-
Ang Hamon ng Pag-aarugaGumising!—1997 | Pebrero 8
-
-
Ang Hamon ng Pag-aaruga
“KUNG minsan naiisip ko na sana’y makatakas ako sa kalagayang ito. Ngunit kailangan niya ako higit kailanman. Kung minsa’y nadarama kong ako’y lubhang nag-iisa.”—Jeanny, na nag-alaga sa kaniyang 29-anyos na asawa sa loob ng 18 buwan bago ito namatay dahil sa isang tumor sa utak.a
“May mga panahong naiinis ako kay Inay, at pagkatapos ay nasusuklam ako sa aking sarili. Nadarama kong ako’y bigo kapag hindi ko nahaharap ang kalagayan nang matagumpay.”—Rose, 59, na nag-aruga sa kaniyang mahinang 90-anyos na ina, na naratay sa banig ng karamdaman.
Ang balita tungkol sa isang terminal o malalang karamdaman ay maaaring maging mapangwasak sa pamilya at mga kaibigan. “Sa panahon ng pagpapasuri ang bawat pamilya ay nakadaramang nag-iisa. Wala silang nalalamang sinuman na nagkaroon ng ganitong problema,” sabi ni Jeanne Munn Bracken, sa Children With Cancer. Sila’y madalas ding “natitigilan at hindi makapaniwala,” gaya ni Elsa nang matuklasan niyang ang kaniyang 36-anyos na matalik na kaibigang si Betty ay may kanser. Parang “naalibadbaran at sinikmura” si Sue, na ang ama ay may sakit, nang sa wakas ay malaman niya na ang kaniyang ama ay may taning na ang buhay dahil sa kanser.
Walang anu-ano’y maaaring masumpungan ng mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan ang kanilang sarili sa gipit na kalagayan bilang mga tagapag-aruga—naglalaan ng pisikal at emosyonal na mga pangangailangan ng isa na may karamdaman. Maaaring kailanganin nilang maghanda ng masustansiyang mga pagkain, subaybayan ang pag-inom ng gamot, magsaayos ng transportasyon patungo sa doktor, mag-asikaso sa mga bisita ng pasyente, sumulat ng mga liham para sa pasyente, at marami pang iba. Kadalasan ang mga gawaing iyon ay isinisiksik sa dati nang abalang iskedyul.
Subalit, habang humihina ang kalagayan ng pasyente, ang pag-aaruga ay lalong nagiging mahirap. Ano ang maaaring kalakip dito? “Lahat ng bagay!” sabi ni Elsa tungkol sa kaniyang kaibigang si Betty na naratay sa banig ng karamdaman. “Pagpapaligo at pagpapakain sa kaniya, pagtulong sa kaniya kapag siya’y sumusuka, pagtatapon ng kaniyang ihi mula sa supot ng ihi.” Si Kathy, sa kabila ng pagkakaroon ng buong-panahong trabaho, ay kailangang mag-aruga sa kaniyang maysakit na ina. Si Sue, na nabanggit kanina, ay nagsasabi tungkol sa “pagkuha at pagtatala ng temperatura [ng kaniyang ama] tuwing kalahating oras, pagpunas sa kaniya kapag tumataas ang temperatura, at pagpalit ng kaniyang mga damit at mga sapin sa kama tuwing ilang oras.”
Ang uri ng pag-aaruga na tinatanggap ng pasyente ay dedepende sa kalakhang bahagi sa kalusugan niyaong nag-aaruga. Gayunman, ang mga damdamin at mga pangangailangan niyaong nag-aalaga sa maysakit ay kadalasang nakakaligtaan. Sa ganang sarili, ang pag-aaruga ay mahirap at nagbubunga hindi lamang ng pananakit ng likod at nabanat na mga balikat. Subalit, gaya ng patutunayan ng karamihan ng mga nag-aaruga, ang pag-aaruga na inilalaan ay nakasasaid ng damdamin.
“Talagang Nakahihiya”
“Kadalasang inilalarawan ng mga pagsusuri ang kabagabagan na mula sa paggala, nakahihiyang paggawi [ng pasyente], at mga pagsigaw,” ulat ng The Journals of Gerontology. Halimbawa, inilalarawan ni Gillian kung ano ang nangyari pagkatapos hilingin ng isang kaibigan sa isang pulong Kristiyano na makilala ang kaniyang matanda nang ina. “Si Inay ay tumitig lamang at hindi tumugon,” ang malungkot na gunita ni Gillian. “Talagang nakahihiya at napaiyak ako.”
“Ito ang isa sa pinakamahirap na bagay na tanggapin,” sabi ni Joan, na ang asawa ay may sakit sa isip na kung tawagi’y dementia. “Ito’y nagpapangyari sa kaniya na medyo mawalan ng mabuting asal,” aniya. “Kapag kami’y kumakain sa labas na kasama ng iba, kung minsan siya’y nagtutungo sa ibang mesa sa silid kainan, tumitikim ng mga halaya, at ibinabalik ang ginamit na kutsara sa lalagyan ng halaya. Kapag dumadalaw kami sa mga kapitbahay, siya’y dumudura sa daanan sa hardin. Napakahirap na alisin ko sa isipan na malamang na pinag-uusapan ng iba ang tungkol sa mga ugaling ito at marahil ay itinuturing siyang totoong walang modo. Nanliliit ako.”
