Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Pinahahalagahan Ka ba ng Diyos?
    Ang Bantayan—2014 | Agosto 1
    • TAMPOK NA PAKSA | MAHALAGA KA BA SA DIYOS?

      Pinahahalagahan Ka ba ng Diyos?

      “Ako ay napipighati at dukha. Pinahahalagahan ako ni Jehova.”a​—DAVID NG ISRAEL, IKA-11 SIGLO B.C.E.

      Isang patak ng tubig mula sa timba

      “Ang mga bansa ay gaya ng isang patak mula sa timba.”​—ISAIAS 40:15

      Tama bang asahan ni David na mahalaga siya sa Diyos? Pinahahalagahan ka nga ba ng Diyos? Marami ang nahihirapang maniwala na interesado sa kanila ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat. Bakit?

      Ang isang dahilan ay iniisip nilang napakataas ng Diyos. Mula sa mataas na posisyon ng Diyos sa langit, ang “mga bansa ay gaya ng isang patak mula sa timba; at ibinibilang silang gaya ng manipis na alikabok sa timbangan.” (Isaias 40:15) Isang manunulat na hindi naniniwala sa Diyos ang nagsabing “isang kalabisan na maniwalang may isang Diyos na personal na interesado sa iyong kapakanan.”

      Pakiramdam naman ng iba, wala silang halaga sa Diyos dahil sa mga nagagawa nila. Halimbawa, sinabi ni Jim: “Lagi kong ipinagdarasal na sana’y maging kalmado ako at pasensiyoso, pero pagkatapos n’on, lagi naman akong nagagalit. Kaya naisip ko tuloy na siguro sagad sa buto ang kasamaan ko at hindi ako matutulungan ng Diyos.”

      Napakalayo ba ng Diyos para mapansin tayo? Ano ba talaga ang nadarama niya sa makasalanang mga tao? Kung hindi ipakikilala ng Diyos ang kaniyang sarili, walang sinuman ang makasasagot nang tama sa mga tanong na iyan. Pero tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos​—ang Bibliya—​na nagmamalasakit siya sa atin. “Sa katunayan,” ang sabi ng Bibliya, “hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.” (Gawa 17:27) Tatalakayin ng susunod na apat na artikulo ang tungkol sa pagpapahalaga ng Diyos sa bawat indibiduwal at kung paano niya ipinakikita ang kaniyang malasakit sa iyo.

      a Awit 40:17; Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.

  • Binabantayan Ka ng Diyos
    Ang Bantayan—2014 | Agosto 1
    • TAMPOK NA PAKSA | MAHALAGA KA BA SA DIYOS?

      Binabantayan Ka ng Diyos

      “Ang kaniyang mga mata ay nasa mga lakad ng tao, at ang lahat ng hakbang nito ay nakikita niya.”​—JOB 34:21.

      Isang ama na nakikipaglaro sa kaniyang anak

      Miyentras mas maliit ang bata, mas kailangan nito ng higit na atensiyon

      KUNG BAKIT NAG-AALINLANGAN ANG ILAN: Ayon sa pinakahuling pag-aaral, sa ating galaksi pa lang ay may mga 100 bilyong planeta na. Sa sobrang lawak ng uniberso, marami ang nagtatanong, ‘Bakit pa titingnan ng makapangyarihan-sa-lahat na Maylalang ang ginagawa ng hamak na tao sa isang napakaliit na planeta?’

      KUNG ANO ANG ITINUTURO NG SALITA NG DIYOS: Hindi basta ibinigay ng Diyos sa atin ang Bibliya, at pagkatapos ay bahala na tayo sa buhay natin. Sa halip, tinitiyak sa atin ni Jehova: “Magpapayo ako habang ang aking mata ay nakatingin sa iyo.”​—Awit 32:8.

      Kuning halimbawa si Hagar, isang babaing Ehipsiyo noong ika-20 siglo B.C.E. Walang galang si Hagar sa amo niyang si Sarai, kaya hiniya siya nito. Dahil dito, tumakas siya sa disyerto. Hindi na ba mahalaga sa Diyos si Hagar dahil sa pagkakamali niya? Iniulat ng Bibliya: “Nasumpungan siya ng anghel ni Jehova.” Sinabi ng anghel kay Hagar: “Narinig ni Jehova ang iyong kapighatian.” Kaya sinabi ni Hagar kay Jehova: “Ikaw ay Diyos ng paningin.”​—Genesis 16:4-13.

      Binabantayan ka rin ng “Diyos ng paningin.” Isipin ito: Mas binabantayan ng mapagmahal na ina ang maliliit niyang anak, dahil miyentras mas maliit ang bata, mas kailangan nito ng higit na atensiyon. Mas binabantayan din tayo ng Diyos kapag mahina tayo at malungkot. “Nananahan akong mataas at banal,” ang sabi ni Jehova, “ngunit naroon din ako sa nagsisisi at aba sa espiritu upang pasiglahin ang espiritu ng mga aba at bigyang-buhay ang puso ng mga nagsisisi.”​—Isaias 57:15, Biblia ng Sambayanang Pilipino.

