-
Ang mga Bagay na Ito ay Kailangang Maganap”Ang Bantayan—1999 | Mayo 1
-
-
Ang mga Bagay na Ito ay Kailangang Maganap”
“Sinabi ni Jesus sa kanila: ‘. . . Ang mga bagay na ito ay kailangang maganap, ngunit hindi pa ang wakas.’”—MATEO 24:4-6.
1. Anong paksa ang dapat pumukaw ng ating interes?
TIYAK na interesado ka sa iyong buhay at sa iyong kinabukasan. Kung gayo’y dapat ka ring maging interesado sa isang paksa na umagaw ng pansin ni C. T. Russell noong 1877. Si Russell, na sa kalaunan ay nagtatag ng Samahang Watch Tower, ang sumulat ng The Object and Manner of Our Lord’s Return. Tinalakay sa 64-na-pahinang buklet na ito ang tungkol sa pagbabalik, o panghinaharap na pagparito, ni Jesus. (Juan 14:3) Minsan, samantalang nasa Bundok ng mga Olibo, nagtanong ang mga apostol tungkol sa pagbabalik na iyan: “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto [o, “pagparito,” King James Version] at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?”—Mateo 24:3.
2. Bakit maraming nagkakasalungatang pananaw tungkol sa inihula ni Jesus?
2 Nalalaman at nauunawaan mo ba ang sagot ni Jesus? Masusumpungan iyon sa tatlo sa mga Ebanghelyo. Ganito ang sabi ni Propesor D. A. Carson: “Iilang kabanata sa Bibliya ang pumukaw ng higit na pagtatalo sa mga tagapagbigay-kahulugan kaysa sa Mateo 24 at sa katumbas nito sa Marcos 13 at Lucas 21.” Saka siya nagbigay ng sarili niyang opinyon—isa lamang sa mga nagkakasalungatang pananaw ng mga tao. Sa nakaraang mga isang siglo, marami sa gayong pananaw ang nagpapaaninaw ng kawalan ng pananampalataya. Naniniwala ang mga nagbigay ng gayong mga pananaw na hindi kailanman sinabi ni Jesus ang mababasa natin sa mga Ebanghelyo, na ang kaniyang mga sinabi ay binago nang dakong huli, o na ang kaniyang mga hula ay nabigo—mga pananaw na hinubog ng mapanuring kritisismo. Sinuri pa man din ng isang komentarista ang Ebanghelyo ni Marcos ‘sa pamamagitan ng punto de vista ng pilosopiyang Mahayana-Budista’!
3. Paano inuunawa ng mga Saksi ni Jehova ang hula ni Jesus?
3 Sa kabaligtaran, tinatanggap ng mga Saksi ni Jehova ang pagiging totoo at pagkamaaasahan ng Bibliya, kasali na ang sinabi ni Jesus sa apat na apostol na kasama niya sa Bundok ng mga Olibo tatlong araw bago siya mamatay. Mula noong panahon ni C. T. Russell, pasulong na natamo ng bayan ng Diyos ang mas malinaw na kaunawaan tungkol sa hula na ibinigay roon ni Jesus. Sa nakaraang ilang taon, lalo pang nilinaw ng Ang Bantayan ang kanilang pangmalas sa hulang ito. Naunawaan mo na ba ang impormasyong iyon, anupat nakikita ang epekto nito sa iyong buhay?a Repasuhin natin ito.
Malapit Na ang Isang Kalunus-lunos na Katuparan
4. Bakit maaaring tinanong ng mga apostol si Jesus tungkol sa hinaharap?
4 Batid ng mga apostol na si Jesus ang Mesiyas. Kaya nang marinig nilang banggitin niya ang kaniyang kamatayan, pagkabuhay-muli, at pagbabalik, tiyak na nagtanong sila, ‘Kung si Jesus ay mamamatay at aalis, paano niya maisasagawa ang kamangha-manghang mga bagay na inaasahang gagawin ng Mesiyas?’ Isa pa, bumanggit si Jesus tungkol sa wakas ng Jerusalem at ng templo nito. Maaaring nag-isip ang mga apostol, ‘Kailan at paano mangyayari iyon?’ Sa pagsisikap na maunawaan ang mga bagay na ito, nagtanong ang mga apostol: “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda kapag ang lahat ng mga bagay na ito ay nakatalagang sumapit na sa katapusan?”—Marcos 13:4; Mateo 16:21, 27, 28; 23:37–24:2.
5. Paano nagkaroon ng katuparan noong unang siglo ang sinabi ni Jesus?
5 Inihula ni Jesus na magkakaroon ng mga digmaan, taggutom, salot, lindol, pagkapoot at pag-uusig sa mga Kristiyano, mga bulaang mesiyas, at malaganap na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Pagkatapos ay darating ang wakas. (Mateo 24:4-14; Marcos 13:5-13; Lucas 21:8-19) Sinabi ito ni Jesus sa pagsisimula ng taóng 33 C.E. Sa sumunod na mga dekada, natalos ng kaniyang alistong mga alagad na ang mga bagay na inihula sa katunayan ay nagaganap sa isang makahulugang paraan. Oo, pinatutunayan ng kasaysayan na ang tanda ay natupad nang panahong iyon, na humantong sa katapusan ng Judiong sistema ng mga bagay sa kamay ng mga Romano noong 66-70 C.E. Paano nangyari iyon?
6. Ano ang nangyari sa pagitan ng mga Romano at mga Judio noong 66 C.E.?
6 Noong mainit na tag-araw ng 66 C.E. sa Judea, nanguna ang mga Judiong Zealot sa pagsalakay sa mga guwardiyang Romano sa isang moog malapit sa templo ng Jerusalem, anupat nagpasiklab ng karahasan sa iba pang dako sa lupain. Sa History of the Jews, ganito ang inilahad ni Propesor Heinrich Graetz: “Hindi na matagalan ni Cestius Gallus, na ang tungkulin bilang Gobernador ng Sirya ay itaguyod ang dangal ng kapangyarihang Romano, . . . na saksihan ang paglaganap ng rebelyon sa palibot niya nang hindi nagtatangkang pigilin ang paglawak nito. Tinipon niya ang kaniyang mga lehiyon, at kusa namang nagpadala ng kanilang mga tropa ang karatig na mga prinsipe.” Ang Jerusalem ay pinalibutan ng hukbong ito na binubuo ng 30,000. Matapos ang ilang paglalabanan, umurong ang mga Judio sa likod ng mga pader malapit sa templo. “Sa loob ng limang sunud-sunod na araw, sinalakay ng mga Romano ang mga pader, ngunit laging napipilitang umatras dahil sa mga suligi ng mga taga-Judea. Noon lamang ikaanim na araw nang magtagumpay sila sa pagsira ng isang bahagi ng pader sa gawing hilaga sa harapan ng Templo.”
