Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Mag-ingat sa mga Silo ng Diyablo!
    Ang Bantayan—2012 | Agosto 15
    • Mag-ingat sa mga Silo ng Diyablo!

      “[Tumakas kayo] mula sa silo ng Diyablo.”​—2 TIM. 2:26.

      PAANO MO SASAGUTIN?

      • Kung may tendensiya kang maging labis na mapamintas, anong pagsusuri sa sarili ang dapat mong gawin?

      • Batay sa nangyari kina Pilato at Pedro, ano ang matututuhan mo tungkol sa hindi pagpapadala sa takot at panggigipit?

      • Paano mo maiiwasan ang sobrang panunumbat ng budhi?

      1, 2. Anong mga silo ng Diyablo ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

      TULAD ng isang mangangaso, minamanmanan ng Diyablo ang mga lingkod ni Jehova. Pero hindi niya laging pinapatay ang kaniyang nasisila. Sa halip, mas gusto niya silang hulihin nang buháy at gamitin sila ayon sa kaniyang kagustuhan.​—Basahin ang 2 Timoteo 2:24-26.

      2 Para mahuling buháy ang kaniyang biktima, ang isang mambibitag ay maaaring gumamit ng isang uri ng silo. Baka gumawa siya ng paraan para mabulabog ang hayop mula sa pinagtataguan nito at masilo ito gamit ang isang lubid. O baka gumamit siya ng isang nakatagong bitag na may tali na kapag nasaling ay biglang iigkas para mahuli ang walang kamalay-malay na hayop. Gumagamit din ang Diyablo ng katulad na mga silo para mahuling buháy ang mga lingkod ng Diyos. Kung gayon, dapat tayong maging alisto at sundin ang mga babalang nagpapahiwatig na may nakaumang na silo, o bitag, si Satanas. Tatalakayin ng artikulong ito kung paano tayo makapag-iingat laban sa tatlong bitag na matagumpay na ginagamit ng Diyablo. Ang mga ito ay (1) walang-ingat na pananalita, (2) takot at panggigipit, at (3) sobrang panunumbat ng budhi. Tatalakayin naman ng susunod na artikulo ang dalawa pang bitag, o silo, ni Satanas.

      IWASAN ANG APOY NG WALANG-INGAT NA PANANALITA

      3, 4. Ano ang posibleng maging resulta ng di-pagkontrol sa ating dila? Magbigay ng halimbawa.

      3 Sinusunog ng ilang mangangaso ang isang bahagi ng gubat para bulabugin ang mga hayop mula sa pinagtataguan ng mga ito at hulihin. Gusto rin ng Diyablo na magpasimula ng sunog, wika nga, sa kongregasyong Kristiyano. Kapag nagtagumpay siya, mabubulabog niya ang mga miyembro nito mula sa ligtas na kanlungang iyon patungo sa kaniyang mga kamay. Paano tayo di-sinasadyang nagiging kasabuwat ni Satanas at sa gayo’y nabibitag niya?

      4 Inihalintulad ng alagad na si Santiago ang dila sa isang apoy. (Basahin ang Santiago 3:6-8.) Kung hindi natin kokontrolin ang ating dila, baka magsimula tayo ng makasagisag na sunog sa loob ng kongregasyon. Paano ito maaaring mangyari? Isipin ang sitwasyong ito: Sa isang pagpupulong, ipinatalastas na naaprobahan bilang regular pioneer ang isang sister. Pagkatapos ng pulong, pinag-usapan ng dalawang mamamahayag ang patalastas na iyon. Habang ang isa ay tuwang-tuwa para sa bagong payunir, kinukuwestiyon naman ng isa ang motibo nito. Pinalilitaw niya na nagpayunir ito dahil gusto nitong maging prominente sa kongregasyon. Sino sa kanila ang gusto mong maging kaibigan? Kitang-kita natin kung sino sa kanila ang malamang na magpasimula ng “sunog” sa kongregasyon dahil sa walang-ingat na pananalita.

      5. Para maiwasan ang apoy ng walang-ingat na pananalita, anong pagsusuri sa sarili ang dapat nating gawin?

      5 Paano natin maiiwasan ang apoy ng walang-ingat na pananalita? Sinabi ni Jesus: “Mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.” (Mat. 12:34) Kaya ang unang hakbang ay ang pagsusuri sa ating puso. Inaalis ba natin ang negatibong mga damdamin na nagsisilbing gatong sa mapanirang pananalita? Halimbawa, kapag nabalitaan natin na ang isang brother ay umaabót ng pribilehiyo sa kongregasyon, nagtitiwala ba tayo na malinis ang motibo niya, o nagsususpetsa tayo na udyok lang ito ng pansariling interes? Kung may tendensiya tayong maging mapaghinala, tandaan natin na kinuwestiyon ng Diyablo ang motibo ni Job, isang tapat na lingkod ng Diyos. (Job 1:9-11) Sa halip na pagsuspetsahan ang ating kapatid, pag-isipan kung bakit natin siya pinipintasan. Talaga bang may basehan tayo na gawin iyon? O baka naman nahawahan na tayo ng kawalang-pag-ibig na palasak sa mga huling araw na ito?​—2 Tim. 3:1-4.