“Natatakot Ako na Kung Kami’y Hindi Maingat . . .”
Ang pag-aaruga sa isang minamahal na may malubhang karamdaman ay maaaring maging isang lubhang nakatatakot na karanasan. Ang tagapag-aruga ay maaaring matakot sa kung ano ang maaaring mangyari habang lumalala ang karamdaman—marahil natatakot pa nga sa kamatayan ng kaniyang minamahal. Maaaring ikatakot din niya na hindi siya magkaroon ng lakas o kakayahan na matugunan ang mga pangangailangan ng pasyente.
Inilalarawan ni Elsa ang dahilan ng kaniyang takot sa ganitong paraan: “Natatakot ako na baka masaktan ko si Betty sa pisikal na paraan, sa gayo’y makadaragdag sa kaniyang paghihirap, o baka may magawa akong isang bagay na magpaikli sa kaniyang buhay.”
Kung minsan ang pangamba ng pasyente ay nagiging pangamba ng tagapag-aruga. “Ang aking tatay ay takot na takot na mabulunan at kung minsan ay ninenerbiyos,” sabi ni Sue. “Natatakot ako na kung kami’y hindi maingat, baka mabulunan siya at sa gayo’y maranasan ang kaniyang lubhang kinatatakutan.”
“Maaari Kang Magdalamhati sa Dati Nilang Kalagayan”
“Ang dalamhati ay isang normal na karanasan ng taong nag-aaruga ng isang minamahal na may malalang karamdaman,” sabi ng Caring for the Person With Dementia. “Habang lumalala ang karamdaman ng pasyente, maaaring maranasan mo ang pagkawala ng isang kasama at isang kaugnayan na mahalaga sa iyo. Maaari kang magdalamhati sa dati nilang kalagayan.”
Inilalarawan ni Jennifer kung paanong ang kaniyang pamilya ay naapektuhan ng paghina ng kalusugan ng kaniyang ina: “Kami’y nasaktan. Hinahanap-hanap namin ang kaniyang masiglang pakikipag-usap. Lungkot na lungkot kami.” Ganito naman ang sabi ni Gillian: “Ayaw kong mamatay ang aking ina, at ayaw ko siyang maghirap. Iyak ako nang iyak.”
“Para Akong Itinakwil at Ako’y Galit”
Ang isang tagapag-aruga ay maaaring magtanong: ‘Bakit kailangang mangyari ito sa akin? Bakit ayaw tumulong ng iba? Bakit hindi nila makita na nahihirapan ako? Hindi ba maaaring makipagtulungan nang higit ang pasyente?’ Kung minsan, ang tagapag-aruga ay maaaring magalit tungkol sa wari’y dumarami at di-makatuwirang mga kahilingan sa kaniya ng pasyente at ng iba pang miyembro ng pamilya. Ganito ang sabi ni Rose, na nabanggit kanina sa pasimula: “Madalas akong magalit sa aking sarili—sa isip ko. Subalit sabi ni Inay na nakikita raw ito sa aking mukha.”
Ang isa na nag-aaruga ay maaaring siyang nagdadala ng mga kabiguan at galit mismo ng pasyente. Sa aklat na Living With Cancer, si Dr. Ernest Rosenbaum ay nagpapaliwanag na ang ilang pasyente “kung minsan ay nakararanas ng galit at panlulumo anupat ang mapagbubuntunan ay ang pinakamalapit na tao . . . Ang galit na ito ay karaniwang nakikita bilang pagkainis sa maliliit na bagay na sa normal na mga panahon ay hindi pansin ng pasyente.” Mauunawaan naman, ito’y maaaring makaragdag sa paghihirap ng mga mahal sa buhay na ginagawa ang lahat ng kanilang magagawa upang alagaan ang pasyente.
Si Maria, halimbawa, ay kapuri-puri sa pag-aalaga sa kaniyang kaibigang may taning na ang buhay. Gayunman, sa pana-panahon, ang kaniyang kaibigan ay waring napakasensitibo at agad na gumagawa ng maling konklusyon. “Siya’y nagiging napakataray at walang-galang, na humihiya sa mga mahal niya sa buhay,” sabi ni Maria. Paano nito naapektuhan si Maria? “Nang panahong iyon, waring ‘nauunawaan’ ng isa ang pasyente. Subalit kapag pinag-isipan mo ito sa dakong huli, para akong itinakwil, ako’y galit, hindi nakatitiyak—at para bang hindi nagpapakita ng kinakailangang pag-ibig.”
Isang pagsusuri na inilathala sa The Journals of Gerontology ay naghinuha: “Ang galit ay maaaring tumindi nang husto sa panahon ng pag-aaruga [at] kung minsan ay nagbubunga ng aktuwal o pinag-isipang karahasan.” Natuklasan ng mga mananaliksik na ikinatatakot ng halos 1 sa bawat 5 tagapag-aruga na siya’y maaaring maging marahas. At mahigit na 1 sa 20 ang aktuwal na naging marahas sa kaniyang pasyente.
