Ang Edukasyon na may Layunin
“Turuan mo ng kaalaman ang matuwid at siya’y lalago sa pagkatuto.”—KAWIKAAN 9:9.
1. Ano ba ang inaasahan ni Jehova sa kaniyang mga lingkod kung tungkol sa kaalaman?
SI Jehova ay “isang Diyos ng kaalaman.” (1 Samuel 2:3) Kaniyang tinuturuan ang mga lingkod niya. Inihula ni Moises na ang mga bayang kasabay nila na umiral ay magsasabi tungkol sa Israel: “Ang dakilang bansang ito ay tiyak na isang marunong at maunawaing bayan.” (Deuteronomio 4:6) Ang tunay na mga Kristiyano ay dapat din na may kaalaman. Sila’y kailangang maging magagaling na estudyante ng Salita ng Diyos. Upang ipakita ang layunin ng gayong pag-aaral, si apostol Pablo ay sumulat: “Kami . . . ay hindi humihinto ng pagdalangin alang-alang sa inyo at ng paghingi na kayo’y mapuno sana ng tumpak na kaalaman ng kaniyang kalooban sa buong karunungan at sa espirituwal na pagkakilala, upang makalakad na karapat-dapat kay Jehova sa layuning lubusang makalugod sa kaniya habang kayo’y patuloy na nagbubunga sa bawat mabuting gawa at lumalago sa tumpak na kaalaman sa Diyos.”—Colosas 1:9, 10.
2. (a) Ano ang kailangan upang magkamit ng tumpak na kaalaman sa Diyos? (b) Papaano nagbigay ng tagubilin ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova tungkol sa bagay na ito?
2 Ang pag-aaral upang magkamit ng tumpak na kaalaman sa Diyos at sa kaniyang layunin ay nangangailangan ng kahit man lamang pinakamababang edukasyon. Subalit maraming tao na natuto ng katotohanan ng Salita ng Diyos ang namuhay sa mga bansa na kung saan sila’y may bahagya o walang pagkakataon na tumanggap ng wastong sekular na edukasyon. Sila’y may disbentaha. Upang mapagtagumpayan ang suliraning ito, ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay nagtagubilin maraming taon na ngayon na, kung kinakailangan, dapat mag-organisa ng mga klase sa pagtuturo ng pagbasa at pagsulat sa mga kongregasyon. Mahigit na 30 taon na ngayon, ang pahayagan sa Brazil na Diário de Mogi ay naglathala ng isang artikulo na pinamagatang “Binabaka ng mga Saksi ni Jehova ang Kamangmangan.” Sinabi nito: “Isang kuwalipikadong instruktor ang nagsimula . . . na matiyagang turuan ang iba na bumasa at sumulat. . . . Ang mga tinuturuan, dahilan sa mga kalagayang nagtutulak sa kanila bilang mga ministro ng Diyos, ay kailangang magpaunlad ng kanilang kaalaman sa wika upang makapagbigay ng mga pahayag.” Libu-libong tao sa buong daigdig ang sa ganoon ay naging mabubuting estudyante ng Salita ng Diyos. Sila’y pumasok sa saligang edukasyong ito na taglay sa isip ang isang dakilang layunin.
Kasanayan ang Kailangan Upang Maging Epektibong mga Ministro
3, 4. (a) Bakit ang tunay na mga Kristiyano ay interesado sa edukasyon? (b) Ano ba ang kalagayan noon sa Israel, at anong saligang edukasyon ang hindi maaaring mawala sa loob ng ating mga kongregasyon sa ngayon?
3 Ang tunay na mga Kristiyano ay interesado sa edukasyon, hindi dahil sa ano pa man, kundi upang maging lalong epektibong mga lingkod ni Jehova. Lahat ng Kristiyano ay binigyan ni Kristo ng misyon na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, . . . turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Upang makapagturo sa iba, sila mismo ay kailangan munang matuto, at dito’y kailangan ang mabubuting paraan sa pag-aaral. Kailangang may kakayahan silang suriing maingat ang Kasulatan. (Gawa 17:11) Upang magampanan ang kanilang misyon, sila’y kailangan ding makabasang mainam.—Tingnan ang Habacuc 2:2; 1 Timoteo 4:13.