      6, 7. (a) Ano ang ilang dahilan kung bakit tayo nagiging mapamintas? (b) Paano tayo dapat tumugon kapag nilait tayo?

      6 Pansinin ang iba pang dahilan kung bakit tayo nagiging mapamintas. Baka gusto nating mas mapansin ang mabubuting bagay na nagawa natin. Sa diwa, hinahatak natin ang iba pababa para makaangat tayo sa kanila. O baka naman ipinagmamatuwid lang natin ang ating sariling mga pagkukulang. Udyok man ito ng pagmamapuri, inggit, o kawalang-tiwala sa sarili, kapaha-pahamak ang resulta nito.

      7 Baka nadarama natin na may katuwiran tayong magsalita ng negatibo tungkol sa isang tao. Marahil naging biktima tayo ng kaniyang walang-ingat na pananalita. Totoo man iyan, hindi solusyon ang pagganti. Lalo lang nitong gagatungan ang apoy at sa gayo’y nasusunod ang kalooban ng Diyablo, hindi ang sa Diyos. (2 Tim. 2:26) Makabubuting tularan natin si Jesus. Nang siya ay laitin, “hindi siya nanlait bilang ganti.” Sa halip, “patuloy [niyang] ipinagkatiwala ang kaniyang sarili sa isa na humahatol nang matuwid.” (1 Ped. 2:21-23) May tiwala si Jesus na itutuwid ni Jehova ang mga bagay-bagay sa Kaniyang takdang panahon at paraan. Dapat din tayong magkaroon ng ganiyang tiwala sa Diyos. Kapag nakapagpapatibay ang ating pananalita, naiingatan natin ang “nagbubuklod na bigkis ng kapayapaan” sa kongregasyon.​—Basahin ang Efeso 4:1-3.

      TAKASAN ANG SILO NG TAKOT AT PANGGIGIPIT

      8, 9. Bakit hinatulan ni Pilato si Jesus ng kamatayan?

      8 Kapag nasilo ang isang hayop, hindi na ito gaanong makakakilos. Sa katulad na paraan, kapag ang isang tao ay nagpadala sa takot at panggigipit, hindi na niya gaanong kontrolado ang kaniyang mga kilos. (Basahin ang Kawikaan 29:25.) Pag-usapan natin ang dalawang lalaking nagpadaig sa panggigipit at takot, at tingnan natin kung ano ang matututuhan natin sa kanila.

      9 Alam ng Romanong gobernador na si Poncio Pilato na walang kasalanan si Jesus at lumilitaw na ayaw niya itong mapahamak. Sa katunayan, sinabi ni Pilato na ‘walang anumang nagawa si Jesus na karapat-dapat sa kamatayan.’ Sa kabila nito, hinatulan niya si Jesus ng kamatayan. Bakit? Dahil nagpadala si Pilato sa panggigipit ng mga tao. (Luc. 23:15, 21-25) “Kung palalayain mo ang taong ito, hindi ka kaibigan ni Cesar,” ang sabi ng mga mananalansang, para makuha ang gusto nila. (Juan 19:12) Maaaring natatakot si Pilato na matanggal sa puwesto​—o mamatay pa nga​—kung kakampi siya kay Kristo. Kaya nagpadala siya sa panggigipit at sinunod ang kalooban ng Diyablo.

      10. Bakit ikinaila ni Pedro si Kristo?

      10 Si apostol Pedro ay isa sa pinakamalalapít na kasama ni Jesus. Ipinahayag niya na si Jesus ang Mesiyas. (Mat. 16:16) Nang hindi maunawaan ng ibang mga alagad ni Jesus ang sinabi niya at iniwan nila siya, nanatiling matapat si Pedro. (Juan 6:66-69) At nang dumating ang mga kaaway para dakpin si Jesus, gumamit si Pedro ng tabak para ipagtanggol ang kaniyang Panginoon. (Juan 18:10, 11) Pero nang maglaon, nagpadala si Pedro sa takot at ikinaila pa nga si Jesu-Kristo. Ang apostol na ito ay sandaling nasilo ng takot sa tao kung kaya hindi siya nakakilos nang may lakas ng loob.​—Mat. 26:74, 75.

