-
Nakulong sa Isang Pag-aasawang Walang Pag-ibigGumising!—2001 | Enero 8
-
-
Nakulong sa Isang Pag-aasawang Walang Pag-ibig
“Sa isang lipunan na marami ang nagdidiborsiyo, hindi lamang mas maraming di-maligayang pag-aasawa ang malamang na magwawakas sa diborsiyo, kundi karagdagan pa, malamang na mas maraming pag-aasawa ang magiging di-maligaya.”—COUNCIL ON FAMILIES IN AMERICA.
SINASABING ang karamihan ng kaligayahan sa buhay at ang karamihan ng kalungkutan nito ay iisa ang pinagmulan—ang pag-aasawa ng isa. Tunay, iilang bagay sa buhay ang may kakayahang magdulot ng labis na tuwa—o ng labis na dalamhati. Gaya ng ipinahihiwatig ng kalakip na kahon, maraming mag-asawa ang dumaranas ng labis na dalamhati.
Subalit bahagi lamang ng problema ang isinisiwalat ng mga estadistika sa diborsiyo. Sa bawat pag-aasawang lumulubog, di-mabilang na iba ang nananatiling nakalutang subalit nananatili sa di-umaagos na tubig. “Maligaya dati ang aming pamilya, subalit ang nakalipas na 12 taon ay talaga namang nakayayamot,” ang pagtatapat ng isang babaing kasal sa loob ng mahigit na 30 taon. “Ang aking asawang lalaki ay hindi interesado sa aking damdamin. Siya talaga ang pinakamahigpit kong kaaway sa damdamin.” Sa katulad na paraan, isang lalaki na halos 25 taon nang may asawa ay nanangis: “Sinabihan ako ng aking asawa na hindi na niya ako mahal. Sinabi niya na mapagtitiisan niya ang kalagayan kung magtuturingan na lamang kami na parang magkakuwarto at magkani-kaniya kaming lakad pagdating sa paglilibang.”
Sabihin pa, winawakasan ng ilan na nasa gayong mahihirap na kalagayan ang kanilang pag-aasawa. Gayunman, para sa marami, ang diborsiyo ay hindi isang mapagpipilian. Bakit? Ayon kay Dr. Karen Kayser, ang mga dahilang gaya ng mga anak, kahihiyan sa komunidad, pananalapi, kaibigan, kamag-anak, at relihiyosong paniniwala ay maaaring magpanatili sa mag-asawa na magkasama, kahit sa isang kalagayang walang pag-ibig. “Malamang na hindi sila legal na magdiborsiyo,” ang sabi niya, “pipiliin ng mga mag-asawang ito na manatiling kasama ng kabiyak na doon sila ay hiwalay sa emosyonal na paraan.”
Dapat bang italaga ng mag-asawa na nanlamig na ang kaugnayan sa isa’t isa ang kanilang sarili sa isang buhay ng kawalang-kasiyahan? Ang pag-aasawa ba na walang pag-ibig ang tanging alternatibo sa diborsiyo? Pinatutunayan ng karanasan na maraming maliligalig na pag-aasawa ang maaaring iligtas—hindi lamang mula sa matinding pagdurusa ng paghihiwalay kundi rin naman mula sa matinding kalungkutan ng kawalan ng pag-ibig.
-
-
Bakit Kumukupas ang Pag-ibig?Gumising!—2001 | Enero 8
-
-
Bakit Kumukupas ang Pag-ibig?
“Waring mas madaling umibig kaysa sa manatiling umiibig.”—DR. KAREN KAYSER.
ANG dumaraming pag-aasawa na walang pag-ibig ay marahil hindi nakapagtataka. Ang pag-aasawa ay isang masalimuot na ugnayang pantao, at marami ang pumapasok dito nang walang gaanong paghahanda. “Tayo ay hinihilingan na magpakita ng kakayahan sa pagmamaneho kapag kumukuha ng lisensiya sa pagmamaneho,” ang sabi ni Dr. Dean S. Edell, “subalit isang pirma lamang ang kailangan upang makakuha ng lisensiya sa pag-aasawa.”
