Isang Malaking Pulutong na Nag-uukol ng Sagradong Paglilingkod
“Nag-uukol sila ng sagradong paglilingkod sa kaniya araw at gabi sa kaniyang templo.”—APOCALIPSIS 7:15.
1. Anong mahalagang espirituwal na kaunawaan ang naabot noong 1935?
NOONG Mayo 31, 1935, nagkaroon ng malaking kagalakan sa gitna ng mga delegado sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Washington, D.C. Doon, sa kauna-unahang pagkakataon, maliwanag na ipinakilala ang lubhang karamihan (o, malaking pulutong) ng Apocalipsis 7:9 kasuwato ng iba pang bahagi ng Bibliya at kaayon ng mga pangyayari na nagsimula nang maganap.
2. Ano ang nagpapahiwatig na isang dumaraming bilang ang nakaunawa na sila’y hindi tinawag ng Diyos upang mabuhay sa langit?
2 Mga anim na linggo bago ito, sa pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, 10,681 ng mga naroroon (mga 1 sa 6) ang hindi nakibahagi sa sagisag na tinapay at alak, at 3,688 sa mga ito ay aktibong mga tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos. Bakit hindi sila nakibahagi sa mga sagisag? Sapagkat batay sa kanilang natutuhan sa Bibliya, napagtanto nila na sila’y hindi tinawag ng Diyos para mabuhay sa langit kundi na sila’y maaaring makibahagi sa maibiging paglalaan ni Jehova sa ibang paraan. Kaya sa kombensiyong iyon, nang hilingin ng tagapagsalita: “Maaari bang tumayo ang lahat ng may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa,” ano ang nangyari? Libu-libo ang tumayo, kasunod ang mahabang palakpakan ng mga naroroon.
3. Bakit ang pagkilala sa malaking pulutong ay nagbigay ng panibagong sigla sa ministeryo sa larangan, at ano ang nadama ng mga Saksi tungkol dito?
3 Ang natutuhan ng mga delegado sa kombensiyong iyon ay nagbigay ng isang panibagong sigla sa kanilang ministeryo. Naunawaan nila na sa ngayon, bago ang katapusan ng matandang sistema, hindi lamang iilang libo kundi isang lubhang karamihan ng mga tao ang bibigyan ng pagkakataong pumasok sa kaayusan ni Jehova para sa pagpapanatili ng buhay, taglay ang pag-asang mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa. Anong nakapagpapasigla-sa-pusong mensahe ang doo’y iniharap sa mga mangingibig ng katotohanan! Napagtanto ng mga Saksi ni Jehova na may isang dakilang gawain na dapat isagawa—isang nakagagalak na gawain. Pagkalipas ng mga taon, si John Booth, na naging miyembro ng Lupong Tagapamahala, ay nakagunita: “Ang asambleang iyon ay nagbigay sa amin ng matinding dahilan upang magalak.”
4. (a) Sa anong lawak aktuwal na nagkaroon ng pagtitipon ng malaking pulutong mula noong 1935? (b) Sa anong paraan nagpapatunay yaong kabilang sa malaking pulutong na ang taglay nila’y isang buháy na pananampalataya?
4 Nang sumunod na mga taon, biglang dumami ang bilang ng mga Saksi ni Jehova. Sa kabila ng malimit na mararahas na pag-uusig na ibinubunton sa kanila noong Digmaang Pandaigdig II, halos natriple ang kanilang bilang sa loob ng isang dekada. At ang 56,153 mamamahayag na nagpapatotoo na sa madla noon pang 1935 ay dumami pa, noong 1994, sa mahigit na 4,900,000 mamamahayag ng Kaharian na nasa mahigit na 230 lupain. Ang nakararami sa mga ito ay umaasa taglay ang matinding pananabik na mapabilang sa mga pauunlakan ni Jehova ng kasakdalan ng buhay sa isang paraisong lupa. Kung ihahambing sa munting kawan, sila’y tunay na naging isang malaking pulutong. Sila’y hindi yaong mga taong nagsasabi lamang na may pananampalataya ngunit hindi naman nakikita sa kanila. (Santiago 1:22; 2:14-17) Lahat sila ay namamahagi sa iba ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Isa ka ba sa maligayang pulutong na ito? Ang pagiging isang aktibong Saksi ay isang mahalagang pagkakakilanlang tanda, ngunit higit pa ang nasasangkot.
