Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ang Siyensiya: Napabulaanan ba Nito ang Bibliya?
    Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?
    • Kabanata 8

      Ang Siyensiya: Napabulaanan ba Nito ang Bibliya?

      Noong 1613 inilathala ng Italyanong siyentistang si Galileo ang kaniyang “Letters on Sunspots.” Doon, ay nagharap siya ng ebidensiya ng pag-ikot ng lupa sa palibot ng araw, sa halip na ang araw ang lumilibot sa lupa. Dahil dito, nagsimula ang sunudsunod na pangyayari na sa wakas ay nagdala sa kaniya sa harap ng Romano Katolikong Inkisisyon dahil sa “mahigpit na hinala ng erehiya.” Nang dakong huli, pinilit siya na “bawiin” ang kaniyang pahayag. Bakit itinuring na erehiya ang paniwala na umiikot ang lupa sa palibot ng araw? Sapagka’t inangkin ng mga tagapagsumbong ni Galileo na salungat ito sa sinasabi ng Bibliya.

      1. (Ilakip ang pambungad.) (a) Ano ang nangyari nang ipahayag ni Galileo na ang lupa ay lumilibot sa araw? (b) Bagaman ang Bibliya ay hindi aklat ng siyensiya, ano ang matutuklasan natin kapag inihahambing ito sa makabagong siyensiya?

      TANYAG ngayon ang paniwala na ang Bibliya ay hindi makasiyentipiko, at itinuturo ng iba ang mga karanasan ni Galileo bilang patotoo. Ganoon nga ba? Bilang sagot, dapat tandaan na ang Bibliya ay aklat ng hula, kasaysayan, panalangin, batas, payo, at kaalaman tungkol sa Diyos. Hindi ito nag-aangkin ng pagiging aklat-aralin sa siyensiya. Nguni’t, sakali mang may mabanggit ang Bibliya na makasiyentipiko, talagang wasto ang sinasabi nito.

      Ang Ating Planetang Lupa

      2. Papaano inilalarawan ng Bibliya ang posisyon ng lupa sa kalawakan?

      2 Halimbawa, isaalang-alang ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa ating planeta, ang lupa. Sa aklat ni Job, ay mababasa natin: “Iniuunat [ng Diyos] ang hilagaan sa pagitang walang laman, at ibinibitin ang lupa sa kalawakan.” (Job 26:7) Ihambing ito sa pangungusap ni Isaias, nang sabihin niya: “May Isang naninirahan sa ibabaw ng balantok ng lupa.” (Isaias 40:22) Ang larawan ng isang bilog na lupa na ‘nakabitin sa kalawakan’ sa “pagitang walang laman” ay mariing nagpapaalaala sa mga litratong kuha ng mga astronaut na nagpapakita sa kabilugan ng lupa na lumulutang sa walang lamang kalawakan.

      3, 4. Ano ang siklo ng tubig sa lupa, at ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito?

      3 Isaalang-alang din ang kamanghamanghang siklo ng tubig. Inilalarawan ng Compton’s Encyclopedia ang nangyayari: “Ang tubig . . . ay pumapailanlang sa atmospera bilang singaw mula sa dagat . . . Ang mahalumigmig na hangin ay tinatangay ng mga agos ng hangin sa ibabaw ng lupa. Habang lumalamig, namumuo ang singaw at nagiging maliliit na patak ng tubig. Karaniwang nakikita ito bilang mga ulap. Madalas magsama ang maliliit na patak upang maging ulan. Kung napakalamig ng atmospera, niyebe ang nabubuo sa halip na ulan. Anoman iyon, ang tubig na naglakbay nang daandaan o libulibong milya mula sa dagat ay bumabalik uli sa lupa. Naiipon ito sa mga batis o sinisipsip ng lupa at naglalakbay pabalik sa dagat.”​1

      4 Ang kamanghamanghang paraang ito, na sumusustine sa buhay sa tuyong lupa, ay wastong nailarawan sa Bibliya mga 3,000 taon na ngayon, sa payak, tuwirang pangungusap: “Lahat ng ilog ay umaagos sa dagat, gayunma’y hindi umaapaw ang dagat; sa dakong inaagusan ng mga ilog doon uli nagsisiagos ang mga yaon.”​—Eclesiastes 1:7, The New English Bible.

      5. Papaano lubhang napapanahon ang komento ng mang-aawit hinggil sa kasaysayan ng mga bundok sa lupa?

      5 Marahil higit pang kamanghamangha ang unawa ng Bibliya sa kasaysayan ng mga bundok. Ganito ang paliwanag ng isang aklat sa heolohiya: “Mula sa panahong Pre-Cambrian hanggang sa ngayon, ay patuloy pa ang walang-katapusang pagbuo at pagguho ng mga bundok. . . . Hindi lamang lumitaw ang mga bundok mula sa sahig ng naglahong mga dagat, kundi malimit ang mga ito ay nakalubog bagaman matagal nang nabuo, at saka muling iniaahon.”​2 Ihambing ito sa matulaing pananalita ng mang-aawit: “[Ang lupa] ay tinakpan mo ng malalim na tubig na wari’y bihisan. Ang tubig ay umapaw sa kabundukan. Ang mga bundok ay umahon, ang mga libis ay lumusong​—sa dakong kanilang pinagtatagan.”​—Awit 104:6, 8.

      “Nang Pasimula”

      6. Anong pangungusap sa Bibliya ang kasuwato ng kasalukuyang makasiyentipikong mga teoriya hinggil sa simula ng sansinukob?

      6 Sinasabi ng kaunaunahang talata ng Bibliya: “Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang mga langit at ang lupa.” (Genesis 1:1) Ang mga obserbasyon ay umakay sa mga siyentipiko na manghinuha na tunay ngang may simula ang materyal na sansinukob. Hindi ito laging umiiral. Sumulat ang astronomong si Robert Jastrow, isang agnostiko sa relihiyon: “Nagkakaiba ang mga detalye, nguni’t magkahawig ang mahahalagang elemento ng astronomikal at maka-biblikong ulat ng Genesis: Ang kawingkawing na pangyayari na humantong sa tao ay bigla at tiyak na nagsimula sa takdang yugto ng panahon, sa isang bugso ng liwanag at enerhiya.”​3

      7, 8. Bagaman ayaw aminin ang papel na ginagampanan ng Diyos, ano ang napipiliting aminin ng maraming siyentista hinggil sa pasimula ng sansinukob?

      7 Totoo, bagaman naniniwalang ang sansinukob ay may pasimula, maraming siyentipiko ang ayaw tumanggap sa pariralang “nilikha ng Diyos.” Gayunman, may mga umaamin ngayon na mahirap tanggihan ang ebidensiya ng talinong nasa likuran ng lahat ng bagay. Nagkomento ang propesor ng pisika na si Freeman Dyson: “Mentras sinusuri ko ang sansinukob at pinag-aaralan ang detalye ng kayarian nito, nakakatuklas ako ng lumalagong ebidensiya na waring matagal nang alam ng sansinukob na tayo’y darating.”

      8 Patuloy pang inamin ni Dyson: “Bilang siyentista, sinanay sa kaisipan at lenguahe ng ikadalawampung siglo at hindi ng ikalabing-walo, hindi ko sinasabi na ang kayarian ng sansinukob ay nagpapatotoo sa pag-iral ng Diyos. Sinasabi ko lamang na ang kayarian ng sansinukob ay kasuwato ng teoriya na ang isip ay may mahalagang papel sa pagkilos nito.”​4 Ang komento niya ay tiyak na patotoo ng mapag-alinlangang saloobin ngayon. Kung itatabi natin ang pagdududang ito, mapapansin ang kamanghamanghang pagkakatugma ng makabagong siyensiya at ng pangungusap sa Bibliya na “nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang mga langit at ang lupa.”​—Genesis 1:1.

      Kalusugan at Kalinisan

      9. Papaano nagpapaaninaw ng praktikal na karunungan ang batas ng Diyos sa mga nakakahawang sakit sa balat? (Job 12:9, 16a)

      9 Isaalang-alang ang pagsaklaw ng Bibliya sa isa pang larangan ng siyensiya: kalusugan at kalinisan. Kung ang batik sa balat ng isang Israelita ay pinaghihinalaang ketong, siya’y ihihiwalay. “Siya’y magiging marumi sa buong panahon na ang salot ay nasa kaniya. Siya ay karumaldumal. Siya ay tatahan nang bukod. Sa labas ng kampamento malalagay ang kaniyang tahanan.” (Levitico 13:46) Sinusunog maging ang nadumhang kasuotan. (Levitico 13:52) Nang panahong yaon ito ay mabisang hadlang sa pagkakahawa.

      10. Papaano makikinabang ang maraming tao sa ibang lupain kung susundin nila ang payo ng Diyos sa kalinisan?

      10 Ang isa pang mahalagang batas ay may kinalaman sa pagtatapon ng dumi ng tao, na dapat ibaon sa labas ng kampamento. (Deuteronomio 23:12, 13) Tiyak na ang Israel ay nailigtas ng batas na ito sa maraming karamdaman. Kahit ngayon, may malulubhang problema sa kalusugan sa maraming lupain dahil sa maling pagtatapon ng dumi ng tao. Mas lulusog sana ang mga taong ito kung susundin lamang nila ang batas na libulibong taon nang nakasulat sa Bibliya.

      11. Papaano natuklasang praktikal ang payo ng Bibliya sa kalusugan ng isip?

      11 Ang kalusugan ng isip ay nasasangkot din sa mataas na pamantayan ng Bibliya sa kalinisan. Sinasabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Ang tiwasay na puso ay buhay ng katawan, nguni’t ang kapanaghilian ay kabulukan ng mga buto.” (Kawikaan 14:30) Sa nakaraang mga taon, ipinakita ng pagsasaliksik sa medisina na ang pisikal na kalusugan ay naaapektuhan talaga ng hilig ng ating isipan. Halimbawa, libulibong gradweyt ang sinuri ni Doktor C. B. Thomas ng Johns Hopkins University sa loob ng 16 na taon, at inihambing ang kanilang sikolohikal na ugali at ang pagkakasakit nila. Napansin niya: Ang mga gradweyt na mas madaling magkasakit ay yaong mas magagalitin at mas balisa sa ilalim ng kaigtingan.​5

      Ano ang Sinasabi ng Bibliya?

      12. Bakit ipinaggiitan ng Simbahang Katoliko na ang teoriya ni Galileo hinggil sa lupa ay isang erehiya?

      12 Kung ganoon kawasto ang Bibliya sa larangan ng siyensiya, bakit sinabi ng Iglesiya Katolika na hindi makakasulatan ang turo ni Galileo na ang lupa ang umiikot sa palibot ng araw? Dahil sa pagpapakahulugan nila sa ilang talata sa Bibliya.​6 Tama ba sila? Basahin natin at suriin ang dalawang talatang sinisipi nila.

      13, 14. Anong mga talata sa Bibliya ang maling ikinapit ng Simbahang Katoliko? Ipaliwanag.

      13 Sabi ng isang talata: “Ang araw ay sumisikat, ang araw ay lumulubog; at nagmamadali sa dakong sinisikatan.” (Eclesiastes 1:5, The Jerusalem Bible) Ayon sa katuwiran ng Simbahan, ang mga salitang “ang araw ay sumisikat” at “ang araw ay lumulubog” ay nangangahulugan na ang araw, hindi ang lupa, ang siyang gumagalaw. Kahit ngayon sinasabi pa rin nating sumisikat at lumulubog ang araw, pero alam ng karamihan na lupa ang gumagalaw, hindi ang araw. Kapag ginagamit ang mga pananalitang ito, inilalarawan lamang natin ang nakikitang pagkilos ng araw ayon sa paningin ng nagmamasid. Ganoon mismo ang ginawa ng manunulat ng Bibliya.

      14 Ang isa pang talata ay nagsasabi: “Itinatag mo ang lupa sa kaniyang patibayan, di-matitinag magpakailan kailan man.” (Awit 104:5, The Jerusalem Bible) Ipinangahulugan nila na matapos likhain ay hindi na kailanman makikilos ang lupa. Sa totoo, ang idinidiin ng talata ay ang pagkapalagian ng lupa, hindi ang kawalang-kilos nito. Ang lupa’y hindi kailanman mawawasak, o ‘matitinag’ upang maglaho, gaya ng pinatutunayan ng iba pang talata sa Bibliya. (Awit 37:29; Eclesiastes 1:4) Wala ring kinalaman ang talatang ito sa magkaugnay na kilos ng lupa at ng araw. Noong panahon ni Galileo ang Simbahan, hindi ang Bibliya, ang humadlang sa malayang pag-uusap sa siyensiya.

      Ebolusyon at Paglalang

      15. Ano ang teoriya ng ebolusyon, at papaano ito sumasalungat sa Bibliya?

      15 Gayumpaman, may isang larangan na kung saan sinasabi ng marami na magkasalungat-na-magkasalungat talaga ang makabagong siyensiya at ang Bibliya. Karamihan ng siyentipiko ay naniniwala sa teoriya ng ebolusyon, na nagtuturong lahat ng buhay na bagay ay nagmula sa isang payak na anyo ng buhay na unang lumitaw milyunmilyong taon na ngayon. Sa kabilang dako, itinuturo ng Bibliya na bawa’t pangunahing grupo ng nabubuhay na bagay ay nilikha na pantangi at nagsusupling lamang “ayon sa kanikaniyang uri.” (Genesis 1:21; 2:7) Ito ba’y isang kapunapunang pagkakamali ng Bibliya sa siyensiya? Bago magpasiya, suriin munang mabuti kung ano ang alam ng siyensiya, kabaligtaran ng pala-palagay nito.

      16-18. (a) Ano ang isang obserbasyon na umakay kay Charles Darwin upang maniwala sa ebolusyon? (b) Papaano tayo mangangatuwiran na ang naobserbahan ni Darwin sa Kapuluan ng Galápagos ay hindi salungat sa sinasabi ng Bibliya?

      16 Ang teoriya ng ebolusyon ay pinaging-tanyag ni Charles Darwin noong nakaraang siglo. Nang nasa Kapuluan ng Galápagos sa Pasipiko, lubhang naakit si Darwin sa sarisaring uri ng mga finch (ibon) sa iba’t-ibang pulo na, sa hinuha niya, ay malamang na nagmulang lahat sa iisang uri ng ninuno. Isang dahilan ito ng kaniyang pagtataguyod sa teoriya na lahat ng nabubuhay na bagay ay galing sa iisang orihinal, payak na anyo. Ang nagtutulak na puwersa sa ebolusyon ng matataas na uri ng nilikha mula sa mababa, aniya, ay ang likas na pagpili (natural selection), o matira-ang-matibay (survival of the fittest). Inangkin niya na dahil sa ebolusyon ang ahas ay naging ibon, ang isda ay naging hayop, at patuloy pa.

      17 Sa katunayan, ang naobserbahan ni Darwin sa kapuluan ay hindi talaga salungat sa Bibliya, na nagpapahintulot sa pagkasarisari sa isang pangunahing nabubuhay na uri. Lahat ng lahi ng tao, halimbawa, ay mula sa iisang orihinal na pares ng tao. (Genesis 2:7, 22-24) Kaya hindi katakataka na ang sarisaring uri ng finch ay manggaling sa iisang karaniwang ninuno. Nguni’t ang mga ito’y nanatiling mga finch. Hindi ito naging lawin o agila.

