Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Malapít Ka Ba sa Diyos?
    Ang Bantayan—2014 | Disyembre 1
    • Isang lalaking nag-iisip tungkol sa Diyos

      TAMPOK NA PAKSA | MAAARI KANG MAGING MALAPÍT SA DIYOS

      Malapít Ka Ba sa Diyos?

      “Kapag malapít ka sa Diyos, ikaw ay panatag, kumpleto, at matatag. Para bang palaging inilalaan ng Diyos ang pinakamabuti para sa iyo.”—CHRISTOPHER, ISANG KABATAAN SA GHANA.

      “Nakikita ng Diyos ang lahat ng pagdurusa mo at pinagpapakitaan ka ng pag-ibig at atensiyon nang higit kaysa sa inaasahan mo.”—HANNAH, 13 ANYOS, ALASKA, E.U.A.

      “Napakasarap at napakagaan ng pakiramdam na malamang mayroon kang malapít na kaugnayan sa Diyos!”—GINA, MGA EDAD 40, TAGA-JAMAICA.

      Hindi lang sina Christopher, Hannah, at Gina ang nakadarama ng ganiyan. Marami sa buong daigdig ang kumbinsido na itinuturing sila ng Diyos na mga kaibigan. Ikaw? Malapít ka rin ba sa Diyos? O gusto mong maging malapít o mas malapít pa sa kaniya? Baka naiisip mo: ‘Posible nga ba para sa isang hamak na tao na magkaroon ng malapít na kaugnayan sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat? Kung oo, paano?’

      POSIBLENG MAGING MALAPÍT SA DIYOS

      Ayon sa Bibliya, posibleng magkaroon ng malapít at personal na kaugnayan sa Diyos. Sinasabi ng Bibliya na tinawag ng Diyos ang patriyarkang Hebreo na si Abraham na “aking kaibigan.” (Isaias 41:8) Pansinin din ang paanyayang nakaulat sa Santiago 4:8: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” Kaya maliwanag na posibleng maging malapít, o makipagkaibigan, sa Diyos. Pero yamang di-nakikita ang Diyos, paano ka ‘lalapit’ at magkakaroon ng mabuting kaugnayan sa kaniya?

      Para masagot iyan, pansinin kung paano nagiging magkaibigan ang mga tao. Karaniwan nang nagsisimula ito sa pagpapakilala ng pangalan ng isa’t isa. At habang regular silang nag-uusap at nagsasabi ng kanilang mga niloloob, lumalalim ang pagkakaibigan nila. Kapag sinisikap nilang gawin ang mga bagay para sa isa’t isa, tumitibay ang kanilang pagkakaibigan. Ganiyan din kung tungkol sa pakikipagkaibigan sa Diyos. Tingnan natin kung paano.

  • Alam Mo Ba ang Pangalan ng Diyos at Ginagamit Ito?
    Ang Bantayan—2014 | Disyembre 1
    • Dalawang lalaking nagpapakilala sa isa’t isa

      TAMPOK NA PAKSA | MAAARI KANG MAGING MALAPÍT SA DIYOS

      Alam Mo Ba ang Pangalan ng Diyos at Ginagamit Ito?

      May matalik ka bang kaibigan na hindi mo alam ang pangalan? Marahil wala. Sinabi ni Irina na taga-Bulgaria, “Imposibleng maging malapít sa Diyos kung hindi mo alam ang pangalan niya.” Gaya ng nabanggit sa naunang artikulo, gusto ng Diyos na maging malapít ka sa kaniya. Kaya sa pamamagitan ng Bibliya, nagpapakilala siya sa iyo: “Ako ay si Jehova. Iyan ang pangalan ko.”—Isaias 42:8.