“Nakatayo sa Harap ng Trono”
5. Ano ang ipinahihiwatig ng bagay na ang malaking pulutong ay “nakatayo sa harap ng trono”?
5 Sa pangitaing ibinigay kay apostol Juan, nakita niya silang “nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero.” (Apocalipsis 7:9) Ang kanilang pagkakatayo sa harap ng trono ng Diyos, gaya ng inilarawan sa kontekstong ito, ay nagpapakitang sila’y nagbibigay ng lubusang pagkilala sa soberanya ni Jehova. Higit pa ang saklaw nito. Halimbawa: (1) Kinikilala nila ang karapatan ni Jehova na magpasiya para sa kaniyang mga lingkod kung ano ang mabuti at kung ano ang masama. (Genesis 2:16, 17; Isaias 5:20, 21) (2) Nakikinig sila kay Jehova habang siya’y nakikipag-usap sa kanila sa pamamagitan ng kaniyang Salita. (Deuteronomio 6:1-3; 2 Pedro 1:19-21) (3) Kinikilala nila ang kahalagahan ng pagpapasakop sa mga pinagkakatiwalaan ni Jehova ng pangangasiwa. (1 Corinto 11:3; Efeso 5:22, 23; 6:1-3; Hebreo 13:17) (4) Bagaman di-sakdal, sila’y taimtim na nagsisikap na sumunod sa teokratikong patnubay, nang hindi masama ang loob, kundi kusa, mula sa puso. (Kawikaan 3:1; Santiago 3:17, 18) Sila’y nasa harap ng trono upang mag-ukol ng sagradong paglilingkod kay Jehova, na siya nilang lubusang iginagalang at pinakaiibig. Sa kaso ng malaking pulutong na ito, ang kanilang ‘pagkakatayo’ sa harap ng trono ay nagpapakita ng pagsang-ayon ng Isa na nakaupo sa trono. (Ihambing ang Apocalipsis 6:16, 17.) Sa ano nasasalig ang pagsang-ayon?
“Nadaramtan ng Mahahabang Damit na Puti”
6. (a) Ano ang kahulugan ng pagiging “nadaramtan ng mahahabang damit na puti” ng malaking pulutong? (b) Papaano nagkaroon ng isang matuwid na katayuan sa harap ni Jehova ang malaking pulutong? (c) Sa anong lawak nakaimpluwensiya sa buhay ng malaking pulutong ang pananampalataya sa ibinuhos na dugo ni Kristo?
6 Ang paglalarawan ni apostol Juan ng kaniyang nakita ay nagsasabing ang mga miyembro ng malaking pulutong na ito ay “nadaramtan ng mahahabang damit na puti.” Ang mahahabang damit na puting iyon ay sumasagisag sa kanilang malinis, matuwid na katayuan sa harap ni Jehova. Papaano nila natamo ang gayong katayuan? Napansin na natin noon na sa pangitain ni Juan sila’y nakatayo “sa harap ng Kordero.” Kinikilala nila si Jesu-Kristo bilang “ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” (Juan 1:29) Narinig ni Juan ang isa sa matatanda na, sa pangitain, ay naroroon sa trono ng Diyos na nagpapaliwanag: “Nilabhan nila ang kanilang mahahabang damit at pinaputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero. Iyan ang dahilan kung bakit sila nasa harap ng trono ng Diyos.” (Apocalipsis 7:14, 15) Sa makasagisag na paraan, nilabhan na nila ang kanilang kasuutan sa pamamagitan ng pananampalataya sa tumutubos na dugo ni Kristo. Ang kanilang pagsang-ayon sa turo ng Bibliya hinggil sa pantubos ay hindi lamang sa kanilang kaisipan. Ang pagkaunawa rito ay may epekto sa uri ng kanilang pagkatao; samakatuwid, iyon ay “sa pamamagitan ng puso” na sila’y nagsasagawa ng pananampalataya. (Roma 10:9, 10) Ito’y may malayo-ang-naaabot na epekto sa kung papaano sila namumuhay. Sa pananampalataya, iniaalay nila ang kanilang sarili kay Jehova batay sa hain ni Kristo, sinasagisagan ang pag-aalay na iyan sa pamamagitan ng pagpapalubog sa tubig, tunay na namumuhay kasuwato ng kanilang pag-aalay, at sa gayon ay matatamasa ang isang sinang-ayunang kaugnayan sa Diyos. Anong inam na pribilehiyo—isa na dapat maingat na pangalagaan!—2 Corinto 5:14, 15.