Kaya, bagaman maraming pag-aasawa ang nagtatagumpay at talagang maligaya, marami ang dumaranas ng kaigtingan. Marahil ang isa o ang kapuwa mag-asawa ay pumapasok sa pag-aasawa taglay ang mataas na mga inaasahan subalit walang mga kasanayan na kailangan para sa pangmatagalang pagsasama. “Kapag ang mga tao ay unang naging malapit,” paliwanag ni Dr. Harry Reis, “nakadarama sila ng matinding katiyakan mula sa isa’t isa.” Nadarama nila na para bang ang kanilang kabiyak “ang tanging tao sa lupa na may pangmalas na katulad ng sa kanila. Kung minsan ang damdaming iyan ay kumukupas, at kapag ito’y kumupas, maaaring lubhang makapinsala ito sa pag-aasawa.”
Mabuti naman, maraming pag-aasawa ang hindi humahantong sa puntong iyan. Subalit isaalang-alang natin sandali ang ilang dahilan na sa ilang kaso ay nagpakupas ng pag-ibig.
Pagkabigo—“Hindi Ito ang Inaasahan Ko”
“Nang mapangasawa ko si Jim,” sabi ni Rose, “akala ko’y kami ang lokal na bersiyon ng ‘Sleeping Beauty’ at Makisig na Prinsipe—pawang kuwento ng pag-ibig at pagmamahal at konsiderasyon sa isa’t isa.” Subalit, pagkalipas ng ilang panahon, ang “prinsipe” ni Rose ay waring hindi na gaanong makisig. “Bigung-bigo ako sa kaniya,” ang sabi niya.
Maraming pelikula, aklat, at popular na mga awit ang nagbibigay ng di-makatotohanang paglalarawan tungkol sa pag-ibig. Samantalang nagliligawan, maaaring akalain ng lalaki at babae na nagkakatotoo na ang kanilang pangarap; subalit pagkalipas ng ilang taon ng pag-aasawa, sila’y naghihinuha na sila nga ay nangangarap lamang! Kung ang pag-aasawa ng isa ay hindi nakatutugon sa mga inaasahan gaya sa isang kathang-isip na kuwento ng pag-ibig, ang maaari pang maremedyuhang pag-aasawa ay parang isang ganap na kabiguan.
Sabihin pa, ang ilang inaasahan sa pag-aasawa ay lubhang naaangkop naman. Halimbawa, angkop lamang na asahan ang pag-ibig, atensiyon, at suporta mula sa isang kabiyak. Gayunman, maging ang mga hangaring ito ay maaaring hindi matupad. “Halos nadarama ko na wala akong asawa,” ang sabi ni Meena, isang asawang babae sa India na nasa kabataan pa. “Nadarama kong ako’y nag-iisa at pinabayaan.”
Di-Pagkakasundo—“Magkaibang-Magkaiba Kami”
“Kaming mag-asawa ay magkasalungat sa halos lahat ng bagay,” ang sabi ng isang babae. “Walang araw na lumilipas na hindi ko lubhang pinagsisisihan ang pasiya kong magpakasal sa kaniya. Talagang hindi kami magkabagay.”
-
-
May Dahilan Pa ba Para Umasa?Gumising!—2001 | Enero 8
-
-
May Dahilan Pa ba Para Umasa?
“Ang isang problema sa maiigting na pag-aasawa ay ang matibay na paniniwalang hindi na bubuti pa ang mga bagay-bagay. Binibigo ng gayong paniniwala ang pagbabago sapagkat inaalis nito sa iyo ang pangganyak na sumubok ng anumang bagay na positibo.”—DR. AARON T. BECK.
GUNIGUNIHIN mong may nararamdaman kang masakit at nagpunta ka sa doktor upang magpatingin. Balisa ka—at nararapat lamang. Kung tutuusin, ang iyong kalusugan—maging ang iyo mismong buhay—ay maaaring nanganganib. Subalit ipagpalagay nang pagkatapos ng pagsusuri, sinabi sa iyo ng doktor ang mabuting balita na bagaman ang problema mo ay hindi pangkaraniwan, ito ay maaaring gamutin. Sa katunayan, sinasabi sa iyo ng doktor na kung maingat mong susundin ang isang makatuwirang programa ng pagkain at ehersisyo, makaaasa ka ng ganap na paggaling. Walang alinlangang ikaw ay makadarama ng malaking ginhawa at may kagalakan mong susundin ang kaniyang payo!