4 Gaya ng nakita natin sa naunang artikulo, may mabuting dahilan na maniwala, karaniwan na, na kahit ang mga bata sa sinaunang Israel ay marurunong bumasa at sumulat. (Hukom 8:14; Isaias 10:19) Ang mga ministrong Kristiyano sa ngayon ay kailangang sumulat nang maayos na nota sa kanilang pagpapatotoo sa bahay-bahay. Sila’y sumusulat ng mga liham, kumukuha ng mga nota sa mga pulong, at sinusulatan ng karagdagang mga nota ang kanilang pinag-aaralang materyal. Lahat na ito ay nangangailangan ng mahusay na sulat-kamay. Sa pag-iingat ng mga rekord sa kongregasyong Kristiyano ay kailangan ang kahit man lamang saligang kaalaman sa aritmetika.
Mga Bentaha ng Wastong Pagpasok sa Paaralan
5. (a) Ano ba ang pinagmulan ng salitang “paaralan”? (b) Ano ang pagkakataon na dapat samantalahin ng mga kabataan?
5 Kapana-panabik malaman, ang salitang “paaralan” ay galing sa salitang Griego na skho·leʹ, na ang ibig sabihin sa orihinal ay “libreng panahon” o ang paggamit ng libreng panahon para sa anumang seryosong gawain, gaya ng pagkatuto. Nang malaunan ay ginamit ito upang tumukoy sa lugar na kung saan nagaganap ang gayong pagkatuto. Ipinakikita nito na, dati, tanging ang mga may pribilehiyo–sa Gresya at sa halos ibang mga lupain–lamang ang may libreng panahon na matuto. Ang mga manggagawa sa pangkalahatan ay nanatiling walang kamuwangan. Sa ngayon, sa karamihan ng bansa ang mga bata at mga kabataan ay binibigyan ng panahon na matuto. Ang pagkakataon ay kailangang samantalahin ng mga kabataang Saksi upang sila’y maging mga lingkod ni Jehova na may kaalaman at kakayahan.—Efeso 5:15, 16.
6, 7. (a) Ano ang ilan sa mga bentaha ng wastong pagpasok sa paaralan? (b) Sa anu-anong paraan magiging kapaki-pakinabang ang pagkatuto ng isang wikang banyaga? (c) Ano ang kalagayan sa ngayon sa gitna ng maraming kabataan pagkatapos nila sa paaralan?
6 Sa pagkakaroon ng saligang kaalaman sa kasaysayan, heograpiya, siyensiya, at iba pa ang mga kabataang Saksi ay magiging balanseng mga ministro. Ang kanilang pagpasok sa paaralan ay magtuturo sa kanila hindi lamang ng maraming asignatura kundi pati na rin ng paraan ng pagkatuto. Ang tunay na mga Kristiyano ay hindi humihinto ng pagkatuto at pag-aaral pagka hindi na sila pumapasok sa paaralan. Gayunman, ang natututuhan nila sa kanilang pag-aaral ay depende ang kalakhang bahagi sa kanilang pagkaalam kung papaano mag-aaral. Kapuwa ang sekular at pangkongregasyong pag-aaral ay makatutulong sa kanila upang mapaunlad ang kanilang mga kakayahang mag-isip. (Kawikaan 5:1, 2) Pagka sila’y nagbasa lalong mainam na makikilala nila kung ano ang mahalaga, ano ang nararapat igawa ng nota at sauluhin.
