Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Kapag Dinapuan ng Malubhang Sakit ang Isang Pamilya
    Gumising!—2000 | Mayo 22
    • Kapag Dinapuan ng Malubhang Sakit ang Isang Pamilya

      NAKAHAHAWA ang kasiglahan ng pamilyang Du Toit. Isang kagalakang makita ang mainit na pag-iibigan nila sa isa’t isa. Kapag nakausap mo sila, hindi mo iisipin na napakarami na nilang hirap na tiniis.

      Una sa lahat, nang ang kanilang panganay na anak, si Michelle, ay dalawang taon, nalaman nina Braam at Ann na mayroon siyang minana na malubhang sakit na nagdudulot ng matinding panghihina ng kalamnan.

      “Walang anu-ano,” ang paliwanag ni Ann, ang ina, “kailangan mong matuto kung paano pakikitunguhan ang isang malubhang sakit na nakapanlulupaypay. Naiisip mo na hindi na maibabalik sa dati ang inyong buhay pampamilya.”

      Subalit pagkasilang ng isa pang anak na babae at isa pang anak na lalaki, may karagdagang trahedya na sumapit sa pamilyang ito. Isang araw habang ang tatlong bata ay naglalaro sa labas, ang dalawang batang babae ay tumakbong papasok sa bahay. “Inay! Inay!” ang kanilang sigaw. “Halikayo, dali. May nangyayari kay Neil!”

      Agad na tumakbo si Ann papalabas at nakita niyang nakalaylay ang ulo ng tatlong-taong-gulang na si Neil. Hindi niya kayang dalhin ang kaniyang ulo.

      “Matindi ang aking pagkasindak,” ang naalala ni Ann, “at karaka-raka kong natanto kung ano ang nangyayari. Nanlumo ang aking puso na kailangan ding harapin ng malusog na batang lalaking ito ang hamon ng pamumuhay nang may nakakatulad na panghihina sa kalamnan na taglay ng kaniyang nakatatandang kapatid na babae.”

      “Ang kasayahan na magpasimula ng isang malusog na pamilya,” ang sabi ng ama, si Braam, “ay naglaho nang malaunan dahil sa ilan sa pinakamalalaking hamon na kinailangan naming harapin.”

      Nang maglaon, sa kabila ng pinakamahusay na panggagamot ng ospital, namatay rin si Michelle dahil sa mga komplikasyon na dulot ng kaniyang sakit. Siya ay 14 na taong gulang lamang noon. Patuloy pa ring nakikipagpunyagi si Neil sa mga epekto ng kaniyang sakit.

      Ibinabangon nito ang katanungan, Paano hinaharap ng mga pamilyang tulad ng mga Du Toit ang mga hamon ng pagkakaroon ng isang miyembro ng pamilya na may malubhang sakit? Upang masagot ang tanong na iyan, ating suriin ang ilang paraan kung paano naaapektuhan ang mga pamilya ng isang malubhang sakit.

  • Malubhang Sakit—Isang Pampamilyang Bagay
    Gumising!—2000 | Mayo 22
    • Malubhang Sakit​—Isang Pampamilyang Bagay

      ANO ba ang malubhang sakit? Sa madaling sabi, ito ay sakit na tumatagal nang mahabang panahon. Bukod dito, isang propesor ang nagpapaliwanag na ang malubhang sakit ay “isang pagbabago sa kalagayan ng kalusugan na hindi mapagagaling ng isang simpleng operasyon o ng isang maikling medikal na therapy.” Nagiging malaking hamon ang pagharap sa malubhang sakit at sa mga epekto nito hindi lamang dahil sa sakit mismo at sa paggamot dito kundi dahil sa kailangan itong pagtiisan nang napakatagal.

      Karagdagan pa, madalas na ang mga epekto ng malubhang sakit ay hindi nalilimitahan sa pasyente lamang. “Ang karamihan ng tao ay bahagi ng isang pamilya,” ang sabi ng aklat na Motor Neurone Disease​—A Family Affair, “at ang pagkasindak at kabalisahan na nararamdaman mo [na pasyente] ay mararamdaman din ng mga malapit sa iyo.” Ito ay pinatotohanan ng isang ina na ang anak na babae ay may kanser. “Ang bawat miyembro ng pamilya ay apektado,” ang sabi niya, “ipakita man nila ito o hindi, alam man nila ito o hindi.”

      Sabihin pa, hindi lahat ay maaapektuhan sa magkakatulad na paraan. Gayunman, kung nauunawaan ng mga miyembro ng pamilya ang epekto ng malubhang sakit sa mga tao sa pangkalahatan, malamang na higit silang masasangkapan para makayanan ang espesipikong mga hamon sa kanilang partikular na kalagayan. Higit pa rito, kung yaong mga hindi kabilang sa pamilya​—mga katrabaho, kaeskuwela, kapitbahay, at mga kaibigan​—ay nakauunawa sa epekto ng malubhang sakit, mas makapagbibigay sila ng makahulugan at may-empatiyang tulong. Taglay ito sa isipan, ating tingnan ang ilang paraan kung paano nakaaapekto ang malubhang sakit sa mga pamilya.

