-
Ang Isyu—Kung Paano Ito Nagsimulang LahatGumising!—2003 | Enero 8
-
-
Ang Isyu—Kung Paano Ito Nagsimulang Lahat
ANG STRATTON, OHIO, E.U.A., ay isang maliit na pamayanan na malapit sa Ohio River, na naghihiwalay sa Ohio at West Virginia. Isa itong nayon na may alkalde. Ang maliit na pamayanang ito na wala pang 300 ang naninirahan ay naging sentro ng kontrobersiya noong 1999 nang obligahin ng mga awtoridad ang mga Saksi ni Jehova, pati na ang iba pa, na kumuha ng isang permit bago dumalaw sa mga tahanan ng mga tagaroon taglay ang kanilang mensaheng salig sa Bibliya.
Bakit mahalaga ang isyung ito? Habang binabasa mo ang aming ulat, makikita mo na aktuwal na lilimitahan ng ordinansa at pagkontrol na ito ng gobyerno ang mga karapatan sa kalayaan sa pagsasalita hindi lamang ng mga Saksi ni Jehova kundi ng lahat ng nakatira sa Estados Unidos.
Kung Paano Nagkaroon ng Kaso
Ang mga residente ng Stratton ay maraming taon nang dinalaw ng mga ministro ng Wellsville Congregation ng mga Saksi ni Jehova sa lugar na iyon. At ang mga ministrong ito ay nagkaroon ng mga problema sa ilang lokal na opisyal may kaugnayan sa gayong ministeryo sa bahay-bahay mula noong 1979. Noong unang mga taon ng dekada ng 1990, itinaboy mula sa bayan ng isang lokal na opisyal ng pulisya ang isang grupo ng mga Saksi, na sinasabi: “Wala akong pakialam sa inyong mga karapatan.”
Ang problema ay dumating sa sukdulan noong 1998 nang personal na komprontahin ng alkalde ng Stratton ang apat sa mga Saksi ni Jehova. Papalabas sila ng nayon pagkatapos bumalik doon upang makipag-usap sa mga residenteng nagpakita ng interes sa mga usapang salig sa Bibliya. Ayon sa isa sa mga babaing kinompronta, sinabi ng alkalde na kung sila ay mga lalaki, ipakukulong niya sila.
Ang sanhi ng huling salungatan ay ang ordinansa ng nayon na “Isailalim sa Regulasyon ang Di-ninanais na Paglalako at Pangingilak sa Pribadong Ari-arian,” na humihiling sa sinumang nagnanais makibahagi sa gawaing pagbabahay-bahay na kumuha ng permit, nang walang bayad, mula sa alkalde. Minamalas ng mga Saksi ni Jehova ang ordinansang ito bilang isang paglabag sa kalayaan sa pagsasalita, kalayaan sa pagsasagawa ng relihiyon, at kalayaan sa pamamahayag. Kaya, nagsampa sila ng demanda sa hukumang pederal nang tanggihan ng nayon na baguhin ang kanilang pagpapatupad sa ordinansang ito.
Noong Hulyo 27, 1999, nagkaroon ng bista sa sala ng huwes sa pandistritong hukuman ng Estados Unidos para sa Timugang Distrito ng Ohio. Sinabi niya na naaayon sa konstitusyon ang ordinansa ng nayon na pagkuha ng permit. Pagkatapos, noong Pebrero 20, 2001, pinagtibay rin ng U.S. Court of Appeals for the Sixth Circuit ang pagiging naaayon sa konstitusyon ng ordinansa.
Upang malutas ang isyu, hiniling ng Watchtower Bible and Tract Society of New York at ng Wellsville Congregation ng mga Saksi ni Jehova sa lugar na iyon na repasuhin ng Korte Suprema ng Estados Unidos ang kaso.
-
-
Tinanggap ng Korte Suprema ang KasoGumising!—2003 | Enero 8
-
-
Tinanggap ng Korte Suprema ang Kaso
NITONG NAKARAANG MGA TAON, tinatanggap ng Korte Suprema taun-taon ang pormal at nasusulat na opinyon ng mga 80 hanggang 90 kaso mula sa mahigit na 7,000 kahilingan—mahigit lamang sa 1 porsiyento!
