Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • bhs kab. 8 p. 83-93
  • Ano ang Kaharian ng Diyos?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Kaharian ng Diyos?
  • Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?
  • Basahin sa Itinuturo ng Bibliya
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ANO ANG KAHARIAN NG DIYOS?
  • ANO ANG GAGAWIN NG KAHARIAN NG DIYOS?
  • KAILAN NAGING HARI SI JESUS?
  • Ano ang Kaharian ng Diyos?
    Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?
  • Ano ang Kaharian ng Diyos?
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
  • Ano ang Kaharian ng Diyos?
    Magandang Balita Mula sa Diyos!
  • Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos
    Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan
Iba Pa
Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?
bhs kab. 8 p. 83-93

KABANATA 8

Ano ang Kaharian ng Diyos?

1. Anong panalangin ang pag-uusapan natin ngayon?

MILYON-MILYON ang nakakaalam ng panalanging Ama Namin, o Panalangin ng Panginoon. Ginamit ni Jesus ang panalanging ito para turuan ang mga alagad niya na manalangin. Ano ang ipinanalangin niya? At bakit ito mahalaga sa atin ngayon?

2. Ano ang tatlong mahahalagang bagay na itinuro ni Jesus na ipanalangin natin?

2 Sinabi ni Jesus: “Manalangin kayo sa ganitong paraan: ‘Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang Kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayon din sa lupa.’” (Basahin ang Mateo 6:9-13.) Bakit itinuro ni Jesus na ipanalangin natin ang tatlong bagay na iyon?—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 20.

3. Ano ang kailangan nating malaman tungkol sa Kaharian ng Diyos?

3 Natutuhan na natin na ang pangalan ng Diyos ay Jehova. At napag-aralan na rin natin ang kalooban ng Diyos para sa mga tao at sa lupa. Pero ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niya: “Dumating nawa ang Kaharian mo”? Alamin natin kung ano ang Kaharian ng Diyos, kung ano ang gagawin nito, at kung paano nito pababanalin ang pangalan ng Diyos.

ANO ANG KAHARIAN NG DIYOS?

4. Ano ang Kaharian ng Diyos, at sino ang Hari nito?

4 Nagtatag si Jehova ng gobyerno sa langit at pinili si Jesus na maging Hari nito. Tinatawag ng Bibliya ang gobyernong ito na Kaharian ng Diyos. Si Jesus ang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.” (1 Timoteo 6:15) Mas maraming magagawang mabuti si Jesus kaysa sa sinumang tagapamahalang tao, at kahit pagsama-samahin pa ang lahat ng tagapamahalang tao, mas makapangyarihan pa rin si Jesus.

5. Mula saan mamamahala ang gobyerno ng Diyos? Ano ang pamamahalaan nito?

5 Bumalik si Jesus sa langit 40 araw pagkatapos siyang buhaying muli. Di-nagtagal, inatasan siya ni Jehova na maging Hari ng Kaharian. (Gawa 2:33) Ang gobyerno ng Diyos ay mamamahala sa lupa mula sa langit. (Apocalipsis 11:15) Kaya sa Bibliya, ang Kaharian ng Diyos ay tinatawag na “Kaharian sa langit.”—2 Timoteo 4:18.

6, 7. Bakit mas mahusay si Jesus kaysa sa mga tagapamahalang tao?

6 Sinasabi ng Bibliya na mas mahusay si Jesus kaysa sa sinumang tagapamahalang tao dahil siya lang ang “nag-iisang imortal.” (1 Timoteo 6:16) Lahat ng tagapamahalang tao ay namamatay, pero hindi kailanman mamamatay si Jesus. Lahat ng magagandang bagay na gagawin ni Jesus para sa atin ay mananatili magpakailanman.

7 Ayon sa hula ng Bibliya, si Jesus ay magiging patas at mapagmalasakit na Hari: “Sasakaniya ang espiritu ni Jehova, ang espiritu ng karunungan at ng kaunawaan, ang espiritu ng payo at ng kalakasan, ang espiritu ng kaalaman at ng pagkatakot kay Jehova. At makadarama siya ng kasiyahan sa pagkatakot kay Jehova. Hindi siya hahatol ayon sa nakita ng mga mata niya, at hindi siya sasaway [o, magpapayo] ayon lang sa narinig ng mga tainga niya. Hahatulan niya nang patas ang mga dukha [o, mahihirap].” (Isaias 11:2-4) Gusto mo ba ng ganiyang hari?

8. Paano natin nalaman na may makakasama si Jesus bilang hari?

8 Pumili ang Diyos ng mga tao para mamahalang kasama ni Jesus sa langit. Halimbawa, sinabi ni apostol Pablo kay Timoteo: “Kung patuloy tayong magtitiis, maghahari din tayong magkakasama.” (2 Timoteo 2:12) Ilan ang maghaharing kasama ni Jesus?

