-
Handa Na ba Akong Makipag-date?Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
-
-
KABANATA 1
Handa Na ba Akong Makipag-date?
“Kabi-kabila ang panggigipit na makipag-date ako. Kabi-kabila rin ang mga guwapo.”—Whitney.
“Kung minsan, mga babae na ang nag-aaya sa akin na makipag-date, at gusto ko naman. Pero magpaalam man ako sa mga magulang ko, alam kong hindi sila papayag.”—Phillip.
MASARAP ang pakiramdam na makasama ang isa na gustung-gusto mo—at may gusto rin sa iyo. Napakatindi ng damdaming ito kahit sa mga kabataan. “Onse anyos pa lamang ako, gusto ko nang makipag-date,” ang naaalaala ni Jenifer. Ganito naman ang sabi ni Brittany: “Sa paaralan, parang hindi ka normal kapag hindi ka nakikipag-date!”
Kumusta ka naman? Handa ka na bang makipag-date? Upang masagot mo iyan, kailangan muna nating pag-usapan ang mas simpleng tanong:
Ano ba ang “Pakikipag-date”?
Markahan ang iyong sagot sa sumusunod na mga tanong:
Palagi kang lumalabas kasama ang isang di-kasekso. Pakikipag-date ba iyon?
□ Oo
□ Hindi
Ikaw at ang isang di-kasekso ay may gusto sa isa’t isa. Ilang ulit sa maghapon kayo kung mag-text at magtawagan sa telepono. Pakikipag-date ba iyon?
□ Oo
□ Hindi
Tuwing nagsasama-sama kayong magkakaibigan, iyon at iyon ding di-kasekso ang lagi mong kapareha. Pakikipag-date ba iyon?
□ Oo
□ Hindi
Malamang na madali mong nasagot ang unang tanong. Pero baka nag-isip ka muna bago mo nasagot ang ikalawa at ikatlong tanong. Ano ba talaga ang pakikipag-date? Ang totoo, kapag ang dalawang taong nagkakagustuhan ay gumugugol ng panahon sa isa’t isa, matatawag itong pakikipag-date. Kaya ang sagot sa tatlong tanong sa itaas ay oo. Magkausap man kayo nang harapan o sa telepono, nang hayag o patago, kung ikaw at ang iyong kaibigan na di-kasekso ay may unawaan sa isa’t isa at laging may komunikasyon, pakikipag-date ito. Handa ka na bang makipag-date? May tatlong tanong na kailangan mong suriin para malaman mo ang sagot.
Bakit Mo Gustong Makipag-date?
Sa maraming kultura, ang pagdi-date ay itinuturing na angkop na paraan para magkakilalang mabuti ang dalawang tao. Pero dapat na maging malinis ang intensiyon sa pagdi-date—para matulungan ang isang binata at isang dalaga na malaman kung gusto nilang pak asalan ang isa’t isa.
Totoo, maaaring hindi seryosohin ng ilan sa mga kaedad mo ang pakikipag-date. Baka nasisiyahan lamang silang makasama ang isang di-kasekso na natitipuhan nila kahit na wala naman silang intensiyong pakasalan ito. Baka nakikipag-date pa nga ang ilan para may maidispley lang sa ibang tao at lumakas ang kumpiyansa nila sa sarili. Ngunit kadalasan na, hindi nagtatagal ang gayong mababaw na relasyon. “Maraming kabataang nagdi-date ang nagkakahiwalay makalipas lamang ang isa o dalawang linggo,” ang sabi ng dalagang si Heather. “Itinuturing nilang pansamantala lamang ang mga relasyon—na parang inihahanda lamang sila sa pagdidiborsiyo sa halip na sa pag-aasawa.”
Maliwanag, kapag nagdi-date ang dalawang tao, nasasangkot ang damdamin. Kaya tiyaking malinis ang iyong intensiyon sa pakikipag-date. Pag-isipan: Papayag ka bang paglaruan ng iba ang iyong damdamin—gaya ng isang bata na matapos paglaruan ang isang bagay ay basta na lamang ito iiwanan? Isang kabataan na nagngangalang Chelsea ang nagsabi: “Kung minsan ay naiisip ko na laro lamang ang pakikipag-date, pero hindi na ito laro kapag sineseryoso ito ng isa pero ‘yung isa naman ay hindi.”
Bakit, Ilang Taon Ka Na Ba?
Sa palagay mo, anong edad angkop nang makipag-date ang isang kabataan? ․․․․․
Ngayon, itanong mo rin ito sa isa sa mga magulang mo o sa kanilang dalawa mismo, at isulat mo ang sagot nila. ․․․․․
Malamang na ang unang isinulat mo ay mas mababa kaysa sa ikalawa. O puwede ring hindi! Baka isa ka sa maraming kabataan na hindi muna nakikipag-date hanggang sa nasa tamang edad na sila para makilala nila nang higit ang kanilang sarili. Iyan ang ipinasiyang gawin ni Danielle, 17 anyos. Sinabi niya: “Ang hinahanap ko ngayong katangian sa isang mapapangasawa ay ibang-iba kung ihahambing sa hinahanap ko dalawang taon na ang nakalilipas. Ang totoo, nagdududa pa rin ako hanggang ngayon kung kaya ko na bang gumawa ng gayong desisyon. Kapag nakita kong hindi na pabagu-bago ang isip ko sa susunod na ilang taon, maaari ko na sigurong pag-isipan ang pakikipag-date.”
May isa pang dahilan kung bakit isang katalinuhang maghintay. Ginamit ng Bibliya ang pananalitang “kasibulan ng kabataan” para ilarawan ang yugto sa buhay ng isang tao kung kailan tumitindi ang pagkagusto ng isang kabataan sa kaniyang di-kasekso. (1 Corinto 7:36) Kung bata ka pa pero masyado ka nang malapít sa isang di-kasekso, maaaring mag-alab ang iyong pagnanasa at humantong ito sa maling paggawi. Totoo, baka bale-wala lamang ito sa mga kaedad mo. Marami sa kanila ang gustung-gustong masubukang makipag-sex. Pero kaya mong daigin ang ganiyang kaisipan! (Roma 12:2) Sa katunayan, hinihimok ka ng Bibliya na “tumakas sa seksuwal na imoralidad.” (1 Corinto 6:18, New International Version) Kung palilipasin mo muna ang kasibulan ng iyong kabataan, ‘malalayo ka sa kapahamakan.’—Eclesiastes 11:10.
Handa Ka Na Bang Mag-asawa?
Para matulungan kang masagot ang tanong sa itaas, suriin mo ang iyong sarili. Pag-isipan ang sumusunod:
Kaugnayan sa iba. Paano mo pinakikitunguhan ang iyong mga magulang at mga kapatid? Madalas ka bang mawalan ng pasensiya sa kanila, marahil nakapagsasalita ka nang magaspang o nakasasakit para lamang masabi mo ang opinyon mo? Ano kaya ang masasabi nila tungkol sa iyo sa bagay na ito? Tandaan, kung paano mo pinakikitunguhan ang iyong mga kapamilya, malamang na gayundin ang maging pakikitungo mo sa iyong magiging asawa.—Basahin ang Efeso 4:31.
Disposisyon. Positibo ba ang iyong pananaw sa buhay o negatibo? Makatuwiran ka ba o lagi mong iginigiit ang gusto mo? Kalmado ka pa rin ba kahit sa harap ng maiigting na situwasyon? Pasensiyoso ka ba? Ang paglinang ngayon sa mga bunga ng espiritu ng Diyos ay makatutulong sa iyo na maghanda upang maging mabuti kang asawa sa hinaharap.—Basahin ang Galacia 5:22, 23.
Pananalapi. Gaano ka kahusay humawak ng pera? Lagi ka bang may utang? Tumatagal ka ba sa isang trabaho? Kung hindi, bakit? Dahil ba sa trabaho? sa amo? O dahil may kinagawian o ugali kang dapat mong baguhin? Kung hindi ka marunong humawak ng sarili mong pera, paano pa kaya kung may pamilya ka na?—Basahin ang 1 Timoteo 5:8.
Espirituwalidad. Kung isa kang Saksi ni Jehova, ano ang ginagawa mo para maingatan mo ang iyong mabuting kaugnayan sa Diyos? Nagkukusa ka bang magbasa ng Bibliya at makibahagi sa ministeryo gayundin sa Kristiyanong pagpupulong? Dapat na may matibay kang espirituwalidad para maging karapat-dapat ka sa mapapangasawa mo.—Basahin ang Eclesiastes 4:9, 10.
Kung Ano ang Magagawa Mo
Kapag nakikipag-date ka na kahit hindi ka pa handa, para kang kumukuha ng final exam sa isang kurso na halos wala ka pang alam. Hindi nga makatuwiran iyan! Kailangan mo ng panahon para mag-aral na mabuti upang maging pamilyar ka sa mga tanong o problema na mapapaharap sa iyo sa eksamen.