      Paglalakbay sa Isang Kakaibang Lupain

      Ang karanasan ng isang pamilya sa pagharap sa isang malubhang sakit ay maihahalintulad sa paglalakbay nila sa isang banyagang lupain. Bagaman may ilang bagay na magiging katulad din noong ang pamilya’y nasa kanilang lupang tinubuan, ang ibang bagay ay magiging hindi pamilyar o lubusang kakaiba pa nga. Kapag pinahihirapan ng malubhang sakit ang isang miyembro ng pamilya, maraming bagay sa istilo ng buhay ng pamilya ang hindi magbabago sa pangkalahatan. Gayunman, ang ilang bagay ay magiging ibang-iba.

      Una sa lahat, ang sakit mismo ay maaaring makaapekto sa normal na rutin ng pamilya at maoobliga ang bawat miyembro ng pamilya na gumawa ng mga pagbabago upang mapakitunguhan ito. Ito ay pinatotohanan ng 14-na-taóng-gulang na si Helen, na ang ina ay nagdurusa dahil sa malubhang panlulumo. “Ibinabagay namin ang aming iskedyul sa kung ano ang maaari o hindi maaaring gawin ni Inay sa isang araw,” ang sabi niya.

      Maging ang therapy​—na nilalayong maglaan ng kaginhawahan mula sa sakit​—ay maaaring pagmulan ng higit pang pagkasira sa bagong rutin ng pamilya. Isaalang-alang ang halimbawa nina Braam at Ann, na binanggit sa naunang artikulo. “Kinailangan naming gumawa ng malalaking pagbabago sa aming pang-araw-araw na rutin dahil sa therapy ng aming mga anak,” ang sabi ni Braam. Ipinaliwanag ni Ann: “Nagparoo’t-parito kami sa ospital araw-araw. Pagkatapos, dagdag pa riyan, iminungkahi ng doktor na paunti-unti naming pakanin nang anim na beses ang mga bata sa isang araw upang matumbasan ang kakulangan sa pagkain na dulot ng kanilang sakit. Para sa akin, iyon ay isang totoong bagong paraan ng pagluluto.” Ang isa pang lalong malaking hamon ay ang pagtulong sa mga bata na gawin ang pinagagawang mga ehersisyo upang lumakas ang kanilang kalamnan. “Iyon,” alaala ni Ann, “ay araw-araw na pahirapan sa mga bata.”

      Habang tinitiis ng pasyente ang paghihirap​—at kung minsan ang kirot​—ng paggamot at pagsusuri ng mga manggagamot, lalo siyang dumedepende sa pamilya para sa praktikal na tulong at emosyonal na pagsuporta. Bunga nito, hindi lamang kinakailangang matutuhan ng mga miyembro ng pamilya ang bagong mga kasanayan upang mapangalagaan sa pisikal ang pasyente kundi lahat sila ay naoobliga ring baguhin ang kanilang mga saloobin, damdamin, istilo ng buhay, at mga rutin.

      Mauunawaan naman, ang lahat ng mga pangangailangang ito ay lalong sumusubok sa pagtitiis ng pamilya. Isang ina na may anak na babaing nasa ospital dahil sa ginagamot ang kanser nito ay nagpapatunay na ito’y “mas nakapapagod kaysa inaakala ng sinuman.”

      Patuloy na Kawalang-Katiyakan

      “Ang patuluyang pagbabagu-bago ng malubhang sakit ay nagdudulot ng isang nakakatakot na damdamin ng kawalang-katiyakan,” ang sabi ng Coping With Chronic Illness​—Overcoming Powerlessness. Kung kailan ang mga miyembro ng pamilya ay natututo nang makibagay sa isang kalagayan, mapapaharap naman sa kanila ang bago at posibleng mas mahirap pang mga kalagayan. Baka magpabagu-bago o kaya’y lumala ang mga sintomas, at baka hindi maaaring masabi kung mailalaan ng therapy ang inaasam na pagbuti. Baka ang paraan ng paggamot ay kailangang baguhin sa pana-panahon o kaya nama’y baka magdulot ito ng di-inaasahang mga komplikasyon. Habang lalong dumedepende ang pasyente sa suporta na lubhang pinagsisikapan na ibigay ng nagugulumihanang pamilya, baka biglang sumilakbo ang dati nang pinipigilan na mga damdamin.

      Ang di-inaasahang pabagu-bago na kalikasan ng maraming sakit at paggamot sa mga ito ay walang-alinlangan na nagbabangon ng mga tanong na gaya ng: Gaano katagal kaya ito magpapatuloy? Gaano kalala kaya aabot ang sakit? Gaano pa kaya ang aming makakayanan? Kadalasan, pinaiisip ng nakamamatay na sakit ang isang sukdulang kawalan ng katiyakan​—“Gaano katagal kaya bago dumating ang kamatayan?”