7. Bakit iba ang naging pangmalas ng mga alagad ni Jesus sa mga bagay-bagay kaysa sa karamihan ng mga Judio?
7 Isip-isipin lamang kung gaano katindi ang pagkalito ng mga Judio, yamang matagal na nilang inaakala na sila at ang kanilang banal na lunsod ay ipagsasanggalang ng Diyos! Subalit patiuna nang nababalaan ang mga alagad ni Jesus na kapahamakan ang naghihintay sa Jerusalem. Inihula ni Jesus: “Ang mga araw ay darating sa iyo kapag ang iyong mga kaaway ay magtatayo sa paligid mo ng bakod na may matutulis na mga tulos at papalibutan ka at gigipitin ka sa bawat panig, at ikaw at ang iyong mga anak sa loob mo ay isusubsob nila sa lupa, at hindi sila mag-iiwan ng bato sa ibabaw ng bato sa iyo.” (Lucas 19:43, 44) Subalit mangangahulugan ba iyan ng kamatayan para sa mga Kristiyano sa loob ng Jerusalem noong 66 C.E.?
8. Anong trahedya ang inihula ni Jesus, at sino ang “mga pinili” na alang-alang sa kanila’y paiikliin ang mga araw?
8 Nang sumasagot sa mga apostol sa Bundok ng mga Olibo, inihula ni Jesus: “Ang mga araw na iyon ay magiging mga araw ng kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng paglalang na nilalang ng Diyos hanggang sa panahong iyon, at hindi na mangyayari pang muli. Sa katunayan, malibang paikliin ni Jehova ang mga araw, walang laman ang maliligtas. Subalit dahil sa mga pinili na kaniyang pinili ay paiikliin niya ang mga araw.” (Marcos 13:19, 20; Mateo 24:21, 22) Kaya ang mga araw ay paiikliin at ililigtas ang “mga pinili.” Sino sila? Tiyak na hindi ang mga rebelyosong Judio na nag-aangking sumasamba kay Jehova ngunit tumanggi naman sa kaniyang Anak. (Juan 19:1-7; Gawa 2:22, 23, 36) Ang tunay na mga pinili noon ay yaong mga Judio at di-Judio na sumampalataya kay Jesus bilang Mesiyas at Tagapagligtas. Ang Diyos ang pumili sa kanila, at noong Pentecostes 33 C.E., binuo niya sila bilang isang bagong espirituwal na bansa, ang “Israel ng Diyos.”—Galacia 6:16; Lucas 18:7; Gawa 10:34-45; 1 Pedro 2:9.
9, 10. Paano ‘pinaikli’ ang mga araw ng pagsalakay ng mga Romano, at ano ang naging resulta?
9 ‘Pinaikli’ ba ang mga araw at iniligtas ang mga piniling pinahiran na nasa Jerusalem? Ganito ang mungkahi ni Propesor Graetz: “Hindi naniwala si [Cestius Gallus] na mabuting ipagpatuloy ang pakikipaglaban sa mapusok na masisigasig at maglunsad ng isang mahabang kampanya nang panahong iyon, kung kailan malapit nang magsimula ang mga pag-ulan sa taglagas . . . at maaaring makahadlang sa pagdadala ng pagkain sa hukbo. Dahil dito, malamang na inakala niyang higit na katalinuhan ang umatras.” Anuman ang iniisip ni Cestius Gallus, umurong ang hukbong Romano mula sa lunsod, taglay ang malaking pagkatalong dulot ng tumutugis na mga Judio.
10 Ang nakapagtatakang pag-atras na iyon ng mga Romano ay nagpahintulot sa “laman”—ang mga alagad ni Jesus na nanganganib sa loob ng Jerusalem—upang makaligtas. Iniulat ng kasaysayan na nang mabuksan ang pagkakataong ito, ang mga Kristiyano ay tumakas mula sa rehiyon. Tunay na isang pagtatanghal ng kakayahan ng Diyos na patiunang alamin ang kinabukasan at tiyakin ang kaligtasan ng kaniyang mga mananamba! Gayunman, paano na ang mga di-nananampalatayang Judio na nanatili sa Jerusalem at sa Judea?
Makikita Iyon ng mga Kapanahon
11. Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa “salinlahing ito”?
11 Inakala ng maraming Judio na ang kanilang sistema sa pagsamba, na nakasentro sa templo, ay magpapatuloy nang walang takda. Ngunit sinabi ni Jesus: “Pag-aralan ang puntong ito mula sa puno ng igos . . . : Sa sandaling ang mga bagong sanga nito ay nagiging murà at nagsisibol ito ng mga dahon, alam ninyo na ang tag-init ay malapit na. Gayundin naman kayo, kapag nakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, alamin ninyo na siya ay malapit na na nasa mga pintuan. Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang salinlahing ito ay hindi lilipas sa anumang paraan hanggang sa mangyari ang lahat ng mga bagay na ito. Ang langit at lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi sa anumang paraan lilipas.”—Mateo 24:32-35.
12, 13. Paano inunawa ng mga alagad ang pagtukoy ni Jesus sa “salinlahing ito”?
12 Sa mga taon hanggang 66 C.E., nakita na ng mga Kristiyano ang katuparan ng maraming panimulang bahagi ng kabuuang tanda—mga digmaan, taggutom, maging ang isang malawakang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. (Gawa 11:28; Colosas 1:23) Subalit kailan darating ang wakas? Ano ang nais tukuyin ni Jesus nang sabihin niya: ‘Ang salinlahing ito [Griego, ge·ne·aʹ] ay hindi lilipas’? Madalas tawagin ni Jesus ang kapanahon niyang pulutong ng mga mananalansang na Judio, pati na ang relihiyosong mga lider, na ‘isang balakyot at mapangalunyang salinlahi.’ (Mateo 11:16; 12:39, 45; 16:4; 17:17; 23:36) Kaya nang muli siyang bumanggit tungkol sa “salinlahing ito” habang nasa Bundok ng mga Olibo, maliwanag na hindi niya tinutukoy ang buong lahi ng mga Judio sa buong kasaysayan; ni tinutukoy man niya ang kaniyang mga alagad, bagaman sila’y “isang lahing pinili.” (1 Pedro 2:9) Ni sinasabi man ni Jesus na ang “salinlahing ito” ay isang yugto ng panahon.
