Ang Araw na Kailangang Alalahanin
“Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang sa pamamagitan ko’y magkaroon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan ay mayroon kayong kapighatian, ngunit kayo’y magpakatibay-loob! Dinaig ko ang sanlibutan.”—JUAN 16:33.
1, 2. Anong kaisa-isang araw sa kasaysayan ang namumukud-tangi sa lahat ng iba pang mga araw, at bakit?
ANG sanlibutan ngayon ay maraming masasabi tungkol sa kapayapaan. Sa katapusan ng Digmaang Pandaigdig II, ang kapayapaan ay iniugnay sa V-E Day at V-J Day.a Sa bawat taon, dahilan sa Pasko ay nag-iisip ang mga tao tungkol sa ‘kapayapaan sa lupa.’ (Lucas 2:14) Subalit may kaisa-isang araw sa buong kasaysayan ng tao na namumukud-tangi sa lahat. Iyon ay ang araw nang salitain ni Jesu-Kristo ang mga salitang sinipi sa itaas. Sa dalawang milyon at higit pang mga araw ng pag-iral ng sangkatauhan dito sa lupa, iyon ang kaisa-isang araw na lubusang bumago sa lakad ng sangkatauhan para sa walang-hanggang kabutihan niyaon.
2 Ang makasaysayang araw na iyon ay Nisan 14 sa kalendaryong Judio. Noong taóng 33 ng ating Panlahatang Panahon, ang Nisan 14 ay nagsimula pagkalubog ng araw noong Abril 1. Ating talakayin ang mga pangyayari ng lubhang mahalagang araw na iyon.
Nisan 14!
3. Papaano ginamit ni Jesus ang pangkatapusang mga oras na ito?
3 Habang dumaratal ang takipsilim, isang kabigha-bighaning kabilugan ng buwan ang malamang na sumikat noon bilang isang tagapagpaalaala na si Jehova ang nagtatakda ng mga panahon at mga lagay ng mga panahon. (Gawa 1:7) At ano ba ang nangyayari sa silid sa itaas na iyan na kung saan si Jesus at ang kaniyang 12 apostol ay nagkatipon upang ipagdiwang ang taunang Paskuwa ng Judio? Samantalang naghahanda si Jesus ng ‘paglisan sa sanlibutang ito at tutungo na sa Ama, siya’y nagpapakita ng pag-ibig sa sariling kaniya hanggang sa wakas.’ (Juan 13:1) Papaano niya ginagawa ito? Sa pamamagitan ng salita ng bibig at ng halimbawa, si Jesus ay nagpapatuloy ng pagtuturo sa kaniyang mga alagad ng mga katangian na tutulong sa kanila upang madaig ang sanlibutan.
Pagbibihis ng Pagpapakumbaba at Pag-ibig
4. (a) Papaano itinanghal ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang isang saligang katangian? (b) Papaano natin malalaman na natutuhan ni Pedro ang kahalagahan ng pagpapakumbaba?
4 Kailangan pa noon na alisin ng mga apostol sa kanilang sarili ang taglay nilang ambisyosong pag-iinggitan at pagmamataas. Kaya nagbigkis si Jesus ng isang tuwalya at sinimulang hugasan ang kanilang mga paa. Ito’y hindi isang pagpapakita lamang ng kunwa-kunwariang pagpapakumbaba gaya ng nakikitang ginagawa sa Roma sa taun-taon ng papa ng Sangkakristiyanuhan. Hindi, hindi nga! Ang tunay na pagpapakumbaba ay isang pagbibigay ng sarili na nanggagaling sa ‘kapakumbabaan ng isip na ipinalalagay na ang iba’y mas nakatataas.’ (Filipos 2:2-5) Sa una, hindi nakuha ni Pedro ang punto, tinanggihan niya na hugasan ni Jesus ang kaniyang mga paa. Pagkatapos na siya’y maituwid, hiniling naman niya kay Jesus na hugasan ang kaniyang buong katawan. (Juan 13:1-10) Gayunman, tiyak na natutuhan ni Pedro ang aral na ibinibigay niyaon. Makalipas ang mga taon, makikita natin na ang iba ay pinapayuhan niya nang tama. (1 Pedro 3:8, 9; 5:5) Anong pagkahala-halaga nga ngayon na tayong lahat ay paalipin kay Kristo nang may pagpapakumbaba!—Tingnan din ang Kawikaan 22:4; Mateo 23:8-12.