      Ang sakit, mga kaayusan ng paggamot, kapaguran, at kawalang-katiyakan ay pawang nagdudulot ng isa pang di-inaasahang epekto.

      Mga Epekto sa Pamumuhay sa Lipunan

      “Kinailangan kong pagtagumpayan ang matitinding damdamin na ako’y nag-iisa at nakakulong,” ang paliwanag ni Kathleen, na may asawang nagdurusa dahil sa malubhang panlulumo. “Hindi bumubuti ang kalagayan,” ang patuloy niya, “dahil hindi kailanman kami makapag-abot o makatanggap ng mga paanyaya na magsalu-salo. Nang malaunan, halos wala na kaming mga pakikipag-ugnayan sa lipunan.” Tulad ni Kathleen, marami ang kinailangang makitungo sa pagkadama ng pagkakasala dahil sa hindi pagiging mapagpatuloy at hindi makapagpaunlak sa mga paanyaya. Bakit nangyayari ito?

      Ang sakit mismo o ang mga epekto ng paggamot ay maaaring magpahirap o magpaging-imposible pa nga na makibahagi sa mga salu-salo. Maaaring madama ng pamilya at ng pasyente na mamatahin sila ng lipunan dahil sa sakit, o maaaring mangamba sila na ang sakit ay magdudulot ng kahihiyan. Maaaring dahil sa panlulumo ay madama ng pasyente na hindi na siya karapat-dapat sa kaniyang dating mga kaibigan, o marahil ay wala lamang talagang sigla ang pamilya upang makihalubilo. Sa iba’t ibang kadahilanan, ang malubhang sakit ay madaling nagdudulot ng pag-iisa at kalungkutan sa buong pamilya.

      Bukod pa rito, hindi lahat ay may kabatiran kung ano ang sasabihin o kung paano kikilos kapag may kasama na isang maysakit. (Tingnan ang kahon “Kung Paano Ka Makaaalalay,” sa pahina 11.) “Kapag kakaiba ang iyong anak mula sa ibang bata, karamihan sa mga tao ay malamang na tititig at magbibitiw ng walang-pakundangang mga salita,” ang sabi ni Ann. “Sa katunayan, malamang na sisihin mo ang iyong sarili dahil sa sakit, at ang kanilang mga komento ay nakadaragdag lamang sa pagkadama mo ng pagkakasala.” Ang sinabi ni Ann ay may kaugnayan sa isa pang bagay na malamang na maranasan ng mga pamilya.

      Nakagugulong mga Damdamin

      “Sa panahon ng paglabas ng resulta ng pagsusuri, ang karamihan sa mga pamilya ay nasisindak, hindi makapaniwala, at tumatangging tanggapin ang katotohanan,” ang sabi ng isang mananaliksik. “Napakabigat nito para makayanan nila.” Oo, nakasisira ng loob na malaman na ang isang minamahal ay may nakamamatay o nakapanghihinang sakit. Maaaring madama ng isang pamilya na ang kanilang mga inaasam at pinapangarap ay nawasak, anupat nagdudulot sa kanila ng kawalang-katiyakan hinggil sa kinabukasan at matinding damdamin ng kawalan at dalamhati.

      Totoo, para sa maraming pamilya na nakasaksi sa matagal at nakababagabag na mga sintomas sa isang miyembro ng pamilya nang hindi nila nalalaman ang dahilan, ang paglabas ng resulta ng pagsusuri ay nagdudulot ng kaginhawahan. Ngunit ang ilang pamilya ay may ibang reaksiyon sa paglabas ng resulta ng pagsusuri. Isang ina sa Timog Aprika ang umamin: “Napakasakit malaman kung ano ang diperensiya ng aming mga anak, kung kaya’t sa totoo lamang, sana’y hindi ko na narinig ang resulta ng pagsusuri.”

      Ang aklat na A Special Child in the Family​—Living With Your Sick or Disabled Child ay nagpapaliwanag na “likas lamang na mahirapan ang iyong kalooban . . . habang nakikibagay ka sa bagong katotohanang ito. Maaaring napakatindi kung minsan ng iyong mga damdamin anupat nangangamba kang hindi mo makakayanan ang mga ito.” Ang awtor ng aklat, si Diana Kimpton, na ang dalawang anak na lalaki ay may cystic fibrosis, ay naglahad: “Natakot ako sa aking sariling mga emosyon at kailangan kong malaman na ayos lamang na makadama ng gayon kasama.”

      Karaniwan na para sa mga pamilya na makadama ng takot​—takot sa hindi nila nalalaman, takot sa sakit, takot sa paggamot, takot sa kirot, at takot sa kamatayan. Ang mga bata lalo na ang maaaring magkaroon ng maraming takot na hindi nila sinasabi​—lalo na kapag hindi sila binigyan ng makatuwirang paliwanag hinggil sa mga nangyayari.