13 Sa halip, nasa isip ni Jesus ang sumasalansang na mga Judio noon na makararanas ng katuparan ng tanda na ibinigay niya. Hinggil sa pagtukoy sa “salinlahing ito” sa Lucas 21:32, ganito ang sabi ni Propesor Joel B. Green: “Sa Ikatlong Ebanghelyo, ang ‘salinlahing ito’ (at ang kaugnay na mga parirala) ay laging tumutukoy sa isang uri ng mga tao na tumatanggi sa layunin ng Diyos. . . . [Tumutukoy ito] sa mga tao na buong-pagmamatigas na tumatanggi sa banal na layunin.”b
14. Ano ang naranasan ng “salinlahing” iyon, ngunit paano nagkaroon ng ibang resulta para sa mga Kristiyano?
14 Ang wakas ay mararanasan din ng balakyot na salinlahi ng mga Judiong mananalansang na makasasaksi sa katuparan ng tanda. (Mateo 24:6, 13, 14) At naranasan nga nila iyon! Noong 70 C.E., nagbalik ang hukbong Romano, na pinangungunahan ni Tito, anak ni Emperador Vespasian. Halos hindi kapani-paniwala ang pagdurusa ng mga Judio na muling nakulong sa lunsod.c Iniulat ng nakasaksing si Flavius Josephus na noong wasakin ng mga Romano ang lunsod, mga 1,100,000 Judio ang namatay at mga 100,000 ang dinalang bihag, na karamihan sa mga ito ay nalipol din kaagad sa kakila-kilabot na paraan sa pamamagitan ng pagkagutom o sa mga teatrong Romano. Tunay, ang kapighatian noong 66-70 C.E. ang pinakamatindi na naranasan kailanman o mararanasan kailanman ng Jerusalem at ng sistemang Judio. Ibang-iba nga sa kinahinatnan ng mga Kristiyano na sumunod sa makahulang babala ni Jesus at umalis sa Jerusalem pagkatapos lumisan ang mga hukbong Romano noong 66 C.E.! ‘Naligtas,’ o naingatang ligtas, ang “mga pinili” na pinahirang mga Kristiyano noong 70 C.E.—Mateo 24:16, 22.
Darating ang Isa Pang Katuparan
15. Paano tayo makatitiyak na magkakaroon ng mas malaking katuparan ang hula ni Jesus pagkatapos ng 70 C.E.?
15 Gayunman, hindi pa iyan ang katapusan. Bago nito, ipinahiwatig ni Jesus na pagkatapos mawasak ang lunsod, darating siya sa pangalan ni Jehova. (Mateo 23:38, 39; 24:2) Saka niya lalong niliwanag ito sa binigkas niyang hula sa Bundok ng mga Olibo. Matapos banggitin ang pagsapit ng “malaking kapighatian,” sinabi niya na kasunod nito ay lilitaw ang mga bulaang Kristo, at ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga bansa sa loob ng mahabang yugto ng panahon. (Mateo 24:21, 23-28; Lucas 21:24) Nangangahulugan kaya na may isa pa at mas malaking katuparan na magaganap? Sumasagot ng oo ang mga pangyayari. Kapag inihambing natin ang Apocalipsis 6:2-8 (isinulat matapos ang kapighatian sa Jerusalem noong 70 C.E.) sa Mateo 24:6-8 at Lucas 21:10, 11, makikita natin na nakatakdang maganap ang mas malawak na pagdidigmaan, kakapusan sa pagkain, at salot. Ang mas malaking katuparang ito ng mga salita ni Jesus ay nagaganap na mula pa nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I noong 1914.
16-18. Ano ang inaasahan nating mangyayari pa?
16 Sa loob ng mga dekada na ngayon, itinuro ng mga Saksi ni Jehova na ang kasalukuyang katuparan ng tanda ay nagpapatunay na darating pa ang isang “malaking kapighatian.” Mararanasan ng kasalukuyang balakyot na “salinlahi” ang kapighatiang iyon. Waring magkakaroon na naman ng panimulang yugto (pagsalakay sa lahat ng huwad na relihiyon), kung paanong sinimulan ng pagsalakay ni Gallus noong 66 C.E. ang kapighatian sa Jerusalem.d Pagkatapos, makaraan ang di-tinukoy na haba ng panahon, darating ang wakas—isang pambuong daigdig na pagkawasak, katulad ng nangyari noong 70 C.E.
17 Bilang pagtukoy sa kapighatian na malapit nang maganap, sinabi ni Jesus: “Kaagad-agad pagkatapos ng kapighatian sa mga kaarawang iyon [ang pagkapuksa sa huwad na relihiyon] ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at ang mga bituin ay mahuhulog mula sa langit, at ang mga kapangyarihan sa mga langit ay mayayanig. At kung magkagayon ang tanda ng Anak ng tao ay lilitaw sa langit, at kung magkagayon ay hahampasin ng lahat ng mga tribo sa lupa ang kanilang sarili sa pananaghoy, at makikita nila ang Anak ng tao na dumarating na nasa mga ulap sa langit taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.”—Mateo 24:29, 30.
18 Kaya naman, si Jesus mismo ang nagsabi na “pagkatapos ng kapighatian sa mga kaarawang iyon,” magkakaroon ng isang uri ng mga pambihirang pangyayari sa kalangitan. (Ihambing ang Joel 2:28-32; 3:15.) Ito’y gugulantang at gigimbal nang gayon na lamang sa masuwaying mga tao anupat kanilang ‘hahampasin ang kanilang sarili sa pananaghoy.’ Marami ang ‘manlulupaypay dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na dumarating sa tinatahanang lupa.’ Ngunit hindi mangyayari ito sa mga tunay na Kristiyano! Kanilang ‘itataas ang kanilang mga ulo, sapagkat ang kanilang katubusan ay nalalapit na.’—Lucas 21:25, 26, 28.
Malapit Na ang Paghatol!
19. Paano natin matitiyak kung kailan matutupad ang talinghaga tungkol sa mga tupa at mga kambing?
19 Pansinin na inihula sa Mateo 24:29-31 na (1) darating ang Anak ng tao, (2) ang pagdating na ito ay may kasabay na dakilang kaluwalhatian, (3) kasama niya ang mga anghel, at (4) makikita siya ng lahat ng tribo sa lupa. Inulit ni Jesus ang mga bahaging ito ng talinghaga tungkol sa mga tupa at mga kambing. (Mateo 25:31-46) Kaya naman, masasabi natin na ang talinghagang ito ay may kinalaman sa panahon, pagkatapos ng panimulang pagsiklab ng kapighatian, na darating si Jesus kasama ng kaniyang mga anghel at uupo sa kaniyang trono upang humatol. (Juan 5:22; Gawa 17:31; ihambing ang 1 Hari 7:7; Daniel 7:10, 13, 14, 22, 26; Mateo 19:28.) Sino ang hahatulan, at ano ang magiging resulta? Ipinakikita ng talinghaga na bibigyang-pansin ni Jesus ang lahat ng bansa, na para bang sila’y nakatipon mismo sa harap ng kaniyang makalangit na trono.
20, 21. (a) Ano ang mangyayari sa mga tupa sa talinghaga ni Jesus? (b) Ano ang mararanasan ng mga kambing sa hinaharap?