      11. Anong masasamang impluwensiya ang dapat nating paglabanan?

      11 Bilang mga Kristiyano, kailangan nating labanan ang panggigipit na gumawa ng mga bagay na di-kalugud-lugod sa Diyos. Baka pilitin tayo ng ating amo at ng iba pa na mandaya o maaaring udyukan nila tayong gumawa ng imoralidad. Ang mga estudyante ay maaaring gipitin ng kanilang mga kaeskuwela na mandaya sa exam, manood ng pornograpya, manigarilyo, magdroga, maglasing, o gumawa ng kahalayan. Kung gayon, ano ang makatutulong sa atin para makatakas sa silo ng takot at panggigipit na gumawa ng mga bagay na di-kalugud-lugod kay Jehova?

      12. Ano ang matututuhan natin kina Pilato at Pedro?

      12 Tingnan natin kung ano ang matututuhan natin kina Pilato at Pedro. Walang gaanong alam si Pilato tungkol kay Kristo. Pero alam niya na walang kasalanan si Jesus at hindi ito ordinaryong tao. Gayunman, walang kapakumbabaan at pag-ibig sa tunay na Diyos si Pilato. Kaya napakadali para sa Diyablo na hulihin siyang buháy. Samantala, si Pedro ay may tumpak na kaalaman at may pag-ibig sa Diyos. Pero kung minsan, hindi niya alam ang kaniyang limitasyon, naging matatakutin siya, at nagpadala sa panggigipit. Bago maaresto si Jesus, ipinagmalaki ni Pedro: “Kahit na ang lahat ng iba pa ay matisod, ngunit ako ay hindi.” (Mar. 14:29) Naging mas handa sana ang apostol sa mga pagsubok kung tinularan niya ang salmista na nagtiwala sa Diyos at umawit: “Si Jehova ay nasa panig ko; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng makalupang tao?” (Awit 118:6) Noong huling gabi ng buhay ni Jesus sa lupa, isinama niya si Pedro at ang dalawa pang apostol sa looban ng hardin ng Getsemani. Pero sa halip na manatiling gising, nakatulog si Pedro at ang kaniyang mga kasama. Ginising sila ni Jesus at sinabi: “Mga lalaki, patuloy kayong magbantay at manalangin, upang hindi kayo pumasok sa tukso.” (Mar. 14:38) Pero nakatulog na naman si Pedro at nang maglaon ay nagpadala sa takot at panggigipit.

      13. Paano natin mapaglalabanan ang panggigipit na gumawa ng masama?

      13 Itinuturo sa atin ng halimbawa nina Pilato at Pedro na madadaig natin ang panggigipit kung kikilalanin natin ang ating mga limitasyon, kung mayroon tayong tumpak na kaalaman, kapakumbabaan, pag-ibig sa Diyos, at takot kay Jehova, hindi sa mga tao. Kung ang pananampalataya natin ay salig sa tumpak na kaalaman, lakas-loob tayong magsasalita nang may pananalig tungkol sa ating paniniwala. Tutulong ito para malabanan natin ang panggigipit at madaig ang takot sa tao. Siyempre pa, hindi dapat lumabis ang kumpiyansa natin sa sarili. Sa halip, mapagpakumbaba nating kilalanin na kailangan natin ang kapangyarihan ng Diyos para mapaglabanan ang panggigipit. Kailangang manalangin tayo ukol sa espiritu ni Jehova at hayaang pakilusin tayo ng pag-ibig sa kaniya na itaguyod ang kaniyang pangalan at mga pamantayan. Karagdagan pa, kailangan nating paghandaan ang panggigipit. Halimbawa, ang patiunang paghahanda na may kasamang pananalangin ay tutulong sa ating mga anak na manindigan kapag ginigipit silang gumawa ng masama.​—2 Cor. 13:7.a

      IWASAN ANG BITAG NA DUMUDUROG​—SOBRANG PANUNUMBAT NG BUDHI

      14. Ano ang gusto ng Diyablo na isipin natin kung tungkol sa ating mga nakaraang pagkakamali?

      14 Ang ilang bitag ay ginagamitan ng mabigat na troso o bato na nakabitin sa landas na madalas daanan ng hayop. Kapag nasaling ng hayop ang tali ng bitag, mababagsakan ito at madudurog ng nakabiting troso o bato. Ang labis na panunumbat ng budhi ay tulad ng mabigat na pasan na dumudurog sa isa. Kapag naaalaala natin ang ating mga nakaraang pagkakamali, baka madama nating tayo ay ‘nasisiil [o, nadurog] nang lubusan.’ (Basahin ang Awit 38:3-5, 8.) Gusto ni Satanas na isipin nating hindi na tayo kaaawaan ni Jehova at hindi natin kayang abutin ang Kaniyang mga kahilingan.

      15, 16. Paano mo maiiwasan ang bitag ng sobrang panunumbat ng budhi?

