Buhat sa Daan ng Kamatayan Tungo sa Daan ng Buhay
MATAGAL ding ang aking buhay ay pinapangit ng aking pagiging sugapa sa droga. Ako’y nagsimula sa mahihinang droga at nagtapos sa matatapang, tulad halimbawa ng LSD. Ang mga droga ay sumagisag sa paglaya buhat sa lahat ng uri ng personal at panlipunang mga suliranin. Nakalulungkot nga, hinimok ko pa ang mga ibang kabataan na sumama sa akin sa paglakad sa daan na patungo sa kamatayan.
Yamang ako’y kilala sa pagiging isang tagapagbenta ng ibinabawal na gamot, ako’y laging minamatyagan ng pulisya. Inaamin kong ako’y natatakot, sapagkat batid ko na kung ako’y maaaresto ay mga taon ang bibilangin ko sa bilangguan. Bagaman ako’y namumuhay sa gitna ng dalamhati, iyon ay hindi nakapagpabago ng aking lakad.
Sinikap ng aking mga magulang na tulungan ako at dinala ako sa isang pagamutan ng mga may kapansanan ang isip. Inasahan na ang gamot at ang paraan ng paggamot na ibinibigay roon ay makalulutas ng aking suliranin, subalit pagkalabas na pagkalabas ko, natalos ng aking mga magulang na kahit na ang pagkagamot sa akin ay hindi nagpabago sa akin. Sinikap nilang tulungan pa rin ako na makipag-usap sa isang pari. Ito’y wala ring nagawa. Ako’y humitit ng marijuana at uminom ako sa mismong harapan niya, na para bagang wala siya sa harap ko. Talagang hindi ko gustong magbago!
Ang aking kasintahan, si Oriana, ay tutol na tutol sa aking paraan ng pamumuhay, at hindi ko gustong iwanan niya ako. Sa gayon, ito’y waring isang mabuting pangganyak upang ako’y magbago. Subalit, sa halip, ako ay nagpatuloy ng lihim na paggamit ng droga. Pinapaniwala ko si Oriana na ako’y maysakit. Hindi nagtagal at ako’y mistulang napahamak na. Patuloy na ipinangangako ko sa aking sarili na hihinto na ako, na magagawa ko iyon, ngunit iyon ay naging walang kabuluhan. Lalo lamang akong napalulong at malayo na ang nararating sa daan na patungo sa kamatayan.
Yamang ibig kong maging asawa si Oriana sa pinakamadaling panahon, kami’y nakipagkasundo sa isang interior decorator upang gumawa ng ilang trabaho sa aming apartment. Ang kaniyang maybahay ay isa sa mga Saksi ni Jehova, at siya’y nakipag-usap sa amin tungkol sa kaniyang pananampalataya. Sa simula ang pag-uusap na iyon ay nakapag-iwan ng lalong matinding impresyon kay Oriana kaysa sa akin, subalit habang nagpapatuloy iyon, natanto ko na ang mga Saksi ni Jehova ay matatag na naniniwalang sa malapit na hinaharap ang lupang ito ay gagawin ng Diyos na isang paraiso at na ang mga tao’y mamumuhay rito magpakailanman sa kapayapaan.
Ibig kong alamin para sa aking sarili kung totoo nga na “kahit na ngayon ang mga Saksi ni Jehova ay nagpapakita ng pag-ibig at paggalang sa isa’t isa,” gaya ng sabi ng babae. Kaya’t si Oriana at ako ay nagtungo sa Kingdom Hall. Medyo nahihiya ako dahilan sa aking mahabang buhok at sa aking nanlilimahid na pananamit, subalit ang pagtanggap sa amin ng mga Saksi ang nagpadama sa akin agad na ako’y nasa aming sariling tahanan. Nadama kong mapagkakatiwalaan ko sila. Maliwanag na ang taimtim na pag-iibigan at paggalang sa isa’t isa ay tunay na nagaganap sa gitna nila.