      18 Ang sarisaring finch o ang alinman sa nakita ni Darwin ay hindi nagpatunay na lahat ng nabubuhay na bagay ay iisa ang ninuno, yaon ma’y pating o langaylangayan, elepante o bulate. Gayumpaman, iginigiit ng maraming siyentipiko na ang ebolusyon ay hindi lamang basta teoriya kundi isa nang katotohanan. Ang iba ay naniniwala pa rin kahit nakikita nila ang mga problema ng teoriya. Ito kasi ang popular. Sabihin pa, tayo ay dapat makatiyak kung talagang ang ebolusyon ay napatunayan na anupa’t mali nga pala ang Bibliya.

      Napatunayan Ba Ito?

      19. Ang ulat ba ng mga fossil ay sumusuhay sa ebolusyon o sa paglalang?

      19 Papaano patutunayan ang teoriya ng ebolusyon? Ang pinakamaliwanag ay suriin ang ulat ng mga fossil upang matiyak kung nagkaroon nga ng unti-unting pagbabago mula sa isang uri tungo sa iba. Nangyari ba ito? Hindi, gaya ng tapatang inaamin ng maraming siyentista. Ang isa, si Francis Hitching, ay sumulat: “Kung hahanap ka ng kawing sa pagitan ng pangunahing mga grupo ng hayop, wala ka talagang makikita.”​7 Hayag-na-hayag ang kakulangan ng ebidensiya sa ulat ng fossil anupa’t naghaharap ang mga siyentista ng panghalili sa teoriya ni Darwin hinggil sa unti-unting pagbabago. Totoo, ang biglang paglitaw ng sarisaring uri ng hayop sa ulat ng mga fossil ay higit pang sumusuhay sa pantanging paglalang kaysa sa ebolusyon.

      20. Bakit ang paraan ng mga buhay na selula sa pagpaparami ay hindi nagpapahintulot na maganap ang ebolusyon?

      20 Karagdagan pa, ipinakikita ni Hitching na ang mga nabubuhay na nilikha ay sadyang nilalang upang magsupling ng kawangis nila at hindi ng naiiba. Sinabi niya: “Ang buháy na mga selula ay kumokopya sa sarili nang halos siyento-porsiyento. Napakaliit ang antas ng pagkakamali anupa’t hindi ito masukat ng alinmang gawang-taong aparato. Nariyan din ang likas na mga hadlang. Ang mga halaman ay ayaw nang lumaki pagsapit sa hustong sukat. Ang mga langaw ng prutas ay hindi mabago anomang kalagayan ang pairalin ng tao.”​8 Ang mga mutation na likha ng mga siyentista sa mga langaw ng prutas sa loob ng maraming dekada ay hindi sapilitang nagpabago sa mga ito.

      Ang Pinagmulan ng Buhay

      21. Anong konklusyon na pinatunayan ni Louis Pasteur ang naghaharap ng malubhang suliranin para sa mga ebolusyonista?

      21 Isa pang masalimuot na tanong na hindi masagot ng mga ebolusyonista ay: Saan nagmula ang buhay? Papaano lumitaw ang kaunaunahang payak na anyo ng buhay​—na di-umano’y pinagmulan nating lahat? Sa nakaraang mga dantaon, hindi ito gaanong naging problema. Karamihan ay naniwala na ang mga langaw ay maaaring manggaling sa nabubulok na karne at ang mga daga ay kusang lumilitaw sa isang bunton ng lumang basahan. Nguni’t, mahigit nang isandaang taon ngayon, maliwanag na ipinakita ng kimikong Pranses na si Louis Pasteur na ang buhay ay makapanggagaling lamang sa dati nang umiiral na buhay.

      22, 23. Ayon sa mga ebolusyonista, papaano nagsimula ang buhay, subali’t ano ang ipinakikita ng katotohanan?

      22 Kaya ano ang paliwanag ng mga ebolusyonista sa pinagmulan ng buhay? Ayon sa pinakatanyag na teoriya, isang di-sinasadyang kombinasyon ng mga kemikal at enerhiya ay sumiklab at kusang lumikha ng buhay milyunmilyong taon na ngayon. Kumusta ang prinsipyo na pinatunayan ni Pasteur? Nagpaliwanag ang The World Book Encyclopedia: “Ipinakita ni Pasteur na ang buhay ay hindi kusang lumilitaw sa ilalim ng mga kemikal at pisikal na kondisyong umiiral sa lupa ngayon. Gayumpaman, ibang-iba ang kemikal at pisikal na kondisyon ng lupa noong nakaraang bilyunbilyong taon”!​9

      23 Sa kabila nito, maging sa ilalim ng lubhang naiibang mga kalagayan, malaki pa rin ang agwat sa pagitan ng walang-buhay na materya at ng pinakapayak na buhay na nilikha. Sinasabi ni Michael Denton, sa kaniyang aklat na Evolution: A Theory in Crisis: “Isang bangin na kasinlawak at kasintiyak ng anomang maaaring maguniguni ang namamagitan sa isang nabubuhay na selula at ng pinakamasalimuot na walang-buhay na bagay, gaya ng kristal o patak ng niyebe.”​10 Napakalayong mangyari at talagang imposible na ang walang-buhay na materya ay magkakabuhay dahil lamang sa sakuna. Kapanipaniwala ang pagkakasuwato ng mga katotohanan at ng paliwanag ng Bibliya na ‘ang buhay ay galing sa buhay’ sapagka’t ito ay nilikha ng Diyos.

      Kung Bakit Hindi Paglalang

      24. Sa kabila ng mga problema nito, bakit nangungunyapit pa rin ang karamihan ng siyentista sa teoriya ng ebolusyon?

      24 Sa kabila ng mga problema na likas sa teoriya ng ebolusyon, ang paniwala sa paglalang ay itinuturing pa rin ngayon na di makasiyentipiko, oo, kakatwa. Bakit ganito? Bakit ang isang autoridad na gaya ni Francis Hitching, na tapatang umaamin sa mga pagkukulang ng ebolusyon, ay tumatanggi sa ideya ng paglalang?​11 Ipinaliliwanag ni Michael Denton na sa kabila ng mga pagkukulang nito, ang ebolusyon ay patuloy pa ring ituturo sapagka’t ang mga teoriya na nauugnay sa paglalang ay “prangkahang naghahanap ng mga sanhing higit-sa-karaniwan.”​12 Sa ibang salita, hindi matatanggap ito sapagka’t ang paglalang ay nagsasangkot ng isang Maylikha. Oo, gaya ito ng paikut-ikot na pangangatuwiran na narinig na natin tungkol sa mga himala: Imposible ang mga himala sapagka’t ang mga ito ay makahimala!

      25. Anong kahinaan ng ebolusyon, sa makasiyentipikong pananalita, ang nagpapakita na hindi ito mabisang kahalili ng paglalang sa pagpapaliwanag hinggil sa pinagmulan ng buhay?

      25 Isa pa, may malubhang alinlangan sa mismong teoriya ng ebolusyon mula sa siyentipikong pangmalas. Patuloy pa ni Michael Denton: “Bilang saligang teoriya ng pagbuong-muli sa kasaysayan, [ang teoriya ni Darwin sa ebolusyon] ay imposibleng patunayan ng pag-eeksperimento o tuwirang pagmamasid na karaniwan sa siyensiya. . . . Bukod dito, ang teoriya ng ebolusyon ay tumatalakay sa isang serye ng pantanging mga pangyayari, ang pasimula ng buhay, ang pasimula ng katalinuhan at iba pa. Ang pantanging mga pangyayari ay hindi nauulit at hindi mapaiilalim sa anomang uri ng eksperimental na pagsisiyasat.”​13 Ang totoo, sa kabila ng katanyagan nito, ang teoriya ng ebolusyon ay napakaraming puwang at suliranin. Hindi ito nagbibigay ng sapat na dahilan para tanggihan ang ulat ng Bibliya hinggil sa pinagmulan ng buhay. Ang unang kabanata ng Genesis ay naglalaan ng isang lubos na makatuwirang ulat kung papaano naganap ang “hindi nauulit” at “pantanging mga pangyayari” noong mga ‘araw’ ng paglalang na sumaklaw ng libulibong taon.a

      Kumusta Naman ang Baha?

      26, 27. (a) Ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa Baha? (b) Sa isang bahagi, saan nagmula ang mga tubig ng baha?

      26 Marami ang tumutukoy sa isa pang di-umano’y salungatan sa pagitan ng Bibliya at ng makabagong siyensiya. Mababasa sa aklat ng Genesis na libulibong taon na ngayon ay naging ubod-sama ang mga tao kaya ipinasiya ng Diyos na sila ay lipulin. Nguni’t inutusan niya ang matuwid na taong si Noe na gumawa ng malaking sasakyang kahoy, isang arka. Pagkatapos, ay pinasapit ng Diyos ang baha sa lupa. Si Noe lamang at ang pamilya niya ang nakaligtas, pati na ang mga kinatawan ng lahat ng uri ng hayop. Napakalaki ng Baha anupa’t “inapawan ang lahat ng matataas na bundok na nasa silong ng langit.”​—Genesis 7:19.

      27 Saan galing ang lahat ng tubig na umapaw sa buong lupa? Sumasagot mismo ang Bibliya. Maaga sa panahon ng paglalang, nang nabubuo pa lamang ang kalawakan ng atmospera, ay nagkaroon ng “mga tubig . . . sa ilalim ng kalawakan” at “tubig . . . sa ibabaw ng kalawakan.” (Genesis 1:7; 2 Pedro 3:5) Nang dumating ang Baha, sinasabi ng Bibliya: “Ang mga durungawan ng langit ay nabuksan.” (Genesis 7:11) Malamang, ang “tubig . . . sa ibabaw ng kalawakan” ay bumuhos at dito nagmula ang kalakhan ng tubig ng baha.

      28. Papaano minalas ang Baha ng sinaunang mga lingkod ng Diyos, pati na si Jesus?

      28 Ang pandaigdig na baha ay hindi karaniwang binabanggit sa makabagong mga aklat-aralin. Kaya dapat itanong: Ang Baha ay isa lamang bang alamat, o talagang nangyari ito? Bago sumagot, dapat tandaan na ang mga mananamba ni Jehova nang dakong huli ay naniwala sa pagiging makasaysayan ng Baha; hindi nila ito itinuring na alamat. Sina Isaias, Jesus, Pablo, at Pedro ay ilan sa mga nagsabi na ito’y tunay na nangyari. (Isaias 54:9; Mateo 24:37-39; Hebreo 11:7; 1 Pedro 3:20, 21; 2 Pedro 2:5; 3:5-7) Subali’t may mga tanong na dapat sagutin tungkol sa pansansinukob na Bahang ito.

      Mga Tubig ng Baha

      29, 30. Anong katotohanan hinggil sa dami ng tubig sa lupa ang nagpapatotoo sa posibilidad ng Baha?

      29 Una, hindi ba imposibleng apawan ng tubig ang buong lupa? Hindi naman. Ang totoo’y binabaha pa rin ang lupa hanggang ngayon. Setenta porsiyento ay natatakpan ng tubig at 30 porsiyento lamang ang tuyong lupa. Isa pa, 75 porsiyento ng sariwang tubig sa lupa ay nasa mga glacier at masa ng yelo sa mga polo ng lupa. Kung lahat ng yelong ito ay matutunaw, lalo pang tataas ang tubig sa dagat. Maglalaho ang mga lunsod na gaya ng Nueba York at Tokyo.

      30 Bukod dito, sinasabi ng The Encyclopædia Britannica: “Ang katamtamang lalim ng lahat ng dagat ay tinatayang 3,790 metro (12,430 talampakan), isang bilang na mas malaki sa karaniwang taas ng lupa sa pantay-dagat, na 840 metro (2,760 talampakan). Kung ang katamtamang lalim ay pararamihin sa bilang ng lawak nito, ang laman ng Pandaigdig na Karagatan ay 11 ulit ang magiging kahigitan sa lupang nakalitaw sa ibabaw ng dagat.”​14 Kaya, kung ang lahat ay papantayin​—kung papatagin ang mga bundok at ang malalalim na lunas ng dagat ay pupunuin​—ang buong lupa ay matatakpan ng tubig sa lalim ng libulibong metro.

      31. (a) Upang maganap ang Baha, ano ang dapat na maging sitwasyon ng lupa bago ang Baha? (b) Ano ang patotoo na bago ang Baha, posibleng mas mababa ang mga bundok at mas mababaw ang mga lunas ng dagat?

      31 Upang magkaroon ng Baha, dapat na mas mababaw ang mga lunas ng dagat bago magbaha, at ang mga bundok ay hindi kasintaas ng sa ngayon. Posible ba ito? Sinasabi ng isang aklat-aralin: “Noong nakalipas na milyunmilyong taon ang mga bundok na nakalulula sa taas ngayon ay pawang karagatan at kapatagan na pantay-na-pantay. . . . Ang pagkilos ng mga plantsa ng kontinente ay nagtulak sa lupa nang pagkataastaas anupa’t iilang hayop at halaman lamang ang nabubuhay sa taluktok nito, at sa kabilang dako nama’y naglubog sa lupa upang ang lihim na kagandahan nito ay manatiling nakatago sa ilalim ng dagat.”​15 Yamang tumataas at bumababa ang mga bundok at lunas ng dagat, maliwanag na noong una ang mga bundok ay hindi kasingtaas at ang malalaking lunas sa dagat ay hindi kasinglalim ng sa ngayon.

      32. Ano ang nangyari sa mga tubig ng Baha? Ipaliwanag.

      32 Ano ang nangyari sa tubig pagkaraan ng Baha? Malamang na ito ay umagos sa mga lunas ng dagat. Papaano? Naniniwala ang mga siyentista na ang mga kontinente ay nakapatong sa malalaking plantsa. Ang kilos ng mga plantsang ito ay bumago sa balat ng lupa. Sa maraming dako ngayon, may napakalalalim na bangin sa dagat na mahigit na 10 kilometro ang lalim sa gilid ng mga plantsang ito. Dahil na rin siguro sa Baha malamang na umusad ang mga plantsa, lumubog ang ilalim ng dagat, at bumuka ang malalaking kanal, kung kaya ang lupa ay natuyo.b

      Mga Bakas ng Baha?

      33, 34. (a) Anong ebidensiya ang taglay na ng mga siyentista na maaaring ebidensiya nga ng Baha? (b) Makatuwiran bang sabihin na mali ang pagpapakahulugan ng mga siyentista sa ebidensiya?

      33 Kung tanggapin natin na posible ngang nagkaroon ng malaking baha, bakit walang makitang bakas ang mga siyentipiko? Marahil mayroon, pero iba ang pagpapakahulugan nila sa ebidensiya. Halimbawa, itinuturo ng ortodoksong siyensiya na sa sunudsunod na panahon ng pagyeyelo malalaking bahagi ng balat ng lupa ang hinubog ng dambuhalang mga glacier. Subali’t ang nakikitang ebidensiya ng pagkilos ng mga glacier ay kadalasang resulta ng pagkilos ng tubig. Malamang, ang ilang ebidensiya ng Baha ay napagkakamalan na ebidensiya ng panahon ng pagyeyelo.