      15 Paano mo maiiwasan ang bitag na dumudurog? Kung nakagawa ka ng malubhang kasalanan, kumilos ka para maisauli ang iyong pakikipagkaibigan kay Jehova. Lumapit ka sa mga elder at hingin ang kanilang tulong. (Sant. 5:14-16) Gawin mo ang iyong makakaya para ituwid ang pagkakamali. (2 Cor. 7:11) Kapag tumanggap ka ng disiplina, huwag panghinaan ng loob. Ang disiplina ay katibayan na talagang mahal ka ni Jehova. (Heb. 12:6) Maging determinado na huwag maulit ang pagkakasala, pati na ang mga hakbang na umakay roon. Matapos magsisi at manumbalik, manampalataya ka na talagang matatakpan ng haing pantubos ni Jesu-Kristo ang iyong mga pagkakamali.​—1 Juan 4:9, 14.

      16 Sinisisi pa rin ng iba ang kanilang sarili kahit napatawad na ang kanilang kasalanan. Kung ganiyan ang nadarama mo, tandaan na pinatawad ni Jehova si Pedro at ang ibang mga apostol sa pag-iwan nila sa Kaniyang minamahal na Anak noong nasa matinding kagipitan ito. Pinatawad din ni Jehova ang lalaking itiniwalag sa kongregasyon sa Corinto na nakagawa ng lantarang imoralidad pero nagsisi nang maglaon. (1 Cor. 5:1-5; 2 Cor. 2:6-8) Sa Salita ng Diyos, may binanggit na talamak na mga makasalanan na nagsisi at pinatawad ng Diyos.​—2 Cro. 33:2, 10-13; 1 Cor. 6:9-11.

      17. Ano ang magagawa ng pantubos para sa atin?

      17 Patatawarin at kalilimutan ni Jehova ang iyong mga nakaraang pagkakamali kung talagang nagsisisi ka at tinatanggap mo ang kaniyang awa. Huwag na huwag mong isipin na di-matatakpan ng haing pantubos ni Jesus ang iyong mga kasalanan. Kung ganiyan ang nadarama mo, biktima ka ng isa sa mga silo ni Satanas. Pero tandaan mo na matatakpan ng pantubos ang mga pagkakasala ng lahat ng nagkasala pero nagsisisi. (Kaw. 24:16) Ang pananampalataya sa pantubos ay makapag-aalis ng mabigat na pasan ng sobrang panunumbat ng budhi. Mabibigyan ka rin nito ng lakas na paglingkuran ang Diyos nang iyong buong puso, pag-iisip, at kaluluwa.​—Mat. 22:37.

      ALAM NATIN ANG MGA PAKANA NI SATANAS

      18. Paano natin maiiwasan ang mga silo ng Diyablo?

      18 Hindi mahalaga kay Satanas kung anong bitag ang sisilo sa atin. Ang mahalaga sa kaniya ay mahuli niya tayo. Pero dahil alam natin ang mga pakana ni Satanas, maiiwasan nating malamangan ng Diyablo. (2 Cor. 2:10, 11) Para huwag niya tayong masilo o mabitag, humingi tayo ng karunungan sa Diyos sa pagharap sa mga pagsubok. Sumulat si Santiago: “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, patuloy siyang humingi sa Diyos, sapagkat siya ay saganang nagbibigay sa lahat at hindi nandurusta; at ibibigay ito sa kaniya.” (Sant. 1:5) Kailangan tayong kumilos kaayon ng ating mga panalangin sa pamamagitan ng regular na personal na pag-aaral at pagkakapit ng Salita ng Diyos. Ang salig-Bibliyang mga publikasyong inilalaan ng uring tapat at maingat na alipin ay tumutulong sa atin na makita ang mga bitag na iniuumang ng Diyablo at maiwasan ang mga iyon.

      19, 20. Bakit natin dapat kapootan ang masama?

      19 Ang panalangin at pag-aaral ng Bibliya ay tutulong sa atin na linangin ang pag-ibig sa mabuti. Pero mahalaga rin na linangin natin ang pagkapoot sa masama. (Awit 97:10) Maiiwasan natin ang sakim na pagnanasa kung bubulay-bulayin natin ang kahihinatnan nito. (Sant. 1:14, 15) Kapag napopoot tayo sa masama at talagang iniibig natin ang mabuti, nagiging kasuklam-suklam sa atin ang pain na iniuumang ni Satanas; hindi na ito kaakit-akit sa atin.

      20 Laking pasasalamat natin na tinutulungan tayo ng Diyos para huwag tayong malamangan ni Satanas! Sa tulong ng Kaniyang espiritu, Salita, at organisasyon, inililigtas tayo ni Jehova “mula sa isa na balakyot.” (Mat. 6:13) Sa susunod na artikulo, pag-aaralan naman natin kung paano maiiwasan ang dalawa pang bitag na matagumpay na ginagamit ng Diyablo para hulihing buháy ang mga lingkod ng Diyos.