9. Ilan ang mamamahalang kasama ni Jesus? Kailan sila sinimulang piliin ng Diyos?

9 Gaya ng natutuhan natin sa Kabanata 7, nakakita si apostol Juan ng isang pangitain kung saan naroon si Jesus bilang Hari sa langit na may kasamang 144,000 iba pang hari. Sino ang mga kabilang sa 144,000? Ipinaliwanag ni Juan na ang mga ito ay “may pangalan [ni Jesus] at pangalan ng kaniyang Ama na nakasulat sa noo nila.” Idinagdag pa niya: “Ito ang mga patuloy na sumusunod sa Kordero [si Jesus] saanman siya pumunta. Ang mga ito ay binili mula sa sangkatauhan.” (Basahin ang Apocalipsis 14:1, 4.) Ang 144,000 ay tapat na mga Kristiyano na pinili ng Diyos para ‘pamahalaan ang lupa bilang mga hari’ kasama ni Jesus. Kapag namatay sila, bubuhayin sila sa langit. (Apocalipsis 5:10) Mula pa noong panahon ng mga apostol, pumipili na si Jehova ng tapat na mga Kristiyano para maging bahagi ng 144,000.

10. Bakit ang pagpili kay Jesus at sa 144,000 tao bilang tagapamahala ay katibayan na mahal na mahal tayo ni Jehova?

10 Mahal na mahal tayo ni Jehova kaya mga tao ang pinili niyang magharing kasama ni Jesus. Magiging mabuting tagapamahala si Jesus dahil naiintindihan niya tayo. Naranasan niyang maging tao at mahirapan. Sinabi ni Pablo na nararamdaman ni Jesus ang nararamdaman natin dahil “nauunawaan [niya] ang mga kahinaan natin,” at “sinubok siya sa lahat ng bagay gaya natin.” (Hebreo 4:15; 5:8) Alam din ng 144,000 ang pakiramdam ng isang tao. Naranasan din nilang mahirapan dahil sa pagkakasakit at pagiging di-perpekto. Kaya siguradong maiintindihan ni Jesus at ng 144,000 ang nararamdaman natin pati ang mga problemang pinagdaraanan natin.

ANO ANG GAGAWIN NG KAHARIAN NG DIYOS?

11. Bakit itinuro ni Jesus sa mga alagad niya na ipanalangin na mangyari ang kalooban ng Diyos sa langit?

11 Tinuruan ni Jesus ang mga alagad niya na ipanalangin na mangyari ang kalooban ng Diyos sa langit. Bakit? Natutuhan natin sa Kabanata 3 na nagrebelde si Satanas na Diyablo kay Jehova. Pagkatapos magrebelde ni Satanas, hinayaan siya ni Jehova na manatili sa langit, pati na ang di-tapat na mga anghel, o mga demonyo. Kaya hindi lahat ng nasa langit noon ay gumagawa ng kalooban ng Diyos. Sa Kabanata 10, may matututuhan pa tayo tungkol kay Satanas at sa mga demonyo.

12. Anong dalawang mahahalagang pangyayari ang ipinapakita sa Apocalipsis 12:10?

12 Ipinapaliwanag ng Bibliya na kapag naging Hari na si Jesus sa Kaharian ng Diyos, makikipagdigma siya kay Satanas. (Basahin ang Apocalipsis 12:7-10.) Ipinapakita sa talata 10 ang dalawang mahahalagang pangyayari. Nagsimulang mamahala ang Kaharian ng Diyos at si Jesu-Kristo ang Hari nito, at inihagis si Satanas sa lupa mula sa langit. Sa patuloy nating pag-aaral, makikita nating nangyari na ang mga ito.

13. Ano ang nangyari nang palayasin si Satanas sa langit?

13 Ipinapakita ng Bibliya kung gaano kasaya ang tapat na mga anghel nang palayasin sa langit si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. Mababasa natin: “Matuwa kayo, O langit at kayong mga nakatira diyan!” (Apocalipsis 12:12) May lubos na kapayapaan na at pagkakaisa sa langit dahil lahat ng nandoon ay gumagawa ng kalooban ng Diyos.

Larawan ng digmaan, krimen, polusyon, at pagdurusa

Mula nang palayasin sa langit si Satanas at ang kaniyang mga demonyo, dumami ang masasamang pangyayari sa lupa. Malapit nang matapos ang mga pagdurusang ito

14. Ano ang nangyari sa lupa mula nang palayasin si Satanas sa langit?

14 Pero ibang-iba ang buhay sa lupa. Napakasama ng nangyayari sa tao “dahil ang Diyablo ay bumaba na” at “galit na galit, dahil alam niyang kaunti na lang ang panahong natitira sa kaniya.” (Apocalipsis 12:12) Galit na galit si Satanas dahil pinalayas siya sa langit, at alam niyang malapit na siyang puksain. Ginagawa niya ang lahat para mag-away, masaktan, at maghirap ang mga tao.

