Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • yb09 p. 66-141
  • Samoa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Samoa
  • 2009 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova
  • Subtitulo
  • DUMATING ANG LIWANAG NG KATOTOHANAN
  • MGA PULONG NOON
  • TULONG MULA SA IBANG BANSA
  • PAGSULONG SA APIA
  • PAGSULONG SA AMERICAN SAMOA
  • PAGDATING NG MGA MISYONERO NG GILEAD
  • “LIBRENG PALABAS MAMAYANG GABI”
  • NAAABOT ANG MGA PUSO DAHIL SA TIYAGA SA PANGANGARAL
  • PANGANGARAL—SA PARAAN NG MGA TAGA-SAMOA
  • PUBLIKASYON SA WIKANG SAMOANO—ANG EPEKTO NITO
  • NAPATIBAY NG MGA ASAMBLEA
  • APOSTASYA SA APIA
  • NAKAPAGPAPATIBAY NA PAGSASAMAHAN
  • SUMUSULONG ANG GAWAIN SA AMERICAN SAMOA
  • NABUKSAN ANG GAWAIN SA SAMOA
  • PAKIKIBAGAY SA BUHAY SA ISLA
  • NARINIG SA SAVAII ANG MABUTING BALITA
  • BINABATA ANG MGA PROBLEMA SA KALUSUGAN PARA MAKAPAGLINGKOD KAY JEHOVA
  • MGA PAGSUBOK SA TOKELAU
  • SUMULONG DAHIL SA PAGPAPALA NI JEHOVA
  • PINAG-IBAYO ANG GAWAING PAGSASALIN
  • PANGANGAILANGAN PARA PALAKIHIN ANG SANGAY
  • NAGKAROON NG SAKUNA!
  • “HIGIT PA SA PINAKAMIMITHI NAMING PANGARAP”
  • NAGBAGONG-BUHAY DAHIL SA KATOTOHANAN
  • MGA KABATAANG PUMUPURI SA KANILANG MAYLALANG
  • PAGTUTURO SA PAMAMAGITAN NG RADYO
  • KAILANGAN NG MGA KINGDOM HALL
  • PAGHARAP SA MGA PAGBABAGO
  • PAGSULONG KAALINSABAY NG ORGANISASYON NI JEHOVA
2009 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova
yb09 p. 66-141

Samoa

MATATAGPUAN sa pagitan ng Hawaii at New Zealand, ang kaakit-akit na mga isla ng Samoa ay kumikislap sa gitna ng kulay asul na tubig ng Karagatang Pasipiko. Bagaman lumitaw ang mga isla dahil sa pagputok ng bulkan, para silang napakagagandang hiyas na may mga bundok na natatakpan ng mga ulap, mayayabong na kagubatan, at mga baybaying napapalamutian ng mga puno ng palma. Ang kumikinang na mga lawa rito ay tumutustos sa isang paraiso sa ilalim ng tubig, na may mga 200 iba’t ibang uri ng korales at mga 900 iba’t ibang uri ng isda. Hindi nga nakapagtatakang ang mga islang ito na humahalimuyak sa amoy ng bulaklak na frangipani ay inilarawan ng unang mga misyonero mula sa Europa na isa sa pinakamagagandang isla sa Timog Pasipiko!

Ang grupo ng mga tao na tinatawag na Lapita ang lumilitaw na unang nanirahan sa mga isla ng Samoa mga sampung siglo bago ang panahon ni Kristo.a Matatapang na manggagalugad at mahuhusay na manlalayag ang mga taong ito na unang nanirahan sa Polynesia, at lumilitaw na nandayuhan sila sa Pasipiko mula sa timog-silangang Asia. Sakay ng malalaking bangka na dalawahan ang kasko, sinundan nila ang ihip ng hangin at agos ng tubig, at nakapaglayag sa karagatan nang mas malayo pa kaysa sa narating ng mga manggagalugad na nauna sa kanila. Sa gitna ng Timog Pasipiko, nasumpungan nila ang isang maliit na grupo ng mga isla na tinawag nilang Samoa.

Makalipas ang maraming siglo, ang mga inapo ng mga ito ay nangalat pasilangan at tumawid sa Pasipiko patungong Tahiti, pagkatapos ay pahilaga patungong Hawaii, patimog-kanluran patungong New Zealand, at patimog-silangan patungong Easter Island. Sa ngayon, ang malawak na rehiyong ito na hugis tatsulok ay tinatawag na Polynesia, na nangangahulugang “Maraming Isla,” at ang mga naninirahan dito ay tinatawag na mga Polynesian. Kaya naman ang Samoa ay matatawag na “Pinagmulan ng Polynesia.”

Sa modernong panahon, isang grupo ng malalakas-ang-loob na mga taga-Samoa ang may naiibang uri ng paglalakbay. Gaya ng mga ninuno nila na naglayag sa mga karagatan, sinisikap din nilang matamo ang mas mabuting buhay. Pero sa halip na maglakbay patungo sa isang lugar, sila ay “naglalakbay” mula sa espirituwal na kadiliman tungo sa espirituwal na kaliwanagan. Hinahanap nila ang uri ng pagsamba na sinasang-ayunan ng tunay na Diyos, si Jehova.—Juan 4:23.

Ang ulat na ito ay tungkol sa mga Saksi ni Jehova sa Samoa,b American Samoa, at Tokelau. Ang Kanlurang Samoa ay naging isang malayang bansa noong 1962, samantalang sakop pa rin ng Estados Unidos ang American Samoa. Kaya ang mga isla ng Samoa ay nahahati sa dalawang bahagi—Samoa at American Samoa.

DUMATING ANG LIWANAG NG KATOTOHANAN

Ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay unang nakarating sa Samoa noong 1931 nang isang bisita ang namahagi ng mahigit 470 aklat at buklet sa mga taong interesado sa mga isla ng Samoa. Ang bisitang ito ay malamang na si Sydney Shepherd, isang masigasig na Saksi na naglayag noong mga panahong iyon sa ilang bahagi ng Polynesia para mangaral ng mabuting balita.

Pagkalipas ng pitong taon, muling nakarating ang mensahe ng Kaharian sa American Samoa nang si J. F. Rutherford, mula sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, ay dumaan sa isla ng Tutuila habang naglalayag noon mula Australia patungong Estados Unidos. Sa sandaling paghintong iyon, sinamantala ni Rutherford at ng kaniyang mga kasama ang pagkakataon para mamahagi ng mga literatura sa buong nayon ng Pago Pago.

Makalipas ang dalawang taon, noong 1940, dumating sa American Samoa si Harold Gill, na payunir noon sa buong rehiyon ng Asia-Pasipiko. May dala siyang 3,500 kopya ng buklet na Saan Naroon ang mga Patay?, ang unang publikasyon na isinalin ng mga Saksi ni Jehova sa wikang Samoano.c

Pagkatapos, tumawid si Harold sa isla ng Upolu, sa Samoa, mga walo hanggang sampung oras na paglalakbay sakay ng bangka. “Mabilis na kumalat ang balita tungkol sa aking gawain,” ang isinulat niya nang maglaon, “dahil pagdating ko, isang pulis ang nagsabi sa akin na hindi ako puwedeng makapasok sa isla. Ipinakita ko sa kaniya ang aking pasaporte at binasa ang paunang salita na humihiling sa lahat ng kinauukulan na payagan ang sinumang sakop ng Hari ng Britanya ‘na makapasok nang walang hadlang at mabigyan ng anumang tulong at proteksiyon.’ Dahil dito, nakausap ko ang Gobernador, na pumayag na manatili ako roon sa loob ng limang araw hanggang sa maglayag ang susunod na barko. Umupa ako ng bisikleta at saka ako nag-ikot sa buong isla para mamahagi ng buklet.”

Pagkatapos ng matagumpay na pangangaral ni Harold sa mga isla ng Samoa, bumalik siya sa Australia. Pero isa sa mga buklet na naipamahagi niya ay napunta kay Pele Fuaiupolu, na empleado sa isang opisina.d Ang mensahe ng buklet ay tumimo sa puso ni Pele, anupat naghihintay sa pagbabalik ng mga Saksi para madiligan ang mahalagang katotohanang naitanim sa kaniyang puso.—1 Cor. 3:6.

Noong 1952, makalipas ang 12 taon, si John Croxford na isang Saksi mula sa Inglatera ay dumating sa lunsod ng Apia, ang kabisera ng Samoa, sa isla ng Upolu. Nagtrabaho siya sa mismong opisinang pinagtatrabahuhan ni Pele. Palakaibigan si John at sabik na magpatotoo sa iba. Dahil napansin niyang interesado sa Bibliya si Pele, pinuntahan niya si Pele sa bahay nito. Ganito ang isinulat ni Pele: “Nag-usap kami hanggang madaling araw ng Linggo. Marami akong itinanong sa kaniya, at sinagot niya ang mga ito mula sa Bibliya. Dahil dito, nakumbinsi ako na ito na nga ang katotohanang hinahanap ko.” Nang taon ding iyon, si Pele at ang kaniyang asawang si Ailua ang kauna-unahang mga taga-Samoa na nag-alay ng kanilang buhay kay Jehova at nabautismuhan.

Alam ni Pele na ipatatawag siya para magpaliwanag kung bakit niya iniwan ang relihiyon ng kaniyang mga ninuno. Kaya nag-aral siyang mabuti at taimtim na nanalangin para sa tulong ni Jehova. Ipinatawag nga si Pele ng mataas na pinuno ng pamilya sa isang pagpupulong sa nayon nina Pele sa Faleasiu, isang malaking nayon sa may baybayin na matatagpuan 19 na kilometro sa kanluran ng Apia. Siya at ang isa pa niyang kamag-anak na interesado sa katotohanan ay humarap sa isang galít na grupo na binubuo ng anim na pinuno, tatlong mananalumpati, sampung pastor, dalawang guro ng relihiyon, isang mataas na pinuno na siyang nanguna sa pulong, at matatandang lalaki at babae ng pamilya.

“Nilait at inalipusta nila kami dahil nagbigay raw kami ng kahihiyan sa pangalan ng pamilya at sa simbahan ng aming mga ninuno,” ang naalaala ni Pele. Pagkatapos, naghamon ng debate ang mataas na pinuno, na umabot hanggang alas kuwatro ng umaga.

“Sumisigaw ang ilan ng, ‘Huwag kang gumamit ng Bibliya! Alisin n’yo iyan!’ Magkagayunman, sinagot ko pa rin mula sa Bibliya ang lahat ng kanilang tanong at pinabulaanan ang kanilang mga argumento,” ang sabi ni Pele. “Nang bandang huli, tumahimik sila at napayuko na lamang. Pagkatapos, sinabi ng mataas na pinuno sa mahinang tinig: ‘Nanalo ka, Pele.’”

“Ipagpaumanhin po ninyo,” ang naalaala ni Pele na sinabi niya sa mataas na pinuno, “hindi po ako nanalo. Sa gabing ito, narinig po ninyo ang mensahe ng Kaharian. Umaasa po ako na susundin ninyo ito.”

Dahil sa kapakumbabaan at pagtitiwala ni Pele kay Jehova at sa Kaniyang Salita, ang Bibliya, ang binhi ng katotohanan hinggil sa Kaharian ay tumubo sa Upolu.

MGA PULONG NOON

Dahil malapít sa isa’t isa ang mga tagaisla, mabilis na kumalat ang balita hinggil sa bagong relihiyon ni Pele. Gaya ng unang-siglong mga taga-Atenas kung saan nangaral si Pablo, naging interesado ang ilan sa “bagong turong” ito at gusto nilang makaalam nang higit pa. (Gawa 17:19, 20) Nalaman ng kabataang si Maatusi Leauanae na ang mga interesado sa bagong relihiyong ito ay nagtitipon linggu-linggo sa bahay ng isang doktor na nasa bakuran ng ospital kaya naisip niyang pumunta. Pero pagdating niya sa pasukan ng ospital, bigla siyang kinabahan. Uuwi na sana siya. Tamang-tama naman, dumating si John Croxford at inanyayahan siyang makisali sa maliit na grupo nang gabing iyon. Nasiyahan ang kabataang si Maatusi sa pag-aaral sa aklat na “Hayaang ang Diyos ang Maging Tapat” at gusto niyang bumalik. Bagaman hindi regular ang pagdalo niya noong una, tumimo rin sa puso niya ang katotohanan at nabautismuhan siya noong 1956.

Di-nagtagal, nakita ng mga baguhan na mahalagang maibahagi nila sa iba ang kanilang natututuhan. Sa loob lamang ng limang buwan mula nang dumating sa Apia si Brother Croxford, sampung indibiduwal ang sumama sa kaniya sa pangangaral. Makalipas ang apat na buwan, naging 19 na sila. Maganda rin ang naging resulta ng kanilang pangangaral sa mga kaibigan at mga kamag-anak.

Isa sa mga mamamahayag ang nangaral sa kaniyang pinsan na si Sauvao Toetu na nakatira sa Faleasiu. Nang maglaon, si Sauvao at ang kaniyang bayaw na si Finau Feomaia ay nagsimulang dumalo sa mga pulong kasama ang kani-kanilang pamilya at nanindigan sa katotohanan.

Noong Enero 1953, isang kapana-panabik at mahalagang pangyayari may kinalaman sa tunay na pagsamba ang naganap sa Samoa. Dahil mga 40 katao na ang dumadalo sa mga pulong nang mga panahong iyon, inaprubahan ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Australia na magtatag ng kongregasyon sa Apia, ang kauna-unahan sa Samoa. At nang bumalik si Brother Croxford sa Inglatera, si Pele na kababautismo lamang noon ang nanguna sa kongregasyon. Ang mga mamamahayag ay masisigasig at malalakas ang loob, pero baguhan pa sila at kulang sa karanasan. Kailangan pang matutuhan ng marami sa kanila kung paano ihaharap ang mensahe ng Kaharian sa mataktika at kaakit-akit na paraan. (Col. 4:6) Kailangan ding tulungan ang iba na lubusang magbihis ng bagong personalidad. (Efe. 4:22-24) Nakatutuwa naman, malapit nang dumating ang tulong na ito.—Efe. 4:8, 11-16.

TULONG MULA SA IBANG BANSA

Noong Mayo 1953, dumating ang mga payunir mula sa Australia na sina Ronald at Olive (Dolly) Sellars para tulungan ang Kongregasyon ng Apia. “Pansamantalang naputol ang pakikipag-ugnayan ng sangay sa Australia sa mga kapatid sa Samoa at nababahala sila,” ang isinulat ni Ron. “Yamang nabanggit naming handa kaming maglingkod sa Pasipiko, hinilingan nila kaming pumunta sa Samoa bilang mga special pioneer at tumulong sa bagong-tatag na kongregasyon doon.”

Naglakbay sila patungong Samoa sakay ng eroplanong pandagat. Inihanda nina Ron at Dolly ang kanilang sarili hinggil sa mga hamon na madalas na napapaharap sa mga misyonero na naaatasan sa malalayong lugar. “Nagulat kami pagdating namin doon,” ang naalaala ni Ron. “Halos natatakpan ng mayayabong na mga pananim ang buong isla. Saan man kami magpunta, nakakakita kami ng nakangiti at masasayang tao na malalakas at malulusog ang pangangatawan. Labas-masok na naglalaro ang mga bata sa mga bahay na walang mga dingding, kugon ang bubong at yari sa korales ang sahig. Relaks ang lahat at walang nagmamadali. Parang paraiso ang napuntahan namin.”

Nakitira ang mag-asawang Sellars sa tahanan ng pamilya ni Pele. Yamang may matutuluyan na sila, kaagad nagsimula ang mag-asawang ito sa kanilang atas. “Halos gabi-gabi kong kausap ang mga kapatid para sagutin ang kanilang mga tanong,” ang sabi ni Ron. “Bagaman alam nila ang saligang mga turo ng Bibliya, nakita ko nang maglaon na kailangan pa nilang gumawa ng maraming pagbabago para maabot ang mga pamantayan ng Diyos. Upang matulungan sila sa mahirap na panahong iyon, sinikap namin ni Dolly na maging higit na matiisin at maibigin.” Pero nakalulungkot, tinanggihan ng ilan ang maibiging pagtutuwid na ito mula sa Bibliya at unti-unting lumayo sa kongregasyon. Naging mapagpakumbaba naman ang iba at tumugon sa pagsasanay at pampatibay-loob. Nang maglaon, sumulong ang mga kapatid, at bilang resulta, ang kongregasyon ay nadalisay at tumibay.

Nanguna rin sina Ron at Dolly sa pangangaral sa bahay-bahay. Noong una, ang mga kapatid ay nagpapatotoo lamang nang di-pormal sa kanilang mga kaibigan at kapitbahay. Ngayong kasama nila ang mag-asawang Sellars sa pagbabahay-bahay, mas marami silang natagpuang interesado. “Sa isang pagkakataon,” ang isinulat ni Ron, “inanyayahan kami ng isang pinuno sa kaniyang nayon dahil interesado siyang matuto pa nang higit tungkol sa Kaharian. Pagkatapos naming kumain, nagkaroon kami ng isang magandang talakayan sa Bibliya. Pagkalipas lamang ng isang oras, ang talakayan ay naging pahayag pangmadla dahil umabot nang mahigit 50 ang nakikinig—nang hindi man lamang kami nag-anyaya!” Madalas mapansin ng mga mamamahayag na kapag nagdaos sila ng pag-aaral sa Bibliya sa 2 o 3 indibiduwal, mga 10 hanggang 40 ang dumarating para mag-usyoso sa gawain ng mga Saksi ni Jehova.

Pero napansin iyon ng mga klerigo ng Sangkakristiyanuhan. Nang tumanggi ang mga awtoridad na palawigin pa ang pananatili nina Ron at Dolly, lumapit si Ron sa punong komisyoner para itanong kung ano ang dahilan. “Sinabi niya sa amin,” ang naalaala ni Ron, “na nagreklamo sa gobyerno ang ilang klerigo dahil sa aming pangangaral. Kaya naman, sinabi niyang papayagan lamang niya kaming manatili roon kung titigil na kaming tumulong sa kongregasyon sa kanilang gawaing pangangaral. Tumanggi akong gawin iyon. Sinabi ko rin sa kaniya na walang makapagpapatigil sa gawain ng Diyos, isang katotohanan na dapat niyang tandaan. Tumawa siya at nagsabi, ‘Tingnan natin kapag wala na kayo rito!’”

Mula noon, naging mahigpit na ang mga awtoridad. Hindi na nila pinayagang makapasok sa bansa ang mga dayuhang Saksi. Sa kabila nito, noong 1953, si Theodore Jaracz, na naglilingkod noon sa sangay sa Australia at miyembro ngayon ng Lupong Tagapamahala, ay nakapasok sa Samoa para patibayin ang kongregasyon—nang hindi namamalayan ng awtoridad. “Napasigla kami sa kaniyang pagdalaw at tiniyak niya sa amin na sumusulong kami kaalinsabay ng organisasyon ni Jehova,” ang sabi ni Ron.

Di-nagtagal, napasó na ang visa nina Ron at Dolly kaya lumipat sila sa American Samoa. Magkagayunman, dahil sa pananatili nila nang walong buwan sa Samoa, tumatag at tumibay ang mga kapatid doon. At bagaman hindi alam ng mga awtoridad, ibang mga Saksi ang malapit nang dumating kapalit ng mag-asawang Sellars.

PAGSULONG SA APIA

Noong Mayo 1954, dumating sa Apia ang 23-anyos na Australiano na si Richard Jenkins, isang masigasig na Saksi na kababautismo lamang noon. Ganito ang kuwento niya: “Bago ako umalis ng Australia, sinabihan ako na huwag munang makipag-ugnayan sa mga kapatid doon hangga’t wala pa akong matatag na trabaho. Pero makalipas lamang ang ilang buwan, lungkot na lungkot na ako at pakiramdam ko’y nanghihina ang aking espirituwalidad. Kaya nagpasiya akong makipagtagpo nang palihim kay Pele Fuaiupolu.” Nagkita sila sa kalaliman ng gabi kung kailan wala nang makakakita sa kanila.

