailangang “magbihis ng bagong pagkatao na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at katapatan.” (Efeso 4:24; Apocalipsis 14: 1, 3) Dito’y kailangan na kanilang linangin “ang mga bunga ng espiritu,” na binanggit sa Galacia 5:22, 23, at buong- katapatang asikasuhin ang ipinagkatiwala sa kanila.​—1 Corinto 4:2; 9:16.

Kumusta naman ang bagong nilalang na ito sa modernong panahon? Noong taóng 1914, gaya ng ipinakikita ng talaorasan ng Bibliya, natupad ang mga salita ng Apocalipsis 11:15: “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging ang kaharian ng ating Panginoon [si Jehova] at ng kaniyang Kristo, at siya ay maghahari magpakailan-kailanman.” Ang unang ginawa ni Kristo bilang bagong kaluluklok na Hari ay ihagis si Satanas at ang kaniyang demonyong mga anghel buhat sa langit tungo sa kapaligiran ng lupa. Ito’y nagdulot ng “kaabahan para sa lupa,” sa anyo ng unang digmaang pandaigdig at ng kasama nitong matinding kahirapan.​—Apocalipsis 12:9, 12, 17.

Ito ay nagsilbi ring isang pantawag-pansin sa mga nalalabi ng mga bagong nilalang sa lupa na sila’y kailangang makibahagi sa pagtupad ng hula ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng [tatag] na kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” Ano ba ang “wakas” na iyan? Si Jesus ay patuloy na nagpapaliwanag: “Kung magkagayon ay magkakaroon ng malaking kapighatian na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, oo, ni mangyayari pa man kailanman. Sa katunayan, malibang paikliin ang mga araw na yaon, walang laman na maliligtas; ngunit dahil sa mga pinili ay paiikliin ang mga araw na yaon.”​—Mateo 24:3-14, 21, 22.

Ang espiritu ni Jehova ang nagpakilos sa mga pinahirang yaon ng kaniyang bagong nilalang upang maging abala sa pinakamalawak na kampanya ng pangangaral na kailanman ay naganap sa lupang ito. Buhat sa ilang libo noong 1919, ang bilang ng masigasig na mga tagapagbalitang ito ng Kaharian ay sumulong nang hanggang mga 50,000 noong kalagitnaan ng dekada ng 1930. Gaya ng inihula, “ang tinig nila ay kumalat sa buong lupa, at ang kanilang mga salita ay hanggang sa mga dulo ng tinatahanang lupa.”​—Roma 10:18.

Ang mga nalalabi ba lamang ng bagong nilalang ang tanging titipunin para sa kaligtasan? Hindi, sapagkat sinabi ng hula na pipigilin ng mga anghel ng Diyos ang mga hangin ng malaking kapighatian hanggang sa matapos ang pagtitipon hindi lamang ng para sa langit na mga espirituwal na Israelitang ito kundi pati rin ng iba, “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, buhat sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika.” Ano ba ang kanilang patutunguhan? Aba, sila’y makatatawid na ligtas “buhat sa malaking kapighatian” upang magtamasa ng buhay na walang-hanggan sa isang lupang paraiso!​—Apocalipsis 7:1-4, 9, 14.

Nakatutuwa naman, ang malaking pulutong na ito, na tinipon buhat sa 229 lupain, ay dumami hanggang sa umabot na sa halos 4,500,000 aktibong mga Saksi. Marami pa ang matitipon, gaya ng ipinakita ng dumalong 11,431,171 sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus noong Abril 17 ng nakaraang taon. Sa milyun-milyong ito, mayroon lamang 8,683, na nagpapakilalang mga nalalabi sa lupa ng bagong nilalang, ang nakibahagi sa mga emblema ng Memoryal. Yaong mga kabilang sa munting grupong ito, sa ganang sarili nila, ay hindi makatatapos ng malawak na gawaing pangangaral sa ngayon. Ang milyun-milyon na bumubuo ng malaking pulutong ay gumagawa ngayon nang balikatan kasama nila upang matapos ang gawain. (Zefanias 3:9) Bukod diyan, ang lubhang sinanay na mga miyembro ng malaking pulutong ay gumagawa ngayon ng pamamanihala at iba pang responsableng gawain kasama ng pinahirang Lupong Tagapamahala ng espirituwal na Israel, gaya ng di-Israelitang mga Netineo na gumawang kasama ng mga saserdoteng kumumpuni ng mga pader ng Jerusalem.​—Nehemias 3:22-26.