Ganiyan din sa pakikipag-date. Gaya ng nakita na natin, seryosong bagay ang pakikipag-date. Kaya bago mo itutok ang iyong pansin sa isang tao, kailangan mo ng panahon para pag-aralan ang isang napakahalagang bagay—kung paano makipagkaibigan. Sa dakong huli, kapag natagpuan mo na ang isa na magiging mabuting asawa, mas alam mo na kung paano patitibayin ang inyong relasyon. Tutal, ang matagumpay na pag-aasawa ay pagsasama ng dalawang mabuting magkaibigan.
Ang paghihintay hanggang sa maging handa ka na at nasa tamang edad na para makipag-date ay hindi naman makahahadlang sa iyong kalayaan. Sa katunayan, magbibigay ito sa iyo ng higit na kalayaan na ‘magsaya sa iyong kabataan.’ (Eclesiastes 11:9) At may panahon ka para ihanda ang iyong sarili sa pamamagitan ng pagpapasulong sa iyong personalidad at, higit sa lahat, sa iyong kaugnayan sa Diyos.—Panaghoy 3:27.
Samantala, puwede ka namang masiyahan sa pakikisama sa mga di-kasekso. Ano ang pinakamabuting paraan para magawa mo ito? Maganda kung gagawin mo ito kasama ng isang grupo na binubuo ng mga lalaki’t babae at responsableng mga adulto. Isang dalagita na nagngangalang Tammy ang nagsabi: “Sa palagay ko mas masaya kapag ganoon. Mas maraming kaibigan, mas maganda.” Sumasang-ayon si Monica. “Magandang ideya ang magsama-sama sa isang grupo,” ang sabi niya, “dahil nakakasalamuha mo ang mga tao na may iba’t ibang personalidad.”
Sa kabaligtaran, kung itutuon mo ang iyong pansin sa isang tao nang wala ka pa sa tamang edad, mas malamang na masaktan ka lamang. Kaya huwag kang magmadali. Gamitin ang yugtong ito ng iyong buhay upang magkaroon ng mabubuting kaibigan. Sa kalaunan, kapag gusto mo nang makipag-date, mas kilala mo na ang iyong sarili, at mas alam mo na kung ano ang hahanapin mo sa isang makakapareha sa buhay.
MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 1, KABANATA 29 AT 30
Natutukso ka bang makipag-date nang hindi ipinaaalam sa iyong mga magulang? Mas maraming panganib sa paggawa nito kaysa sa inaakala mo.
TEMANG TEKSTO
“Pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.”—Kawikaan 14:15.
TIP
Kung may balak ka nang makipag-date at naiisip mo nang mag-asawa, basahin ang 2 Pedro 1:5-7 at pumili ng isang katangian na kailangan mong pasulungin. Makalipas ang isang buwan, tingnan mo kung gaano karami na ang natutuhan mo—at napasulong mo—hinggil sa katangiang iyan.
ALAM MO BA . . . ?
Ipinakikita ng maraming pagsasaliksik na ang mga nagsisipag-asawa nang wala pang 20 anyos ay malamang na mag- diborsiyo sa loob ng limang taon.
ANG PLANO KONG GAWIN!
Ang mga katangiang kailangan kong pasulungin kung gusto ko nang mag-asawa ay: ․․․․․
Mapasusulong ko ang mga katangiang ito sa pamamagitan ng: ․․․․․
Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay: ․․․․․
ANO SA PALAGAY MO?
● Sa anong angkop na mga pagkakataon ka maaaring makisalamuha sa mga di-kasekso?
● Ano ang sasabihin mo sa kapatid mo na napakabata pa pero gusto nang makipag-date?
● Kung nakikipag-date ka sa isang tao pero wala ka namang intensiyong mag-asawa, paano makaaapekto iyan sa damdamin niya?
[Blurb sa pahina 18]
“Makipag-date ka lamang sa isang tao kung talagang may pagtingin ka sa kaniya at kung sa tingin mo ay may patutunguhan ang inyong relasyon. Ang mahalaga sa iyo ay ang tao, at hindi lang basta ang pakikipag-date.”—Amber
[Larawan sa pahina 16, 17]
Kung nakikipag-date ka nang wala namang intensiyong mag-asawa, para kang isang bata na matapos paglaruan ang isang bagay ay basta na lamang ito iiwanan
-
-
Ano ang Masama sa Patagong Pakikipag-date?Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
-
-
KABANATA 2
Ano ang Masama sa Patagong Pakikipag-date?
Gulung-gulo ang isip ni Jessica. Nagsimula ang lahat nang magkagusto sa kaniya ang kaeskuwela niyang si Jeremy. “Ang guwapu-guwapo niya,” ang sabi ni Jessica, “at sinasabi ng mga kaibigan ko na siya na ang pinakadisenteng binata na makikilala ko. Mga babae na nga ang nanliligaw sa kaniya, pero wala siyang gusto sa kanila. Ako lang talaga ang gusto niya.”
Di-nagtagal, niyaya ni Jeremy si Jessica na makipag-date sa kaniya. Ipinaliwanag ni Jessica na Saksi ni Jehova siya kaya hindi siya papayagang makipag-date sa isang di-kapananampalataya. “Pero may naisip si Jeremy,” ang sabi ni Jessica. “Huwag na lang daw naming ipaalam sa mga magulang ko na magdi-date kami.”
KUNG niyayaya ka ng isang nagugustuhan mo na mag-date kayo, ano ang gagawin mo? Baka magulat ka kapag nalaman mong pumayag si Jessica sa plano ni Jeremy. “Kumbinsido ako na kung makikipag-date ako sa kaniya, matuturuan ko siyang mahalin si Jehova,” ang sabi niya. Ano ang naging resulta? Malalaman natin mamaya. Alamin muna natin kung bakit natutukso ang ilan na makipag-date nang patago.
Kung Bakit Nila Ginagawa Ito
Bakit nakikipag-date nang patago ang ilan? Ganito ang maikling paliwanag ng kabataang si David, “Alam nilang hindi papayag ang kanilang mga magulang, kaya hindi na lang nila ito sinasabi sa kanila.” Binanggit ni Jane ang isa pang posibilidad. “Patagong nakikipag-date ang ilan bilang pagrerebelde,” ang sabi niya. “Kung pakiramdam mo’y tinatrato ka pa rin na parang bata, gagawin mo na lang ang gusto mong gawin nang hindi na nagpapaalam sa iyong mga magulang.”
May naiisip ka pa bang ibang dahilan kung bakit natutukso ang ilan na makipag-date nang patago? Kung mayroon, isulat ang mga ito sa ibaba.
․․․․․
Alam mo naman na iniuutos ng Bibliya na sundin mo ang iyong mga magulang. (Efeso 6:1) At kung tutol ang mga magulang mo na makipag-date ka, tiyak na may mabuti silang dahilan. Gayunman, huwag kang magtataka kung naiisip mo pa rin na:
● Parang napag-iiwanan ako dahil ako na lamang ang hindi nakikipag-date.
● May gusto ako sa isang di-kapananampalataya.
● Gusto kong makipag-date sa isang kapananampalataya, pero napakabata ko pa para mag-asawa.
Malamang na alam mo na ang sasabihin ng mga magulang mo hinggil sa mga bagay na iyan. At kumbinsido ka naman na tama sila. Pero baka pareho kayo ng nadarama ni Manami, na nagsabi: “Napakatindi ng panggigipit na makipag-date, kaya hindi ko mapanindigan kung minsan ang pasiya kong huwag munang makipag-date. Para sa mga kabataan sa ngayon, hindi ka normal kung hindi ka nakikipag-date. At saka hindi masaya kapag nagsosolo ka!” Ang ilan na nasa gayong situwasyon ay nagsimulang makipag-date, at inililihim nila ito sa kanilang mga magulang. Paano?
“Huwag Daw Namin Itong Ipagsasabi”
Ang mismong termino na “patagong pakikipag-date” ay nagpapahiwatig na kailangan mong magsinungaling sa paanuman, at ito talaga ang gagawin mo para hindi kayo mabisto. Para maitago ng ilan ang kanilang relasyon, madalas na nag-uusap na lamang sila sa telepono o sa Internet. Kapag nakikita sila ng ibang tao, parang magkaibigan lang sila, pero pagdating sa kanilang mga e-mail, tawag sa telepono, at mga text message, higit pa sila sa magkaibigan.
May isa pang ginagawa ang mga kabataan para hindi mahalatang nagdi-date sila. Kunwari ay panggrupo ang lakad nila, pero sa dakong huli ay nagpapares-pares din sila. Ganito ang sabi ni James: “Minsan, niyaya kami na magkita-kita sa isang lugar bilang isang grupo. Wala kaming kaalam-alam na planado na pala ang lahat para makapag-date ang dalawa sa mga kasama namin. Huwag daw namin itong ipagsasabi.”