“Ako’y Nakokonsiyensiya”
Maraming tagapag-aruga ang nakokonsiyensiya. Kung minsan ang pagkadama ng pagkakasala ay kasunod ng galit—yaon ay, sila’y nakokonsiyensiya dahil sila’y nagagalit paminsan-minsan. Ang gayong mga damdamin ay makasasaid sa kanila hanggang sa punto na inaakala nilang hindi na nila kayang magpatuloy pa.
Sa ilang pagkakataon, walang mapagpipilian kundi ang ilagay ang pasyente sa pangangalaga ng isang institusyon o ng isang ospital. Ito’y maaaring maging isang traumatikong pasiya na makasisira sa mga emosyon ng tagapag-aruga. “Nang sa wakas ay wala nang mapagpilian kundi ang dalhin si Nanay sa isang tahanan para sa mga matatanda na, para bang ipinagkanulo ko siya, itinapon siya,” sabi ni Jeanne.
Kahit na kung ang pasyente ay maospital o hindi, ang kaniyang mga mahal sa buhay ay maaaring makonsiyensiya na hindi sapat ang kanilang ginagawa sa kaniya. Sabi ni Elsa: “Ikinalulungkot ko na lubhang limitado ang aking panahon. Kung minsan ay basta ayaw akong paalisin ng aking kaibigan.” Maaaring ikabahala rin na nakakaligtaan na ang iba pang pananagutan sa pamilya, lalo na kung ang tagapag-aruga ay gumugugol ng malaking panahon sa ospital o dapat magtrabaho ng mas mahabang oras upang makatulong sa pagbabayad ng lumalaking pagkakautang. “Kailangan kong magtrabaho upang makatulong sa mga gastusin,” hinagpis ng isang ina, “gayunma’y nakokonsiyensiya ako sapagkat wala ako sa tahanan upang pangalagaan ang aking mga anak.”
Maliwanag, ang mga tagapag-aruga ay may mahigpit na pangangailangan para sa suporta, lalo na pagkamatay ng isa na inaruga. “Ang aking pinakamalaking pananagutan [pagkamatay ng pasyente] . . . ay maibsan ang pagkadama ng pagkakasala ng tagapag-aruga, na kadalasa’y hindi nababanggit,” sabi ni Dr. Fredrick Sherman, ng Huntington, New York.
Kung ang mga damdaming ito ay kinikimkim, ito’y maaaring maging nakapipinsala kapuwa sa tagapag-aruga at sa pasyente. Ano, kung gayon, ang magagawa niyaong mga nag-aaruga upang matagumpay na maharap ang mga damdaming ito? At ano ang magagawa ng iba—mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan—upang tulungan sila?
[Talababa]
a Ang ilang pangalan ay binago.
[Kahon sa pahina 5]
Huwag Silang Ipagwalang-bahala!
“ALAM namin na 80% ng pag-aaruga sa mga may edad na na isinasagawa sa tahanan ay ginagawa ng mga babae,” sabi ni Myrna I. Lewis, kasamang propesor sa departamento ng medisinang pampamayanan sa Mount Sinai Medical School, New York.
Ipinakikita ng isang pagsusuri sa mga babaing tagapag-aruga, na inilathala sa The Journals of Gerontology,b na 61 porsiyento ng mga babae ang hindi tumanggap ng tulong mula sa pamilya o sa mga kaibigan. At mahigit na kalahati (57.6 porsiyento) ang nagsabi na hindi sila tumanggap ng sapat na emosyonal na tulong mula sa kanilang mga asawa. Sa Children With Cancer, binabanggit ni Jeanne Munn Bracken na bagaman ang ina ay maaaring higit na nagpapasan ng pag-aaruga, “ang ama naman ay maaaring lumalayo at nagtutuon ng pansin sa kaniyang trabaho.”
Gayunman, malaking porsiyento rin ng pag-aaruga ang ginagawa ng mga lalaki, sabi ni Dr. Lewis. Halimbawa, ang mga asawang lalaki na may mga asawang may sakit na Alzheimer’s disease ay isang malaking grupo. At tiyak na sila ay nakararanas din ng mga kaigtingan na nauugnay sa pag-aaruga ng mahal sa buhay na maysakit. “Ang mga lalaking ito ay marahil ang pinakamahina sa lahat,” sabi pa ni Lewis, “sapagkat sila’y karaniwang mas matanda kaysa sa kanilang mga asawang babae at maaaring hindi rin mabuti ang kalusugan sa ganang sarili. . . . Karamihan sa kanila ay hindi nasanay sa praktikal na mga aspekto ng pag-aaruga.”
Ang mga pamilya ay dapat na magbantay laban sa hilig na pabigatan ang isang miyembro na waring nahaharap na mainam ang hamon. “Kadalasan na isang partikular na miyembro ng pamilya ang nagiging tagapag-aruga, kung minsan nang maraming ulit,” sabi ng aklat na Care for the Carer. “Karamihan ng mga babaing ito ay tumatanda na rin mismo. . . . Ang mga babae ay karaniwan ding nakikita bilang ang ‘natural’ na mga tagapag-aruga . . . , subalit hindi ito dapat ipagwalang-bahala ng mga pamilya at mga kaibigan.”