7 Halimbawa, ang pagkatuto ng wikang banyaga ay hindi lamang magpapahusay sa kakayahang mag-isip ng mga kabataan kundi tutulong din ito upang sila’y maging lalong kapaki-pakinabang sa organisasyon ni Jehova. Sa ilan sa mga sangay ng Watch Tower Society, napatunayan ng maraming kapatid na kabataan na kapaki-pakinabang kung ang isa ay matatas na nakapagsasalita o nakababasa ng Ingles. Bukod dito, lahat ng mga ministrong Kristiyano ay dapat magsikap na maging mahusay sa pagsasalita ng kanilang inang wika. Ang mabuting balita ng Kaharian ay nararapat ipahayag sa isang paraang malinaw, at naaayon sa tamang balarila. Ipinakikita ng mga pangyayari na sa sanlibutan sa ngayon, ang maraming kabataan na nakatapos ng pag-aaral ay nahihirapan pa ring sumulat at magsalita nang tama at nang pagsasagawa ng kahit simpleng aritmetika; at kapos sila sa kaalaman sa kasaysayan at heograpiya.
Sapat na Edukasyon
8. Anong mga kasulatan ang may kaugnayan sa paksa ng sekular na edukasyon at kakayahan ng isang tao na suportahan ang kaniyang sarili?
8 Samakatuwid, waring ito’y isang angkop na panahon upang isaalang-alang ang saloobing Kristiyano tungkol sa sekular na edukasyon. Ano bang mga simulain ng Bibliya ang may kaugnayan sa paksang ito? Una, sa karamihan ng bansa ang nararapat na pagpapasakop kay “Cesar” ay humihiling sa mga magulang na Kristiyano na pag-aralin ang kanilang mga anak. (Marcos 12:17; Tito 3:1) Para sa mga kabataang Saksi, sa kanilang pag-aaral dapat nilang tandaan ang Colosas 3:23, na nagsasabi: “Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang buong kaluluwa gaya ng kay Jehova ginagawa, at hindi sa mga tao.” Ang ikalawang simulaing kasangkot ay na dapat na masuportahan ng mga Kristiyano ang kanilang sarili, kahit na kung sila’y buong-panahong mga ministrong payunir. (2 Tesalonica 3:10-12) Kung may asawa, ang isang lalaki ay nararapat na makapaglaan ng hustong pangangailangan sa kaniyang asawa at mga anak na isisilang, na may kaunting ekstra na maibibigay sa mga nangangailangan at masuportahan ang lokal at pandaigdig na pangangaral.—Efeso 4:28; 1 Timoteo 5:8.
9, 10. (a) Ano ang waring isang kalakaran sa maraming bansa? (b) Ano ang maituturing ng isang ministrong payunir bilang sapat na kita?
9 Gaano bang edukasyon ang kailangan ng isang kabataang Kristiyano upang masunod niya ang mga simulaing ito sa Bibliya at matupad ang kaniyang mga obligasyon bilang Kristiyano? Ito ay nagkakaiba-iba sa bansa at bansa. Gayunman, waring ang pangkalahatang kalakaran sa maraming bansa ay na ang taas ng pinag-aralang kailangan upang magkaroon ng desenteng kita ay mas mataas ngayon kaysa noong mga ilang taóng lumipas. Ang mga ulat na tinanggap buhat sa mga sangay ng Watch Tower Society sa iba’t ibang panig ng daigdig ay nagpapakita na sa maraming lugar ay mahirap na makatagpo ng mga trabahong may desenteng kita pagkatapos na ang makumpleto lamang ay ang pinakamababang pag-aaral na kahilingan ng batas o sa ilang mga bansa kahit na ang isa’y makatapos ng sekundarya o high school.