Gaya ng ikinuwento ni James, kadalasan nang kasabuwat ang mga kaibigan sa patagong pakikipag-date. “Karaniwan na, isang kaibigan ang nakaaalam sa situwasyon pero nananahimik na lamang siya para hindi siya mabansagang ‘sumbungera,’” ang sabi ni Carol. Kung minsan, napipilitan talaga silang magsinungaling. “Para hindi mabisto ng kanilang mga magulang na nakikipag-date sila, maraming kabataan ang hindi nagsasabi ng totoo kung saan sila nagpupunta,” ang sabi ng 17-anyos na si Beth. Ganiyan mismo ang ginawa ni Misaki, 19 anyos. Sinabi niya: “Nag-iimbento ako ng mga kuwento para hindi mabisto ang pakikipag-date ko. Pero pagdating sa iba pang mga bagay, hindi ako nagsisinungaling para hindi masira ang tiwala sa akin ng mga magulang ko.”
Ang mga Panganib ng Patagong Pakikipag-date
Kung natutukso kang makipag-date nang patago—o kung ginagawa mo na ito—pag-isipan ang sumusunod na mga tanong:
Saan ito hahantong? Gusto mo na ba siyang pakasalan? “Kung nakikipag-date ka nang wala namang intensiyong mag-asawa, para kang nag-aalok ng isang bagay na hindi mo naman ipinagbibili,” ang sabi ng 20-anyos na si Evan. Ano ang maaaring maging resulta nito? Sinasabi ng Kawikaan 13:12: “Ang inaasam na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso.” Maaatim mo bang saktan ang isa na minamahal mo? Isa pang babala: Kung patago kang nakikipag-date, hindi ka mapapayuhan ng iyong mga magulang at iba pang mga adulto na nagmamalasakit sa iyo. Dahil dito, malamang na matukso kang gumawa ng seksuwal na imoralidad.—Galacia 6:7.
Ano ang nadarama ng Diyos na Jehova sa ginagawa ko? Sinasabi ng Bibliya: “Ang lahat ng bagay ay hubad at hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin.” (Hebreo 4:13) Kaya kung inililihim mo ang iyong pakikipag-date—o ang pakikipag-date ng iyong kaibigan—alam na ito ni Jehova. At kung nagsisinungaling ka, dapat ka talagang mabahala. Galit ang Diyos na Jehova sa pagsisinungaling. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya na ang “bulaang dila” ay isa sa pangunahing mga bagay na kinapopootan niya!—Kawikaan 6:16-19.
Itigil ang Patagong Pakikipag-date
Makabubuting sabihin mo sa iyong mga magulang o sa isang maygulang na Kristiyanong adulto ang tungkol sa anumang lihim na pakikipagrelasyon mo. At kung isang kaibigan mo ang patagong nakikipag-date, magiging kasabuwat ka kung pagtatakpan mo siya. (1 Timoteo 5:22) Isipin mo: Ano kaya ang madarama mo kung may mangyari sa kaniyang hindi maganda dahil patago siyang nakikipag-date? Hindi ba may pananagutan ka kahit paano?
Bilang ilustrasyon: Ipagpalagay nating isang kaibigan mo na may diyabetis ang panakaw na kumakain ng napakaraming matatamis na pagkain. Paano kung matuklasan mo ito pero nakiusap ang kaibigan mo na huwag mo siyang isusumbong? Ano ang mas mabuti mong gawin—pagtakpan ang iyong kaibigan o gumawa ng hakbang para hindi tuluyang manganib ang kaniyang kalusugan?
Parang ganiyan din ang situwasyon mo kung alam mong patagong nakikipag-date ang iyong kaibigan. Huwag kang mag-alala kung tuluyan mang masira ang inyong pagkakaibigan. Balang-araw, mapag-iisip-isip din ng isang tunay na kaibigan na para sa kabutihan niya ang ginawa mo.—Awit 141:5.
Paglilihim o Pagiging Pribado Lamang?
Siyempre pa, hindi lahat ng paglilihim may kaugnayan sa pakikipag-date ay maituturing na panlilinlang. Halimbawa, ipagpalagay nating gusto ng isang binata at isang dalaga na higit silang magkakilala, pero ayaw muna nila itong ipaalam sa maraming tao. Marahil gaya ng sinabi ng kabataang si Thomas, “ayaw nilang makantiyawan ng, ‘Uy, eh ’di kasalan na ’yan!’”
Masama ang epekto ng sobrang panggigipit ng iba. (Awit ni Solomon 2:7) Kaya sa umpisa, ayaw munang ipaalam ng ilan sa maraming tao ang tungkol sa kanilang relasyon. (Kawikaan 10:19) “Magbibigay ito ng panahon sa dalawang tao na pag-isipan kung talagang seryoso sila sa isa’t isa,” ang sabi ng 20-anyos na si Anna. “Kung talagang seryoso na nga sila, saka lamang nila ito sasabihin sa iba.”
Pero hindi naman tama na ilihim mo ang iyong relasyon sa mga taong dapat makaalam nito, gaya ng iyong mga magulang o mga magulang ng iyong ka-date. Kung ayaw mong ipaalam kahit kanino ang tungkol sa iyong pakikipag-date, dapat mong tanungin ang iyong sarili kung bakit. Dahil ba alam mong may makatuwirang dahilan ang mga magulang mo na tumutol?
“Alam Ko Na ang Dapat Kong Gawin”
Nang mabalitaan ni Jessica, na nabanggit sa pasimula, ang karanasan ng isang kabataang Kristiyano na katulad din niya ang kalagayan, natauhan siya at ipinasiya niyang itigil ang patagong pakikipag-date kay Jeremy. “Nang malaman ko na nakipagkalas siya,” ang sabi ni Jessica, “alam ko na ang dapat kong gawin.” Madali bang makipagkalas? Hindi! “Siya ang kaisa-isang binatang nagustuhan ko,” ang sabi ni Jessica. “Iniyakan ko rin iyon nang ilang linggo.”
Pero mahal ni Jessica si Jehova. At bagaman pansamantala siyang napalihis, gusto niya talagang gawin kung ano ang tama. Nang maglaon, naghilom din ang sugat ng kaniyang damdamin. “Mas matibay na ngayon ang aking kaugnayan kay Jehova,” ang sabi ni Jessica. “Kaylaki ng pasasalamat ko na lagi siyang nagbibigay ng patnubay sa tamang panahon!”
Ipagpalagay nating handa ka nang makipag-date, at natagpuan mo na ang taong gusto mo. Pero paano mo malalaman kung magiging mabuti siyang asawa?
TEMANG TEKSTO
‘Nais nating gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.’—Hebreo 13:18.
TIP
Hindi naman kailangang malaman ng buong mundo ang tungkol sa pakikipag-date mo. Pero kailangan mo itong sabihin sa mga dapat makaalam nito. Kadalasan nang kasama rito ang iyong mga magulang at ang mga magulang ng iyong ka-date.
ALAM MO BA . . . ?
Pagtitiwala ang pundasyon ng tumatagal na mga relasyon. Kung patago kang nakikipag-date, masisira ang tiwala sa iyo ng mga magulang mo at makaaapekto ito sa kaugnayan mo sa iyong ka-date.
ANG PLANO KONG GAWIN!
Kung patago akong nakikipag-date sa isang kapuwa Kristiyano, ang gagawin ko ay ․․․․․
Kung patagong nakikipag-date ang kaibigan ko, ang gagawin ko ay ․․․․․
Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․
ANO SA PALAGAY MO?
● Pag-isipan ang tatlong situwasyon na binanggit sa pahina 22 at nasa makakapal na letra. Alin sa mga ito ang maaaring nadarama mo kung minsan?
● Sa halip na patagong makipag-date, ano ang gagawin mo kapag nasa gayon kang situwasyon?
● Kung alam mong patagong nakikipag-date ang kaibigan mo, ano ang gagawin mo, at bakit?
[Blurb sa pahina 27]
“Itinigil ko ang patagong pakikipag-date. Oo, masakit ito dahil araw-araw ko siyang nakikita sa iskul namin. Pero mas alam ng Diyos na Jehova ang magiging resulta ng mga bagay-bagay, hindi tulad natin. Kailangan lamang nating magtiwala kay Jehova.”—Jessica
[Larawan sa pahina 25]
Kapag pinagtatakpan mo ang isang kaibigan na patagong nakikipag-date, parang pinagtatakpan mo ang isang may diyabetis na panakaw na kumakain ng napakaraming matatamis na pagkain
-
-
Magiging Mabuti Kaya Siyang Asawa?Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
-
-
KABANATA 3
Magiging Mabuti Kaya Siyang Asawa?
Sagutin ang sumusunod na tanong:
Sa ngayon, anu-anong katangian ang hinahanap mo sa isang mapapangasawa? Sa listahan sa ibaba, lagyan ng ✔ ang apat na katangian na itinuturing mong pinakamahalaga.
□ Guwapo/Maganda □ May matibay na kaugnayan sa Diyos
□ Palakaibigan □ Mapagkakatiwalaan
□ Popular □ Malinis sa moral
□ Palabiro □ May tunguhin sa buhay
Noong mas bata ka pa, nagkaroon ka ba ng crush? Sa listahan sa itaas, lagyan ng × ang pinakagusto mo noon na katangian ng taong iyon.