      Sa pamamagitan ng Bibliya, nagpapakilala sa iyo ang Diyos: “Ako ay si Jehova. Iyan ang pangalan ko.”—Isaias 42:8

      Mahalaga nga ba kay Jehova kung alam mo ang kaniyang pangalan at ginagamit ito? Pansinin: Ang pangalan ng Diyos, na nakasulat sa apat na Hebreong katinig na kilala bilang Tetragrammaton, ay lumilitaw nang halos 7,000 ulit sa orihinal na Hebreong Kasulatan. Mas maraming beses itong binanggit kaysa sa anumang pangalan sa Bibliya. Malinaw na katibayan ito na gusto ni Jehova na makilala natin siya at gamitin natin ang pangalan niya.a

      Karaniwan nang nagsisimula ang pagkakaibigan sa pagpapakilala ng pangalan ng isa’t isa. Alam mo ba ang pangalan ng Diyos?

      Iniisip naman ng iba na kawalang-galang na gamitin ang pangalan ng Diyos dahil siya ay banal at makapangyarihan sa lahat. Siyempre pa, hindi tamang gamitin ang pangalan ng Diyos sa walang-kabuluhang paraan, kung paanong hindi mo rin ito gagawin sa matalik mong kaibigan. Pero kalooban ni Jehova na parangalan at ipakilala ng mga umiibig sa kaniya ang pangalan niya. (Awit 69:30, 31; 96:2, 8) Alalahanin na tinuruan ni Jesus ang mga tagasunod niya na manalangin: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” Mapababanal din natin ang pangalan ng Diyos kapag ipinakikilala natin ito sa iba. Sa gayon, lalo tayong mapapalapít sa kaniya.—Mateo 6:9.

      Ipinakikita ng Bibliya na mahalaga sa Diyos ang “mga palaisip sa kaniyang pangalan.” (Malakias 3:16) Nangangako si Jehova sa taong nagpapahalaga sa kaniyang pangalan: “Ipagsasanggalang ko siya sapagkat nalaman niya ang aking pangalan. Tatawag siya sa akin, at sasagutin ko siya. Ako ay sasakaniya sa kabagabagan.” (Awit 91:14, 15) Mahalaga nga ang pag-alam at paggamit sa pangalan ni Jehova kung gusto nating maging malapít sa kaniya.

      a Nakalulungkot, inalis sa maraming salin ng Bibliya ang pangalan ng Diyos, kahit napakaraming ulit itong lumilitaw sa Hebreong Kasulatan, na karaniwang tinatawag na Lumang Tipan. Sa halip, pinalitan nila ang pangalan ng Diyos ng mga titulong gaya ng “Panginoon” o “Diyos.” Para sa higit pang impormasyon sa paksang ito, tingnan ang pahina 195-197 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.

  • Nakikipag-usap Ka Ba sa Diyos?
    Ang Bantayan—2014 | Disyembre 1
    • Kausap ng lalaki ang kaibigan niya sa telepono

      TAMPOK NA PAKSA | MAAARI KANG MAGING MALAPÍT SA DIYOS

      Nakikipag-usap Ka Ba sa Diyos?

      Ang matalik na magkakaibigan ay madalas na nag-uusap hangga’t maaari, kahit sa pamamagitan ng telepono, e-mail, video, o sulat. Kaya para maging malapít sa Diyos, kailangan nating regular na makipag-usap sa kaniya. Pero paano?

      Puwede tayong makipag-usap kay Jehova sa panalangin. Pero hindi ito parang nakikipag-usap ka lang sa isa na kaedaran mo. Dapat nating tandaan na kapag nananalangin tayo, nakikipag-usap tayo sa ating Maylalang, ang Kataas-taasan ng uniberso. Kaya dapat tayong manalangin nang may matinding paggalang at pagpipitagan. Para dinggin ng Diyos ang ating mga panalangin, may mga kahilingan din na dapat nating maabot. Narito ang tatlo sa mga ito.

      Una, dapat na sa Diyos na Jehova lang manalangin—hindi kay Jesus, sa isang “santo,” o sa isang imahen. (Exodo 20:4, 5) Maliwanag na sinasabi ng Bibliya: “Sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos.” (Filipos 4:6) Ikalawa, dapat iparating ang panalangin sa pamamagitan ng Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo. Sinabi mismo ni Jesus: “Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6) Ikatlo, dapat na kaayon ng kalooban ng Diyos ang ating mga panalangin. Sinasabi ng Bibliya: “Anumang bagay ang hingin natin ayon sa kaniyang kalooban, tayo ay pinakikinggan niya.”a—1 Juan 5:14.

