Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 10/1 p. 15-20
  • Pagpapastol sa Kawan ng Diyos Taglay ang Pag-ibig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagpapastol sa Kawan ng Diyos Taglay ang Pag-ibig
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Halimbawa ng Mabuting Pastol
  • Malulupit na Pastol sa Israel
  • Maibiging mga Pastol sa Kongregasyong Kristiyano
  • Igalang ang Paggamit sa Malayang Kalooban
  • Mga Matatanda, Pakadibdibin ang Inyong mga Pananagutan sa Pagpapastol
    Gumising!—1986
  • Mga Pastol, Tularan ang Pinakadakilang mga Pastol
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Maging Masunurin sa mga Pastol ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Ang Malumanay na Pagpapastol sa Mahalagang mga Tupa ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 10/1 p. 15-20

Pagpapastol sa Kawan ng Diyos Taglay ang Pag-ibig

“Magpastol kayo sa kawan ng Diyos na nasa inyong pangangalaga.” ​—1 PEDRO 5:2.

1, 2. Ano ang nangingibabaw na katangian ni Jehova, at papaano ito nahahayag?

SA BUONG Banal na Kasulatan, maliwanag na ang pag-ibig ang siyang nangingibabaw na katangian ng Diyos. “Ang Diyos ay pag-ibig,” ang sabi ng 1 Juan 4:8. Yamang ang kaniyang pag-ibig ay ipinahahayag sa gawa, sinasabi ng 1 Pedro 5:7 na ang Diyos ay “nagmamalasakit sa inyo.” Sa Bibliya ang paraan ng pagmamalasakit ni Jehova sa kaniyang bayan ay inihahalintulad sa paraan na ang isang maibiging pastol ay malumanay na nangangalaga sa kaniyang mga tupa: “Narito! Ang Soberanong Panginoong Jehova mismo . . . ang magpapastol sa kaniyang sariling kawan. Kaniyang pipisanin ang mga kordero sa kaniyang bisig; at dadalhin niya sila sa kaniyang sinapupunan. Yaong nagpapasuso ay kaniyang papatnubayan nang may pagmamalasakit.” (Isaias 40:10, 11) Anong laki ng kaaliwan ni David anupat kaniyang nasabi: “Si Jehova ang aking Pastol. Hindi ako magkukulang ng anuman”!​—Awit 23:1.

2 Angkop lamang na ihalintulad ng Bibliya sa mga tupa yaong mga tao na may pabor ng Diyos, sapagkat ang mga tupa ay payapa, mapagpasakop, masunurin sa kanilang mapagmalasakit na pastol. Bilang isang maibiging Pastol, lubhang nagmamalasakit si Jehova sa kaniyang tulad-tupang bayan. Ipinakikita niya ito sa pamamagitan ng paglalaan sa kanila sa materyal at sa espirituwal na paraan at sa pamamagitan ng pag-akay sa kanila sa mahirap na “mga huling araw” ng balakyot na sanlibutang ito tungo sa kaniyang dumarating na matuwid na bagong sanlibutan.​—2 Timoteo 3:1-5, 13; Mateo 6:31-34; 10:28-31; 2 Pedro 3:13.

3. Papaano inilarawan ng salmista ang paraan ng pangangalaga ni Jehova sa kaniyang mga tupa?

3 Pansinin ang maibiging pangangalaga ni Jehova sa kaniyang mga tupa: “Ang mga mata ni Jehova ay nakatingin sa mga matuwid, at ang kaniyang mga pakinig ay nakabukas sa kanilang mga daing. . . . Sila’y nagsidaing, at dininig ni Jehova, at iniligtas sila sa lahat nilang kabagabagan. Si Jehova ay malapit sa kanila na may wasak na puso; at inililigtas sila na may bagbag na espiritu. Marami ang kadalamhatian ng matuwid, ngunit siya’y inililigtas ni Jehova sa lahat ng mga ito.” (Awit 34:15-19) Anong laking kaaliwan ang ibinibigay ng Pansansinukob na Pastol sa kaniyang tulad-tupang bayan!