20 Bilang pagsang-ayon, ihihiwalay ang tulad-tupang mga lalaki at babae sa gawing kanan ni Jesus. Bakit? Sapagkat ginamit nila ang kanilang mga pagkakataon upang gumawa ng mabuti sa kaniyang mga kapatid—sa mga pinahirang Kristiyano, na makikibahagi sa makalangit na Kaharian ni Kristo. (Daniel 7:27; Hebreo 2:9–3:1) Kasuwato ng talinghaga, milyun-milyong tulad-tupang mga Kristiyano ang kumikilala sa espirituwal na mga kapatid ni Jesus at gumagawa bilang pagtangkilik sa kanila. Bunga nito, ang malaking pulutong na ito ay may salig-Bibliyang pag-asa na makaligtas sa “malaking kapighatian” at pagkatapos ay mabuhay magpakailanman sa Paraiso, ang makalupang sakop ng Kaharian ng Diyos.—Apocalipsis 7:9, 14; 21:3, 4; Juan 10:16.
21 Ibang-iba naman ang kahihinatnan ng mga kambing! Sila’y inilalarawan sa Mateo 24:30 na ‘hinahampas ang kanilang sarili sa pananaghoy’ kapag dumating si Jesus. At dapat nilang gawin iyon, sapagkat nakagawa sila ng rekord sa pagtanggi sa mabuting balita ng Kaharian, sa pagsalansang sa mga alagad ni Jesus, at sa pagpili sa sanlibutan na lumilipas. (Mateo 10:16-18; 1 Juan 2:15-17) Si Jesus—hindi ang sinuman sa kaniyang mga alagad sa lupa—ang nagpapasiya kung sino ang mga kambing. Tungkol sa kanila ay sinabi niya: “Ang mga ito ay magtutungo sa walang-hanggang pagkaputol.”—Mateo 25:46.
22. Anong bahagi ng hula ni Jesus ang dapat pa nating isaalang-alang?
22 Kapana-panabik ang pagsulong ng ating pagkaunawa sa hula sa Mateo mga kabanata 24 at 25. Gayunman, may isang bahagi ng hula ni Jesus na nararapat pa nating bigyan ng pansin—‘ang kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang na nakatayo sa isang dakong banal.’ Hinimok ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na gumamit ng kaunawaan hinggil dito at maging handang kumilos. (Mateo 24:15, 16) Ano ba ang “kasuklam-suklam na bagay” na ito? Kailan ito nakatayo sa isang dakong banal? At paano nasasangkot ang ating pag-asa sa buhay sa kasalukuyan at sa hinaharap? Tatalakayin ito sa susunod na artikulo.
-
-
“Gumamit ng Kaunawaan ang Mambabasa”Ang Bantayan—1999 | Mayo 1
-
-
“Gumamit ng Kaunawaan ang Mambabasa”
“Kapag nakita ninyo ang kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang . . . na nakatayo sa isang dakong banal, . . . kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magpasimulang tumakas patungo sa mga bundok.”—MATEO 24:15, 16.
1. Ano ang ibinunga ng babalang ibinigay ni Jesus na masusumpungan sa Lucas 19:43, 44?
ANG pagiging alisto natin sa pagdating ng isang kalamidad ay magpapangyari sa atin na maiwasan ito. (Kawikaan 22:3) Kaya gunigunihin ang kalagayan ng mga Kristiyano sa Jerusalem matapos sumalakay ang mga Romano noong 66 C.E. Nagbabala si Jesus na ang lunsod ay palilibutan at wawasakin. (Lucas 19:43, 44) Hindi siya pinansin ng karamihan sa mga Judio. Ngunit pinakinggan ng kaniyang mga alagad ang kaniyang babala. Bunga nito, sila’y naligtas mula sa kapahamakan noong 70 C.E.
2, 3. Bakit tayo dapat na maging interesado sa hula ni Jesus na nakaulat sa Mateo 24:15-21?
2 Sa isang hula na may mga pahiwatig para sa atin ngayon, binalangkas ni Jesus ang isang kabuuang tanda na kinabibilangan ng mga digmaan, kakapusan sa pagkain, lindol, salot, at pag-uusig sa mga Kristiyanong nangangaral ng tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:4-14; Lucas 21:10-19) Nagbigay rin si Jesus ng isang pahiwatig na tutulong sa kaniyang mga alagad upang malaman na malapit na ang wakas—isang ‘kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang na nakatayo sa isang dakong banal.’ (Mateo 24:15) Muli nating suriin ang makahulugang pananalitang iyon upang maunawaan kung paano maaaring makaapekto ang mga ito sa ating buhay ngayon at sa hinaharap.
3 Matapos balangkasin ang tanda, sinabi ni Jesus: “Kapag nakita ninyo ang kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang, na tinukoy sa pamamagitan ni Daniel na propeta, na nakatayo sa isang dakong banal, (gumamit ng kaunawaan ang mambabasa,) kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magpasimulang tumakas patungo sa mga bundok. Ang tao na nasa tuktok ng bahay ay huwag bumaba upang kunin ang mga pag-aari mula sa kaniyang bahay; at ang tao na nasa bukid ay huwag bumalik sa bahay upang kunin ang kaniyang panlabas na kasuutan. Kaabahan sa mga babaing nagdadalang-tao at doon sa mga nagpapasuso ng sanggol sa mga araw na iyon! Patuloy na manalangin na ang pagtakas ninyo ay huwag mangyari sa panahon ng taglamig, ni sa araw ng sabbath; sapagkat kung magkagayon ay magkakaroon ng malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan.”—Mateo 24:15-21.
4. Ano ang nagpapakita na nagkaroon ng katuparan ang Mateo 24:15 noong unang siglo?
4 Naglalaan ng karagdagang detalye ang salaysay nina Marcos at Lucas. Kung saan gumamit si Mateo ng “nakatayo sa isang dakong banal,” ang Marcos 13:14 naman ay nagsabi ng “nakatayo kung saan hindi dapat.” Idinagdag ng Lucas 21:20 ang mga salita ni Jesus: “Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napapaligiran ng nagkakampong mga hukbo, kung magkagayon ay alamin ninyo na ang pagtitiwangwang sa kaniya ay malapit na.” Tumutulong ito sa atin na maunawaang kasangkot sa unang katuparan ang pagsalakay ng mga Romano sa Jerusalem at sa templo nito—isang dakong banal para sa mga Judio ngunit hindi na banal para kay Jehova—na nagsimula noong 66 C.E. Naganap ang lubusang pagtitiwangwang nang wasakin ng mga Romano kapuwa ang lunsod at ang templo noong 70 C.E. Ano ang “kasuklam-suklam na bagay” noon? At paano ito ‘tumayo sa isang dakong banal’? Ang sagot sa mga tanong na ito ay tutulong na liwanagin ang modernong-panahong katuparan.