Mula na nang araw na iyon, ako’y nagsimulang palagiang dumalo sa mga pulong Kristiyano, at nagsimula akong makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ako’y nagpagupit at binago ko ang istilo ng aking damit, at bagaman mahirap, nagawa ko na huminto ng paninigarilyo at paggamit ng mga droga. (2 Corinto 7:1) Gayumpaman, ako’y mayroon pang isang malubhang suliranin sa aking buhay. Bagaman hindi ko natatalos iyon, ako pala ay naging isang alkoholiko na. Pagka ako’y umiinom, ako’y nagkakaroon ng suliranin. Ako’y nakikipagtalo sa mga tao at ipinagseselos ko si Oriana. Dumanas ako ng matinding pamamanglaw. (Kawikaan 23:29-35) Pinagsikapan kong iwaksi ang bisyo, at sa tulong ni Jehova sa bisa ng panalangin, at sa tulong ng mga kapatid na Kristiyano, nagawa kong ihinto ang masamang bisyong ito.
Kaming mag-asawa ay nabautismuhan noong Agosto 23, 1974. Salamat sa katotohanan, at ang aming buhay ngayon ay mayroon nang kabuluhan. Magmula nang ako’y muling magkaroon ng pagtitiwala sa sarili, ako’y iginalang din sa aking trabaho. Kaming mag-asawa ay kapuwa kumikita nang malaki, subalit aming natanto na kaunti lamang panahon ang nalalabi para sa aming banal na paglilingkod. Kung ibig naming magtamo ng isang lalong matalik na kaugnayan kay Jehova, kailangang gumawa kami ng mga pagbabago sa aming buhay. Kung hindi gayon, may panganib na manlamig ang aming unang pag-ibig sa katotohanan. Kaya’t noong 1979 kami’y nagsimulang magpayunir, anupa’t lalo naming puspusang dinibdib ang gawaing pangangaral.
Bakit gumawa ako ng ganitong pagpapasiya? Bueno, nasaan kaya kami ngayon kung wala sa amin ang ilaw ng katotohanan? Yaong mga taong kasama ko noon na lumalakad sa daan patungo sa kamatayan ay mga lasenggo ngayon o wala na silang pamilya o sila’y nangakabilanggo—o mga patay na. Subalit, ang mensahe ng Bibliya ang nagpalaya sa akin. Ang paggamot at ang matatag na pasiya ay hindi sapat. Kailangan ang matinding pangganyak. Ang pagsisikap na paunlarin ang tunay na pakikipagkaibigan kay Jehova, ang Maylikha, ang nagbibigay ng gayong pangganyak. Ngayon, taimtim na hinahangad ko na gawin ang lahat ng magagawa ko upang tulungan yaong mga taong alipin ng bisyong droga, pati na rin yaong mga nagdurusa o naghahangad na malunasan ang kanilang mga suliranin. Sa pamamagitan ng masigasig na pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano, ganyang-ganyan ang ginagawa naming mag-asawa. Kami’y nagkaroon ng pribilehiyo na tulungan ang maraming tao upang makalakad sa daan na patungo sa buhay. Kabilang sa mga ito ang tatlong tao na sa kanila’y ako mismo ang nagpakilala ng droga. Sa kasalukuyan ako ay naglilingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa sa gawing hilaga ng Italya.
Totoo: Ang pag-abuso sa droga ay tulad sa isang daan na sa malao’t madali ay aakay sa iyo sa kamatayan o kung hindi man ay sa isang walang kabuluhang buhay na walang kinabukasan. Kulang ang salita upang maipahayag ko ang aking pasasalamat sa Diyos na Jehova! Siya ang nagturo sa akin ng daan upang makalabas sa kadiliman na kinaroroonan ko at itinuro niya sa akin ang daang patungo sa buhay na puspos ng liwanag, at umaakay tungo sa isang walang-hanggang kinabukasan.—Ayon sa pagkalahad ni Ruggero Polotti.