      Pero baka maisip mo: ‘Paano ako binabantayan ng Diyos? Panlabas na hitsura lang ba ang nakikita niya o ang buo kong pagkatao? Talaga bang nauunawaan niya ako?’

  • Nauunawaan Ka ng Diyos
    Ang Bantayan—2014 | Agosto 1
    • TAMPOK NA PAKSA | MAHALAGA KA BA SA DIYOS?

      Nauunawaan Ka ng Diyos

      “O Jehova, siniyasat mo ako, at kilala mo ako.”​—AWIT 139:1.

      DNA at isang embryo

      “Nakita ng iyong mga mata maging ang aking pagkabinhi.”​—AWIT 139:16

      KUNG BAKIT NAG-AALINLANGAN ANG ILAN: Iniisip ng marami na nakikita lang ng Diyos ang mga tao bilang makasalanan​—marumi at walang halaga. Nade-depress at labis na nakokonsiyensiya si Kendra dahil hindi niya nasusunod ang mga kahilingan ng Diyos. Kaya ang sabi niya, “Hindi na ako nananalangin.”

      KUNG ANO ANG ITINUTURO NG SALITA NG DIYOS: Hindi laging kamalian mo ang tinitingnan ni Jehova. Kilala niya kung sino ka talaga. “Nalalaman niyang lubos ang kaanyuan natin,” ang sabi ng Bibliya, “na inaalaalang tayo ay alabok.” Bukod diyan, hindi niya tayo pinakikitunguhan ayon “sa ating mga kasalanan,” kundi maawain niya tayong pinatatawad kapag nagsisisi tayo.​—Awit 103:10, 14.

      Pansinin si Haring David ng Israel na binanggit sa unang artikulo. Nanalangin siya sa Diyos: “Nakita ng iyong mga mata maging ang aking pagkabinhi, at sa iyong aklat ay nakatala ang lahat ng bahagi nito . . . Siyasatin mo ako, O Diyos, at kilalanin mo ang aking puso.” (Awit 139:16, 23) Oo, kumbinsido si David na kahit nagkakasala siya​—mabigat pa nga kung minsan—​nakikita ni Jehova na talagang nagsisisi siya.

      Mas nauunawaan ka ni Jehova kaysa kaninuman. Sinasabi ng Bibliya: “Ang tao ay tumitingin sa kung ano ang nakikita ng mga mata; ngunit kung tungkol kay Jehova, tumitingin siya sa kung ano ang nasa puso.” (1 Samuel 16:7) Nauunawaan ng Diyos kung bakit mo nagawa ang isang bagay. Alam niya kung paanong ang iyong pagkatao ay nahuhubog ng mga katangiang minana mo, ng kinalakhan mo, at mga paggawi mo. Nakikita at pinahahalagahan niya ang iyong pagsisikap, kahit nagkakamali ka.

      Yamang nauunawaan ng Diyos ang buo mong pagkatao, paano ka niya maaaliw?

  • Maaaliw Ka ng Diyos
    Ang Bantayan—2014 | Agosto 1
    • TAMPOK NA PAKSA | MAHALAGA KA BA SA DIYOS?

      Maaaliw Ka ng Diyos

      “Ang Dios na umaaliw sa mga nalulugmok ang siya ring umaliw sa [atin].”​—2 CORINTO 7:6, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.

      Isang babae na nagbabasa ng Bibliya

      ‘Ang Anak ng Diyos ay umibig sa akin at nagbigay ng kaniyang sarili para sa akin.’​—GALACIA 2:20

      KUNG BAKIT NAG-AALINLANGAN ANG ILAN: Kahit hiráp na hiráp na, pakiramdam ng ilan ay makasarili sila kung ilalapit pa nila sa Diyos ang mga problema nila. “Sa dami ng tao sa mundo​—at sa bigat ng mga problema nila,” ang sabi ni Raquel, “waring napakaliit lang ng problema ko para hingin pa ang tulong ng Diyos.”

      KUNG ANO ANG ITINUTURO NG SALITA NG DIYOS: May ginawa na ang Diyos para tulungan at aliwin ang mga tao. Lahat tayo ay nagmana ng kasalanan kaya hindi tayo nakaaabot sa mga kahilingan ng Diyos. Pero ang Diyos ay “umibig sa atin at nagsugo ng kaniyang Anak [si Jesu-Kristo] bilang pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan.” (1 Juan 4:10) Isinakripisyo ng Diyos ang buhay ni Jesus para mapatawad ang ating mga kasalanan, at magkaroon tayo ng malinis na budhi at pag-asang mabuhay magpakailanman sa mapayapang bagong sanlibutan.a Pero ang sakripisyo bang iyon ay pangkalahatan lang, o ipinakikita nito na interesado sa iyo ang Diyos bilang indibiduwal?