7, 8. Papaano natutulungan ng organisasyon ni Jehova ang malaking pulutong na mapanatiling walang dungis ang kanilang kasuutan?
7 Taglay ang maibiging pagmamalasakit para sa kanilang walang-hanggang kapakanan, paulit-ulit na binibigyang-pansin ng organisasyon ni Jehova ang pag-uugali at asal na maaaring makamantsa, o makapagparumi, sa kasuutang pagkakakilanlan ng isa kung kaya, sa kabila ng panlabas na pag-aangkin, ang taong iyon ay hindi talaga karapat-dapat sa makahulang paglalarawan sa Apocalipsis 7:9, 10. (1 Pedro 1:15, 16) Bilang pagpapatibay sa nailathala na, ang The Watchtower, noong 1941 at pagkaraan nito, ay paulit-ulit na nagpakitang nakasisirang-puri ang mangaral sa iba at pagkatapos, kapag hindi na ginagawa ito, ay makisangkot naman sa mga paggawing gaya ng pakikiapid o pangangalunya. (1 Tesalonica 4:3; Hebreo 13:4) Noong 1947 idiniin na ang mga pamantayan ni Jehova sa Kristiyanong pag-aasawa ay kumakapit sa lahat ng lupain; anuman ang ipahintulot ng lokal na kostumbre, yaong patuloy na nagsasagawa ng poligamya ay hindi maaaring maging mga Saksi ni Jehova.—Mateo 19:4-6; Tito 1:5, 6.
8 Noong 1973, ipinakita sa mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig na lahat sila’y dapat lubusang umiwas sa hindi maikakailang nakaruruming mga gawain, gaya ng maling paggamit ng tabako, saanman sila naroroon—hindi lamang sa Kingdom Hall o sa paglilingkod sa larangan kundi gayundin sa pinagtatrabahuhan o sa ilang tagóng lugar na hindi nakikita ng mga tao. (2 Corinto 7:1) Noong 1987 sa pandistritong mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova, mariing pinayuhan ang mga Kristiyanong kabataan na upang mapanatili ang isang malinis na katayuan sa harap ng Diyos, sila’y dapat mag-ingat laban sa pagkakaroon ng dobleng pamumuhay. (Awit 26:1, 4) Muli’t muli, Ang Bantayan ay nagbababala laban sa iba’t ibang bahagi ng espiritu ng sanlibutan sapagkat kalakip sa “anyo ng pagsamba na malinis at walang dungis sa pangmalas ng ating Diyos at Ama” ay ang pag-iingat sa sarili na “walang batik mula sa sanlibutan.”—Santiago 1:27.
9. Sino ang aktuwal na makatatayong sinang-ayunan sa harap ng trono ng Diyos pagkatapos ng dakilang kapighatian?
9 Yaong mga taong pinakikilos ng pananampalataya upang mabuhay sa isang paraang makapananatiling malinis sa espirituwal at sa moral ay mamamalaging “nakatayo sa harap ng trono” bilang sinang-ayunang mga lingkod ng Diyos pagkatapos ng dumarating na dakilang kapighatian. Ito ang mga taong hindi lamang nagsimulang mamuhay bilang mga Kristiyano kundi tapat na nagtiyaga rito.—Efeso 4:24.