  • Tumayong Matatag Laban sa mga Bitag ni Satanas!
    Ang Bantayan—2012 | Agosto 15
    • Tumayong Matatag Laban sa mga Bitag ni Satanas!

      “[Tumayo] kayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo.”​—EFE. 6:11.

      PAANO MO SASAGUTIN?

      • Paano maiiwasan ng isang lingkod ni Jehova na masilo sa bitag ng materyalismo?

      • Ano ang makatutulong sa mga Kristiyanong may asawa na huwag mahulog sa pangangalunya?

      • Bakit ka naniniwalang kapaki-pakinabang na tumayong matatag laban sa materyalismo at seksuwal na imoralidad?

      1, 2. (a) Bakit walang awa si Satanas sa mga pinahiran at sa “ibang mga tupa”? (b) Anong mga bitag ni Satanas ang tatalakayin sa artikulong ito?

      WALANG awa si Satanas na Diyablo sa mga tao, lalo na sa mga lingkod ni Jehova. Sa katunayan, si Satanas ay nakikipagdigma sa pinahirang nalabi. (Apoc. 12:17) Pinangungunahan ng di-natitinag na mga Kristiyanong iyon ang pangangaral ng Kaharian at inilalantad si Satanas bilang tagapamahala ng sanlibutang ito. Napopoot din ang Diyablo sa “ibang mga tupa” na sumusuporta sa mga pinahiran at umaasang mabuhay magpakailanman​—isang pag-asang hindi na taglay ni Satanas. (Juan 10:16) Kaya naman galit na galit siya! Makalangit man o makalupa ang ating pag-asa, wala siyang malasakit sa kapakanan natin. Gusto niya tayong biktimahin.​—1 Ped. 5:8.

      2 Para magawa ito, nag-uumang si Satanas ng iba’t ibang bitag, o silo. Dahil ‘binulag niya ang pag-iisip’ ng mga di-sumasampalataya, hindi nila tinatanggap ang mabuting balita at hindi nila nakikita ang kaniyang mga bitag. Pero nabibiktima rin ng Diyablo ang ilan sa mga tumanggap na sa mensahe ng Kaharian. (2 Cor. 4:3, 4) Ipinakita ng naunang artikulo kung paano natin maiiwasan ang tatlong bitag ni Satanas: (1) walang-ingat na pananalita, (2) takot at panggigipit, at (3) sobrang panunumbat ng budhi. Talakayin naman natin kung paano tayo makatatayong matatag laban sa dalawa pang bitag o silo ni Satanas​—ang materyalismo at ang tuksong gumawa ng pangangalunya.

      MATERYALISMO​—ANG BITAG NA SUMASAKAL

      3, 4. Paano maaaring mauwi sa materyalismo ang mga kabalisahan ng sistemang ito ng mga bagay?

      3 Sa isa sa mga ilustrasyon ni Jesus, binanggit niya ang binhi na nahasik sa gitna ng mga tinik. Ipinakita niya na ang isang tao ay posibleng makinig sa salita, “ngunit ang kabalisahan ng sistemang ito ng mga bagay at ang mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan ay sumasakal sa salita, at siya ay nagiging di-mabunga.” (Mat. 13:22) Oo, ang materyalismo ay isang silo na ginagamit ng ating kaaway na si Satanas.

      4 May dalawang bagay na kapag pinagsama ay sumasakal sa salita. Ang isa ay “ang kabalisahan ng sistemang ito ng mga bagay.” Sa ‘mga panahong ito na mapanganib at mahirap pakitunguhan,’ napakaraming álalahanín. (2 Tim. 3:1) Dahil sa pagtaas ng presyo ng bilihin at kawalan ng trabaho, baka nahihirapan kang makaraos sa buhay. Marahil nababalisa ka sa iyong kinabukasan at nag-iisip, ‘Sapat kaya ang pera ko para sa aking pagtanda?’ Dahil sa ganitong kabalisahan, marami ang nagsisikap yumaman sa pag-aakalang salapi ang garantiya ng magandang kinabukasan.

      5. Bakit mapanlinlang ang “kapangyarihan ng kayamanan”?

      5 Ang isa pang bagay na binanggit ni Jesus ay “ang mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan.” Kapag pinagsama ito at ang kabalisahan, masasakal ang salita. Kinikilala ng Bibliya na ang “salapi ay pananggalang.” (Ecles. 7:12) Pero hindi katalinuhan ang paghahangad na yumaman. Napatunayan ng marami na miyentras nagsisikap silang yumaman, lalo silang nasisilo ng materyalismo. Ang iba ay nagiging alipin pa nga ng kayamanan.​—Mat. 6:24.