      34 May iba pang katulad na pagkakamali. Mababasa natin kung papano binuo ng mga siyentista ang kanilang teoriya hinggil sa panahon ng pagyeyelo: “Nakatuklas sila ng mga panahon ng pagyeyelo sa bawa’t yugto ng kasaysayan ng heolohiya, bilang pagsunod sa pilosopiya ng pagkakapare-pareho. Gayumpaman, marami sa mga panahon ng pagyeyelong ito ang napawalang-saysay ng muling pagsusuri sa ebidensiya nitong nakaraang mga taon; ang mga lupa at bato na inakalang naipon ng mga glacier ay ipinalalagay ngayon bilang mga sapin na inilatag ng mga agos ng putik, pagguho ng lupa sa ilalim ng dagat at mapuputik na agos: mga daluyong ng maputik na tubig na may dalang latak, buhangin at graba sa sahig ng dagat.”​18

      35, 36. Anong ebidensiya sa ulat ng mga fossil at sa heolohiya ang maaaring kaugnay ng Baha? Ipaliwanag.

      35 Ang isa pang ebidensiya ng Baha ay waring umiiral sa ulat ng mga fossil. Noong una, ayon sa ulat na ito, ang dambuhalang mga tigre na may malalaking pangil ay naglipana sa Europa, ang mga kabayong mas malalaki kaysa sa ngayon ay gumalagala sa Hilagang Amerika, at ang mga elepante ay nanginain sa Siberya. Pagkatapos ay naglaho ang maraming uri ng hayop sa buong daigdig. Kasabay nito, biglang nagbago ang klima. Libulibong elepante ang namatay at biglang naging ilado sa Siberya.c Ipinalagay ni Alfred Wallace, tanyag na kontemporaryo ni Charles Darwin, na ang ganito kalaganap na kapahamakan ay tiyak na bunga ng isang pambihirang pandaigdig na pangyayari.​19 Marami ang nangatuwiran na ito na nga ang Baha.

      36 Sinabi ng isang editoryal sa magasing Biblical Archaeologist: “Mahalagang tandaan na ang kuwento tungkol sa malaking baha ay isa sa pinakamalaganap na tradisyon sa kultura ng tao . . . Gayumpaman sa likod ng pinakamatatandang tradisyon ng Malapit na Silangan, nagkaroon nga marahil ng isang aktuwal na pagkalawaklawak na baha noong mga panahong pluvial . . . libulibong taon na ngayon.”​20 Ang mga panahong pluvial ay noong ang balat ng lupa ay mas matubig kaysa sa ngayon. Mas malalawak noon ang mga lawa ng sariwang tubig. Ipinalalagay na ang tubig ay dulot ng malalakas na ulan na bumuhos sa pagtatapos ng mga panahon ng pagyeyelo. Subali’t ipinalalagay ng iba na sa isa sa mga okasyong ito ang pagiging matubig ng balat ng lupa ay sanhi ng Baha.

      Hindi Nakalimot ang Tao

      37, 38. Papaano ipinakikita ng isang siyentista na, ayon sa ebidensiya, ang Baha ay maaari ngang nangyari, at papaano natin nalaman na ganito nga?

      37 Minsa’y sumulat si John McCampbell, propesor ng heolohiya: “Ang saligang pagkakaiba ng maka-Biblikong kasakunaan [ang Baha] at ng ebolusyonaryong pagkakapare-pareho ay wala sa wastong impormasyon ng heolohiya kundi sa interpretasyon nito. Ang interpretasyong pinapaboran ay may malaking kinalaman sa kapaligiran at dating palapalagay ng indibiduwal na estudyante.”​21

      38 Na nangyari nga ang Baha ay makikita sa bagay na hindi ito kailanman nalimutan ng tao. Sa buong daigdig, sa mga dakong kasinglayo ng Alaska at mga Pulo ng Dagat Katimugan, ay may matatandang kuwento tungkol dito. Sa mga kabihasnan ng Amerika bago pa kay Columbus, at maging sa mga Aborigine ng Australya, ay pawang may mga kuwento hinggil sa Baha. Bagaman ang mga kuwento ay may iba’t-ibang detalye, sa halos lahat ng bersiyon ay lumilitaw ang saligang katotohanan na ang lupa ay binaha at iilan lamang ang nakaligtas sa isang gawang taong sasakyan. Ang tanging paliwanag sa ganitong napakapalasak na paniwala ay na ang Baha ay tunay na makasaysayan.d

      39. Anong karagdagang patotoo ang nakita natin hinggil sa katotohanan na ang Bibliya ay salita ng Diyos, hindi ng tao?

      39 Kaya, sa mga saligang bahagi ang Bibliya ay kasuwato ng makabagong siyensiya. Kapag may salungatan, ang ebidensiya ng mga siyentista ay nakapag-aalinlangan. Kapag nagkakaayon, madalas na ang Bibliya ay wastong-wasto anupa’t maniniwala tayo na galing ang impormasyon sa isang talino na nakahihigit-sa-tao. Oo, ang pagkakatugma ng Bibliya at ng tunay na siyensiya ay karagdagang ebidensiya na ito’y salita ng Diyos, hindi ng tao.

  • Mga Hula na Nagkatotoo
    Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?
    • Kabanata 9

      Mga Hula na Nagkatotoo

      Ang tao ay hindi makahuhula nang may katiyakan sa hinaharap. Ang paulit-ulit niyang pagsisikap na humula ay laging nauuwi sa kabiguan. Kaya dapat makatawag-pansin ang isang aklat ng mga hula na nagkatotoo. Ang aklat na ito ay ang Bibliya.

      1. (Ilakip ang pambungad.) Ano ang pinatutunayan ng bagay na ang Bibliya ay nag-uulat ng mga hula na nagkatotoo?

      MARAMING hula sa Bibliya ang detalyadong natupad anupa’t inisip ng mga kritiko na ito’y nasulat pagkatapos mangyari. Hindi totoo ang mga pag-aangking ito. Palibhasa’y makapangyarihan-sa-lahat, ang Diyos ay may lubos na kakayahang humula. (Isaias 41:21-26; 42:8, 9; 46:8-10) Ang mga natupad na hula ng Bibliya ay katibayan ng banal na pagkasi, hindi ng atrasadong pagkaakda. Atin ngayong susuriin ang ilang namumukod-tanging hula na nagkatotoo​—bilang dagdag pang patotoo na ang Bibliya’y Salita ng Diyos, hindi ng tao.

      Ang Pagkabihag sa Babilonya

      2, 3. Ano ang umakay kay Haring Hezekias upang ipagparangalan sa mga sugo ng Babilonya ang lahat ng kayamanan ng kaniyang sambahayan at kaharian?

      2 Si Hezekias ay hari sa Jerusalem sa loob ng 30 taon. Noong 740 B.C.E., nasaksihan niya ang pagkawasak ng kahangga niya sa hilaga, ang Israel, sa kamay ng Asirya. Noong 732 B.C.E., naranasan niya ang pagliligtas ng Diyos, nang mabigo ang pagsisikap ng Asirya na lupigin ang Jerusalem, sa kapahamakan ng mga manlulupig na ito.​—Isaias 37:33-38.

      3 Ngayon, tumanggap si Hezekias ng mga sugo mula sa hari ng Babilonya, si Merodach-baladan. Pabalat-bunga nilang binati si Hezekias sa paggaling niya mula sa malubhang karamdaman. Malamang na itinuring ni Merodach-baladan si Hezekias na posibleng alyado laban sa pandaigdig na kapangyarihan ng Asirya. Ang palagay na ito ay lalong pinatibay ni Hezekias nang ipakita niya sa mga taga-Babilonya ang buong kayamanan ng kaniyang sambahayan at kaharian. Kailangan din niya siguro ng alyado laban sa posibleng pagbabalik ng mga Asiryano.​—Isaias 39:1, 2.

      4. Anong masaklap na bunga ng pagkakamali ni Hezekias ang inihula ni Isaias?

      4 Si Isaias ang pangunahing propeta noon, at nahalata niya agad ang kawalang-ingat ni Hezekias. Alam niya na si Jehova ang tanging sanggalang ni Hezekias, hindi ang Babilonya, at sinabi niya rito na ang pagpaparangalan ng kayamanan sa mga taga-Babilonya ay aakay sa kapahamakan. “Darating ang araw,” sabi ni Isaias, “na ang lahat ng nasa iyong bahay at naimbak ng iyong mga ninuno hanggang sa mga araw na ito ay dadalhin sa Babilonya.” Ipinasiya ni Jehova: “Walang matitira.”​—Isaias 39:5, 6.

      5, 6. (a) Ano ang sinabi ni Jeremias bilang pagtiyak sa hula ni Isaias? (b) Papaano natupad ang ilan sa mga hula nina Isaias at Jeremias?

      5 Noong ikawalong siglo B.C.E., tila malabong matupad ang hulang ito. Subali’t makaraan ang isandaang taon, nagbago ang sitwasyon. Hinalinhan ng Babilonya ang Asirya bilang pandaigdig na kapangyarihan, samantalang nagpakasamâ naman ang Juda, sa diwang relihiyoso, kung kaya’t iniurong ni Jehova ang kaniyang pagpapala. Ngayon, isa pang propeta, si Jeremias, ay kinasihan upang ulitin ang babala ni Isaias. Inihayag ni Jeremias: “Aking dadalhin [ang mga taga-Babilonya] laban sa lupaing ito at laban sa lahat ng mga nananahan dito . . . At ang buong lupaing ito ay magiging wasak, isang sanhi ng pagtataka, at ang mga bansang ito ay maglilingkod sa hari ng Babilonya nang pitumpung taon.”​—Jeremias 25:9, 11.

      6 Mga apat na taon matapos bigkasin ni Jeremias ang hulang ito, ang Juda ay idinagdag ng mga taga-Babilonya sa kanilang imperyo. Tatlong taon pagkaraan nito, dinala nilang bihag sa Babilonya ang ilang Judio, at bahagi ng kayamanan ng templo sa Jerusalem. Pagkalipas pa ng walong taon, nag-aklas ang Juda at ito ay muling sinalakay ni Nabukodonosor, hari ng Babilonya. Ngayon, ang lunsod at ang templo nito ay winasak. Lahat ng kayamanan, at pati na ang mga Judio, ay dinalang bihag sa malayong Babilonya, gaya ng inihula nina Isaias at Jeremias.​—2 Cronica 36:6, 7, 12, 13, 17-21.

      7. Papaano nagpapatotoo ang arkeolohiya sa katuparan ng mga hula nina Isaias at Jeremias hinggil sa Jerusalem?

      7 Sinasabi ng The Archaeological Encyclopedia of the Holy Land na pagkatapos ng mabangis na pagsalakay, “lubuslubusan ang naging pagkawasak ng lunsod [ng Jerusalem].”​1 Sinabi ng arkeologong si W. F. Albright: “Pinatunayan ng pagdudukal at ng panggagalugad sa Juda na ang mga kabayanan ng Juda ay hindi lamang lubusang winasak ng mga Caldeo sa dalawa nilang pagsalakay, kundi ang mga ito ay hindi na muling tinirahan sa loob ng maraming salinglahi​—at baka hindi na kailanman.”​2 Kaya, sinusuhayan ng arkeolohiya ang nakagigitlang katuparan ng hulang ito.

      Ang Tadhana ng Tiro

      8, 9. Anong hula ang binigkas ni Ezekiel laban sa Tiro?

      8 Si Ezekiel ay isa pang propeta na sumulat ng mga hulang kinasihan ng Diyos. Nanghula siya mula sa pagtatapos ng ikapitong siglo B.C.E. hanggang sa ikaanim​—alalaong baga, noong mga taon na humantong sa pagkawasak ng Jerusalem at noong unang mga dekada ng pagkakatapon ng mga Judio sa Babilonya. Sumasang-ayon din ang ilang makabagong kritiko na ang aklat ay isinulat humigit-kumulang sa panahong ito.

      9 Iniulat ni Ezekiel ang isang kapansinpansing hula hinggil sa pagkawasak ng kalapit-bayan ng Israel sa hilaga, ang Tiro, dating kaibigan ng bayan ng Diyos subali’t nang malauna’y naging kaaway. (1 Hari 5:1-9; Awit 83:2-8) Sumulat siya: “Ganito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘Narito ako’y laban sa iyo, Oh Tiro, at aking pasasampahin ang maraming bansa laban sa iyo, gaya ng pagpapasampa ng dagat sa alon. At tiyak na gigibain nila ang mga kuta ng Tiro upang ibagsak ang kaniyang mga moog, at aking papalisin ang kaniyang alabok at gagawin ko siyang hubad na bato. . . . At ilalagay nila ang iyong mga bato at ang iyong kahoy at ang iyong alabok sa gitna ng tubig.’ ”​—Ezekiel 26:3, 4, 12.

      10-12. Kailan lubusang natupad ang hula ni Ezekiel, at papaano?

      10 Talaga bang nangyari ito? Ilang taon matapos bigkasin ni Ezekiel ang hula, ang Tiro ay kinubkob ni Nabukodonosor, hari ng Babilonya. (Ezekiel 29:17, 18) Hindi naging magaang ang pagkubkob na ito. Ang isang bahagi ng Tiro ay nasa kontinente (ang bahaging tinawag na Matandang Tiro). Nguni’t ang bahagi ng lunsod ay nasa isang pulo mga 800 metro mula sa baybayin. Ang pulo ay 13 taong kinubkob ni Nabukodonosor bago ito sumuko sa kaniya.

      11 Gayumpaman, noong 332 B.C.E. lubusang natupad ang hula ni Ezekiel sa lahat ng detalye nito. Si Alejandrong Dakila, mananakop mula sa Macedonya, ang sumasalakay noon sa Asya. Palibhasa’y panatag bilang isang pulo, ang Tiro ay nanindigan laban sa kaniya. Ayaw ni Alejandro na iwan ang isang potensiyal na kaaway, at ayaw din niyang mag-aksaya ng maraming taon sa pagkubkob sa Tiro, gaya ng ginawa ni Nabukodonosor.

      12 Papaano niya nilutas ang problemang militar na ito? Gumawa siya ng tulay na lupa, o pier, tungo sa pulo, upang makatawid ang mga kawal niya at masalakay ang pulong-lunsod. Pansinin kung ano ang ginamit niya sa paglikha ng pier. Nag-uulat ang The Encyclopedia Americana: “Sa pamamagitan ng mga labí ng lunsod sa kontinente na winasak niya, siya ay nagtayo ng isang malaking pier noong 332 upang ang pulo ay maging kakabit ng kontinente.” Pagkaraan lamang ng maikling pagkubkob, ay nawasak ang pulong-lunsod. Bukod dito, ang hula ni Ezekiel ay natupad sa kaliitliitang detalye. Maging ang ‘mga bato at kahoy at alabok’ ng Matandang Tiro ay ‘nalagay sa gitna ng tubig.’

      13. Papaano inilarawan ng isang ika-19 na siglong manlalakbay ang dako ng sinaunang Tiro?

      13 Isang ika-19 na siglong manlalakbay ang nagsabi kung ano ang natira sa sinaunang Tiro noong kaarawan niya: “Walang bakas na naiwan sa orihinal na Tiro na nakilala ni Solomon at ng mga propeta ng Israel, maliban sa mga libingang nakaukit sa bato, at mga patibayan ng pader . . . Ang pulo, na naging lungos nang kubkubin ni Alejandrong Dakila ang lunsod sa pamamagitan ng pagtambak sa tubig na namagitan dito at ng kontinente, ay wala ring maliwanag na relikya mula sa mga yugto na mas maaga kaysa sa mga Krusada. Ang makabagong kabayanan, na bagung-bago sa kabuuan, ay sumasakop sa hilagang bahagi ng dating pulo, at halos lahat ng nalalabing lupa ay natatakpan ng mga kagibaan.”​3

      Turno Naman ng Babilonya

      14, 15. Anong mga hula ang iniulat nina Isaias at Jeremias laban sa Babilonya?