WALANG masama sa alinman sa mga katangiang nasa itaas. Maganda naman ang bawat isa sa mga katangiang ito. Pero sasang-ayon ka siguro na ang mga katangiang nagugustuhan mo sa crush mo noong bata ka pa ay ang di-gaanong mahahalagang katangian na gaya ng nakalista sa gawing kaliwa.
Ngunit habang nagkakaedad ka, alam mo na kung ano ang mas mahalaga, gaya ng nakalista sa gawing kanan. Halimbawa, natatanto mo nang ang pinakamagandang dalaga sa inyong lugar ay hindi naman pala masyadong mapagkakatiwalaan o na ang pinakapopular na binata sa inyong klase ay marami naman palang ginagawang kalokohan. Kung lampas ka na sa kasibulan ng kabataan, malamang na ang mas mahahalagang katangian na ang tinitingnan mo para masagot mo ang tanong na, “Magiging mabuti kaya siyang asawa?”
Kilalanin Muna ang Iyong Sarili
Bago mo pag-isipan kung sino kaya ang mabuting mapangasawa mo, kailangan mo munang kilalaning mabuti ang iyong sarili. Para makilala mo nang higit ang iyong sarili, sagutin ang sumusunod na mga tanong:
Ano ang magagandang katangian ko? ․․․․․
Ano ang mga kahinaan ko? ․․․․․
Ano ang gusto kong maging trato sa akin ng mapapangasawa ko at ano ang kailangan kong gawin para mapalapít ako sa Diyos? ․․․․․
Hindi madaling makilala ang iyong sarili, pero makatutulong ang mga tanong sa itaas upang unti-unti mong magawa ito. Miyentras mas kilala mo ang iyong sarili, mas madali kang makahahanap ng makakatulong sa iyo upang maging mas mabuti kang tao.a Paano kung sa tingin mo ay natagpuan mo na ang taong iyon?
Puwede Na Ba ang Kahit Sino?
“Puwede ba kitang ligawan?” Maaari kang mayamot o mapalundag sa tuwa kapag tinanong ka ng ganiyan. Kasi, depende ito sa kung sino ang nagtanong sa iyo. Ipagpalagay nang pumayag ka at sa kalaunan ay naging kasintahan mo siya. Paano mo malalaman sa loob ng panahong magkasama kayo na magiging mabuti siyang asawa para sa iyo?
Sabihin nating gusto mong bumili ng bagong sapatos. Pumunta ka sa mall at nakakita ka ng isang pares na nagustuhan mo. Isinuot mo ang sapatos, pero nadismaya ka nang makita mong hindi ito sukát sa iyo. Ano ang gagawin mo? Bibilhin mo pa rin ba ang sapatos? O hahanap ka ng iba? Maliwanag, mas magandang isauli ang sapatos at humanap ng iba. Hindi nga makatuwirang magsuot ng sapatos na hindi sukát sa iyo!
Ganiyan din sa pagpili ng mapapangasawa. Sa paglipas ng panahon, baka marami kang magustuhang di-kasekso. Pero hindi puwede ang kahit sino na lamang. Siyempre pa, ang gusto mong makasama ay yaong makakasundo mo—isa na tamang-tama sa iyong personalidad at kapareho mo ng tunguhin. (Genesis 2:18; Mateo 19:4-6) Nasumpungan mo na ba ang taong iyon? Kung oo, paano mo masasabi na magiging mabuti siyang asawa?
Huwag Tumingin sa Panlabas Lamang
Para masagot ang huling tanong na iyan, kilalaning mabuti ang iyong kasintahan. Pero maging maingat! Baka ang tinitingnan mo lamang ay ’yung gusto mong makita. Kaya sa halip na magmadali, sikaping alamin ang tunay na pagkatao ng iyong kasintahan. Hindi ito madaling gawin. Pero iyan naman ang inaasahan. Bilang paglalarawan: Ipagpalagay na gusto mong bumili ng kotse. Anu-ano ang titingnan mong mabuti rito? Ang porma lamang ba? Hindi ba higit pa rito ang dapat mong tingnan—marahil ang kondisyon ng makina nito?
Mas seryoso ang paghahanap ng mapapangasawa kaysa sa pagpili ng isang kotse. Pero ang tinitingnan ng marami sa mga nagdi-date ay ang panlabas na katangian lamang. Ang agad lamang nilang nakikita ay ang pagkakatulad nila: ‘Pareho ang musikang gusto namin.’ ‘Pareho kami ng paboritong gawain.’ ‘Nagkakasundo kami sa lahat ng bagay!’ Gayunman, gaya ng nabanggit na, kung ikaw ay talagang lampas na sa kasibulan ng kabataan, higit pa sa panlabas na mga katangian ang hahanapin mo. Batid mong kailangan mong makilala ang “lihim na pagkatao ng puso.”—1 Pedro 3:4; Efeso 3:16.
Halimbawa, sa halip na magpokus lamang sa mga bagay na pinagkakasunduan ninyo, mas makikilala mo siya pagdating sa mga bagay na hindi kayo nagkakasundo. Sa ibang pananalita, ano ang nagiging reaksiyon niya kapag may pinagtatalunan kayo—ipinipilit ba niya ang gusto niya, marahil nagpapadala sa “silakbo ng galit” o nagbibitiw ng “mapang-abusong pananalita”? (Galacia 5:19, 20; Colosas 3:8) O baka naman makatuwiran siya—handang magparaya alang-alang sa kapayapaan kung wala namang nalalabag na mga simulain ng Bibliya?—Santiago 3:17.
Ito ang isa pang bagay na dapat isaalang-alang: Ang tao bang ito ay dominante, seloso, o mahilig magmaniobra ng ibang tao? Gusto ba niyang malaman ang lahat ng kilos mo? “May alam akong mga magkasintahan na nag-aaway dahil naiinis ’yung isa kapag hindi ipinaaalam ng kasintahan niya kung saan ito nagpupunta,” ang sabi ni Nicole. “Sa palagay ko, malaking problema iyon.”—1 Corinto 13:4.
Ang mga bagay na tinalakay natin ay pangunahin nang may kaugnayan sa personalidad at paggawi. Gayunman, importante ring malaman mo ang reputasyon ng iyong kasintahan. Ano ang tingin sa kaniya ng iba? Baka magandang kausapin mo ang mga medyo matagal nang nakakakilala sa taong ito, gaya ng mga may-gulang na sa kongregasyon. Sa ganoong paraan, malalaman mo kung siya ay “may mabuting ulat.”—Gawa 16:1, 2.
Marami kang malalaman tungkol sa kasintahan mo kung itatala mo ang iyong personal na mga obserbasyon sa kaniya upang makita mo kung nakaaabot siya sa mga pamantayang natalakay na.
Personalidad ․․․․․
Paggawi ․․․․․
Reputasyon ․․․․․
Makikinabang ka rin kung titingnan mo ang kahon na “Magiging Mabuti Kaya Siyang Asawang Lalaki?” sa pahina 39 o “Magiging Mabuti Kaya Siyang Asawang Babae?” sa pahina 40. Ang mga tanong na makikita sa mga kahong ito ay tutulong sa iyo na malaman kung magiging mabuting asawa ang iyong kasintahan.
Paano kung pagkatapos mong pag-isipan ang mga bagay-bagay ay makita mong hindi pala siya magiging mabuting asawa? Kung ganiyan ang kalagayan, napapaharap ka sa isang seryosong tanong:
Dapat ba Kaming Maghiwalay?
Kung minsan, mas mabuti pa ang maghiwalay. Pansinin ang karanasan ni Jill. “Noong una,” ang sabi niya, “natutuwa ako dahil laging nag-aalalá ang kasintahan ko kung nasaan ako, kung ano ang ginagawa ko, at kung sino ang kasama ko. Pero umabot ito sa punto na wala na akong nakakasamang iba kundi siya. Nagseselos pa nga siya kapag kasama ko ang pamilya ko—lalo na kapag kasama ko ang tatay ko. Nang tapusin ko ang relasyon namin, para bang nabunutan ako ng tinik!”
Ganiyan din ang nangyari kay Sarah. Naobserbahan niya na ang kasintahan niyang si John ay sarkastiko, mapaghanap, at walang modo. “Minsan,” ang naalaala ni Sarah, “atrasado siya nang tatlong oras sa pagsundo sa akin sa bahay namin! Hindi man lamang niya binati ang nanay ko nang pagbuksan siya ng pinto, at pagkatapos ay sinabi niya: ‘Tara na. Late na tayo.’ Hindi niya sinabing, ‘Late ako,’ kundi ‘Late na tayo.’ Humingi man lang sana siya ng paumanhin o nagpaliwanag. Higit sa lahat, iginalang man lang sana niya ang nanay ko!” Sabihin pa, hindi naman basta masisira ang isang relasyon dahil minsang gumawi nang hindi maganda ang kasintahan mo. (Awit 130:3) Pero nang matanto ni Sarah na magaspang talaga ang ugali ni John, nagpasiya si Sarah na tapusin na ang kanilang relasyon.