Noong Mayo 2001, isinampa ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang Petisyon para sa isang Writ of Certiorari (nasusulat na kahilingan mula sa mataas na hukuman upang ipadala ng mababang hukuman ang mga rekord ng isang kaso para suriin itong muli) sa Korte Suprema, na nagtatanong: “Ayon sa konstitusyon, masasabi bang ang mga relihiyosong ministro na nakikibahagi sa gawaing salig sa Kasulatan at dantaon nang nakikipag-usap tungkol sa kanilang relihiyosong mga paniniwala sa bahay-bahay ay katumbas ng mga tagapaglako ng kalakal, anupat obligado silang sundin ang mga pagbabawal malibang kumuha sila ng pahintulot sa munisipyo upang makipag-usap tungkol sa Bibliya o mag-alok ng mga literaturang salig sa Bibliya nang walang bayad?”
Noong Oktubre 15, 2001, binigyan ng notisya ang Legal Department ng Watchtower na tinanggap na ng Korte Suprema ng Estados Unidos ang Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., et al. v. Village of Stratton et al. para suriin itong muli!
Tinakdaan ng Korte ang pagtanggap nito sa kaso salig sa espesipikong isyu may kinalaman sa kalayaan sa pagsasalita, yaon ay, kung kasali ba sa ipinagsasanggalang ng Unang Susog (First Amendment) sa kalayaan sa pagsasalita ang karapatan ng mga tao na makipag-usap sa iba tungkol sa isang bagay nang hindi muna ipinakikilala ang kanilang sarili sa ilang awtoridad ng pamahalaan.
Ngayon, kailangan ang bibigang argumento ng mga abogado ng magkabilang panig hinggil sa kaso sa harap ng siyam na hukom ng Korte Suprema ng Estados Unidos. Naroroon ang mga abogado ng mga Saksi; at ang mga abogado ng Nayon ng Stratton. Ano kaya ang mangyayari sa hukuman?
[Kahon sa pahina 5]
ANO BA ANG UNANG SUSOG?
“SUSOG I (ANG PAGTATATAG NG RELIHIYON; KALAYAAN SA RELIHIYON, PAGSASALITA, PAMAMAHAYAG, PAGTITIPON, PETISYON) Ang Kongreso ay hindi gagawa ng batas may kaugnayan sa pagtatatag ng relihiyon, o sa pagbabawal sa malayang pagsasagawa nito; o sa pagbabawas ng kalayaan sa pagsasalita o sa pamamahayag; o sa karapatan ng mga tao na magtipon nang mapayapa, at magpetisyon sa Pamahalaan na alisin ang sanhi ng mga karaingan.”—Ang Konstitusyon ng Estados Unidos.
“Ang Unang Susog ay siyang saligan ng demokratikong proseso sa Estados Unidos. Ipinagbabawal ng Unang Susog na pagtibayin ng Kongreso ang mga batas na naghihigpit sa kalayaan sa pagsasalita, sa pamamahayag, sa mapayapang pagtitipon, o sa pagpepetisyon. Itinuturing ng maraming tao ang kalayaan sa pagsasalita na siyang pinakamahalagang kalayaan at ang saligan ng lahat ng iba pang mga kalayaan. Ipinagbabawal din ng Unang Susog na pagtibayin ng Kongreso ang mga batas na nagtatatag ng isang relihiyon ng estado o naghihigpit sa kalayaan ng relihiyon.” (The World Book Encyclopedia) Kapansin-pansin, sa Cantwell v. Connecticut, 310 U.S. 296 (1940), isang mahalagang desisyon na kinasasangkutan din ng mga Saksi ni Jehova, nagpasiya ang Korte Suprema ng Estados Unidos na ang mga garantiya ng Unang Susog ay nagbabawal hindi lamang sa “Kongreso” (ang pederal na pamahalaan) kundi sa lokal na mga awtoridad din naman (estado at munisipyo) na pagtibayin ang mga batas na lalabag sa mga karapatan ng Unang Susog at hindi ayon sa konstitusyon.