“Sinabi sa akin ni Pele na hindi niya gagamitin ang tunay kong pangalan sa takot na baka malaman ng mga awtoridad na miyembro ako ng kongregasyon at dahil dito’y pauwiin ako,” ang naalaala ni Richard. “Kaya tinawag niya ako sa pangalan ng kaniyang bagong-silang na anak na lalaki, si Uitinese, na bigkas ng mga taga-Samoa sa salitang Ingles na ‘witness.’ Hanggang ngayon, iyan pa rin ang tawag sa akin ng mga kapatid sa Samoa.”

Gamit ang bago niyang pangalan, si Richard ay patuloy na nakipag-ugnayan nang palihim sa mga kapatid. Nagpatotoo rin siya nang di-pormal at nakapagpasimula ng ilang pag-aaral sa Bibliya. Ang isa sa kaniyang mga estudyante sa Bibliya ay si Mufaulu Galuvao, isang kabataang lalaki na nagtatrabaho bilang inspektor ng kalinisan, na nang maglao’y naging miyembro ng Komite ng Sangay sa Samoa. Di-nagtagal, ang isa pa niyang estudyante sa Bibliya na si Falema‘a Tuipoloa ay naging Saksi rin, pati na ang ilang miyembro ng pamilya nito.

Ang isa sa kaniyang mga estudyante sa Bibliya, ang kabataang si Siemu Taase, ay dating lider ng isang gang na nagnanakaw ng mga gamit mula sa kagawaran ng pagawaing bayan. Pero hindi pa natatagalan mula nang mag-aral ng Bibliya si Siemu, ibinilanggo siya dahil sa mga krimeng dati na niyang nagawa. Gayunman, hindi nasiraan ng loob si Richard. Humingi siya ng pahintulot sa warden na ipagpatuloy nila ni Siemu ang pag-aaral ng Bibliya sa ilalim ng puno ng mangga mga 100 metro sa labas ng bilangguan. Di-nagtagal, ang ilan sa mga bilanggo ay sumali rin sa pag-aaral.

“Bagaman walang nagbabantay sa amin,” ang naalaala ni Richard, “hindi man lang tinangkang tumakas ng mga bilanggo, at tinanggap pa nga ng ilan ang katotohanan.” Nang maglaon, naging elder si Siemu matapos lumaya sa bilangguan.

Noong 1955, pinakasalan ni Richard ang isang payunir mula sa Australia na si Gloria Green. Labinlimang taon silang namalagi sa Samoa, at bago sila bumalik sa Australia, 35 katao ang natulungan nilang matuto ng katotohanan. Sila ngayon ay nasa Brisbane, Australia, kung saan naglilingkod si Richard bilang elder sa isang kongregasyon doon sa wikang Samoano.

Isa pang mag-asawang Australiano, sina William (Bill) at Marjorie (Girlie) Moss, ang tumulong noon sa gawain. Isang elder at praktikal na tao si Bill, at si Girlie naman ay 24 na taon nang payunir. Dumating sila sa Apia noong 1956. Noong panahong iyon, 28 ang mamamahayag sa Kongregasyon ng Apia, at may grupo na ng pag-aaral sa aklat kapuwa sa Apia at Faleasiu. Sa sumunod na siyam na taon, walang-sawang tumulong sa kongregasyon sina Bill at Girlie. Noong 1965, nang mapilitang bumalik sa Australia ang mag-asawa dahil sa humihinang kalusugan ni Girlie, ang grupo sa Faleasiu ay naging isang kongregasyon.

Noong mga taóng iyon, paulit-ulit na tinatanggihan ng gobyerno ng Samoa ang kahilingan na makapasok sa bansa ang mga misyonero. Maliwanag na umaasa ang gobyerno at ang mga klerigo na unti-unting mauubos ang mga Saksi ni Jehova. Pero kabaligtaran ang nangyari. Lalong dumami ang mga Saksi at patuloy silang naging aktibo at masigasig—mananatili sila sa Samoa!

PAGSULONG SA AMERICAN SAMOA

Bago mapasó ang visa ng mag-asawang Sellars sa Samoa noong 1954, nagpasiya si Ron na kumuha ng permit para makapanirahan sa American Samoa sa halip na bumalik sa Australia. Isinulat ni Ron: “Nang lumapit ako sa attorney general ng American Samoa at nalaman niyang dahil sa aming relihiyon ay tinanggihan ng gobyerno ng Samoa ang aming aplikasyon para magkaroon ng visa, sinabi niya, ‘Ginoong Sellars, may kalayaan sa relihiyon dito sa American Samoa, at titiyakin kong magkakaroon ka ng visa.’”

Noong Enero 5, 1954, dumating sina Ron at Dolly sa Pago Pago, American Samoa. Bilang kondisyon, hiniling ng attorney general kay Ron na regular na pumunta sa kaniyang opisina para higit niyang makilala ang mga Saksi ni Jehova. Dahil dito, nagkaroon sila ng magagandang talakayan sa Bibliya.

Noong huling bahagi ng buwang iyon, inanyayahan ng attorney general sina Ron at Dolly na maghapunan sa kaniyang tahanan. Dahil inanyayahan din ang paring Katoliko roon at ang pastor ng London Missionary Society, nagkaroon sila ng umaatikabong talakayan sa Bibliya. “Nang matapos kami,” ang naalaala ni Ron, “pinasalamatan kaming lahat ng attorney general at sinabi, ‘Sa tingin ko, sina G. at Gng. Sellars ang pinakamahusay magpaliwanag sa gabing ito.’ Di-nagtagal, natanggap namin ang aming visa para permanenteng makapanirahan sa bansa. Nang maglaon, sinabi sa amin ng attorney general na tatanggapin ng gobyerno ang iba pang aplikasyon ng mga misyonerong Saksi para makapasok sa bansa, kaya kaagad ko itong ipinaalam sa tanggapang pansangay sa Australia.”

Ang unang Saksi na nag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova sa American Samoa ay ang 19-anyos na si Ualesi (Wallace) Pedro, na ipinanganak sa Tokelau. Ang kamag-anak niyang si Lydia Pedro, isang special pioneer sa Fiji, ay nag-iwan noon sa kuya ni Wallace ng aklat na “Hayaang ang Diyos ang Maging Tapat” nang dinalaw niya ito noong 1952. Nakita ng kabataang si Wallace ang aklat sa bahay ng kuya niya at pinag-aralan itong mabuti.

Nang masumpungan nina Ron at Dolly ang pamilyang Pedro noong 1954, nagdaos sila ng pag-aaral sa Bibliya sa kuya at ate ni Wallace. Naniniwala si Wallace sa Diyos na Jehova, pero dahil wala siyang tiwala noon sa relihiyon, atubili siyang sumali sa pag-aaral. Pero nang maglaon, nakumbinsi siya na katotohanan ang itinuturo ng mga Saksi ni Jehova, at regular na siyang dumadalo sa mga pulong sa Fagatogo. Mabilis ang kaniyang pagsulong, at noong Abril 30, 1955, nabautismuhan si Wallace sa Daungan ng Pago Pago.

Noong Enero 1955, isang taon pa lamang mula nang dumating sina Ron at Dolly, pito na ang dumadalo sa mga pulong na idinaraos sa kanilang simpleng tahanan sa Fagatogo. Halos walang kasangkapan ang bahay kaya sa sahig nauupo ang lahat. Di-nagtagal, tatlo sa mga baguhan ang sumama na rin kina Ron at Dolly sa ministeryo sa larangan. Bagaman kaunti lamang sila noong simula, kahanga-hangang pagsulong ang malapit nang maganap.

PAGDATING NG MGA MISYONERO NG GILEAD

Noong Pebrero 4, 1955, dalawang mag-asawang misyonero mula sa Estados Unidos ang dumating sa American Samoa, sina Paul at Frances Evans at Gordon at Patricia Scott. Nanirahan sila sa tahanan ng mga misyonero sa Fagatogo, kung saan matatanaw mula roon ang isang abalang pamayanan. Inilarawan ni Leonard (Len) Helberg, isang tagapangasiwa ng sirkito na dumalaw sa Pago Pago nang taóng iyon, ang eksena:

“Isang malaking apartment sa itaas ng isang lumang tindahan ang naging tahanan ng mga misyonero. Sa tabi nito, sa kabila ng batis, ay may bar kung saan pumupunta at nagkakasayahan sa gabi ang mga marino. Kapag umabot na sa kalsada ang gulo sa loob ng bar, darating ang hepe ng pulis sa lugar na iyon, isang maliit pero napakatapang na lalaki na may subong tabako. Hahawiin niya ang nagkakagulong mga tao at pagsususuntukin ang mga ito para patigilin. Dinig na dinig din ang mga sermon hinggil sa maapoy na impiyerno mula sa katabing simbahan. Mula naman sa beranda, makikita ang mga tao na humuhugos sa bangko minsan isang buwan sa araw ng suweldo ng gobyerno. Hahanapin naman ng mga misyonero ng ibang relihiyon, na nagmula sa iba’t ibang panig ng isla, ang miyembro ng kanilang simbahan para kolektahin ang ikapu bago pa magastos ng mga ito ang kanilang pera.”

Sa abalang lugar na iyon, marami ang nagpakita ng tunay na interes sa Bibliya. “Isang misyonero,” ang kuwento ni Len, “ang nagsisimula nang magdaos ng pag-aaral sa Bibliya nang alas seis ng umaga sa barberya sa tapat ng tahanan ng mga misyonero bago magsimulang magtrabaho ang may-ari nito. Pagkatapos, magdaraos siya ng pag-aaral sa isang panadero doon bago siya mag-uwi ng tinapay para sa agahan. Sa bandang hapon, magdaraos naman siya ng pag-aaral sa Bibliya sa isang grupo ng mga bilanggo sa may liwasang-bayan.” Sa katapusan ng taon, nakapagdaos ang mga misyonero ng humigit-kumulang 60 pag-aaral sa Bibliya sa 200 katao.

“LIBRENG PALABAS MAMAYANG GABI”

Ang palabas na The New World Society in Actione ang isa pang dahilan kung bakit marami sa lugar na iyon ang naging interesado sa katotohanan. Ang palabas na ito—na unang ginawa ng organisasyon matapos ang “Photo-Drama of Creation” mga 40 taon na ang nakalilipas—ay nagtatampok sa pambuong-daigdig na pangangaral at paglilimbag ng mga literatura at nagpapakita kung paano inoorganisa ang mga Saksi ni Jehova. Sa loob ng apat-na-linggong pagdalaw ni Len sa American Samoa noong 1955, 15 ulit niyang ipinapanood ang palabas sa kabuuang 3,227 katao, na may katamtamang bilang na 215 katao bawat palabas.

“Bago ang bawat palabas,” ang naalaala ni Len, “ipinapatalastas namin ito sa buong nayon. Namamahagi kami ng mga pulyeto sa mga taong nadaraanan namin. Kasabay nito, sumisigaw kami ng, ‘Libreng palabas mamayang gabi,’ at sasabihin din namin kung saang nayon ito gaganapin.”

Ang palabas na ito ay may malaking epekto sa mga tao. Pagkatapos ng bawat palabas, gusto ng mga nakapanood na matuto pa nang higit tungkol sa mga Saksi ni Jehova at sa kanilang mga turo. Sa halip na hintayin ang mga Saksi na bumalik sa kanilang tahanan, marami sa mga interesado ang pumupunta mismo sa tahanan ng mga misyonero, kung saan sabay-sabay na nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya ang mga misyonero sa iba’t ibang bahagi ng bahay. Kapag umalis ang isang grupo, isang grupo naman ang papalit. “Maraming taon na ang lumipas,” ang naalaala ni Ron Sellars, “iniuugnay pa rin ng mga tao ang mga Saksi ni Jehova sa magagandang bagay na napanood nila sa palabas na iyon.”

NAAABOT ANG MGA PUSO DAHIL SA TIYAGA SA PANGANGARAL

Makalipas ang dalawang buwan mula nang dumalaw si Len Helberg, ang unang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa American Samoa ay itinatag sa Fagatogo. Sa loob lamang ng isang taon, naging 22 ang dating 14 na mamamahayag sa kongregasyon. Noong mga panahon ding iyon, dalawa pang special pioneer, sina Fred at Shirley Wegener, ang dumating mula sa Australia para tumulong sa lumalagong kongregasyon. Ngayon, si Fred ay miyembro ng Komite ng Bansa sa Samoa.

Ang mga mamamahayag, payunir, at misyonerong ito ay ‘nagniningas sa espiritu.’ (Roma12:11) “Dahil sa pagtitiyaga ng mga mamamahayag,” ang isinulat ni Len, “marami ang naging interesado, at noong kalagitnaan ng dekada ng 1960, may mga pagkakataong nagdaraos ang mga kapatid ng pag-aaral sa Bibliya sa bawat bahay sa nayon ng Fagatogo. Noong mga taóng iyon, nadadalaw rin buwan-buwan ang bawat bahay sa isla.”

Ang kampanyang ito ng malawakang pangangaral ay nakaimpluwensiya sa kaisipan ng mga tao hinggil sa mga turo ng Bibliya. “Alam ng halos lahat ng tagarito na sa lupa ang buhay na walang hanggan,” ang sabi ni Len, “na walang maapoy na impiyerno, at na walang malay ang mga patay. Natutuhan ng mga tao ang saligang mga turong ito, hindi sa kanilang simbahan, kundi sa mga Saksi ni Jehova. Nakakausap kasi namin sila nang personal, at nagpapaliwanag kami gamit ang kanila mismong Bibliya.”

Magkagayunman, dahil sa relihiyon at ugnayan ng pamilya, nahirapan ang marami na kumilos ayon sa kanilang natututuhan. Mas pinili ng iba ang mababang moralidad na kinukunsinti ng simbahan kaysa sa mataas na pamantayang moral na hinihiling sa mga tunay na Kristiyano. Gayunman, gaya ng naglalakbay na mangangalakal sa ilustrasyon ni Jesus, may tapat-pusong mga indibiduwal na itinuturing ang katotohanan bilang isang perlas na may mataas na halaga, at nanghawakan sila rito. Marami sa taimtim na mga tagaislang iyon ang lakas-loob na nanindigan sa katotohanan.—Mat. 13:45, 46.

PANGANGARAL—SA PARAAN NG MGA TAGA-SAMOA

“Ang sarap mangaral noong kasisimula pa lang ng gawain sa bansa,” ang naalaala ni Caroline Pedro, isang payunir mula sa Canada na napangasawa ni Wallace Pedro noong 1960. “Halos sa bawat bahay, may interesadong makipag-usap tungkol sa Bibliya. Madaling makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya, at madalas na buong pamilya ang nakikinig.

“Hindi ko malilimutan ang pangangaral sa malalayong nayon. Karaniwan nang sinasamahan kami ng mga bata sa aming pagbabahay-bahay at nakikinig silang mabuti sa presentasyon namin. Pagkatapos, tatakbo sila sa susunod na bahay para sabihan ang naroroon na paparating na kami. Sinasabi pa nga nila sa may-bahay kung ano ang ipinakikipag-usap namin at ang mga tekstong binabasa namin! Dahil dito, naghanda kami ng maraming presentasyon para hindi kami maunahan ng mga bata.”

Palaisip din ang mga kapatid sa kabutihang-asal at sa lokal na mga kaayusan habang nangangaral sila. (1 Cor. 9:20-23) Ganito ang isinulat ng dating misyonero na si Charles Pritchard, na ngayo’y miyembro ng Komite ng Sangay sa New Zealand: “Dahil mainit ang klima roon, ang mga fale (bahay) sa nayon ay walang mga dingding, kaya madali naming makita kung may tao sa loob. Itinuturing na kawalang-galang ang magsalita nang nakatayo o nang hindi pa pormal na tinatanggap ng may-bahay. Kaya paglapit namin sa bawat bahay, tahimik muna kaming maghihintay hanggang sa mapansin kami. Pagkatapos, sa loob ng bahay, maglalagay ang may-bahay ng isang malinis na banig sa sahig na yari sa maliliit na bato. Ibig sabihin nito, huhubarin namin ang aming mga sapatos, papasok sa loob, at sasalampak sa banig nang magkasalikop ang aming mga binti.” Napakahirap para sa maraming misyonero na maupo nang matagal sa gayong posisyon. Mabuti na lamang at pinahihintulutan ng kaugalian doon na iunat nila ang kanilang mga paa at takpan iyon ng banig. Kaya naiiwasan nilang iharap sa may-bahay ang kanilang mga paa nang walang takip—isang napakalaking insulto para sa mga taga-Samoa.

“Pormal kaming tatanggapin ng may-bahay at sasabihin sa amin na pinararangalan namin sila dahil dinala namin ang mensahe ng Bibliya sa kanilang simpleng tahanan,” ang sabi ni John Rhodes, na naglingkod bilang misyonero sa Samoa at American Samoa sa loob ng 20 taon. “Pagkatapos, mauuwi ang pag-uusap sa personal na mga bagay: Tagasaan kayo? May mga anak ba kayo? Saan kayo nakatira?”

Ganito pa ang sinabi ng asawa ni John na si Helen: “Kapag nakikipag-usap sa may-bahay, lagi kaming gumagamit ng magagalang na salitang karaniwang ginagamit sa pormal na mga okasyon. Ang gayong magalang na pananalita ay nagpaparangal sa may-bahay at sa mensahe ng Bibliya.”

“Sa pamamagitan ng mga introduksiyong ito,” ang sabi ni Caroline Pedro, “nakilala namin ang mga tao at ang kanilang pamilya, at nakilala rin nila kami. Nakatulong ito para mas mabisa naming maituro sa kanila ang mensahe ng Bibliya.”

Kapag natapos na ang pagpapakilala, maaari nang iharap ng mga mamamahayag ang mensahe ng Kaharian. “Kaugalian doon na hangga’t gusto naming magsalita, makikinig ang may-bahay,” ang naalaala ng dating misyonero na si Robert Boies. “Pagkatapos, uulitin nila ang maraming bagay na sinabi namin para ipakitang mahalaga sa kanila ang aming mensahe.”

Dahil pamilyar sa Bibliya ang mga tao, karaniwan ang mahahabang talakayan tungkol sa mga turo ng Bibliya. “Nakatulong ang mga talakayang ito para lumalim ang unawa ko sa iba’t ibang paksa sa Bibliya,” ang sabi ni Caroline Pedro. Marami sa mga may-bahay ang agad na tumatanggap ng mga literatura. Nang maglaon, alam na ng mga mamamahayag kung nag-uusyoso lamang ang mga tao o kung talagang interesado sila sa mga turo ng Bibliya.

Marami sa mga bagong interesado na dumadalo sa mga pulong ang sabik nang makibahagi sa ministeryo sa larangan. “Likas na mahuhusay magsalita sa madla ang mga taga-Samoa,” ang sabi ni John Rhodes, “at marami sa mga baguhan ang kaya nang magpahayag ng kanilang pananampalataya kahit kaunti lamang ang kanilang pagsasanay o kahit wala pa nga. Gayunman, hinihimok pa rin namin silang gamitin ang mga mungkahi sa pangangaral na nasa ating mga publikasyon at mangatuwiran sa mga tao gamit ang Kasulatan sa halip na magtiwala lamang sa kanilang likas na kakayahan sa pagsasalita.” Dahil sa gayong mainam na pagsasanay, marami ang naging mahuhusay na ebanghelisador nang maglaon.

PUBLIKASYON SA WIKANG SAMOANO—ANG EPEKTO NITO

Bagaman maraming taga-Samoa ang mahusay magsalita ng Ingles, ang ilan nama’y hindi. Para maabot ang puso ng mga tagaislang ito na umiibig sa katotohanan, isinalin ni Pele Fuaiupolu ang apat na tract sa wikang Samoano noong 1954. Si Pele ang naging pangunahing tagapagsalin ng organisasyon para sa wikang Samoano sa loob ng maraming taon. Madalas na gabing-gabi na niyang iminamakinilya ang mga naisalin niyang tract gamit ang isang lumang makinilya at gasera lamang ang ilaw niya.