      Napakakaraniwan din ang galit. “Kadalasan nang ang mga miyembro ng pamilya,” ang paliwanag ng magasin sa Timog Aprika na TLC, “ang siyang pinagbubuntunan ng galit ng pasyente.” Dahil dito, ang mga miyembro ng pamilya naman ay makadarama rin ng galit​—sa mga doktor sapagkat hindi natuklasan ng mga ito ang suliranin nang mas maaga, sa kanilang mga sarili sapagkat naipasa nila ang isang henetikong depekto, sa pasyente sapagkat hindi nito inalagaan nang wasto ang kaniyang sarili, kay Satanas na Diyablo sapagkat ito ang sanhi ng gayong pagdurusa, o maging sa Diyos, sa pagkadama na siya ang dapat sisihin sa sakit. Ang pagkadama ng pagkakasala ay isa pang pangkaraniwang reaksiyon sa malubhang sakit. “Halos bawat magulang o kapatid ng isang batang may kanser ay nakadarama ng pagkakasala,” ang sinabi ng aklat na Children With Cancer​—A Comprehensive Reference Guide for Parents.

      Ang daluhong na ito ng mga emosyon ay kadalasang nagbubunga​—sa isang antas​—ng panlulumo. “Ito marahil ang pinakakaraniwang reaksiyon sa lahat,” ang isinulat ng isang mananaliksik. “Isang tambak ang mga sulat na nasa akin upang patunayan ito.”

      Oo, Maaari Itong Makayanan ng mga Pamilya

      Sa positibong panig, natuklasan ng maraming pamilya na ang pagharap sa kalagayan ay hindi kasinghirap sa una nilang akala. “Ang mga eksena na naguguniguni mo sa iyong isipan ay mas malagim kaysa sa katotohanan,” ang pagtiyak ni Diana Kimpton. Mula sa personal na karanasan ay natuklasan niya na “hindi naman ganoon kapanglaw ang hinaharap tulad ng iyong naguguniguni noong una mong nalaman ang sakit.” Makatitiyak ka na ang ibang pamilya ay nakapagbata sa kanilang paglalakbay sa kakaibang lupain ng malubhang sakit at na magagawa mo rin ito. Natuklasan ng marami na ang pagkaalam lamang na nakayanan ito ng iba ay nakapagdulot sa kanila ng kaginhawan at pag-asa.

      Subalit makatuwirang mag-isip ang isang pamilya, ‘Paano nga namin ito makakayanan?’ Susuriin sa susunod na artikulo ang ilang paraan kung paano hinarap ng mga pamilya ang malubhang sakit.

      [Blurb sa pahina 5]

      Ang mga pamilya ay kailangang mag-alaga sa pasyente at magbago ng kanilang mga pangmalas, damdamin, at istilo ng buhay

      [Blurb sa pahina 6]

      Kapuwa ang pasyente at ang pamilya ay makadarama ng matitinding emosyon

      [Blurb sa pahina 7]

      Huwag mawalan ng pag-asa. Nakayanan ito ng ibang pamilya, at makakayanan mo rin ito

      [Kahon sa pahina 7]

      Ang Ilang Hamon na Dulot ng Malubhang Sakit

      • Pag-alam hinggil sa sakit at kung paano ito haharapin

      • Pagbabago sa istilo ng buhay ng isa at ng kaniyang pang-araw-araw na rutin

      • Pakikibagay sa nabagong pakikipag-ugnayan sa lipunan

      • Pagpapanatili ng isang normal na disposisyon at ng kontrol

      • Pagdadalamhati dahil sa mga bagay na nawala bunga ng sakit

      • Pagharap sa mga damdaming mahirap pakitunguhan

      • Pagpapanatili ng isang positibong pangmalas

  • Kung Paano Hinaharap ng mga Pamilya ang Malubhang Sakit
    Gumising!—2000 | Mayo 22
    • Kung Paano Hinaharap ng mga Pamilya ang Malubhang Sakit

      ANG salitang pagharap ay maaaring bigyang-katuturan bilang “ang kakayahang makayanan at matagalan ang mga kaigtingan na dumarating sa isa.” (Taber’s Cyclopedic Medical Dictionary) Lakip dito ang pagharap sa mga suliraning kaakibat ng malubhang sakit sa isang paraan na maaari ka pa ring magtamasa kahit paano ng isang antas ng kontrol at ng kapayapaan ng isip. At dahil sa katotohanan na ang buong pamilya ang nasasangkot sa isang malubhang sakit, ang maibigin at tapat na pagsuporta ng bawat miyembro ng pamilya ay kailangan upang matagumpay na makayanan ito ng pamilya. Ating isaalang-alang ang ilang paraan kung paano hinarap ng mga pamilya ang malubhang sakit.