“Mga Sanga ng Palma sa Kanilang mga Kamay”
10. Ano ang ipinahihiwatig ng mga sanga ng palma na nakita ni Juan sa mga kamay ng malaking pulutong?
10 Ang isa sa mga namumukod na paglalarawan ng malaking pulutong, ayon sa napansin ni apostol Juan, ay na “may mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay.” Ano ang ipinahihiwatig nito? Walang alinlangan na ang mga sangang iyon ng palma ay nagpaalaala kay Juan ng kapistahan ng tabernakulo ng mga Judio, ang pinakamasayang kapistahan sa kalendaryong Hebreo, na ginaganap pagkatapos ng pag-aani sa tag-araw. Kasuwato ng Batas, ang mahahabang dahon ng palma, kasama ng mga sanga ng ibang punò, ay ginagamit upang gumawa ng mga kubol upang matuluyan sa panahon ng kapistahan. (Levitico 23:39-40; Nehemias 8:14-18) Iniwawagayway rin ang mga ito ng mga mananamba sa templo kapag umaawit ng Hallel (Awit 113-118). Ang pagwawagayway ng mga sanga ng palma ng malaking pulutong ay malamang na nagpaalaala rin kay Juan ng isang pagkakataon nang sumakay si Jesus patungong Jerusalem samantalang masayang iniwawagayway ng pulutong ng mga mananamba ang mga sanga ng palma at sumisigaw: “Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ni Jehova, samakatuwid baga’y ang hari ng Israel!” (Juan 12:12, 13) Kaya ang pagwawagayway ng mga sanga ng palma ay nagpapakita na ang malaking pulutong ay masayang nagbubunyi sa Kaharian ni Jehova at sa kaniyang pinahirang Hari.
11. Bakit ang mga lingkod ng Diyos ay tunay na nakasusumpong ng kagalakan sa paglilingkod kay Jehova?
11 Isa ngang espiritu ng kagalakan ang ipinamamalas ng malaking pulutong kahit ngayon habang naglilingkod sila kay Jehova. Hindi ito nangangahulugang hindi sila napapaharap sa mga kahirapan o na sila’y hindi nakararanas ng pamimighati o hapdi. Subalit ang kasiyahan na nagmumula sa paglilingkod at pagpapalugod kay Jehova ay tumutulong upang matumbasan ang mga bagay na iyon. Kaya nga, isang misyonerang naglingkod kasama ng kaniyang asawa sa loob ng 45 taon sa Guatemala ang nagkuwento ng tungkol sa sinaunang mga kalagayan na nakapaligid sa kanila, ang mahirap na gawain at mapanganib na paglalakbay na naging bahagi ng kanilang buhay habang sinisikap nilang maiparating ang mensahe ng Kaharian sa mga nayon ng mga Indiyan. Ganito ang kaniyang pagtatapos: “Iyon ang panahon sa aming buhay na kami’y pagkaliga-ligaya.” Bagaman nararamdaman na niya ang epekto ng katandaan at pagkakasakit, ang isa sa pinakahuling talâ sa kaniyang diary ay ang mga salitang: “Iyo’y naging isang makabuluhang buhay, totoong kasiya-siya.” Sa buong daigdig, gayundin ang nadarama ng mga Saksi ni Jehova kung tungkol sa kanilang ministeryo.
“Sagradong Paglilingkod Araw at Gabi”
12. Sa araw man o sa gabi, ano ang namamasdan ni Jehova dito sa lupa?
12 Ang maliligayang mananambang ito ay nag-uukol kay Jehova ng “sagradong paglilingkod araw at gabi sa kaniyang templo.” (Apocalipsis 7:15) Sa palibot ng mundo, milyun-milyon ang nakikibahagi sa sagradong paglilingkod na ito. Kapag gabi na sa ilang lupain at natutulog na ang mga tao roon, sa ibang lupain naman ay sikát pa ang araw at ang mga Saksi ni Jehova ay abalang nagpapatotoo. Habang umiikot ang mundo, patuloy, araw at gabi, sila’y umaawit ng papuri kay Jehova. (Awit 86:9) Ngunit ang araw-at-gabing paglilingkod na tinukoy sa Apocalipsis 7:15 ay mas personál pa.