Ang Halimbawa ng Mabuting Pastol

4. Ano ang bahagi ni Jesus sa pangangalaga sa kawan ng Diyos?

4 Ang Anak ng Diyos, si Jesus, ay natutong mainam buhat sa kaniyang Ama, sapagkat tinatawag si Jesus sa Bibliya bilang “ang mabuting pastol.” (Juan 10:11-16) Ang kaniyang mahalagang paglilingkod sa kawan ng Diyos ay tinutukoy sa Apocalipsis kabanata 7. Sa Apoc 7 talatang 9, ang mga lingkod ng Diyos sa ating kaarawan ay tinatawag na “isang malaking pulutong . . . mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” Pagkatapos sa Apoc 7 talatang 17 ay sinasabi: “Ang Kordero [si Jesus] . . . ay magpapastol sa kanila, at aakay sa kanila sa mga bukal ng mga tubig ng buhay. At papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.” Inaakay ni Jesus ang mga tupa ng Diyos sa mga tubig ng katotohanan na umaakay sa buhay na walang-hanggan. (Juan 17:3) Pansinin na si Jesus ay tinawag na “ang Kordero,” na nagpapakita ng kaniyang sariling tulad-tupang mga katangian, yamang siya ang pangunahing halimbawa ng pagpapasakop sa Diyos.

5. Ano ang nadama ni Jesus tungkol sa mga tao?

5 Sa lupa si Jesus ay namuhay sa gitna ng mga tao at nakita niya ang kanilang kahabag-habag na kalagayan. Papaano siya tumugon sa kanilang kalagayan? “Siya ay nahabag sa kanila, sapagkat sila ay nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mateo 9:36) Ang mga tupang walang pastol ay dumaranas ng malaking hirap sa kamay ng mga maninila, gaya rin ng mga tupa na may mga pastol na walang malasakit. Subalit si Jesus ay lubhang nagmamalasakit, sapagkat sinabi niya: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pananariwain ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang pagpapanariwa ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat ang aking pamatok ay may kabaitan at ang aking pasan ay magaan.”​—Mateo 11:28-30.

6. Anong konsiderasyon ang ipinakita ni Jesus para sa mga naaapi?

6 Inihula ng Bibliya na si Jesus ay maibiging makikitungo sa mga tao: “Pinahiran ako ni Jehova . . . upang magpagaling ng mga wasak na puso, . . . upang aliwin yaong lahat ng nagsisitangis.” (Isaias 61:1, 2; Lucas 4:17-21) Hindi kailanman hinamak ni Jesus ang mga dukha at sawi. Bagkus, tinupad niya ang Isaias 42:3: “Ang gapok na tambo ay hindi niya babaliin; ni ang linong mitsa na umuusok ay hindi niya papatayin.” (Ihambing ang Mateo 12:17-21.) Ang mga naghihirap ay mistulang mga gapok na tambo, gaya ng mitsa ng ilawan na halos mamamatay na dahil sa kakulangan ng gatong. Sa pagkakita sa kanilang kahabag-habag na kalagayan, si Jesus ay nagpakita sa kanila ng pagkamadamayin at binigyan sila ng lakas at pag-asa, pinagaling sila sa espirituwal at sa pisikal.​—Mateo 4:23.

7. Saan inakay ni Jesus ang mga taong tumugon sa kaniya?

7 Ang tulad-tupang mga tao ay tumugon kay Jesus nang kawan-kawan. Lubhang kaakit-akit ang kaniyang pagtuturo anupat ang mga opisyal na isinugo upang arestuhin siya ay nag-ulat: “Hindi kailanman nakapagsalita ang ibang tao nang tulad nito.” (Juan 7:46) Aba, ang mapagpaimbabaw na mga pinunong relihiyoso ay nagreklamo: “Ang sanlibutan ay sumunod sa kaniya”! (Juan 12:19) Subalit hindi hangad ni Jesus ang karangalan o kaluwalhatian para sa kaniyang sarili. Inakay niya ang mga tao patungo sa kaniyang Ama. Tinuruan niya sila na maglingkod kay Jehova dahil sa pag-ibig sa Kaniyang kahanga-hangang mga katangian: “Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong lakas mo at nang buong pag-iisip mo.”​—Lucas 10:27, 28.

8. Papaanong ang pagsunod na ibinibigay ng bayan ng Diyos sa kaniya ay naiiba sa ibinibigay ng iba sa makasanlibutang mga tagapamahala?