Paano kung mapagtanto mo, gaya nina Jill at Sarah, na ang kasintahan mo ay hindi pala magiging mabuting asawa? Kung gayon, huwag ipagwalang-bahala ang iyong damdamin! Bagaman masakit, baka mas makabubuting putulin na ang inyong relasyon. Sinasabi ng Kawikaan 22:3: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli.” Halimbawa, kung isa o higit pa sa mga palatandaan ng malulubhang problema na nasa pahina 39 at 40 ang makita mo sa iyong kasintahan, makabubuting tapusin na ang inyong relasyon—hangga’t hindi siya nagbabago. Totoo, hindi madaling makipaghiwalay. Ngunit panghabambuhay ang pag-aasawa. Mas mabuti nang pansamantalang masaktan ngayon kaysa sa magsisi habambuhay!
Kung Paano Mo Ito Sasabihin
Paano mo sasabihin sa kaniya na gusto mo nang tapusin ang inyong relasyon? Una, pumili ng tamang lugar at pagkakataon. Saan at kailan? Buweno, kung ikaw ang nasa situwasyon niya, paano mo gustong pakitunguhan ka? (Mateo 7:12) Gusto mo bang putulin niya ang relasyon ninyo sa harap ng ibang tao? Malamang na hindi. Hindi magandang tapusin ang isang relasyon sa pamamagitan ng pagsasabi nito sa answering machine ng telepono, text, o e-mail, maliban na lamang kung angkop ito dahil sa kalagayan. Sa halip, pumili ng tamang oras at lugar para mapag-usapan ninyo ang seryosong bagay na ito.
Ano ang dapat mong sabihin kapag magkaharap na kayo? Hinimok ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na ‘magsalita ng katotohanan’ sa isa’t isa. (Efeso 4:25) Kaya ang pinakamainam na gawin ay maging mataktika pero matatag. Sabihin nang maliwanag kung bakit sa tingin mo ay hindi magiging matagumpay ang inyong relasyon. Hindi mo naman kailangang sermunan siya o isa-isahin sa kaniya ang mga pagkakamali niya. Sa halip na sabihing, “Ikaw kasi” o “Hindi ka kasi,” mas mabuti pang gumamit ng mga salitang nagpapakita sa nadarama mo—“Ang kailangan ko ay isang taong . . .” o “Sa palagay ko, dapat na nating tapusin ang relasyong ito dahil . . .”
Hindi ka dapat magdalawang-isip o magpadala sa sinasabi niya. Tandaan, seryoso ang dahilan mo kaya ka makikipaghiwalay. Kaya huwag na huwag kang padadala sa tusong pamamaraan niya para baguhin ang isip mo. “Nang putulin ko ang relasyon namin ng dati kong kasintahan,” ang sabi ng dalagang si Lori, “lagi niyang ipinakikita sa akin na malungkot siya. Sa palagay ko, ginagawa niya ito para maawa ako sa kaniya. Naaawa rin ako sa kaniya pero pinanindigan ko ang desisyon ko.” Gaya ni Lori, dapat na alam mo kung ano ang gusto mo. Pangatawanan mo ang iyong pasiya. Ang iyong hindi ay mangahulugang hindi.—Santiago 5:12.
Pagkatapos ng Paghihiwalay
Natural lamang na malungkot ka pagkatapos ninyong maghiwalay. Baka madama mo pa nga ang gaya ng nadama ng salmista na nagsabi: “Ako ay nagulumihanan, ako ay napayukod nang lubusan; buong araw akong naglalakad na malungkot.” (Awit 38:6) Baka himukin ka ng ilang nagmamalasakit na kaibigan na makipagbalikan ka sa dati mong kasintahan. Pero mag-ingat! Ikaw at hindi ang nagmamalasakit mong mga kaibigan ang magdurusa kung gagawin mo iyan. Kaya huwag kang matakot. Sa halip, panindigan mo ang iyong pasiya—kahit na nalulungkot ka rin sa nangyari.
Sa dakong huli, tiyak na lilipas din ang kirot na nadarama mo. Samantala, maaari kang gumawa ng positibong mga hakbang, gaya ng sumusunod, para makayanan mo ang situwasyong ito.
Sabihin ang iyong nadarama sa isang kapalagayang-loob.b (Kawikaan 15:22) Idalangin kay Jehova ang bagay na ito. (Awit 55:22) Maging abala. (1 Corinto 15:58) Huwag magmukmok! (Kawikaan 18:1) Makisama agad sa mga taong makapagpapatibay sa iyo. Sikaping magtuon ng pansin sa positibong mga bagay.—Filipos 4:8.
Sa kalaunan, baka may makilala ka ring iba. Walang alinlangan na sa pagkakataong iyon, mas balanse na ang pananaw mo. Marahil sa panahong iyon, ang magiging sagot mo sa tanong na “Magiging mabuti kaya siyang asawa?” ay oo!
MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 1, KABANATA 31
Kapag nakikipag-date, ano ang dapat na maging limitasyon sa pagpapakita ng pagmamahal sa isa’t isa?
[Mga talababa]
a Higit mong makikilala ang iyong sarili kung pag-iisipan mo ang mga tanong sa Kabanata 1, sa ilalim ng subtitulong “Handa Ka Na Bang Mag-asawa?”
b Makatutulong sa iyo ang iyong mga magulang o iba pang adulto, gaya ng mga Kristiyanong elder. Anong malay mo, baka pinagdaanan din nila ang gayong situwasyon noong nasa kabataan sila.
TEMANG TEKSTO
“Sa pamamagitan nga ng kaniyang mga gawa ay ipinakikilala ng isang bata kung ang kaniyang gawain ay dalisay at matuwid.”—Kawikaan 20:11.
TIP
Makibahagi kayong dalawa sa mga gawaing makatutulong sa inyo na makilala ang isa’t isa:
● Magkasamang mag-aral ng Salita ng Diyos.
● Obserbahan ang isa’t isa habang nakikibahagi sa mga pulong ng kongregasyon at sa ministeryo.
● Tumulong sa paglilinis ng Kingdom Hall at sa mga proyekto ng pagtatayo.
ALAM MO BA . . . ?
Paulit-ulit na ipinakikita ng pagsasaliksik na kadalasang nauuwi sa diborsiyo ang pag-aasawa ng mga taong magkaiba ang relihiyon.
ANG PLANO KONG GAWIN!
Kung nagkakagusto ako sa isang di-kapananampalataya, ang gagawin ko ay ․․․․․
Para malaman ko ang reputasyon ng aking kasintahan, ang gagawin ko ay ․․․․․
Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․
ANO SA PALAGAY MO?
● Anong magagandang katangian ang dapat mong pasulungin upang maging matagumpay ang iyong pag-aasawa?
● Anong mahahalagang katangian ang dapat mong hanapin sa isang mapapangasawa?
● Ano ang maaaring maging problema kapag nag-asawa ka ng isang di-kapananampalataya?
● Paano mo malalaman ang pagkatao, paggawi, at reputasyon ng iyong kasintahan?
[Blurb sa pahina 37]
“Kung paano tinatrato ng kasintahan mo ang kaniyang pamilya, iyon din ang magiging trato niya sa iyo.”—Tony
[Kahon sa pahina 34]
“Huwag Kayong Makipamatok Nang Kabilan”
“Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya.” Maaaring iniisip mong makatuwiran naman ang simulaing iyan ng Bibliya sa 2 Corinto 6:14. Gayunpaman, baka nagkakagusto ka pa rin sa isang di-kapananampalataya. Bakit? Kung minsan baka naaakit ka lamang sa kaniyang pisikal na hitsura. “Lagi kong nakikita ang dalagitang ito kapag may klase ng P.E. sa gym,” ang sabi ng binatilyong si Mark. “Siya mismo ang lumalapit sa akin para makipag-usap. Kaya madaling nahulog ang loob ko sa kaniya.”
Kung kilala mo ang iyong sarili at naniniwala ka sa mga pamantayang natutuhan mo sa Bibliya—at kung sapat na ang iyong pagkamaygulang anupat hindi ka na pinangingibabawan ng iyong damdamin—alam mo na ang dapat mong gawin. Oo, ang taong ito—siya man ay napakaganda, napakaguwapo, o waring napakabait—ay hindi makapagpapatibay sa iyong kaugnayan sa Diyos.—Santiago 4:4.
Sabihin pa, kung nahulog na ang loob ninyo sa isa’t isa, hindi madaling makipaghiwalay—gaya ng naranasan ng dalagitang si Cindy. “Araw-araw ko siyang iniiyakan,” ang sabi niya. “Siya na lamang palagi ang nasa isip ko, kahit na sa panahon ng Kristiyanong pagpupulong. Mahal na mahal ko siya at mas gusto ko pang mamatay kaysa mawala siya sa akin.” Gayunman, di-nagtagal ay nakita rin ni Cindy na tama pala ang payo ng nanay niya na huwag siyang makipag-date sa isang di-kapananampalataya. “Mabuti na lamang at nakipaghiwalay ako sa kaniya,” ang sabi ni Cindy. “Buo ang tiwala ko na ibibigay ni Jehova ang aking mga pangangailangan.”