5. Anong utos ni Jesus ang nagpapakita ng kahalagahan ng isa pa ring mahalagang katangian?
5 Ang isa sa 12 ay hindi nakinabang sa payo ni Jesus. Ito ay si Judas Iscariote. Sa pagpapatuloy ng hapunan ng Paskuwa, si Jesus ay nabagabag sa espiritu, kaniyang nakilala na si Judas ang magkakanulo sa kaniya, at pinaalis siya. Pagkatapos lamang nito sinabi ni Jesus sa kaniyang 11 tapat na mga alagad: “Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mag-ibigan sa isa’t isa; kung papaanong inibig ko kayo, ganiyan din kayo mag-ibigan sa isa’t isa. Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:34, 35) Tunay na ito’y isang bagong utos, na ipinakita ni Jesus sa kaniyang sariling pinakamagaling na halimbawa! Habang lumalapit ang oras ng kaniyang mapagsakripisyong kamatayan, si Jesus ay nagpakita ng natatanging pag-ibig. Kaniyang ginamit ang bawat mahalagang sandali upang magturo at patibaying-loob ang mga alagad na iyon. Nang bandang huli, kaniyang idiniin ang kahalagahan ng pag-ibig, na ang sabi: “Ito ang utos ko, na kayo ay mag-ibigan sa isa’t isa na gaya ng pag-ibig ko sa inyo. Walang may lalong dakilang pag-ibig kaysa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan.”—Juan 15:12, 13.
“Ang Daan at ang Katotohanan at ang Buhay”
6. Anong tunguhin ang binanggit ni Jesus sa harap ng kaniyang matalik na mga alagad?
6 Sinabi ni Jesus sa tapat na 11: “Huwag magulumihanan ang inyong puso. Magsisampalataya kayo sa Diyos, magsisampalataya rin kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan. Kung hindi gayon, sinabi ko sana sa inyo, sapagkat ako’y pupunta roon upang maghanda ng dako para sa inyo.” (Juan 14:1, 2) Ang dakong ito ay sa “kaharian ng langit.” (Mateo 7:21) Sinabi ni Jesus kung papaanong ang matalik na grupong ito ng tapat na mga alagad ay makararating sa kanilang tunguhin. Sinabi niya: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Sinuman ay hindi makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6) Ito’y kapit din sa mga tao na magtatamo ng buhay na walang-hanggan sa lupa.—Apocalipsis 7:9, 10; 21:1-4.
7-9. Bakit tinukoy ni Jesus ang kaniyang sarili bilang “ang daan at ang katotohanan at ang buhay”?
7 Si Jesus “ang daan.” Ang isa at tanging paraan ng paglapit sa Diyos sa panalangin ay sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Si Jesus mismo ang nagbibigay-katiyakan sa kaniyang mga alagad na ibibigay sa kanila ng Ama ang anumang hilingin nila sa pangalan ni Jesus. (Juan 15:16) Ang pananalangin sa mga larawan o relihiyosong “mga santo” o may kasali pa na mga Ave Maria at paulit-ulit na mga pag-awit—walang isa man sa mga ito ang dinirinig at tinatanggap ng Ama. (Mateo 6:5-8) Isa pa, tungkol kay Jesus, ating mababasa sa Gawa 4:12: “Walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao na sukat nating ikaligtas.”