[Talababa]
b Ang gerontology ay binibigyan-kahulugan bilang “isang sanga ng kaalaman na may kinalaman sa pagtanda at sa mga problema ng matatanda.”
[Larawan sa pahina 6]
Ang mga tagapag-aruga ay nangangailangan ng suporta sa pagharap sa mga damdamin ng pagkakasala at galit
-
-
Kung Paano Pakikitunguhan ang mga DamdaminGumising!—1997 | Pebrero 8
-
-
Kung Paano Pakikitunguhan ang mga Damdamin
IKAW ba’y kasalukuyang nag-aaruga ng isang mahal sa buhay na may malubhang karamdaman? Kung gayon, maaaring ikaw ay nalilito at natatakot. Ano ang magagawa mo? Isaalang-alang ang mga damdamin na pinaglalabanan ng ilang tagapag-aruga at ang praktikal na mga mungkahing nakatulong sa kanila na maharap ito.
Pagkapahiya. Paminsan-minsan, ang paggawi ng isang taong maysakit ay maaaring ikahiya mo sa harap ng iba. Subalit sa pamamagitan ng pagpapaliwanag sa mga kaibigan at mga kapitbahay tungkol sa karamdaman ng mahal sa buhay ay makatutulong sa kanila na maunawaan at mapakilos din sila na magpakita ng “damdaming pakikipagkapuwa” at pagtitiis. (1 Pedro 3:8) Hangga’t maaari, makipag-usap sa ibang pamilya na ang kalagayan ay katulad ng sa iyo. Maaaring hindi ka gaanong mapahiya habang nakikipagpalitan ka ng mga karanasan. Si Sue ay nagpapaliwanag kung ano ang nakatulong sa kaniya: “Awang-awa ako sa aking tatay—natabunan nito ang anumang mga damdamin ng pagkapahiya. At nakatulong din ang kaniyang pagkamapagpatawa.” Oo, ang pagkamapagpatawa—sa bahagi ng pasyente at niyaong nag-aaruga sa kaniya—ay isang napakahusay na paraan upang maibsan ang kaigtingang nadarama.—Ihambing ang Eclesiastes 3:4.
Takot. Ang kawalang-alam tungkol sa karamdaman ay maaaring maging totoong nakatatakot. Hangga’t maaari, humingi ng propesyonal na payo sa kung ano ang aasahan habang lumalala ang karamdaman. Alamin kung paano mangangalaga sa ilalim ng gayong mga kalagayan. Para kay Elsa, ang isa sa pinakamahalagang salik upang madaig ang kaniyang takot ay ang pakikipag-usap sa ibang tagapag-aruga at sa mga nars sa hospisyo tungkol sa kung ano ang aasahan habang lumalala ang kalagayan ng pasyente. Ganito ang payo ni Jeanny: “Harapin at sugpuin ang iyong mga takot. Ang takot sa kung ano ang maaaring mangyari ay kadalasang mas masahol pa sa katotohanan.” Inirerekomenda ni Dr. Ernest Rosenbaum na anuman ang dahilan nito, ang iyong takot ay dapat na “pag-usapan habang ito ay bumabangon.”—Ihambing ang Kawikaan 15:22.
Pamimighati. Hindi madaling pakitunguhan ang pamimighati, lalo na sa kalagayan ng pag-aaruga. Maaaring magdalamhati ka sa pagkawala ng pagsasamahan lalo na kung ang maysakit na minamahal ay hindi na makapagsalita, makaunawa nang malinaw, o makakilala sa iyo. Ang gayong mga damdamin ay maaaring hindi agad maunawaan ng iba. Ang pakikipag-usap tungkol sa iyong pagdadalamhati sa isang maunawaing kaibigan na matiyaga at may simpatiyang makikinig sa iyo ay makapagdudulot ng lubhang kinakailangang ginhawa.—Kawikaan 17:17.
Galit at Pagkabigo. Ang mga ito’y normal na mga tugon sa pag-aaruga sa isang taong may malubhang karamdaman na ang paggawi ay maaaring mahirap unawain kung minsan. (Ihambing ang Efeso 4:26.) Alamin na kadalasang ang karamdaman, hindi ang pasyente, ang siyang may pananagutan sa nakapipighating paggawi. Ganito ang nagugunita ni Lucy: “Kapag ako’y talagang nagagalit, naiiyak ako. Pagkatapos ay ipinaaalaala ko sa aking sarili ang kalagayan at ang karamdaman ng pasyente. Batid kong kailangan ng pasyente ang tulong ko. Iyan ang tutulong sa akin na magpatuloy.” Ang gayong matalinong unawa ay makatutulong na ‘magpabagal sa iyong galit.’—Kawikaan 14:29; 19:11.