Bukod pa sa pagsasalin, si Pele ay nag-aasikaso rin ng kaniyang asawa at walong anak, nangunguna sa mga gawain ng kongregasyon, at nagtatrabaho nang lima at kalahating araw bawat linggo bilang inspektor ng mga taniman ng kakaw sa iba’t ibang bahagi ng mga isla. Ganito ang isinulat ni Len Helberg: “Noong panahong napakarami niyang ginagawa, hindi hinangad ni Pele na parangalan siya ni papurihan man. Sa halip, gayon na lamang ang pagpapahalaga niya sa pribilehiyo na ginagamit siya ni Jehova sa gawaing ito. Dahil sa kaniyang katapatan, kapakumbabaan, at kasigasigan, masasabing isa siyang napakahusay na Saksi—isa na lubhang hinahangaan at minamahal naming lahat.”

Noong 1955, ipinamahagi ng mga mamamahayag ang 16,000 kopya ng 32-pahinang buklet na “Ang Mabuting Balitang Ito ng Kaharian” sa wikang Samoano. Iniharap nito ang saligang mga turo ng Bibliya sa simpleng pananalita at sa paraang madaling maunawaan, kaya tamang-tama ito para sa pagpapasimula at pagdaraos ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ganito ang isinulat ni Richard Jenkins: “Pagkatapos pag-aralan ang buklet nang ilang ulit, handa nang magpabautismo ang mga baguhan. Gustung-gusto namin ang buklet na ito!” Di-nagtagal, nagkaroon din ng iba pang mga buklet sa wikang Samoano.

Unang nagkaroon ng Ang Bantayan sa wikang Samoano noong 1958. Si Fred Wegener, isang bihasang tagaimprenta, ang gumawa ng mga magasin sa pamamagitan ng pagsasama-sama at pag-i-staple sa mga papel na nakamimyograp. Nang maglaon, inimprenta na ito sa Estados Unidos at pagkatapos ay sa Australia. Isinalin din ang ilan sa ating mga publikasyon, at ang mga bahagi nito ay inilalabas buwan-buwan sa isyu ng Bantayan sa wikang Samoano. Mula noong unang bahagi ng dekada ng 1970, naging mabilis ang pagsulong ng gawaing pangangaral dahil ang mga aklat ay makukuha na nang buo sa wikang Samoano.

Ang mga aklat na ito na inilimbag ng organisasyon ay malawakang naipamahagi sa lahat ng mga isla ng Samoa. Noong 1955, nang ipamahagi ng mga mamamahayag ang aklat na Maaari Kayong Makaligtas sa Armagedon Tungo sa Bagong Sanlibutan ng Diyos, karamihan sa mga pamilya sa American Samoa ay nakakuha ng kopya. “Binabasa ng mga tao ang kanilang Bibliya, pero hindi pa naririnig ng marami ang tungkol sa Armagedon,” ang isinulat ni Wallace Pedro. “Pero matapos mabasa ng mga pamilya ang aklat na ito, madalas na sumisigaw ang mga bata ng ‘Narito na ang Armagedon!’ kapag dumarating kami sa nayon. Armagedon pa nga ang ipinangalan ng ilang magulang sa kanilang mga anak.”

Ganiyan din ang epekto nang ilabas ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan sa wikang Samoano noong 1972. Noong una itong ilabas, dalawa o higit pang mga karton ang naipamahagi ng maraming misyonero bawat buwan sa mga taong sabik na makabasa nito. “Lumalapit sa amin ang mga tao sa pamilihan doon,” ang naalaala ni Fred Wegener, “at dumudungaw pa nga sila sa bintana ng bus para humingi ng kopya ng aklat na Katotohanan.”

NAPATIBAY NG MGA ASAMBLEA

Noong Hunyo 1957, sabik na sabik ang mga kapatid dahil idaraos sa Pago Pago, American Samoa ang kauna-unahang pansirkitong asamblea. Maraming mamamahayag mula sa Samoa ang nagsidating sakay ng bangka para dumalo sa programa. Dahil gusto ng mga kapatid na makapag-anyaya ng marami, inianunsiyo nila sa mga isla ang gaganaping asamblea sa wikang Ingles at Samoano. Dahil dito, tuwang-tuwa ang 60 mamamahayag sa Samoa at American Samoa nang 106 ang dumalo sa panimulang sesyon noong Biyernes.

Sa asambleang iyon, nagkaroon ng di-inaasahang mga pangyayari noong panahon ng pananghalian dahil sa kultura ng mga taga-Samoa at sa pag-uusyoso ng mga tao. “Mahalagang bahagi ng kultura ng mga taga-Samoa ang pagkain,” ang isinulat ni Ron Sellars, “at kaugalian nilang anyayahan ang mga dumaraan para saluhan sila sa pagkain. Pero nang anyayahan ng mga kapatid ang maraming nag-uusyoso na saluhan sila sa pananghalian, nabigatan ang departamento na nangangasiwa sa pagkain dahil tamang-tama lamang para sa mga kapatid na dumalo ang inihanda nila.”

Magkagayunman, ang mga oras ng pagkain ay naging magandang patotoo sa mga nag-uusyoso. Sa espesyal na mga okasyon sa Samoa, kaugalian nila roon na nauunang kumain ang mga lalaki bago ang mga babae at mga bata. Hindi nauupong kasama ng iba ang mga dayuhan at mga ministro ng relihiyon, at espesyal ang inihahain sa kanila. Pero sa asamblea, nakita ng mga tao na masayang kumakain nang magkakasama ang mga dayuhang misyonero at mga pamilyang tagaroon. Kitang-kita ng lahat ang pag-ibig at pagkakaisa sa gitna ng bayan ni Jehova.

Ang gayong mga asamblea ay hindi lamang naglaan ng pampatibay-loob at pagsasanay sa mga kapatid kundi naihanda rin sila sa matitinding pagsubok na malapit na nilang maranasan.

APOSTASYA SA APIA

Kapansin-pansin na kasabay ng nakapagpapasiglang pagsulong na nagaganap sa mga isla, may lumitaw ring problema sa Samoa. Ilang indibiduwal, na pinangungunahan ng isang matai (pinuno ng pamilya) na matigas ang ulo, ang hindi sumusunod sa maka-Diyos na mga tagubilin at nagdudulot ng problema sa Kongregasyon ng Apia. Dahil idinaraos ang mga pulong sa bahay ng lalaking iyon, lalong tumindi ang tensiyon sa kongregasyon.

Sa wakas, noong 1958, humiwalay sa kongregasyon ang mga masuwaying iyon at bumuo ng sarili nilang grupo. Si Douglas Held, na naglilingkod noon sa sangay sa Australia at dumadalaw sa Fiji noong mga panahong iyon, ay pumunta sa Samoa para tulungan ang mapagreklamong mga kapatid doon. Bagaman lubhang napatibay ng kaniyang mahusay at maka-Kasulatang mga payo ang tapat na mga kapatid sa kongregasyon, 25 porsiyento ng mga dumadalo ang sumama nang maglaon sa mga masuwayin. Dahil sa kanilang pagiging mapagmataas, hindi sila nagpasakop kaya itiniwalag sila sa kongregasyon.

Pero di-nagtagal, naging malinaw kung saan kumikilos ang espiritu ni Jehova. Nagkawatak-watak din ang grupo ng mga masuwayin at walang nangyari sa kanila. Samantala, tumaas nang 35 porsiyento ang bilang ng mga mamamahayag sa Kongregasyon ng Apia noong taóng iyon. Pansamantalang idinaos muna ang mga pulong noon sa bahay nina Richard at Gloria Jenkins malapit sa ospital ng Apia. Pero nang bandang huli, lumipat ang kongregasyon sa bahay ni Maatusi Leauanae sa Faatoia, Apia. Dito talagang makikita ang tunay na espiritu ng pag-ibig at pagtutulungan sa gitna ng mga kapatid. Ang unang Kingdom Hall sa Apia ay itinayo nang maglaon sa lupaing pag-aari ni Maatusi, sa tulong ng isang kongregasyon sa Sydney, Australia.

NAKAPAGPAPATIBAY NA PAGSASAMAHAN

Lalo pang napatibay ang Kongregasyon ng Apia noong 1959 nang pahintulutan ng gobyerno ng Samoa ang limang misyonero mula sa American Samoa na makadalo sa unang pansirkitong asamblea na idinaos sa Apia. Tuwang-tuwa ang lahat nang 288 ang dumalo at 10 ang nabautismuhan! Makalipas ang dalawang taon, idinaos din ang unang pandistritong kombensiyon sa isang lumang ospital doon na pinangangasiwaan noon ng mga Aleman, malapit sa hotel na White Horse Inn. Maraming kapatid mula sa malalayong lugar gaya ng New Zealand ang dumalo sa mahalagang kombensiyong iyon.

Ang gayong mga pagtitipon ay naglaan ng mahalagang pagsasanay sa mga brother hinggil sa pag-oorganisa ng mga asamblea. Kaya nang tumanggi ang gobyerno ng Samoa na papasukin sa bansa ang mga naglalakbay na tagapangasiwa at misyonero, nagawa ng mga kapatid na makapag-organisa ng sarili nilang mga asamblea. Noong 1967, nakapagsaayos pa nga sila at nakapagharap ng isang-oras na drama sa Bibliya na may kostiyum—ang kauna-unahang drama sa Samoa. Ang dramang iyon, na salig sa probisyon ng Diyos sa sinaunang Israel may kinalaman sa mga kanlungang lunsod, ay naaalaala pa rin ng mga nagsidalo.

Noong mga panahong iyon, nagkaroon din ng mga kombensiyon sa American Samoa at Fiji na dinaluhan ng mga kapatid mula sa kalapít na mga isla. Ang mga mamamahayag sa Samoa ay dumalo rin sa mga kombensiyong iyon kahit na nangailangan ng pagsisikap at pagsasakripisyo ang pagpunta roon. Halimbawa, kapag dumadalo sila ng pandistritong kombensiyon sa Fiji, hindi lamang sila gumagastos sa pamasahe at pagkain, kundi halos isang buwan din silang hindi nakakauwi.

SUMUSULONG ANG GAWAIN SA AMERICAN SAMOA

Noong 1966, tuwang-tuwa ang mga kapatid sa American Samoa nang idaos ang “Paglaya ng mga Anak ng Diyos” na Pandistritong Asamblea sa Pago Pago. Ang makasaysayang kombensiyong ito ay dinaluhan ng walong grupo na iba’t iba ang wika at binubuo ng 372 delegado mula sa Australia, Fiji, New Caledonia, New Zealand, Niue, Samoa (dating Kanlurang Samoa), Tahiti, Tonga, at Vanuatu (dating New Hebrides). Sa pagdating ng mga delegado sa lugar ng kombensiyon, tumaas ang bilang ng mga Saksi roon anupat 1 Saksi sa bawat 35 tagaroon ang naging proporsiyon, bagaman 28 lamang ang mga mamamahayag sa kongregasyon doon noong panahong iyon!

Paano naasikaso ng iilang mamamahayag ang gayon karaming bisita? “Wala kaming naging problema sa paghanap ng matutuluyan ng napakaraming delegado,” ang naalaala ni Fred Wegener. “Mapagpatuloy kasi ang mga tagaroon at malugod nilang tinanggap ang mga kapatid, na ikinainis naman ng relihiyosong mga lider.”

Maganda ang naging epekto ng kombensiyong ito sa Kongregasyon ng Pago Pago. Sa loob ng anim na buwan, tumaas ng 59 na porsiyento ang bilang ng dumadalo sa mga pulong at maraming baguhan ang naging kuwalipikadong mamamahayag ng mabuting balita. “Napasigla rin nito ang kongregasyon na magtayo ng mas angkop na dako para sa mga pulong,” ang isinulat ni Ron Sellars. Yamang kaunti lamang ang bakanteng lote sa isla ng Tutuila, kung saan matatagpuan ang Pago Pago, may-kabaitang ipinagamit sa kongregasyon sa loob ng 30 taon ng isang mamamahayag na tagaroon ang kaniyang lote sa Tafuna na nasa kanlurang bahagi ng lunsod.

“Ang lupa ay mas mababa pa sa kapantayan ng dagat,” ang sabi ni Fred Wegener, “kaya ang mga mamamahayag sa kongregasyon ay nanguha ng mga batong mula sa bulkan sa loob ng tatlong buwan para gawing panambak upang tumaas ang mga pundasyon ng Kingdom Hall.”

Noong kinailangan nang buhusan ng kongkreto ang sahig ng Kingdom Hall, isang paring Katolikong tagaroon, na regular na nagbabasa ng Ang Bantayan at Gumising!, ang nagpahiram sa mga kapatid ng makinang panghalo ng semento na pag-aari ng simbahan. “Nang bandang huli,” ang isinulat ni Ron Sellars, “nang mabasa ng paring ito ang isang artikulo sa Gumising! tungkol sa pag-aasawa, agad siyang umalis sa pagpapari para mag-asawa.”

Ang mga kapatid mula sa ibang bansa ay bukas-palad na tumulong sa pagtatayo ng Kingdom Hall na ito. Sina Gordon at Patricia Scott, dalawa sa mga unang misyonerong naglingkod sa American Samoa na bumalik na sa Estados Unidos, ay nagbigay ng mga upuan mula sa kanilang kongregasyon para gamitin sa bagong Kingdom Hall. “Pagkatapos, ang sobrang mga upuan ay ibinenta namin sa isang lokal na sinehan,” ang sabi ni Ron Sellars, “at iyon ang ipinambayad namin sa nagastos sa pagpapadala ng mga upuan sa isla!” Ang bagong Kingdom Hall sa Tafuna na kasya ang 130 katao ay naitayo at inialay noong 1971. Nang bandang huli, naglagay ng mga tuluyan para sa mga misyonero sa ikalawang palapag ng Kingdom Hall.

NABUKSAN ANG GAWAIN SA SAMOA

Hanggang 1974, nalimitahan ang gawain sa Samoa dahil sa mga pagbabawal ng gobyerno na makapasok sa bansa ang mga misyonerong Saksi. Nang taóng iyon, ang mga kapatid na nangangasiwa roon ay lumapit mismo sa punong ministro para ipakipag-usap ito. Isa sa mga kapatid na ito ay si Mufaulu Galuvao, na sumulat: “Sa aming pag-uusap, natuklasan namin na isang opisyal ng gobyerno ang bumuo ng isang komite para tingnang muli ang lahat ng aplikasyon ng mga misyonero. Ang komiteng ito ay hindi awtorisado at binubuo ng mga taong sumasalansang sa ating relihiyon. Kaagad nilang ibinasura ang aming aplikasyon nang hindi man lamang ipinaalam sa punong ministro.

“Hindi alam ng punong ministro ang pakanang ito; kaya agad niyang inutusan ang punong opisyal ng imigrasyon na dalhin sa kaniya ang mga dokumento ng mga Saksi ni Jehova. Habang naroroon kami, binuwag niya ang komiteng iyon at binigyan sina Paul at Frances Evans ng tatlong-taóng visa bilang mga misyonero at puwede pa silang muling bigyan ng visa kapag napasó na ito.” Isa ngang napakagandang balita! Matapos ang 19 na taon ng pagtitiyaga, pinahintulutan na rin silang pumasok sa Samoa bilang mga misyonero.

Nakitira muna sina Paul at Frances kay Mufaulu Galuvao at sa pamilya nito. Pero nang dumating sina John at Helen Rhodes noong 1977, lumipat ang dalawang mag-asawa sa inuupahang tahanan ng mga misyonero sa Vaiala, sa Apia. Dumating din ang iba pang mga misyonero gaya nina Robert at Betty Boies noong 1978, David at Susan Yoshikawa noong 1979, at Russell at Leilani Earnshaw noong 1980.

PAKIKIBAGAY SA BUHAY SA ISLA

Agad natutuklasan ng banyagang mga Saksi na lumipat sa Samoa sa nakalipas na mga taon na kahit sa paraisong ito, ang buhay ay may mga hamon din. Isa sa mga hamong ito ang transportasyon. Isinulat ni John Rhodes, “Sa unang dalawang-taóng paglilingkod namin bilang mga misyonero sa Apia, madalas kaming naglalakad nang pagkalalayo para mangaral o dumalo sa mga pulong. Para marating namin ang iba’t ibang lugar, sumasakay kami sa makukulay na bus na karaniwan sa isla.”

Ang mga sasakyang ito na punô ng mga palamuti ay karaniwan nang may cabin na gawa sa kahoy at nasa likod ng trak. Masikip sa loob nito dahil kung anu-ano ang dala ng mga pasahero—mula sa mga kagamitan sa pagsasaka hanggang sa mga sariwang prutas at gulay. Malalakas ang tugtugan at masasaya ang kantahan anupat para bang may pista sa loob ng bus. Walang takdang oras ang pagdating ng mga bus, kung saan-saan humihinto ang mga ito, at pabagu-bago rin ang mga ruta nito. Binanggit ng isang aklat sa pamamasyal na ang bus patungong Vava‘u ay hindi nahuhulí dahil dumarating ito kung kailan nito gusto.

“Kapag may gusto kaming bilhin sa daan,” ang sabi ni John, “sasabihin lang namin sa drayber na huminto. Pagkatapos naming bumili, babalik ulit kami sa bus at magpapatuloy sa aming biyahe. Sa kabila nito, wala namang nagrereklamo.”

Kapag punô na ang bus, kumakandong ang mga bagong pasahero sa mga nakaupo. Kaya natutuhan agad ng mga lalaking misyonero na kandungin ang kanilang asawa. Sa katapusan ng biyahe, madalas na kinukuha ng mga bata’t matanda ang kanilang pamasahe sa kanilang tainga—isang kumbinyenteng lalagyan ng barya!

Para marating ang ibang mga isla, sumasakay ng eroplano o ng bangka ang mga misyonero at mamamahayag. Mapanganib kung minsan ang paglalakbay at di-naiiwasan ang pagkaantala. “Kailangan naming maging matiisin at maging mapagpatawa,” ang sabi ni Elizabeth Illingworth, na maraming taon nang kasama ng kaniyang asawang si Peter sa gawaing pansirkito sa buong Timog Pasipiko.

Ang malalakas na pag-ulan ay maaari ding magpahirap sa paglalakbay—lalo na sa panahong madalas ang buhawi. Nang subukan ng misyonerong si Geoffrey Jackson na tawirin ang isang umaapaw na sapa para makadalo sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, nadulas siya at bumagsak sa rumaragasang tubig. Basang-basa siya at nanlilimahid, pero tumuloy pa rin siya sa pulong. Pagdating doon, pinagpalit siya ng damit ng may-bahay at ipinasuot sa kaniya ang isang mahaba at itim na lavalava (isang malaking tela na itinatapis ng mga Polynesian). Hindi napigilan ng mga kasama niya na tumawa nang mapagkamalan siyang isang paring Katoliko ng isang bagong interesado na dumalo noon sa pulong! Naglilingkod ngayon si Brother Jackson bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala.

Kasama sa iba pang mga hamong napaharap sa mga bagong-dating ay ang matuto ng bagong wika, masanay sa mainit na klima, dumanas ng di-pangkaraniwang mga sakit, magkaroon ng di-gaanong maalwang buhay, at mabiktima ng nangangagat na mga insekto. “Nagsikap nang husto ang mga misyonero para tulungan kami,” ang isinulat ni Mufaulu Galuvao, “at bilang pasasalamat, ipinangalan ng maraming magulang sa kanilang mga anak ang pangalan ng minamahal na mga misyonerong ito na maibiging tumulong sa kanila.”

NARINIG SA SAVAII ANG MABUTING BALITA

Ituon naman natin ngayon ang ating pansin sa pinakamalawak at pinakamaganda sa mga isla ng Samoa, ang Savaii. Malaking bahagi ng islang ito ang hindi pa natitirhan at makikita rito ang matataas na bundok, bulubundukin na may mga 450 bunganga ng bulkan, halos di-mapasok na mga kagubatan, at malalawak na lugar na naagusan noon ng lava. Ang karamihan sa mga residente ay naninirahan sa maliliit at magkakahiwalay na nayon na nasa baybayin. Unang nakarating ang mabuting balita sa Savaii noong 1955. Dumalaw sandali si Len Helberg at ang isang grupo ng mga mamamahayag mula sa isla ng Upolu para ipalabas ang The New World Society in Action.