8 Si Jesus “ang katotohanan.” Sinabi ni apostol Juan tungkol sa kaniya: “Ang Salita ay naging laman at tumahan sa gitna natin, at nakita natin ang kaniyang kaluwalhatian, isang kaluwalhatian na gaya ng sa isang bugtong na anak ng isang ama; at siya’y puspos ng di-sana nararapat na awa at ng katotohanan.” (Juan 1:14) Si Jesus ang naging katuparan ng daan-daang hula sa Kasulatang Hebreo nang tuparin niya ang mga ito. (2 Corinto 1:20; Apocalipsis 19:10) Kaniyang inihayag ang katotohanan sa pakikipag-usap sa kaniyang mga alagad at sa karamihan na nakinig, sa kaniyang pakikipagtalo sa mapagpaimbabaw na klero, at sa pamamagitan ng ipinakitang halimbawa noong siya’y nabubuhay.
9 Si Jesus “ang buhay.” Bilang ang Anak ng Diyos, sinabi ni Jesus: “Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang-hanggan; ngunit ang hindi tumatalima sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Diyos ay sumasakaniya.” (Juan 3:36) Ang pananampalataya sa hain na inihandog ni Jesus ay umaakay tungo sa buhay na walang-hanggan—ang walang-kamatayang buhay sa langit para sa “munting kawan” ng pinahirang mga Kristiyano at buhay na walang-hanggan naman sa isang lupang paraiso para sa isang malaking pulutong ng mga “ibang tupa.”—Lucas 12:32; 23:43; Juan 10:16.
Pagtitiis sa Pag-uusig
10. Bakit kailangan natin na ‘daigin ang sanlibutan,’ at anong pampatibay-loob ang ibinigay ni Jesus sa bagay na ito?
10 Yaong mga umaasang mabubuhay sa bagong sistema ni Jehova ay kailangang makipagbaka sa isang sanlibutan na “nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot na isa,” si Satanas na Diyablo. (1 Juan 5:19) Anong laking pampatibay-loob, kung gayon, ang mga salita ni Jesus sa Juan 15:17-19! Sinabi niya: “Ang mga bagay na ito ay iniuutos ko sa inyo, na kayo’y mag-ibigan sa isa’t isa. Kung kayo’y kinapopootan ng sanlibutan, inyong talastas na ako muna ang kinapopootan bago kayo. Kung kayo’y bahagi ng sanlibutan, iibigin ng sanlibutan ang sa kaniyang sarili. Ngayon sapagkat kayo’y hindi bahagi ng sanlibutan, kundi kayo’y pinili ko sa sanlibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan.” Ang tunay na mga Kristiyano ay kinapopootan hanggang sa taóng ito ng 1992, at anong laki ng ating kagalakan sa maiinam na halimbawa niyaong mga nagpapatuloy na manindigang matatag, mapakumbabang nakasusumpong ng lakas sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos! (1 Pedro 5:6-10) Tayong lahat ay makapagtitiis ng mga pagsubok sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pananampalataya kay Jesus, na ang kaniyang pagtalakay ay tinatapos sa nakapagpapasiglang-pusong mga salitang ito: “Sa sanlibutan ay mayroon kayong kapighatian, ngunit kayo’y magpakatibay-loob! Dinaig ko ang sanlibutan.”—Juan 16:33.
Pagpapakilala ng Isang Bagong Tipan
11. Ano ang inihula ni Jeremias tungkol sa isang bagong tipan?
11 Nang gabing iyon, pagkatapos ng pagdiriwang ng Paskuwa, may binanggit si Jesus tungkol sa isang bagong tipan. Ito’y inihula na ng propetang si Jeremias daan-daang taon pa bago noon, na ang sabi: “ ‘Narito! Ang mga araw ay dumarating,’ sabi ni Jehova, ‘at ako ay makikipagtipan sa sambahayan ni Israel at sa sambahayan ni Juda ng isang bagong tipan . . . Aking ilalagay ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat sa kanilang puso. At ako’y magiging kanilang Diyos, at sila’y magiging aking bayan. . . . Aking patatawarin ang kanilang kasamaan, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin.’ ” (Jeremias 31:31-34) Noong Nisan 14, 33 C.E., ginawa ang paghahain na nagbibigay-bisa sa bagong tipang ito!