      6, 7. (a) Paano maaaring bumangon ang tukso ng materyalismo sa lugar ng trabaho? (b) Anong mga bagay ang dapat timbang-timbangin ng isang Kristiyano kapag inalok siyang mag-overtime?

      6 Maaaring magsimula ang paghahangad ng kayamanan nang di-namamalayan. Halimbawa, pag-isipan ang sitwasyong ito. Nilapitan ka ng amo mo at sinabi: “May magandang balita ako sa ’yo! Nakakuha ng malaking kontrata ang kompanya natin. Ibig sabihin, kailangan mong mag-overtime nang madalas sa susunod na mga buwan. Pero tinitiyak kong sulit ang pagod mo dahil malaki ang kikitain mo!” Paano ka tutugon? Siyempre pa, seryosong pananagutan ang paglalaan ng materyal na pangangailangan ng iyong pamilya. Pero hindi lang ito ang pananagutan mo. (1 Tim. 5:8) Marami pang bagay na dapat isaalang-alang. Gaano karaming overtime ang kailangan? Makasasagabal ba ang trabaho mo sa gawaing espirituwal, kasali na rito ang pulong at ang gabi ng Pampamilyang Pagsamba?

      7 Sa paggawa ng desisyon, ano ang mas matimbang sa iyo​—ang dagdag na kita, o ang espirituwalidad mo? Uunahin mo ba ang pagkita ng mas maraming pera kaysa sa Kaharian? Nakikita mo ba ang magiging epekto sa iyo ng materyalismo kung mapapabayaan mo ang espirituwalidad mo at ng iyong pamilya? Kung ganito ang sitwasyon mo ngayon, paano ka makatatayong matatag para huwag kang masakal ng materyalismo?​—Basahin ang 1 Timoteo 6:9, 10.

      8. Anong mga halimbawa sa Kasulatan ang makatutulong sa atin na suriin ang ating istilo ng pamumuhay?

      8 Para huwag kang masakal ng materyalismo, sa pana-panahon ay suriin ang iyong istilo ng pamumuhay. Huwag na huwag mong tutularan si Esau, na humamak sa espirituwal na mga bagay! (Gen. 25:34; Heb. 12:16) At tiyak na ayaw mong maging gaya ng taong mayaman na inanyayahang ipagbili ang kaniyang mga pag-aari, ibigay ito sa mga dukha, at sumunod kay Jesus. Sa halip na tanggapin ang paanyaya, ang lalaking ito ay “umalis na napipighati, sapagkat marami siyang tinataglay na mga pag-aari.” (Mat. 19:21, 22) Dahil nasilo siya ng kayamanan, naiwala ng lalaking ito ang isang napakalaking pribilehiyo​—ang maging tagasunod ng pinakadakilang tao na nabuhay kailanman! Mag-ingat na huwag mong maiwala ang pribilehiyong maging alagad ni Jesu-Kristo.

      9, 10. Ano ang masasabi mong pangmalas ng Bibliya sa materyal na mga bagay?

      9 Para huwag tayong labis na mag-alala sa materyal na mga bagay, sundin natin ang babala ni Jesus: “Huwag kayong mabalisa at magsabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’ Sapagkat ang lahat ng ito ang mga bagay na masikap na hinahanap ng mga bansa. Sapagkat nalalaman ng inyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.”​—Mat. 6:31, 32; Luc. 21:34, 35.

      10 Sa halip na mabiktima ng mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan, tularan natin ang pangmalas ng manunulat ng Bibliya na si Agur, na nagsabi: “Huwag mo akong paghirapin o payamanin. Bigyan mo lang ako ng kailangan ko.” (Kaw. 30:8, Contemporary English Version) Alam ni Agur na mahalaga ang salapi, pero nauunawaan din niya na mapanlinlang ang kapangyarihan ng kayamanan. Tandaan natin na makasisira ng ating espirituwalidad ang mga kabalisahan ng sistemang ito ng mga bagay at ang mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan. Ang labis-labis na pag-aalala sa materyal na mga bagay ay uubos ng ating panahon at lakas, anupat hihina o mawawala pa nga ang ating determinasyon na itaguyod ang Kaharian. Kung gayon, maging determinado na umiwas sa silo ng materyalismo, isa sa mga bitag ni Satanas!​—Basahin ang Hebreo 13:5.

      PANGANGALUNYA​—ISANG NAKAKUBLING HUKAY

      11, 12. Paano maaaring mahulog sa pangangalunya ang isang Kristiyano sa lugar ng trabaho?