15. Ano ang kalooban ng Diyos para sa lupa?

15 Pero hindi nagbago ang kalooban ng Diyos para sa lupa. Gusto pa rin niyang tumira ang perpektong mga tao sa paraisong lupa magpakailanman. (Awit 37:29) Paano ito gagawin ng Kaharian ng Diyos?

16, 17. Ano ang sinasabi sa atin ng Daniel 2:44 tungkol sa Kaharian ng Diyos?

16 Sinasabi ng hula sa Daniel 2:44: “Sa panahon ng mga haring iyon, ang Diyos ng langit ay magtatatag ng isang kaharian na hindi mawawasak kailanman. At ang kahariang ito ay hindi ibibigay sa ibang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng kahariang iyon, at ito lang ang mananatili magpakailanman.” Ano ang itinuturo sa atin ng hulang ito tungkol sa Kaharian ng Diyos?

17 Una, sinasabi nito sa atin na ang Kaharian ng Diyos ay mamamahala “sa panahon ng mga haring iyon.” Ibig sabihin, may mga gobyerno pa rin sa lupa kapag nagsimulang mamahala ang Kaharian. Ikalawa, sinasabi nito sa atin na ang Kaharian ng Diyos ay mamamahala magpakailanman at hindi mapapalitan ng ibang gobyerno. At ikatlo, magkakaroon ng digmaan sa pagitan ng Kaharian ng Diyos at ng mga gobyerno sa lupa. Mananalo ang Kaharian ng Diyos at magiging ang kaisa-isang gobyernong namamahala sa buong lupa. Ito na ang pinakamagandang gobyernong mararanasan ng tao.

18. Ano ang tawag sa digmaan sa pagitan ng Kaharian ng Diyos at ng mga gobyerno sa lupa?

18 Paano papalitan ng Kaharian ng Diyos ang pamamahala ng tao sa lupa? Bago ang digmaang iyon, na tinatawag na Armagedon, dadayain ng mga demonyo ang “mga hari ng buong lupa, para tipunin sila sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat.” Oo, makikipaglaban ang mga gobyerno ng tao sa Kaharian ng Diyos.—Apocalipsis 16:14, 16; tingnan ang Karagdagang Impormasyon 10.

19, 20. Bakit natin kailangan ang Kaharian ng Diyos?

19 Bakit natin kailangan ang Kaharian ng Diyos? May tatlong dahilan. Una, makasalanan tayo, kaya nagkakasakit tayo at namamatay. Pero sinasabi ng Bibliya na sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, mabubuhay tayo magpakailanman. Sinasabi ng Juan 3:16: “Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak para ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”

20 Ikalawa, kailangan natin ang Kaharian ng Diyos dahil napakaraming masama sa paligid natin. Marami ang sinungaling, mandaraya, at imoral. Hindi natin kayang alisin ang mga ito, pero aalisin sila ng Diyos. Ang mga taong patuloy na gumagawa ng masama ay pupuksain sa Armagedon. (Basahin ang Awit 37:10.) Ikatlo, kailangan natin ang Kaharian ng Diyos dahil ang mga gobyerno ng tao ay mahina, malupit, o tiwali. Hindi nila tinutulungan ang mga tao na sumunod sa Diyos. Sinasabi ng Bibliya na “ang tao ay namamahala sa kapuwa niya sa ikapipinsala nito.”—Eclesiastes 8:9.

21. Paano titiyakin ng Kaharian na mangyayari ang kalooban ng Diyos sa lupa?

21 Pagkatapos ng Armagedon, titiyakin ng Kaharian na mangyayari ang kalooban ng Diyos sa lupa. Halimbawa, aalisin nito si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. (Apocalipsis 20:1-3) At darating ang panahon, wala nang magkakasakit o mamamatay. Dahil sa pantubos, lahat ng tapat na tao ay mabubuhay magpakailanman sa Paraiso. (Apocalipsis 22:1-3) Pababanalin ng Kaharian ang pangalan ng Diyos. Ano ang ibig sabihin nito? Kapag namahala sa lupa ang gobyerno ng Diyos, pararangalan ng lahat ng tao ang pangalan ni Jehova.—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 21.

KAILAN NAGING HARI SI JESUS?