12. Papaano itinatag ni Jesus ang bagong tipan, at ano ang nagagawa nito?
12 Sinabi ni Jesus sa tapat na 11 na lubhang ninanais niya na sila’y makasalo sa Paskuwang ito. Pagkatapos ay kumuha siya ng isang tinapay, nagpasalamat, pinagputul-putol, at ibinigay iyon sa kanila, na nagsasabi: “Ito’y nangangahulugan ng aking katawan na ibibigay alang-alang sa inyo. Patuloy na gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin.” Sa katulad na paraan, siya’y nagpapasa sa kanila ng isang kopa ng pulang alak, na sinasabi: “Ang kopang ito ay nangangahulugan ng bagong tipan sa bisa ng aking dugo, na ibubuhos alang-alang sa inyo.” (Lucas 22:15, 19, 20) Ang bagong tipan ay pinagtitibay ng “mahalagang dugo” ni Jesus, na may lalong higit na halaga kaysa iwinisik na dugo ng hayop sa pagbibigay-bisa sa tipang Kautusan ng Israel! (1 Pedro 1:19; Hebreo 9:13, 14) Yaong mga kasali sa bagong tipan ay nagtatamasa ng lubusang kapatawaran ng mga kasalanan. Sa gayon, sila’y maaaring maging kuwalipikado na maging isa sa 144,000, na tumatanggap ng walang-hanggang mana bilang espirituwal na Israel.—Galacia 6:16; Hebreo 9:15-18; 13:20; Apocalipsis 14:1.
“Sa Pag-aalaala sa Akin”
13. (a) Ano ang dapat nating bulay-bulayin sa panahon ng Memoryal? (b) Sino lamang ang dapat makibahagi sa mga emblema, at bakit?
13 Ang ika-1,960 taunang Pag-aalaala sa kamatayan ni Jesus ay pumapatak sa Abril 17, 1992. Samantalang papalapít ang petsang iyan, makabubuting bulay-bulayin natin ang lahat ng nagagawa ng sakdal na hain ni Jesus. Ang kaayusang ito ay dumarakila sa karunungan ni Jehova at sa kaniyang matinding pag-ibig sa sangkatauhan. Ang walang-kapintasang katapatan ni Jesus, hanggang sa isang napakasakit na kamatayan, ay nagbabangong-puri kay Jehova laban sa pagtuya ni Satanas na ang Kaniyang mga taong nilalang ay marupok at hindi makapapasá sa pagsubok. (Job 1:8-11; Kawikaan 27:11) Sa pamamagitan ng kaniyang inihaing dugo, si Jesus ang namamagitan sa bagong tipan, ang kaparaanan ni Jehova ng pagpili ng “isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pantanging pag-aari.” Samantalang naririto pa sa lupa, ang mga ito ay “naghahayag ng karangalan” ng kanilang Diyos, si Jehova, na ‘tumawag sa kanila buhat sa kadiliman tungo sa kaniyang kagila-gilalas na liwanag.’ (1 Pedro 2:9; ihambing ang Exodo 19:5, 6.) Angkop naman, sila lamang ang nakikibahagi sa mga emblema sa Memoryal taun-taon.
14. Papaano napayayaman ang milyun-milyon na mga nagmamasid?
14 Sa Memoryal noong nakaraang taon, 10,650,158 ang dumalo sa buong lupa, subalit dito ay 8,850 lamang—wala pang ikasampung bahagi ng 1 porsiyento—ang nakibahagi sa mga emblema. Kung gayon, ano ba ang kapakinabangan sa selebrasyong ito ng milyun-milyon na mga nagmamasid? Napakalaki! Bagaman sila’y hindi nakikibahagi, sila’y napayayaman sa espirituwal sa pamamagitan ng pakikisamang ito sa malawak na pambuong-mundong pagkakapatiran, samantalang kanilang naririnig ang lahat ng kagila-gilalas na mga bagay na nagagawa ni Jehova sa pamamagitan ng paghahain ng kaniyang Anak.