10 Ano ba ang ibig sabihin ng “desenteng kita”? Ito’y hindi tumutukoy sa mga trabahong malalaki ang bayad. Sang-ayon sa Webster’s Dictionary ang “desente” sa kontekstong ito ay nangangahulugang “sapat, kasiya-siya.” Halimbawa, ano ba ang matatawag na “sapat” para sa mga nagnanais na maging mga ministrong payunir ng mabuting balita? Ang gayong mga tao karaniwan na ay nangangailangan ng trabahong part-time upang huwag maging “pasanin sa gastos” ng kanilang mga kapatid o kanilang pamilya. (1 Tesalonica 2:9) Ang kanilang kita ay matatawag na “sapat,” o “kasiya-siya,” kung sa kanilang kinikita ay nagagawa nilang mamuhay nang desente at mayroon pa silang sapat na panahon at lakas upang magampanan ang kanilang ministeryong Kristiyano.
11. Bakit ang ibang kabataan ay huminto sa pagpapayunir, at anong katanungan ang bumabangon?
11 Ano ang malimit na kalagayan sa ngayon? Napaulat na sa ilang bansa maraming kabataan na mabuti naman ang intensiyon ang huminto sa pag-aaral matapos makumpleto ang pinakamababang kahilingan sa pag-aaral upang sila’y magpayunir. Sila’y walang kuwalipikasyon para sa anumang hanapbuhay o sekular na trabaho. Kung sila’y hindi tutustusan sa pananalapi ng kanilang mga magulang, sila’y kailangang humanap ng trabahong part-time. Ang iba ay kinailangan na magtrabaho nang napakahahabang oras upang kumita nang sapat para mabuhay. Palibhasa’y hapung-hapo ang katawan, sila’y humihinto sa pagpapayunir. Ano ba ang magagawa ng gayong mga tao upang suportahan ang kanilang sarili at makabalik sa pagpapayunir?
Isang Timbang na Pangmalas sa Edukasyon
12. (a) Kung tungkol sa edukasyon, anong dalawang sukdulang pangmalas ang iiwasan ng isang Kristiyano? (b) Para sa nag-alay na mga lingkod ni Jehova at sa kanilang mga anak, ano ang dapat na layunin ng edukasyon?
12 Ang isang timbang na pangmalas sa edukasyon ay makatutulong. Para sa maraming kabataan ng sanlibutan, ang edukasyon ay isang simbolo ng katanyagan, na tutulong sa kanila upang makaakyat sa mataas na antas sa lipunan, ang susi sa isang maunlad, materyalistikong istilo ng pamumuhay. Para sa iba naman, ang pag-aaral ay isang karaniwang gawain na kailangang tapusin nang buong bilis kung maaari. Alinman sa mga pangmalas na ito ay hindi angkop para sa tunay na mga Kristiyano. Kung gayon, ano ang maaaring tawaging “isang timbang na pangmalas”? Dapat ituring ng mga Kristiyano na ang edukasyon ay isang paraan upang makamit ang isang hinahangad na resulta. Sa mga huling araw na ito, ang kanilang layunin ay mabigyan si Jehova ng pinakamalaki at pinakaepektibong paglilingkod hangga’t maaari. Sa bansang kinatitirhan nila, kung ang edukasyong pinakamababa o kahit na high school ay tutulong lamang sa kanila na makakita ng mga trabaho na may kapos na kita upang tumustos sa kanila bilang mga payunir, ang karagdagang edukasyon o pagsasanay ay maaaring pag-isipan. Dapat taglayin nito ang espesipikong tunguhin na buong-panahong paglilingkod.
13. (a) Papaano ang isang sister sa Pilipinas ay nakapagpatuloy sa kaniyang pagpapayunir samantalang nagagampanan ang mga obligasyon niya sa pamilya? (b) Anong babala ang napapanahon?