13. Papaano ipinahihiwatig ng Kasulatan ang kahulugan ng paglilingkod “araw at gabi”?
13 Ang mga indibiduwal na bumubuo ng malaking pulutong ay nag-uukol ng sagradong paglilingkod araw at gabi. Nangangahulugan ba ito na ang lahat ng kanilang ginagawa ay itinuturing na sagradong paglilingkod? Totoo na anuman ang kanilang ginagawa, natututuhan nilang gawin iyon sa paraang nagpaparangal kay Jehova. (1 Corinto 10:31; Colosas 3:23) Gayunman, ang “sagradong paglilingkod” ay kumakapit lamang sa kung ano ang tuwirang nasasangkot sa pagsamba ng isa sa Diyos. Ang pagiging abala sa isang gawain “araw at gabi” ay nagpapahiwatig ng pagkapalagian o pagkawalang-pagbabago gayundin ng taimtim na pagsisikap.—Ihambing ang Josue 1:8; Lucas 2:37; Gawa 20:31; 2 Tesalonica 3:8.
14. Ano ang nagpapangyari upang ang ating personál na paglilingkod sa larangan ay bumagay sa paglalarawan ng “gabi at araw” na paglilingkod?
14 Habang naglilingkod sila sa makalupang looban ng dakilang espirituwal na templo ni Jehova, yaong bumubuo ng malaking pulutong ay nagsisikap na makibahagi nang palagian at walang-pagbabago sa ministeryo sa larangan. Marami ang gumagawa bilang tunguhin na makibahagi sa ministeryo sa larangan linggu-linggo. Ang iba naman ay nagpupunyagi bilang mga regular pioneer o auxiliary pioneer. Malimit na ang mga ito’y abalang nagpapatotoo sa mga lansangan at sa mga tindahan sa umagang-umaga. Upang mapagbigyan ang mga interesado, ang ilang mga Saksi ay nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya nang gabing-gabi na. Sila’y nagpapatotoo kapag namimilí, kapag nagbibiyahe, sa panahon ng pananghalian, at sa pamamagitan ng telepono.
15. Bukod sa ministeryo sa larangan, ano pa ang kabilang sa ating sagradong paglilingkod?
15 Ang pakikibahagi sa mga pulong sa kongregasyon ay bahagi rin ng ating sagradong paglilingkod; gayundin ang gawaing nasasangkot sa pagtatayo at pangangalaga sa mga dako ng Kristiyanong pagtitipon. Ang pagsisikap na ginagawa upang patibaying-loob at tulungan ang mga kapatid na Kristiyano, sa espirituwal at materyal, upang mapanatiling masigla sa paglilingkod kay Jehova ay kabilang dito. Saklaw rin dito ang gawain ng ating mga Hospital Liaison Committee. Ang paglilingkod sa Bethel sa lahat ng iba’t ibang gawain dito, gayundin ang paglilingkod bilang mga boluntaryo sa ating mga kombensiyon, ay pawang sagradong paglilingkod. Totoo, kapag ang ating buhay ay umiinog sa palibot ng ating pakikipag-ugnayan kay Jehova, ang mga ito’y napupunô ng sagradong paglilingkod. Gaya ng sinasabi ng kasulatan, ang bayan ni Jehova ay nag-uukol ng “sagradong paglilingkod araw at gabi,” at nakadarama sila ng malaking kagalakan sa paggawa nito.—Gawa 20:35; 1 Timoteo 1:11.
‘Mula sa Lahat ng mga Bansa, Tribo, Bayan, at Wika’
16. Papaano napatutunayang totoo na ang malaking pulutong ay lumalabas “mula sa lahat ng mga bansa”?
16 Mula sa lahat ng mga bansa, yaong kabilang sa malaking pulutong ay lumalabas. Ang Diyos ay hindi nagtatangi, at ang inilaang pantubos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ay sapat upang pakinabangan nilang lahat. Nang ang malaking pulutong ay unang makilala ayon sa Kasulatan noong 1935, ang mga Saksi ni Jehova ay aktibo sa 115 lupain. Nang sumapit ang mga taóng 1990, ang paghanap sa mga tulad-tupa ay umabot sa mahigit na doble ng mga lupain.—Marcos 13:10.