15. Papaanong hindi lamang ang mga pinahiran ang nakikinabang sa hain ni Jesus?
15 Bukod diyan, ang apostol ay nagpapabatid sa atin sa 1 Juan 2:1, 2: “Tayo’y may isang katulong sa Ama, si Jesu-Kristo, isang matuwid. At siya’y pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan, ngunit hindi lamang para sa atin kundi para rin sa buong sanlibutan.” Oo, ang hain ni Jesus, bagaman ang unang nakikinabang ay ang uring Juan na kasali sa bagong tipan, ay naglalaan din ng kapatawaran ng mga kasalanan ng “buong sanlibutan.” Iyon ay isang “pampalubag-loob na hain” para sa mga kasalanan ng lahat ng iba pa sa sanlibutan ng sangkatauhan na may pananampalataya sa itinigis na dugo ni Jesus, na nagbubukas para sa kanila ng maligayang pag-asang buhay na walang-hanggan sa isang lupang paraiso.—Mateo 20:28.
“Sa Kaharian ng Aking Ama”
16. (a) Sa ano ngayon lumilitaw na nakikibahagi si Jesus at ang kaniyang kasamang mga tagapagmana? (b) Ano ang kahilingan sa ngayon kapuwa sa pinahirang nalabi at sa malaking pulutong?
16 Sa pagpapatuloy sa pagpapatibay-loob sa kaniyang mga apostol, tinukoy ni Jesus ang araw na sa isang simbolikong paraan kaniyang iinumin ang bunga ng ubas nang panibago kasama ng kaniyang mga alagad sa Kaharian ng kaniyang Ama. (Mateo 26:29) Sinabi niya sa kanila: “Kayo yaong mga nagsipanatili sa akin sa mga pagsubok sa akin; at ako’y gumagawa ng isang tipan sa inyo, gaya ng aking Ama na gumawa ng isang tipan sa akin, ukol sa isang kaharian, upang kayo’y magsikain at magsiinom sa aking mesa sa aking kaharian, at maupo sa mga trono upang humatol sa labindalawang tribo ng Israel.” (Lucas 22:28-30) Yamang si Jesus ay humawak ng kapangyarihan sa Kaharian sa langit noong 1914, maaari nating masabi na ang lalong malaking bilang ng kasama ni Jesus na mga tagapagmana, na tinipon sa lumipas na daan-daang taon ay binuhay na muli, upang “lumuklok sa mga trono” na kasama niya. (1 Tesalonica 4:15, 16) Ang araw ay mabilis na lumalapit upang pakawalan ng mga anghel “ang apat na hangin” ng “malaking kapighatian”! Sa panahong iyon, ang pagtatatak sa 144,000 ng espirituwal na Israel at ang pagtitipon sa milyun-milyong kabilang sa malaking pulutong ay tapos na. Lahat ng mga ito ay kailangang manatiling tapat, gaya ni Jesus, upang tanggapin ang gantimpalang buhay na walang-hanggan.—Apocalipsis 2:10; 7:1-4, 9.
17 at kahon. (a) Kung sakaling ang isang pinahiran ay tinanggihan dahil sa pagiging di-tapat, sino ang makatuwirang maihahalili sa kaniya? (b) Ang mga artikulo sa Bantayan noong 1938 ay nagbibigay ng anong interesanteng liwanag tungkol sa pagtatayo at nang malaunan sa pagpapalawak ng organisasyong teokratiko sa lupa?