      Ang matalik na magkakaibigan ay madalas na nag-uusap hangga’t maaari

      Sabihin pa, hindi magtatagal ang malapít na kaugnayan kung isa lang ang nagsasalita. Kung paano natutuwang mag-usap ang magkakaibigan, hayaan din nating kausapin tayo ng Diyos at dapat tayong makinig sa kaniya kapag kinakausap niya tayo. Paano ba tayo kinakausap ng Diyos?

      Sa ngayon, “kinakausap” tayo ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng kaniyang nasusulat na Salita, ang Bibliya. (2 Timoteo 3:16, 17) Bakit natin nasabi iyan? Para ilarawan: Ipagpalagay nang nakatanggap ka ng sulat mula sa isang matalik na kaibigan. Matapos mong mabasa, baka tuwang-tuwa kang ikuwento sa iba, “Sabi ng kaibigan ko . . . !” Pero hindi naman siya nagsalita, kundi sumulat. Sa katulad na paraan, sa pagbabasa ng Bibliya, hinahayaan mong kausapin ka ni Jehova. Kaya sinabi ni Gina, na binanggit sa unang artikulo, “Sa palagay ko, kung gusto kong ituring ako ng Diyos na isang kaibigan, dapat kong basahin ang ‘sulat’ niya sa atin—ang Bibliya.” Sabi pa niya, “Lalo akong napalapít sa Diyos dahil sa pagbabasa ng Bibliya araw-araw.” Hinahayaan mo bang kausapin ka ni Jehova bawat araw sa pamamagitan ng pagbabasa araw-araw ng kaniyang Salita, ang Bibliya? Matutulungan ka nito na maging mas malapít sa Diyos.

      a Para sa higit pang impormasyon kung paano magiging malapít sa Diyos sa panalangin, tingnan ang kabanata 17 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.

  • Ginagawa Mo Ba ang Hinihiling ng Diyos?
    Ang Bantayan—2014 | Disyembre 1
    • Tinutulungan ng lalaki ang babae sa kaniyang mga pinamili

      TAMPOK NA PAKSA | MAAARI KANG MAGING MALAPÍT SA DIYOS

      Ginagawa Mo Ba ang Hinihiling ng Diyos?

      “Anuman ang gusto mo, sabihin mo lang at gagawin ko.” Malamang na hindi mo sasabihin iyan sa isang estranghero o sa isa na kakilala mo lang. Pero hindi ka mag-aalangang sabihin iyan sa isang mahal na kaibigan. Natural sa matalik na magkakaibigan na gumawa ng pabor sa isa’t isa.

      Ipinakikita ng Bibliya na si Jehova ay laging gumagawa ng makalulugod sa kaniyang mga mananamba. Halimbawa, sinabi ni Haring David na naging malapít sa Diyos: “Maraming bagay ang iyong ginawa, O Jehova na aking Diyos, maging ang iyong mga kamangha-manghang gawa at ang iyong mga kaisipan sa amin . . . Ang mga iyon ay mas marami kaysa sa kaya kong isalaysay.” (Awit 40:5) Higit pa riyan, si Jehova ay gumagawa pa nga ng mabuti sa mga hindi pa nakakakilala sa kaniya, anupat ‘lubusang pinupuno ang kanilang mga puso ng pagkain at pagkagalak.’—Gawa 14:17.

      Masaya nating ginagawa ang mga bagay-bagay para sa mga minamahal at iginagalang natin

      Yamang natutuwa si Jehova sa paggawa ng mga bagay na nakalulugod sa iba, makatuwiran lang na asahang gagawin din ng mga gustong maging kaibigan ng Diyos ang mga bagay na ‘magpapasaya sa puso’ niya. (Kawikaan 27:11) Ano ang puwede mong gawin para palugdan ang Diyos? Sinasabi ng Bibliya: “Huwag ninyong kalilimutan ang paggawa ng mabuti at ang pagbabahagi ng mga bagay-bagay sa iba, sapagkat sa gayong mga hain ay lubos na nalulugod ang Diyos.” (Hebreo 13:16) Ibig bang sabihin, sapat na ang paggawa ng mabuti at ang pagbabahagi ng mga bagay-bagay sa iba para mapalugdan si Jehova?