      Ang Halaga ng Kaalaman

      Maaaring hindi posible na mapagaling ang sakit, ngunit ang pag-alam kung paano ito haharapin ay makababawas sa mental at emosyonal na dagok na dulot ng sakit. Ito ay kasuwato ng isang sinaunang kawikaan na nagsasabi: “Ang taong may kaalaman ay nagpapatibay ng kapangyarihan.” (Kawikaan 24:5) Paano magkakaroon ng kaalaman ang isang pamilya hinggil sa pagharap sa sakit?

      Ang unang hakbang ay ang humanap ng isang doktor na madaling kausapin at matulungin, isa na handang maglaan ng panahon upang maingat na ipaliwanag ang lahat ng bagay sa pasyente at sa pamilya. “Ang isang kanais-nais na doktor,” ang sabi ng aklat na A Special Child in the Family, “ay may malasakit sa buong pamilya at nagtataglay ng lahat ng kinakailangan na kasanayan sa medisina.”

      Ang susunod na hakbang ay ang patuloy na pagbabangon ng espesipikong mga katanungan hanggang maunawaan mo ang kalagayan sa abot ng iyong makakaya. Gayunman, tandaan na kapag kausap mo ang doktor, madali kang kabahan at makalimot sa kung ano ang nais mo sanang itanong. Makatutulong ang mungkahi na isulat mo nang patiuna ang mga tanong. Nanaisin mo lalo nang malaman kung ano ang dapat asahan sa sakit at sa paggamot at kung ano ang gagawin hinggil dito.​—Tingnan ang kahong “Mga Tanong na Maaaring Ibangon ng Isang Pamilya sa Doktor.”

      Lalo nang mahalaga na maglaan ng sapat na impormasyon sa mga kapatid ng isang bata na may malubhang sakit. “Ipaliwanag kung ano ang diperensiya mula pa noong nagpasimula ang sakit,” ang iminungkahi ng isang ina. “Madali silang makadama na sila’y nahihiwalay mula sa pamilya kung hindi nila nauunawaan ang mga nangyayari.”

      Nasumpungan din ng ilang pamilya ang kapaki-pakinabang na impormasyon sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa lokal na aklatan, sa isang tindahan ng mga aklat, o sa Internet​—at madalas na nakakakuha sila ng detalyadong impormasyon sa espesipikong mga sakit.

      Pagpapanatili sa Isang Maayos na Uri ng Buhay

      Likas lamang na naisin ng mga miyembro ng pamilya na maging maayos ang buhay ng pasyente hangga’t maaari. Halimbawa, tingnan si Neil du Toit, na binanggit sa unang artikulo. Nasisiphayo pa rin siya sa nakapanghihinang mga epekto ng kaniyang sakit. Gayunman, gumugugol siya ng 70 oras sa isang buwan sa paggawa ng isang bagay na pinakagusto niyang gawin​—ang pakikipag-usap sa mga tao sa kaniyang pamayanan hinggil sa kaniyang salig-sa-Bibliyang pag-asa. “Nagbibigay rin sa akin ng panloob na kasiyahan,” ang sabi niya, “ang pagtuturo ng Bibliya sa kongregasyon.”

      Lakip din sa maayos na uri ng buhay ang kakayahan na magpakita at tumanggap ng pag-ibig, tamasahin ang kasiya-siyang mga gawain, at mapanatili ang pag-asa. Nais pa rin ng mga pasyente na tamasahin ang buhay sa abot nang ipahihintulot sa kanila ng kanilang sakit at paggamot. Ang isang ama ng pamilyang nakitungo sa sakit sa loob ng mahigit na 25 taon ay nagpaliwanag: “Gustung-gusto namin ang mga tanawin ng kalikasan, ngunit dahil sa mga limitasyon ng aking anak na lalaki, hindi kami makapaglakad nang malayo. Kaya gumagawa kami ng ibang paraan. Nagpupunta kami sa mga lugar kung saan masisiyahan kami sa mga tanawin ng kalikasan nang hindi kami pagod na pagod.”

      Oo, napananatili ng mga pasyente ang kanilang mga kakayahan na nagpapangyari sa kanilang masiyahan sa buhay sa isang antas. Depende sa kanilang sakit, marami ang nakapagpapahalaga pa rin sa magagandang tanawin at tunog. Habang mas nadarama nilang kontrolado nila ang iba’t ibang salik ng kanilang buhay, mas malamang na magtamasa sila ng isang maayos na uri ng buhay.

      Pagharap sa mga Damdaming Mahirap Pakitunguhan

      Ang isang mahalagang bahagi ng pagharap sa sakit ay ang pagkatuto na kontrolin ang nakapipinsalang mga emosyon. Ang isa sa mga ito ay ang galit. Kinikilala ng Bibliya na ang isang tao ay maaaring magkaroon ng dahilan upang magalit. Gayunman, hinihimok din tayo nito na maging “mabagal sa pagkagalit .” (Kawikaan 14:29) Bakit katalinuhang gawin ito? Ayon sa isang akdang reperensiya, ang galit “ay maaaring magdulot ng namamalaging kabalisahan at ng paghihinanakit o maaari itong umakay sa iyo na magsalita ng masasakit na bagay na pagsisisihan mo sa dakong huli.” Kahit na ang minsang pagsiklab ng galit ay maaaring magdulot ng pinsala na mangangailangan ng mahabang panahon upang makalimutan.