      14 Noong ikawalong siglo B.C.E., si Isaias, ang propeta na nagbabala sa mga Judio tungkol sa napipintong pagsakop sa kanila ng Babilonya, ay humula rin ng isang bagay na kagilagilalas: ang ganap na pagkalipol ng Babilonya mismo. Matingkad ang mga detalye ng hula niya: “Narito aking hihikayatin ang mga Medo laban sa kanila . . . At ang Babilonya, na kaluwalhatian ng mga kaharian, na ganda ng kapalaluan ng mga Caldeo, ay magiging gaya nang gibain ng Diyos ang Sodoma at Gomorra. Hindi siya tatahanan kailanman, ni mananatili pa siya sa sali’t-saling lahi.”​—Isaias 13:17-20.

      15 Ang pagbagsak ng Babilonya ay inihula rin ni propeta Jeremias, maraming taon bago ito maganap. Isang kapansinpansing detalye ang inilakip niya: “Ang pagkawasak ay nasa kaniyang tubig, at ang mga ito’y mangatutuyo. . . . Ang mga makapangyarihan sa Babilonya ay umurong sa pakikibaka. Nakaupo sila sa kanilang matitibay na dako. Ang kanilang kalakasan ay natuyo.”​—Jeremias 50:38; 51:30.

      16. Kailan nasakop ang Babilonya, at sa pamamagitan nino?

      16 Noong 539 B.C.E., nagwakas ang pamamahala ng Babilonya bilang nangingibabaw na kapangyarihang pandaigdig nang ang masigasig na pinunong Persyano, si Ciro, ay sumalakay sa lunsod sa tulong ng hukbo ng Medya. Gayumpaman, natuklasan ni Ciro na ito’y napakatibay. Ang Babilonya ay napaliligiran ng malalaking pader na waring hindi kayang pasukin. Isa pa, ang malaking ilog Euprates ay bumabagtas sa lunsod at naging mahalagang tulong sa pagtatanggol nito.

      17, 18. (a) Papaano nagkaroon ng “pagkawasak sa mga tubig [ng Babilonya]”? (b) Bakit ‘umurong sa pakikipaglaban ang mga makapangyarihan’ ng Babilonya?

      17 Inilalarawan ng Griyegong mananalaysaysay na si Herodotus kung papaano hinarap ni Ciro ang problema: “Inilagay niya ang bahagi ng kaniyang hukbo sa dako ng lunsod na pinapasukan ng ilog, at isa pang bahagi sa dakong nilalabasan nito, at nag-utos na sila ay pumasok sa lunsod sa pamamagitan ng ilog, kapag bumabaw na ang tubig . . . Sa pamamagitan ng isang kanal ay pinalihis niya ang Euprates tungo sa isang lunas [artipisyal na lawa na unang hinukay ng isang dating pinuno ng Babilonya], na noo’y isa nang latian, anupa’t ang ilog ay kumati hanggang sa malakaran na ang ilalim nito. Kaya ang mga Persyano na sadyang nakahimpil sa tabing ilog, na ngayo’y kasintaas na lamang ng hita ng tao, ay nakalakad sa ilog at tuluy-tuloy nang pumasok sa lunsod.”​4

      18 Sa ganitong paraan bumagsak ang lunsod, gaya ng babala nina Isaias at Jeremias. Subali’t pansinin ang detalyadong katuparan ng hula. Naging literal ang ‘pagkawasak sa kaniyang tubig, at ang mga ito ay natuyo.’ Ang pagkati ng tubig sa Euprates ay nagpahintulot kay Ciro na makapasok sa lunsod. Ang ‘mga makapangyarihan sa Babilonya ay umurong ba sa pakikibaka’ gaya ng babala ni Jeremias? Ang Bibliya​—at maging ang mga Griyegong mananalaysaysay na sina Herodotus at Xenopon​—ay nag-uulat na ang mga taga-Babilonya ay nagkakainan nang salakayin ng mga Persyano.​5 Sinasabi ng Nabonidus Chronicle, isang opisyal na inskripsiyon sa cuneiform, na ang hukbo ni Ciro ay pumasok sa Babilonya nang “walang pakikihamok,” marahil ay nangahulugan na walang totohanang paglalaban.​6 Maliwanag na ang Babilonya ay hindi naipagtanggol ng mga kawal niya.

      19. Natupad ba ang hula na ang Babilonya ay “hindi matatahanan kailanman”? Ipaliwanag.

      19 Kumusta ang hula na “hindi siya tatahanan kailanman”? Hindi ito agad natupad noong 539 B.C.E. Subali’t natupad ang hula nang walang mintis. Matapos bumagsak, ang Babilonya ay naging sentro ng mga himagsikan, hanggang 478 B.C.E. nang ito ay wasakin ni Xerxes. Noong katapusan ng ikaapat na siglo, binalak ni Alejandrong Dakila na itayong-muli ito, nguni’t namatay siya nang ito’y sinisimulan pa lamang. Mula noon, ang lunsod ay unti-unting humina. May nakatira pa rin doon noong unang siglo ng Kasalukuyang Panahon, nguni’t sa ngayon ang tanging nalalabi sa sinaunang Babilonya ay isang bunton ng mga kagibaan sa Iraq. Kahit bahagya pang maitayo ang mga ito, ang Babilonya ay magiging tanawin lamang para sa mga turista, hindi isang buháy, abalang lunsod. Ang wasak na dako nito ay patotoo ng pangwakas na katuparan ng kinasihang mga hula laban sa Babilonya.

      Pagkakasunud-sunod ng mga Kapangyarihang Pandaigdig

      20, 21. Saang hula nakita ni Daniel ang pagkakasunudsunod ng mga pandaigdig na kapangyarihan, at papaano ito natupad?

      20 Noong ikaanim na siglo B.C.E., nang ang mga Judio ay bihag sa Babilonya, isa pang propeta, si Daniel, ay kinasihan upang iulat ang ilang mahalagang pangitain na humuhula sa hinaharap na takbo ng mga pangyayari sa daigdig. Sa isa nito, inilalarawan ni Daniel ang mga makasagisag na hayop na nagkasunudsunod sa tanawin ng daigdig. Ipinaliwanag ng anghel na ang mga hayop ay lumalarawan sa mga kapangyarihang pandaigdig na nagkasunudsunod mula nang panahong yaon. Hinggil sa huling dalawang hayop, ay sinabi niya: “Ang lalaking tupa, na iyong nakita, na may dalawang sungay, ay ang mga hari ng Medya at Persya. Ang mabalahibong lalaking kambing ay ang hari ng Gresya; at ang malaking sungay sa pagitan ng kaniyang mga mata, ito ang unang hari. At ang isang nabali, na hinalinhan ng apat pa, ay apat na kaharian na babangon mula sa bansang yaon, nguni’t hindi sa kaniyang kapangyarihan.”​—Daniel 8:20-22.

      21 Tamang-tama ang pagkakatupad ng makahulang tanawing ito. Ang Imperyo ng Babilonya ay ibinagsak ng Medo-Persya na nagbigay daan sa Griyegong kapangyarihang pandaigdig pagkaraan ng 200 taon. Ang Imperyo ng Gresya ay pinangunahan ni Alejandrong Dakila, “ang malaking sungay.” Nguni’t, pagkamatay ni Alejandro, ang kaniyang mga heneral ay nag-awayaway, at sa wakas ang malawak na imperyo ay nahati sa apat na mas maliliit na imperyo, “apat na kaharian.”

      22. Sa kaugnay na hula hinggil sa sunudsunod na mga pandaigdig na kapangyarihan, anong karagdagang kapangyarihan ang inihula?

      22 Sa Daniel kabanata 7, isang kahawig na pangitain ang humula rin sa malayong hinaharap. Ang kapangyarihang pandaigdig ng Babilonya ay inilarawan ng isang leon, ang Persyano ay ng oso, at ang Griyego ng leopardo na may apat na pakpak sa likod at may apat na ulo. Pagkatapos, nakakita si Daniel ng isa pang mabangis na hayop, “kakilakilabot at makapangyarihan at totoong malakas . . . at ito’y may sampung sungay.” (Daniel 7:2-7) Ang ikaapat ay lumarawan sa makapangyarihang Imperyo ng Roma, na nagsimulang lumago tatlong siglo pagkatapos iulat ni Daniel ang hulang ito.

      23. Papaanong ang ikaapat na mabangis na hayop sa hula ni Daniel ay “kakaiba sa lahat ng kaharian”?

      23 Humula ang anghel tungkol sa Roma: “Ang ikaapat na hayop ay magiging ikaapat na kaharian sa lupa, at magiging kaiba sa lahat; sasakmalin nito ang buong lupa at yuyurakan at pagluluraylurayin ito.” (Daniel 7:23) Sinabi ni H. G. Wells, sa aklat niyang A Pocket History of the World: “Ang bagong kapangyarihang ito ng Roma na nangibabaw sa kanluraning daigdig noong ikalawa at unang siglo B.C. ay ibang-iba sa malalaking imperyo na nagsilitaw sa sibilisadong daigdig.”​7 Nagsimula ito bilang isang republika at naging isang monarkiya. Di gaya ng naunang mga imperyo, hindi ito nilikha ng iisang mananakop kundi lumago nang walang pagbabawa sa loob ng mga dantaon. Mas tumagal ito at sumupil ng mas malawak na teritoryo kaysa alinmang naunang imperyo.

      24, 25. (a) Papaano lumitaw ang sampung sungay ng mabangis na hayop? (b) Anong paligsahan sa pagitan ng mga sungay ng mabangis na hayop ang inihula ni Daniel?

      24 Kumusta ang sampung sungay ng dambuhalang hayop na ito? Sinabi ng anghel: “At tungkol sa sampung sungay, mula sa kahariang ito ay sampung hari ang babangon; at isa pa ang babangon kasunod nila, at magiging kaiba siya sa mga nauna, at kaniyang ibabagsak ang tatlong hari.” (Daniel 7:24) Papaano natupad ito?

      25 Nang humina ang Imperyo ng Roma noong ikalimang siglo C.E., hindi agad ito hinalinhan ng iba. Sa halip, ito’y unti-unting nabahagi sa maraming kaharian, “sampung hari.” Sa wakas, tinalo ng Imperyo ng Britanya ang tatlong karibal na imperyo ng Espanya, Pransya, at ng Holandya upang maging pangunahing kapangyarihang pandaigdig. Ganito ibinagsak ng bagitong ‘sungay’ ang “tatlong hari.”

      Mga Hula ni Daniel​—Pagkatapos Maganap?

      26. Ayon sa mga kritiko kailan isinulat ang Daniel, at bakit?

      26 Ipinahihiwatig ng Bibliya na ang aklat ni Daniel ay nasulat noong ikaanim na siglo B.C.E. Subali’t eksaktong-eksakto ang katuparan ng mga hula nito kung kaya inangkin ng mga kritiko na malamang na ito’y nasulat noong 165 B.C.E., nang maganap na ang marami sa mga hula.​8 Bagaman ang tanging tunay na dahilan sa pag-aangking ito ay ang pagkatupad ng mga hula ni Daniel, ang atrasadong petsang ito ng pagsulat ni Daniel ay inihaharap bilang isang tiyak na katotohanan sa maraming mga reperensiya.

      27, 28. Ano ang ilan sa mga katotohanan na nagpapatotoo na ang Daniel ay hindi isinulat noong 165 B.C.E.?

      27 Ang mga sumusunod na katotohanan ay dapat munang ihambing sa teoriyang ito. Una, ang aklat ay tinukoy ng mga kasulatang Judio na inilathala noong ikalawang siglo B.C.E., gaya ng unang aklat ng mga Macabeo. Isa pa, kalakip ito sa salin na Griyegong Septuagint, ang salin na pinasimulan noong ikatlong siglo B.C.E.​9 Ikatlo, ang mga bahagi ng Daniel ay kabilang sa mas nahuling tuklas na Dead Sea Scrolls​—at ang mga ito ay pinaniniwalaang nagmula noong 100 B.C.E.​10 Maliwanag na, hindi nagtagal pagkatapos ng sinasabing petsa ng pagkasulat sa Daniel, ito’y laganap-na-laganap na at iginagalang: matibay na ebidensiya na ito’y nasulat matagal na panahon pa bago ang petsang inaangkin ng mga kritiko.

      28 Bukod dito, ang Daniel ay naglalaman ng makasaysayang detalye na hindi alam ng isang pangalawang-siglong manunulat. Namumukod-tangi ang halimbawa ni Belsasar, hari ng Babilonya na napatay nang ito ay bumagsak noong 539 B.C.E. Bukod sa Bibliya, ang mga pangunahing reperensiya hinggil sa pagbagsak ng Babilonya ay sina Herodotus (ikalimang siglo), Xenopon (ikalima at ikaapat na siglo), at Berossus (ikatlong siglo). Isa man sa kanila ay hindi nakarinig kay Belsasar.​11 Lalong mahirap para sa isang pangalawang siglong manunulat na magkamit ng impormasyon na hindi nakuha ng naunang mga manunulat na ito! Ang ulat hinggil kay Belsasar sa Daniel kabanata 5 ay matibay na katuwiran na si Daniel ang sumulat ng kaniyang aklat noong hindi pa man naisusulat ng iba ang sa kanila.a

      29. Bakit imposibleng mapasulat ang aklat ni Daniel pagkatapos na matupad ang mga hulang nilalaman nito?

      29 Bilang pangwakas, maraming hula sa Daniel ang natupad matagal pa makaraan ang 165 B.C.E. Isa rito ay ang hula hinggil sa Imperyo ng Roma, na binabanggit sa pasimula. Ang isa pa ay ang kapansinpansing hula hinggil sa pagdating ni Jesus, ang Mesiyas.

      Ang Pagdating ng Pinahiran

      30, 31. (a) Anong hula ni Daniel ang bumanggit sa panahon ng paglitaw ng Mesiyas? (b) Salig sa hula ni Daniel, papaano natin tatantiyahin ang taon ng takdang paglitaw ng Mesiyas?

      30 Ang hulang ito ay nakasulat sa Daniel, kabanata 9, at ganito ang mababasa: “Pitumpung linggo [ng mga taon, o apat na raan at siyamnapung taon] ang ipinasiya sa iyong mga tao at sa iyong banal na lunsod.”b (Daniel 9:24, The Amplified Bible) Ano ang magaganap sa 490 taong ito? Mababasa natin: “Mula sa paglabas ng utos na isauli at itayo ang Jerusalem hanggang sa [pagdating ng] pinahiran, isang prinsipe, ay magiging pitong linggo [ng mga taon], at animnapu’t dalawang linggo [ng mga taon].” (Daniel 9:25, AB) Hula ito hinggil sa pagdating ng “pinahiran,” ang Mesiyas. Papaano ito natupad?

      31 Ang utos na isauli at itayo ang Jerusalem ay ‘lumabas’ noong “ikadalawampung taon ni Ahasuero na hari” ng Persya, o noong 455 B.C.E. (Nehemias 2:1-9) Sa katapusan ng 49 taon (7 linggo ng mga taon), naisauli na ang malaking bahagi ng kaluwalhatian ng Jerusalem. At kung tutuusin ang buong 483 taon (7 at 62 linggo ng mga taon) mula 455 B.C.E., darating tayo sa 29 C.E. Ang totoo, ito ang “ikalabinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Cesar,” taon nang si Jesus ay bautismuhan ni Juan na Tagapagbautismo. (Lucas 3:1) Noon, si Jesus ay ipinakilala bilang Anak ng Diyos at pinasimulan niya ang pangangaral ng mabuting balita sa mga Judio. (Mateo 3:13-17; 4:23) Kaya, siya ay naging “pinahiran,” o Mesiyas.