      11 Para mahuli ang isang malakas na hayop, ang mga mangangaso ay gumagawa ng hukay sa landas na madalas daanan ng hayop, at tinatakpan ito ng maliliit na sanga at lupa para hindi mahalata. Katulad ng bitag na ito ang isa sa pinakamatagumpay na tukso ni Satanas​—ang imoralidad. (Kaw. 22:14; 23:27) May mga Kristiyanong nahulog sa hukay na iyan dahil hinayaan nilang malagay sila sa alanganing sitwasyon. Ang ilang may-asawang Kristiyano ay natuksong mangalunya matapos magkaroon ng di-wastong romantikong ugnayan sa hindi nila asawa.

      12 Posibleng magsimula ang di-wastong romantikong ugnayan sa isang katrabaho. Ipinakikita ng isang pag-aaral na mahigit sa kalahati ng bilang ng mga babaing nangalunya at halos 3 sa bawat 4 na lalaking nangalunya ang nakipagrelasyon sa kanilang katrabaho. May mga katrabaho ka bang di-kasekso? Kung oo, anong klaseng ugnayan ang mayroon ka sa kanila? May hangganan ba ang pakikisama mo at sinisikap na panatilihing hanggang trabaho lang ito? Halimbawa, baka ang isang sister ay paulit-ulit na nakikipag-usap sa isang lalaking katrabaho niya. Di-magtatagal, baka maging kapalagayang-loob niya ito at maihinga rito ang mga problema nila ng kaniyang mister. O baka naman isang brother ang maging palakaibigan sa isang babaing katrabaho niya at mangatuwiran siya: “Mahalaga sa kaniya ang opinyon ko at nakikinig siya sa ’kin. Pinahahalagahan niya ako. Sana ganito rin ang trato sa ’kin ng misis ko!” Nakikita mo ba kung paano nalalantad sa tukso ng pangangalunya ang mga Kristiyanong nasa ganitong sitwasyon?

      13. Paano maaaring magsimula ang di-wastong romantikong ugnayan sa loob ng kongregasyon?

      13 Maaari ding magsimula ang di-wastong romantikong ugnayan sa loob ng kongregasyon. Ganito ang nangyari sa mag-asawang sina Daniel at Sarah,a parehong regular pioneer. Ayon kay Daniel, siya’y “isang elder na hindi marunong humindi.” Tinatanggap niya ang lahat ng pribilehiyong ibinibigay sa kaniya. Nagdaraos noon si Daniel ng Bible study sa limang lalaki​—at tatlo sa mga ito ang nabautismuhan. Ang mga bagong brother na ito ay nangangailangan ng pag-alalay. Kapag abala si Daniel sa kaniyang iba’t ibang atas sa kongregasyon, si Sarah ang tumutulong sa kanila. Di-nagtagal, ganito ang naging takbo ng mga bagay-bagay: Ang mga dating study ni Daniel ay nangangailangan ng emosyonal na suporta, at si Sarah ang naglalaan nito. Kailangan din ni Sarah ng atensiyon, at nakukuha naman niya ito sa mga study ni Daniel. Naiumang ang isang nakamamatay na silo. “Nasaid sa espirituwal at emosyonal na paraan ang asawa ko dahil sa maraming buwan ng pagtulong sa iba,” ang sabi ni Daniel. “Ito, pati na ang pagpapabaya ko sa kaniya, ay humantong sa masaklap na pangyayari. Nakagawa ng pangangalunya ang misis ko sa isa sa mga dating inaaralan ko. Masyado akong naging abala sa aking mga pribilehiyo kaya hindi ko man lang napansin na nanghihina na siya sa espirituwal.” Paano mo maiiwasan ang ganiyang trahedya?

      14, 15. Ano ang makatutulong sa mga Kristiyanong may asawa para huwag silang mahulog sa pangangalunya?

      14 Para maiwasang mahulog sa pangangalunya, kailangan mong isipin kung ano ang kahulugan ng sumpaan ninyong mag-asawa. Sinabi ni Jesus: “Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Mat. 19:6) Huwag na huwag mong iisipin na mas mahalaga ang iyong mga teokratikong pribilehiyo kaysa sa asawa mo. Tandaan din na kung madalas kayong nagkakalayo ng asawa mo dahil sa di-kinakailangang mga gawain, maaaring pahiwatig ito na may problema ang pagsasama ninyo at maaari kayong mahulog sa tukso at magkasala ng pangangalunya.