22. Paano natin nalaman na hindi agad naging Hari si Jesus pagbalik niya sa langit o kahit noong nasa lupa pa siya?

22 Tinuruan ni Jesus ang mga alagad niya na manalangin: “Dumating nawa ang Kaharian mo.” Ipinapakita nito na darating pa lang ang gobyerno ng Diyos. Itatatag muna ni Jehova ang gobyerno niya at gagawing Hari si Jesus. Naging Hari ba agad si Jesus pagbalik niya sa langit? Hindi, dahil naghintay pa siya ng panahon. Mga ilang panahon pagkatapos buhaying muli si Jesus, nilinaw ni Pedro at ni Pablo na si Jesus ang tinutukoy ng hula sa Awit 110:1. Sinabi ni Jehova sa hula: “Umupo ka sa kanan ko hanggang sa ang mga kaaway mo ay gawin kong tuntungan ng mga paa mo.” (Gawa 2:32-35; Hebreo 10:12, 13) Gaano katagal maghihintay si Jesus bago siya gawing Hari ni Jehova?

Titiyakin ng Kaharian na mangyayari ang kalooban ng Diyos sa lupa

23. (a) Kailan nagsimulang mamahala si Jesus bilang Hari sa gobyerno ng Diyos? (b) Ano ang matututuhan natin sa susunod na kabanata?

23 Bago ang 1914, matagal nang naiintindihan ng isang grupo ng tapat na mga Kristiyano na mahalaga ang taóng iyon sa hula ng Bibliya. Makikita sa mga pangyayari sa mundo mula noong 1914 na tama sila. Noong taóng iyon, nagsimulang mamahala si Jesus bilang Hari. (Awit 110:2) Di-nagtagal pagkatapos nito, inihagis si Satanas sa lupa, at “kaunti na lang ang panahong natitira sa kaniya” ngayon. (Apocalipsis 12:12) Sa susunod na kabanata, malalaman natin ang iba pang ebidensiya na nabubuhay na tayo sa panahong iyan. Matututuhan din natin na napakalapit nang gawin ng Kaharian ang kalooban ng Diyos sa lupa.—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 22.

SUMARYO

KATOTOHANAN 1: ANG KAHARIAN NG DIYOS AY ISANG TUNAY NA GOBYERNO

“Dumating nawa ang Kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayon din sa lupa.”—Mateo 6:9-13

Ano ang Kaharian ng Diyos?

  • Apocalipsis 11:15

    Ang Kaharian, o gobyerno, ng Diyos ay mamamahala sa lupa mula sa langit.

  • 1 Timoteo 6:15

    Si Jesus ang Hari sa Kaharian ng Diyos.

  • Apocalipsis 14:1, 4

    144,000 tao ang mamamahalang kasama ni Jesus sa langit.

  • Hebreo 4:15; 5:8

    Naiintindihan ni Jesus at ng 144,000 ang nararamdaman natin at ang mga problemang pinagdaraanan natin.

KATOTOHANAN 2: SI JESUS ANG MAGIGING PINAKAMAHUSAY NA TAGAPAMAHALA

“Hahatulan niya nang patas ang mga dukha [o, mahihirap].”—Isaias 11:4

Bakit si Jesus ang karapat-dapat maging Hari sa Kaharian ng Diyos?

  • 1 Timoteo 6:16

    Lahat ng tagapamahalang tao ay namamatay, pero si Jesus ay hindi kailanman mamamatay. Lahat ng magagandang bagay na gagawin ni Jesus para sa atin ay mananatili magpakailanman.

  • Isaias 11:2-4

    Mas maraming magagawang mabuti si Jesus kaysa sa sinumang tagapamahalang tao. Kahit pagsama-samahin pa ang lahat ng tagapamahalang tao, mas makapangyarihan pa rin si Jesus. Patas siya at mapagmalasakit.

KATOTOHANAN 3: TITIYAKIN NG KAHARIAN NA MANGYAYARI ANG KALOOBAN NG DIYOS SA LUPA

“Ang Diyos ng langit ay magtatatag ng isang kaharian na hindi mawawasak kailanman.”—Daniel 2:44

Ano na ang nagawa ng Kaharian? Ano ang gagawin nito sa hinaharap?

  • Apocalipsis 12:7-12

    Nang gawing Hari si Jesus noong 1914, pinalayas niya si Satanas sa langit at inihagis sa lupa. Kaya napakaraming kaguluhan, paghihirap, at pagdurusa sa buong lupa.

  • Eclesiastes 8:9; Apocalipsis 16:16

    Sa Armagedon, pupuksain ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng malupit at tiwaling gobyerno ng tao.

  • Awit 37:10

    Ang mga taong patuloy na gumagawa ng masama ay pupuksain.

  • Apocalipsis 22:1-3

    Kapag namahala na ang Kaharian ng Diyos sa lupa, wala nang magkakasakit o mamamatay at pararangalan ng lahat ng tao ang pangalan ng Diyos.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share