      32. Ayon sa hula ni Daniel, gaano ang itatagal ng makalupang ministeryo ni Jesus, at ano ang magaganap sa katapusan nito?

      32 Dagdag pa ng hula: “At pagkatapos ng animnapu’t dalawang linggo [ng mga taon] ay mahihiwalay ang pinahiran.” Sinasabi rin nito: “At papasok siya sa matibay at matatag na pakikipagtipan sa marami sa loob ng isang linggo [pitong taon]; at sa kalagitnaan ng linggo ay kaniyang ipatitigil ang hain at ang alay.” (Daniel 9:26, 27, AB) Kasuwato nito, si Jesus ay naparoon lamang “sa marami,” sa likas na mga Judio. Manakanaka, nangaral din siya sa mga Samaritano, na naniwala sa ilang bahagi ng mga Kasulatan subali’t bumuo ng sekta na hiwalay sa Judaismo. Ngayon, “sa kalagitnaan ng linggo,” pagkaraan ng tatlo at kalahating taon ng pangangaral, inihandog niya ang kaniyang buhay bilang hain at siya ay ‘nahiwalay.’ Ito ay nangahulugan ng pagtatapos ng Batas Mosaiko lakip na ang mga hain at handog nito. (Galacia 3:13, 24, 25) Kaya, dahil sa kamatayan niya, pinangyari ni Jesus na “itigil ang hain at ang alay.”

      33. Gaano katagal bukod-tanging makikitungo si Jehova sa mga Judio, at ano ang magtatakda sa katapusan ng yugtong ito?

      33 Gayumpaman, sa sumunod pang tatlo at kalahating taon ang bagong silang na kongregasyong Kristiyano ay nagpatotoo lamang sa mga Judio at, nang maglaon, sa mga kamag-anak na Samaritano. Nguni’t noong 36 C.E., sa katapusan ng 70 linggo ng mga taon, inakay si apostol Pedro upang mangaral sa isang Gentil, si Cornelio. (Gawa 10:1-48) Kaya, ang “pakikipagtipan sa marami” ay hindi na limitado sa mga Judio. Ang kaligtasan ay ipinangaral na rin sa di-tuling mga Gentil.

      34. Kasuwato ng hula ni Daniel, ano ang nangyari sa likas na Israel dahilan sa pagtanggi nila sa Mesiyas?

      34 Sapagka’t ang mga Judio ay tumanggi kay Jesus at nagsabwatan upang ipapatay siya, sila ay hindi ipinagtanggol ni Jehova nang dumating at wasakin ng mga Romano ang Jerusalem noong 70 C.E. Kaya, natupad ang karagdagang mga salita ni Daniel: “Gigibain ng mga tauhan ng darating na prinsipe ang lunsod at santuwaryo. Darating ang wakas sa pamamagitan ng baha, at hanggang sa katapusan ay magdidigmaan.” (Daniel 9:26b, AB) Ang ikalawang “prinsipe” ay si Tito, ang Romanong heneral na nagwasak sa Jerusalem noong 70 C.E.

      Isang Hula na Kinasihan

      35. Ano pang karagdagang hula tungkol kay Jesus ang nagkatotoo?

      35 Sa paraang ito, ang hula ni Daniel hinggil sa 70 linggo ay natupad nang eksaktong-eksakto. Oo, marami sa mga hulang nakaulat sa Hebreong Kasulatan ang natupad noong unang siglo, at marami rito ay may kinalaman kay Jesus. Ang dakong sinilangan ni Jesus, ang sigasig niya ukol sa bahay ng Diyos, ang kaniyang pangangaral, ang pagkakanulo sa kaniya kapalit ng 30 pirasong pilak, ang paraan ng pagkamatay niya, at ang pagpupustahan para sa kaniyang damit​—lahat ng mga detalyeng ito ay inihula sa Hebreong Kasulatan. Ang katuparan nito ay walang pagsalang nagpatunay na si Jesus ang Mesiyas, at muli nitong itinanghal na ang mga hula ay kinasihan.​—Mikas 5:2; Lucas 2:1-7; Zacarias 11:12; 12:10; Mateo 26:15; 27:35; Awit 22:18; 34:20; Juan 19:33-37.

      36, 37. Ano ang matututuhan natin sa katuparan ng mga hula ng Bibliya, at anong pagtitiwala ang ibinibigay ng kaalamang ito?

      36 Sa katunayan, lahat ng mga hula sa Bibliya na nakatakdang matupad ay pawang nagkatotoo. Lahat ay nangyari sa eksaktong paraan na sinabi ng Bibliya. Ito ay matibay na patotoo na ang Bibliya ay Salita nga ng Diyos. Tiyak na higit pa kaysa karunungan lamang ng tao ang nasa likod ng mga hulang ito kung kaya’t ang mga ito ay hindi kailanman sumala.

      37 Nguni’t may iba pang mga hula sa Bibliya na hindi natupad noong mga panahong nakalipas. Bakit? Sapagka’t ang mga ito’y nakatakdang matupad sa ating sariling kaarawan, at sa atin ding hinaharap. Ang pagkamaaasahan ng sinaunang mga hulang yaon ay nagbibigay tiwala sa atin na ang iba pang mga hulang ito ay walang pagsalang matutupad. At gaya ng makikita natin sa susunod na kabanata, totoo nga ito.

      [Mga talababa]

      a Tignan ang Kabanata 4, “Gaano Katapat ang ‘Matandang Tipan’?” parapo 16 at 17.

      b Sa saling ito, ang mga salitang nakapaloob sa panaklong ay idinagdag ng tagapagsalin upang liwanagin ang kahulugan.

      [Blurb sa pahina 133]

      Nagkatotoo ang lahat ng mga hula na nakatakdang matupad. Lahat ay nangyari nang eksakto ayon sa pagkakasabi ng Bibliya.

      [Larawan sa pahina 118]

      Natuklasan ng mga arkeologo na naging lubuslubusan ang pagwasak ni Nabukodonosor sa Jerusalem

      [Larawan sa pahina 121]

      Litrato ng makabagong Tiro. Halos walang naiwang bakas ang Tiro na nakilala ng mga propeta sa Israel

      [Larawan sa pahina 123]

      Ang mga turistang dumadalaw sa dako ng sinaunang Babilonya ay mga saksi sa katuparan ng mga hula laban sa lunsod na yaon

      [Mga larawan sa pahina 126]

      Eksaktong-eksakto ang pagkatupad ng mga hula ni Daniel sa pagkakasunud-sunod ng mga kapangyarihang pandaigdig kung kaya inakala ng mga kritiko na ito ay nasulat pagkaraang matupad

      BABILONYA

      PERSYA

      GRESYA

      ROMA

      BRITANYA

      [Larawan sa pahina 130]

      Inihula ni Daniel ang eksaktong panahon ng paglitaw ng Mesiyas sa Israel

  • Isang Hula sa Bibliya na Nakita Ninyong Natupad
    Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?
    • Kabanata 10

      Isang Hula sa Bibliya na Nakita Ninyong Natupad

      Nagtataka ba kayo kung bakit ibang-iba ang kalagayan sa ngayon kung ihahambing sa nakalipas na isandaang taon? Ang ilang bagay ay lalong bumuti. Sa maraming lupain, nagagamot na ngayon ang mga sakit na nakamamatay noong una, at ang karaniwang tao ay nagtatamasa ng isang uri ng buhay na hindi pa naguniguni ng mga ninuno niya. Sa kabilang dako, nasaksihan ng siglong ito ang pinakamalalagim na digmaan at mga kalupitan sa buong kasaysayan. Ang kasaganaan ng sangkatauhan​—maging ang patuloy nitong pag-iral​—ay pinagbabantaan ng pagputok ng populasyon, problema sa polusyon, at ng dambuhalang imbakan ng mga sandatang nukleyar, bayolohikal, at kemikal. Bakit ibang-iba ang ika-20 siglong ito sa mga nauna?

      1. (Ilakip ang pambungad.) (a) Papaano naiiba ang ika-20 siglo sa mga nauna? (b) Ano ang tutulong sa atin upang maunawaan kung bakit ibang-iba ang ating panahon?

      ANG sagot sa tanong na ito ay may kinalaman sa isang kapansinpansing hula sa Bibliya na nakita ninyong natupad. Ito’y hula na binigkas mismo ni Jesus at, bukod sa pagbibigay ng patotoo sa pagkasi ng Bibliya, ay nagpapahiwatig na tayo’y napakalapit na sa madulang mga pagbabago sa tanawin ng daigdig. Ano ang hulang ito? At papaano natin nalaman na ito’y natutupad na?

      Ang Dakilang Hula ni Jesus

      2, 3. Anong tanong ang iniharap ng mga alagad ni Jesus sa kaniya, at saan natin makikita ang kaniyang sagot?

      2 Sinasabi ng Bibliya na nang malapit nang mamatay si Jesus, ang malalaking gusali ng templo sa Jerusalem ay pinag-usapan ng mga alagad niya; namangha sila sa laki at tibay ng mga ito. Nguni’t sinabi ni Jesus: “Hindi ba ninyo nakikita ang lahat ng mga bagay na ito? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Sa anomang paraa’y walang bato na maiiwan sa ibabaw ng kapuwa bato na hindi ibabagsak.”​—Mateo 24:1, 2.

      3 Malamang na nabigla ang mga alagad sa sinabi ni Jesus at nang maglaon ay lumapit sila sa kaniya upang magtanong, at nagsabi: “Sabihin mo sa amin, Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng pamamalakad ng mga bagay?” (Mateo 24:3) Makikita ang sagot ni Jesus sa natitirang bahagi ng Mateo kabanata 24 at 25. Nakaulat din ito sa Marcos kabanata 13 at Lucas kabanata 21. Maliwanag na ito ang pinakamahalagang hula na binigkas ni Jesus nang siya’y nasa lupa.

      4. Anong magkakaibang bagay ang itinatanong ng mga alagad ni Jesus?

      4 Sa katunayan, mahigit sa isang bagay ang itinatanong ng mga alagad ni Jesus. Una, nagtanong sila: “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito?” alalaong baga, Kailan mawawasak ang Jerusalem at ang templo nito? Bukod dito, gusto nilang malaman ang tanda na magpapahiwatig na nagsimula na ang pagkanaririto ni Jesus bilang Hari sa makalangit na Kaharian ng Diyos at na malapit na ang katapusan ng pamamalakad ng mga bagay.

      5. (a) Ano ang unang katuparan ng hula ni Jesus, nguni’t kailan lubos na matutupad ang kaniyang mga salita? (b) Papaano sinimulang sagutin ni Jesus ang tanong ng mga alagad?

      5 Sa sagot niya, isinaalang-alang ni Jesus ang dalawang punto. Marami sa sinabi niya ang aktuwal na natupad noong unang siglo, noong mga taon na umakay sa malagim na pagkawasak ng Jerusalem noong 70 C.E. (Mateo 24:4-22) Nguni’t ang hula niya ay magkakaroon pa ng mas malawak na kahulugan, oo, sa atin mismong mga kaarawan. Ano, kung gayon, ang sinabi ni Jesus? Nagsimula siya sa pamamagitan ng pagbigkas sa mga salitang nakaulat sa Mat 24 bersikulo 7 at 8: “Titindig ang bansa laban sa bansa at kaharian laban sa kaharian, at magkakagutom at lilindol sa iba’t-ibang dako. Lahat ng ito ay pasimula ng kahirapan.”

      6. Anong kahalintulad na hula ang ipinaaalaala ng mga salita ni Jesus sa Mateo 24:7, 8?

      6 Maliwanag, ang pagkanaririto ni Jesus bilang makalangit na Hari ay makikilala dahil sa malaking kaguluhan sa lupa. Tinitiyak ito ng nakakahawig na hula sa aklat ng Apocalipsis: ang pangitain ng apat na mangangabayo ng Apocalipsis. (Apocalipsis 6:1-8) Ang unang mangangabayo ay lumalarawan kay Jesus mismo bilang matagumpay na Hari. Ang ibang mga kabayo at ang sakay nila ay lumalarawan sa mga kaganapan sa lupa na tanda ng pasimula ng paghahari ni Jesus: digmaan, gutom, at di napapanahong kamatayan sa iba’t-ibang sanhi. Natutupad ba ang dalawang hulang ito sa ngayon?

      Digmaan!

      7. Ano ang makahulang inilalarawan ng pagsakay ng ikalawang mangangabayo ng Apocalipsis?

      7 Suriin nating mabuti ang mga ito. Una, sinabi ni Jesus: “Titindig ang bansa laban sa bansa at kaharian laban sa kaharian.” Hula ito tungkol sa digmaan. Ang ikalawa sa apat na mangangabayo ay lumalarawan din sa digmaan. Mababasa natin: “At lumabas ang isa pa, isang mapulang kabayo; at sa nakasakay doon ay ipinagkaloob na mag-alis ng kapayapaan sa lupa upang sila’y mangagpatayan sa isa’t-isa; at isang malaking tabak ang ibinigay sa kaniya.” (Apocalipsis 6:4) Ang sangkatauhan ay libulibong taon nang nagdidigmaan. Bakit, kung gayon, magkakaroon ng pantanging kahulugan ang mga salitang ito para sa ating kaarawan?

      8. Bakit dapat asahan na ang digmaan ay maging isang namumukod-tanging bahagi ng tanda?

      8 Tandaan na ang digmaan lamang ay hindi siyang tanda ng pagkanaririto ni Jesus. Ang tanda ay binubuo ng lahat ng detalye ng hula ni Jesus na sabaysabay na natutupad sa iisang yugto ng panahon. Subali’t digmaan ang unang bahagi na binabanggit, kaya maaasahan natin na ang bahaging ito ay matutupad nang bukod-tangi anupa’t matatawagan ang ating pansin. At dapat aminin na ang mga digmaan sa ika-20 siglong ito ay walang kapantay sa kasaysayan.

      9, 10. Papaano nagsimulang matupad ang mga hula hinggil sa digmaan?

      9 Halimbawa, walang naunang digmaan​—gaano man kalupit at kalaki ang pinsala nito​—ang makalalapit sa pagiging-mapaminsala ng dalawang digmaang pandaigdig ng ika-20 siglo. Ang unang digmaang pandaigdig lamang ay pumatay na ng mga 14 na milyong katao, mahigit pa ito sa buong populasyon ng maraming bansa. Oo, “ipinagkaloob na mag-alis ng kapayapaan sa lupa upang sila’y mangagpatayan sa isa’t-isa.”

      10 Ayon sa hula, “isang malaking tabak” ang ibinigay sa paladigmang ikalawang mangangabayo ng Apocalipsis. Papaano ito kumakapit? Ganito: Ang mga sandata ng digmaan ay naging mas mabagsik. Palibhasa nasasangkapan ng tangke, eroplano, nakalalasong gas, mga submarino, at kanyon na nakapagpapasabog ng bomba nang maraming milya ang layo, ang tao ay naging mas mabisa sa pagpatay sa kapuwa. At mula noong unang digmaang pandaigdig ang “malaking tabak” ay lalo pang naging mapamuksa​—dahil sa paggamit ng mga bagay na gaya ng komunikasyon ng radyo, radar, modernong riple, sandatang kemikal at bakteryolohikal, flamethrower, napalm, bagong uri ng mga bomba, intercontinental ballistic missile, submarinong nukleyar, makabagong eroplano, at malalaking bapor de-giyera.