[Mga larawan sa pahina 5]
Photograph by Franz Jantzen, Collection of the Supreme Court of the United States
[Picture Credit Line sa pahina 4]
Apektado ang iba’t ibang anyo ng pagbabahay-bahay sa kasangkot na isyu
-
-
Ang Unang Hakbang—Bibigang Argumento sa Korte SupremaGumising!—2003 | Enero 8
-
-
Ang Unang Hakbang—Bibigang Argumento sa Korte Suprema
ITINAKDA ANG PETSA para sa bibigang argumento sa harap ng punong hukom na si William Rehnquist at ng walong kasamang mga hukom ng Korte Suprema noong Pebrero 26, 2002. Ang mga kapakanan ng mga Saksi ni Jehova ay kinatawan ng isang pangkat ng apat na abogado.
Sinimulan ng nangungunang abogado para sa mga Saksi ang kaniyang argumento sa pamamagitan ng nakatatawag-pansing pambungad: “Alas 11:00 noon ng umaga ng Sabado sa Nayon ng Stratton. [Pagkatapos ay kumatok siya nang tatlong ulit sa podyum.] ‘Magandang umaga po. Dahil sa mga pangyayari kamakailan, gumawa po ako ng pantanging pagsisikap na magtungo sa inyong bahay upang ipakipag-usap sa inyo ang tungkol sa binanggit ni Propeta Isaias na isang bagay na mas mabuti. Ito po ang mabuting balita na binanggit ni Kristo Jesus, ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.’”
Nagpatuloy siya: “Isang krimen ang magtungo sa bahay-bahay sa Nayon ng Stratton at magdala ng mensahe malibang ang isa ay kumuha muna ng permit mula sa mga awtoridad upang gawin iyon.”
‘Hindi Kayo Humihingi ng Pera?’
Nagbangon ng ilang nauugnay na tanong si Hukom Stephen G. Breyer para sa mga Saksi. Nagtanong siya: “Totoo ba na ang iyong mga kliyente ay hindi humihingi ng anumang pera, kahit isang kusing, at [na] hindi sila nagtitinda ng mga Bibliya, at wala silang ipinagbibili, sinasabi lamang nilang, ‘Gusto ko pong makipag-usap sa inyo tungkol sa relihiyon’?”
Sumagot ang abogado para sa mga Saksi: “Kagalang-galang na Hukom, maliwanag po ang sinasabi ng rekord na hindi humihingi ng pera ang mga Saksi ni Jehova sa Nayon ng Stratton. Maliwanag din ang rekord sa iba pang dako na kung minsan ay binabanggit nila ang isang kusang-loob na donasyon. . . . Hindi kami nangingilak ng salapi. Sinisikap lamang naming makausap ang mga tao tungkol sa Bibliya.”
Kailangan ba ang Pahintulot ng Pamahalaan?
May-pang-unawang tinanong ni Hukom Antonin Scalia: “Hindi ba’t sa pangmalas mo ay hindi na kailangan pang magtungo sa alkalde at humingi ng pahintulot upang makipag-usap sa isang kapitbahay tungkol sa isang bagay na kawili-wili?” Sumagot ang abogado ng mga Saksi: “Hindi kami naniniwalang dapat sang-ayunan ng Hukumang ito ang regulasyon ng isang Pamahalaan na humihiling sa isang mamamayan na kumuha ng isang lisensiya upang makipag-usap sa isa pang mamamayan sa tahanan nito.”
Pagbabago ng mga Argumento, Pagbabago ng Saloobin
Pagkakataon na ngayon ng Nayon na iharap ang kaso nito. Ipinaliwanag ng nangungunang abogado na kumakatawan sa nayon ang ordinansa ng Stratton, na sinasabing: “Ginagamit ng Stratton ang kapangyarihan ng pulisya nito kapag ipinagsasanggalang nito ang pribadong buhay ng mga residente nito, kapag hinahadlangan nito ang krimen. Ang ordinansa nito hinggil sa hindi pangangambas o pangingilak sa pribadong ari-arian ay humihiling lamang ng patiunang pagpaparehistro at pagdadala ng isang permit sa panahon ng gawaing pagbabahay-bahay.”