Pareho ba kayo ng situwasyon ni Cindy? Kung oo, hindi mo kailangang harapin ito nang mag-isa! Maaari mong kausapin ang iyong mga magulang. Iyan ang ginawa ni Jim nang mahumaling siya sa isang dalaga sa paaralan. “Hiniling ko rin nang dakong huli ang tulong ng aking mga magulang,” ang sabi niya. “Malaki ang naitulong nito sa akin para mapagtagumpayan ko ang damdaming ito.” Matutulungan ka rin ng mga elder sa inyong kongregasyon. Bakit hindi ipakipag-usap sa isa sa kanila ang pinagdaraanan mo?—Isaias 32:1, 2.
[Kahon/Larawan sa pahina 39]
Worksheet
Magiging Mabuti Kaya Siyang Asawang Lalaki?
Mahahalagang Bagay na Dapat Mong Alamin Tungkol sa Kaniya
◻ Paano niya ginagamit ang kaniyang awtoridad?—Mateo 20:25, 26.
◻ Ano ang kaniyang mga tunguhin?—1 Timoteo 4:15.
◻ Sinisikap ba niya ngayong maabot ang mga tunguhing ito?—1 Corinto 9:26, 27.
◻ Paano niya tinatrato ang kaniyang pamilya?—Exodo 20:12.
◻ Sinu-sino ang kaniyang mga kaibigan?—Kawikaan 13:20.
◻ Ano ang gustung-gusto niyang pag-usapan?—Lucas 6:45.
◻ Ano ang pananaw niya sa pera?—Hebreo 13:5, 6.
◻ Anong uri ng libangan ang gusto niya?—Awit 97:10.
◻ Paano niya ipinakikita ang kaniyang pag-ibig kay Jehova?—1 Juan 5:3.
Magagandang Katangian Niya
◻ Masipag ba siya?—Kawikaan 6:9-11.
◻ Responsable ba siya sa paghawak ng pera?—Lucas 14:28.
◻ Maganda ba ang reputasyon niya?—Gawa 16:1, 2.
◻ Makonsiderasyon ba siya?—Filipos 2:4.
Palatandaan ng Malubhang Problema
◻ Magagalitin ba siya?—Kawikaan 22:24.
◻ Hinihikayat ka ba niyang gumawa ng seksuwal na imoralidad?—Galacia 5:19.
◻ Nananakit ba siya sa pisikal o berbal na paraan?—Efeso 4:31.
◻ Mahilig ba siyang uminom ng alak?—Kawikaan 20:1.
◻ Seloso ba siya at makasarili?—1 Corinto 13:4, 5.
[Kahon/Larawan sa pahina 40]
Worksheet
Magiging Mabuti Kaya Siyang Asawang Babae?
Mahahalagang Bagay na Dapat Mong Alamin Tungkol sa Kaniya
◻ Paano ba siya nagpapasakop sa loob ng pamilya at sa kongregasyon?—Efeso 5:21, 22.
◻ Paano niya tinatrato ang kaniyang pamilya?—Exodo 20:12.
◻ Sinu-sino ang kaniyang mga kaibigan?—Kawikaan 13:20.
◻ Ano ang gustung-gusto niyang pag-usapan?—Lucas 6:45.
◻ Ano ang pananaw niya sa pera?—1 Juan 2:15-17.
◻ Ano ang kaniyang mga tunguhin?—1 Timoteo 4:15.
◻ Sinisikap ba niya ngayong maabot ang mga tunguhing ito?—1 Corinto 9:26, 27.
◻ Anong uri ng libangan ang gusto niya?—Awit 97:10.
◻ Paano niya ipinakikita ang kaniyang pag-ibig kay Jehova?—1 Juan 5:3.
Magagandang Katangian Niya
◻ Masipag ba siya?—Kawikaan 31:17, 19, 21, 22, 27.
◻ Responsable ba siya sa paghawak ng pera?—Kawikaan 31:16, 18.
◻ Maganda ba ang reputasyon niya?—Ruth 3:11.
◻ Makonsiderasyon ba siya?—Kawikaan 31:20.
Palatandaan ng Malubhang Problema
◻ Mahilig ba siyang makipagtalo?—Kawikaan 21:19.
◻ Hinihikayat ka ba niyang gumawa ng seksuwal na imoralidad?—Galacia 5:19.
◻ Nananakit ba siya sa pisikal o berbal na paraan?—Efeso 4:31.
◻ Mahilig ba siyang uminom ng alak?—Kawikaan 20:1.
◻ Selosa ba siya at makasarili?—1 Corinto 13:4, 5.
[Larawan sa pahina 30]
Hindi magkakasya ang kahit na anong sukat ng sapatos lamang; sa katulad na paraan, hindi magiging mabuting asawa ang kahit sino na lamang
[Larawan sa pahina 31]
Kapag pumipili ng kotse, mahalaga na tingnang mabuti hindi lamang ang porma nito. Lalo nang higit sa pagpili ng mapapangasawa!
-
-
Mali Bang Magpahayag Kami ng Pagmamahal sa Isa’t Isa?Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
-
-
KABANATA 4
Mali Bang Magpahayag Kami ng Pagmamahal sa Isa’t Isa?
Tama o mali . . .
Hindi puwedeng maghawakan ang magkasintahan kahit kailan.
□ Tama
□ Mali
Puwedeng magkasala ng pakikiapid ang magkasintahan kahit na hindi sila nagtatalik.
□ Tama
□ Mali
Ang magkasintahang hindi nagyayakapan o naghahalikan ay hindi totoong nagmamahalan.
□ Tama
□ Mali
MARAHIL ay madalas mong pag-isipan ang paksang ito. Kasi kung may kasintahan ka na, mahirap magtakda ng limitasyon pagdating sa pagpapahayag ng pagmamahal. Pag-usapan natin ang tatlong puntong binanggit sa itaas at tingnan natin kung paano makatutulong ang Salita ng Diyos upang masagot natin ang tanong na, “Mali bang magpahayag kami ng pagmamahal sa isa’t isa?”
● Hindi puwedeng maghawakan ang magkasintahan kahit kailan.
Mali. Hindi hinahatulan ng Bibliya ang kapahayagan ng pagmamahal kung marangal ito at nasa lugar. Halimbawa, may binabanggit sa Bibliya na kuwento ng pag-ibig ng isang dalagang Shulamita at ng binatang pastol. Malinis ang kanilang pagliligawan. Pero nagpakita rin sila ng pagmamahal sa isa’t isa sa pisikal na paraan bago sila naging mag-asawa. (Awit ni Solomon 1:2; 2:6; 8:5) Maaaring para sa ilang magkasintahan sa ngayon na talagang pinag-iisipan na ang pag-aasawa, hindi naman masama ang magpahayag ng pagmamahal sa paanuman.a
Gayunman, dapat na mag-ingat nang husto ang magkasintahan. Ang paghahalikan, pagyayakapan, o paggawa ng anumang bagay na nakapupukaw ng pagnanasa ay maaaring humantong sa seksuwal na kahalayan. Kahit na malinis ang hangarin ng magkasintahan, napakadaling madala ng emosyon at matuksong gumawa ng imoralidad.—Colosas 3:5.
● Puwedeng magkasala ng pakikiapid ang magkasintahan kahit na hindi sila nagtatalik.
Tama. Ang orihinal na salitang Griego na isinaling “pakikiapid” (por·neiʹa) ay may malawak na kahulugan. Tumutukoy ito sa lahat ng anyo ng pagtatalik ng hindi mag-asawa at sa di-wastong paggamit ng ari. Kaya kasama sa pakikiapid hindi lamang ang pakikipagtalik sa hindi mo asawa kundi pati na ang mga gawaing gaya ng paghimas sa ari ng ibang tao, oral sex, o anal sex.
Bukod diyan, hindi lamang pakikiapid ang hinahatulan ng Bibliya. Sumulat si apostol Pablo: “Ang mga gawa ng laman ay hayag, at ang mga ito ay pakikiapid, karumihan, mahalay na paggawi.” Sinabi pa niya: “Yaong mga nagsasagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”—Galacia 5:19-21.
Ano ang “karumihan”? Ang salitang Griego para rito ay tumutukoy sa anumang uri ng karumihan, sa salita at gawa. Tiyak na karumihan na ipasok ng isa ang kaniyang kamay sa loob ng damit ng iba, hubaran ang iba, o hipuin ang maseselang bahagi ng kanilang katawan, gaya ng dibdib. Sa Bibliya, ang paghimas sa dibdib ay nauugnay sa kasiyahang para lamang sa mag-asawa.—Kawikaan 5:18, 19.