      “Pasimula ng Kahirapan”

      11, 12. Papaanong ang unang digmaang pandaigdig ay naging isa lamang “pasimula ng kahirapan”?

      11 Nagtatapos ang unang mga bersikulo ng hula ni Jesus sa mga salitang: “Lahat ng ito ay pasimula ng kahirapan.” Totoo ito noong unang digmaang pandaigdig. Ang pagtatapos nito noong 1918 ay hindi naghatid ng namamalaging kapayapaan. Agad itong sinundan ng limitado subali’t mararahas na paglalabanan sa Etiopiya, Libya, Espanya, Rusya, Indiya, at iba pang lupain. Pagkatapos ay dumating ang kakilakilabot na ikalawang digmaang pandaigdig, na pumatay ng 50 milyong sundalo at sibilyan.

      12 Bukod dito, sa kabila ng palagiang mga kasunduan sa pakikipagpayapaan at pamamahinga sa paglalabanan, ang sangkatauhan ay nasa pakikidigma pa rin. Noong 1987 iniulat na 81 pangunahing digmaan ang naganap mula noong 1960, at pumatay ng 12,555,000 lalaki, babae at bata. Nasaksihan ng 1987 ang mas maraming digmaan kaysa alinmang naunang taon sa kasaysayan.​1 Karagdagan pa, ang paghahanda at gugulin ng militar, na umaabot ngayon sa kabuuang halos $1,000,000,000,000 bawa’t taon, ay nagpasamâ sa ekonomiya ng daigdig.​2 Ang hula ni Jesus hinggil sa ‘bansang tumitindig laban sa bansa at kaharian laban sa kaharian’ ay tiyak na natutupad. Ang mapulang kabayo ng digmaan ay patuloy sa mabangis na pagtakbo sa buong lupa. Kumusta ang ikalawang bahagi ng tanda?

      Mga Kagutom!

      13. Anong kalunuslunos na mga pangyayari ang inihula ni Jesus, at papaano sinuhayan ng pangitain ng ikatlong mangangabayo ng Apocalipsis ang kaniyang hula?

      13 Inihula ni Jesus: “At magkakagutom . . . sa iba’t-ibang dako.” Pansinin kung papaano ito nakakasuwato ng pagsakay ng ikatlo sa apat na mangangabayo ng Apocalipsis. Mababasa tungkol sa kaniya: “At tumingin ako, at narito! isang maitim na kabayo; at ang nakasakay rito ay may timbangan sa kaniyang kamay. At narinig ko ang isang tinig na waring nagmumula sa gitna ng apat na nilalang na buháy na nagsasabi: ‘Sa isang denaryo ay isang takal na trigo, at sa isang denaryo ay tatlong takal na sebada; at huwag mong ipahamak ang langis ng olibo at ang alak.’ ” (Apocalipsis 6:5, 6) Oo, matitinding kagutom!

      14. Anong matitinding kagutom mula noong 1914 ang tumupad sa hula ni Jesus?

      14 Posible kayang matupad ngayon ang hulang ito, gayong ang ilang bansa ay may napakataas na antas ng pamumuhay? Isang sulyap lamang sa daigdig bilang kabuuan ay titiyak na sa sagot. Ayon sa kasaysayan, ang mga kagutom ay dulot ng mga digmaan at likas na kasakunaan. Kaya hindi katakataka na ang siglong ito, na masyado nang narindi sa mga kasakunaan at digmaan, ay patuloy na sinasalot ng kagutom. Maraming bahagi ng lupa ang dumanas ng ganitong mga kasakunaan mula noong 1914. Isang ulat ang nagtatala ng mahigit na 60 pangunahing kagutom mula noong 1914, sa magkakalayong lupain na gaya ng Gresya, Holandya, U.S.S.R., Nigeria, Chad, Chile, Peru, Bangladesh, Bengal, Kampuchea, Etiopiya, at Hapón.​3 Ang ilan sa mga kagutom na ito ay tumagal nang maraming taon at pumatay ng milyunmilyong tao.

      15, 16. Ano pang naiibang kagutom ang lubhang mapaminsala sa ngayon?

      15 Bagaman ang matitinding kagutom ay napapabalita nang malawakan, lumilipas din ito at ang mga nakaligtas ay nagbabalik sa kainamang paraan ng pamumuhay. Gayunman, isang mas nagbabantang uri ng kagutom ang lumitaw sa ika-20 siglong ito. Hindi ito gaanong madula kung kaya malimit itong waling-bahala. Subali’t nagpapatuloy ito taun-taon. Ito ang malubhang salot ng malnutrisyon na nakakaapekto sa ikalimang bahagi ng populasyon ng ating planeta at pumapatay ng 13 hanggang 18 milyong tao bawa’t taon.​4

      16 Sa ibang salita, sa bawa’t dalawang araw ang ganitong kagutom ay palagiang pumapatay ng mga tao na kasindami niyaong napatay ng bomba atomika sa Hiroshima. Oo, bawa’t dalawang taon, mas marami ang namamatay sa gutom kaysa sa mga sundalong napatay ng pinagsamang Digmaang Pandaigdig I at II. Nagkaroon ba ng “mga kagutom . . . sa iba’t-ibang dako” mula noong 1914? Talaga naman!

      Mga Lindol

      17. Anong mapaminsalang lindol ang naganap karakarakang matapos ang 1914?

      17 Noong Enero 13, 1915, nang iilang buwan pa lamang ang unang digmaang pandaigdig, isang lindol ang yumanig sa Abruzzi, Italya, at pumatay ng 32,610 katao. Ipinaaalaala sa atin ng pangunahing kasakunaang ito na ang mga digmaan at kagutom na magaganap sa pagkanaririto ni Jesus ay may iba pang kasabay: “Lilindol sa iba’t-ibang dako.” Gaya ng digmaan at salot, ang lindol sa Abruzzi ay isa lamang “pasimula ng kahirapan.”a

      18. Papaano natupad ang hula ni Jesus hinggil sa lindol?

      18 Ang ika-20 siglo ay isang siglo ng mga lindol, at salamat sa pagsulong ng mga pamamaraan sa paghahatid-balita, lahat ay may kabatiran sa pinsalang naidudulot nito. Kung babanggit tayo ng ilan, nasaksihan ng 1920 ang pagkamatay ng 200,000 sa isang lindol sa Tsina; noong 1923, mga 99,300 ang namatay sa lindol sa Hapón; noong 1935, isa pang lindol ang pumatay ng 25,000 sa dako na ngayo’y Pakistan, samantalang 32,700 ang namatay sa Turkiya noong 1939. May 66,800 na nasawi sa lindol sa Peru noong 1970. At noong 1976, mga 240,000 (o, ayon sa ilang balita, 800,000) ang namatay sa Tangshan, Tsina. Kamakailan lamang, noong 1988, 25,000 ang namatay sa isang malakas na lindol sa Armenya.b Oo, “lilindol sa iba’t-ibang dako”!6

      “Nakamamatay na Salot”

      19. Ano pang karagdagang detalye ng tanda ang inihula ni Jesus at inilarawan ng ikaapat na mangangabayo ng Apocalipsis?

      19 Isa pang detalye ng hula ni Jesus ay ang tungkol sa sakit. Sa kaniyang ebanghelyo, ay iniulat ni Lucas na humula si Jesus na “sa iba’t-ibang dako ay magkakasalot.” (Lucas 21:11) Ito rin ay nakakasuwato ng makahulang pangitain ng apat na mangangabayo ng Apocalipsis. Ang ikaapat na mangangabayo ay tinatawag na Kamatayan. Inilalarawan niya ang di-napapanahong kamatayan mula sa iba’t-ibang kadahilanan, pati na ang “nakamamatay na salot at ng mababangis na hayop sa lupa.”​—Apocalipsis 6:8.

      20. Anong namumukod-tanging epidemya ang naging bahagi ng katuparan ng hula ni Jesus hinggil sa mga salot?

      20 Noong 1918 at 1919, mahigit na 1,000,000,000 tao ang naratay dahil sa trangkaso Espanyola, at mahigit na 20,000,000 ang namatay. Kumitil ang salot ng mas maraming buhay kaysa pandaigdig na digmaan mismo.7 At “ang nakamamatay na salot,” o ‘peste,’ ay patuloy pa ring nagpapahirap sa lahing ito, sa kabila ng kapunapunang mga pagsulong sa medisina. Bakit ganoon? Ang isang dahilan ay sapagka’t hindi laging natatamasa ng maralitang mga bansa ang mga pagpapala ng pagsulong sa siyensiya. Ang mga dukha ay naghihirap at namamatay sa mga sakit na mapagagaling sana kung mailalaan lamang ang sapat na salapi.

      21, 22. Papaano dumanas ng “nakamamatay na salot” ang mga tao mula sa mayayaman at mahihirap na lupain?

      21 Kaya, 150 milyong tao sa buong daigdig ang may sakit na malarya. Mga 200 milyon ang dinapuan ng sakit sa susô. Ang Chagas’ disease ay nagpapahirap sa sampung milyong tao. Mga 40 milyon ang dinapuan ng river blindness. Milyun-milyong bata ang namamatay taun-taon dahil sa malubhang pagtatae.8 Ang tuberkulosis at ketong ay pangunahin pa ring problema sa kalusugan. Pangunahin na, mga dukha ang pinahihirapan ng ‘mga salot sa iba’t-ibang dako.’

      22 Subali’t ganoon din ang mayayaman. Ang trangkaso, halimbawa, ay dumadapo sa kapuwa mahirap at mayaman. Noong 1957 isang uri ng trangkaso ang pumatay ng 70,000 sa Estados Unidos lamang. Sa Alemanya tinataya na isa sa bawa’t anim na tao ang dadapuan ng kanser.9 Ang mga sakit sa babae ay sumasalanta sa mayaman at mahirap. Ang gonorea, na pinakamalimit iulat na nakakahawang sakit sa Estados Unidos, ay sumasalot sa 18.9 porsiyento ng populasyon sa maraming bahagi ng Aprika.​10 Ang syphilis, chlamydia, at genital herpes ay ilan lamang sa laganap na “mga salot” na ikinakalat ng pagsisiping.

      23. Anong “nakamamatay na salot” ang kamakaila’y naging ulo ng mga balita?

      23 Nitong nakaraang mga taon, ang “nakamamatay na salot” ng AIDS ay napasama sa listahan ng “mga salot.” Ang AIDS ay isang kakilakilabot na sakit sapagka’t, habang isinusulat ito, ay wala pa ring nakikitang lunas, at dumarami ang mga biktima. Sinabi ni Dr. Jonathan Mann, direktor ng WHO (World Health Organization) Special Program on AIDS: “Tinataya rin na may lima hanggang 10 milyong tao sa daigdig ngayon ang nahawa sa human immunodeficiency virus (HIV).”​11 Ayon sa isang tantiya, ang mikrobyo ng AIDS ay umaangkin ng isang biktima bawa’t minuto. “Nakamamatay na salot” nga! Nguni’t kumusta ang hula hinggil sa kamatayan mula sa mababangis na hayop?

      “Mababangis na Hayop sa Lupa”

      24, 25. (a) Sa anong uri ng ‘mabangis na hayop’ tumukoy si Ezekiel? (b) Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa “mababangis na hayop” na magiging aktibo sa lupa sa kaniyang pagkanaririto?

      24 Ang totoo, kapag ibinabalita sa mga pahayagan ngayon ang mababangis na hayop, ito’y sapagka’t nanganganib o malapit nang maglaho ang ilang tiyak na uri. Ang “mababangis na hayop sa lupa” ay higit na pinagbabantaan ng tao at hindi ang kabaligtaran. Sa kabila nito, sa ilang lupain marami pa rin ang napapatay ng mababangis na hayop, gaya ng mga tigre sa Indiya.

      25 Gayunma’y, inaakay ng Bibliya ang ating pansin sa isa pang uri ng mabangis na hayop na naghasik ng lagim sa nakalipas na mga taon. Inihambing ni propeta Ezekiel ang mararahas na tao sa mababangis na hayop nang sabihin niya: “Ang mga prinsipe ay parang mga lobo na lumuluray upang magbubo ng dugo, at nagpapahamak ng mga kaluluwa upang magkamit ng mahalay na pakinabang.” (Ezekiel 22:27) Nang ihula niya ang “paglago ng katampalasanan,” ipinahiwatig ni Jesus na ang gayong “mababangis na hayop” ay maglilipana sa lupa sa kaniyang pagkanaririto. (Mateo 24:12) Idinagdag ng manunulat ng Bibliya na si Pablo na sa “mga huling araw” ang mga tao ay magiging “maibigin sa salapi . . . walang pagpipigil, mababangis, hindi maibigin sa mabuti.” (2 Timoteo 3:1-3) Ganito ba ang nangyari mula noong 1914?

      26-28. Anong mga ulat mula sa palibot ng daigdig ang nagpapakita na gumagala ngayon sa lupa ang kriminal na “mababangis na hayop”?

      26 Tiyak iyon. Kung nakatira kayo sa halos alinmang malaking lunsod, alam ninyo ito. Kung may alinlangan, isaalang-alang ang sumusunod na mga balita sa pahayagan. Mula sa Colombia: “Noong nakaraang taon iniulat ng pulisya ang . . . 10,000 pagpaslang at 25,000 armadong nakawan.” Mula sa Victoria, Australya: “Malaking Pagsulong sa Malalaking Krimen.” Mula sa Estados Unidos: “Ang mga Patayan sa Nueba York ay Patungo sa Pinakamataas na Bilang.” “Noong nakaraang taon ay naunahan ng Detroit ang Gary, Ind., bilang pangunahing lunsod na may pinakamataas na ulat ng pagpaslang sa bansa​—58 sa bawa’t 100,000 mamamayan.”

      27 Mula sa Zimbabwe: “Ang pagpaslang sa sanggol ay nagiging krisis.” Mula sa Brazil: “Sobra ang krimen dito, at sobra ang dami ng mga may armas, kaya hindi na gaanong pinapansin ang balita tungkol sa karahasan.” Mula sa Nueba Zelandiya: “Ang panggagahasa at mararahas na krimen ay pangunahing problema pa rin ng pulisya.” “Ang karahasan ng mga taga-Nueba Zelandiya ay mailalarawan lamang na barbarismo.” Mula sa Espanya: “Nakikipagbuno ang Espanya sa lumalagong problema sa krimen.” Mula sa Italya: “Ang Mafia ng Sicily, pagkaraan ng pagkauntol, ay muling sumigla sa isang daluyong ng pagpaslang.”

      28 Ilan lamang ito sa mga balita sa pahayagan na inilathala hindi pa natatagalan mula nang simulang isulat ang aklat na ito. Tiyak, ang “mababangis na hayop” ay gumagala sa lupa, at ang mga tao ay nangangatog sa takot.

      Pangangaral ng Mabuting Balita

      29, 30. Ano ang relihiyosong sitwasyon sa Sangkakristiyanuhan, bilang katuparan ng hula ni Jesus?

      29 Ano ang mangyayari sa relihiyon sa maligalig na panahon ng pagkanaririto ni Jesus? Sa isang dako, ay inihula ni Jesus ang paglago ng relihiyosong gawain: “Magsisilitaw ang mga bulaang propeta at ililigaw ang marami.” (Mateo 24:11) Sa kabilang dako, inihula niya na sa Sangkakristiyanuhan sa kabuuan, ay mananamlay ang interes sa Diyos. “Ang pag-ibig ng marami ay manlalamig.”​—Mateo 24:12.