Pagkalipas ng anim na taon, inimbitahan ang dalawang misyonera—si Tia Aluni, ang unang taga-Samoa na nakapag-aral sa Gilead, at ang kaniyang kasama, si Ivy Kawhe—na lumipat sa Savaii mula sa American Samoa. Nang dumating sila noong 1961, nanuluyan ang dalawang sister sa may-edad nang mag-asawa na nakatira sa Fogapoa, isang nayon na matatagpuan sa silangang bahagi ng isla. Nang maglaon, sumama sa kanila nang ilang panahon ang isang sister na special pioneer na dating nakatira sa Savaii. Para pasiglahin at suportahan ang bagong grupo na binubuo ng anim hanggang walo katao, bumibisita ang mga kapatid na lalaki mula sa Apia minsan sa isang buwan at nagbibigay ng mga pahayag pangmadla. Ang mga pulong na ito ay idinaraos sa isang maliit na fale sa Fogapoa.

Nanatili sina Tia at Ivy sa Savaii hanggang 1964, nang atasan sila sa ibang isla. Sa sumunod na sampung taon, hindi gaanong sumulong ang gawaing pangangaral sa Savaii. Pero simula noong 1974, may ilang pamilya na lumipat sa Savaii para muling pasiglahin ang gawain doon. Kasama rito sina Risati at Mareta Segi, Happy at Maota Goeldner-Barnett, Faigaai Tu, Palota Alagi, Kumi Falema‘a (ngayo’y Thompson), at Ron at Dolly Sellars, na lumipat mula sa American Samoa. Ang maliit na grupo na nabuo sa Fogapoa ay nagpupulong sa fale ng mga Segi, na matatagpuan malapit sa dalampasigan. Nang maglaon, nagtayo ng tahanan ng mga misyonero at ng Kingdom Hall malapit dito. Nang dakong huli, isa pang grupo ang naitatag sa Taga, isang nayon na nasa kanlurang baybayin ng Savaii.

Simula noong 1979, maraming mag-asawang misyonero ang ipinadala sa Savaii para tulungan ang mga mamamahayag doon. Kasama rito sina Robert at Betty Boies, John at Helen Rhodes, Leva at Tenisia Faai‘u, Fred at Tami Holmes, Brian at Sue Mulcahy, Matthew at Debbie Kurtz, at Jack at Mary Jane Weiser. Dahil naging mabuting halimbawa sa ministeryo ang mga misyonero, ang gawain sa Savaii ay patuloy na sumulong.

Gayunpaman, malakas pa rin ang impluwensiya ng mga tradisyon at ugnayang pampamilya sa mga taga-Savaii. Isa sa bawat tatlong nayon ang nagbabawal sa mga Saksi ni Jehova na mangaral sa kanilang komunidad, at inianunsiyo pa nga ito ng ilan sa mga radyo. Kaya nangailangan ng malaking panahon at pagtitiyaga para tulungang sumulong ang mga baguhan. Gayunpaman, marami pa rin ang naging Saksi, at ang ilan sa kanila ay may malulubhang problema pa nga sa kalusugan.

BINABATA ANG MGA PROBLEMA SA KALUSUGAN PARA MAKAPAGLINGKOD KAY JEHOVA

Isa sa mga ito si Metusela Neru, na nahulog sa kabayo at nabali ang likod noong siya ay 12 taóng gulang. “Matapos siyang maaksidente,” ang sabi ng isang misyonera, “para na siyang kuba kung maglakad, at lagi siyang nakakaramdam ng kirot.” Nang mag-aral ng Bibliya si Metusela sa edad na 19, buong-katatagan niyang binatá ang pagsalansang ng kaniyang pamilya. Dahil sa kaniyang kapansanan, mahirap para sa kaniya ang maglakad papunta sa mga pulong ng kongregasyon anupat inaabot ng 45 minuto ang limang-minutong lakarín. Gayunpaman, sumulong sa espirituwal si Metusela at nabautismuhan noong 1990. Nang maglaon, pumasok siya sa buong-panahong ministeryo bilang regular pioneer at naging isang elder. Mula noon, mahigit 30 sa kaniyang mga kamag-anak ang dumalo na sa mga pulong sa Faga, at ang ilan sa kanila ay nabautismuhan na. Sa ngayon, kahit na may mga problema sa kalusugan si Metusela, kilala siya na palangiti at masayahin.

Ang isa pang kapatid na nakapagbata ng malulubhang problema sa kalusugan para makapaglingkod kay Jehova ay si Saumalu Taua‘anae. Dahil sa ketong, nasira ang hitsura ni Saumalu. Nakatira siya sa malayong nayon ng Aopo. Dahil napakalayo ng nayon nila, nag-aral siya ng Bibliya sa pamamagitan ng pakikipagsulatan kay Ivan Thompson. Pagkatapos, nang lumipat sa Savaii si Asa Coe, isang special pioneer, siya na ang nagdaos ng pag-aaral kay Saumalu. Nang unang dumalo sa pulong si Saumalu noong 1991, kinailangan niyang magmaneho nang dalawang oras papunta sa Taga, isang nayon na nasa kabilang ibayo ng isla.

Hiyang-hiya si Saumalu sa kaniyang nasirang hitsura anupat nang unang beses siyang dumalo sa araw ng pantanging asamblea, pinakinggan na lamang niya ang programa sa kaniyang kotse. Pero naantig ang damdamin niya nang may-kabaitan siyang lapitan ng mga kapatid sa panahon ng pananghalian at buong-puso siyang anyayahan na makinig ng programa kasama ng iba pang tagapakinig. Malugod niyang tinanggap ang kanilang maibiging paanyaya at nasiyahan sa programa.

Di-nagtagal, si Saumalu at ang kaniyang asawang si Torise ay dumadalo na sa mga pulong sa Faga na mahigit isang oras ang biyahe. Nabautismuhan si Saumalu noong 1993, at sa kalaunan ay naging kuwalipikadong maging ministeryal na lingkod. Nang maglaon, kinailangan ng mga doktor na putulin ang isa niyang binti, pero nakapagmamaneho pa rin siya papunta sa mga pulong. Ipinagbawal sa kanilang nayon na mangaral ang mga Saksi ni Jehova; kaya naman, sina Saumalu at Torise ay masigasig na nagpatotoo sa iba nang di-pormal at sa pamamagitan ng telepono.

Sa ngayon, nakatira sila sa Apia kung saan regular na nagpapagamot si Saumalu dahil sa kaniyang mga problema sa kalusugan. Sa halip na maghinanakit, kilala siya na masayahin at may positibong pananaw sa buhay. Siya at ang kaniyang asawa ay lubhang iginagalang dahil sa kanilang matibay na pananampalataya.

MGA PAGSUBOK SA TOKELAU

Ang Tokelau ay binubuo ng tatlong nakabukod na isla ng mga korales na matatagpuan sa hilagang bahagi ng Samoa. Unang narinig dito ang mensahe ng Kaharian noong 1974. Nang taóng iyon, bumalik sa Tokelau si Ropati Uili, isang doktor, pagkatapos niyang mag-aral ng medisina sa Fiji. Ang kaniyang maybahay na si Emmau ay isa nang bautisadong Saksi, samantalang siya nama’y nakipag-aral sa mga Saksi ni Jehova nang sandaling panahon noong nasa Fiji siya.f

Sa Tokelau, natuklasan ni Ropati na bautisadong Saksi rin ang isa pang doktor na si Iona Tinielu at ang kaniyang asawang si Luisa. Nakilala rin ni Ropati ang isa pang interesado, si Nanumea Foua, na ang mga kamag-anak ay mga Saksi ni Jehova rin. Ang tatlong lalaking ito ay nagsaayos ng regular na mga pagpupulong sa Bibliya at mga pahayag pangmadla, at di-nagtagal, 25 na ang katamtamang bilang ng dumadalo. Ang tatlo at ang kani-kanilang pamilya ay nagsimula ring magpatotoo sa iba nang di-pormal.

Pero hindi lahat ay natuwa sa ginagawa nila. Dahil sa panunulsol ng isang pastor ng London Missionary Society, ipinatawag ng konseho ng matatanda sa isla ang tatlong ulo ng pamilya. “Inutusan nila kaming itigil ang aming mga pulong,” ang naalaala ni Ropati, “dahil kung hindi, susunugin daw kami nang buháy sa aming bahay o kaya nama’y ipapaanod kami sa isang balsa. Sinubukan naming magpaliwanag sa kanila gamit ang Kasulatan pero matigas sila. Inaasahan nilang igagalang ang kanilang awtoridad anuman ang mangyari.” Pagkatapos marinig ang ultimatum na ito, nagpasiya ang mga pamilya na idaos ang kanilang mga pulong nang palihim para hindi ito makatawag ng pansin.

Pero ang pagsalansang na ito ay simula pa lamang ng kanilang mga problema. Pagkatapos ng labindalawang taon, nang tanggapin ng ate at bayaw ni Ropati ang katotohanan at magbitiw sa kanilang simbahan, pinalayas ng matatanda ng nayon ang lahat ng mga Saksi roon. “Nang gabing iyon,” ang isinulat ni Ropati, “ang bawat pamilya ay nag-impake ng kanilang mga gamit at isinakay ang mga ito sa maliliit na bangka, at lumikas sila patungo sa pinakamalaking nayon sa isla. Dinambong ng kanilang dating mga kapitbahay ang kanilang mga tahanan at taniman.”

Sa kabila ng ganitong pag-uusig, lakas-loob pa ring nagpupulong ang mga mamamahayag. Inilahad ni Ropati, “Kunwari’y magbabakasyon ang mga pamilya sa dulo ng sanlinggo. Sakay ng bangka, pupunta sila sa isang maliit na isla sa malayo nang Sabado ng umaga at uuwi nang Linggo ng gabi pagkatapos nilang makapagpulong.” Noong panahong iyon, ilang pamilya ang naglalakbay rin nang malayo sakay ng bangka mula Tokelau papuntang Samoa para dumalo sa taunang pandistritong kombensiyon kahit hindi ito masyadong maalwan.

Pero dahil sa walang-tigil na pagsalansang, napilitan ang mga pamilyang ito na mangibang-bayan sa New Zealand. Kaya noong 1990, wala nang naiwang Saksi sa mga islang ito ng mga korales. Gayunpaman, sa pamamagitan ng pagliham, nagdaos ng pag-aaral si Ivan Thompson, na nagpapayunir noon sa Apia, sa kabataang lalaki na si Lone Tema na nakatira sa Tokelau. Sumulong sa espirituwal si Lone at naglilingkod ngayon bilang elder sa Australia.

Nang maglaon, ilang mamamahayag ang bumalik sa Tokelau. Sinikap ni Geoffrey Jackson, na naglilingkod noon sa tanggapang pansangay sa Samoa, na makipag-ugnayan sa komisyoner ng New Zealand na nangangasiwa sa mga gawain sa Tokelau para talakayin ang mga problemang napapaharap sa mga Saksi ni Jehova sa mga isla ng mga korales, ngunit hindi siya nagtagumpay. “Pero pinahintulutan akong dumalaw sa Tokelau bilang isang lingguwista,” ang isinulat ni Geoff, “at habang naglalayag, ako at ang isa pang lalaki ay inimbitahan ng kapitan ng barko para magmeryenda sa silid-pahingahan ng mga opisyal. Ang lalaking ito ay ang mismong komisyoner na nangangasiwa sa mga gawain sa Tokelau na matagal na naming sinisikap na makausap! Nag-usap kami nang mahigit isang oras. Matapos ang aming pag-uusap, pinasalamatan niya ako at nangako siya na gagawin niya ang kaniyang makakaya para mabawasan ang panggigipit na kinakaharap ng mga kapatid natin sa Tokelau.”

Sa ngayon, may mga opisyal pa rin na sumasalansang sa mga gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Tokelau. Nang mamatay ang bunsong anak nina Fuimanu at Hatesa Kirifi noong 2006 at magbigay ng maka-Kasulatang pahayag sa libing si Fuimanu, nagbanta ang konseho ng matatanda na palalayasin sa isla ang pamilya ni Fuimanu. Nang maglaon, pinagbantaan si Fuimanu nang tumanggi siyang magtrabaho sa simbahan doon. Gayundin, silang mag-asawa ay ginipit na makibahagi sa mga gawaing pampulitika. Pero siya at ang kaniyang pamilya ay nanindigang matatag sa kanilang pananampalataya, kaya naman lalo pang tumibay ang kanilang pananampalataya. Sinabi ni Fuimanu, “Natutuhan naming manalig kay Jehova sa panahon ng mga pagsubok.” (Sant. 1:2-4) Nalaman nila na hindi pinababayaan ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod.—Deut. 31:6.

SUMULONG DAHIL SA PAGPAPALA NI JEHOVA

Nang makarating ang mabuting balita sa Samoa, iba’t ibang sangay ang nangasiwa sa gawaing pang-Kaharian dito. Sa ngayon, ang Komite ng Bansa na binubuo ng apat na masisipag na kapatid ay naglilingkod sa ilalim ng pangangasiwa ng sangay sa Australia para asikasuhin ang gawain sa mga isla ng Samoa. Sa loob ng maraming taon, nagsikap nang husto ang mga kapatid sa Samoa para mapaabutan ng mensahe ng Kaharian kahit ang pinakamalalayong lugar. Dahil sa regular na kampanya ng pangangaral sa American Samoa, narating ang malalayong isla ng Swains Island na mga 320 kilometro sa hilaga ng Tutuila Island, at Manu‘a Islands na 100 kilometro sa silangan ng Tutuila Island. Sa gayong pagpapatotoo, nakapamahagi ang mga mamamahayag ng daan-daang literatura at nakapagpasimula ng maraming pag-aaral sa Bibliya sa mga interesado. Bukod pa sa kanilang teritoryo, may ilang mamamahayag na nangaral din sa mga taong nagsasalita ng banyagang wika.

PINAG-IBAYO ANG GAWAING PAGSASALIN

Habang dumarami ang bilang ng mga mamamahayag, lumalaki rin ang pangangailangan sa literatura sa wikang Samoano. Upang masapatan ang pangangailangang ito, inilipat si Geoffrey Jackson at ang kaniyang asawang si Jenny sa tanggapang pansangay sa Samoa noong 1985 mula sa kanilang atas bilang mga misyonero sa Tuvalu. Inatasan si Geoff na mangasiwa sa dalawang tagapagsalin sa wikang Samoano. “Noong una,” ang sabi niya, “nagtatrabaho ang mga tagapagsalin sa mga mesa ng silid-kainan ng Bethel. Tuwing umaga, liligpitin muna nila ang pinagkainan ng almusal saka sila magsisimula sa kanilang pagsasalin. Pagkatapos, bago mananghali, liligpitin naman nila ang kanilang mga gamit sa pagsasalin upang maihanda ang mesa para sa pananghalian. Pagkatapos, liligpitin nilang muli ang pinagkainan para maipagpatuloy ang gawaing pagsasalin.”

Dahil lagi silang naaabala, naging mabagal ang produksiyon. Ang paraan ng pagsasalin ay matrabaho rin at umuubos ng oras. “Karamihan sa kanilang atas ay kailangang isulat at saka imakinilya,” ang naalaala ni Geoff. “Dahil sa proofreading at rebisyon, paulit-ulit na imamakinilya ang bawat manuskrito bago ito mailimbag.” Noong 1986, nang magkaroon na ng computer ang tanggapang pansangay, naging madali na ang pagsasalin dahil hindi na paulit-ulit ang trabaho. At dahil sa iba pang kagamitang de-computer, lalong bumilis ang pagsasalin at ang paglilimbag.

Ang mga magasing Bantayan at Gumising! ang pangunahing isinasalin at inililimbag. Simula noong Enero 1993, magkasabay nang inililimbag ang magasing Ang Bantayan sa wikang Ingles at Samoano—at sa apat na kulay rin! Pagkatapos, noong 1996, ang magasing Gumising! sa wikang Samoano ay apat na beses nang inilalabas sa loob ng isang taon. “Nang lumabas ang Gumising!” ang naalaala ni Geoff, “ibinalita ito sa mga pahayagan at radyo, at pati na rin sa telebisyon na napapanood sa buong bansa.”

Sa kasalukuyan, lahat ng gawain sa pagsasalin sa wikang Samoano ay ginagawa ng isang grupo ng mga tagapagsalin. Gaya ng iba pang mga grupo ng tagapagsalin sa buong daigdig, ang masisipag na tagapagsaling ito ay tumanggap ng karagdagang pagsasanay kung paano uunawain ang wika at kung paano nila mapasusulong ang kasanayan sa pagsasalin, na tutulong sa kanila na makapagsalin nang mas tumpak at mas mahusay.

PANGANGAILANGAN PARA PALAKIHIN ANG SANGAY

Nang dumalaw si Milton G. Henschel sa Samoa bilang tagapangasiwa ng sona noong 1986, maliwanag na ang tahanan ng mga misyonero sa Sinamoga ay napakaliit para masapatan ang lumalaking pangangailangan ng sangay. Dahil dito, ang Lupong Tagapamahala ay nag-atas ng mga kapatid mula sa Design/Build Department sa Brooklyn at sa Regional Engineering Office sa Australia para dumalaw sa Samoa at alamin ang pangangailangang magtayo ng mas malalaking pasilidad. Ano ang rekomendasyon nila? Bumili ng tatlong-ektaryang lupa sa Siusega, limang kilometro mula sa Sinamoga, para pagtayuan ng bagong pasilidad ng Bethel. At kapag naitayo na ang bagong tanggapang pansangay, magtatayo naman ng bagong Assembly Hall sa dating kinatatayuan ng Tahanang Bethel sa Sinamoga.

Nagsimula ang pagtatayo ng bagong sangay noong 1990, at maraming boluntaryo mula sa ibang bansa ang dumating. Nagtulung-tulong sa proyektong ito ang 44 na internasyonal na lingkod, 69 na internasyonal na boluntaryo, 38 buong-panahong boluntaryo na tagaroon, at maraming part-time na manggagawa. Pero sa panahon ng pagtatayo, biglang nagkaroon ng sakuna.

NAGKAROON NG SAKUNA!

Noong Disyembre 6, 1991, nanalanta sa Samoa ang Buhawing Val, ang isa sa pinakamalakas na bagyong tumama sa Timog Pasipiko. Sa loob ng limang araw, ang hangin na may lakas na mga 260 kilometro bawat oras ay humampas sa maliliit na isla, anupat 90 porsiyento ng mga pananim ang nasira at umabot ng $380 milyon (U.S.) ang halaga ng napinsala. Nakalulungkot, 16 ang namatay.

“Kaagad na kumilos ang tanggapang pansangay para maglaan ng tulong sa mga biktima,” ang naalaala ni John Rhodes. Sa loob lamang ng ilang araw, isang malaking trak na punô ng mga panustos ang dumating mula sa sangay sa Fiji. Di-nagtagal, nagpadala rin ng pondo ang iba pang mga sangay sa Pasipiko.

“Kung ano ang kailangang-kailangan, iyon ang unang dumating,” ang isinulat ni Dave Stapleton, isang internasyonal na lingkod na nagtatrabaho noon sa itinatayong sangay sa Siusega. “Kasama rito ang pamamahagi ng malinis na tubig, trapal, gas, at mga gamot para sa mga kapatid na nangangailangan. Pagkatapos, inayos namin ang Bethel sa Sinamoga para magamit ito at kinumpuni ang nasirang mga gusali sa itinatayong sangay. Nang maglaon, kinumpuni namin at itinayong muli ang nasirang mga Kingdom Hall at mga tahanan ng mga misyonero at ng ibang mga Saksi. Inabot din nang ilang buwan bago natapos ang lahat ng ito.”