Walang-kahihiyang sinusuway ng ilang kabataan ang mga pamantayan ng Diyos. Sinasadya nilang lumampas sa tamang mga limitasyon, o may-kasakiman silang naghahanap ng iba’t ibang makakapareha sa seksuwal na karumihan. Baka nakagagawa pa nga ang ilan ng “mahalay na paggawi,” gaya ng tawag dito ni apostol Pablo. Ang salitang Griego na isinaling “mahalay na paggawi” ay nangangahulugang ‘kalapastanganan, kalabisan, kawalang-pakundangan, di-mapigil na pagnanasa.’ Tiyak na ayaw mong ‘mawalan ng lahat ng pakiramdam sa moral’ dahil sa “mahalay na paggawi upang gumawa ng bawat uri ng karumihan nang may kasakiman.”—Efeso 4:17-19.
● Ang magkasintahang hindi nagyayakapan o naghahalikan ay hindi totoong nagmamahalan.
Mali. Salungat sa iniisip ng ilan, ang pagyayakapan o paghahalikan ay hindi nagpapatibay sa relasyon ng magkasintahan. Sa halip, sinisira nito ang paggalang at tiwala nila sa isa’t isa. Isaalang-alang ang karanasan ni Laura. “Isang araw, wala ang nanay ko sa bahay nang dumating ang boyfriend ko para makipanood daw ng TV,” ang sabi niya. “Sa umpisa, kamay ko lamang ang hawak niya. Mayamaya, gumapang na ang kamay niya. Hindi ko masabi sa kaniyang tama na dahil natatakot akong magalit siya at bigla na lamang umalis.”
Sa palagay mo, mahal ba talaga si Laura ng kasintahan niya, o gusto lamang nitong masapatan ang kaniyang makasariling pagnanasa? Mahal ka ba talaga ng taong humihikayat sa iyo na gumawa ng kahalayan?
Kapag pinipilit ng isang binata ang isang dalaga na ipagwalang-bahala ang kaniyang budhi at ang kaniyang pagiging Kristiyano, nilalabag niya ang kautusan ng Diyos at taliwas ito sa pag-aangking mahal niya ang dalaga. Bukod diyan, kapag pumayag ang dalaga, hinahayaan niyang mapagsamantalahan siya. Mas masahol pa rito, nakagawa siya ng karumihan—marahil ng pakikiapid pa nga.b—1 Corinto 6:9, 10.
Magtakda ng Malinaw na mga Limitasyon
Kapag nakikipag-date ka, paano mo maiiwasan ang di-angkop na pagpapahayag ng pagmamahal? Isang katalinuhan na patiunang magtakda ng malinaw na mga limitasyon. Sinasabi ng Kawikaan 13:10: “Sa mga nagsasanggunian ay may karunungan.” Kaya pag-usapan ninyong magkasintahan kung anong mga kapahayagan ng pagmamahal ang angkop. Kung hihintayin ninyong mag-alab ang inyong romantikong damdamin bago kayo magtakda ng mga limitasyon, wala itong ipinagkaiba sa isang taong saka lamang nag-instila ng alarma noong nasusunog na ang bahay niya.
Totoo, hindi madali—nakaaasiwa pa nga—na pag-usapan ang gayong maselang paksa, lalo na kung bago pa lamang kayong magkasintahan. Pero malaki ang magagawa ng pagtatakda ng mga limitasyon upang maiwasan ang malulubhang problema sa kalaunan. Ang pagtatakda ng makatuwirang mga limitasyon ay gaya ng pag-iinstila ng smoke detector na nagbibigay ng babala sa unang palatandaan pa lamang ng sunog. Bukod diyan, ang kakayahan mong ipakipag-usap ang ganitong mga bagay ay nagpapakitang may patutunguhan ang inyong relasyon. Sa katunayan, ang pagpipigil sa sarili, pagkamatiisin, at kawalang-pag-iimbot ang pundasyon ng kasiya-siyang seksuwal na ugnayan ng mag-asawa.—1 Corinto 7:3, 4.
Oo, hindi madaling sumunod sa mga pamantayan ng Diyos. Pero makapagtitiwala ka sa payo ni Jehova. Sa katunayan, sa Isaias 48:17, sinabi niyang siya “ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.” Kapakanan mo ang iniisip ni Jehova!
MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 1, KABANATA 24
Kung virgin ka pa at walang karanasan, hindi naman ibig sabihing abnormal ka. Sa kabaligtaran, ito ang matalinong landasin. Alamin kung bakit.
[Mga talababa]
a Sa ilang bahagi ng daigdig, hindi katanggap-tanggap at malaswa ang hayagang pagpapakita ng pagmamahal ng magkasintahan. Sinisikap ng mga Kristiyano na maging maingat sa kanilang paggawi upang hindi sila makatisod sa iba.—2 Corinto 6:3.
b Siyempre pa, kapit kapuwa sa lalaki’t babae ang mga isyung binabanggit sa parapong ito.
TEMANG TEKSTO
“Ang pag-ibig ay . . . hindi gumagawi nang hindi disente.”—1 Corinto 13:4, 5.
TIP
Mag-date kayo kasama ng isang grupo o kaya’y magsama ng tsaperon. Umiwas sa alanganing mga situwasyon—halimbawa, huwag hahayaang dadalawa lamang kayo sa loob ng nakaparadang sasakyan o sa bahay.
ALAM MO BA . . . ?
Kapag nakatakda na ang inyong kasal, may ilang maselang bagay na kailangan ninyong pag-usapan. Pero ang masyadong detalyadong pag-uusap sa layuning pukawin ang pagnanasa sa sekso ay isang anyo ng karumihan—kahit na sa pamamagitan ng telepono o text message.
ANG PLANO KONG GAWIN!
Makakaiwas ako sa imoralidad kung ․․․․․
Kung pilitin ako ng kasintahan ko na gumawa ng kahalayan, ang gagawin ko ay ․․․․․
Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․
ANO SA PALAGAY MO?
● Anu-anong limitasyon ang dapat mong itakda sa pagpapahayag ng pagmamahal sa isang di-kasekso?
● Ipaliwanag ang pagkakaiba ng pakikiapid, karumihan, at mahalay na paggawi.
[Blurb sa pahina 46]
“Nagbabasa kaming magkasintahan ng mga artikulong salig sa Bibliya kung paano makapananatiling malinis sa moral. Natulungan kami ng mga ito na mapanatiling malinis ang aming budhi.”—Leticia
[Kahon sa pahina 44]
Paano Kung Lumampas Kami sa Limitasyon?
Paano kung nakagawa kayong magkasintahan ng kahalayan? Huwag mong linlangin ang iyong sarili at isiping kaya mong lutasing mag-isa ang problema. Inamin ng isang kabataan: “Nananalangin naman ako sa Diyos na sana’y tulungan kaming huwag na itong maulit pa. Pero kung minsan, nadaraig pa rin kami ng tukso.” Kaya makipag-usap sa iyong mga magulang. Maganda rin ang payong ito ng Bibliya: “Tawagin . . . ang matatandang lalaki ng kongregasyon.” (Santiago 5:14) Ang mga Kristiyanong pastol na ito ay makapagbibigay ng payo at saway upang mapanumbalik mo ang iyong mabuting kaugnayan sa Diyos.
[Mga larawan sa pahina 47]
Saka ka lamang ba mag-iinstila ng alarma kapag nasusunog na ang bahay mo? Kung gayon, huwag nang hintaying mag-alab ang inyong romantikong damdamin bago magtakda ng mga limitasyon sa pagpapahayag ng pagmamahal
-
-
Bakit Walang Masama sa Pagiging Virgin?Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
-
-
KABANATA 5
Bakit Walang Masama sa Pagiging Virgin?
“Parang gusto kong subukang makipag-sex.”—Kelly.
“Parang naiiba ako dahil virgin pa ako.”—Jordon.
“ANO, virgin ka pa rin?” Baka takót kang masabihan ng ganiyan! Kung sa bagay, itinuturing sa maraming lugar na kakatwa ang isang kabataang virgin pa. Hindi nga kataka-takang marami ang nakikipag-sex kahit tin-edyer pa lamang sila!
Nahihila ng Pagnanasa, Itinutulak Pa ng Barkada
Kung isa kang Kristiyano, alam mong sinasabi ng Bibliya na dapat ‘iwasan ang pakikiapid.’ (1 Tesalonica 4:3) Pero baka nahihirapan kang pigilan ang iyong seksuwal na mga pagnanasa. “Kung minsan, basta na lang pumapasok sa isip ko ang tungkol sa sex,” ang inamin ng kabataang si Paul. Huwag kang mag-alala, normal lamang iyon.
Gayunman, hindi nakakatuwa kung madalas kang kinakantiyawan at pinag-iinitan dahil virgin ka pa! Halimbawa, paano kung sabihin sa iyo ng mga kaibigan mo na hindi ka maituturing na isang tunay na lalaki o babae hangga’t hindi mo pa nasusubukang makipag-sex? “Pinalilitaw ng mga kaibigan mo na waring kasiya-siya at normal ang pakikipag-sex,” ang sabi ni Ellen. “Kung hindi ka marunong makipag-sex kung kani-kanino, hindi normal ang tingin sa iyo.”