Pagkadama ng Kasalanan. Ang mga damdamin ng pagkakasala ay karaniwan sa mga tagapag-aruga. Subalit, tiyak naman na ikaw ay gumagawa ng isang mahalaga ngunit napakahirap na gawain. Tanggapin mo ang katotohanan na hindi ka laging makakakilos nang may kasakdalan sa salita o sa gawa man. Ang Bibliya ay nagpapaalaala sa atin: “Tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit. Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito ay taong sakdal, na may kakayahan na rendahan din ang kaniyang buong katawan.” (Santiago 3:2; Roma 3:23) Huwag mong hayaang ang mga damdamin ng pagkakasala ay humadlang sa iyo sa paggawa ng positibong pagkilos ngayon. Kung ikaw ay balisa tungkol sa isang bagay na iyong nasabi o nagawa, malamang na masumpungan mong ang pagsasabi ng “Ikinalulungkot ko” ay makabubuti sa iyo at sa iyong pasyente. Ganito ang payo ng isang lalaking nag-aruga sa isang maysakit na kamag-anak: “Gawin mo ang pinakamabuti sa ilalim ng gayong kalagayan.”
Panlulumo. Ang panlulumo ay napakakaraniwan—at mauunawaan—sa mga pamilyang may pinakikitunguhang malubhang karamdaman. (Ihambing ang 1 Tesalonica 5:14.) Isang tagapag-aruga na dumaranas ng panlulumo ang nagpapaliwanag kung ano ang nakatulong sa kaniya: “Marami ang magpapasalamat sa amin dahil sa pag-aaruga. Ang ilang salita lamang ng pampatibay-loob ay maaaring magbigay sa iyo ng pampasigla na magpatuloy kapag ikaw ay pagod na pagod o nanlulumo.” Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang pagkabalisa sa puso ng isang tao ay nagpapayuko roon, ngunit ang mabuting salita ay nagpapagalak roon.” (Kawikaan 12:25) Maaaring hindi laging mapagwari ng iba ang iyong pangangailangan ng pampatibay-loob. Kaya, kung minsan, maaari mong ipahayag muna ang “pagkabalisa” sa iyong puso upang tumanggap ng “mabuting salita” na pampatibay-loob buhat sa iba. Gayunman, kung magpatuloy ang mga damdamin ng panlulumo o ito’y lumala, makabubuting magpatingin sa isang doktor.
Kawalang-kaya. Maaaring madama mo na ikaw ay walang-kaya sa harap ng isang nakapanghihinang karamdaman. Tanggapin ang katotohanan ng iyong kalagayan. Kilalanin ang iyong mga limitasyon—ang kalusugan ng pasyente ay hindi mo hawak, subalit makapaglalaan ka ng madamaying pangangalaga. Huwag kang umasa ng kasakdalan sa iyong sarili, sa iyong pasyente, o sa mga umaalalay sa iyo. Hindi lamang nababawasan ng timbang na pamamaraan ang mga damdamin ng kawalang-kaya kundi pinagagaan din nito ang pasanin. May katalinuhan nga, maraming nag-aruga ng isang minamahal ang nagpapayo: Matutong harapin ang bawat araw.—Mateo 6:34.
[Blurb sa pahina 8]
“Harapin at sugpuin ang iyong mga takot. Ang takot sa kung ano ang maaaring mangyari ay kadalasang mas masahol pa sa katotohanan”
[Kahon sa pahina 7]
Mga Salitang Nakapagpapatibay-loob Mula Sa Mga Tagapag-aruga
“HUWAG kang manlumo dahil sa negatibong mga kaisipan tungkol sa iyong sarili. Ito’y normal sa ilalim ng gayong mga kalagayan. Tiyak na hindi mo dapat kuyumin ang iyong mga damdamin. Ipagtapat sa isa ang iyong nadarama, at kung magagawa mo, magbakasyon—lumayo ka sandali—upang magbalik ang iyong lakas.”—Lucy, na ang trabaho sa klinika ay nagsasangkot ng pagtulong sa ilang tagapag-aruga gayundin sa mga pasyente.
“Kung may mga miyembro ng pamilya o mga kaibigan na maaari at handang tumulong, patulungin sila. Mahalagang ibahagi mo rin sa iba ang pasan.”—Sue, na nag-alaga sa kaniyang ama bago ito namatay dahil sa Hodgkin’s disease.
“Matutong linangin ang pagkamapagpatawa.”—Maria, na tumulong sa pag-aaruga ng isang mahal na kaibigan na namatay dahil sa kanser.
“Manatiling malakas sa espirituwal. Lumapit kay Jehova, at manalangin nang walang-patid. (1 Tesalonica 5:17; Santiago 4:8) Naglalaan siya ng tulong at kaaliwan sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, ng kaniyang Salita, ng kaniyang makalupang mga lingkod, at ng kaniyang mga pangako. Sikaping maging organisado hangga’t maaari. Halimbawa, makatutulong na gumawa ng mga iskedyul para sa mga gamot at talaan para sa mga katulong.”—Hjalmar, na nag-aruga sa kaniyang bayaw na may taning na ang buhay.
“Alamin ang lahat ng dapat mong malaman tungkol sa uri ng karamdaman ng pasyente. Iyan naman ang tutulong sa iyo na malaman kung ano ang maaasahan mo sa pasyente at sa iyong sarili at kung paano pangangalagaan ang iyong pasyente.”—Joan, na ang asawa ay may Alzheimer’s disease.
“Tantuin na nakaharap na ito ng iba na una sa iyo at na si Jehova ay makatutulong sa iyo upang matagumpay na maharap ang anumang mangyari.”—Jeanny, na nag-aruga sa kaniyang asawa bago ito namatay.