8 Si Jehova ay lumuluwalhati dahil sa ang kaniyang pansansinukob na soberanya ay sinusuportahan ng kaniyang tulad-tupang bayan, batay sa kanilang pag-ibig sa kaniya. Kusa nilang pinipili na maglingkod sa kaniya dahilan sa kanilang kaalaman tungkol sa kaniyang kaibig-ibig na mga katangian. Anong laking kaibahan buhat sa mga pinuno ng sanlibutang ito na ang mga sakop ay tumatalima sa kanila dahil lamang sa takot, o nang may kabigatan ng loob, o dahilan sa sila’y may ilang mapag-imbot na motibo! Kailanman ay hindi masasabi tungkol kay Jehova o kay Jesus ang sinabi tungkol sa isang papa ng Iglesya Katolika Romana: “Siya ay hinangaan ng marami, kinatakutan ng lahat, hindi inibig ninuman.”​—Vicars of Christ​—The Dark Side of the Papacy, ni Peter De Rosa.

Malulupit na Pastol sa Israel

9, 10. Ilarawan ang mga pinunong relihiyoso sa sinaunang Israel at noong unang siglo.

9 Di-tulad ni Jesus, ang mga pinunong relihiyoso sa Israel noong kaniyang kaarawan ay walang pag-ibig sa mga tupa. Sila’y katulad ng naunang mga tagapamahala sa Israel na tungkol sa kanila ay sinabi ni Jehova: “Sa aba ng mga pastol ng Israel, na naging mga tagapagpakain ng kanilang sarili! Hindi baga ang kawan ang dapat pakanin ng mga pastol? . . . Ang mahina ay hindi ninyo pinalakas, at ang maysakit ay hindi ninyo pinagaling, at ang nabalian ay hindi ninyo tinalian ang bali, at hindi ninyo ibinalik ang nailigaw, at ang nawala ay hindi ninyo sinikap na hanapin, kundi inyong pinagpunuang may karahasan, pinagmalupitan pa nga.”​—Ezekiel 34:2-4.

10 Katulad ng makapulitikang mga pastol na iyon, matitigas ang loob ng mga pinunong relihiyosong Judio noong unang siglo. (Lucas 11:47-52) Upang ilarawan ito, sinabi ni Jesus ang tungkol sa isang Judio na ninakawan, ginulpi, at iniwang halos patay na sa tabi ng daan. Isang saserdoteng Israelita ang dumaan, subalit nang makita ang Judio, siya’y lumipat sa kabilang panig ng daan. Gayundin ang ginawa ng isang Levita. Pagkatapos isang di-Israelita, isang hinahamak na Samaritano, ang dumaan at nahabag sa biktima. Tinalian niya ang kaniyang mga sugat, isinakay sa isang hayop upang dalhin sa isang bahay-tuluyan, at inalagaan siya. Binayaran niya ang may-ari ng bahay-tuluyan at sinabing siya’y babalik upang bayaran ang anumang karagdagang gastos.​—Lucas 10:30-37.

11, 12. (a) Papaano umabot sa sukdulan ang kasamaan ng mga pinunong relihiyoso noong kaarawan ni Jesus? (b) Ano ang sa wakas ay ginawa ng mga Romano sa mga pinunong relihiyoso?

11 Gayon na lamang kasamâ ang mga pinunong relihiyoso noong kaarawan ni Jesus anupat nang buhaying-muli ni Jesus si Lazaro buhat sa mga patay, ang punong mga saserdote at ang mga Fariseo ay nanawagan sa Sanedrin upang magtipon at nagsabi: “Ano ang ating gagawin, sapagkat ang taong ito [si Jesus] ay nagsasagawa ng maraming tanda? Kung pababayaan natin siya nang ganito, silang lahat ay maglalagak ng pananampalataya sa kaniya, at darating ang mga Romano at kukunin kapuwa ang ating dako at ang ating bansa.” (Juan 11:47, 48) Walang kabuluhan sa kanila ang mabuting ginawa ni Jesus alang-alang sa taong namatay. Sila’y nababahala tungkol sa kanilang posisyon. Kaya “mula nang araw na iyon ay nagsanggunian silang patayin [si Jesus].”​—Juan 11:53.

12 Upang pag-ibayuhin pa ang kanilang kasamaan, ang mga punong saserdote ay “nagsanggunian na patayin din si Lazaro, sapagkat dahil sa kaniya marami sa mga Judio ang pumaparoon at naglalagak ng pananampalataya kay Jesus.” (Juan 12:10, 11) Ang kanilang mapag-imbot na pagsisikap upang ipagsanggalang ang kanilang posisyon ay walang kabuluhan, sapagkat sinabi sa kanila ni Jesus: “Ang inyong bahay ay pinababayaan sa inyo.” (Mateo 23:38) Bilang katuparan ng mga salitang iyon, sa salinlahing iyon dumating ang mga Romano at kinuha ang ‘kanilang dako at ang kanilang bansa,’ at pati na rin ang kanilang buhay.