      Kuning halimbawa si apostol Pablo. Talagang naantig siya ng sakripisyo ni Jesus. Isinulat niya: “[Namumuhay ako] sa pananampalataya sa Anak ng Diyos, na umibig sa akin at nagbigay ng kaniyang sarili para sa akin.” (Galacia 2:20) Totoo na namatay si Jesus bago pa naging Kristiyano si Pablo. Pero para kay Pablo, ang sakripisyong iyon ay personal na regalo ng Diyos sa kaniya.

      Ang sakripisyong kamatayan ni Jesus ay personal ding regalo ng Diyos sa iyo. Ipinakikita nito kung gaano ka kahalaga sa Diyos. Maaari kang magkaroon ng “walang-hanggang kaaliwan at mabuting pag-asa” at sa gayon ay ‘mapatatag ka sa bawat mabuting gawa at salita.’​—2 Tesalonica 2:16, 17.

      Gayunman, halos 2,000 taon na mula ng isakripisyo ang buhay ni Jesus. May katibayan ba na gusto ng Diyos na maging malapít ka sa kaniya ngayon?

      a Para sa higit na impormasyon tungkol sa sakripisyo ni Jesus, tingnan ang kabanata 5 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.

  • Inilalapít Ka ng Diyos sa Kaniya
    Ang Bantayan—2014 | Agosto 1
    • TAMPOK NA PAKSA | MAHALAGA KA BA SA DIYOS?

      Inilalapít Ka ng Diyos sa Kaniya

      “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.”​—JUAN 6:44.

      KUNG BAKIT NAG-AALINLANGAN ANG ILAN: Maraming naniniwala sa Diyos ang nakadaramang malayo sila sa kaniya. “Alam kong ang Diyos ang gumawa ng lahat ng bagay,” ang sabi ni Christina, taga-Ireland na linggo-linggong nagsisimba. “Pero hindi ko talaga siya kilalá. Ni minsan ay hindi ko naramdamang malapít ako sa kaniya.”

      KUNG ANO ANG ITINUTURO NG SALITA NG DIYOS: Kapag waring naliligaw tayo, laging nariyan si Jehova. Ganito inilarawan ni Jesus ang pagmamalasakit ng Diyos sa atin: “Kung ang isang tao ay magkaroon ng isang daang tupa at maligaw ang isa sa kanila, hindi ba niya iiwan ang siyamnapu’t siyam sa mga bundok at hahayo sa paghahanap sa isa na naliligaw?” Ang aral? “Sa gayunding paraan hindi kanais-nais na bagay sa aking Ama na nasa langit na ang isa sa maliliit na ito ay malipol.”​—Mateo 18:12-14.

      Bawat “isa sa maliliit na ito” ay mahalaga sa Diyos. Pero paano hinahanap ng Diyos ang “isa na naliligaw”? Ayon sa siniping teksto sa umpisa ng artikulong ito, inilalapit ni Jehova ang mga tao sa kaniya.

      Mga Saksi ni Jehova na nagbabahagi ng impormasyon sa Bibliya sa isang lalaki sa isang metropolitan

      Sino sa ngayon ang nagbabahagi ng mensahe ng Bibliya tungkol sa Diyos sa mga tahanan at pampublikong lugar?

      Pansinin na ang Diyos ang kumilos para ilapit sa kaniya ang mga taong taimtim. Noong unang siglo C.E., isinugo ng Diyos ang Kristiyanong alagad na si Felipe para kausapin ang isang Etiopeng opisyal tungkol sa kahulugan ng hula sa Bibliya na binabasa nito. (Gawa 8:26-39) Nang maglaon, inutusan ng Diyos si apostol Pedro na puntahan ang Romanong opisyal na si Cornelio, na nananalangin at sumasamba sa Diyos. (Gawa 10:1-48) Inakay rin ng Diyos si apostol Pablo at ang mga kasama nito sa isang ilog sa labas ng lunsod ng Filipos. Nakilala nila roon ang “isang mananamba ng Diyos” na si Lydia, at “binuksang mabuti ni Jehova ang kaniyang puso upang magbigay-pansin.”​—Gawa 16:9-15.

      Ipinakikita ng mga ito na binibigyan ni Jehova ng pagkakataon ang mga humahanap sa kaniya na makilala siya. Sino sa ngayon ang nagbabahagi ng mensahe ng Bibliya tungkol sa Diyos sa mga tahanan at pampublikong lugar? Marami ang magsasabi, “mga Saksi ni Jehova.” Tanungin ang sarili, ‘Ginagamit kaya sila ng Diyos para mapalapít ako sa kaniya?’ Hinihimok ka namin na ipanalangin sa Diyos na tulungan kang tumugon sa mga ginagawa niya para mapalapít ka sa kaniya.a

      a Para sa higit na impormasyon, panoorin sa www.pr2711.com/tl ang video na Bakit Magandang Mag-aral ng Bibliya?

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share