      15 Pero kung isa kang elder, paano naman ang kawan? Sumulat si apostol Pedro: “Pastulan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyong pangangalaga, hindi napipilitan, kundi maluwag sa kalooban; ni hindi dahil sa pag-ibig sa di-tapat na pakinabang, kundi may pananabik.” (1 Ped. 5:2) Dapat mong asikasuhin ang mga miyembro ng kongregasyon. Pero hindi mo dapat isakripisyo ang iyong papel bilang asawang lalaki para magampanan ang iyong papel bilang pastol. Walang kabuluhan​—at mapanganib pa nga​—na ibuhos ang atensiyon mo sa pagpapakain sa kongregasyon habang “nagugutom” naman ang asawa mo. Sinabi ni Daniel, “Hindi ka dapat masyadong magpakaabala sa pag-aasikaso sa iyong mga pribilehiyo anupat napapabayaan mo ang sarili mong pamilya.”

      16, 17. (a) Sa lugar ng trabaho, anong mga hakbang ang puwedeng gawin ng may-asawang Kristiyano para ipakita na hinding-hindi siya puwedeng makipagrelasyon sa iba? (b) Magbigay ng halimbawa ng artikulo sa ating mga magasin na makatutulong sa mga Kristiyano na umiwas sa pangangalunya.

      16 Maraming magandang payo na inilathala sa mga magasing Bantayan at Gumising! ang makatutulong sa mga Kristiyanong may asawa na umiwas sa pangangalunya. Halimbawa, ganito ang payo ng Bantayan ng Setyembre 15, 2006: “Sa lugar ng trabaho at sa iba pang lugar, iwasan ang situwasyon na maaaring umakay sa pagkahulog ng iyong loob sa iba. Halimbawa, ang madalas na pag-o-overtime kasama ng isang di-kasekso ay maaaring umakay sa tukso. Bilang isang may-asawang lalaki o babae, dapat mong ipakita sa pamamagitan ng iyong pananalita at pagkilos na hinding-hindi ka puwedeng makipagrelasyon sa iba. Bilang isa na nagtataguyod ng makadiyos na debosyon, tiyak na hindi mo pupukawin ang atensiyon ng iba sa pamamagitan ng pakikipagligaw-biro o ng di-mahinhing pananamit at pag-aayos. . . . Ang pagdidispley ng mga litrato ng iyong asawa at mga anak sa lugar ng iyong trabaho ay magpapaalaala sa iyo at sa mga katrabaho mo na mahalaga sa iyo ang iyong pamilya. Maging determinado na huwag kailanman pasiglahin​—o kunsintihin pa nga​—ang pang-aakit sa iyo ng iba.”

      17 Ang artikulong “Katapatan sa Asawa​—Ano ba Talaga ang Kahulugan Nito?” sa Gumising! ng Abril 2009 ay nagbababala tungkol sa seksuwal na pagpapantasya sa hindi mo asawa. Binanggit ng artikulong ito na ang gayong pagpapantasya ay puwedeng mauwi sa pangangalunya. (Sant. 1:14, 15) Kung may asawa ka, makabubuting talakayin ninyong mag-asawa ang ganitong impormasyon sa pana-panahon. Ang pag-aasawa ay kaayusan ni Jehova, at sagrado ito. Maipakikita mong pinahahalagahan mo ang mga bagay na sagrado kung maglalaan ka ng panahon para pag-usapan ang pagsasama ninyong mag-asawa.​—Gen. 2:21-24.

      18, 19. (a) Ano ang masasamang resulta ng pangangalunya? (b) Ano ang mga pagpapala ng mga nananatiling tapat sa kanilang asawa?

      18 Kung natutukso kang magkaroon ng di-wastong romantikong ugnayan sa iba, bulay-bulayin ang masasamang resulta ng pakikiapid at pangangalunya. (Kaw. 7:22, 23; Gal. 6:7) Naiwawala ng mga nangangalunya ang pagsang-ayon ni Jehova. Sinasaktan nila ang kanilang asawa at ang kanilang sarili. (Basahin ang Malakias 2:13, 14.) Isip-isipin naman ang mga pagpapala ng mga nananatiling malinis sa moral. May pag-asa silang mabuhay magpakailanman at mayroon din silang kasiya-siyang buhay ngayon, lakip na ang malinis na budhi.​—Basahin ang Kawikaan 3:1, 2.

      19 Umawit ang salmista: “Ang saganang kapayapaan ay nauukol sa mga umiibig sa [kautusan ng Diyos], at sa kanila ay walang katitisuran.” (Awit 119:165) Kaya ibigin mo ang katotohanan, at ‘mahigpit na magbantay na ang iyong paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng marurunong’ sa balakyot na mga huling araw na ito. (Efe. 5:15, 16) Ang landas na dinaraanan natin ay punô ng mga bitag na iniumang ni Satanas para siluin ang mga tunay na mananamba ng Diyos. Pero puwede nating protektahan ang ating sarili. Ibinigay sa atin ni Jehova ang kailangan natin para tayo’y ‘makatayong matatag’ at ‘masugpo ang lahat ng nag-aapoy na mga suligi ng isa na balakyot’!​—Efe. 6:11, 16.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share