      30 Lumalarawan nga ito sa nagaganap sa Sangkakristiyanuhan ngayon. Sa isang dako, humihina ang pangunahing mga iglesiya saanman dahil sa kawalan ng pagtangkilik. Sa dati’y saradong Protestanteng mga lupain ng hilagang Europa at Inglatiyera, ang relihiyon ay halos patay na. Kasabay nito, ang Iglesiya Katolika ay sinasalot ng kakulangan ng pari at ng humihinang pagtangkilik. Sa kabilang dako, sumisikat ang maliliit na grupo ng relihiyon. Lumalaganap ang mga kulto ng mga Silanganing relihiyon, samantalang milyunmilyong dolyar ang hinuhuthot ng sakim ng mga ebanghelisador sa telebisyon.

      31. Ano ang inihula ni Jesus na tumutulong sa pagkilala sa tunay na mga Kristiyano sa ngayon?

      31 Nguni’t kumusta ang tunay na Kristiyanismo, ang relihiyon na itinatag ni Jesus at ipinangaral ng kaniyang mga apostol? Iiral pa rin ito sa pagkanaririto ni Jesus, subali’t papaano ito makikilala? Maraming bagay ang nagpapakilala sa tunay na pagka-Kristiyano, at ang isa rito ay binabanggit sa dakilang hula ni Jesus. Ang mga tunay na Kristiyano ay magiging abala sa isang pandaigdig na gawain ng pangangaral. Humula si Jesus: “At ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”​—Mateo 24:14.

      32. Aling grupo ang tanging nakakatupad sa hula ni Jesus na nakaulat sa Mateo 24:14?

      32 Napakalawak na ng antas ng pangangaral na ito! Sa ngayon, ang grupo na tinatawag na Mga Saksi ni Jehova ay abala sa pinakamalaganap na pangangaral sa kasaysayan ng Kristiyanismo. (Isaias 43:10, 12) Noong 1919, samantalang ang nahatulang Liga ng mga Bansa ay itinataguyod ng palaisip-sa-politika na mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, ang Mga Saksi ni Jehova ay naghahanda sa pangglobong kampanya ng pangangaral.

      33, 34. Gaano na kalawak ang nagawang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa buong lupa?

      33 Noon ay mga 10,000 lamang ang mga Saksi, nguni’t alam nila kung ano ang dapat gawin. Kaya, may tibay-loob nilang hinarap ang gawaing pangangaral. Naunawaan nila na ang pagbubukod ng klero sa karaniwang maninimba ay salungat kapuwa sa utos ng Bibliya at sa apostolikong huwaran. Kaya silang lahat, hanggang sa kaliitliitan, ay natutong makipag-usap sa kapuwa hinggil sa Kaharian ng Diyos. Sila’y naging isang organisasyon ng mga mangangaral.

      34 Sa paglipas ng panahon, nagtiis ng mahigpit na pag-uusig ang mga mangangaral na ito. Sa Europa, iba’t-ibang totalitaryong rehimen ang sumalansang sa kanila. Sa Estados Unidos at Canada, sila ay napaharap sa mga usapin sa hukuman at sa mga pang-uumog. Sa ibang lupain, kinailangan nilang mapagtagumpayan ang panatikong pagtatangi sa relihiyon at malupit na pag-uusig mula sa mapang-aping mga diktador. Nitong nakaraang mga taon, kinailangan din nilang labanan ang laganap na espiritu ng pag-aalinlangan at ng pagpapalayaw-sa-sarili. Subali’t nakapagtiis sila anupa’t ngayon ay mahigit na silang tatlo at kalahating milyon sa 212 lupain. Kailanma’y hindi pa ganito kalaganap ang pangangaral ng mabuting balita​—isang kapansinpansing katuparan ng bahaging ito ng tanda!

      Ano ang Kahulugan ng Lahat ng Ito?

      35. (a) Papaano tumutulong ngayon ang katuparan ng hula upang patunayan na ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos? (b) Ano ang kahulugan para sa atin ng katuparan ng hula na binigkas ni Jesus?

      35 Walang alinlangan na nasasaksihan natin ang katuparan ng dakilang tanda na ibinigay ni Jesus. Karagdagang ebidensiya ito na ang Bibliya ay tunay ngang kinasihan ng Diyos. Walang tao ang makahuhula nang napakaaga hinggil sa mga pangyayari na nakatakdang maganap sa ika-20 siglo. Bukod dito, ang katuparan ng tanda ay nangangahulugan na nabubuhay tayo sa panahon ng pagkanaririto ni Jesus at ng katapusan ng pamamalakad ng mga bagay. (Mateo 24:3) Ano ang kahulugan nito? Ano ang nasasangkot sa pagkanaririto ni Jesus? At aling pamamalakad ang magwawakas? Upang masagot ito, dapat na isaalang-alang ang isa pang matibay na ebidensiya ng pagkasi sa Bibliya: ang kamanghamanghang panloob na pagkakasuwato nito. Ito ang susunod nating tatalakayin at susuriin natin kung papaanong ngayon pa lamang ang pangunahing tema ng Bibliya ay papalapit na sa kagilagilalas na kasukdulan.

      [Mga talababa]

      a Hindi kukulangin sa limang lindol ang naganap sa pagitan ng 1914 at 1918 na sumukat ng 8 o higit pa sa Richter scale​—mas malakas kaysa lindol sa Abruzzi. Gayunman, ang mga pagyanig na ito ay naganap sa malalayong dako, kaya hindi ito gaanong nakatawag ng pansin na gaya ng lindol sa Italya.​5

      b Iba’t-iba ang bilang na iniuulat hinggil sa mga biktima ng ilang mga kasakunaang ito. Gayunman, lahat ay lubhang naging mapaminsala.

  • Ang Pangkalahatang Pagkakasuwato ng Bibliya
    Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?
    • Kabanata 11

      Ang Pangkalahatang Pagkakasuwato ng Bibliya

      Gunigunihin ang isang aklatan ng 66 na libro na isinulat ng humigit-kumulang na 40 tao sa loob ng 1,600 taon. Tatlong wika ang ginamit ng mga manunulat na ito na nanirahan sa maraming lupain. Lahat ng manunulat ay nagkakaiba-iba ng personalidad, kakayahan, at kapaligiran. Nguni’t nang sa wakas ay pagsamasamahin ang lahat ng aklat na kanilang isinulat, lumitaw na ang talagang nabuo ay iisang malaking aklat na naghaharap ng iisang saligang tema mula sa pasimula hanggang katapusan. Mahirap gunigunihin ito, hindi ba? Gayunman, ang Bibliya ay ganitong uri ng aklatan.

      1. (Ilakip ang pambungad.) Anong kamanghamanghang pagkakasuwato ang nagpapatotoo na ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos?

      WALANG tapat na estudyante ang hindi mapapahanga sa bagay na ang Bibliya, bagaman isang kalipunan ng iba’t-ibang aklat, ay iisang nagkakaisang lathalain. Magbuhat sa pasimula hanggang katapusan nagkakaisa ito sa dahilang itinataguyod nito ang pagsamba ng iisang Diyos na may mga katangiang hindi nagbabago, at sapagka’t lahat ng mga aklat nito ay bumubuo ng iisang nangingibabaw na tema. Ang pangkalahatang pagkakasuwatong ito ay makapangyarihang ebidensiya na ang Bibliya ay tunay ngang Salita ng Diyos.

      2, 3. Anong hula na binigkas sa Eden ang nagbibigay ng saligan ukol sa pag-asa, at anong mga pangyayari ang umakay sa pagbigkas ng hulang ito?

      2 Ang saligang tema ng Bibliya ay ipinakikilala sa kaunaunahang mga kabanata ng unang aklat nito, ang Genesis. Doo’y mababasa natin na ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eba, ay nilalang na sakdal at inilagay sa isang paraisong hardin, ang Eden. Gayunman, si Eba ay nilapitan ng isang ahas na humamon sa pagiging-matuwid ng mga batas ng Diyos at sa pamamagitan ng tusong mga kasinungalingan ay tinukso siya upang magkasala. Si Adan ay sumunod sa kaniya at sumuway rin sa Diyos. Ang resulta? Kapuwa sila pinalayas sa Eden at hinatulan ng kamatayan. Dinaranas natin ngayon ang mga epekto ng unang paghihimagsik na ito. Tayong lahat ay nagmana ng kasalanan at kamatayan mula sa ating unang mga magulang.​—Genesis 3:1-7, 19, 24; Roma 5:12.

      3 Gayunman, nang kalunuslunos na panahong yaon, ang Diyos ay bumigkas ng isang hula na naglaan ng saligan sa pag-asa. Ang hula ay binigkas sa ahas, subali’t ito ay ipinarinig kina Adan at Eba upang maisalaysay nila ito sa kanilang mga anak. Ganito ang sinabi ng Diyos: “Papag-aalitin ko ikaw at ang babae at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi. Ito ang dudurog sa iyong ulo at ikaw ang susugat sa kaniyang sakong.”​—Genesis 3:15; Roma 8:20, 21.

      4. Sinu-sinong tauhan ang binanggit sa hula ni Jehova sa Eden, at sa paglipas ng mga dantaon papaano sila kikilos kaugnay ng isa’t-isa?

      4 Pansinin ang apat na tauhan sa paksang-tekstong ito: ang ahas at ang binhi nito at gayon din ang babae at ang binhi niya. Ang mga tauhang ito ay gaganap ng pangunahing papel sa mga pangyayari sa sumusunod na libulibong taon. Iiral ang patuluyang alitan sa pagitan ng babae at ng binhi niya laban sa ahas at sa binhi nito. Kalakip sa alitang ito ang kasabay na hidwaan sa pagitan ng tunay na pagsamba at huwad, ng wastong paggawi at kabalakyutan. Sa isang yugto, waring nakalamang ang ahas nang sugatan nito ang sakong ng binhi ng babae. Nguni’t sa dakong huli, ang ulo ng ahas ay dudurugin ng binhi ng babae, at ang Diyos ay maipagbabangong-puri kapag ang lahat ng bakas ng unang paghihimagsik ay naparam na.

      5. Papaano natin nalaman na hindi si Eba ang babae sa hula?

      5 Sino ang babae at ang ahas? At sino ang kanilang binhi? Nang isilang ni Eba ang unang anak niya, si Cain, sinabi niya: “Ako’y nagkaanak ng lalaki sa tulong ni Jehova.” (Genesis 4:1) Marahil ay inakala niyang siya ang babae sa hula at na ang anak na ito ang magiging binhi. Gayumpaman, si Cain ay nagpamalas ng masamang espiritu na gaya ng sa ahas. Siya’y naging mamamatay-tao, at pinaslang ang nakababata niyang kapatid, si Abel. (Genesis 4:8) Maliwanag na ang hula ay may mas malalim, makasagisag na kahulugan na tanging Diyos ang makapagpapaliwanag. Ginawa niya ito, unti-unti. Sa iba’t-ibang paraan, lahat ng 66 na aklat ay tumulong sa pagsisiwalat ng kahulugan nito, ang unang hula sa Bibliya.

      Sino ang Ahas?

      6-8. Anong mga salita ni Jesus ang tutulong upang makilala ang kapangyarihan na nasa likod ng ahas? Ipaliwanag.

      6 Una, sino ang ahas na binabanggit sa Genesis 3:15? Ang ulat ay nagsasabi na isang literal na ahas ang lumapit kay Eba sa Eden, nguni’t hindi nagsasalita ang literal na mga ahas. Tiyak na sa likod ng ahas na yaon ay may isang kapangyarihan na nagpakilos dito upang gumawi nang gayon. Ano ang kapangyarihang yaon? Ang pagkakakilanlan nito ay naging maliwanag noon lamang unang siglo ng ating Kasalukuyang Panahon, nang si Jesus ay gumaganap ng kaniyang ministeryo dito sa lupa.

      7 Minsan, si Jesus ay kausap ng ilang mapagmatuwid na Judiong pinuno ng relihiyon na nagmamalaking sila’y mga anak ni Abraham. Subali’t, mahigpit nilang tinutulan ang katotohanan na ipinangaral ni Jesus. Kaya sinabi sa kanila ni Jesus: “Kayo’y sa inyong amang Diyablo, at ang nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya’y mamamatay-tao buhat pa sa pasimula, at hindi siya nanindigan ukol sa katotohanan, sapagka’t walang katotohanan sa kaniya. Pagka siya’y nagsasalita ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya sa ganang sarili, sapagka’t siya’y isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.”​—Juan 8:44,

      8 Matutulis at tuwiran ang salita ni Jesus. Tinukoy niya ang Diyablo bilang “mamamatay-tao” at “ama ng kasinungalingan.” Ngayon, ang unang nakaulat na kasinungalingan ay yaong binigkas ng ahas sa Eden. Sinoman ang bumigkas ng kasinungalingang yaon ay tiyak na “ama ng kasinungalingan.” Bukod dito, ang mga kasinungalingang yaon ang nagdulot ng kamatayan kina Adan at Eba, kaya ang matandang sinungaling na ito ay isang mamamatay-tao. Kaya, maliwanag na si Satanas na Diyablo ang kapangyarihan sa likod ng ahas sa Eden, at si Jehova ay kay Satanas talaga nakipag-usap sa sinaunang hulang yaon.

      9. Papaano nagkaroon ng Satanas?

      9 May mga nagtatanong: Kung mabait ang Diyos, bakit niya nilikha ang Diyablo? Ang mga salita ni Jesus ay sumasagot din sa tanong na ito. Sinabi ni Jesus tungkol kay Satanas: “[Siya’y] mamamatay-tao buhat pa sa pasimula.” Kaya, nang magsinungaling si Satanas kay Eba, noon siya naging Satanas​—mula sa isang salitang Hebreo na nangangahulugang “mananalansang.” Si Satanas ay hindi nilalang ng Diyos. Pinahintulutan ng isang dating tapat na anghel na tubuan ang kaniyang puso ng masamang nasà kaya siya’y naging Satanas.​—Deuteronomio 32:4; ihambing ang Job 1:6-12; 2:1-10; Santiago 1:13-15.

      Ang Binhi ng Ahas

      10, 11. Papaano tayo tinutulungan nina Jesus at apostol Juan upang makilala ang binhi ng Ahas?

      10 Kumusta naman ang ‘binhi [o supling] ng ahas’? Tumutulong din ang mga salita ni Jesus sa paglutas ng palaisipang ito. Sinabi niya sa mga Judiong pinuno ng relihiyon: “Kayo’y sa inyong amang Diyablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin.” Ang mga Judiong yaon ay mga inapo ni Abraham, gaya ng ipinagmalaki nila. Subali’t dahil sa kanilang kabalakyutan sila’y naging mga espirituwal na anak ni Satanas, ang pasimuno ng kasalanan.

      11 Si apostol Juan, na sumulat sa pagtatapos ng unang siglo, ay nagpaliwanag kung sino ang kabilang sa binhi ng Ahas, si Satanas. Sumulat siya: “Ang gumagawa ng kasalanan ay nagmumula sa Diyablo, sapagka’t ang Diyablo ay nagkakasala na buhat pa sa pasimula. . . . Sa ganito nahahayag ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng Diyablo: Ang sinomang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi mula sa Diyos, ni ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid.” (1 Juan 3:8, 10) Maliwanag na, sa buong kasaysayan ng tao, ang binhi ng Ahas ay laging aktibo!

      Sino ang Binhi ng Babae?

      12, 13. (a) Papaano isiniwalat ni Jehova kay Abraham na ang binhi ng babae ay lilitaw sa gitna ng kaniyang mga inapo? (b) Sino ang nagmana ng pangako hinggil sa Binhi?