17 Ano kung ang ilang pinahiran ay hindi manatili sa katapatan? Sa atrasadong oras na ito, walang alinlangan na ang bilang ng gayong mga di-tapat ay kakaunti lamang. Makatuwiran, sinumang ihahalili ay manggagaling, hindi sa mga bagong kababautismo lamang, kundi sa mga nagsipanatiling kasama ni Jesus sa nararanasan niyang mga pagsubok sa loob ng maraming taon ng tapat na paglilingkod. Ang maningning na kislap ng espirituwal na liwanag na dumarating sa pamamagitan ng Ang Bantayan noong mga dekada ng 1920 at 1930 ay nagpapakita na ang pagtitipon sa nalabi ng mga pinahiran ay halos tapos na sa panahong iyan. Yaong mga ‘naglalaba ng kanilang mga kasuotan at pinapuputi iyon sa dugo ng Kordero ay may naiibang masayang pag-asa sapol noon. Sa pamamagitan ni Kristo, ang espiritu ni Jehova ang umaakay sa kanila sa “mga bukal ng tubig ng buhay” sa lupang Paraiso.—Apocalipsis 7:10, 14, 17.
Isang Marubdob na Panalangin
18. Anong mahahalagang aral ang matututuhan natin buhat sa panalangin ni Jesus sa kabanata 17 ng Juan?
18 Tinatapos ni Jesus ang kaniyang pagtitipon sa Memoryal kasama ng kaniyang mga alagad sa pamamagitan ng paghahandog ng marubdob na panalanging nasusulat sa Juan 17:1-26. Ang una niyang ipinanalangin ay na harinawang luwalhatiin siya ng kaniyang Ama habang siya’y nananatiling tapat hanggang sa wakas. Sa ganitong paraan si Jehova ay maluluwalhati rin, ang kaniyang pangalan ay aariing banal—naalisan ng lahat ng upasala. Sapagkat, tunay, ang sakdal na taong si Jesus ay tiyak na nagpapatotoo na ang taong nilalang ng Diyos ay maaaring maging walang kapintasan, kahit na sa ilalim ng pinakamahigpit na pagsubok. (Deuteronomio 32:4, 5; Hebreo 4:15) Isa pa, ang sakripisyong kamatayan ni Jesus ay nagbubukas ng isang dakilang pagkakataon para sa mga supling ni Adan. Sinabi ni Jesus: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang pagkuha nila ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.” Anong pagkahala-halaga nga na magkamit ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak, ang Kordero ng Diyos, na nagbigay ng kaniyang buhay para sa pagbabangong-puri kay Jehova at para sa kaligtasan ng sangkatauhan! (Juan 1:29; 1 Pedro 2:22-25) Iyo bang pinahahalagahan ang pinakamapagmahal na pagsasakripisyong iyan hanggang sa sukdulang ialay ang iyong buong sarili kay Jehova at sa mahalagang paglilingkod sa kaniya?
19. Papaano maaaring tamasahin ng nalabi at ng malaking pulutong ang mahalagang pagkakaisa?
19 Isa pa, si Jesus ay nananalangin sa kaniyang Amang Banal na Kaniyang bantayan ang mga alagad samantalang kanilang pinatutunayan na sila’y hindi bahagi ng sanlibutan, nananatili sa Kaniyang salita bilang katotohanan, at pinananatili ang mahalagang pakikipagkaisa sa Ama at sa Anak. Hindi ba ang panalanging ito ay kahanga-hangang sinagot magpahanggang sa kasalukuyang araw habang ang pinahirang nalabi at ang malaking pulutong ay naglilingkod na magkasama na may pagkakaisa sa buklod ng pag-iibigan, samantalang patuloy na namamalaging walang kinikilingan sa sanlibutan, sa mga karahasan dito, at sa kabalakyutan nito? Anong pagkahala-halaga nga ang pantapos na mga salita ni Jesus sa kaniyang Ama, si Jehova! “Ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan at ipakikilala ko,” ang sabi ni Jesus, “upang ang pag-ibig na iniibig mo sa akin ay sumakanila at ako’y makaisa nila.”—Juan 17:14, 16, 26.