Nang magbigay ng pondo ang gobyerno sa lahat ng relihiyon—pati na sa mga Saksi ni Jehova—para kumpunihin ang kanilang mga pag-aari, ibinalik ng mga kapatid ang pondo kasama ng isang liham na nagsasabing yamang nakumpuni na ang lahat ng ating nasirang mga pag-aari, maaari nilang gamitin ang natirang pondo para kumpunihin ang mga gusali ng gobyerno. Nagpasalamat ang mga opisyal ng gobyerno at mula noon ay binawasan nila ang buwis sa pag-aangkat ng mga materyales para sa itinatayong sangay, kung kaya malaki ang natipid ng organisasyon.

“HIGIT PA SA PINAKAMIMITHI NAMING PANGARAP”

Pagkatapos makumpuni ang mga nasira ng buhawi, naging mabilis ang pagtatayo ng bagong sangay. Makalipas lamang ang isa at kalahating taon, noong Mayo 1993, ang pamilyang Bethel sa Sinamoga ay lumipat na sa bago nilang tahanan sa Siusega.

Pagkatapos noong Setyembre 1993, isang grupo ng 85 Saksi na bihasang mga manggagawa mula sa Australia, Estados Unidos, Hawaii, at New Zealand ang dumating sa Samoa para itayo ang Assembly Hall sa Sinamoga. Sila ang nagbayad ng kani-kanilang gastusin sa pagpunta roon. “Iba’t ibang termino sa pagtatayo at sistema sa pagsukat ang ginamit [doon],” ang isinulat ni Ken Abbott, na nangasiwa sa mga manggagawa mula sa Australia, “pero tinulungan kami ng espiritu ni Jehova na maharap nang may kagalakan ang anumang problema.”

Ganito ang komento ni Abraham Lincoln, na kasama sa grupo ng mga taga-Hawaii: “May positibong epekto sa lahat ang aktuwal na masaksihan kung paano kumikilos ang internasyonal na kapatiran.”

Dahil sa nagkakaisang pagsisikap ng grupo ng mga tagapagtayo na binubuo ng mga kapatid mula sa iba’t ibang bansa, naitayo ang Assembly Hall sa loob lamang ng sampung araw. Sa paggawang kasama ng mga bisita, ang mga mamamahayag doon ay natuto ng mahahalagang kasanayan sa trabaho at napatibay rin sila sa pakikipagsamahan sa mga ito. Kaya nang matapos ang proyekto, ang ilan sa mga mamamahayag na ito ay nagpayunir o naglingkod sa Bethel.

Sa wakas noong Nobyembre 20-21, 1993, inialay ang tanggapang pansangay at ang Assembly Hall. Si John Barr, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang nagbigay ng pahayag sa pag-aalay. Para ilarawan ang nadama ng mga naroroon sa masayang okasyong iyon, ganito ang sinabi ni Paul Evans na matagal nang misyonero: “Pinagpala kami ni Jehova nang higit pa sa pinakamimithi naming pangarap.”

NAGBAGONG-BUHAY DAHIL SA KATOTOHANAN

Kapag naabot ng katotohanan ng Salita ng Diyos ang puso ng mga tao, napakikilos sila na iayon ang kanilang buhay sa matataas na pamantayan ni Jehova. Marami sa mga taga-Samoa ang nagbagong-buhay dahil sa kapangyarihan ng Salita ng Diyos.—Efe. 4:22-24; Heb. 4:12.

Halimbawa, sina Ngongo at Maria Kupu ay “namumuhay sa dilim,” gaya ng sabi ng mga taga-Samoa, na ang ibig sabihin ay nagsasama nang hindi kasal. “Ilang panahon na rin kaming nagdaraos ng pag-aaral kina Ngongo at Maria,” ang paliwanag ni Fred Wegener, “pero hindi namin alam na hindi pala sila kasal. Isang araw, buong-pagmamalaki nilang ipinakita sa amin ang sertipiko ng kanilang kasal na kakukuha lamang nila noon. Di-nagtagal, nabautismuhan sila. Bagaman patay na si Ngongo, patuloy pa ring naglilingkod si Maria bilang regular pioneer sa American Samoa.”

Ang isa pang hamon na napapaharap sa mga baguhang nag-aaral ng Bibliya sa Samoa ay ang tungkol sa kabanalan ng dugo. Kaugalian ng mga taga-Samoa na bigtihin ang mga baboy at manok bago lutuin at kainin, isang gawaing ipinagbabawal ng Salita ng Diyos. (Gen. 9:4; Lev. 17:13, 14; Gawa 15:28, 29) Isang kabataang babae sa American Samoa ang nagulat nang makita niya sa kaniya mismong Bibliya ang malinaw na utos ng Diyos hinggil sa bagay na ito. Ganito ang paliwanag ni Julie-Anne Padget: “Kahit laging nagsisimba at nagbabasa ng Bibliya ang kaniyang pamilya, kumakain siya ng karneng di-napatulo ang dugo mula pa pagkabata. Pero kaagad niyang tinanggap ang utos ng Bibliya at nagpasiyang hindi na kakain ng karneng di-napatulo ang dugo.” Sa ngayon, alam na alam ng mga tao sa buong Samoa ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova hinggil sa kabanalan ng dugo. Bukod diyan, kadalasan nang iginagalang ng mga doktor sa Samoa ang paninindigan natin hinggil sa pagsasalin ng dugo.

MGA KABATAANG PUMUPURI SA KANILANG MAYLALANG

Sa Samoa, sinasanay ng mga magulang ang kanilang mga bata pang anak na magluto, maglinis, mag-asikaso sa taniman ng gulay, at mag-alaga sa kanilang nakababatang mga kapatid. Dahil nasanay sa murang edad, marami sa mga kabataan sa Samoa ang handang tumanggap ng mga pananagutan sa espirituwal kahit mga bata pa sila. Ang iba ay naninindigan pa nga sa panig ni Jehova kahit hindi sila tulungan ng kanilang kapamilya.

Labintatlong taóng gulang noon si Ane Ropati nang huminto sa pagdalo sa mga pulong ang kaniyang mga magulang. Kaya regular niyang isinasama ang kaniyang dalawang kapatid na lalaki at isang kapatid na babae, at naglalakad sila nang walong kilometro patungo sa Kingdom Hall para dumalo sa mga pulong. Nang maglaon, nagpayunir siya at tumulong sa pagtatayo ng tanggapang pansangay sa Siusega. Ganito ang isinulat ni Ane: “Malaki ang naging impluwensiya ng mga misyonero sa buhay ko. Tinulungan nila akong sumulong sa katotohanan.” Noong itinatayo ang sangay, nakilala niya si Steve Gauld, isang boluntaryo mula sa Australia. Nagpakasal sila at naging internasyonal na mga lingkod sa mga gawaing pagtatayo sa Timog-Silangang Asia, Aprika, at Russia bago sila bumalik sa Bethel sa Samoa. Naglilingkod sila ngayon sa sangay sa Australia.

PAGTUTURO SA PAMAMAGITAN NG RADYO

Sa loob ng maraming taon, gumamit ang mga Saksi ni Jehova ng iba’t ibang paraan para palaganapin ang mabuting balita ng Kaharian. Radyo ang isang mabisang paraan upang magawa iyon. Simula noong Enero 1996, ang mga Saksi ni Jehova ay nagkaroon ng lingguhang programa na pinamagatang “Sagot sa mga Tanong Mo Tungkol sa Bibliya” sa isang istasyon ng FM radio sa Apia.

Ang mga programa ay may iskrip at inihaharap nina Leva Faai‘u at Palota Alagi na parehong naglilingkod sa sangay sa Samoa. “Nang unang mapakinggan sa radyo ang aming programa,” ang paliwanag ni Leva, “may ilang itinanong si Brother Alagi, gaya ng: Talaga bang bumaha noong panahon ni Noe? Saan nanggaling ang lahat ng tubig? Saan napunta ang tubig? Paano nagkasya ang lahat ng hayop sa daong? Sinagot ko ang mga tanong mula sa ating mga publikasyon. Sa pagtatapos ng programa, sinabi namin ang magiging paksa sa susunod na linggo at inanyayahan ang mga tagapakinig na makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa lugar nila kung may mga tanong sila. Tinalakay rin sa programa noong sumunod na mga linggo ang mga tanong na gaya ng: Bakit maraming asawa si Solomon samantalang isa lamang ang dapat na maging asawa ng mga Kristiyano? Pahihirapan ba magpakailanman ng isang maibiging Diyos ang mga tao sa isang maapoy na impiyerno? Ang Bibliya ba ay mula sa tao o sa Diyos?”

Mahigit isang taóng napakinggan sa radyo ang programa at marami ang naging interesado sa katotohanan. “Marami ang nagsabi sa amin na nasiyahan sila sa programa at regular silang nakikinig,” ang sabi ni Ivan Thompson. “Sinabi pa nga ng iba na hindi nila alam na sinasagot pala ng Bibliya ang gayong nakapupukaw-interes na mga tanong.”

KAILANGAN NG MGA KINGDOM HALL

Noong dekada ng 1990, marami sa mga kongregasyon sa Samoa at American Samoa ang nagpupulong sa pribadong mga tahanan o sa mga gusaling yari sa mga materyales na mula sa kakahuyan. “Madalas na hinahamak ng lokal na komunidad ang mga dakong pinagpupulungan namin,” ang sabi ni Stuart Dougall, na miyembro ng Komite ng Bansa mula 2002 hanggang 2007. Maging ang Kingdom Hall sa Tafuna sa American Samoa na itinayo 25 taon na ang nakalilipas ay mukha na ring luma. Panahon na para palitan ito ng bagong Kingdom Hall.

Pero para makapagpatayo ng bagong Kingdom Hall, kailangan ng mas malaking lote, isang bagay na hindi ganoon kadaling mahanap sa maliit na isla ng Tutuila. Lumapit ang mga kapatid sa isang prominenteng babaing Katoliko na may-ari ng isang bakanteng lote sa Petesa, hindi kalayuan sa Kingdom Hall na ginagamit noon. Nang malaman ng babae na kailangan ng mga kapatid ng lote na mapagtatayuan ng isang dako para sa pagsamba, nangako siya na ipakikipag-usap ang bagay na ito sa kaniyang anak na babae, na nagpaplanong magpatayo ng mga gusaling pangkomersiyo roon. Makalipas ang tatlong araw, sinagot ang panalangin ng mga kapatid. Sinabi sa kanila ng babae na ipagbibili niya ang lote sa kanila dahil, gaya ng sinabi niya, “Diyos ang dapat unahin.”

Ganito ang isinulat ni Wallace Pedro: “Hindi pa man kami bayad, ibinigay na niya sa amin ang titulo para sa loteng iyon at sinabi, ‘Alam kong tapat kayo at na magbabayad kayo nang buo.’ Siyempre tinupad namin iyon.” Itinayo sa loteng iyon ang isang magandang Kingdom Hall na kasya ang 250 at may aircondition. Inialay ito noong 2002.

Noong 1999, sinimulan ng mga Saksi ni Jehova ang programa ng pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa mga bansang may limitadong kakayahan o pananalapi. Ang kauna-unahang bulwagang itinayo sa mga isla ng Samoa sa ilalim ng programang ito ay nasa Lefaga, isang liblib na nayon sa timugang baybayin ng isla ng Upolu. Noon, ang kongregasyon na binubuo ng sampung Saksi sa Lefaga ay nagpupulong lamang sa harapan ng bahay ng isang kapatid na nilagyan ng bubong na yari sa kugon.

Ang pagtatayo ay pinangasiwaan ni Jack Sheedy, isang Australiano na naglingkod sa Tonga sa loob ng pitong taon kasama ang kaniyang asawa, si Coral. Ganito ang isinulat niya: “Mula sa malayo, ang grupo ng mga nagtatayo na binubuo ng mga magsasaka, mangingisda, at mga babae ay parang mga langgam na nagpaparoo’t parito.”

Nang matapos noong 2001 ang Kingdom Hall na kasya ang 60 katao, humanga rito at nagandahan ang mga taganayon. “Ang ganda ng mga bulwagan ninyo, simple ang mga ito at may dignidad,” ang sabi nila. “Ibang-iba ito sa aming magagarbong simbahan na maraming dekorasyon na madalas na nagmumukhang marumi at magulo.” Kapansin-pansin din ang pagdami ng mga dumadalo sa pulong. Noong 2004, 205 ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo sa bagong bulwagang ito.

Sa huling bahagi ng 2005, apat na bagong Kingdom Hall ang naitayo at tatlong bulwagan ang naayos sa mga isla ng Samoa dahil sa programa ng pagtatayo sa mga lupaing may limitadong kakayahan o pananalapi. Bukod diyan, inayos din ang Assembly Hall sa Sinamoga sa Apia, Samoa. Gaya ng ibang bansa na may limitadong kakayahan o pananalapi, lubhang pinahahalagahan ng mga mamamahayag sa Samoa ang maibiging suporta ng kanilang mga kapatid na Kristiyano sa buong daigdig.—1 Ped. 2:17.

PAGHARAP SA MGA PAGBABAGO

Marami sa mga taga-Samoa ang nangibang-bansa. Halimbawa, maraming taga-Samoa ang naninirahan na ngayon sa Australia, New Zealand, at Estados Unidos, lalo na sa Hawaii. Sa mga lupaing iyon, mahigit 700 Saksi ang bumubuo sa 11 kongregasyon at 2 grupo sa wikang Samoano. Ang ibang mga mamamahayag na taga-Samoa ay naglilingkod sa mga kongregasyon na gumagamit ng wikang Ingles sa mga bansang nilipatan nila.

Marami sa mga Saksing taga-Samoa ang tumanggap ng espirituwal na pagsasanay sa ibang bansa at pagkatapos ay bumalik sa Samoa o sa American Samoa para gamitin ang mga natutuhan nila sa pagsasanay upang makinabang ang mga kapatid. Halimbawa, noong dekada ng 1990, dumalo sa Ministerial Training School sa Australia sina Talalelei Leauanae, Sitivi Paleso‘o, Casey Pita, Feata Sua, Andrew Coe, at Sio Taua, at pagkatapos ay bumalik sa Samoa para mapasulong ang gawaing pang-Kaharian doon. Sa ngayon, naglilingkod si Andrew at ang kaniyang asawang si Fotuosamoa sa Bethel sa Samoa. Si Sio at ang kaniyang asawang si Ese ay naglingkod sa gawaing pansirkito nang maraming taon kasama ang kanilang batang anak na lalaking si El-Nathan. Naglilingkod ngayon si Sio bilang miyembro ng Komite ng Bansa. Ang iba pang mga nakapagtapos sa paaralan ay tapat na naglilingkod bilang mga elder, payunir, o mamamahayag sa kani-kanilang kongregasyon.

Ano ang naging resulta ng lahat ng ito? Noong 2008, ang pinakamataas na bilang ng mga mamamahayag sa 12 kongregasyon sa Samoa at American Samoa ay 620. Mahigit 2,300 katao ang dumalo sa Memoryal noong 2008. Kaya may malaking potensiyal para sa higit pang pagsulong sa mga isla ng Samoa.

PAGSULONG KAALINSABAY NG ORGANISASYON NI JEHOVA

Sa loob ng ilang taon, maraming tapat-pusong indibiduwal sa Samoa ang tumugon sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mat. 24:14) Gaya ng kanilang mga ninuno na naglayag noon sa mga karagatan, napagtagumpayan ng tapat-pusong mga indibiduwal na ito ang napakaraming hamon sa kanilang paglalakbay mula sa sanlibutang ito ni Satanas patungo sa isang bagong espirituwal na tahanan sa loob ng organisasyong pinapatnubayan ng espiritu ni Jehova. Ang mga problemang gaya ng pag-uusig ng pamilya, pagkatapon mula sa komunidad, propaganda ng mga klerigo, pagbabawal ng gobyerno, makalamang mga pagnanasa, at iba pang mga pagsubok ay hindi nakapagpatigil sa kanila sa paglilingkod sa tunay na Diyos, si Jehova. (1 Ped. 5:8; 1 Juan 2:14) Ano ang resulta? Nagtatamasa sila ngayon ng katiwasayan sa isang espirituwal na paraiso!—Isa. 35:1-10; 65:13, 14, 25.

Magkagayunman, hindi pa tapos ang kanilang paglalakbay. Malapit na ang kanilang huling destinasyon—isang paraisong lupa sa ilalim ng matuwid na pamamahala ng Kaharian ng Diyos. (Heb. 11:16) Kasama ng pambuong-daigdig na kapatiran, at sa patnubay ng Salita ng Diyos at ng kaniyang makapangyarihang banal na espiritu, ang mga Saksi ni Jehova sa mga isla ng Samoa ay patuloy na sumusulong, anupat determinadong maabot ang kanilang tunguhin.

[Mga talababa]

a Ang pangalang Lapita ay tumutukoy sa lugar sa New Caledonia kung saan unang natuklasan ang natatanging uri ng mga palayok na ginawa ng mga taong ito.

b Ang Kanlurang Samoa ay naging Samoa noong 1997. Gagamitin sa buong ulat na ito ang pangalang Samoa.

c Nang maglaon, naging mga Saksi ni Jehova ang ilan sa mga inapo ni Ginoong Taliutafa Young, ang may-ari ng bahay na tinuluyan ni Harold. Ang kaniyang apo na si Arthur Young ay isang elder at payunir ngayon sa Kongregasyon ng Tafuna sa American Samoa. Ang isa sa pinakaiingatang pag-aari ni Arthur ay ang Bibliya na ibinigay ni Harold Gill sa kaniyang pamilya.

d Ang mga taga-Samoa ay may pangalan—Pele bilang halimbawa—at apelyido. Si Pele ay may apelyidong Fuaiupolu mula sa kaniyang ama. Bukod diyan, ang mga pinuno sa Samoa ay binibigyan din ng pangalan na kumakatawan sa buong pamilya. Tinatalikuran o tinatanggihan ng ilang Saksi ni Jehova ang gayong pangalan dahil nadarama nilang ito ay makasanlibutan o may kinalaman sa pulitika. Sa ulat na ito, gagamitin namin ang pangalan at apelyido kung saan mas kilala ang isa, gaya ng pangalang Pele Fuaiupolu.

e Muli itong inilabas noong 1995 at makukuha sa videocassette sa wikang Aleman, Arabe, Czech, Danes, Griego, Hapones, Ingles, Italyano, Kastila, Koreano, Norwego, Olandes, Pinlandes, Pranses, Portuges (Braziliano at Europeo), Sweko, at Tsino (Cantonese at Mandarin).

f Nabautismuhan si Ropati noong sumunod na pagdalaw niya sa New Zealand.

[Blurb sa pahina 77]

“Sa gabing ito, narinig po ninyo ang mensahe ng Kaharian. Umaasa po ako na susundin ninyo ito”

[Blurb sa pahina 98]

“Madalas na sumisigaw ang mga bata ng ‘Narito na ang Armagedon!’ kapag dumarating kami sa nayon”

[Blurb sa pahina 108]

Ang bus patungong Vava‘u ay hindi nahuhulí dahil dumarating ito kung kailan nito gusto

[Kahon/Larawan sa pahina 69, 70]

Sinauna at Bagong mga Relihiyon sa Samoa

Ang sinaunang mga relihiyon sa Samoa ay maraming sinasambang diyos, naniniwala sa imortal na kaluluwa, nagsasagawa ng espiritismo, sumasamba sa mga ninuno, pero wala silang mga templo, idolo, o mga pari. Malaki ang impluwensiya ng relihiyon sa buhay ng mga tagaroon. Pero bakit tila handang magbago ng relihiyon ang mga taga-Samoa nang dumating ang mga misyonero ng London Missionary Society (LMS) noong 1830?

Ayon sa sinaunang alamat sa Samoa, isang bagong relihiyon na magiging maimpluwensiya ang tatapos sa pamamahala ng sinaunang mga diyos. Sinabi ng mga pinuno (matai) sa Samoa na ang mga misyonero ang kumakatawan sa bagong relihiyong ito. Pinili ni Haring Malietoa na sambahin ang Diyos ng mga Kristiyano, si Jehova, at ipinag-utos sa kaniyang mga sakop na gayon din ang gawin.