Tinumbok agad ni Hukom Scalia ang pinakadiwa nito nang magtanong siya: “May nalalaman ba kayong anumang ibang kaso natin [ng Korte Suprema] na nagsasangkot ng isang ordinansang ganito ang saklaw, tungkol sa pangingilak, hindi paghingi ng pera, hindi pagtitinda ng kalakal, subalit halimbawa ay nagsasabing, ‘Nais kong makipag-usap sa inyo tungkol kay Jesu-Kristo,’ o ‘Nais kong makipag-usap sa inyo tungkol sa pangangalaga sa kapaligiran?’ Nagkaroon ba tayo ng gayong kaso?”
Nagpatuloy si Hukom Scalia: “Wala akong nalalamang gayong kaso, sa loob ng mahigit na dalawang dantaon.” May-katalinuhan namang sumagot si Punong Hukom Rehnquist: “Hindi ka naman nabuhay nang gayon kahaba.” Nagtawanan sa loob ng hukuman. Ipinagpatuloy ni Hukom Scalia ang kaniyang argumento: “Ang saklaw ng bagay na ito ay bago sa akin.”
Isang Ekselenteng Ideya?
Nagbangon ng isang makatuwirang tanong si Hukom Anthony M. Kennedy: “Para sa iyo ay isang ekselenteng ideya na humingi ako ng pahintulot sa Pamahalaan bago ako magtungo sa isang kalye, kung saan hindi ko kilala ang lahat ng tao, [at] sasabihin kong nais ko kayong makausap sapagkat nababahala ako sa pangongolekta ng basura, sapagkat nababahala ako sa ating Kongresista, o anupaman. Kailangan ko pa bang humingi ng pahintulot sa Pamahalaan bago ko magawa iyan?” Sinabi pa niya, “Pambihira naman ito.”
Pagkatapos, sumali na rin sa argumento si Hukom Sandra Day O’Connor at nagtanong: “Buweno, kumusta naman ang mga batang nagbabahay-bahay kapag panahon ng halloween na humihingi ng kendi? Kailangan ba nilang kumuha ng permit?” Itinaguyod kapuwa nina Hukom O’Connor at Scalia ang pangangatuwirang ito. Iniharap ni Hukom O’Connor ang isa pang argumento: “Kumusta naman ang panghihiram ng isang tasang asukal sa iyong kapitbahay? Kailangan ko bang kumuha ng permit upang manghiram ng isang tasang asukal sa aking kapitbahay?”
Mga Kambaser ba ang mga Saksi?
Nagtanong si Hukom David H. Souter: “Bakit saklaw ng ordinansa ang mga Saksi ni Jehova? Sila ba’y mga kambaser, tagapangilak, tagapaglako, tagapagbenta sa bahay-bahay, o naglalakbay na mga mangangalakal? Hindi sila gayon, di ba?” Detalyadong sinipi ng abogado ng Nayon ang ordinansa at idinagdag pa na sinabi ng nakabababang hukuman na ang mga Saksi ni Jehova ay mga kambaser. Sa bagay na ito, sinabi ni Hukom Souter bilang tugon: “Kung gayon, napakalawak ng pagbibigay-kahulugan mo sa salitang mga kambaser, kung kasali rito ang mga Saksi ni Jehova.”
Pagkatapos ay sinipi ni Hukom Breyer ang kahulugan na ibinigay ng diksyunaryo sa salitang kambaser upang ipakita na hindi ito kumakapit sa mga Saksi. Sinabi pa niya: “Wala akong nabasang anuman sa iyong balangkas ng argumento na nagsasabi kung ano ang layunin upang hilingan ang mga taong ito [mga Saksi ni Jehova] na hindi interesado sa pera, hindi interesadong magtinda, hindi pa nga interesado sa mga boto, na magtungo sa bahay-pamahalaan ng lunsod at magparehistro. Ano ang layunin ng lunsod?”