13 Ang ilan ay kumuha ng kurso sa pagsasanay na nagbukas ng pagkakataon sa trabaho na tumulong sa kanila na pumasok o muling magpatuloy sa buong-panahong paglilingkod. Isang sister sa Pilipinas ang naghahanapbuhay para sa pamilya, ngunit ibig niyang magpayunir. Nag-uulat ang sangay: “Kaniyang nagagawa ito dahilan sa siya’y tumanggap ng karagdagang edukasyon upang maging isang kuwalipikadong certified public accountant.” Ang ulat ding iyan ay nagsasabi: “Marami ritong nag-aaral at kasabay nito ay nakapag-ayos ng kanilang mga iskedyul upang makapagpayunir. Karaniwan nang sila’y lalong mahuhusay na mamamahayag palibhasa sila’y lalong palaaral, maliban na sila’y huwag maging labis na ambisyoso sa makasanlibutang mga tunguhin.” Ang huling pangungusap ay dapat magbigay sa atin ng dahilan na magmuni-muni. Ang layunin ng karagdagang pag-aaral, kung waring kinakailangan ito, ay hindi dapat malimutan o baguhin upang maging isang tunguhing materyalistiko.
14, 15. (a) Bakit hindi dapat gumawa ng istriktong mga alituntunin kung tungkol sa edukasyon?(b) Anong sekular na edukasyon ang natapos ng ilang responsableng mga kapatid, subalit ano ang naging kabayaran nito?
14 Sa ilang mga bansa, ang mga paaralang sekundarya ay nagbibigay ng propesyonal na pagsasanay na makapaghahanda sa isang kabataang Kristiyano para sa isang hanapbuhay o trabaho pagka sumapit na ang panahon ng gradwasyon. Kahit na kung hindi maging gayon, sa ilang mga bansa ang masisipag na kabataan na mayroon lamang saligang pinag-aralan ay nakakakita ng trabahong part-time na tumutulong sa kanila na kumita nang sapat para makapagpayunir. Kaya hindi dapat gumawa ng di-mababagong mga alituntunin bilang pag-ayon o pagkontra sa karagdagang edukasyon.
15 Marami ngayon na naglilingkod sa responsableng mga posisyon bilang naglalakbay na mga tagapangasiwa, sa punong tanggapan ng Samahan, o sa isa sa mga sangay ang may saligang edukasyon lamang. Sila’y tapat na mga payunir, hindi huminto ng pagkatuto, tumanggap ng pagsasanay, at pinagkatiwalaan ng lalong malalaking pananagutan. Hindi nila pinagsisisihan ang kanilang piniling gawin. Sa kabilang banda naman, ang pinili ng ilan sa kanilang mga kapanahon ay mag-aral sa unibersidad at ang nangyari ay napahinto ang kanilang espirituwal na pagsulong, napigil ng mga pilosopya na sumisira ng pananampalataya at ng “karunungan ng sanlibutang ito.”—1 Corinto 1:19-21; 3:19, 20; Colosas 2:8.
Tayahin ang Halaga
16. (a) Sino ang nagpapasiya kung kailangan bang ipagpatuloy pa ang pag-aaral, at ano ang pangunahing dapat pag-isipan? (b) Ano ang dapat isaalang-alang?
16 Sino ang nagpapasiya kung kailangan bang ipagpatuloy pa ang pag-aaral o pagsasanay ng isang kabataang Kristiyano? Ang simulain ng Bibliya na pagkaulo ang pumapasok sa bahaging ito. (1 Corinto 11:3; Efeso 6:1) Salig dito tiyak na nanaisin ng mga magulang na akayin ang kanilang mga anak kung tungkol sa pagpili ng isang hanapbuhay o trabaho at sa gayo’y alamin ang laki ng edukasyon na kailangan. Sa maraming bansa sa panahon ng edukasyong sekundarya kailangan ang maagang pagpili ng pag-aaralan at ng magiging hanapbuhay. Iyan ang panahon na ang mga magulang na Kristiyano at ang mga kabataan ay kailangang humingi ng patnubay kay Jehova sa paggawa ng isang matalinong pagpili, na ang pinakamahalagang sumasaisip ay ang mga kapakanang pang-Kaharian. Ang mga kabataan ay may iba’t ibang katutubong hilig at mga kakayahan. Isasaalang-alang ito ng matalinong mga magulang. Lahat ng trabahong walang halong daya ay marangal, maging iyon man ay pang-obrero o pang-opisina. Samantalang dinadakila ng sanlibutan ang trabahong pang-opisina at minamaliit naman ang trabahong ginagamitan ng mga braso, hindi ganiyan ang pangmalas ng Bibliya. (Gawa 18:3) Kaya pagka ang mga magulang at ang mga kabataang Kristiyano sa ngayon, pagkatapos nang maingat at may lakip na panalanging pagbubulay-bulay sa mga bentaha at mga disbentaha, ay nagpasiya na pabor o laban sa pagpapatuloy ng pag-aaral pagkatapos sa paaralang sekundarya, sila’y hindi dapat pintasan ng iba sa kongregasyon.