20. Bakit tiyakan na Nisan 14, 33 C.E., ang araw na kailangang alalahanin?
20 Sa paglabas sa halamanan ng Gethsemane, si Jesus ay nagpatuloy pa rin sandali, nagpapatibay na pakikisama sa kaniyang mga alagad. At nang magkagayo’y inabutan siya ng kaniyang mga kaaway! Hindi mailalarawan ng mga salita ang dinanas ni Jesus na kadalamhatian, ang kaniyang nakasisira ng loob na kalungkutan dahil sa upasalang ibinunton kay Jehova, at ang kaniyang ulirang katapatan sa lahat ng dinanas niyang iyon. Si Jesus ay nagtiis hanggang wakas, sa buong magdamag at sa kalakhang bahagi ng maghapon ng araw na iyon. Buong linaw na ipinakita niyang ang kaniyang Kaharian ay hindi bahagi ng sanlibutan. At nang malapit nang malagot ang kaniyang hininga, siya’y humiyaw: “Naganap na!” (Juan 18:36, 37; 19:30) Natapos na ang kaniyang pagdaig sa sanlibutan. Ang Nisan 14, 33 C.E., tiyakan ang araw na kailangang alalahanin!
[Talababa]
a Araw ng Tagumpay sa Europa at Araw ng Tagumpay Laban sa Hapón.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Ano ba ang itinuro ni Jesus tungkol sa pagpapakumbaba at pag-ibig?
◻ Papaanong si Jesus ay naging “ang daan at ang katotohanan at ang buhay”?
◻ Ano ang layunin ng bagong tipan?
◻ Anong pagkakaisa at pag-ibig ang tinatamasa ng pinahirang nalabi at ng malaking pulutong?
[Kahon sa pahina 20]
Ang Karunungan ng Lalong Dakilang Solomon
Ang mga artikulong pinamagatang “Organisasyon” sa Hunyo 1 at Hunyo 15, 1938, mga labas ng Ang Bantayan ang nagtatag ng saligang teokratikong kaayusan na sinusunod ng mga Saksi ni Jehova hanggang sa araw na ito. Ang mga ito’y tugatog ng isang kahanga-hangang panahon ng doktrinal at organisasyonal na mga pagwawasto na nagsimula noong 1919. (Isaias 60:17) Sa paghahambing sa 20-taóng panahong iyan sa 20 taon na ginugol ni Solomon sa pagtatayo ng templo at ng palasyo ng hari sa Jerusalem, sinabi ng Ang Bantayan: “Ipinakikita ng Kasulatan na, pagkaraan ng dalawampung taon ng programa ni Solomon na pagtatayo . . . , siya’y nagsagawa naman ng isang pambansang programa sa pagtatayo. (1 Hari 9:10, 17-23; 2 Cron. 8:1-10) Pagkatapos ay dumating ang reyna ng Sheba ‘galing sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa upang makinig sa karunungan ni Solomon’. (Mat. 12:42; 1 Hari 10:1-10; 2 Cron. 9:1-9, 12) Ito’y nagpapahiwatig ng tanong: Ano ba ang nasa mismong kinabukasan ng bayan ni Jehova sa lupa? Taglay ang lubos na pagtitiwala tayo ay maghihintay, at makikita natin.” Hindi inilagay sa maling dako ang pagtitiwalang iyan. Sa ilalim ng teokratikong organisasyon isang malawak na pambuong-daigdig na espirituwal na programa sa pagtatayo ang nagtipon sa mahigit na apat na milyon ng malaking pulutong. Tulad ng reyna ng Sheba, ang mga ito ay nanggaling sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa upang makinig sa karunungan ng Lalong Dakilang Solomon, si Kristo Jesus—na ipinarating sa kanila sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.”—Mateo 24:45-47.