Ang “Pribilehiyo” ng Komunikasyon
Pagkatapos, nangatuwiran ang abogado ng Nayon na “ang layunin ng lunsod ay hadlangan ang pang-aabala sa may-ari ng bahay.” Ipinaliwanag pa niya na ito’y upang ipagsanggalang ang mga residente mula sa pandaraya at sa mga kriminal. Sinipi ni Hukom Scalia ang ordinansa upang ipakita na makahihiling ang alkalde ng higit pang impormasyon tungkol sa nagpapatala at sa kaniyang layunin upang “mailarawan nang tumpak ang uri ng pribilehiyo na ninanais.” Mariin niyang idinagdag: “Ayon sa ordinansa, isang pribilehiyo ang paglilibot upang hikayatin ang iyong mga kapuwa mamamayan tungkol sa iba’t ibang bagay—hindi ko maunawaan ang pagiging makatuwiran niyan.”
Nagtanong muli si Hukom Scalia: “Kaya dapat bang hilingan ang lahat ng tumitimbre sa pinto na makuhanan muna ng tatak ng mga daliri sa bahay-pamahalaan ng lunsod bago [siya] maaaring tumimbre sa pinto? Sapat bang dahilan ang maliit na panganib na baka may mangyaring krimen upang hilingan ang lahat na nagnanais tumimbre sa pinto na magparehistro sa bahay-pamahalaan ng lunsod? Siyempre pa, hindi.”
Ipinagsasanggalang ba ang mga Residente?
Nang matapos na ang 20 minutong ibinigay sa kaniya, iniabot ng abogado ng Nayon ang argumento sa solicitor general para sa estado ng Ohio. Nangatuwiran siya na ang ordinansang nagbabawal sa pangingilak ay nagsasanggalang sa mga residente mula sa mga pagdalaw ng isang estranghero, “tiyak na isang di-inanyayahang tao, [na] naririto sa aking ari-arian . . . at sa palagay ko ay may karapatan ang nayon na magsabi na, ‘Nababahala kami sa ganiyang uri ng gawain.’ ”
Pagkatapos, sinabi ni Hukom Scalia: “Sinasabi ng nayon na kahit na yaong mga taong tumatanggap sa mga Saksi ni Jehova, na nakaupo roon nang malungkot, na gustung-gusto nilang may makausap hinggil sa anumang bagay, gayunman ang mga taong ito [mga Saksi ni Jehova] ay kailangan pang magparehistro sa alkalde upang magkaroon ng pribilehiyo na tumimbre sa kanilang pinto.”
“Isang Lubhang Makatuwirang Paghihigpit”
Noong panahon ng pagtatanong, nagbigay ng mapuwersang punto si Hukom Scalia nang sabihin niya: “Tayong lahat ay maaaring sumang-ayon na ang pinakaligtas na mga lipunan sa daigdig ay ang mga pamamahalang diktadura. Napakakaunti ng krimen. Isa itong karaniwang katotohanan, at isa sa kapalit ng kalayaan sa paanuman ay ang labis na manganib sa mga gawaing labag sa batas, at ang isyu ay kung mapahihinto ba ng ordinansang ito ang gawaing labag sa batas upang maging sulit ang paghiling ng pribilehiyo na tumimbre sa pinto ng iba.” Pagkatapos ay sumagot ang solicitor general na “ito’y isang lubhang makatuwirang paghihigpit.” Sumagot naman si Hukom Scalia na ito’y lubhang makatuwiran anupat “wala kaming makitang kahit na isang kaso na nag-uulat hinggil sa isang munisipyo na kailanma’y pinagtibay ang isang ordinansang gaya nito. Sa palagay ko’y hindi ito makatuwiran.”
Sa wakas, dahil sa nagipit ng isa sa mga hukom, kailangang aminin ng solicitor general: “Atubili akong sabihin na talagang ipagbawal nga ninyo ang pagtimbre o pagkatok sa mga pinto.” Nang masabi iyon, natapos ang kaniyang argumento.