      Ipinapayo ng Bibliya: “Huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay nasa kalagayang pukáw sa galit.” (Efeso 4:26) Maliwanag, wala tayong magagawa upang pigilin ang paglubog ng araw. Ngunit makagagawa tayo ng mga hakbang upang dagling pahupain ang ating “kalagayang pukáw sa galit” nang sa gayon ay hindi natin patuloy na mapinsala ang ating sarili at ang iba. At malamang na mapakitunguhan mo nang mas maayos ang situwasyon kapag kalmado ka na.

      Tulad ng anupamang pamilya, walang alinlangan na iba’t ibang pagbabago ang mararanasan ng iyong pamilya. Nasusumpungan ng marami na mas nakakayanan nila ito kapag naihihinga nila ang kanilang damdamin sa isa’t isa o sa ibang tao na madamayin at may empatiya. Ganiyan mismo ang naranasan ni Kathleen. Una niyang inalagaan ang kaniyang ina, na may kanser, at nang malaunan, ang kaniyang asawa, na nagdusa mula sa malubhang panlulumo at pagkatapos ay sa Alzheimer’s disease. Inamin niya: “Nagiginhawahan ako at lumuluwag ang aking kalooban kapag nakikipag-usap ako sa maunawaing mga kaibigan.” Si Rosemary, na nag-alaga sa kaniyang ina sa loob ng dalawang taon, ay sumasang-ayon. “Ang pakikipag-usap sa isang tapat na kaibigan,” ang sabi niya, “ay tumulong sa akin na manatiling timbang.”

      Gayunman, huwag magulat kung hindi mo makayang pigilan ang iyong mga luha samantalang ikaw ay nakikipag-usap. “Ang pag-iyak ay nakababawas ng kaigtingan at kirot, at ito’y tumutulong na mapanagumpayan mo ang iyong pagdadalamhati,” ang sabi ng aklat na A Special Child in the Family.a

      Panatilihin ang Isang Positibong Pangmalas

      “Ang iyong determinasyong mabuhay ay tutulong sa iyo na magbata kapag ikaw ay may sakit,” ang isinulat ng marunong na si Haring Solomon. (Kawikaan 18:14, Today’s English Version) Napansin ng modernong mga mananaliksik na ang mga bagay na inaasahan ng pasyente​—ang mga iyon man ay negatibo o positibo​—ay madalas na makaimpluwensiya sa kalalabasan ng kanilang pagpapagamot. Paano, kung gayon, mapananatili ng pamilya ang optimismo sa harap ng isang pangmatagalang sakit?

      Bagaman hindi winawalang-bahala ang sakit, mas makakayanan iyon ng mga pamilya kung magtutuon sila ng pansin sa mga bagay na maaari pa nilang gawin. “Maaaring lubusan kang maging negatibo dahil sa situwasyon,” ang pag-amin ng isang ama, “ngunit dapat mong matanto na marami ka pang bagay na tinatamasa. Mayroon ka pang buhay, nariyan pa ang isa’t isa, at ang iyong mga kaibigan.”

      Bagaman hindi dapat malasin ang malubhang sakit bilang isang maliit na bagay, ang pagiging palabiro sa tamang antas ay tumutulong na maiwasan ang pesimistikong saloobin. Ang pagiging handa ng mga Du Toit na tumawa ay nagpapatunay sa puntong ito. Nagpaliwanag si Collette, ang bunsong kapatid na babae ni Neil du Toit: “Dahil sa natutuhan naming harapin ang ilang kalagayan, napagtatawanan namin ang mga bagay na nangyayari sa amin na maaaring makabalisa sa ilan. Ngunit ang paggawa ng gayon ay totoong nakatutulong na gumaan ang kaigtingan.” Binibigyan tayo ng katiyakan ng Bibliya na “ang masayang puso ay nakabubuti bilang pampagaling.”​—Kawikaan 17:22.

      Espirituwal na mga Simulain na Pinakamahalaga sa Lahat

      Para sa espirituwal na ikabubuti ng tunay na mga Kristiyano, may mahalagang bahagi ang ‘pagpapaalam ng kanilang mga pakiusap sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo.’ Ang resulta ay tulad ng ipinapangako sa Bibliya: “Ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan.” (Filipos 4:6, 7) Pagkatapos ng halos 30 taon ng pangangalaga sa dalawang anak na may malulubhang sakit, isang ina ang bumanggit: “Natutuhan namin na tinutulungan ka nga ni Jehova na makayanan ito. Tunay na inaalalayan ka niya.”