5, 6. (a) Bakit mangangailangan ng kaunawaan ang mga mambabasa ng Daniel kabanata 9? (b) Paano natupad ang hula ni Jesus tungkol sa “kasuklam-suklam na bagay”?
5 Hinimok ni Jesus ang mga mambabasa na gumamit ng kaunawaan. Mambabasa ng ano? Malamang, ng Daniel kabanata 9. Doon ay masusumpungan natin ang isang hula na nagpapakita kung kailan lilitaw ang Mesiyas at humuhula na siya’y “kikitlin” pagkatapos ng tatlo at kalahating taon. Ganito ang sabi sa hula: “Darating na nasa pakpak ng mga kasuklam-suklam na bagay yaong isa na sanhi ng pagkatiwangwang; at hanggang sa paglipol, ang mismong bagay na naipasiya ay mabubuhos din sa isa na nakatiwangwang.”—Daniel 9:26, 27; tingnan din ang Daniel 11:31; 12:11.
6 Inakala ng mga Judio na ito’y kumakapit sa paglapastangan ni Antiochus IV sa templo mga 200 taon bago nito. Subalit iba naman ang ipinakita ni Jesus, anupat humimok ng paggamit ng kaunawaan sapagkat “ang kasuklam-suklam na bagay” ay lilitaw at tatayo pa lamang sa “isang dakong banal.” Maliwanag na tinutukoy ni Jesus ang hukbong Romano na darating noong 66 C.E. taglay ang pagkakakilanlang mga sagisag. Ang gayong mga sagisag, na matagal nang ginagamit, ay masasabing mga idolo na nga at kasuklam-suklam sa mga Judio.a Subalit kailan sila ‘tatayo sa isang dakong banal’? Nangyari ito nang sumalakay ang hukbong Romano, taglay ang mga sagisag nito, sa Jerusalem at sa templo nito, na itinuturing na banal ng mga Judio. Sinimulan pa ngang sirain ng mga Romano ang pader sa lugar ng templo. Tunay, ang isang bagay na matagal nang kasuklam-suklam ay nakatayo ngayon sa isang dakong banal!—Isaias 52:1; Mateo 4:5; 27:53; Gawa 6:13.
Isang Modernong-Panahong “Kasuklam-suklam na Bagay”
7. Anong hula ni Jesus ang natutupad sa ating panahon?
7 Mula noong Digmaang Pandaigdig I, nasaksihan natin ang mas malaking katuparan ng tanda ni Jesus na nakaulat sa Mateo kabanata 24. Gayunman, alalahanin ang kaniyang mga salita: “Kapag nakita ninyo ang kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang . . . na nakatayo sa isang dakong banal, . . . kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magpasimulang tumakas patungo sa mga bundok.” (Mateo 24:15, 16) Tiyak na may katuparan din naman sa panahon natin ang bahaging ito ng hula.
8. Sa loob ng maraming taon, paano ipinakikilala ng mga Saksi ni Jehova “ang kasuklam-suklam na bagay” sa modernong panahon?
8 Upang ipakita ang pagtitiwala ng mga lingkod ni Jehova na matutupad ang hulang ito, ang The Watchtower ng Enero 1, 1921, ay nagtuon dito ng pansin kaugnay sa mga pangyayari sa Gitnang Silangan. Sumunod, sa Disyembre 15, 1929, na isyu nito, sa pahina 374, buong-katiyakang sinabi ng The Watchtower: “Ang buong hilig ng Liga ng mga Bansa ay ang ilayo ang mga tao sa Diyos at kay Kristo, at sa gayo’y isa itong nakalulungkot na bagay, ang gawa ni Satanas, at nakaririmarim sa paningin ng Diyos.” Kaya noong 1919, lumitaw “ang kasuklam-suklam na bagay.” Nang maglaon, ang Liga ay nagbigay-daan sa Nagkakaisang mga Bansa. Matagal nang inilalantad ng mga Saksi ni Jehova ang mga organisasyong ito ng tao ukol sa kapayapaan bilang kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos.
9, 10. Paanong ang isang naunang pagkaunawa sa malaking kapighatian ay nakaimpluwensiya sa ating pangmalas kung kailan tatayo sa isang dakong banal “ang kasuklam-suklam na bagay”?
9 Binuod sa naunang artikulo ang isang mas malinaw na pangmalas sa kalakhang bahagi ng Mateo kabanata 24 at 25. Kailangan ba ang ilang paglilinaw hinggil sa ‘kasuklam-suklam na bagay na nakatayo sa isang dakong banal’? Tila gayon nga. Malapit na iniuugnay ng hula ni Jesus ang ‘pagtayo sa isang dakong banal’ sa pagsiklab ng inihulang “kapighatian.” Kaya naman, bagaman matagal nang umiiral “ang kasuklam-suklam na bagay,” ang kaugnayan sa ‘pagtayo nito sa isang dakong banal’ at sa malaking kapighatian ay dapat makaapekto sa ating pag-iisip. Paano?
10 Ang pagkaunawa noon ng bayan ng Diyos ay na ang unang yugto ng malaking kapighatian ay nagsimula noong 1914 at na ang huling yugto ay sasapit sa labanan ng Armagedon. (Apocalipsis 16:14, 16; ihambing ang The Watchtower, Abril 1, 1939, pahina 110.) Kaya, mauunawaan natin kung bakit dating inakala na ang modernong-panahong “kasuklam-suklam na bagay” ay tiyak na tumayo sa isang dakong banal karaka-raka pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I.
11, 12. Noong 1969, ano ang iniharap na bagong pananaw tungkol sa malaking kapighatian?
11 Gayunman, nang sumunod na mga taon ay naunawaan natin ang mga bagay-bagay sa ibang paraan. Noong Huwebes, Hulyo 10, 1969, sa “Kapayapaan sa Lupa” na Internasyonal na Asamblea sa New York City, nagbigay si F. W. Franz, bise presidente noon ng Watch Tower Bible and Tract Society, ng isang lubhang kapana-panabik na pahayag. Sa pagrerepaso sa naunang pagkaunawa sa hula ni Jesus, sinabi ni Brother Franz: “Ipinaliwanag na ang ‘malaking kapighatian’ ay nagsimula noong 1914 C.E. at na hindi ito pinahintulutang lubusang maganap noon kundi pinahinto ng Diyos ang Digmaang Pandaigdig I noong Nobyembre ng 1918. Mula noon, pinahihintulutan ng Diyos ang isang yugto ng panahon para sa gawain ng kaniyang pinahirang nalabi ng piniling mga Kristiyano bago niya hayaang magpatuloy ang huling bahagi ng ‘malaking kapighatian’ sa digmaan ng Armagedon.”