Bilang sagot sa paratang, binanggit ng abogado ng mga Saksi na ang ordinansa ay walang paraan upang patunayan ang sinabi ng isang tao. “Maaari akong magtungo sa bulwagang-bayan ng nayon at magsabi, ‘Ako po’y si [ganoon-at-ganito],’ at kukuha ng permit at magtutungo sa bahay-bahay.” Binanggit din niya na ang alkalde ay may kapangyarihang tumangging magbigay ng permit sa isang tao na nagsasabing hindi siya nauugnay sa isang organisasyon. “Naniniwala kami na ito’y maliwanag na paghatol sa isang bagay,” aniya at sinabi pa: “May-paggalang kong binabanggit na ang aming [ng mga Saksi ni Jehova] gawain ay kasuwato nga sa diwa ng Unang Susog.”
Di-nagtagal pagkaraan nito, tinapos ni Punong Hukom Rehnquist ang bibigang mga argumento, na sinasabing: “Ang kaso ay isinumite [sa Korte Suprema].” Ang buong proseso ay tumagal lamang nang mahigit sa isang oras. Kung gaano kahalaga ang oras na iyon ay makikita sa nasusulat na hatol na ibinalita noong Hunyo.
[Mga larawan sa pahina 6]
Punong Hukom Rehnquist
Hukom Breyer
Hukom Scalia
[Credit Lines]
Rehnquist: Collection, The Supreme Court Historical Society/Dane Penland; Breyer: Collection, The Supreme Court Historical Society/Richard Strauss; Scalia: Collection, The Supreme Court Historical Society/Joseph Lavenburg
[Mga larawan sa pahina 7]
Hukom Souter
Hukom Kennedy
Hukom O’Connor
[Credit Lines]
Kennedy: Collection, The Supreme Court Historical Society/Robin Reid; O’Connor: Collection, The Supreme Court Historical Society/Richard Strauss; Souter: Collection, The Supreme Court Historical Society/Joseph Bailey
[Larawan sa pahina 8]
Loob ng silid hukuman
[Credit Line]
Photograph by Franz Jantzen, Collection of the Supreme Court of the United States
-
-
Nagdesisyon ang Korte Suprema Pabor sa Kalayaan sa PagsasalitaGumising!—2003 | Enero 8
-
-
Nagdesisyon ang Korte Suprema Pabor sa Kalayaan sa Pagsasalita
DUMATING ANG NAPAKAHALAGANG ARAW noong Hunyo 17, 2002, nang ilathala ng Korte Suprema ang nasusulat na desisyon nito. Ano ba ang desisyon? Ipinaalam ng mga ulong balita sa pahayagan ang resulta. Ipinahayag ng The New York Times: “Inalis ng Hukuman ang mga Limitasyon Hinggil sa mga Pagdalaw ng mga Saksi ni Jehova.” Ganito ang sinabi ng The Columbus Dispatch ng Ohio: “Pinawalang-saysay ng Mataas na Hukuman ang Kahilingan sa Pagkuha ng Permit.” Sinabi naman ng The Plain Dealer ng Cleveland, Ohio: “Hindi na Kailangang Kumuha ng Permit Mula sa Bahay-Pamahalaan ng Lunsod ang mga Nangingilak.” Ipinahayag ng pahinang nasa kabila ng editoryal ng USA Today: “Nagtagumpay ang Kalayaan sa Pagsasalita.”
Nabaligtad ang mga desisyon ng nakabababang hukuman laban sa mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng boto na 8 sa 1! Isinulat ni Hukom John Paul Stevens ang opisyal na 18-pahinang Opinyon ng Korte. Ang desisyon ay isang matibay na muling pagpapatunay sa proteksiyon na ipinagkakaloob ng Unang Susog sa pangmadlang ministeryo ng mga Saksi ni Jehova. Sa nasusulat na opinyon nito, ipinaliwanag ng Korte na hindi kumukuha ng permit ang mga Saksi dahil sinasabi nilang “ang kanilang awtoridad na mangaral ay mula sa Kasulatan.” Pagkatapos ay sinipi ng Hukuman ang patotoong binabanggit sa kanilang nasusulat na argumento: “Itinuturing namin na halos isang pag-insulto sa Diyos ang paghingi mula sa isang munisipyo ng permit upang mangaral.”