Maibiging mga Pastol sa Kongregasyong Kristiyano

13. Sino ang ipinangako ni Jehova na susuguin upang magpastol sa kaniyang kawan?

13 Sa halip na malulupit, mapag-imbot na mga pastol, si Jehova ay magbabangon ng Mabuting Pastol, si Jesus, upang mangalaga sa Kaniyang kawan. Siya’y nangako rin na magbabangon ng maibiging mga katulong na pastol upang mangalaga sa mga tupa: “Ako’y magbabangon sa kanila ng mga pastol na aktuwal na magpapastol sa kanila; at sila’y hindi na matatakot.” (Jeremias 23:4) Sa gayon, tulad ng mga kongregasyong Kristiyano noong unang siglo, ang “mga pag-aatas ng mga nakatatandang lalaki sa lunsod at lunsod” ay ginagawa sa ngayon. (Tito 1:5) Ang nakatatandang mga lalaking ito sa espirituwal na paraan na nakatutugon sa mga kuwalipikasyon na itinakda sa Kasulatan ay ‘magpapastol sa kawan ng Diyos.’​—1 Pedro 5:2; 1 Timoteo 3:1-7; Tito 1:7-9.

14, 15. (a) Anong saloobin ang nasumpungan ng mga alagad na mahirap paunlarin? (b) Ano ang ginawa ni Jesus upang ipakita sa kanila na ang matatanda ay dapat na maging mapagpakumbabang mga lingkod?

14 Sa pag-aasikaso sa mga tupa, ang matatanda ay kailangang “higit sa lahat” magkaroon ng “masidhing pag-ibig” sa kanila. (1 Pedro 4:8) Subalit kinailangang matutuhan ito ng mga alagad ni Jesus, palibhasa’y totoong palaisip tungkol sa karangalan at posisyon. Kaya nang ang ina ng dalawang alagad ay magsabi kay Jesus: “Sabihin mo na ang aking dalawang anak na ito ay makaupo, ang isa sa iyong kanang kamay at ang isa sa iyong kaliwa, sa iyong kaharian,” ang ibang alagad ay nagalit. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang mga tagapamahala ng mga bansa ay namamanginoon sa kanila at ang mga dakilang tao ay humahawak ng awtoridad sa kanila. Hindi ganito ang paraan sa inyo; kundi ang sinumang nagnanais na maging dakila sa inyo ay dapat na maging ministro ninyo, at ang sinumang nagnanais na maging una sa inyo ay dapat na maging alipin ninyo.”​—Mateo 20:20-28.

15 Sa isa pang okasyon, pagkatapos na ang mga alagad ay ‘magtalo sa kanilang mga sarili kung sino ang mas dakila,’ sinabi ni Jesus sa kanila: “Kung ang sinuman ay nagnanais na maging una, siya ay dapat na maging huli sa lahat at ministro ng lahat.” (Marcos 9:34, 35) Ang kababaan ng pag-iisip at pagiging handang maglingkod ay kailangang maging bahagi ng kanilang personalidad. Gayunman ang mga alagad ay patuloy na nahihirapan sa mga ideang iyon, sapagkat noong mismong gabi bago mamatay si Jesus, sa kaniyang huling hapunan, “isang mainitang pagtatalo” ang bumangon sa gitna nila tungkol sa kung sino ang pinakadakila! Iyan ay naganap sa kabila ng pagpapakita ni Jesus sa kanila kung papaano kailangang maglingkod sa kawan ang isang matanda; siya’y nagpakababa ng kaniyang sarili at hinugasan ang kanilang mga paa. Sinabi niya: “Kung ako, bagaman Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong mga paa, kayo rin ay dapat na maghugas ng mga paa ng isa’t isa. Sapagkat inilagay ko ang parisan para sa inyo, na, gaya ng ginawa ko sa inyo, ay gawin din ninyo.”​—Lucas 22:24; Juan 13:14, 15.