17. Ano ang pinipili ng ilang magulang na Saksi para sa kanilang mga anak?
17 Kung ang may pananagutang mga magulang na Kristiyano ay nagpasiyang patuloy na pag-aralin ang kanilang mga anak pagkatapos ng high school, iyan ay karapatan nila. Ang haba ng panahon ng mga pag-aaral na ito ay naaayon sa klase ng trabaho o hanapbuhay na pinili. Sa mga kadahilanang kaugnay ng pananalapi at upang ang kanilang mga anak ay makalahok sa buong panahong paglilingkod sa pinakamadaling panahong posible, maraming mga magulang na Kristiyano ang pumili para sa kanila ng maiikling kurso sa bokasyonal o teknikal na mga paaralan. Sa mga ilang kaso ang mga kabataan ay kinailangang magsilbing aprendis sa kung ano mang hanapbuhay iyon subalit laging ang puspusang paglilingkod kay Jehova ang tunguhin.
18. Kung karagdagang mga kurso ang pinag-aaralan, ano ang dapat isaisip?
18 Kung karagdagang mga kurso ang pinag-aaralan, hindi ang pagpapasikat sa paaralan ang dapat na maging motibo o ang umasenso sa pagkakaroon ng isang kilalang makasanlibutang karera. Ang mga kurso ay dapat piliin nang buong ingat. Idiniin ng magasing ito ang mga panganib ng mataas na pinag-aralan, at may katuwiran naman, sapagkat ang lubhang mataas na pinag-aralan ay sumasalungat sa “magaling na aral” ng Bibliya. (Tito 2:1; 1 Timoteo 6:20, 21) Isa pa, sapol noong dekada ng 1960, maraming paaralan ng mataas na edukasyon ang naging pugad ng katampalasanan at imoralidad. “Ang tapat at maingat na alipin” ay mahigpit na tumututol sa pagpasok sa ganiyang uri ng kapaligiran. (Mateo 24:12, 45) Gayunman, aaminin na sa ngayon ang mga kabataan ay napapaharap sa ganito ring mga panganib sa mga high school at mga kolehiyo ng teknolohiya at maging sa lugar na pinagtatrabahuhan.—1 Juan 5:19.a
19. (a) Anong pag-iingat ang dapat gawin ng mga nagpapasiyang kumuha ng karagdagang mga kurso? (b) Papaano ginamit ng iba ang kanilang edukasyon sa kapaki-pakinabang na paraan?