[Larawan sa pahina 8]
Upang pakalmahin ang iyong mga takot, alamin mo ang lahat ng maaari mong alamin tungkol sa karamdaman
[Larawan sa pahina 9]
Ang pakikipag-usap sa isang maunawaing kaibigan ay maaaring magdulot ng malaking ginhawa
-
-
Pangangalaga sa Tagapag-aruga—Kung Paano Makatutulong ang IbaGumising!—1997 | Pebrero 8
-
-
Pangangalaga sa Tagapag-aruga—Kung Paano Makatutulong ang Iba
“KAMI ni Lawrie ay kasal na sa loob ng 55 taon—isang mahabang panahon—at anong ligaya ng mga taóng iyon! Kung magagawa ko lang na panatilihin siya sa bahay, ginawa ko na sana iyon. Ngunit nanghina ang aking kalusugan. Sa wakas, isinaayos ko na siya’y dalhin sa isang nursing home. Ang sakit ng damdamin na nauugnay rito ay halos hindi ko mabata. Mahal ko siya at taimtim na iginagalang at madalas ko siyang dinadalaw. Sa pisikal na paraan, wala na akong magagawa pa.”—Anna, isang 78-anyos na babaing nag-aruga sa kaniyang asawa na may sakit na Alzheimer’s disease sa loob ng 10 taon at nag-aruga rin sa loob ng 40 taon sa kaniyang anak na babae na may sakit na Down’s syndrome.a
Ang kaso ni Anna ay pangkaraniwan. Isinisiwalat ng isang surbey sa British Isles na “sa ilang pangkat ng edad (ang mga edad 40 at 50) na kasindami ng isa sa bawat dalawang babae ay tagapag-aruga.” Gaya ng natalakay kanina, ang emosyonal na kaligaligan at mga problema na nakakaharap ng mga tagapag-aruga kung minsan ay mahirap tiisin.
“Sa palagay ko hindi kukulanging 50% ng mga tagapag-aruga ang nanlulumo sa unang taon ng pag-aaruga,” sabi ni Dr. Fredrick Sherman, ng American Geriatrics Society. Para sa mga may edad nang tao na gaya ni Anna, ang kanila mismong humihinang kalakasan at kalusugan ay maaaring lalo pang magpahirap na pakitunguhan ang kalagayan.
Upang tulungang matagumpay na maharap ng mga tagapag-aruga ang kanilang mga pananagutan, kailangang mabatid natin ang kanilang mga pangangailangan. Anu-ano ba ang mga pangangailangang iyon, at paano natin matutugunan ang mga ito?
Kailangang Magsalita ang mga Tagapag-aruga
“Kailangan kong bawasan ang dala-dala kong pasan,” sabi ng isang babaing tumulong sa pag-aaruga ng kaniyang kaibigang may taning na ang buhay. Gaya ng ipinakita sa naunang artikulo, mas madaling harapin at pakitunguhan ang mga problema kapag ang mga ito ay maipakikipag-usap sa isang maunawaing kaibigan. Nasusumpungan ng maraming tagapag-aruga na parang nasilo sa kanilang mga kalagayan na ang pakikipag-usap tungkol sa kanilang kalagayan ay nakatulong sa kanila na maliwanagan ang kanilang mga damdamin at naibsan ang nakuyom na mga damdamin.
“Pinahahalagahan ko kapag natatalos ng mga kaibigan na kami kapuwa ay nangangailangan ng moral na alalay,” ang nagugunita ni Jeanny tungkol sa mga panahong siya’y nag-aaruga sa kaniyang asawa. Ipinaliliwanag niya na ang mga nangangalaga ay nangangailangan ng pampatibay-loob at, sa pana-panahon, isang taong makikinig at makikiramay. Si Hjalmar, na nag-alaga sa kaniyang maysakit na bayaw, ay sumasang-ayon: “Kailangan ko ang isa na makikinig sa aking mga pangamba at mga problema at uunawa sa aking nadarama.” Tungkol sa isang matalik na kaibigan, ganito pa ang sabi ni Hjalmar: “Nakabubuting dumalaw sa kaniya, kahit na sa loob lamang ng kalahating oras. Pinakikinggan niya ako. Talagang nagmamalasakit siya. Nagiginhawahan ako pagkatapos niyan.”
Ang mga tagapag-aruga ay makakakuha ng malaking pampatibay-loob mula sa isang maunawaing tagapakinig. “Maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita,” ang matalinong payo ng Bibliya. (Santiago 1:19) Isinisiwalat ng isang report sa The Journals of Gerontology na “ang basta pagkaalam na may makukuhang tulong ay kadalasang sapat na upang magbigay ng malaking ginhawa.”
Subalit, bukod pa sa isang nakikinig na tainga at moral na alalay, ano pa ang kailangan ng mga tagapag-aruga?
