Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Talaga Bang May Satanas?
    Ang Bantayan—2014 | Nobyembre 1
    • TAMPOK NA PAKSA | TOTOO BA SI SATANAS?

      Talaga Bang May Satanas?

      Estatuwa ng anghel na inihagis sa lupa, si Satanas

      Estatuwa sa Madrid, Spain, na naglalarawan kay Satanas bilang masamang anghel na inihagis sa lupa

      “Lumaki ako sa El Salvador. Kapag matigas ang ulo ko, sinasabi ni Nanay, ‘Sige ka, kukunin ka ng Diyablo!’ Ang sagot ko naman, ‘Sige, tawagin n’yo!’ Naniniwala ako sa Diyos, pero hindi kay Satanas.”—ROGELIO.

      Sang-ayon ka ba kay Rogelio? Alin sa mga ito ang pinaniniwalaan mo?

      • Hindi totoo si Satanas; simbolo lang siya ng kasamaan.

      • May Satanas, pero wala siyang pakialam sa tao.

      • Si Satanas ay makapangyarihang espiritu na may malaking impluwensiya sa mga tao.

      May mga naniniwala sa bawat pananaw na iyan, baka milyon-milyon pa nga. Pero mahalaga ba talaga kung ano ang totoo? Kung walang Satanas, nalinlang ang mga naniniwalang totoo siya. Kung umiiral naman siya pero walang pakialam sa tao, aba, marami ang ingát na ingát o takót na takót nang walang dahilan. Pero kung si Satanas ay isang tusong kaaway na kayang kumontrol ng tao, mas mapanganib siya kaysa sa iniisip ng marami.

      Alamin natin ang sagot ng Banal na Kasulatan sa mga tanong na ito: Si Satanas ba ay simbolo ng kasamaan o espiritung persona? Kung persona siya, nanganganib ka ba sa kaniya? Kung oo, paano mo mapoprotektahan ang sarili mo?

  • Si Satanas ba ay Simbolo Lang ng Kasamaan?
    Ang Bantayan—2014 | Nobyembre 1
    • Tinitingnan ni Satanas mula sa langit ang nagdurusang si Job

      TAMPOK NA PAKSA | TOTOO BA SI SATANAS?

      Si Satanas ba ay Simbolo Lang ng Kasamaan?

      Madaling sabihin na ang Satanas na nababasa natin sa Bibliya ay simbolo lang ng kasamaan. Pero iyon ba talaga ang itinuturo ng Bibliya? Kung oo, bakit iniulat sa Bibliya na nakipag-usap si Satanas kay Jesu-Kristo at sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat? Pag-isipan ang dalawang halimbawa ng pag-uusap na iyon.

      NANG MAKIPAG-USAP SI SATANAS KAY JESUS

      Sa pasimula ng ministeryo ni Jesus, tatlong beses siyang tinukso ng Diyablo. Una, inudyukan siya nito na gamitin para sa sariling pakinabang ang kaniyang kapangyarihan na mula sa Diyos. Pagkatapos, sinulsulan ng Diyablo si Jesus na isapanganib ang buhay niya para makakuha ng atensiyon. Panghuli, inialok ni Satanas kay Jesus ang pamamahala sa lahat ng kaharian sa mundo kapalit ng pagsubsob ni Jesus bilang pagsamba. Tinanggihan ni Jesus ang tatlong tuksong iyon. Sa bawat pagkakataon, sumipi siya sa Kasulatan.—Mateo 4:1-11; Lucas 4:1-13.

      Kanino nakikipag-usap si Jesus? Sa kasamaang nasa loob niya? Ayon sa Kasulatan, si Jesus ay “sinubok sa lahat ng bagay tulad natin, ngunit walang kasalanan.” (Hebreo 4:15) Sinasabi rin ng Bibliya: “Hindi siya nakagawa ng kasalanan, ni kinasumpungan man ng panlilinlang ang kaniyang bibig.” (1 Pedro 2:22) Si Jesus ay nanatiling perpekto at tapat. Hindi niya hinayaang tumubo sa loob niya ang anumang kasamaan. Kaya maliwanag na hindi nakikipag-usap si Jesus sa kasamaang nasa loob niya; totoong persona ang kausap niya.