Ang mga misyonero—Katoliko, Metodista, Mormon, at LMS—ay nagkaroon ng maraming tagasunod. At sa ngayon, halos lahat ng tao sa mga isla ng Samoa ay miyembro ng isang relihiyon. Ang pamahalaan ng Samoa at American Samoa ay parehong may relihiyosong kasabihan: “Ang Samoa ay itinatag para sa pagsamba sa Diyos” at “Samoa, unahin ang Diyos.” Palasak din ang mga programa sa telebisyon tungkol sa relihiyon.

Pinakamatindi ang impluwensiya ng relihiyon sa mga nayon, kung saan ang mga pinuno ang madalas na nagpapasiya kung ano ang magiging relihiyon ng kanilang mga sakop. Napipilitan pa nga ang ilang taganayon na iabuloy ang mahigit 30 porsiyento ng kanilang kinikita para suportahan ang lokal na mga pastor at mga proyekto ng simbahan—isang pasanin na parami nang parami ang umaayaw. May mga kompetisyon pa nga kung sino ang makapagbibigay nang malaki. Ipinatatalastas ng ilang simbahan ang pangalan ng mga nag-abuloy nang pinakamalaking halaga.

Sa maraming nayon, kaagad na itinitigil ng mga tao ang kanilang gawain para sa tinatawag na sa, isang panahon na iniuukol ng mga taganayon para magdasal na umaabot nang 10 hanggang 15 minuto araw-araw. Humahanay sa daan ang mga kabataang lalaki na may hawak na malalaking istik para ipatupad ang kaugaliang ito. Ang mga lumalabag dito ay pinagsasabihan, pinagmumulta ng $100, o hinihilingang magpakain sa konseho ng nayon o sa buong nayon mismo. May mga pagkakataon pa ngang ginugulpi sila o pinalalayas sa nayon.

Minsan matapos ang isang nakapapagod na paglalakbay, dumating sa nayon ng Salimu, sa isla ng Savaii, ang tagapangasiwa ng sirkito na si John Rhodes at ang kaniyang asawang si Helen. Dahil kasisimula pa lamang noon ng sa, sinabihan sila ng mga guwardiya na huwag munang pumasok sa nayon. Sumunod ang mag-asawang Rhodes at naghintay hanggang sa matapos ang sa, saka sila nagtungo sa kanilang tuluyan.

Nang malaman ng mataas na pinuno ng nayon na naantala sina John at Helen, humingi siya nang paumanhin sa may-ari ng tinutuluyan nila. Sinabi ng pinuno na ang mga Saksi ay iginagalang na mga panauhin, at ibinilin niya sa mga guwardiya na makakapasok sa nayon ang mag-asawang Rhodes anumang oras, kahit panahon pa ng sa. Bakit sila binigyan ng pantanging konsiderasyon? Ang kabataang anak na lalaki ng pinuno na si Sio ay nakikipag-aral noon ng Bibliya sa mga Saksi, at sumusulong. Ngayon, si Sio Taua ay miyembro ng Komite ng Bansa sa Samoa.

[Larawan]

Sina John at Helen Rhodes

[Kahon sa pahina 72]

Maikling Impormasyon Tungkol sa Samoa, American Samoa, at Tokelau

Lupain

Ang Samoa ay binubuo ng dalawang malaking isla—Upolu at Savaii, na pinaghihiwalay ng isang kipot na 18 kilometro ang lapad—at ilang maliliit na islang tinitirhan ng mga tao. Ang American Samoa, na matatagpuan 100 kilometro sa timog-silangan ng Samoa, ay may isang malaking isla, ang Tutuila. Sakop din nito ang ‘Aunu‘u, Manu‘a Islands, Swains Island, at ang Rose, isang isla ng mga korales na walang nakatira. Ang Tokelau naman ay binubuo ng tatlong mababang isla ng mga korales na matatagpuan 480 kilometro sa hilaga ng Samoa.

Mamamayan

Mahigit 214,000 katao ang naninirahan sa Samoa, at mga 57,000 naman sa American Samoa. Humigit-kumulang 1,400 ang mamamayan sa Tokelau. Ang mahigit 90 porsiyento rito ay katutubong Polynesian; at Asiano, Europeo, o mestisong Polynesian naman ang iba.

Wika

Samoano ang pangunahing wika, bagaman marami ang nagsasalita ng Ingles bilang ang kanilang pangalawang wika. Tokelauano, na kahawig ng Samoano, ang sinasalita sa Tokelau.

Kabuhayan

Agrikultura, turismo, pangingisda ng tuna, at pagpoproseso ng isda ang pangunahing mga hanapbuhay.

Pagkain

Gabi na mayaman sa starch, hilaw na saging, at rimas na hinaluan ng gata ng niyog ang pang-araw-araw na pagkain ng mga tagaroon. Kumakain din sila ng karne ng baboy, manok, o isda. Sagana rin dito ang tropikal na mga prutas gaya ng papaya, pinya, at mangga.

Klima

Dahil malapit sa ekwador, halos buong taon na mainit at mahalumigmig sa mga islang ito. Mahigit limang metro ng ulan ang bumubuhos taun-taon sa Pago Pago, na nasa isla ng Tutuila sa American Samoa.

[Kahon sa pahina 75]

“Napakagandang Buklet”

Nagdala si Brother Harold Gill ng 3,500 kopya ng buklet na Saan Naroon ang mga Patay? sa wikang Samoano para ipamahagi sa American Samoa. Nang ipakita niya ang buklet sa gobernador, iminungkahi nito kay Harold na ipakita rin ito sa bawat lider ng relihiyon para masabihan nila ang attorney general kung angkop itong ipamahagi sa mga tao. Pero paano kaya tumugon ang mga lider ng relihiyon?

Ang klerigo ng London Missionary Society ay palakaibigan at hindi salansang. Wala namang pakialam ang mga Seventh-Day Adventist sa ginawa ni Harold—basta hindi niya kukunin ang kanilang mga miyembro. Ang klerigo na nakaatas sa hukbong-dagat ay medyo mapanuya pero hindi naman salansang. At may isang pambihirang pangyayari naman kung kaya hindi na kailangang puntahan ni Harold ang Katolikong pari. Binigyan ni Harold ng isang kopya ng buklet ang pulis na naghatid sa kaniya sa gobernador. Makalipas ang ilang araw, tinanong ni Harold ang pulis kung nasiyahan siya sa pagbabasa sa buklet.

Sumagot ang pulis gamit ang balu-baluktot na Ingles, na sinasabi: “Sabi ng boss ko [ang attorney general]: ‘Pumunta ka sa [Katolikong] pari ninyo at tanungin mo siya kung maganda ang buklet na ito.’ Nagpunta ako sa ilalim ng puno at binasa ang buklet. Sabi ko sa sarili ko, ‘Napakaganda ng buklet na ito, pero kung ipapakita ko ito sa pari, sasabihin niya, “Hindi iyan maganda.”’ Kaya sinabi ko sa boss ko, ‘Sir, ang sabi ng pari, “Napakagandang buklet.”’”

Di-nagtagal, pinapunta ng attorney general si Harold sa kaniyang opisina. Habang sinusuri ng attorney general ang buklet, ipinaliwanag ni Harold ang nilalaman nito. Pagkatapos, tumawag sa telepono ang attorney general at sinabing pinapayagan niyang maipamahagi ang buklet. Bilang resulta, naipamahagi sa buong isla ang halos lahat ng buklet na dala ni Harold.

[Kahon sa pahina 76]

Tradisyonal na Kultura ng Samoa

Noong 1847, inilarawan ng misyonero ng London Missionary Society na si George Pratt ang mga taga-Samoa bilang “ang pinakamasunurin sa buong Polynesia, kung hindi man sa buong mundo, pagdating sa mga pamantayan ng kabutihang-asal.” Ang tradisyonal na kulturang ito ng Samoa—tinatawag na faa Samoa (paraan ng taga-Samoa)—ay binubuo ng isang napakaorganisado at napakadetalyadong kodigo ng kabutihang-asal na nakaiimpluwensiya sa bawat bahagi ng buhay ng mga taga-Samoa.

Pangunahin sa kodigong ito ang ‘paggalang, at pagsamba pa nga, sa mga nakatataas sa lipunan,’ ang sabi ng aklat na Samoan Islands. Ang paggalang na ito ay makikita sa mabuting paggawi, maayos na pananalita, at katapatan ng isa sa kaniyang pamilya at sa kaniyang nayon. Itinuturing ng marami na imposibleng itakwil ang mga kaugalian at relihiyon ng kanilang mga ninuno.

Ang mga pinuno (matai) ng pamilya, na siyang tumitiyak na nasusunod ang tradisyong ito, ang nangangasiwa sa pang-araw-araw na gawain ng isa o higit pang pamilya na magkakamag-anak, at kinakatawan nila ang mga ito sa konseho ng nayon. Pinagmumulta, ginugulpi, o pinalalayas pa nga nila sa nayon ang hindi sumusunod at gumagalang sa kanilang awtoridad. Halimbawa, pinagmulta ng matai ng isang nayon ang klerigo dahil inutusan nito ang mga kabataang lalaki na pagbabatuhin ang mga Saksi ni Jehova.

Bawat nayon ay may 10 hanggang 50 matai. Karamihan sa mga ito ay ibinoto ng pamilya at mga kamag-anak (aiga), samantalang namana naman ng ilan ang kanilang posisyon. Ang mga titulo ay ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga ranggo. Ang bawat nayon ay may mataas na pinuno (alii), na siyang nangangasiwa sa konseho ng nayon. May pinuno rin na tumatayong tagapagsalita (tulafale) na siya namang nangangasiwa kapag may mga seremonya. Pero hindi lahat ng matai ay may pulitikal at relihiyosong responsibilidad. Ang ilan ay nag-aasikaso lamang sa kanilang pamilya—nangangasiwa sa lupain ng pamilya at nagpapasiya kung paano gagamitin ang gayong pag-aari.

[Kahon/Larawan sa pahina 79]

“Lingkod ni Jehova”

SAUVAO TOETU

ISINILANG 1902

NABAUTISMUHAN 1954

MAIKLING TALAMBUHAY Siya ang kauna-unahang tumanggap ng katotohanan sa Faleasiu. Nang maglaon, isang Kingdom Hall ang itinayo sa kaniyang lupain. Ayon sa salaysay ng kaniyang anak na lalaking si Tafiga Sauvao

NOONG 1952, isa sa mga pinsan ni Itay mula sa Apia ang dumalaw sa amin sa Faleasiu. Ang pinsan niyang ito ay nakikisama sa mga Saksi ni Jehova noon at gusto niyang ipakipag-usap kay Itay ang tungkol sa Bibliya. Nakinig din ang ilan naming kamag-anak sa nayon. Walang-tigil silang nag-usap mula Sabado ng umaga hanggang Lunes ng hapon, anupat humihinto lamang sila nang isang oras para matulog. Nagpatuloy pa ang ganitong pag-uusap sa sumunod na apat na dulong sanlinggo. Pagkatapos, sinabi ni Itay: “Nasagot na ang mga tanong ko. Nasumpungan ko na ang katotohanan.” Tinanggap din ng bayaw ni Itay na si Finau Feomaia, pati na ng kani-kanilang pamilya, ang katotohanan.

Nangaral kaagad si Itay. Ikinagulat ito ng mga kamag-anak namin dahil inaakala nilang debotong Seventh-Day Adventist ang tatay ko. May-panunuya nila siyang tinawag na lingkod ni Jehova. Pero mas ikinatuwa pa nga ito ni Itay! Bagaman maliit lang si Itay, malakas ang loob niya, matalino, at mapanghikayat kung magsalita. Ito ang nakatulong sa kaniya na maipagtanggol nang mahusay ang bago niyang pananampalataya. Di-nagtagal, ang aming maliit na grupo ang naging pangalawang kongregasyon na naitatag sa Samoa.

[Kahon/Larawan sa pahina 83]

Tapat sa Kabila ng Mahinang Kalusugan

FAGALIMA TUATAGALOA

ISINILANG 1903

NABAUTISMUHAN 1953

MAIKLING TALAMBUHAY Tinanggihan niya ang oportunidad na maging prominenteng matai, at naging regular pioneer.

NANG maglaon, sa kabila ng kaniyang malabong paningin at depekto sa paa, naglingkod si Fagalima nang maraming taon bilang special pioneer sa buong Samoa. Minsan, habang nangangaral sa bahay-bahay kasama ni Fagalima, napansin ng tagapangasiwa ng sirkito na tama ang pagbabasa nito sa mga teksto kahit wala itong salamin sa mata kaya tinanong niya si Fagalima kung lumilinaw na ang paningin nito. Sinabi ni Fagalima na nawala ang kaniyang salamin at saulado lamang niya ang mga tekstong binanggit niya.

Dahil gustung-gustong makadalo ni Fagalima sa kombensiyon sa Fiji, nagtrabaho siyang mag-isa sa loob ng apat na linggo. Nanguha siya ng mga niyog sa dulong bahagi ng Upolu. Sa kabila ng depekto niya sa paa, naglalakad siya nang dalawang milya buhat-buhat ang 15 niyog patungo sa isang lugar para doon balatan ang mga ito, kunin ang laman, o kopra, at saka patuyuin. Pagkatapos, ibinenta niya ang kopra at naglakbay patungong Apia para magbayad ng kaniyang pamasahe papuntang Fiji. Pero pagdating niya sa Apia, nalaman niyang tumaas na pala ang pamasahe at kulang ang pera niya. Sa halip na magreklamo, panghinaan ng loob, o humingi ng tulong, bumalik siya at nanguha pa ng kopra para madagdagan ang kaniyang pera. Ginawa niya ang lahat ng ito para makadalo sa kombensiyon na inaakala niyang idaraos sa dalawang wika na hindi naman niya naiintindihan. Isa ngang pagpapala kay Fagalima nang pagdating niya sa Fiji, nalaman niyang mapapakinggan niya sa kaniyang sariling wika ang karamihan sa mga programa ng kombensiyon!

[Kahon/Larawan sa pahina 87]

“Nasiyahan Ako sa Bawat Araw”

RONALD SELLARS

ISINILANG 1922

NABAUTISMUHAN 1940

MAIKLING TALAMBUHAY Siya at ang kaniyang asawang si Olive (Dolly) ay lumipat sa Samoa bilang mga special pioneer noong 1953. Nagtapos siya noong 1961 sa Gilead, isang paaralan para sa mga misyonero. Naglilingkod pa rin si Ron bilang special pioneer sa American Samoa.

NANG hindi pumayag ang gobyerno ng Samoa na manatili pa kami roon, lumipat kami ni Dolly sa American Samoa. Ibinaba kami sa isang abandonadong pantalan sa Pago Pago nang alas tres ng madaling araw ng isa sa mga barkong bumibiyahe sa mga isla roon. Kami lamang ang mamamahayag sa bansang iyon at $12 lamang ang pera namin. Nang umaga ring iyon, may-kabaitang pinatuloy kami ng ama ng isang dating estudyante ng Bibliya. Doon kami natulog sa isang sulok ng bahay nila, at natatabingan lamang kami ng kurtina. Bagaman gusto naming makahanap ng sarili naming bahay, nangaral muna kami sa kapitbahay.

Makalipas ang ilang linggo, umupa kami ng isang malaking apartment sa itaas ng isang malaking tindahan sa nayon ng Fagatogo. Tanaw mula rito ang napakagandang Daungan ng Pago Pago pero wala naman itong kalaman-laman. Sinabi sa amin noon ni Brother Knorr: “Kapag nagpunta kayo sa mga isla sa Pasipiko, baka hindi gaanong maalwan ang maging buhay ninyo. Baka nga mga karton ng literatura ang maging higaan ninyo.” At iyon nga ang nangyari! Lumipas pa ang ilang buwan bago kami nagkapera at nakagawa ng maayos na higaan, mesa, at mga upuan. Pero masaya pa rin kami dahil may sarili kaming tahanan.

Bagaman namatay noong 1985 ang mahal kong asawa, madalas pa rin akong lumabas sa larangan. Kapag binabalikan ko ang mahigit 50 taon ng pagpapayunir at pagmimisyonero, masasabi ko talaga na nasiyahan ako sa bawat araw!

[Kahon/Larawan sa pahina 88]

“Ikinintal Nila sa Akin ang Pag-ibig kay Jehova”

WALLACE PEDRO

ISINILANG 1935

NABAUTISMUHAN 1955

MAIKLING TALAMBUHAY Siya ang kauna-unahang nabautismuhan sa American Samoa. Siya at ang kaniyang asawang si Caroline ay nagpayunir. Nagkaanak sila noong dakong huli at naglilingkod ngayon sa Seattle, Washington, E.U.A.

NANG mag-aral ako ng Bibliya at magsimulang mangaral, pinalayas ako ng aking pamilya. Wala akong dalang anuman maliban sa suot kong damit! Nang gabing iyon, sa dalampasigan ako natulog. Nanalangin ako kay Jehova na bigyan ako ng lakas ng loob para makapaglingkuran sa kaniya anuman ang mangyari.

Kinabukasan, nasa silid-aklatan ako nang di-inaasahang pumasok si Brother Paul Evans. Napansin niyang may problema ako kaya sinabi niya: “Halika sa tahanan ng mga misyonero at pag-usapan natin ang problema mo.” May-kabaitang pinatirá ako roon ng mga misyonero, at di-nagtagal nang taon ding iyon, nabautismuhan ako.

Nang makatapos ako ng haiskul, nagpayunir ako kasama ng mga misyonero. Nang maglaon, nagpakasal kami ni Caroline Hinsche, isang masigasig na payunir na taga-Canada at naglilingkod noon sa Fiji. Naging special pioneer kami sa American Samoa.

Unti-unting nagbago ang saloobin ng mga magulang ko. Nag-aral ng Bibliya si Itay bago siya mamatay, at nabautismuhan naman si Inay sa edad na 72. Pinahahalagahan ko ang halimbawa ng unang mga misyonero na dumating sa aming bansa. Ikinintal nila sa akin ang pag-ibig kay Jehova na nakapagpapalakas pa rin sa akin hanggang ngayon!

[Kahon/Larawan sa pahina 91, 92]

Kapag May Tiyaga, Pinagpapala

PAUL EVANS

ISINILANG 1917

NABAUTISMUHAN 1948

MAIKLING TALAMBUHAY Siya at ang kaniyang asawang si Frances ay naglingkod bilang mga misyonero sa Samoa at American Samoa sa loob nang mahigit 40 taon.

NANG magsimula kaming mag-asawa sa pansirkitong gawain noong 1957, hindi ganoon kadaling makapasok sa Samoa dahil ayaw ng gobyerno na may tumulong na taga-ibang bansa sa mga Saksi roon. Hinihilingan pa nga ang mga bisita at turista na pumirma sa isang kasunduan na hindi sila mangungumberte habang naroroon. Kaya nang una akong dumalaw sa Samoa bilang tagapangasiwa ng sirkito, tinanong ko ang opisyal ng imigrasyon kung ano ang ibig sabihin ng pangungumberte. Nang waring hindi niya alam ang isasagot, nagtanong ako:

“Halimbawa, isa po kayong Katoliko na bumibisita sa ibang bansa at nagpunta kayo sa simbahan. Kung hilingan nila kayong magpahayag, puwede n’yo po bang gawin iyon?”

“Puwede naman,” ang sagot niya.

“Hindi po ba’t dumadalaw ang mga Saksi ni Jehova sa mga tao sa kanilang tahanan para ibahagi ang mensahe ng Bibliya,” ang sabi ko pa. “Kung yayain po ako ng mga kaibigan ko na sumama sa kanila sa pagdalaw nila sa mga tao, puwede po ba iyon?”

“Puwede naman siguro iyon,” ang sagot niya.

“Pero paano po kung magtanong sa akin ang maybahay?” ang tanong ko. “Puwede po ba akong sumagot?”

“Wala naman akong nakikitang masama roon,” ang sabi niya.

“Mabuti naman po kung gayon, alam ko na ngayon ang gagawin ko,” ang huli kong sinabi.

Nang paalis na kami ng bansa pagkatapos ng matagumpay na pagdalaw sa sirkito, tinanong ko ang opisyal ding iyon kung may narinig ba siyang masamang ulat hinggil sa aming pagdalaw.