Pagbibigay ng Praktikal na Tulong
“Ang pasyente at pamilya ay nakikinabang mula sa anumang paraan ng pagpapahayag ng pag-ibig at pampatibay-loob,” sabi ni Dr. Ernest Rosenbaum. Sa isang bagay, ang gayong “pag-ibig at pampatibay-loob” ay maipahahayag sa panahon ng personal na pagdalaw, sa isang tawag sa telepono, o sa isang maikling sulat (marahil ay may kasamang mga bulaklak o iba pang regalo).
“Nakaaaliw kapag ang aming mga kaibigan ay saglit na dumadalaw,” gunita ni Sue tungkol sa tulong na tinanggap ng kaniyang pamilya nang ang kaniyang tatay ay may taning na ang buhay dahil sa Hodgkin’s disease. “Isa sa mga kaibigan ko,” sabi pa niya, “ang sumagot sa telepono at tumulong sa paglalaba at pamamalantsa para sa aming lahat.”
Ang tulong para sa mga tagapag-aruga ay maaari, at dapat, na lakipan ng espesipiko at nakikitang tulong. Ganito ang nagugunita ni Elsa: “Nasumpungan kong nakatutulong kapag ang mga kaibigan ay nag-aalok ng praktikal na tulong. Hindi nila basta sinabing: ‘Kung may maitutulong akong anumang bagay, sabihin mo lang.’ Bagkus, sinabi nila: ‘Mamimili ako. Ano ang madadala ko para sa iyo?’ ‘Maaari ko bang alagaan ang iyong hardin?’ ‘Puwede akong magbantay sa pasyente at basahan siya.’ Nasumpungan pa naming praktikal na isaayos para sa mga bisita na mag-iwan ng nasusulat na mga mensahe sa isang notebook kapag ang aking maysakit na kaibigan ay pagod o natutulog. Iyan ay nagdulot sa aming lahat ng malaking kaluguran.”
Maaaring kabilang sa espesipikong mga alok ng tulong ang anuman sa maraming gawain sa bahay. Ganito ang paliwanag ni Rose: “Pinahahalagahan ko ang tulong sa pag-aayos ng mga kama, paggawa ng mga sulat para sa pasyente, pag-istima sa mga bisita ng pasyente, pagbili ng gamot, pagpaligo at pag-aayos ng buhok, paghuhugas ng mga pinggan.” Makatutulong din ang pamilya at mga kaibigan sa tagapag-aruga sa pamamagitan ng paghahali-halili sa paglalaan ng mga pagkain.
Kung nararapat, maaaring praktikal din na tumulong sa pangunahing mga aspekto ng pangangalaga. Halimbawa, ang tagapag-aruga ay maaaring nangangailangan ng tulong sa pagpapakain o pagpapaligo sa pasyente.
Ang nagmamalasakit na mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan ay maaaring mag-alok ng praktikal na tulong sa simula ng karamdaman, ngunit kumusta naman kung ang sakit ay pangmatagalan? Palibhasa’y okupado tayo sa ating sariling abalang iskedyul, madali nating nakaliligtaan kung ano ang kasalukuyang nangyayari—at posible pa nga na tumitindi—na panggigipit na nakakaharap ng mga tagapag-aruga. Anong lungkot nga kung ang kailangang-kailangang suporta ay magsimulang maglaho!
Kung mangyari iyan, makabubuti para sa tagapag-aruga na tipunin ang pamilya upang pag-usapan ang pag-aaruga sa pasyente. Kadalasang maaaring makalap ang tulong ng mga kaibigan at mga kamag-anak na nagpahiwatig ng pagkukusang tumulong. Iyan ang ginawa ni Sue at ng kaniyang pamilya. “Nang bumangon ang pangangailangan,” aniya, “naalaala namin yaong mga nag-alok na tutulong at tinawagan namin sila sa telepono. Inaakala naming mahihingan namin sila ng tulong.”
Bigyan Sila ng Pahinga
“Talagang mahalaga ito,” sabi ng aklat na The 36-Hour Day, “kapuwa para sa iyo [ang tagapag-aruga] at para sa [iyong pasyente]—na magkaroon ng regular na panahon na ‘umalis’ mula sa beinte-kuwatro-oras na pag-aaruga sa taong may malubhang karamdaman. . . . Ang pagpapahinga, mula sa pangangalaga sa [pasyente], ay isa sa pinakamahalagang bagay na magagawa mo upang ikaw ay makapagpatuloy sa pag-aaruga sa isa.” Sumasang-ayon ba ang mga tagapag-aruga?
“Tiyak na oo,” ang sagot ni Maria, na tumulong sa pag-aaruga sa isang matalik na kaibigan na may taning na ang buhay dahil sa kanser. “Sa pana-panahon, kailangan kong ‘makapagpahinga’ at may humalili naman sa akin sa pag-aaruga pansamantala.” Gayundin ang palagay ni Joan, na nag-aaruga sa kaniyang asawang may sakit na Alzheimer’s disease. “Ang isa sa aming pinakamalaking pangangailangan,” aniya, “ay magkaroon ng pahinga paminsan-minsan.”
Gayunman, paano sila makapagpapahinga mula sa panggigipit ng kanilang mga pananagutan? Ipinahihiwatig ni Jennifer, na tumulong sa pag-aaruga sa kaniyang may edad nang mga magulang, kung paano siya nakakahinga nang maluwag: “Isang kaibigan ng pamilya kung minsan ang nag-aalaga kay nanay sa isang araw upang kami ay makapagpahinga.”