      Sa pag-uusap ding iyon, may iba pang ebidensiya na totoong persona si Satanas.

      • Tandaan na inialok ng Diyablo kay Jesus ang pamamahala sa buong mundo kapalit ng gawang pagsamba. (Mateo 4:8, 9) Bale-wala ang alok na iyon kung hindi totoo si Satanas. At saka hindi kinuwestiyon ni Jesus ang pag-aangkin ni Satanas sa gayon kalaking awtoridad.

      • Matapos tanggihan ni Jesus ang mga tukso, ang Diyablo ay “humiwalay sa kaniya hanggang sa iba pang kumbinyenteng panahon.” (Lucas 4:13) Sa kasong ito, masasabi bang kasamaan lang si Satanas, o isang mapilit at pursigidong kaaway?

      • Pansinin na “dumating ang mga anghel at nagsimulang maglingkod” kay Jesus. (Mateo 4:11) Totoo bang persona ang mga anghel na iyon na nagpatibay at tumulong kay Jesus? Maliwanag na oo. Kaya bakit natin iisipin na hindi totoong persona si Satanas?

      NANG MAKIPAG-USAP SI SATANAS SA DIYOS

      Ang ikalawang halimbawa ay ang ulat tungkol kay Job, isang lalaking may takot sa Diyos. Sa ulat na iyon, dalawang beses na nag-usap ang Diyablo at ang Diyos. Sa dalawang pagkakataong iyon, pinuri ng Diyos ang katapatan ni Job. Pero iginiit ni Satanas na naglilingkod lang si Job dahil sa sakim na pakinabang at binibili ng Diyos ang katapatan ni Job. Pinalalabas ng Diyablo na mas kilala niya si Job. Pinahintulutan ni Jehova si Satanas na kunin ang mga pag-aari at mga anak ni Job at pasapitan ito ng sakit.a Nang maglaon, napatunayan na tama ang pagkakilala ni Jehova kay Job at na sinungaling si Satanas. Pinagpala ng Diyos ang katapatan ni Job.—Job 1:6-12; 2:1-7.

      Sa dalawang tagpong iyon, nakikipag-usap ba si Jehova sa kasamaang nasa loob niya? Sinasabi ng Bibliya: “Kung tungkol sa tunay na Diyos, sakdal ang kaniyang daan.” (2 Samuel 22:31) Sinasabi rin ng Salita ng Diyos: “Banal, banal, banal ang Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apocalipsis 4:8) Ang banal ay nangangahulugang dalisay, sagrado, hiwalay sa kasalanan. Perpekto si Jehova at walang kapintasan. Imposibleng magkaroon siya ng anumang masamang katangian.

      Ang mga sinabi ni Satanas noong makipag-usap siya sa Diyos ay aktuwal na pinagdusahan ni Job

      Pero baka ikatuwiran ng iba na pati si Job ay hindi totoo, kung kaya makasagisag lang ang mga pag-uusap na iyon. Lohikal ba ang ideyang ito? Ipinakikita ng ibang teksto sa Bibliya na totoong tao si Job. Sa Santiago 5:7-11, ginamit ang halimbawa ni Job para patibayin ang mga Kristiyano na magtiis at ipaalaala na ginagantimpalaan ni Jehova ang gayong pagtitiis. Magiging epektibo kaya ang pampatibay na iyon kung hindi totoo si Job, pati ang pagpapahirap sa kaniya ni Satanas? Gayundin, sa Ezekiel 14:14, 20, isa si Job sa binanggit na tatlong lalaking matuwid, kasama nina Noe at Daniel. Gaya nina Noe at Daniel, si Job ay totoong tao na may malaking pananampalataya. Kung totoo si Job, hindi ba makatuwirang isipin na totoong persona rin ang nagpahirap sa kaniya?