19 Kung sakaling magpasiya na kumuha ng karagdagang edukasyon, makabubuti para sa kabataang Saksi, kung posible, na kumuha nito samantalang siya’y naninirahan sa kanilang tahanan, sa gayo’y nakapananatili sa normal na Kristiyanong mga kaugalian sa pag-aaral, pagdalo sa mga pulong, at pangangaral. Sa simula pa lamang ay kailangan ang isang tumpak na paninindigan sa mga simulain ng Bibliya. Tandaan na si Daniel at ang kaniyang tatlong mga kasamahang Hebreo ay mga bihag na ipinatapon nang sila’y obligahin na mag-aral na gumawa ng masulong na mga pag-aaral sa Babilonya, subalit sila’y nagpatuloy sa kanilang katapatan. (Daniel, kabanata 1) Samantalang ang espirituwal na kapakanan ang inuuna, ang mga kabataang Saksi sa ilang bansa ay nag-aral ng mga kurso upang sangkapan ang kanilang sarili para sa trabahong part-time bilang mga accountant, mangangalakal, guro, tagapagsalin, interpreter, o iba pang mga hanapbuhay na sapat na nakasuporta sa kanila sa kanilang pangunahing karerang pagpapayunir. (Mateo 6:33) Ang iba sa mga kabataang ito nang malaunan ay naging naglalakbay na mga tagapangasiwa o mga boluntaryo sa Bethel.
Isang Nagkakaisa, Edukadong Bayan
20. Anong makasanlibutang pagtatangi ang walang dako sa gitna ng bayan ni Jehova?
20 Sa gitna ng bayan ni Jehova, ang hanapbuhay man ng isang tao ay sa opisina, isang obrero, magsasaka, o nagseserbisyo, lahat ay kailangang maging mahuhusay na estudyante ng Bibliya at may kakayahang mga guro. Ang mga kasanayang nakamit ng lahat sa pagbabasa, pag-aaral, at pagtuturo ay nag-aalis ng pagtatangi na gaya ng ginagawa ng sanlibutan sa pagitan ng trabahong pang-obrero at mga nasa opisina. Ang resulta nito ay ang pagkakaisa at paggalang sa isa’t isa na halatang-halata lalo na sa gitna ng boluntaryong mga manggagawa sa mga tahanang Bethel at sa mga lugar ng konstruksiyon ng Watch Tower Society, na ang espirituwal na mga katangian ang pinakamahalaga at kahilingan sa lahat. Dito, ang may karanasang mga manggagawang nasa opisina ay gumagawang may kagalakan kasama ng may kasanayang mga obrero, na pawang makikitaan ng may pagpapahalagang pag-ibig sa isa’t isa.—Juan 13:34, 35; Filipos 2:1-4.
21. Ano ang dapat na maging layunin ng mga kabataang Kristiyano?
21 Mga magulang, akayin ang inyong mga anak tungo sa pagiging kapaki-pakinabang na mga miyembro ng pambagong sanlibutang lipunan! Mga kabataang Kristiyano, gamitin ang inyong mga pagkakataon sa edukasyon sa pagsasanay sa inyo upang higit pang magamit ang inyong mga pribilehiyo sa paglilingkod kay Jehova! Bilang mga naturuan, harinawang lahat kayo ay mapatunayang lubusang-nasasangkapang mga miyembro ng lipunang teokratiko ngayon at sa walang-hanggan sa ipinangakong “bagong lupa” ng Diyos.—2 Pedro 3:13; Isaias 50:4; 54:13; 1 Corinto 2:13.
[Talababa]]
a Tingnan din Ang Bantayan ng Marso 1, 1976, pahina 158-9.
Subukin ang Iyong Memorya
◻ Bakit ang tunay na mga Kristiyano ay interesado sa edukasyon?
◻ Anong sukdulang pangmalas sa edukasyon ang iiwasan ng tunay na mga Kristiyano?
◻ Anong mga panganib ng karagdagang edukasyon ang dapat na isaalang-alang, at anong mga pag-iingat ang dapat gawin?
◻ Anong makasanlibutang pagtatangi ang walang lugar sa gitna ng bayan ni Jehova?
[Larawan sa pahina 16]
Sa pamamagitan ng masigasig na pag-aaral, ang mga kabataang Kristiyano ay maaaring maging higit na kapaki-pakinabang na mga miyembro ng pambagong sanlibutang lipunan
[Larawan sa pahina 19]
Ang karagdagang edukasyon, kung ipinasiya, ay dapat na maudyukan ng hangaring maglingkod nang lalong puspusan kay Jehova