      Bukod pa rito, marami ang napatitibay ng maka-Kasulatang mga pangako ng isang paraisong lupa na malaya mula sa kirot at pagdurusa. (Apocalipsis 21:3, 4) “Dahil sa malulubhang sakit na nakaharap ng aming pamilya,” ang sabi ni Braam, “naging lalong makahulugan sa amin ang pangako ng Diyos na ‘ang pilay ay aakyat na gaya ng lalaking usa, at ang dila ng pipi ay hihiyaw sa katuwaan.’” Tulad ng maraming iba pa, ang mga Du Toit ay buong-pananabik na umaasam sa pagdating ng Paraiso kung kailan “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may-sakit.’”​—Isaias 33:24; 35:6.

      Lakasan ang iyong loob. Ang kirot at pagdurusa na nagpapabigat sa sangkatauhan, sa ganang sarili nito, ay bahagi ng patotoo na malapit na ang mas mabubuting kalagayan. (Lucas 21:7, 10, 11) Gayunman, samantala ay di-mabilang na tagapag-alaga at mga pasyente ang makapagpapatunay na si Jehova ay totoong ‘ang Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian.’​—2 Corinto 1:3, 4.

      [Talababa]

      a Para sa isang higit na detalyadong pagtalakay kung paano haharapin ang emosyonal na dagok ng sakit, pakisuyong tingnan ang “Pag-aaruga​—Pagharap sa Hamon,” sa Gumising! ng Pebrero 8, 1997, pahina 3-13.

      [Kahon/Larawan sa pahina 8]

      Mga Tanong na Maaaring Ibangon ng Isang Pamilya sa Doktor

      • Paano lumalala ang sakit, at ano ang magiging kahihinatnan?

      • Anong mga sintomas ang lilitaw, at paano makokontrol ang mga ito?

      • Ano ang mapagpipiliang mga paraan ng paggamot?

      • Ano ang posibleng mga masamang epekto, panganib, at mga kapakinabangan ng iba’t ibang paraan ng paggamot?

      • Ano ang maaaring gawin upang sa gayon ay bumuti ang kalagayan, at ano ang dapat iwasan?

      [Kahon/Larawan sa pahina 11]

      Kung Paano Ka Makaaalalay

      Maaaring mag-atubili ang ilang tao na dumalaw o mag-alok ng tulong sapagkat hindi nila alam kung ano ang sasabihin o kung paano pakikitunguhan ang situwasyon. Ang iba ay may tendensiya na maging agresibo at, dahil sa kanilang iginigiit ang sa tingin nila ay tama, nakadaragdag sila sa kaigtingang nadarama ng pamilya. Paano, kung gayon, maaaring umalalay ang isa, sa mga pamilyang may kapamilya na may malubhang sakit nang hindi nanghihimasok sa kanilang pribadong buhay?

      Makinig nang may empatiya. “Maging matulin sa pakikinig,” ang sabi sa Santiago 1:19. Magpakita ng pagmamalasakit sa pamamagitan ng pagiging isang mabuting tagapakinig at pagpapahintulot sa mga miyembro ng pamilya na pagaanin ang kanilang pasan kung nais nila na makipag-usap. Maaaring handang-handa sila na gawin ito kapag nadarama nila na ikaw ay may “pakikipagkapuwa-tao.” (1 Pedro 3:8) Gayunman, laging isipin na walang dalawang indibiduwal o pamilya ang magkatulad sa kanilang pakikitungo sa malubhang sakit. Kaya naman, “huwag mag-aalok ng payo hangga’t hindi mo talagang nalalaman ang lahat hinggil sa sakit o sa situwasyon,” ang sabi ni Kathleen, na nag-alaga sa kaniyang ina at nang malaunan sa kaniyang asawa na may malubhang sakit. (Kawikaan 10:19) At tandaan, kahit na may nalalaman ka nga hinggil sa paksa, maaaring ipasiya ng pasyente at ng pamilya na huwag kumonsulta sa iyo o tumanggap ng iyong payo.

      Mag-alok ng praktikal na tulong. Bagaman kailangang isaisip mo ang pangangailangan ng pamilya na magkaroon ng pribadong buhay, ilaan ang iyong sarili kapag talagang kailangan ka nila. (1 Corinto 10:24) Si Braam, na palaging sinisipi sa seryeng ito ng mga artikulo ay nagsabi: “Malaki ang naitulong ng aming Kristiyanong mga kaibigan. Halimbawa, kapag natutulog kami sa ospital dahil sa kritikal na kondisyon ni Michelle, laging may nasa pagitan ng apat at anim kaming kaibigan na kasama naming nagbabantay sa magdamag. Kailanma’t kailangan namin ng tulong, ito’y naroon.” Ang asawa ni Braam, si Ann, ay nagdagdag: “Nanunuot sa buto ang ginaw noong taglamig na iyon, at sa loob ng dalawang linggo, iba’t ibang sopas ang ibinibigay sa amin araw-araw. Pinasigla kami ng mainit na sopas at ng saganang mainit na pag-ibig.”