      Maliwanag, ipinakikilala ng Bibliya si Satanas bilang totoong espiritung persona. Pero baka maitanong mo, ‘Ako ba at ang pamilya ko ay nanganganib din kay Satanas?’

      SA PANAHON NATIN NGAYON

      Sabihin nating may nanirahang mga kriminal sa lugar ninyo. Siguradong malalagay ka sa peligro at apektado ang moralidad ng buong pamayanan. Ngayon, isipin ang kahawig na senaryo: Inihagis sa lupa si Satanas at ang kaniyang mga demonyo—totoong mga persona na nagrebelde rin sa Diyos gaya ni Satanas. Ano ang naging resulta? Pansinin ang mga balita sa loob at labas ng bansa.

      • Napapansin mo ba ang paglago ng karahasan, sa kabila ng pagsisikap ng buong mundo na sugpuin ito?

      • Napapansin mo ba na dumarami ang mga libangang nagtatampok ng espiritismo, sa kabila ng pagsisikap ng maraming magulang na hadlangan ito?

      • Napapansin mo ba na tuloy-tuloy ang pagsira sa kapaligiran, sa kabila ng mga pagsisikap na isalba ito?

      • Hindi ba ipinahihiwatig nito na may mali sa lipunan—na may nagtutulak sa sangkatauhan tungo sa kapahamakan?

      Tingnan kung sino ang tinutukoy ng Bibliya na nasa likod ng lahat ng ito: “Inihagis ang malaking dragon, ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa; siya ay inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya. . . . Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.” (Apocalipsis 12:9, 12) Matapos suriin ang mga ebidensiya, nakumbinsi ang marami na si Satanas ay isang mapanganib na espiritung persona, na patuloy na umiimpluwensiya sa mga tao.

      Baka iniisip mo kung paano ka mapoprotektahan. Tama namang isipin iyan. May mga praktikal na tulong sa susunod na artikulo.

      a Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.

  • Dapat ba Tayong Matakot kay Satanas?
    Ang Bantayan—2014 | Nobyembre 1
    • TAMPOK NA PAKSA | TOTOO BA SI SATANAS?

      Dapat ba Tayong Matakot kay Satanas?

      Mag-asawang tumatakbo palabas ng kanilang kontaminadong bahay para makalanghap ng sariwang hangin

      Ang carbon monoxide ay di-nakikita at napakadelikado—ganoon din si Satanas

      Marami ang nalalason sa carbon monoxide nang walang kamalay-malay. Wala itong kulay at wala ring amoy. Sinasabing ito ang dahilan ng pagkamatay ng mahigit kalahati ng lahat ng nalalason. Pero huwag mag-alala. May mga paraan para ma-detect ang gas na ito at maprotektahan ka. Marami ang nagkakabit ng warning device at umaaksiyon agad kapag nag-alarm ito.

      Gaya ng carbon monoxide, si Satanas ay hindi rin nakikita ng tao at napakadelikado. Pero hindi tayo dapat matakot kay Satanas dahil may tulong na inilalaan ang Diyos.

      Kalayaang pumili. Sinasabi ng Santiago 4:7: “Salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.” Oo, makapangyarihan si Satanas, pero hindi ka niya kayang piliting gawin ang mga bagay na ayaw mo. Malaya kang pumili. Hinihimok tayo ng 1 Pedro 5:9: “Manindigan kayo laban sa kaniya [sa Diyablo], matatag sa pananampalataya.” Tandaan na umalis si Satanas matapos tanggihan ni Jesus ang tatlong ulit nitong panunukso. (Mateo 4:11) Kaya kung gugustuhin mo, malalabanan mo rin ang mga tukso ni Satanas.

      Pakikipagkaibigan sa Diyos. Hinihimok tayo ng Santiago 4:8 na ‘lumapit sa Diyos.’ Si Jehova mismo ang may gustong makipagkaibigan tayo sa kaniya. Paano mo magagawa iyon? Una sa lahat, kailangan mong makilala siya ayon sa sinasabi ng Bibliya. (Juan 17:3) Miyentras nakikilala mo si Jehova, matututuhan mo siyang ibigin, at ang pag-ibig na iyon ang magpapakilos sa iyo na gawin ang kalooban niya. (1 Juan 5:3) Paano tutugon ang Ama sa langit sa pagsisikap mong mapalapít sa kaniya? Sinasabi pa sa Santiago: ‘Ang Diyos ay lalapit sa iyo.’