Paglalang ng “mga Bagong Langit at ng Isang Bagong Lupa”

Anong laking kagalakan ang kasama ng pagtitipong ito! Ito’y gaya ng sinabi ni Jehova na mangyayari: “Narito ako’y lumilikha ng mga bagong langit at ng isang bagong lupa; at ang mga dating bagay ay hindi maaalaala, ni mapapasapuso man. Ngunit mangagsaya kayo, kayong mga tao, at mangagalak kayo magpakailanman sa aking nililikha. Sapagkat narito aking nililikha ang Jerusalem na isang kagalakan at ang kaniyang mga mamamayan na isang dahilan ng kasayahan. At ako’y magagalak sa Jerusalem at magsasaya sa aking bayan; at hindi na maririnig pa sa kaniya ang tinig ng iyakan o ang tinig man ng pagdaing.” (Isaias 65:17-19) Ang mga bagong langit na nilalang ni Jehova ay bubuuin sa wakas ni Kristo Jesus at ng 144,000 binuhay-muling mga miyembro ng bagong nilalang na binili sa sangkatauhan noong nakalipas na 19 na siglo. Ito ay makapupong lalong maningning kaysa anumang makalupang pamahalaan na nagpunò sa literal na Jerusalem, kahit na noong kaarawan ni Solomon. Bahagi nito ang Bagong Jerusalem, isang makalangit na lunsod, na inilarawan sa lahat ng kaniyang nagniningning na kagandahan sa Apocalipsis kabanata 21.

Ang Bagong Jerusalem ay ang espirituwal na nobya ni Kristo, ang kaniyang 144,000 pinahirang mga tagasunod, na nakakasama na ng kanilang Nobyo sa langit pagkamatay nila at pagkabuhay-muli sa espiritu. Sila ay inilalarawan sa Apocalipsis 21:1-4 bilang “nananaog mula sa langit buhat sa Diyos,” samakatuwid baga, ginagamit niya sa pagpaparating ng mga pagpapala sa sangkatauhan dito sa lupa. Sa ganitong paraan ang hula ay natutupad: “Narito! Ang tabernakulo ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at siya’y mananahan na kasama nila, at sila’y magiging kaniyang bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng panambitan man o ng hirap pa man. Ang dating mga bagay ay naparam na.”

Anong laki ng ating pasasalamat sa paglalang ng Diyos ng mga bagong langit na iyan! Di-tulad ng lumilipas, tiwaling mga pamamahala na napakatagal nang nagpapahirap sa sangkatauhan, ang kaayusang ito ng pamamahala ng Diyos ay lalagi magpakailanman. Ang bagong nilalang at ang kanilang espirituwal na mga supling, ang malaking pulutong, ay nagsasaya pa rin sa pangako pa ng Diyos na: “ ‘Sapagkat kung papaanong ang mga bagong langit at ang bagong lupa na aking lilikhain ay mananatili sa harap ko,’ sabi ni Jehova, ‘gayon mananatili ang inyong lahi at ang inyong pangalan.’ ”​—Isaias 66:22.

“Ang bagong lupa” ay nagpasimula sa supling na ito ng mga pinahiran na bagong nilalang. Ito ang bago, may takot sa Diyos na lipunan ng sangkatauhan sa lupa. Ang pagkapoot, krimen, karahasan, kabulukan, at imoralidad sa lipunan ng tao sa ngayon ay tunay na nagpapatingkad sa pangangailangan ng isang hustong pagbabago sa lipunan ng bagong lupa, na kumikilos sa ilalim ng pamamatnugot ng mapagkawanggawang mga bagong langit. Iyan ang layunin ni Jehova. Kung papaano niya nilalang ang mga bagong langit, kaniya rin namang nilalalang ang bagong lupa sa pamamagitan ng pagtitipon sa malaking pulutong bilang ang pinakasentro ng isang mapayapang pambagong sanlibutang lipunan. Tanging ang lipunang ito ang ililigtas nang buháy “buhat sa malaking kapighatian.”​—Apocalipsis 7:14.

Ano ang maaasahan natin pagkatapos ng malaking kapighatian? Sa pakikipag-usap sa kaniyang mga apostol, ang mga una na bubuo ng mga bagong langit na mamamahala sa bagong lupa, ipinangako ni Jesus: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Sa muling-paglalang, pagka uupo na ang Anak ng tao sa kaniyang maluwalhating trono, kayong nagsisunod sa akin ay magsisiupo rin sa labindalawang trono.” (Mateo 19:28) Lahat ng 144,000 na bahagi nitong Bagong Jerusalem ay makakasama ni Jesus sa paghuhukom sa sangkatauhan. Ang pag-ibig kung magkagayon ang hahalili sa kaimbutan at pagkapoot bilang saligan ng lipunan ng tao. Mawawala na ang mga suliraning may kinalaman sa mga tribo, lahi, at bansa. Sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ang ating mga mahal sa buhay ay sunud-sunod na bubuhayin. Ang tapat na sangkatauhan na aabot sa bilyun-bilyon ay magiging isang malaki, nagkakaisang pamilya, pinaging-sakdal sa buhay na walang-hanggan sa lupa na isinauli sa pagkaparaiso.

Ito’y magiging higit pa sa isang Utopia o sa isang Shangri-la. Ito ay magiging isang namamalaging nilalang​—“ang mga bagong langit at isang bagong lupa na hinihintay natin ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito’y tatahan ang katuwiran”! (2 Pedro 3:13) Tiyak, ito ay isang kahanga-hangang pag-asa, isang magandang pangako ng isang nagsabi, “Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay,” at kaniya pang idinagdag ang pangungusap na may kalakip na pananampalataya: “Ang mga salitang ito ay tapat at totoo.”​—Apocalipsis 21:5.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share