Ganito ang sinasabi ng Opinyon ng Korte: “Sa loob ng mahigit na 50 taon, pinawalang-saysay ng Korte ang mga paghihigpit sa pangangambas at pamamahagi ng mga pamplet sa bahay-bahay. Hindi lamang nagkataon sa kasaysayan na ang karamihan sa mga kasong ito ay mga isyu na may kaugnayan sa mga karapatan sa ilalim ng Unang Susog na iniharap ng mga Saksi ni Jehova, sapagkat ang pangangambas sa bahay-bahay ay kahilingan sa kanilang relihiyon. Gaya ng nakita natin sa Murdock v. Pennsylvania, . . . (1943), ‘sinasabi ng mga Saksi ni Jehova na sinusunod nila ang halimbawa ni Pablo, na nangangaral “nang hayagan, at sa bahay-bahay.” Gawa 20:20. Literal nilang sinusunod ang utos ng Kasulatan, “Magsiyaon kayo sa buong sanlibutan, at ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng kinapal.” Marcos 16:15. Sa paggawa nito, naniniwala sila na sinusunod nila ang utos ng Diyos.’”
Pagkatapos, muling sumipi ang Opinyon mula sa kaso noong 1943: “Ang anyong ito ng relihiyosong gawain ay nagtataglay ng kagalang-galang na katayuan sa ilalim ng Unang Susog na katulad ng pagsamba sa mga simbahan at pangangaral mula sa mga pulpito. May karapatan din itong tumanggap ng proteksiyong katulad ng ibinibigay sa higit na maka-ortodokso at mas kombensiyonal na mga gawain ng relihiyon.” Sa pagsipi sa isang kaso noong 1939, sinabi ng Opinyon: “Ang pagsensura sa pamamagitan ng pagkuha ng lisensiya anupat nagiging imposible ang malaya at walang hadlang na pamamahagi ng mga pamplet ay banta sa mismong mga pundasyon na iginagarantiya ng konstitusyon,”—Kanila ang italiko.
Saka nagbigay ng mahalagang pahayag ang Korte: “Ipinakikita ng mga kaso na ang mga pagsisikap ng mga Saksi ni Jehova na labanan ang pagkontrol sa pagsasalita ay hindi isang pakikipagpunyagi para lamang sa kanilang mga karapatan.” Ipinaliwanag ng Opinyon na “hindi lamang [ang mga Saksi] ang ‘mga karaniwang tao’ na nanganganib patahimikin sa pamamagitan ng mga regulasyon na gaya niyaong ordinansa ng Nayon.”
Sinabi pa ng Opinyon na ang ordinansa “ay nakaiinsulto—hindi lamang sa mga simulaing ipinagsasanggalang ng Unang Susog, kundi sa mismong ideya ng isang malayang lipunan—na sa kalagayan ng araw-araw na pakikipag-usap sa iba, dapat munang ipagbigay-alam ng isang mamamayan sa pamahalaan ang kaniyang pagnanais na makipag-usap sa kaniyang mga kapitbahay at pagkaraan ay kumuha ng isang permit upang gawin iyon. . . . Ang isang batas na humihiling ng isang permit upang makipag-usap sa iba ay lubhang paglayo sa ating pambansang pamana at konstitusyonal na tradisyon.” Pagkatapos ay binanggit ng Opinyon ang “lubhang mapanganib na epekto ng gayong kahilingan na pagkuha ng permit.”
Banta ng mga Krimen
Kumusta naman ang palagay na ang permit ay isang pag-iingat laban sa mga magnanakaw at iba pang mga kriminal? Ang Korte ay nangatuwiran: “Sa kabila ng pagkilalang makatuwiran naman ang mga pagkabahalang ito, maliwanag mula sa naunang mga kaso na dapat maging timbang sa pagitan ng mga ikinababahalang ito at ng epekto ng mga regulasyon sa mga karapatan sa ilalim ng Unang Susog.”
Nagpatuloy ang Opinyon ng Korte: “Hindi ito nangangahulugan na komo walang permit ay hindi na kakatok sa mga pinto ang mga kriminal at makikipag-usap tungkol sa mga bagay na hindi saklaw ng ordinansa. Halimbawa, maaari silang magtanong ng direksiyon o humingi ng pahintulot na makigamit ng telepono, . . . o maaari silang magparehistro sa ilalim ng huwad na pangalan nang hindi naparurusahan.”