16. Noong 1899, ano ang komento ng Watch Tower tungkol sa pinakamahalagang katangian ng matatanda?

16 Sa tuwina’y itinuturo ng mga Saksi ni Jehova na ang matatanda ay kailangang maging katulad nito. Halos isang siglo na ang nakalipas, ang Abril 1, 1899, ng Watch Tower ay bumanggit ng mga salita ni Pablo sa 1 Corinto 13:1-8 at pagkatapos ay sinabi: “Malinaw na tinutukoy ng Apostol na ang kaalaman at pagtatalumpati ay hindi siyang pinakamahahalagang pagsubok, kundi ang pag-ibig na nanunuot sa puso at lumalaganap hanggang sa lahat ng takbo ng buhay, at nagpapakilos at nagpapaandar sa ating mortal na mga katawan, ang siyang tunay na pagsubok​—ang tunay na patotoo ng ating banal na kaugnayan. . . . Ang pangunahing katangian na dapat hanapin sa bawat isa na tinatanggap bilang isang lingkod ng iglesya, upang maglingkod sa banal na mga bagay, ay dapat una sa lahat ang espiritu ng pag-ibig.” Binanggit nito na ang mga lalaking hindi mapagpakumbabang maglilingkod dahil sa pag-ibig “ay di-ligtas na mga guro, at malamang na gumawa ng higit na pinsala kaysa mabuti.”​—1 Corinto 8:1.

17. Papaano idiniin ng Bibliya ang mga katangian na kailangang taglayin ng matatanda?

17 Sa gayon, ang nakatatandang mga lalaki ay hindi dapat na ‘mamanginoon’ sa mga tupa. (1 Pedro 5:3) Sa halip, sila’y mangunguna sa pagiging “mabait sa isa’t isa, madamayin sa magiliw na paraan.” (Efeso 4:32) Idiniin ni Pablo: “Damtan ninyo ang inyong mga sarili ng magiliw na pagmamahal ng pagkamadamayin, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang-pagtitiis. . . . Subalit, bukod pa sa lahat ng mga bagay na ito, damtan ninyo ang inyong mga sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”​—Colosas 3:12-14.

18. (a) Anong mainam na halimbawa ang ipinakita ni Pablo sa pakikitungo sa mga tupa? (b) Bakit hindi dapat ipagwalang-bahala ng matatanda ang mga pangangailangan ng mga tupa?

18 Ito’y natutuhang gawin ni Pablo, na nagsasabi: “Kami ay naging banayad sa gitna ninyo, gaya ng kapag ang isang nagpapasusong ina ay nag-aaruga sa kaniyang sariling mga anak. Kaya, taglay ang magiliw na pagmamahal sa inyo, nalugod kaming mainam na ibahagi sa inyo, hindi lamang ang mabuting balita ng Diyos, kundi gayundin ang aming sariling mga kaluluwa, sapagkat kayo ay naging mga iniibig namin.” (1 Tesalonica 2:7, 8) Kasuwato niyan, sinabi niya: “Magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo, alalayan ang mahihina, magkaroon ng mahabang-pagtitiis sa lahat.” (1 Tesalonica 5:14) Anuman ang uri ng suliranin na maaaring dalhin sa kanila ng mga tupa, dapat tandaan ng matatanda ang Kawikaan 21:13: “Ang sinumang nagtatakip ng kaniyang pakinig sa daing ng dukha, siya mismo ay daraing at hindi diringgin.”

19. Bakit isang pagpapala ang maibiging matatanda, at papaano tumutugon ang mga tupa sa gayong pag-ibig?

19 Ang nakatatandang mga lalaki na maibiging nagpapastol sa kawan ay isang pagpapala sa mga tupa. Ganito ang inihula sa Isaias 32:2: “Bawat isa ay magiging gaya ng isang kublihang dako sa hangin at isang kanlungan sa bagyo, gaya ng mga ilog ng tubig sa tuyong dako, gaya ng lilim ng malaking bato sa kinapapagurang lupain.” Tayo’y naliligayahang makaalam na marami sa ating matatanda sa ngayon ang kumikilos na kasuwato ng magandang larawang iyan ng pagpapanariwa. Sila’y natutong magkapit ng sumusunod na simulain: “Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa. Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Roma 12:10) Kapag ipinakikita ng matatanda ang ganitong uri ng pag-ibig at pagpapakumbaba, ang mga tupa ay tumutugon sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng “higit kaysa pambihirang konsiderasyon sa pag-ibig dahil sa kanilang gawain.”​—1 Tesalonica 5:12, 13.