12 Pagkatapos, isang lubhang binagong paliwanag ang ibinigay: “Upang makasuwato ng mga pangyayari noong unang siglo, . . . ang antitipikong ‘malaking kapighatian’ ay hindi nagsimula noong 1914 C.E. Sa halip, ang nangyari sa modernong antitipo ng Jerusalem noong 1914-1918 ay ‘isa [lamang] pasimula ng mga hapdi ng kabagabagan’ . . . Ang ‘malaking kapighatian’ na hindi na mangyayari pang muli ay sa hinaharap pa, sapagkat nangangahulugan ito ng pagkapuksa ng pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon (kasali na ang Sangkakristiyanuhan) na susundan ng ‘digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat’ sa Armagedon.” Nangahulugan ito na ang buong malaking kapighatian ay sa hinaharap pa.
13. Bakit makatuwiran na sabihing sa hinaharap pa ‘tatayo sa isang dakong banal’ ang “kasuklam-suklam na bagay”?
13 May tuwirang kaugnayan ito sa pag-unawa kung kailan tatayo “ang kasuklam-suklam na bagay” sa isang dakong banal. Alalahanin ang nangyari noong unang siglo. Sinalakay ng mga Romano ang Jerusalem noong 66 C.E., ngunit bigla silang umurong, na nagpangyaring makaligtas ang Kristiyanong “laman.” (Mateo 24:22) Alinsunod dito, inaasahan natin na malapit nang magsimula ang malaking kapighatian, ngunit paiikliin ito alang-alang sa mga pinili ng Diyos. Pansinin ang pangunahing puntong ito: Sa sinaunang parisan, ‘ang kasuklam-suklam na bagay na nakatayo sa isang dakong banal’ ay iniugnay sa pagsalakay ng mga Romano sa ilalim ni Heneral Gallus noong 66 C.E. Ang modernong-panahong katumbas ng pagsalakay na iyan—ang pagsiklab ng malaking kapighatian—ay sa hinaharap pa. Kaya “ang kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang,” na umiiral noon pa mang 1919, sa wari ay tatayo pa lamang sa isang dakong banal.b Paano ito mangyayari? At paano tayo maaaring maapektuhan nito?
Pagsalakay sa Hinaharap
14, 15. Paano tumutulong sa atin ang Apocalipsis kabanata 17 upang maunawaan ang mga pangyayaring hahantong sa Armagedon?
14 Inilalarawan ng aklat ng Apocalipsis ang mapamuksang pagsalakay sa huwad na relihiyon sa hinaharap. Binabalangkas sa kabanata 17 ang hatol ng Diyos laban sa “Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot”—ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Ang Sangkakristiyanuhan ay gumaganap ng isang pangunahing bahagi at nag-aangking may pakikipagtipang kaugnayan sa Diyos. (Ihambing ang Jeremias 7:4.) Ang huwad na mga relihiyon, kasali na ang Sangkakristiyanuhan, ay matagal nang may mahalay na kaugnayan sa “mga hari sa lupa,” ngunit magwawakas ito kapag itiniwangwang na ang mga relihiyong iyon. (Apocalipsis 17:2, 5) Sa mga kamay nino?
15 Inilalarawan ng Apocalipsis ang “isang kulay matingkad-pulang mabangis na hayop” na iiral sa loob ng isang panahon, mawawala, at saka muling lilitaw. (Apocalipsis 17:3, 8) Ang hayop na ito ay tinatangkilik ng mga tagapamahala sa lupa. Ang mga detalyeng inilaan sa hula ay tumutulong sa atin na makilala ang makasagisag na hayop na ito bilang isang organisasyong pangkapayapaan na umiral noong 1919 na siyang Liga ng mga Bansa (isang “kasuklam-suklam na bagay”) at ngayo’y ang Nagkakaisang mga Bansa. Ipinakikita ng Apocalipsis 17:16, 17 na ilalagay pa ng Diyos sa puso ng ilang tagapamahalang tao na prominente sa “hayop” na ito ang pagtiwangwang sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Ang pagsalakay na iyan ay palatandaan ng pagsiklab ng malaking kapighatian.
16. Anong kapansin-pansing mga pangyayari ang nagaganap na kinasasangkutan ng relihiyon?
16 Yamang sa hinaharap pa ang pasimula ng malaking kapighatian, sa hinaharap pa ba ang ‘pagtayo sa isang dakong banal’? Tila gayon nga. Bagaman lumitaw “ang kasuklam-suklam na bagay” sa pagsisimula ng siglong ito at sa gayo’y umiiral na sa loob ng mga dekada, hindi na magtatagal at pupuwesto ito sa isang natatanging paraan “sa isang dakong banal.” Kung paanong tiyak na matamang nagbantay ang mga tagasunod ni Kristo noong unang siglo upang makita kung paano mangyayari ang ‘pagtayo sa isang dakong banal,’ gayundin ang ginagawa ng mga Kristiyano sa ngayon. Totoo, kailangan nating maghintay sa aktuwal na katuparan upang malaman natin ang lahat ng detalye. Gayunman, kapansin-pansin na sa ilang lupain, nahahalata at tumitindi na ang pagkayamot sa relihiyon. Ang ilang pulitikal na elemento, kasama ng mga dating Kristiyano na humiwalay sa tunay na pananampalataya, ay nagsusulsol ng poot laban sa relihiyon sa pangkalahatan at lalo na sa mga tunay na Kristiyano. (Awit 94:20, 21; 1 Timoteo 6:20, 21) Bunga nito, ngayon pa lamang ay ‘nakikipagbaka na sa Kordero’ ang pulitikal na mga kapangyarihan, at gaya ng ipinakikita ng Apocalipsis 17:14, titindi pa ang labanang ito. Yamang hindi nila literal na masusunggaban ang Kordero ng Diyos—si Jesu-Kristo sa kaniyang matayog at niluwalhating kalagayan—ibubuhos nila ang kanilang pagsalansang sa mga tunay na mananamba sa Diyos, sa kaniyang “mga banal” lalung-lalo na. (Daniel 7:25; ihambing ang Roma 8:27; Colosas 1:2; Apocalipsis 12:17.) May katiyakan tayo mula sa Diyos na magtatagumpay ang Kordero at yaong mga kasama niya.—Apocalipsis 19:11-21.
17. Sa paraang hindi dogmatiko, ano ang maaari nating sabihin tungkol sa kung paano tatayo sa isang dakong banal “ang kasuklam-suklam na bagay”?
17 Alam natin na pagkatiwangwang ang naghihintay sa huwad na relihiyon. Ang Babilonyang Dakila ay “lasing sa dugo ng mga banal” at umaastang gaya ng isang reyna, ngunit tiyak na ang kaniyang pagkapuksa. Biglang mababago ang kaniyang maruming impluwensiya sa mga hari sa lupa sapagkat ang ugnayang iyan ay magiging marahas na pagkapoot sa bahagi ng ‘sampung sungay at mabangis na hayop.’ (Apocalipsis 17:6, 16; 18:7, 8) Kapag sinalakay ng “kulay matingkad-pulang mabangis na hayop” ang relihiyosong patutot, “ang kasuklam-suklam na bagay” ay tatayo sa isang nagbabantang paraan sa tinaguriang banal na dako ng Sangkakristiyanuhan.c Kaya magsisimula ang pagtitiwangwang sa walang-pananampalatayang Sangkakristiyanuhan, na naglalarawan sa sarili bilang banal.