Ihambing mo ang tagpong ito sa paksang isinasaalang-alang. Ikaw ba’y may nadaramang sakit sa iyong pag-aasawa? Sabihin pa, ang lahat ng pag-aasawa ay may kani-kaniyang mga problema at mga di-pagkakasundo. Kaya ang basta pagkakaroon ng ilang problema sa inyong pagsasama ay hindi nangangahulugan na ang iyong pag-aasawa ay walang pag-ibig. Subalit paano kung ang problema ay magpatuloy sa loob ng mga linggo, buwan, o mga taon pa nga. Kung gayon, tama lamang na ikaw ay mabahala, sapagkat hindi na ito maliit na bagay lamang. Oo, maaaring maapektuhan ng uri ng iyong pag-aasawa ang halos lahat ng bahagi ng iyong buhay—at ng iyong mga anak. Halimbawa, pinaniniwalaang ang kaigtingan sa pag-aasawa ay maaaring maging isang pangunahing dahilan sa mga problemang gaya ng panlulumo, mababang produksiyon sa trabaho, at pagbagsak ng mga anak sa paaralan. Subalit hindi lamang iyan. Kinikilala ng mga Kristiyano na ang kaugnayan nila sa kanilang kabiyak ay maaaring makaapekto sa kanila mismong kaugnayan sa Diyos.—1 Pedro 3:7.
Ang bagay na may mga problema sa pagitan ninyong mag-asawa ay hindi nangangahulugan na ang situwasyon ay wala nang pag-asa pa. Ang pagharap sa katotohanan ng pag-aasawa—na magkakaroon ng mga problema—ay makatutulong sa mag-asawa na makatuwirang malasin ang kanilang mga problema at pagsikapan na lutasin ito. Ganito ang sabi ng isang asawang lalaki na nagngangalang Isaac: “Hindi ko alam na normal lamang pala para sa mga mag-asawa na makaranas ng saya at lungkot sa kanilang pagsasama. Akala ko’y may problema sa amin!”
Kahit na kung ang iyong pag-aasawa ay nauwi na sa isang walang pag-ibig na kalagayan, maaari pa itong iligtas. Ipagpalagay nang ang mga sugat ng damdamin mula sa isang maligalig na pagsasama ay maaaring malalim, lalo na kung ang mga problema ay nagpapatuloy sa loob ng mga taon. Gayunman, may matibay na dahilan pa rin para umasa. Mahalagang salik ang pangganyak. Kahit na ang dalawang tao na may malulubhang problema sa pag-aasawa ay
-
-
Maaaring Iligtas ang Inyong Pag-aasawa!Gumising!—2001 | Enero 8
-
-
Maaaring Iligtas ang Inyong Pag-aasawa!
Ang Bibliya ay sagana sa praktikal na payo na maaaring maging kapaki-pakinabang sa mga mag-asawa. Hindi ito kataka-taka, sapagkat ang Isa na nagkasi sa Bibliya ang siya ring Pinagmulan ng kaayusan sa pag-aasawa.
INILALARAWAN ng Bibliya ang pag-aasawa sa makatotohanang paraan. Kinikilala nito na ang mag-asawa ay magkakaroon ng “kapighatian” o, gaya ng pagkakasalin dito ng New English Bible, “pasakit at pighati.” (1 Corinto 7:28) Gayunman, sinasabi rin ng Bibliya na ang pag-aasawa ay maaari at dapat na magdulot ng kagalakan, masidhing ligaya pa nga. (Kawikaan 5:18, 19) Hindi magkasalungat ang dalawang kaisipang ito. Ipinakikita lamang nito na sa kabila ng malulubhang problema, maaari pa ring matamo ng mag-asawa ang isang malapit at maibiging kaugnayan.
-