“Wala naman,” ang sagot niya. “Maayos naman ang lahat.”

“Paano po kaya kami makakakuha ng permit para sa susunod naming pagdalaw?” ang tanong ko.

“Huwag ka nang dumaan sa imigrasyon,” ang payo niya. “Sulatan mo lang ako, at titiyakin kong mabibigyan ka ng permit.”

Kaya iyan ang ginawa namin sa sumunod naming mga pagdalaw.

Nakalulungkot, ang mga opisyal na pumalit sa makatuwirang lalaking ito ay hindi na gaanong nakipagtulungan at hindi na nila pinayagang makapasok sa Samoa ang sumunod na mga tagapangasiwa ng sirkito. Nagpatuloy ang situwasyong ito hanggang 1974, nang bigyan kami ng permit ng gobyerno bilang mga misyonero. Sa wakas, pinagpala ang aming pagtitiyaga.

[Larawan]

Sina Frances at Paul Evans

[Kahon sa pahina 97]

Wika ng mga Mananalumpati

Ang wikang Samoano ay may malambing at maindayog na tunog na masarap pakinggan. Pero “dahil nakalilito ang karamihan sa mga salita sa dami ng patinig,” ang komento ni Fred Wegener, “kailangan ng mga misyonero ng maraming ensayo (faata‘ita‘iga) at pampatibay-loob (faalaeiauina) para maging bihasa sila sa wika.”

Mahalagang bahagi ng kultura ng Samoa ang madamdamin at mabulaklak na mga talumpati at mga kasabihan. Ang mga pinuno (matai) at mga mananalumpati (tulafale, pinuno na tumatayong tagapagsalita) ay mahilig sumipi mula sa Bibliya at gumamit ng mabulaklak na mga salita sa pormal na mga okasyon. Lalo nang kapansin-pansin ang pagiging magalang ng mga taga-Samoa dahil partikular sila sa paggamit ng mga salitang pormal at panseremonya kapag kailangan. Sa wikang Samoano, magalang at pormal na pananalita (tautala lelei), na malawak at detalyado, ang ginagamit kapag ipinakikipag-usap ang Diyos, mga pinuno, mga nasa awtoridad, at mga dayuhan, o kapag nakikipag-usap sa kanila. Sa pang-araw-araw na pakikipag-usap naman o kapag tinutukoy ang sarili, kolokyal na pananalita (tautala leaga) ang ginagamit ng mga taga-Samoa. Mas natural na paraan ito ng pagsasalita at hindi gaanong pormal.

Para hindi makasakit ng damdamin kapag pinag-uusapan ang mga bagay na may kinalaman sa gobyerno at mga seremonya o kapag ipinakikipag-usap ang Bibliya, ang magalang at pormal na anyo ng wikang Samoano ay may pantanging mga termino para sa mga ito. Ganito ang paliwanag ni Geoffrey Jackson, miyembro ng Lupong Tagapamahala na dating misyonero sa Samoa: “Nangingibabaw na katangian ng wika ang pagiging magalang. Kaya kapag nangangaral, mahalaga na makipag-usap sa mga taga-Samoa nang may paggalang, na karaniwang iniuukol lamang sa mga pinuno, at gumamit ng pang-araw-araw na mga salita kapag tinutukoy ang sarili.”

[Kahon/Larawan sa pahina 99]

“Lungkot na Lungkot Kaming Umalis”

ROBERT BOIES

ISINILANG 1942

NABAUTISMUHAN 1969

MAIKLING TALAMBUHAY Siya at ang kaniyang asawang si Elizabeth (Betty) ay naglingkod bilang mga misyonero sa mga isla ng Samoa mula 1978 hanggang 1986.

BAGONG dating pa lamang kami sa American Samoa, napansin na naming pinahahalagahan ng mga tagaroon ang aming pagsisikap na matuto ng wikang Samoano at pinalalampas ang marami naming pagkakamali. Sa isang pagkakataon, ginamit ko ang Apocalipsis 12:9 para ipaliwanag na iniimpluwensiyahan ni Satanas ang daigdig. Pero halos magkatunog ang salitang Samoano para sa diyablo (tiapolo) at lemon (tipolo). Dahil napagpalit ko ang mga salita, ipinaliwanag ko na ang “lemon” ay pinalayas sa langit at nagliligaw sa buong tinatahanang lupa. Pero sinabi ko na malapit nang durugin at puksain ni Jehova ang “lemon.” Siyempre pa, humagalpak sa tawa ang maybahay at ang misyonerong kasama ko.

Sa isa pang pagkakataon, inilahad ko ang isang sauladong presentasyon sa isang babaing taga-Samoa na natagpuan ko sa bahay-bahay. Nang maglaon, nalaman ko na ang naunawaan lamang ng babae sa sinabi ko ay ang nabanggit kong teksto na Apocalipsis 21:4. Dahil napansin niyang mahalaga ang mensahe ko, dali-dali siyang pumasok sa loob ng bahay at binasa ang talatang iyon sa kaniyang Bibliya. Naantig ang puso ng babae dahil sa tekstong iyon kaya, nang maglaon, tinanggap niya ang isang pag-aaral sa Bibliya. Siya at ang kaniyang mga anak ay naging mga Saksi.

Nakatutuwa, nang maglaon ay naging bihasa rin kami sa wikang Samoano at nagkaroon ng maraming magagandang karanasan. Pero dahil sa mahinang kalusugan, napilitan kaming bumalik sa Estados Unidos, kaya lungkot na lungkot kaming umalis ng Samoa.

[Kahon/Larawan sa pahina 101, 102]

“Buong Nayon ang Dumating”

Ang libing ni Fred Williams sa Apia noong dekada ng 1950 ang isa sa mga libing na pinuntahan ng napakaraming tao. Si Kapitan, gaya ng tawag sa kaniya, ay isang matapang at retiradong marino, at isang Saksi ni Jehova ang asawa niya. Siya ay nakapaglayag sa lahat ng karagatan sa daigdig at kilala sa buong Timog Pasipiko. Isa sa mga kabayanihang ginawa niya ay nang mailigtas niya sakay ng isang lifeboat ang kaniyang mga tauhan na halos wala nang makain matapos mawasak ang kanilang barko sa isang bahura na libu-libong kilometro ang layo.

Naniniwala si Kapitan na hindi isinasapuso ng maraming tao ang relihiyon. Gayunman, ang dating manginginom at sugarol na marinong ito ay nakipag-aral ng Bibliya kay Bill Moss at naging isang masigasig na Saksi. Nang mabautismuhan si Kapitan, siya ay halos bulag na at nakaratay na lamang sa higaan. Pero lagi niyang ibinabahagi ang bago niyang paniniwala sa kaniyang mga bisita, kasama na ang maraming lider ng relihiyon.

Nang mamatay si Kapitan, espesipiko niyang binanggit sa kaniyang testamento na sa dagat siya ililibing at mga Saksi ni Jehova ang mangangasiwa nito. “Halos buong nayon ang dumating sa libing,” ang isinulat ni Girlie Moss. “Inianunsiyo sa istasyon ng radyo ang kaniyang pagkamatay, at ang mga kompanya sa Apia ay nagbaba ng kanilang bandila hanggang sa gitna ng tagdan bilang tanda ng kanilang paggalang.” Bukod sa mga Saksi, naroroon din sa libing ang mga abogado, guro, prominenteng lider ng relihiyon, at maraming negosyante.

Nagbigay ng matamang pansin ang lahat habang binabasa mula sa Bibliya at ipinaliliwanag ng tagapagsalitang si Bill Moss ang pag-asa ni Kapitan na mabuhay-muli sa isang paraisong lupa. “Lalong napamahal sa akin si Kapitan,” ang sabi ni Girlie, “dahil isinaayos niya na sa kaniyang libing ay mapatotohanan ang maraming tao na karaniwan nang hindi natatagpuan o nakakausap sa bahay-bahay. Naalaala ko tuloy si Abel na ‘bagaman namatay siya, ay nagsasalita pa.’” (Heb. 11:4) “Nang mamatay si Kapitan, nakapagpatotoo siya sa marami sa pamamagitan ng kaniyang libing.”

Pagkatapos ng pahayag sa libing sa bahay ni Kapitan, mahigit 50 sasakyan ang pumunta sa daungan. “Punung-puno ng tao ang daungan,” ang isinulat ni Girlie, “kaya kinailangan pang humarang ng mga pulis para makaraan kami at makasakay sa bangka. Pagkatapos, kasama ng pamilya ni Kapitan at ng ilang prominenteng mamamayan, sumakay kami sa yateng Aolele (Lumilipad na Ulap) at naglayag sa dagat.” Angkop na angkop ang pangalan ng yate yamang kinailangang kumapit ni Bill sa palo dahil hinahampas-hampas ng alon ang yate at nililipad ng malakas na hangin ang damit niya at ang mga pahina ng kaniyang Bibliya. Bilang pagtatapos, binasa ni Bill ang pangako ng Bibliya na ‘ibibigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya’ at saka nanalangin. (Apoc. 20:13) Pagkatapos, ang binalot na katawan ni Kapitan na nilagyan ng pabigat ay inihulog sa maalong tubig ng minamahal niyang karagatan, ang Karagatang Pasipiko. Matagal nang tapos ang libing pero pinag-uusapan pa rin ito ng mga tao, anupat nagkaroon ng maraming pagkakataon para sa higit pang pagpapatotoo.

[Larawan]

Si “Kapitan” Fred Williams bago siya mabautismuhan

[Kahon/Larawan sa pahina 109, 110]

“Lagi Kaming Bumabalik”

FRED WEGENER

ISINILANG 1933

NABAUTISMUHAN 1952

MAIKLING TALAMBUHAY Siya at ang kaniyang asawang si Shirley ay naglilingkod sa Bethel sa Samoa. Si Fred ay miyembro ng Komite ng Bansa.

BAGONG kasal kami nang lumipat kami sa American Samoa mula sa Australia noong 1956 at naglingkod roon bilang mga special pioneer. Ang unang atas namin ay sa Lauli‘i, isang maliit na nayon sa silangang bahagi ng Daungan ng Pago Pago. Tumira kami sa isang sira-sirang bahay na walang mga pintuan, bintana, kisame, o gripo. Nang maayos na namin ang aming tahanan, nagkaroon agad kami ng makakasama—si Wallace Pedro, isang kabataang tagaroon. Pinalayas siya ng kaniyang salansang na mga magulang kaya tumira siya at nagpayunir kasama namin.

Pagkatapos ng dalawang taon, nag-aral kami sa Gilead at naatasan sa Tahiti bilang mga misyonero. Pero hindi kami nagtagal doon. Hindi inaprubahan ng pamahalaan ang aming aplikasyon bilang mga misyonero kaya nakatanggap kami ng sulat na dapat na kaming umalis ng bansa kaagad-agad. Nang makabalik kami sa American Samoa, naglingkod kami kasama nina Paul at Frances Evans at nina Ron at Dolly Sellars sa tahanan ng mga misyonero sa Fagatogo sa Pago Pago. Ako ang nag-imprenta ng Bantayan at ng Ating Ministeryo sa Kaharian sa wikang Samoano gamit ang lumang makinang pangmimyograp na nakalagay sa hapag-kainan. Noong 1962, kami ni Shirley ay inanyayahang maglingkod sa gawaing pansirkito. Sakop ng una naming sirkito ang karamihan sa mga isla sa Timog Pasipiko, kasama na ang American Samoa, Cook Islands, Fiji, Kiribati, Niue, Samoa, Tonga, Tuvalu, at Vanuatu.

Makalipas ang walong taon, isinilang ang aming anak na lalaki na si Darryl, at nanirahan kami sa American Samoa. Naglingkod ako bilang special pioneer, samantalang ang maraming panahon ni Shirley ay ginugol niya sa pagsasalin ng mga literatura sa Bibliya sa wikang Samoano.

Nang mga panahon ding iyon, sumama ako sa isang Saksing maninisid ng abaloni para mayroon kaming dagdag na panggastos. Nasira ang motor ng kaniyang maliit na bangka kaya nanatili kami sa laot nang apat na araw. Bago kami nailigtas, napadpad muna kami ng daan-daang kilometro ang layo, nakaranas ng isang malakas na bagyo, nakakita ng 32 barkong dumaan, at muntik pa nga kaming masagasaan ng isang napakalaking barkong pangkargamento. Di-nagtagal, nalaman namin ni Shirley na buntis ulit siya. Atubili man kami, ipinasiya naming bumalik sa Australia noong 1974, kung saan isinilang ang aming anak na babae na si Tamari.

Sa sumunod na mga taon, madalas na naiisip naming bumalik sa pagmimisyonero dahil napamahal na sa amin ang gawaing ito. Isip-isipin na lamang ang kagalakan namin ni Shirley nang anyayahan kaming bumalik sa Samoa kasama si Tamari noong 1995 para maglingkod sa Bethel. Pagkalipas ng isang taon, kami ni Shirley ay inanyayahang bumalik sa gawaing pansirkito—pagkatapos ng 26 na taon! Lubos kaming nagalak nang muli naming makita ang karamihan sa tapat na mga kapatid na nakasama namin noon sa paglilingkod sa Samoa, American Samoa, at Tonga!—3 Juan 4.

Sa ngayon, kami ni Shirley kasama si Tamari at ang kaniyang asawang si Hideyuki Motoi ay naglilingkod sa Bethel sa Samoa. Tuwang-tuwa kami dahil lagi kaming bumabalik!

[Kahon/Larawan sa pahina 113, 114]

“Sinagot ni Jehova ang Aking mga Panalangin”

FAIGAAI TU

ISINILANG 1932

NABAUTISMUHAN 1964

MAIKLING TALAMBUHAY Nagpayunir siya sa mga isla ng Upolu at Savaii mula 1965 hanggang 1980. Nakatira siya ngayon sa Savaii.

IPINANGANAK akong may malubhang depekto sa aking mga paa kung saan ang talampakan ko ay nakabaluktot sa ilalim ng aking sakong. Dahil dito, hirap na hirap akong maglakad.

Nang una kong malaman ang katotohanan, naantig nito ang puso ko. Gusto kong dumalo sa mga pulong ng kongregasyon, pero tila imposible sa akin ang maglakad sa matigas at mabatong daan. Nang maglaon, naging bihasa ako sa paggawa ng sarili kong sapatos mula sa mga gomang sandalyas. Nakatulong ito sa akin para mas komportable akong makalakad.

Di-nagtagal pagkatapos kong magpabautismo, nagsimula akong magpayunir. At pagkatapos kong magpayunir nang siyam na taon sa isla ng Upolu, lumipat ako sa Savaii kasama ng aking ate at ng kaniyang asawa dahil kailangan ng mga mángangarál ng Kaharian sa lugar na iyon. Dito ako naglingkod bilang special pioneer kasama ng aking pamangking babae na si Kumi Falema‘a.

Linggu-linggo, nagbu-bus kami ni Kumi mula Faga patungong Lata, isang maliit na nayon sa kanlurang baybayin ng Savaii. Pagkatapos naming magdaos ng pag-aaral sa Bibliya sa isang babae sa nayon ng Lata, naglalakad kami ng walong kilometro patungo sa nayon ng Taga para magdaos naman ng pag-aaral sa isa pang babae. Nagpapalipas kami ng gabi sa tahanan ng babaing ito kasama ng kaniyang pamilya, at saka kami sumasakay ng bus pabalik sa Faga kinaumagahan. Ginawa namin ito sa loob ng dalawang taon. Nakatutuwa naman, ang dalawang babaing ito kasama ang kani-kanilang pamilya ay naging aktibong mga Saksi nang bandang huli.

Nang umalis sa Savaii ang mga kamag-anak ko, nagpaiwan ako para asikasuhin ang isang maliit na grupo sa Faga na binubuo ng mga sister at mga babaing interesado. Ako ang nangasiwa sa lingguhang Pag-aaral sa Bantayan at Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Ako rin ang nanguna sa mga sister sa ministeryo sa bahay-bahay. Minsan sa isang buwan, isang matanda mula sa Apia ang naglalakbay para pangasiwaan ang isa sa aming pagpupulong sa araw ng Linggo. Dahil pinagbawalan kami ng pinuno ng nayon na umawit ng mga awiting pang-Kaharian sa aming mga pagpupulong, binabasa na lamang namin nang malakas ang mga liriko. Makalipas ang limang taon, dumating sina Leva at Tenisia Faai‘u, mag-asawang misyonero mula sa New Zealand, para tulungan ang aming maliit na grupo. Sumunod din ang iba pang misyonero. Sa ngayon, mayroon nang dalawang sumusulong na kongregasyon sa Savaii, isa sa Faga at ang isa naman ay sa Taga.

Bagaman hindi ako nag-asawa, gustung-gusto ko ang mga bata at malapít ako sa kanila. May panahon na tumitira pa nga sa aking tahanan ang ilang bata. Natutuwa ako kapag nakikita kong sumusulong at naninindigan sa panig ni Jehova ang mga naturuan ko sa katotohanan, na para ko nang mga anak.

Ngayong matanda na ako, hindi ko na kayang maglakad para magbahay-bahay. Nagdaraos na lamang ako ng pag-aaral sa Bibliya sa aking tahanan at nagpapatotoo ako sa mga nakakausap ko sa ospital. Magkagayunman, nasisiphayo ako sa aking limitasyon, kaya ipinanalangin ko kay Jehova na tulungan niya akong makagawa pa nang higit. Pagkatapos, tinuruan ako ng mga misyonero sa aming kongregasyon kung paano magpatotoo sa telepono. Kapag binabalik-balikan ko ang nakaraan, nakita ko na talagang sinagot ni Jehova ang aking mga panalangin.

[Kahon/Dayagram sa pahina 118]

Kahapon, Ngayon, at Bukas

Pareho ang oras sa Samoa at Tonga, pero ang kalendaryo ng Tonga ay nauuna ng isang araw! Bakit? Dahil ang Samoa at Tonga ay matatagpuan sa magkabilang panig ng international date line—nasa kanluran ang Tonga at nasa silangan naman ang Samoa. Kaya bagaman magkalapit lamang ang dalawa, ang Tonga ang isa sa mga bansa sa daigdig na unang nagdiriwang ng taunang Memoryal ng kamatayan ni Kristo, samantalang ang Samoa naman ang isa sa mga huling nagdiriwang nito.

[Dayagram]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

\

\

\

\

\ SAMOA

| 7:00 n.g.

| Miyerkules

|

|

|

|

|

TONGA |

7:00 n.g. | KARAGATANG TIMOG PASIPIKO

Huwebes |

|

|

International | Date Line

|

| NIUE

|

|

|

|

|

|

|

|

[Kahon/Larawan sa pahina 123, 124]

Isang Salin ng Bibliya na Nagpaparangal sa Pangalan ng Diyos

Noong 1884, ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay gumawa ng isang salin ng Bibliya sa wikang Samoano na ginagamit ang pangalang Jehova sa buong Hebreong Kasulatan. At apat na beses na lumitaw ang pinaikling anyo ng pangalan ng Diyos sa Kristiyanong Griegong Kasulatan bilang Aleluia, na ang ibig sabihin ay “Purihin si Jah.” (Apoc. 19:1-6) Pero sa nirebisang edisyon noong 1969 ng saling iyon, inalis ang pangalang Jehova sa halos lahat ng talata maliban sa isa—malamang na hindi ito napansin ng mga tagapagsalin! (Ex. 33:14) Inalis din ng mga pinuno ng simbahan ang pangalan ng Diyos mula sa kanilang mga aklat-awitan at pinigilan nila ang kanilang mga miyembro na gamitin ang pangalang Jehova.

Pero noong Nobyembre 2007, malugod na tinanggap ng mga taong mapagpahalaga sa Bibliya sa lugar na ito ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Samoano. Sa saling ito, na tumpak at madaling maunawaan, ibinalik ang pangalan ng Diyos sa mga talata ng Bibliya kung saan ito orihinal na lumitaw. Si Geoffrey Jackson, isang dating misyonero sa Samoa na naglilingkod ngayon bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang naglabas ng bagong edisyong ito sa isang pantanging kombensiyon sa Apia, Samoa, na dinaluhan ng mga kapatid at mga taong interesado mula sa magkakalapit na mga isla.