Maaari mong bigyan ng pahinga ang tagapag-aruga sa pamamagitan ng pag-aalok na ipasyal ang pasyente sumandali, kung ito’y praktikal na gawin. Ganito ang sabi ni Joan: “Nakagiginhawa kung may maglalabas sa aking asawa upang mapag-isa naman ako paminsan-minsan.” Sa kabilang dako naman, maaari kang gumugol ng panahon na kasama ng pasyente sa kaniyang tahanan. Alin man dito, gawin mong posible na magkaroon ng lubhang kinakailangang pagpapahinga ang isa na nag-aaruga.
Subalit, tandaan na hindi laging madali para sa mga tagapag-aruga na magpahinga. Maaari silang makonsiyensiya dahil sa naiwan ang kanilang mahal sa buhay. “Mahirap na umalpas mula sa kalagayan at maglibang o magpahinga,” sabi ni Hjalmar. “Para bang gusto kong naroroon ako sa lahat ng panahon.” Subalit mas payapa ang kaniyang isip kung siya’y nagpapahinga kapag ang kaniyang bayaw ay hindi gaanong nangangailangan ng pansin. Isinaayos naman ng iba na ang kanilang mahal sa buhay ay alagaan sa isang day-care center para sa mga nasa hustong gulang sa loob ng ilang oras.
Ang Wakas ng Lahat ng Karamdaman
Tiyak, ang pag-aaruga sa isang mahal sa buhay na may malubhang karamdaman ay isang napakalaking pananagutan. Gayunman, ang pag-aaruga sa isang mahal sa buhay ay maaaring maging kalugud-lugod at kasiya-siya. Binabanggit ng mga mananaliksik gayundin ng mga tagapag-aruga ang napatibay na mga kaugnayan sa pamilya at mga kaibigan. Walang-sala, ang mga tagapag-aruga ay natututo ng bagong mga katangian at mga kakayahan. Marami ang nakararanas din ng espirituwal na mga pakinabang.
Higit na mahalaga, ipinakikita ng Bibliya na si Jehova at ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ang pinakamadamaying mga tagapag-aruga. Tinitiyak sa atin ng hula sa Bibliya na malapit na ang wakas ng lahat ng karamdaman, paghihirap, at kamatayan. Sandali na lamang, gagantimpalaan ng nagmamalasakit na Maylikha ng tao ang matuwid na mga maninirahan sa lupa ng buhay na walang-hanggan sa isang ganap na malusog na bagong sanlibutan—isa na doo’y “walang mamamayan ang magsasabing: ‘Ako’y maysakit.’ ”—Isaias 33:24; Apocalipsis 21:4.
[Talababa]
a Ang ilang pangalan sa artikulong ito ay binago.
[Blurb sa Pahina 11]
Ang mabuting kalusugan ng taong maysakit ay tuwirang depende sa iyong kalusugan
[Blurb sa pahina 12]
Ang suporta ng mabubuting kaibigan ay malaki ang magagawa upang makayanan mo ang pinakamahirap na mga sandali
[Kahon sa pahina 12]
Maaaring Maging Kapaki-pakinabang ang Pag-aaruga
‘KAPAKI-PAKINABANG?’ maitatanong ng iba. ‘Paano maaaring magkagayon?’ Pakisuyong pansinin ang sinabi ng sumusunod na mga tagapag-aruga sa Gumising!:
“Ang pagsasakripisyo ng iyong sariling mga libangan at pagnanais ay hindi nangangahulugan na nababawasan ang iyong kaligayahan. ‘May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.’ (Gawa 20:35) Maaaring maging kasiya-siya na alagaan ang isa na iyong minamahal.”—Joan.
“Ako’y nagpapasalamat na makatulong sa aking kapatid at bayaw sa panahon ng tunay na pangangailangan—nang hindi naghihintay na kanilang gantihan ako. Lalo kaming pinaglapit nito. Inaasahan ko na balang araw ay magagamit ko ang naranasan ko upang tulungan ang isa na nasa gayunding kalagayan.”—Hjalmar.
“Gaya ng madalas kong sabihin sa aking maysakit na kaibigang si Betty, mas marami akong natatanggap kaysa naibibigay. Natuto ako ng empatiya at pagtitiis. Natutuhan kong maaaring panatilihin ang positibong saloobin sa ilalim ng pinakamahirap na mga kalagayan.”—Elsa.
“Ako’y naging mas malakas sa espirituwal. Nalaman ko nang higit kung ano ang ibig sabihin ng pananalig sa Diyos na Jehova araw-araw at sapatan ang aking mga pangangailangan.”—Jeanny.
[Kahon sa pahina 13]
Kapag Dumadalaw sa Isang Tagapag-aruga
• Makinig taglay ang empatiya
• Magbigay ng taos-pusong papuri
• Mag-alok ng espesipikong tulong
[Mga larawan sa pahina 10]
Tulungan ang mga tagapag-aruga sa pamamagitan ng pamimili at pagluluto para sa kanila, o sa pagtulong sa kanila sa pag-aalaga sa pasyente
-