Sa pagsangguni sa mga desisyon noong dekada ng 1940, sumulat ang Korte: “Ang mga pananalitang ginamit sa mga opinyon noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II na paulit-ulit na nagligtas sa mga karelihiyon ng mga nagpetisyon [Watch Tower Society] mula sa makitid ang isip na pagsasakdal ay nagpapakita sa ebalwasyon ng Korte hinggil sa mga kalayaan sa ilalim ng Unang Susog na nasasangkot sa kasong ito.”
Ano ang konklusyon ng Korte? “Binaligtad ang hatol ng Court of Appeals, at ibinalik dito ang kaso upang ipagpatuloy pa ang paglilitis na kasuwato ng opinyong ito. Ito ang aming utos.”
Kaya, ang huling kinalabasan ng kaso ay, gaya ng binanggit sa Chicago Sun-Times, “Sinuportahan ng Hukuman ang mga Saksi ni Jehova,” at iyan ay sa nakararaming boto na 8 sa 1.
Kumusta Naman sa Hinaharap?
Paano minalas ng mga Saksi ni Jehova sa kalapit na Wellsville Congregation ang tagumpay na ito sa Korte Suprema? Tiyak na walang dahilan upang ipagyabang ito sa ikapapahiya naman ng mga naninirahan sa Stratton. Ang mga Saksi ay hindi nagkikimkim ng sama ng loob sa kagalang-galang na mga tao ng nayon. Si Gregory Kuhar, isang Saksing tagaroon, ay nagsabi: “Ang kasong ito sa korte ay isang bagay na hindi namin gustong gawin. Ang ordinansa sa ganang sarili ay talagang mali. Ang ginawa namin ay hindi lamang para sa amin, kundi para sa lahat.”
Ipinakikita ng mga katotohanan na ang mga Saksi ay gumawa ng pantanging pagsisikap upang huwag pukawin sa galit ang mga tao roon. Ganito ang paliwanag ni Gene Koontz, isa pang Saksi: “Ang huling pagkakataon na nangaral kami sa Stratton ay noong Marso 7, 1998—mahigit nang apat na taon.” Sinabi pa niya: “Personal akong sinabihan na ako’y aarestuhin. Marami kaming report noong mga taon na pinagbabantaan kaming arestuhin ng pulisya. Pagkatapos, kapag hinihiling naming makita ang aktuwal na nasusulat na ordinansa, wala kaming natatanggap na sagot.”
Idinagdag pa ni Koontz: “Mas pipiliin pa naming magkaroon ng mabuting kaugnayan sa aming mga kapitbahay. Kung ayaw ng ilan na dumalaw kami sa kanila, iginagalang namin ang desisyong iyon. Subalit may iba na palakaibigan at nagnanais makipag-usap tungkol sa Bibliya.”
Ganito naman ang paliwanag ni Gregory Kuhar: “Hindi namin itinaguyod ang kasong ito upang galitin ang mga mamamayan ng Stratton. Gusto lamang naming legal na itatag ang aming kalayaan sa pagsasalita sa ilalim ng Konstitusyon.”
Nagpatuloy siya: “Sa dakong huli, umaasa kaming makababalik kami sa Stratton. Magagalak ako na ako ang unang kakatok sa pinto pagbalik namin. Kaayon ng utos ni Kristo, dapat kaming bumalik.”
Ang kinalabasan ng “Watchtower v. Village of Stratton” ay nagkaroon ng malawak na mga epekto. Pagkatapos malaman ang pasiya ng Korte Suprema, kinilala ng maraming opisyal ng bayan sa Estados Unidos na hindi na maaaring gamitin ang lokal na mga ordinansa upang ipagbawal ang gawaing pag-eebanghelyo ng mga Saksi ni Jehova. Hanggang sa kasalukuyan, ang mga problema sa bahay-bahay na pangangaral ay nalutas na sa humigit-kumulang 90 pamayanan sa Estados Unidos.
-