“Tumakas”—Paano?
18, 19. Anong mga dahilan ang ibinigay upang ipakita na ang ‘pagtakas tungo sa mga bundok’ ay hindi nangangahulugan ng pagbabago ng relihiyon?
18 Matapos ihula ‘ang pagtayo ng kasuklam-suklam na bagay sa isang dakong banal,’ binabalaan ni Jesus ang mga taong may unawa na sila’y kumilos na. Ang ibig ba niyang sabihin ay na sa dakong huli—kapag “ang kasuklam-suklam na bagay” ay “nakatayo sa isang dakong banal”—maraming tao ang tatakas mula sa huwad na relihiyon at yayakap sa tunay na pagsamba? Hindi naman. Tingnan ang unang katuparan. Sinabi ni Jesus: “Yaong mga nasa Judea ay magpasimulang tumakas patungo sa mga bundok. Ang tao na nasa tuktok ng bahay ay huwag bumaba, ni pumasok man upang kumuha ng anumang bagay mula sa kaniyang bahay; at ang tao na nasa bukid ay huwag bumalik sa mga bagay sa likuran upang kunin ang kaniyang panlabas na kasuutan. Kaabahan sa mga babaing nagdadalang-tao at doon sa mga nagpapasuso ng sanggol sa mga araw na iyon! Patuloy na manalangin na huwag itong mangyari sa panahon ng taglamig.”—Marcos 13:14-18.
19 Hindi sinabi ni Jesus na yaong nasa Jerusalem lamang ang kailangang umurong, na para bang ang ibig niyang sabihin ay kailangan nilang lumabas mula sa sentro ng pagsambang Judio; ni binanggit man sa kaniyang babala ang tungkol sa pagbabago ng relihiyon—ang pagtakas mula sa huwad at ang pagsasagawa ng tunay. Tiyak na hindi kailangan ng mga alagad ni Jesus ang babala tungkol sa pagtakas mula sa isang relihiyon patungo sa iba; sila’y naging tunay na mga Kristiyano na. At ang pagsalakay noong 66 C.E. ay hindi nag-udyok sa mga nagsasagawa ng Judaismo sa Jerusalem at sa buong Judea na iwan ang relihiyong iyan at tanggapin ang Kristiyanismo. Sinabi ni Propesor Heinrich Graetz na yaong mga tumugis sa tumatakas na mga Romano ay nagbalik sa lunsod: “Ang mga Zealot, na sumisigaw ng nagbubunying mga awiting pandigma, ay nagbalik sa Jerusalem (ika-8 ng Oktubre), anupat galak na galak ang kanilang puso dahil sa inaasahang kalayaan at kasarinlan. . . . Hindi ba sila tinulungan ng Diyos kung paanong buong-awang tinulungan Niya ang kanilang mga ninuno? Wala sa puso ng mga Zealot ang takot sa hinaharap.”
20. Paano tumugon ang mga unang alagad sa babala ni Jesus na tumakas patungo sa mga bundok?
20 Kung gayon, paano sumunod sa payo ni Jesus ang medyo maliit na bilang noon ng mga pinili? Sa pamamagitan ng pag-alis sa Judea at pagtakas patungo sa mga bundok sa kabila ng Jordan, ipinakita nila na hindi sila bahagi ng sistemang Judio, sa pulitikal man o sa relihiyosong paraan. Iniwan nila ang mga bukid at mga tahanan, anupat ni hindi kinuha ang kanilang mga kagamitan mula sa kanilang mga tahanan. Palibhasa’y nagtitiwala sa proteksiyon at suporta ni Jehova, ang pagsamba sa kaniya ang kanilang inuna kaysa sa lahat ng iba pang bagay na waring mahalaga.—Marcos 10:29, 30; Lucas 9:57-62.
21. Ano ang hindi natin dapat asahan kapag sumalakay “ang kasuklam-suklam na bagay”?
21 Ngayon, isaalang-alang ang mas malaking katuparan. Maraming dekada na nating hinihimok ang mga tao na lumabas sa huwad na relihiyon at yakapin ang tunay na pagsamba. (Apocalipsis 18:4, 5) Milyun-milyon na ang gumawa nito. Hindi ipinahihiwatig ng hula ni Jesus na pulu-pulutong ang babaling sa tunay na pagsamba kapag sumiklab na ang malaking kapighatian; tiyak, hindi maraming Judio ang nakumberte noong 66 C.E. Gayunman, may malaking pangganyak ang mga tunay na Kristiyano upang ikapit ang babala ni Jesus at tumakas.
22. Maaaring ano ang masangkot sa pagkakapit natin ng payo ni Jesus na tumakas patungo sa mga bundok?
22 Hindi natin maaaring taglayin sa ngayon ang buong mga detalye tungkol sa malaking kapighatian, ngunit makatuwirang masasabi natin na sa ganang atin, ang pagtakas na binanggit ni Jesus ay hindi tumutukoy sa lugar. Ang bayan ng Diyos ay nasa buong daigdig na, halos nasa lahat na ng lugar. Subalit makatitiyak tayo na kapag kailangang tumakas, dapat na patuloy na panatilihin ng mga Kristiyano ang malinaw na pagkakaiba ng kanilang sarili at ng huwad na relihiyosong mga organisasyon. Kapansin-pansin din na nagbabala si Jesus na huwag nang magbalik sa bahay ng isa upang kunin ang mga kasuutan o iba pang gamit. (Mateo 24:17, 18) Kaya maaaring may mga pagsubok sa hinaharap tungkol sa kung paano natin minamalas ang materyal na mga bagay; ang mga ito ba ang siyang pinakamahalagang bagay, o higit na mahalaga ang kaligtasang darating sa lahat ng nasa panig ng Diyos? Oo, ang ating pagtakas ay maaaring magsangkot ng ilang paghihirap at pagkakait. Kakailanganin nating maging handang gumawa ng anumang nararapat, gaya ng ginawa ng mga katumbas natin noong unang siglo na tumakas mula sa Judea patungong Perea, sa kabila ng Jordan.
23, 24. (a) Saan lamang tayo makasusumpong ng proteksiyon? (b) Ano ang dapat na maging epekto sa atin ng babala ni Jesus tungkol sa ‘kasuklam-suklam na bagay na nakatayo sa isang dakong banal’?