      Isang lalaking nag-aaral ng Bibliya, pagkatapos ay nanalangin sa Diyos, at saka niya itinapon ang mga bagay na may kaugnayan sa espiritismo

      May mga espirituwal na paglalaan si Jehova para maprotektahan ka

      Proteksiyon. Mababasa sa Kawikaan 18:10: “Ang pangalan ni Jehova ay matibay na tore. Doon tumatakbo ang matuwid at ipinagsasanggalang.” Siyempre, hindi naman ibig sabihin na parang anting-anting ang pangalan ng Diyos. Nangangahulugan ito na ang mga totoong nananalig sa pangalan ng Diyos ay makahihiling sa kaniya ng proteksiyon anumang oras.

      Halimbawang puwedeng tularan. Sa Gawa 19:19, may matututuhan tayo sa mga bagong-kumberteng Kristiyano sa Efeso: “Tinipon ng marami sa mga nagsasagawa ng sining ng mahika ang kanilang mga aklat at sinunog ang mga iyon sa harap ng lahat. At tinuos nila nang sama-sama ang halaga ng mga iyon at nasumpungang nagkakahalaga ng limampung libong piraso ng pilak.”a Sinira ng mga Kristiyanong iyon ang lahat ng gamit nila na nauugnay sa espiritismo, kahit napakamahal ng mga ito. Napakalaking tulong sa atin ng halimbawang iyan. Talamak ngayon ang okulto at espiritismo. Kahit ang mga bagay at gawaing may kaugnayan sa espiritismo na waring hindi naman nakakasamâ sa iyo ay puwedeng maging daan ng mga demonyo. Dapat mong sirain o itigil ang mga ito, gaano man ito kamahal o kaimportante sa iyo.—Deuteronomio 18:10-12.

      Gaya ng binanggit sa pasimula ng seryeng ito, hindi naniniwala noon si Rogelio sa Diyablo. Pero nang mag-50 anyos siya, nagbago ang paniniwala niya. Bakit? “Noon lang ako nagkaroon ng Bibliya,” ang sabi ni Rogelio. “Nakumbinsi ako ng natutuhan ko sa Kasulatan na mayroon talagang Diyablo. Proteksiyon ko ang kaalamang iyan para hindi niya ako mabiktima.”

      “Nakumbinsi ako ng natutuhan ko sa Kasulatan na mayroon talagang Diyablo. Proteksiyon ko ang kaalamang iyan para hindi niya ako mabiktima”

      Pinananabikan mo ba ang araw na wala na si Satanas? Inihula ng Kasulatan na darating ang panahon na ang Diyablo, ang isa na nagliligaw sa marami, ay “[ihahagis] sa lawa ng apoy at asupre.” (Apocalipsis 20:10) Siyempre pa, hindi naman tatablan ng literal na apoy at asupre ang isang di-nakikitang espiritung nilalang. Kaya ang lawa ng apoy ay lumalarawan sa walang-hanggang pagkapuksa. Mawawala na si Satanas magpakailanman. Napakasaya ngang panahon iyon para sa mga umiibig sa Diyos!

      Samantala, patuloy na mag-aral tungkol kay Jehova at sa kaniyang kalooban.b Isipin ang panahon kapag sa wakas ay talagang masasabi na natin, “Walang Satanas!”

      a Kung ang pilak na iyon ay denariong Romano, ang kabuuang halaga ay katumbas ng maghapong kita ng 50,000 karaniwang manggagawa—napakalaki ngang halaga!

      b Para sa higit pang impormasyon tungkol kay Satanas at sa espiritismo, tingnan ang kabanata 10 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Humingi ng kopya sa mga Saksi ni Jehova.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share