      12 Sino, kung gayon, ang ‘binhi [o supling] ng babae’? Isa ito sa mahahalagang tanong na naibangon kailanman, sapagka’t sa wakas ang binhi ng babae ang dudurog sa ulo ni Satanas at paparam sa lahat ng masamang epekto ng unang paghihimagsik. Noong ika-20 siglo B.C.E., isiniwalat ng Diyos sa tapat na lalaking si Abraham ang isang mahalagang palatandaan na magpapakilala kung sino siya. Dahil sa laki ng pananampalataya ni Abraham, nagbitiw ang Diyos ng sunud-sunod na pangako hinggil sa supling na isisilang sa kaniya. Ipinahiwatig ng isa sa mga ito na ang ‘binhi ng babae’ na ‘dudurog sa ulo ng ahas’ ay magmumula sa mga anak ni Abraham. Sinabi sa kaniya ng Diyos: “Sasakupin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kaniyang mga kaaway. At sa iyong binhi ay pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili dahil sa sinunod mo ang aking tinig.”​—Genesis 22:17, 18.

      13 Sa paglipas ng mga taon, ang pangako ni Jehova kay Abraham ay inulit sa anak niyang si Isaac at sa apo niyang si Jacob. (Genesis 26:3-5; 28:10-15) Nang dakong huli, ang mga inapo ni Jacob ay naging 12 tribo, at isa sa kanila, ang Juda, ay tumanggap ng pantanging pangako: “Ang setro ay hindi mahihiwalay sa Juda, ni ang tungkod ng pagkapuno sa pagitan ng kaniyang mga paa, hanggang sa dumating ang Silo; at sa kaniya tatalima ang lahat ng mga bansa.” (Genesis 49:10) Maliwanag, ang Binhi ay lilitaw sa tribo ni Juda.

      14. Aling bansa ang inorganisa bilang paghahanda sa pagdating ng Binhi?

      14 Sa katapusan ng ika-16 na siglo B.C.E., ang 12 tribo ng Israel ay inorganisa bilang isang bansa na tanging pag-aari ng Diyos. Sa layuning ito, ang Diyos ay gumawa ng isang banal na pakikipagtipan sa kanila at binigyan sila ng isang kodigo ng mga batas. Ang pangunahing dahilan nito ay upang ihanda sila bilang isang bansa sa pagdating ng Binhi. (Exodo 19:5, 6; Galacia 3:24) Mula noon, ang pakikipag-alitan ni Satanas sa Binhi ng babae ay maaaninaw sa pagkapoot ng mga bansa sa piniling bayan ng Diyos.

      15. Anong pangwakas na hiwatig ang ibinigay tungkol sa kung aling sambahayan sa mga inapo ni Abraham ang magluluwal ng Binhi?

      15 Noong ika-11 siglo B.C.E. inilaan ang pangwakas na hiwatig hinggil sa kung aling angkan ang magluluwal sa Binhi. Noon ay nakipag-usap ang Diyos sa ikalawang hari ng Israel, si David, at nangako na ang Binhi ay magmumula sa kaniyang angkan at na ang luklukan Nito ay “itatatag magpakailanman.” (2 Samuel 7:11-16) Mula noon, ang Binhi ay maaari nang tukuyin na Anak ni David.​—Mateo 22:42-45.

      16, 17. Papaano inilarawan ni Isaias ang mga pagpapala na idudulot ng Binhi?

      16 Sa kasunod na mga taon, nagbangon ang Diyos ng mga propeta upang magbigay ng higit pang kinasihang impormasyon hinggil sa darating na Binhi. Halimbawa, noong ikawalong siglo  B.C.E., si Isaias ay sumulat: “Sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki; at ang maharlikang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat. At ang pangalan niya ay tatawaging Kamanghamanghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan. Ang paglago ng kaniyang maharlikang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magwawakas, sa luklukan ni David at sa kaniyang kaharian.”​—Isaias 9:6, 7.

      17 Humula pa rin si Isaias tungkol sa Binhing ito: “Sa katuwiran ay hahatulan niya ang dukha, at sa katarungan ay sasawayin niya ang maaamo sa lupa. . . . At ang lobo ay tatahang kasama ng kordero, at ang leopardo ay mahihigang kasiping ng batang kambing, at ang guya at ang batang leon at ang patabain ay magkakasama . . . Hindi sila mananakit o maninira man sa aking buong banal na bundok; sapagka’t ang lupa ay mapupuno ng kaalaman ni Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.” (Isaias 11:4-9) Saganang pagpapala ang idudulot ng binhing ito!

      18. Anong karagdagang impormasyon hinggil sa Binhi ang iniulat ni Daniel?

      18 Noong ikaanim na siglo bago ang ating Kasalukuyang Panahon, si Daniel ay sumulat ng isa pang hula hinggil sa Binhi. Inihula niya na lilitaw sa langit ang isang gaya ng anak ng tao, at sinabi na “sa kaniya’y ibinigay ang kapangyarihan at kaluwalhatian at isang kaharian, upang ang lahat ng mga bansa, bayan at wika ay magsipaglingkod sa kaniya.” (Daniel 7:13, 14) Kaya ang darating na Binhi ay magmamana ng isang makalangit na kaharian, at ang kaniyang maharlikang pamamahala ay sasaklaw sa buong lupa.

      Nalutas ang Palaisipan

      19. Gaya ng inihayag ng anghel, anong papel ang gagampanan ni Maria sa pagdating ng Binhi?

      19 Sa wakas, ang pagkakakilanlan ng Binhi ay inihayag sa pagbubukang-liwayway ng Kasalukuyang Panahon. Noong 2 B.C.E., nagpakita ang isang anghel kay Maria, isang dalagang Judio at inapo ni David. Sinabi sa kaniya ng anghel na siya ay magsisilang ng isang pantanging sanggol at nagsabi pa: “Ang isang ito ay magiging dakila at tatawagin siyang Anak ng Kataastaasan; at ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang luklukan ni David na kaniyang ama, at siya’y maghahari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman, at hindi magkakawakas ang kaniyang kaharian.” (Lucas 1:32, 33) Kaya magwawakas na rin ang mahabang paghihintay sa “binhi.”

      20. Sino ang Binhing pangako, at anong mensahe ang ipinangaral niya sa Israel?

      20 Noong taóng 29 C.E. (isang petsa na matagal nang tinukoy ni Daniel), si Jesus ay binautismuhan. Bumaba sa kaniya ang banal na espiritu, at siya ay kinilala ng Diyos bilang Anak. (Daniel 9:24-27; Mateo 3:16, 17) Tatlo at kalahating taon pagkaraan nito, si Jesus ay nangaral sa mga Judio, at nagpahayag: “Ang kaharian ng mga langit ay malapit na.” (Mateo 4:17) Nang panahong ito, napakarami niyang tinupad na hula mula sa Hebreong Kasulatan anupa’t wala nang alinlangan na talaga ngang siya ang Binhing pangako.

      21. Ano ang naunawaan ng unang mga Kristiyano hinggil sa pagkakakilanlan ng Binhi?

      21 Alam-na-alam ito ng mga unang Kristiyano. Nagpaliwanag si Pablo sa mga Kristiyano sa Galacia: “Ngayon ang mga pangako ay sinabi kay Abraham at sa kaniyang binhi. Hindi sinabing: ‘At sa mga binhi,’ na waring ito ay marami, kundi sa isa lamang: ‘At sa iyong binhi,’ na siyang Kristo.” (Galacia 3:16) Si Jesus ang magiging “Prinsipe ng Kapayapaan” na inihula ni Isaias. Sa wakas pagkatapos na siya ay makaluklok na sa Kaharian, ay iiral na sa buong daigdig ang katarungan at katuwiran.

      Sino, Kung Gayon, ang Babae?

      22. Sino ang babae na tinukoy sa hula ni Jehova sa Eden?

      22 Kung si Jesus ang Binhi, sino ang babae na tinukoy sa Eden? Yamang ang kapangyarihan sa likod ng ahas ay isang espiritung nilikha, hindi tayo dapat magtaka na ang babae ay isa ring espiritu at hindi tao. Bumanggit si apostol Pablo ng isang makalangit na “babae” nang sabihin niya: “Nguni’t ang Jerusalem na nasa itaas ay malaya, at siya ang ating ina.” (Galacia 4:26) Ipinahihiwatig ng ibang kasulatan na ang “Jerusalem na nasa itaas” ay libulibong taon nang umiiral. Siya ang makalangit na organisasyon ni Jehova na binubuo ng espiritung mga nilikha, at mula sa kanila ay nanaog si Jesus upang gampanan ang papel bilang ‘binhi ng babae.’ Tanging ang ganitong uri ng espirituwal na “babae” ang tatagal sa libulibong taon na pakikipag-alitan laban sa “matandang ahas.”​—Apocalipsis 12:9; Isaias 54:1, 13; 62:2-6.

      23. Bakit tunay na kahangahanga ang pasulong na pagsisiwalat sa kahulugan ng Edenikong hula ni Jehova?

      23 Ang maikling repasong ito sa pagsulong ng sinaunang hulang yaon sa Genesis 3:15 ay isang makapangyarihang patotoo sa dakilang pagkakasuwato ng Bibliya. Lubhang kamanghamangha na ang hulang ito ay mauunawaan lamang kung ating pagsasamasamahin ang mga pangyayari at pananalita mula noong ika-20, ika-11, ika-8, at ika-6 na siglo B.C.E. kasuwato ng mga pananalita at pangyayari noong unang siglo ng Kasalukuyang Panahon. Hindi ito nagkataon lamang. Tiyak na may isang pumapatnubay na kamay sa likod ng lahat ng ito.​—Isaias 46:9, 10.

      Ang Kahulugan Nito Para sa Atin

      24. Ano ang kahulugan para sa atin ng pagkilala sa Binhi?

      24 Ano ang kahulugan ng lahat ng ito para sa atin? Buweno, si Jesus ang pangunahing ‘binhi ng babae.’ Ipinahiwatig ng sinaunang hula sa Genesis 3:15 na ang kaniyang sakong ay ‘susugatan’ ng Ahas, at nangyari ito nang si Jesus ay mamatay sa tulos na pahirapan. Ang isang sugat ay hindi nagtatagal. Kaya, ang wari’y pagtatagumpay ng Ahas ay agad nahalinhan ng kabiguan nang si Jesus ay buhaying muli. (Gaya ng nakita natin sa Kabanata 6, may kapanipaniwalang ebidensiya na nangyari nga ito.) Ang kamatayan ni Jesus ang naging saligan ukol sa kaligtasan ng tapat-pusong sangkatauhan, kaya ang Binhi ay naging isang pagpapala, gaya ng pangako ng Diyos kay Abraham. Subali’t kumusta ang mga hula na nagsabing magpupuno si Jesus sa buong lupa mula sa isang makalangit na kaharian?

      25, 26. Anong isyu ang nasangkot sa alitan sa pagitan ng ‘binhi ng babae’ at ng Ahas, gaya ng pagkakalarawan sa Apocalipsis?

      25 Sa isang matingkad na makahulang pangitain na nakaulat sa Apocalipsis kabanata 12, ang pasimula ng Kahariang ito ay inilarawan ng pagsilang ng isang sanggol na lalaki sa langit. Sa Kahariang ito, ang Binhing pangako ay hahawak ng kapangyarihan sa ilalim ng pamagat na Miguel, na nangangahulugang “Sino ang Kagaya ng Diyos?” Ipinakikita niya na walang sinoman ang maaaring humamon sa pagkasoberano ni Jehova, nang inihagis niya magpakailanman “ang matandang ahas” mula sa langit. Mababasa natin: “Kaya inihagis ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, ang dumadaya sa buong tinatahanang lupa; siya’y inihagis sa lupa.”​—Apocalipsis 12:7-9.

      26 Ang resulta ay kaginhawahan para sa mga langit subali’t kaligaligan para sa lupa. “Ngayon ay dumating na ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang kaharian ng ating Diyos at ang kapamahalaan ng kaniyang Kristo,” ang matagumpay na hiyaw. At saka, mababasa pa natin: “Kaya’t mangagalak kayo, kayong mga langit at kayong nagsisitahan diyan! Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagka’t ang Diyablo ay bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.”​—Apocalipsis 12:10, 12.

      27. Kailan natupad ang hula hinggil sa paghahagis kay Satanas mula sa langit? Papaano natin nalaman?

      27 Masasabi ba natin kung kailan matutupad ang hulang ito? Oo, ito mismo ang itinanong ng mga alagad kay Jesus tungkol sa ‘tanda ng kaniyang pagkanaririto at ng katapusan ng pamamalakad ng mga bagay’​—gaya ng natutuhan natin sa Kabanata 10. (Mateo 24:3) Kaya nga, hindi matututulan ang ebidensiya na ang pagkanaririto ni Jesus sa makalangit na Kaharian ay nagsimula noong 1914. Mula noon, tunay ngang naranasan na natin ang ‘kaabahan sa lupa’!

      28, 29. Anong malalaking pagbabago sa tanawin ng daigdig ang nasa sa unahan pa, at papaano natin nalaman na malapit na itong maganap?

      28 Subali’t pansinin: Ipinatalastas ng makalangit na hiyaw na si Satanas ay may “kaunting panahon na lamang.” Kaya ang orihinal na hula sa Genesis 3:15 ay papalapit na sa tiyak na kasukdulan nito. Ang ahas, ang binhi nito, ang babae, at ang kaniyang binhi ay pawang kilala na. Ang Binhi ay ‘sinugatan sa sakong,’ nguni’t siya ay gumaling. Hindi magtatagal at magsisimula na ang pagdurog kay Satanas (at sa kaniyang binhi) sa ilalim ng nagpupuno-nang-Hari ng Diyos, si Kristo Jesus.

      29 Mangangahulugan ito ng malalaking pagbabago sa tanawin ng daigdig. Kasama ni Satanas, ang lahat ng mapatutunayang binhi niya ay aalisin. Gaya ng inihula ng mang-aawit: “Sandali na lamang, at ang masama ay mawawala na; at kapag siya ay hinanap mo, ay tiyak na hindi mo na siya makikita.” (Awit 37:10) Ito’y magiging sukdulang pagbabago! Pagkatapos, ay matutupad din ang kasunod na mga salita ng mang-aawit: “Nguni’t ang maaamo ay magmamana ng lupa, at tiyak na makakasumpong sila ng pantanging kagalakan sa kasaganaan ng kapayapaan.”​—Awit 37:11.

      30. Bakit talagang lihis sa katotohanan ang mga nag-aalinlangan sa pagiging-kinasihan ng Bibliya at maging sa pag-iral ng Diyos?

      30 Sa paraang ito, ang kapayapaan ay pasasapitin na rin ng “Prinsipe ng Kapayapaan” sa buong sangkatauhan. Pangako ito ng Bibliya, gaya ng nakita natin sa Isaias 9:6, 7. Sa mapag-alinlangang panahong ito, marami ang nagsasabi na lihis ito sa katotohanan. Nguni’t may maiaalok ba ang tao bilang kahalili? Wala! Sa kabilang dako, ang pangakong ito ay maliwanag na isinasaad sa Bibliya, at ang Bibliya ay ang hindi nagmimintis na Salita ng Diyos. Ang mga nag-aalinlangan ang talagang hindi makakatotohanan. (Isaias 55:8, 11) Niwawalang-bahala nila ang Diyos, na kumasi sa Bibliya at na siyang pinakadakilang katotohanan sa lahat.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share