-
Araw ng Paghuhukom—Ano Ito?Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
-
-
isiwalat ni Jehova sa panahon ng isang libong taon. Samakatuwid, hahatulan ang mga indibiduwal salig sa gagawin nila sa panahon ng Araw ng Paghuhukom.
Ang Araw ng Paghuhukom ay magbibigay sa bilyun-bilyong tao ng kanilang kauna-unahang pagkakataon upang matuto tungkol sa kalooban ng Diyos at maiayon ang kanilang sarili alinsunod dito. Nangangahulugan ito na magkakaroon ng malawakang pagtuturo. Sa katunayan, “katuwiran ang siyang matututuhan ng mga tumatahan sa mabungang lupain.” (Isaias 26:9) Subalit hindi lahat ay magiging handang sumunod sa kalooban ng Diyos. Sinabi ng Isaias 26:10: “Pagpakitaan man ng lingap ang balakyot, hindi rin siya matututo ng katuwiran. Sa lupain ng katapatan ay gagawi siya nang walang katarungan at hindi niya makikita ang karilagan ni Jehova.” Permanente nang papatayin ang mga balakyot sa Araw ng Paghuhukom.—Isaias 65:20.
Sa pagtatapos ng Araw ng Paghuhukom, ang mga taong makaliligtas ay ‘mabubuhay’ nang lubusan bilang sakdal na mga tao. (Apocalipsis 20:5) Sa gayo’y makikita sa Araw ng Paghuhukom ang pagsasauli sa sangkatauhan sa orihinal na sakdal na kalagayan nito. (1 Corinto 15:24-28) Pagkatapos ay magaganap ang pangwakas na pagsubok. Pakakawalan si Satanas sa pagkakabilanggo at pahihintulutan siyang iligáw ang sangkatauhan sa kahuli-hulihang pagkakataon. (Apocalipsis 20:3, 7-10) Tatamasahin ng mga sasalansang sa kaniya ang ganap na katuparan ng pangako ng Bibliya: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29) Oo, ang Araw ng Paghuhukom ay magiging isang pagpapala sa buong tapat na sangkatauhan!
-
-
1914—Isang Mahalagang Taon sa Hula ng BibliyaAno ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
-
-
APENDISE
1914—Isang Mahalagang Taon sa Hula ng Bibliya
MARAMING dekada patiuna, inihayag ng mga estudyante ng Bibliya na magkakaroon ng mahahalagang pangyayari sa taóng 1914. Anu-ano ba ang mga ito, at anong ebidensiya ang nagpapakita na isa ngang mahalagang taon ang 1914?
Gaya ng nakaulat sa Lucas 21:24, sinabi ni Jesus: “Ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga bansa, hanggang sa matupad ang mga takdang panahon ng mga bansa [“mga panahon ng mga Gentil,” Ang Biblia].” Ang Jerusalem ang naging kabiserang lunsod ng bansang Judio—ang sentro ng pamamahala ng linya ng mga hari mula sa sambahayan ni Haring David. (Awit 48:1, 2) Gayunman, namumukod-tangi ang mga haring ito sa lahat ng iba pang mga lider ng mga bansa. Naupo sila sa “trono ni Jehova” bilang mga kinatawan ng Diyos mismo. (1 Cronica 29:23) Kaya, ang Jerusalem ay sagisag noon ng pamamahala ni Jehova.
Gayunman, paano at kailan nagsimulang ‘yurakan ng mga bansa’ ang pamamahala ng Diyos? Naganap ito noong 607 B.C.E. nang lupigin ng mga Babilonyo ang Jerusalem. Nabakante ang “trono ni Jehova,” at naputol ang linya ng mga hari na nagmula kay David. (2 Hari 25:1-26) Magpapatuloy ba nang walang hanggan ang ‘pagyurak’ na ito? Hindi, sapagkat ganito ang sinabi ng hula ni Ezekiel hinggil sa huling hari ng Jerusalem, si Zedekias: “Hubarin mo ang turbante, at alisin mo ang korona. . . . Hindi nga iyon aariin ninuman hanggang sa dumating siya na may legal na karapatan, at ibibigay ko iyon sa kaniya.” (Ezekiel 21:26, 27) Ang may “legal na karapatan” sa Davidikong korona ay si Kristo Jesus. (Lucas 1:32, 33) Kaya magwawakas ang ‘pagyurak’ kapag naging Hari na si Jesus.
Kailan magaganap ang mahalagang pangyayaring iyan? Ipinakita ni Jesus na mamamahala ang mga Gentil sa loob ng isang takdang haba ng panahon. Ang ulat sa Daniel kabanata 4 ang susi upang malaman kung gaano kahaba ang yugtong iyan. Inilalahad nito ang makahulang panaginip ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya. Nakita niyang pinutol ang isang pagkalaki-laking punungkahoy. Hindi makasibol ang tuod nito dahil binigkisan ito ng bakal at tanso. Sinabi ng isang anghel: “Bayaang . . . pitong panahon ang palipasin dito.”—Daniel 4:10-16.