Pero may isang bagay tungkol sa pakikipagtalik nang hindi pa kasal na maaaring hindi pinagkukuwentuhan ng iyong mga kaibigan. Pansinin ang nangyari kay Maria na nakipag-sex noon sa kaniyang kasintahan. Ganito ang naalaala niya: “Pagkatapos mangyari iyon, wala na akong mukhang maiharap. Galit na galit ako sa aking sarili at sa kasintahan ko.” Walang kamalay-malay ang mga kabataan, pero iyan ang karaniwang nangyayari. Sa katunayan, ang pakikipagtalik nang hindi pa kasal ay nakapipinsala at nakasasakit ng damdamin!
Pero isang kabataang nagngangalang Shanda ang nagtanong, “Bakit bibigyan ng Diyos ang mga kabataan ng seksuwal na mga pagnanasa gayong alam naman niyang hindi nila ito dapat gamitin hangga’t hindi sila kasal?” Magandang tanong iyan. Pero pansinin ang sumusunod:
Seksuwal na pagnanasa lamang ba ang tanging matinding damdamin na nadarama mo? Hindi naman. Nilalang ka ng Diyos na Jehova na may kakayahang makadama ng iba’t ibang damdamin.
Dapat ka bang magpadala sa bawat bugso ng iyong damdamin minsang maramdaman mo ito? Hindi, dahil binigyan ka rin ng Diyos ng kakayahang pigilin ang iyong sarili.
Kung gayon, ano ang matututuhan mo rito? Normal lamang na magkaroon ka ng mga pagnanasa, pero kaya mong kontrolin ang iyong sarili. Sa katunayan, ang pagpapadala sa bawat seksuwal na pagnanasa ay hindi tama at hindi makatuwiran. Wala itong ipinagkaiba sa isang taong nananakit sa tuwing magagalit.
Ang totoo, layunin ng Diyos na maging marangal ang pagtatalik. “Ang bawat isa sa inyo ay dapat makaalam kung paano susupilin ang kaniyang sariling sisidlan [o katawan] sa pagpapabanal at karangalan,” ang sabi ng Bibliya. (1 Tesalonica 4:4) Kung paanong may “panahon ng pag-ibig at panahon ng pagkapoot,” may panahon din para sapatan ang seksuwal na mga pagnanasa at may panahong hindi mo iyon dapat gawin. (Eclesiastes 3:1-8) Tutal, ikaw ang may kontrol sa iyong pagnanasa!
Pero ano ang magagawa mo kung may nangangantiyaw sa iyo, na para bang hindi siya makapaniwala, “Talaga bang virgin ka pa rin?” Huwag kang matakot. Kung gusto ka lamang niyang ipahiya, maaari mong sabihin: “Oo, virgin pa ako. At hindi ko ikinakahiya iyon!” O maaari mong sabihin, “Personal na bagay iyan na ayaw kong pag-usapan.”a (Kawikaan 26:4; Colosas 4:6) Sa kabilang banda, baka iniisip mong kailangang malaman ng taong ito ang iyong paninindigang salig sa Bibliya. Kung gayon, maaari mong ipaliwanag iyon sa kaniya.
May naiisip ka bang ibang sagot sa kantiyaw na “Talaga bang virgin ka pa rin?” Isulat iyon sa ibaba.
․․․․․
Isang Mahalagang Regalo
Ano kaya ang nadarama ng Diyos kapag ang mga tao ay nakikipagtalik nang hindi pa kasal? Buweno, ipagpalagay mong bumili ka ng regalo para sa iyong kaibigan. Pero dahil hindi na siya makapaghintay, bago mo pa man ito maibigay sa kaniya ay palihim na niya itong binuksan! Hindi ka ba magagalit? Kaya isipin mo na lang kung ano ang madarama ng Diyos kapag nakipagtalik ka nang hindi pa kasal. Gusto niyang hintayin mong ikaw ay makapag-asawa bago ka makipagtalik.—Genesis 1:28.
Ano ang dapat mong gawin kung makaramdam ka ng seksuwal na pagnanasa? Buweno, matutong kontrolin ito. Kaya mong gawin iyan! Manalangin kay Jehova na tulungan ka. Ang kaniyang espiritu ang tutulong sa iyo na magkaroon ng higit na pagpipigil sa sarili. (Galacia 5:22, 23) Laging tandaan na si Jehova ay “hindi magkakait ng anumang mabuti sa mga lumalakad sa kawalang-pagkukulang.” (Awit 84:11) Ganito ang sabi ng kabataang si Gordon: “Kapag naiisip kong hindi naman siguro malaking kasalanan ang pakikipag-sex nang hindi pa kasal, ipinaaalaala ko sa aking sarili ang masamang ibubunga nito sa aking kaugnayan kay Jehova. Hindi sulit na ipagpalit ko sa anupaman ang kaugnayan ko kay Jehova.”
Sa katunayan, normal at hindi kakatwa ang pagiging virgin. Ang seksuwal na imoralidad ang nakakahiya, nakapagpapababa ng dignidad, at nakasisira ng buhay. Kaya huwag kang maniwala sa mga tao sa sanlibutan na nagsasabing may diperensiya ka kung sumusunod ka sa mga pamantayan ng Bibliya. Kung iiwasan mo ang pakikipag-sex nang hindi pa kasal, maiingatan mo ang iyong kalusugan, maiiwasan mong masaktan, at higit sa lahat, mapananatili mo ang iyong kaugnayan sa Diyos.
MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 1, KABANATA 24
[Talababa]
a Kapansin-pansin, tumahimik lamang si Jesus nang tanungin siya ni Herodes. (Lucas 23:8, 9) Madalas na ang pananahimik ang pinakamabuting sagot sa malisyosong mga tanong.
TEMANG TEKSTO
‘Kung ang sinuman ay gumawa ng pasiyang ito sa kaniyang sariling puso, na ingatan ang kaniyang sariling pagkabirhen, siya ay mapapabuti.’—1 Corinto 7:37.
TIP
Iwasang makisama sa mga taong walang matibay na paninindigan sa mga pamantayang moral, kahit na sabihin pa nilang pareho kayo ng relihiyosong paniniwala.
ALAM MO BA . . . ?
Ang taong nahirati sa seksuwal na imoralidad ay malamang na hindi magbago kahit pa mag-asawa na siya. Sa kabaligtaran, ang taong tapat sa mga pamantayang moral ng Diyos bago pa man siya mag-asawa ay mas malamang na magiging tapat sa kaniyang kabiyak.
ANG PLANO KONG GAWIN!
Kung gusto kong manatiling “virgin” hanggang sa makapag-asawa ako, ang gagawin ko ay ․․․․․
Kung ginigipit ako ng mga kaibigan ko na ipagwalang-bahala ang aking pasiya, ang gagawin ko ay ․․․․․
Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․
ANO SA PALAGAY MO?
● Bakit kaya kinukutya ng ilan ang mga virgin pa?
● Bakit hindi madali ang manatiling virgin?
● Anu-ano ang kapakinabangan ng pananatiling virgin hanggang sa ikaw ay makapag-asawa?
● Paano mo ipaliliwanag sa iyong nakababatang mga kapatid na makabubuti kung hindi siya makikipag-sex nang hindi pa kasal?
[Blurb sa pahina 51]
“Para maiwasan ko ang tuksong gumawa ng seksuwal na imoralidad, itinatanim ko sa isip ko na ‘walang sinumang mapakiapid o taong marumi o taong sakim ang may anumang mana sa kaharian ng Diyos.’” (Efeso 5:5)—Lydia
[Kahon sa pahina 49]
Worksheet
Ano Talaga ang Mangyayari Pagkatapos?
Madalas na may-katusuhang itinatago ng mga kaibigan mo at ng popular na mga libangan ang di-kaayaayang katotohanan hinggil sa pakikipag-sex nang hindi pa kasal. Pansinin ang sumusunod na mga situwasyon. Ano sa palagay mo ang talagang mangyayari sa mga kabataang ito? ․․․․․
● Ipinagyayabang ng isang estudyante sa inyong paaralan na marami na siyang nakatalik na babae. Sinabi niyang katuwaan lang iyon at wala namang nasasaktan. Ano talaga ang mangyayari pagkatapos—sa kaniya at sa mga babae? ․․․․․
● Sa katapusan ng isang pelikula, dalawang kabataang hindi pa kasal ang nagsiping para ipakitang mahal nila ang isa’t isa. Ano ang mangyayari pagkatapos—sa totoong buhay? ․․․․․
● Isang guwapong kabataan ang nagyaya sa iyo na makipag-sex. Sinabi niyang wala namang makaaalam tungkol doon. Kung magpapadala ka at ililihim iyon, ano talaga ang mangyayari pagkatapos? ․․․․․
[Larawan sa pahina 54]
Ang pakikipagtalik nang hindi pa kasal ay gaya ng palihim na pagbubukas ng regalo bago pa man ito maibigay sa iyo
-