      Manalanging kasama nila. Kung minsan, kaunti lamang o wala ka pa ngang praktikal na magagawa. Gayunman, ang isa sa nakapagpapasiglang bagay na iyong magagawa ay ang pagbabahagi ng isang nakapagpapatibay na kaisipan mula sa Kasulatan o ang pananalangin nang taos-puso kasama ang mga pasyente at ang kanilang mga pamilya. (Santiago 5:16) “Huwag kailanman maliitin ang kapangyarihan ng pananalangin alang-alang sa​—at kasama ng​—​mga may malubhang sakit at mga kapamilya nila,” ang sabi ng 18-taong-gulang na si Nicolas, na may ina na nagdurusa dahil sa malubhang panlulumo.

      Oo, malaki ang magagawa ng tamang uri ng pag-alalay upang matulungan ang mga pamilya na makayanan ang mga kaigtingang kaakibat ng malubhang sakit. Ganito ang pagkakasabi ng Bibliya: “Ang kaibigan ay isang maibiging kasama sa lahat ng panahon, at ang isang kapatid ay ipinanganak upang makibahagi sa mga kabagabagan.”​—Kawikaan 17:17, The New English Bible.

      [Kahon/Larawan sa pahina 12]

      Kapag ang Sakit ay Ikamamatay

      Maaaring atubili ang ilang pamilya na pag-usapan ang nalalapit na kamatayan ng isang mahal sa buhay na may malubhang sakit. Gayunman, binabanggit ng aklat na Caring​—How to Cope na “kung may ideya ka kahit paano sa kung ano ang dapat asahan at kung ano ang dapat mong gawin, maaaring maibsan ang nararamdaman mong pagkabalisa.” Bagaman ang espesipikong mga hakbang ay mag-iiba-iba depende sa lokal na mga batas at mga kaugalian, narito ang ilang mga mungkahi na maaaring isaalang-alang ng pamilya kapag nag-aalaga sa bahay ng isang mahal sa buhay na malapit nang mamatay dahil sa malubhang sakit.

      Patiunang Paghahanda

      1. Tanungin ang doktor kung ano ang dapat asahan sa huling mga araw at oras at kung ano ang dapat gawin kapag namatay ang maysakit sa gabi.

      2. Gumawa ng listahan ng mga dapat masabihan hinggil sa kamatayan.

      3. Isaalang-alang ang mapagpipiliang mga kaayusan sa paglilibing:

      • Ano ang mga kahilingan ng pasyente?

      • Ililibing ba ang bangkay o susunugin? Paghambingin ang mga gastusin at serbisyo ng iba’t ibang embalsamador.

      • Kailan dapat isagawa ang libing? Maglaan ng panahon para sa paglalakbay ng mga kamag-anak at mga kaibigan na nakatira sa malayo.

      • Sino ang magpapahayag sa libing?

      • Saan iyon isasagawa?

      4. Kahit na binigyan ang pasyente ng gamot na pampakalma, maaaring nalalaman pa rin ng pasyente ang sinasabi at ginagawa sa kaniyang paligid. Mag-ingat na huwag magsalita ng anumang bagay sa kaniyang harapan na ayaw mong marinig niya. Maaaring nais mong patibayin ang kaniyang loob sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kaniya nang mahinahon at paghawak sa kaniyang kamay.

      Kapag Namatay Na ang Mahal sa Buhay

      Narito ang ilang bagay na maaaring gawin ng iba upang tulungan ang pamilya:

      1. Hayaang mapag-isa ang pamilya kasama ng namatay nang ilang panahon upang unti-unti nilang matanggap ang kamatayan.

      2. Manalangin kasama ang pamilya.

      3. Kapag handa na ang pamilya, mapahahalagahan nila ang tulong upang masabihan ang mga sumusunod:

      • Ang doktor upang patotohanan niya ang kamatayan at maglaan siya ng isang sertipiko ng kamatayan.

      • Ang isang embalsamador, punerarya, o krematoryo, upang mag-asikaso sa bangkay.

      • Ang mga kamag-anak at mga kaibigan (Maaaring mataktika mong sabihin ang ganito: “Tumawag ako may kinalaman kay [ang pangalan ng pasyente]. Ikinalulungkot kong sabihin sa iyo na may masama akong balita. Gaya ng alam na ninyo, nakipagpunyagi siya sa [sakit] sa loob na ng ilang panahon, at namatay siya [kailan at saan].)

      • Ang tanggapan ng isang pahayagan upang maglimbag ng isang patalastas hinggil sa kamatayan kung nais nila ng ganito.

      4. Maaaring nais ng pamilya na may kasama sila sa panghuling pagtiyak ng mga kaayusan hinggil sa libing.

      [Larawan sa pahina 9]

      Dapat gawin ng mga miyembro ng pamilya ang kanilang buong makakaya upang mapanatili ang isang maayos na buhay

      [Larawan sa pahina 10]

      Ang pananalanging kasama ng pamilya ay makatutulong sa kanila na makayanan ang kalagayan

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share