Igalang ang Paggamit sa Malayang Kalooban

20. Bakit kailangang igalang ng matatanda ang malayang kalooban?

20 Nilikha ni Jehova ang mga tao na taglay ang malayang kalooban upang gumawa ng kanilang sariling pagpapasiya. Samantalang ang matatanda ay magpapayo at magdidisiplina pa nga, hindi nila susupilin ang buhay o pananampalataya ng iba. Sinabi ni Pablo: “Hindi sa kami ang mga panginoon sa inyong pananampalataya, kundi mga kamanggagawa kami ukol sa inyong kagalakan, sapagkat sa pamamagitan ng inyong pananampalataya kaya kayo ay nakatayo.” (2 Corinto 1:24) Oo, “bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan.” (Galacia 6:5) Binigyan tayo ni Jehova ng malaking kalayaan sa loob ng hangganan ng kaniyang mga batas at mga simulain. Kaya naman ang matatanda ay dapat umiwas sa pagtatakda ng mga alituntunin kung hindi naman nilalabag ang maka-Kasulatang mga simulain. At dapat nilang paglabanan ang anumang hilig na magbigay ng kanilang personal na mga opinyon bilang paniniwala o hayaang ang kanilang pagpapahalaga sa sarili ay makahadlang kung may isa na di-sumasang-ayon sa gayong mga paniniwala.​—2 Corinto 3:17; 1 Pedro 2:16.

21. Ano ang matututuhan buhat sa saloobin ni Pablo kay Filemon?

21 Pansinin kung papaanong si Pablo, samantalang nakabilanggo sa Roma, ay nakitungo kay Filemon, isang Kristiyanong nagmamay-ari ng alipin sa Colosas sa Asia Minor. Ang alipin ni Filemon na nagngangalang Onesimus ay tumakas patungo sa Roma, naging isang Kristiyano, at tumutulong noon kay Pablo. Sumulat si Pablo kay Filemon: “Ibig ko sanang pigilan siya para sa aking sarili upang bilang kahalili mo ay patuloy siyang makapaglingkod sa akin sa mga gapos ng bilangguan na aking binabata alang-alang sa mabuting balita. Subalit kung walang pagsang-ayon mo ay hindi ko ibig na gumawa ng anumang bagay, upang ang iyong mabuting gawa ay maging, hindi tila sa ilalim ng pamimilit, kundi sa iyong sariling malayang kalooban.” (Filemon 13, 14) Isinauli ni Pablo si Onesimus, anupat hiniling kay Filemon na pakitunguhan siya bilang isang kapatid na Kristiyano. Alam ni Pablo na ang kawan ay hindi kaniya; iyon ay sa Diyos. Hindi siya ang panginoon niyaon kundi lingkod niyaon. Hindi diniktahan ni Pablo si Filemon; iginalang niya ang kaniyang malayang kalooban.

22. (a) Ano ang dapat maunawaan ng matatanda tungkol sa kanilang posisyon? (b) Anong uri ng organisasyon ang pinauunlad ni Jehova?

22 Habang ang organisasyon ng Diyos ay lumalaki, higit pang matatanda ang hinihirang. Sila, gayundin ang mas may karanasang matatanda, ay kailangang umunawa na ang kanilang posisyon ay nauukol sa mapagpakumbabang paglilingkuran. Sa ganitong paraan, habang pinakikilos ng Diyos ang kaniyang organisasyon patungo sa bagong sanlibutan, ito ay patuloy na lálakí gaya ng nais niya​—organisadong mabuti ngunit hindi isinasakripisyo ang pag-ibig at pagkamadamayin kapalit ng kahusayan. Sa gayon, ang kaniyang organisasyon ay lalong magiging kaakit-akit sa mga taong tulad-tupa na makikita doon ang patotoo na “pinangyayari ng Diyos na magtulungan sa isa’t isa ang lahat ng kaniyang mga gawa ukol sa kabutihan niyaong mga umiibig sa Diyos.” Ganiyan ang maaasahan sa isang organisasyon na nakasalig sa pag-ibig, sapagkat “ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.”​—Roma 8:28; 1 Corinto 13:8.

Papaano Mo Sasagutin?

◻ Papaano inilalarawan ng Bibliya ang pagmamalasakit ni Jehova ukol sa kaniyang bayan?

◻ Anong papel ang ginagampanan ni Jesus sa pangangalaga sa kawan ng Diyos?

◻ Anong pangunahing katangian ang kailangang taglayin ng matatanda?

◻ Bakit kailangang isaalang-alang ng matatanda ang malayang kalooban ng mga tupa?

[Larawan sa pahina 16]

Si Jesus, ang “mabuting pastol,” ay nagpakita ng pagkamadamayin

[Mga larawan sa pahina 17]

Ang nápakasamáng mga pinunong relihiyoso ay nagsabuwatan upang patayin si Jesus

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share