17. Ano ang ginagawa na upang matulungan ang mga tao ng lahat ng ‘tribo, bayan, at wika’ na mapasama sa malaking pulutong?
17 Sa paghanap ng inaasahang magiging miyembro ng malaking pulutong, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi lamang nag-ukol ng pansin sa mga mamamayan ng bansa kundi gayundin sa grupo ng mga tribo at mga bayan at mga wika na nakikipamayan sa mga bansang iyon. Upang marating ang mga taong ito, ang mga Saksi ay naglalathala ng mga literatura sa Bibliya sa mahigit na 300 wika. Nangangailangan ito ng pagsasanay at pagtustos sa mga pangkat ng kuwalipikadong mga tagapagsalin, na naglalaan ng mga kagamitan sa computer upang ihanda ang lahat ng wikang ito, gayundin ang aktuwal na pag-iimprenta. Sa loob lamang ng nakalipas na limang taon, 36 na wika, na ginagamit ng mga 98,000,000 tao, ang naidagdag sa talaan. Karagdagan pa, nagsisikap ang mga Saksi na dalawin nang personál ang mga taong ito upang tulungan silang maunawaan ang Salita ng Diyos.—Mateo 28:19, 20.
“Mula sa Malaking Kapighatian”
18. (a) Kapag sumiklab na ang dakilang kapighatian, sino ang iingatan? (b) Anong masayang pagpapahayag ang isasagawa?
18 Kapag pinakawalan na ng mga anghel ang mga hangin ng kapuksaan na tinukoy sa Apocalipsis 7:1, hindi lamang ang pinahirang “mga alipin ng ating Diyos” ang makararanas ng maibiging proteksiyon ni Jehova kundi gayundin ang malaking pulutong na nakisama sa kanila sa tunay na pagsamba. Gaya ng sinabi kay apostol Juan, yaong kabilang sa malaking pulutong ay ‘lalabas mula sa malaking kapighatian’ bilang mga naligtas. Anong sigaw ng pasasalamat at papuri ang kanilang ibibigay sa pagkakataong iyon habang kanilang inihahayag: “Kaligtasan ay utang namin sa aming Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero”! At lahat ng tapat na mga lingkod ng Diyos sa langit ay makikisigaw sa pagsasabi: “Amen! Ang pagpapala at ang kaluwalhatian at ang karunungan at ang pagpapasalamat at ang karangalan at ang kapangyarihan at ang lakas ay sumaating Diyos magpakailan kailanman. Amen.”—Apocalipsis 7:10-14.
19. Sa anong nakagagalak na gawain mananabik na makibahagi ang mga makaliligtas?
19 Magiging isa ngang masayang panahon iyon! Lahat ng nabubuhay ay magiging mga lingkod ng tanging tunay na Diyos! Ang pinakadakilang kagalakan sa lahat ng ito ay ang paglilingkod kay Jehova. Magkakaroon ng napakaraming gawain—nakagagalak na gawain! Gagawing Paraiso ang lupa. Bubuhaying-muli ang libu-libong milyon na mga namatay at saka tuturuan sa mga paraan ni Jehova. Anong nakagagalak na pribilehiyo na makibahagi roon!
Ano ang Masasabi Mo?
◻ Anong epekto mayroon ang mga pangyayari noong 1935 sa ministeryo sa larangan ng mga Saksi ni Jehova?
◻ Ano ang ipinahihiwatig ng bagay na ang malaking pulutong ay nakikitang “nakatayo sa harap ng trono”?
◻ Papaano dapat makaapekto sa buhay ang pagpapahalaga sa dugo ng Kordero?
◻ Ano ang ipinahihiwatig ng pagwawagayway nila ng mga sanga ng palma?
◻ Papaano nag-uukol ng sagradong paglilingkod araw at gabi ang malaking pulutong?
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Naaaninag sa kanilang sagradong paglilingkod ang pagkapalagian, kasipagan, at taimtim na pagsisikap