Sa Bibliya, ginagamit kung minsan ang mga punungkahoy upang kumatawan sa pamamahala. (Ezekiel 17:22-24; 31:2-5) Kaya ang pagputol sa makasagisag na punungkahoy ay lumalarawan sa pagputol sa pamamahala ng Diyos, na kinakatawanan ng mga hari sa Jerusalem. Gayunman, ipinahayag sa pangitain na ang ‘pagyurak na ito sa Jerusalem’ ay magiging pansamantala lamang—isang yugto ng “pitong panahon.” Gaano ba kahaba ang yugtong iyan?
Ipinakikita ng Apocalipsis 12:6, 14 na ang tatlo at kalahating panahon ay katumbas ng “isang libo dalawang daan at animnapung araw.” Ang “pitong panahon” kung gayon ay mas mahaba nang dalawang beses, o 2,520 araw. Ngunit ang ‘pagyurak’ ng mga bansang Gentil sa pamamahala ng Diyos ay hindi natapos sa loob lamang ng 2,520 araw matapos bumagsak ang Jerusalem. Kung gayon, maliwanag na ang hulang ito ay sumasaklaw sa isang mas mahabang yugto ng panahon. Salig sa Bilang 14:34 at Ezekiel 4:6, na bumabanggit na ang “isang araw ay isang taon,” ang “pitong panahon” ay sasaklaw ng 2,520 taon.
Nagsimula ang 2,520 taon noong Oktubre 607 B.C.E., nang bumagsak ang Jerusalem sa mga Babilonyo at inalis sa trono ang hari na nagmula sa linya ni David. Nagwakas ang yugtong iyan noong Oktubre 1914. Nang panahong iyon, nagwakas ang “takdang panahon ng mga bansa,” at iniluklok ng Diyos si Jesu-Kristo bilang makalangit na Hari.a—Awit 2:1-6; Daniel 7:13, 14.
Gaya ng inihula ni Jesus, makikita sa kaniyang “pagkanaririto” bilang makalangit na Hari ang kapansin-pansing mga pangyayari sa daigdig—digmaan, taggutom, lindol, at salot. (Mateo 24:3-8; Lucas 21:11) Ang gayong mga pangyayari ay matibay na ebidensiya ng katotohanan na 1914 nga ang hudyat ng pagsilang ng makalangit na Kaharian ng Diyos at ng pasimula ng “mga huling araw” ng kasalukuyang masamang sistemang ito ng mga bagay.—2 Timoteo 3:1-5.
a Mula Oktubre 607 B.C.E. hanggang Oktubre 1 B.C.E. ay 606 na taon. Yamang walang taóng zero, mula Oktubre 1 B.C.E. hanggang Oktubre 1914 C.E. ay 1,914 na taon. Kapag pinagsama ang 606 na taon at 1,914 na taon, ito ay may kabuuang 2,520 taon. Para sa impormasyon hinggil sa pagbagsak ng Jerusalem noong 607 B.C.E., tingnan ang artikulong “Chronology” sa Insight on the Scriptures, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
-
-
Sino si Miguel na Arkanghel?Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
-
-
APENDISE
Sino si Miguel na Arkanghel?
BIHIRANG mabanggit sa Bibliya ang espiritung nilalang na tinatawag na Miguel. Subalit kapag tinutukoy siya, aktibo siya at laging may ginagawa. Sa aklat ng Daniel, nakikipagbaka si Miguel sa masasamang anghel; sa liham ni Judas, nakikipagtalo siya kay Satanas; at sa Apocalipsis, nakikipagdigma siya sa Diyablo at sa mga demonyo nito. Sa pagtatanggol sa pamamahala ni Jehova at paglaban sa mga kaaway ng Diyos, tinutupad ni Miguel ang kahulugan ng kaniyang pangalan—“Sino ang Kagaya ng Diyos?” Pero sino ba si Miguel?
Kung minsan, nakikilala ang mga indibiduwal hindi lamang sa iisang pangalan. Halimbawa, ang patriyarkang si Jacob ay nakilala rin bilang Israel, at si apostol Pedro, bilang Simon. (Genesis 49:1, 2; Mateo 10:2) Sa katulad na paraan, ipinakikita ng Bibliya na ang Miguel ay isa pang pangalan ni Jesu-Kristo, bago at pagkatapos niyang mabuhay sa lupa. Isaalang-alang natin ang maka-Kasulatang mga dahilan ng gayong konklusyon.
Arkanghel. Tinutukoy ng Salita ng Diyos si Miguel na “arkanghel.” (Judas 9) Ang terminong ito ay nangangahulugang “punong anghel.” Ang salitang “arkanghel” ay lumilitaw sa Bibliya sa anyong pang-isahan lamang at hindi kailanman sa anyong pangmaramihan. Ipinahihiwatig nito na iisa lamang ang gayong anghel. Karagdagan pa, nauugnay si Jesus sa posisyon ng arkanghel. Hinggil sa binuhay-muling Panginoong Jesu-Kristo, sinasabi ng 1 Tesalonica 4:16: “Ang Panginoon mismo ay bababa mula sa langit na may nag-uutos na panawagan, may tinig ng arkanghel.”
-