23 Talagang nakatitiyak tayo na ang ating kaligtasan ay mananatiling kay Jehova at sa kaniyang tulad-bundok na organisasyon. (2 Samuel 22:2, 3; Awit 18:2; Daniel 2:35, 44) Doon natin masusumpungan ang proteksiyon! Hindi natin tutularan ang karamihan sa sangkatauhan na tatakas patungo sa “mga yungib” at magtatago sa “malalaking bato ng mga bundok”—ang mga organisasyon at institusyon ng tao na maaaring manatili nang napakaikling panahon matapos itiwangwang ang Babilonyang Dakila. (Apocalipsis 6:15; 18:9-11) Totoo, maaaring maging lalong mahirap ang panahon—gaya ng maaaring nangyari noong 66 C.E. sa mga babaing nagdadalang-tao na tumakas sa Judea o sa sinuman na kinailangang maglakbay sa isang panahong malamig at maulan. Ngunit makatitiyak tayo na pangyayarihin ng Diyos ang ating kaligtasan. Ngayon pa lamang ay patibayin na natin ang ating pananalig kay Jehova at sa kaniyang Anak, na ngayo’y namamahala na bilang Hari sa Kaharian.
24 Walang dahilan para mabuhay tayo na natatakot sa mangyayari. Hindi ninais ni Jesus na matakot ang mga alagad niya noon, at hindi niya nais na matakot din naman tayo ngayon, o sa mga araw na darating. Binabalaan niya tayo upang maihanda natin ang ating puso at isip. Tutal, hindi parurusahan ang masunuring mga Kristiyano kapag sumapit ang pagpuksa sa huwad na relihiyon at sa nalalabing bahagi ng balakyot na sistemang ito. Kanilang mauunawaan at susundin ang babala tungkol sa ‘kasuklam-suklam na bagay na nakatayo sa isang dakong banal.’ At sila’y tiyakang kikilos ayon sa kanilang di-natitinag na pananampalataya. Huwag nawa nating kalimutan kailanman ang ipinangako ni Jesus: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.”—Marcos 13:13.
[Mga talababa]
a “Ang mga Romanong sagisag ay iniingatan sa mga templo sa Roma taglay ang relihiyosong pagpipitagan; at ang pagpipitagan ng bayang ito sa kanilang mga sagisag ay katumbas ng kanilang kahigitan sa ibang bansa . . . [Sa mga sundalo, iyon na] marahil ang pinakasagradong bagay na nasa lupa. Ang Romanong kawal ay nanunumpa sa pamamagitan ng kaniyang sagisag.”—The Encyclopædia Britannica, Ika-11 Edisyon.
b Dapat tandaan na samantalang ang katuparan ng mga salita ni Jesus noong 66-70 C.E. ay makatutulong sa atin na maunawaan kung paano matutupad ang mga ito sa malaking kapighatian, ang dalawang katuparan ay hindi eksaktong magkapareho sapagkat nagaganap ang katuparan sa magkaibang mga kalagayan.
c Tingnan ang The Watchtower, Disyembre 15, 1975, pahina 741-4.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Paano inihayag ng “kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang” ang sarili nito noong unang siglo?
◻ Bakit makatuwirang isipin na ang modernong-panahong “kasuklam-suklam na bagay” ay tatayo sa isang dakong banal sa isang panahon sa hinaharap?
◻ Anong pagsalakay ng isang “kasuklam-suklam na bagay” ang inihula sa Apocalipsis?
◻ Anong uri ng ‘pagtakas’ ang kakailanganin nating gawin?
[Larawan sa pahina 16]
Ang Babilonyang Dakila ay tinawag na “ang ina ng mga patutot”
[Larawan sa pahina 17]
Ang kulay matingkad-pulang mabangis na hayop sa Apocalipsis kabanata 17 ang siyang “kasuklam-suklam na bagay” na binanggit ni Jesus
[Larawan sa pahina 18]
Pangungunahan ng kulay matingkad-pulang mabangis na hayop ang mapamuksang pagsalakay sa relihiyon
-
-
Maging Mapagbantay at Maging Masikap!Ang Bantayan—1999 | Mayo 1
-
-
Maging Mapagbantay at Maging Masikap!
“Manatili kayong mapagbantay, kung gayon, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.”—MATEO 25:13.
1. Ano ang inaasahan ni apostol Juan?
SA HULING diyalogo sa Bibliya, nangako si Jesus: “Ako ay dumarating nang madali.” Tumugon ang kaniyang apostol na si Juan: “Amen! Pumarito ka, Panginoong Jesus.” Walang alinlangan ang apostol na darating si Jesus. Kabilang si Juan sa mga apostol na nagtanong kay Jesus: “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto [Griego, pa·rou·siʹa] at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” Oo, buong-pagtitiwalang inaasahan ni Juan ang panghinaharap na pagkanaririto ni Jesus.—Apocalipsis 22:20; Mateo 24:3.
2. Kung tungkol sa pagkanaririto ni Jesus, ano ang situwasyon sa mga simbahan?
2 Bihira na ngayon ang gayong pagtitiwala. Maraming simbahan ang may opisyal na doktrina tungkol sa “pagparito” ni Jesus, ngunit iilan lamang sa mga miyembro nila ang talagang umaasa rito. Nabubuhay sila na parang hindi mangyayari ito. Ganito ang sabi ng aklat na The Parousia in the New Testament: “Walang gaanong positibong epekto sa buhay, kaisipan at gawain ng simbahan ang pag-asang Parousia. . . . Ang matinding pagkaapurahan na dahil dito’y dapat sanang gampanan ng simbahan ang gawain nito sa pagsisisi at pagpapahayag ng mga misyonero ng ebanghelyo, ay humina kung hindi man ganap na naglaho.” Pero hindi sa lahat!
3. (a) Ano ang nadarama ng mga tunay na Kristiyano hinggil sa pa·rou·siʹa? (b) Ano ang partikular na isasaalang-alang natin ngayon?
3 Buong-kasabikang hinihintay ng tunay na mga alagad ni Jesus ang wakas ng kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay. Samantalang buong-katapatang ginagawa iyon, kailangan nating mag-ingat ng tamang pangmalas hinggil sa lahat ng nasasangkot sa pagkanaririto ni Jesus at kumilos tayo nang alinsunod dito. Iyan ang magpapangyari sa atin na ‘makapagbata hanggang sa wakas at maligtas.’ (Mateo 24:13) Sa pagbibigay ng hula na masusumpungan natin sa Mateo mga kabanata 24 at 25, naglaan si Jesus ng matalinong payo na maikakapit natin ukol sa ating walang-hanggang kapakinabangan. Nilalaman ng kabanata 25 ang mga talinghagang malamang na alam mo na, pati na ang tungkol sa sampung birhen (ang matatalino at ang mangmang na mga birhen) at ang talinghaga tungkol sa mga talento. (Mateo 25:1-30) Paano tayo makikinabang sa mga ilustrasyong ito?
-