      “Kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan [ang Diyos] nang lubos,” ang sabi ng Bibliya. (Hebreo 11:6) Kapansin-pansin, nang “si Abraham ay nanampalataya kay Jehova,” saka lang siya “tinawag na ‘kaibigan ni Jehova.’” (Santiago 2:23) Idiniin din ni Jesu-Kristo na kailangang ‘manampalataya sa Diyos’ para pagpalain niya. (Juan 14:1) Kaya paano ka magkakaroon ng pananampalatayang hinahanap ng Diyos sa mga inilalapít niya sa kaniya? Maaari mong simulan sa regular na pag-aaral ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. Sa gayon, magkakaroon ka ng “tumpak na kaalaman sa kaniyang kalooban” at matututuhan mong “palugdan siya nang lubos.” Habang lumalago ang kaalaman mo kay Jehova at sinusunod mo ang kaniyang matuwid na mga kahilingan, titibay ang iyong pananampalataya sa kaniya at lalo naman siyang lalapit sa iyo.—Colosas 1:9, 10.

  • Ang Pinakamabuting Paraan ng Pamumuhay
    Ang Bantayan—2014 | Disyembre 1
    • Lalaking nagbabasa ng Bibliya

      TAMPOK NA PAKSA | MAAARI KANG MAGING MALAPÍT SA DIYOS

      Ang Pinakamabuting Paraan ng Pamumuhay

      Ano ang maaari mong gawin para maging malapít sa Diyos? Ito ang mga natalakay nating hakbang na puwede mong gawin para magkaroon ng malapít na kaugnayan sa kaniya:

      1. Alamin at gamitin ang pangalan ng Diyos na Jehova.

      2. Regular na makipag-usap sa kaniya sa pamamagitan ng panalangin at pag-aaral ng kaniyang Salita, ang Bibliya.

      3. Laging gawin ang mga bagay na nakalulugod kay Jehova.

      Lalaking nananalangin

      Maging malapít sa Diyos sa pamamagitan ng paggamit ng kaniyang pangalan, pananalangin sa kaniya, pag-aaral ng kaniyang Salita, at paggawa ng mga bagay na nakalulugod sa kaniya

      Batay riyan, masasabi mo bang nagagawa mo ang kailangang gawin para maging malapít sa Diyos? Mayroon ka pa bang dapat pasulungin? Kailangan talaga ang pagsisikap, pero tingnan mo ang mga resulta.

      “Sulit ang bawat pagsisikap para maging malapít sa Diyos,” ang sabi ni Jennifer na taga-Estados Unidos. “Ito ay nagdadala ng maraming pagpapala: lalo tayong nagtitiwala sa Diyos, lalo nating nauunawaan ang kaniyang katangian, at higit sa lahat, lalo natin siyang mamahalin. Ito ang pinakamabuting paraan ng pamumuhay!”

      Kung gusto mong maging malapít sa Diyos, malulugod ang mga Saksi ni Jehova na tulungan ka. Maaari silang makipag-aral ng Bibliya sa iyo nang walang bayad. Inaanyayahan ka ring dumalo sa kanilang mga pulong sa Kingdom Hall sa inyong lugar, kung saan masisiyahan ka sa pakikisama sa mga taong nagpapahalaga sa kanilang kaugnayan sa Diyos.a Sa paggawa nito, madarama mo rin ang nadama ng salmista na nagsabi: “Kung tungkol sa akin, ang paglapit sa Diyos ay mabuti para sa akin.”—Awit 73:28.

      a Para humiling ng isang pag-aaral sa Bibliya o malaman kung saan ang Kingdom Hall na malapit sa inyo, tanungin ang Saksi ni Jehova na nagdala ng magasing ito o magpunta sa aming website, www.pr2711.com/tl at tingnan sa ilalim ng MAKIPAG-UGNAYAN SA AMIN sa pinakababa ng pahina.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share