Marami ang naging interesado nang ibalita sa telebisyon ang paglalabas ng saling ito ng Bibliya. Tumawag ang ilang indibiduwal sa Bethel sa Samoa para humiling ng mga kopya nito. Isang mataas na opisyal ng gobyerno ang humiling ng sampung kopya para ibigay sa mga kawani ng kaniyang opisina. Humiling din ng limang kopya ang isang prinsipal ng eskuwelahan para maipagkaloob niya sa pinakamahuhusay na estudyante sa pagtatapos ng eskuwela.

Marami ang pumuri sa maingat na pagkakasalin ng Bibliyang ito na naglalaan ng mahalagang kaunawaan sa kahulugan ng orihinal na teksto. Dahil din sa Bagong Sanlibutang Salin, muling nakita ng mga taga-Samoa ang kahalagahan ng paggamit sa pangalan ng Diyos. Ginamit ni Finau Finau, isang special pioneer sa Vailele, Upolu, ang modelong panalangin ni Jesus para tulungan ang isang babae na maunawaan ang puntong ito.

Pagkatapos basahin ni Finau ang Mateo 6:9, nagtanong siya, “Sa tingin mo, kaninong pangalan ang dapat pakabanalin?”

“Sa Panginoon,” ang sagot ng babae.

“Pero sinasabi ng 1 Corinto 8:5 na maraming ‘diyos’ at maraming ‘panginoon,’” ang katuwiran ni Finau. “Paano mangyayari na Panginoon ang pangalan ng Diyos kung maraming huwad na mga diyos ang may gayon ding pangalan?”

Saka niya ipinakita ang pangalang Jehova at ipinaliwanag na inalis ng Sangkakristiyanuhan ang pangalang iyon mula sa mga salin ng kanilang Bibliya. Para maging maliwanag ang puntong ito, idinagdag niya: “Ano naman ang madarama mo kung gustong alisin o baguhin ng isang tao ang pangalang ibinigay sa pinuno (matai) na kumakatawan sa buong pamilya ninyo?”

“Magagalit kami,” ang sagot ng babae.

“Iyan mismo ang nadarama ni Jehova sa lahat ng taong nagtatangkang alisin ang pangalan niya mula sa kaniyang Salita,” ang sabi ni Finau.

[Larawan]

Ang “Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan” sa wikang Samoano

[Kahon/Larawan sa pahina 126, 127]

“Pinagpala Ako ni Jehova Nang Isang Daang Ulit”

LUMEPA YOUNG

ISINILANG 1950

NABAUTISMUHAN 1989

MAIKLING TALAMBUHAY Ang anak na babaing ito ng dating punong ministro ay naglilingkod bilang regular pioneer sa Apia.

LUMAKI ako sa isla ng Savaii, at anak ako ng isang matagumpay na negosyante at pulitiko. Dahil pag-aari ni Itay ang isang napakalawak na taniman ng kakaw at may mga 200 empleado siya, tinawag siyang Cocoa Baron ng mga pahayagan sa Samoa. Naglingkod din siya bilang punong ministro ng Samoa sa loob ng ilang taon.

Labing-isa kaming magkakapatid. Hindi talaga relihiyoso si Itay, pero tinuruan naman kami ni Inay ng ilang saligang turo sa Bibliya. Nang mamatay si Inay, labis akong nangulila. Kaya nang magpatotoo sa akin si Judy Pritchard, isang kapatid na misyonera, tungkol sa pag-asa ng pagkabuhay-muli, nanabik akong makitang muli si Inay!

Marami akong tanong kay Judy, at sinagot naman niya ang lahat ng iyon mula sa Bibliya. Di-nagtagal, nag-aaral na kami ng Bibliya. Nang maglaon, dumalo na rin ako sa mga pagpupulong ng mga Saksi.

Noong una, salansang sa pag-aaral ko ang asawa kong si Steve, na isang prominenteng diakono ng simbahan sa aming nayon. Isinama niya ako sa ilang klerigo na nagsikap na kumbinsihin ako na huwag nang dumalo sa mga pagpupulong ng mga Saksi pero hindi ko sinunod ang payo nila. Pagkatapos, dinala ako ni Steve kay Itay, pero ang iminungkahi lamang niya sa akin ay sa ibang lugar ako mag-aral at hindi sa aming tahanan. Tinuya ako ng mga kapatid ko dahil binago ko ang aking relihiyon pero determinado akong patuloy na matuto ng katotohanan mula sa Bibliya.

Nang maging kuwalipikado ako bilang tagapaghayag ng Kaharian, ang unang-unang bahay na napuntahan ko sa pangangaral ay pag-aari ng isa sa mga miyembro ng gabinete ni Itay. Madalas siyang dumalo sa pulitikal na mga pagtitipon sa tahanan ni Itay at kilalang-kilala niya ako. Sa sobrang kaba ko, nagtago ako sa likuran ng kasama ko! Nagulat ang mga tao nang makita nila akong nangangaral kaya nagtanong sila, “Ano’ng sabi ng tatay mo?” Pero makatuwirang tao si Itay at ipinagtanggol pa nga niya ang bago kong pananampalataya. Noong mga panahon ding iyon, nagbabasa na si Itay ng mga magasing Bantayan at Gumising!, at nasisiyahan sa mga ito.

Nang bandang huli, napagtagumpayan ko ang takot sa tao at naging regular pioneer ako. Gustung-gusto kong magdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya, at may listahan ako ng mga 50 potensiyal na estudyante sa Bibliya na maaari kong tulungan kapag maluwag ang iskedyul ko. Pero ang pinakamalaking kagalakan ko ay nang maituro ko ang katotohanan sa aking apat na anak. Ang anak kong babae na si Fotuosamoa at ang anak kong lalaki na si Stephen, kasama ang kani-kanilang asawa na sina Andrew at Ana, ay naglilingkod ngayon sa Bethel sa Samoa. Natulungan ko rin ang kapatid kong babae na si Manu na tanggapin ang katotohanan. Maging ang asawa kong si Steve, na dating salansang, ay nagsimula na ring mag-aral ng Bibliya at dumadalo na sa mga pagpupulong. Tunay nga, pinagpala ako ni Jehova nang isang daang ulit.

[Mga larawan]

Kaliwa: Fotuosamoa at Andrew Coe; kanan: Ana at Stephen Young

[Kahon/Larawan sa pahina 129, 130]

‘Alin ang Pipiliin Ko—Si Jehova o ang Golf?’

LUSI LAFAITELE

ISINILANG 1938

NABAUTISMUHAN 1960

MAIKLING TALAMBUHAY Pinili niyang magpayunir sa halip na maging isang propesyonal na manlalaro ng golf.

AKO ay 18 anyos noon nang malaman ko na naging Saksi ni Jehova ang pamilyang nakatira sa kabilang kalsada. Palibhasa’y gusto kong mag-usisa, dinalaw ko ang ulo ng pamilya na si Siemu Taase para tanungin kung bakit ganoon ang paggamit nila sa pangalan ng Diyos na Jehova. Humanga ako sa kaniyang kabaitan at sa paraan niya ng pagpapaliwanag gamit ang Bibliya. Kaya nagsimula akong makipag-aral ng Bibliya sa kaniya at dumalo sa mga pagpupulong. Nang malaman ni Itay ang ginagawa ko, pinagbantaan niya ako. Nakiusap ako sa kaniya na payagan niya akong dumalo sa mga pagpupulong, ngunit iginiit niya na dapat kong tigilan ang pakikisama sa mga Saksi ni Jehova. Pero nakapagtataka, nagbago ang isip niya kinabukasan. Nang maglaon, sinabi ng tiya ko sa akin, “Habang natutulog ka, panay ang sigaw mo ng ‘Diyos na Jehova, tulungan n’yo po ako!’” Nananaginip siguro ako at nagsasalita habang natutulog. Nakatutuwa naman, lumambot ang puso ni Itay dahil sa pangyayaring ito.

Sa kabilang kalsada mula sa bahay namin ay matatagpuan din ang kaisa-isang golf course sa Samoa, kung saan kumikita ako nang kaunti sa paghahanap ng nawawalang mga bola ng golf at pagbebenta ng mga ito. Nang maglaon, naging caddie ako ni Haring Malietoa, ang pinuno ng Estado ng Samoa noong panahong iyon. Naisip ng hari na may potensiyal akong maging isang mahusay na manlalaro ng golf kaya ibinigay niya sa akin ang luma niyang mga golf club. Isinaayos din niya na bigyan ako ng pinansiyal na tulong ng dalawang negosyanteng tagaroon para maging propesyonal na manlalaro ako ng golf. Naniniwala ang hari na ang taglay kong galing sa paglalaro ng golf ay tutulong para makilala sa buong daigdig ang Samoa. Tuwang-tuwa ako sa sinabi niya! Pero di-nagtagal, napabayaan ko ang paglilingkod ko kay Jehova dahil sa paglalaro ng golf, at nakonsiyensiya ako.

Kinailangan kong magdesisyon nang manalo ako sa Samoan Open Golf Championship laban sa propesyonal na mga manlalaro ng golf sa buong daigdig. Tuwang-tuwa ang hari at nais niyang makilala ko ang isang sikat na Amerikanong manlalaro ng golf sa isang espesyal na salu-salo noong gabing iyon. Dahil hindi ako mapalagay, sinabi ko sa sarili ko: ‘Kailangan ko nang magpasiya. Alin ang pipiliin ko—ang golf o si Jehova?’ Noong gabing iyon, dumalo ako sa isinasagawang ensayo ng mga bahagi para sa pansirkitong asamblea sa halip na pumunta sa espesyal na salu-salo.

Sabihin pa, galit na galit ang hari. Nang tanungin ako ni Itay, matagal kaming nag-usap at ipinaliwanag ko mula sa Bibliya kung bakit napakahalaga para sa akin na maglingkod kay Jehova. Nagulat ako nang umiyak siya. Pagkatapos, sinabi niya sa akin: “Noong limang taóng gulang ka pa lang, malalang-malala ang sakit mo at sinabi nilang patay ka na. Inililibing ka na namin noon nang kagatin ka ng bubuyog sa iyong mukha. Walang anu-ano, bigla kang sumigaw at umiyak—buti na lang! Ngayon ay naniniwala ako na nabuhay ka para maging saksi ng Diyos na Jehova.” Mula noon, hindi na niya ako sinalansang.

Nang lumipat ako sa New Zealand, naglingkod ako roon nang sampung taon bilang isang regular pioneer saka ako naging isang special pioneer hanggang sa napangasawa ko si Robyn na isa ring special pioneer. Nang maglaon, nagkaroon kami ng tatlong anak at lumipat kami sa Australia. Sa sumunod na 30 taon, nagtrabaho ako nang buong panahon para suportahan ang pamilya ko. Samantala, natulungan namin ang karamihan sa aming mga kamag-anak na maging lingkod ni Jehova. Madalas kong ipanalangin kay Jehova na tulungan niya akong makapagpayunir muli. Natuwa ako nang pagkatapos kong magretiro sa aking trabaho noong 2004, naabot ko sa wakas ang tunguhin ko. Talagang tuwang-tuwa ako dahil pinili kong paglingkuran si Jehova sa halip na maging isang propesyonal na manlalaro ng golf!

[Kahon/Larawan sa pahina 135]

Nagbunga ang Pagsasanay ng mga Magulang

PANAPA LUI

ISINILANG 1967

NABAUTISMUHAN 1985

MAIKLING TALAMBUHAY Siya at ang kaniyang asawang si Mareta ay naglilingkod bilang mga special pioneer sa Samoa.

NOONG i-enrol namin sa elementarya ang aming anak na lalaking si Sopa, binigyan ko ang prinsipal ng brosyur na Ang mga Saksi ni Jehova at ang Edukasyon at ipinaliwanag sa kaniya ang ating paninindigan sa mga gawaing may kinalaman sa relihiyon at nasyonalismo.

Pero kinabukasan, sinabi ni Sopa sa amin na pinunit ng prinsipal ang brosyur sa harap ng mga bata at mga guro at inutusan niya ang mga batang Saksi na kumanta ng isang relihiyosong awit. Nang tumanggi sila, pinatayo niya sila sa harapan at inutusan silang kumanta ng isa sa kanilang mga relihiyosong awit. Inaasahan niyang matatakot sila at susunod sa kaniya. Gayunman, hinimok ni Sopa ang mga batang Saksi, “Kantahin natin ang ‘Nagpapasalamat Kami sa Iyo, Jehova,’” at pinangunahan niya ang pag-awit.

Humanga ang prinsipal at pinuri si Sopa sa kaniyang lakas ng loob. Di-nagtagal, ang prinsipal at ang ilang guro ay nagpakita ng interes sa katotohanan. Sa tuwing makikita kami ng prinsipal na ito, kinukumusta niya si Sopa. Patuloy na sumulong si Sopa at nabautismuhan noong 2005.

[Kahon/Larawan sa pahina 138, 139]

“Hindi Naman Mahirap Maglakad Papunta sa mga Pulong”

VALU LOTONUU

ISINILANG 1949

NABAUTISMUHAN 1995

MAIKLING TALAMBUHAY Siya at ang kaniyang anim na anak ay naglalakad nang mahigit 22 kilometro sa kabundukan para makadalo sa mga pagpupulong.

NOONG 1993, dumalaw ang mga Saksi ni Jehova sa aming tahanan sa Lefaga, at tinanggap ko ang alok nilang pag-aaral sa Bibliya. Di-nagtagal, dumalo na rin kami ng aking mga anak sa Kristiyanong mga pagpupulong sa Faleasiu, na nasa kabilang bahagi ng isla at 22 kilometro ang layo.

Kapag may pulong sa gabi sa gitnang sanlinggo, sinusundo ko nang maaga ang mga bata sa kanilang paaralan. Noong una, nagbanta ang ilang guro na patatalsikin nila ang aking mga anak, pero ipinaliwanag ko sa kanila na napakahalaga sa aming relihiyon na dumalo sa mga pulong. Bitbit ng bawat bata sa isang bag na plastik ang kani-kanilang damit-pampulong, Bibliya, aklat-awitan, at ang pag-aaralang publikasyon. May mga pagkakataong isinasakay kami ng mga dumaraang bus, pero madalas na nilalakad lamang namin ang 22 kilometro.

Pagdating namin sa Kingdom Hall sa Faleasiu, malugod kaming tinatanggap ng mga Saksi roon at pinakakain kami. Pinapayagan din nila kaming makiligo at makibihis ng malilinis na damit-pampulong. Pagkatapos ng pulong, sisimulan naming muli ang mahabang paglalakbay pauwi. Sa tuktok ng bundok, na nasa pagitan ng magkabilang panig ng isla, tumitigil kami sandali para makaidlip ang mga bata. Lagi akong nag-aabang ng dumaraang sasakyan na maaaring magsakay sa amin pauwi. Madalas, nakakarating kami sa aming tahanan nang lampas na sa hatinggabi. Kinabukasan, mga alas singko ng umaga, gising na ako at handa na para makasakay sa unang biyahe ng bus pabalik sa Faleasiu para mangaral.

Minsan, ipinatawag ako sa pulong ng mga matai ng nayon na pinangangasiwaan ng mataas na pinuno nito. Gusto nilang malaman kung bakit kailangan kong maglakbay nang malayo patungong Faleasiu sa halip na dumalo na lamang sa simbahan sa aming nayon, lalo na sa simbahang itinatag ng lolo ko. Nang bandang huli, iniutos nilang tumigil na ako sa pagdalo sa mga pagpupulong sa Faleasiu. Pero hindi ko hinayaang may humadlang sa akin sa pagdalo sa mga pagpupulong. Determinado akong sundin ang Diyos sa halip na mga tao.—Gawa 5:29.

Dumating sa punto na pinagmulta pa nga ako ng limang matatabang baboy dahil hindi ako dumalo sa isang toonai (isang pista ng nayon na ginaganap tuwing Linggo at dinadaluhan ng ministro ng simbahan, mga diyakono, at mga matai ng nayon). Malaking gastusin ito at napakabigat para sa amin dahil isa akong nagsosolong magulang na may anim na maliliit na anak. Magkagayunman, nabayaran ko rin ang multa mula sa mga baboy na inaalagaan ko. Pero nang maglaon, iginalang na rin ng mga taganayon ang aming paninindigan at hindi na kami muling sinalansang.

Sa loob ng maraming taon, napakalaking pagsisikap ang ginawa namin para makadalo sa mga pagpupulong, pero sulit naman ito. Lahat ng aking mga anak ay naging aktibong mga Saksi. Ang isa sa kanila ay ministeryal na lingkod.

Naglalakad pa rin ako kasama ang aking mga anak papunta sa mga pulong, pero hindi na 22 kilometro patungong Faleasiu. Dahil noong 2001, isang magandang Kingdom Hall ang itinayo sa mismong nayon namin. Sa ngayon, isang masulong na kongregasyon ang gumagamit nito. Kaya masasabi ko na kahit ngayon, hindi naman mahirap maglakad papunta sa mga pulong!

[Chart/Graph sa pahina 132, 133]

TALÂ NG MAHAHALAGANG PANGYAYARI—Samoa

1930

1931 Nakarating ang mabuting balita sa Samoa.

1940

1940 Namahagi si Harold Gill ng buklet na Saan Naroon ang mga Patay?, ang unang publikasyon sa wikang Samoano.

1950

1953 Naitatag ang unang kongregasyon sa Apia.

1955 Dumating ang mga misyonero ng Gilead sa American Samoa.

1955 Ipinalabas ang The New World Society in Action sa buong American Samoa.

1957 Ginanap ang unang pansirkitong asamblea sa American Samoa.

1958 Pinasimulan ang pagsasalin ng Ang Bantayan sa wikang Samoano.

1959 Ginanap ang unang pansirkitong asamblea sa Kanlurang Samoa.

1960

1970

1974 Dumating ang mga misyonero sa Samoa. Nagsimula ang pangangaral sa Tokelau.

1980

1984 Itinatag ang tanggapang pansangay sa tahanan ng mga misyonero sa Sinamoga, Apia.

1990

1991 Sinalanta ng buhawing Val ang mga isla.

1993 Magkasabay nang inilabas ang Bantayan sa wikang Ingles at Samoano. Inialay ang bagong Tahanang Bethel at Assembly Hall.

1996 Ang lingguhang programa sa radyo na “Sagot sa mga Tanong Mo Tungkol sa Bibliya” ay isinahimpapawid sa FM radio.

1999 Naging mabilis ang pagtatayo ng mga Kingdom Hall.

2000

2007 Inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Samoano.

2010

[Graph]

(Tingnan ang publikasyon)

Bilang ng mga Mamamahayag

Bilang ng mga Payunir

700

400

100

1930 1940 1950 1960 1970 1980 1990 2000 2010

[Larawan]

Sina Frances at Paul Evans

[Mapa sa pahina 73]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

HAWAII

AUSTRALIA

NEW ZEALAND

TOKELAU

Swains Island

SAMOA

AMERICAN SAMOA

Manu‘a Islands

Rose Atoll

KARAGATANG TIMOG PASIPIKO

NIUE

International Date Line Miyerkules

‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐

Huwebes

TONGA

AMERICAN SAMOA

Tutuila

PAGO PAGO

Petesa

Tafuna

Fagatogo

Lauli‘i

‘Aunu‘u

SAMOA

Savaii

Aopo

Lata

Taga

Faga

Salimu

Fogapoa

Upolu

APIA

Faleasiu

Siusega

Vailele

Lefaga

Vava‘u

APIA

Vaiala

Faatoia

Sinamoga

[Buong-pahinang larawan sa pahina 66]

[Larawan sa pahina 74]

Sina Pele at Ailua Fuaiupolu ang unang mga taga-Samoa na nag-alay ng kanilang buhay kay Jehova

[Larawan sa pahina 81]

Lumipat sina Ron at Dolly Sellars sa Samoa noong 1953 para maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan

[Larawan sa pahina 84]

Sina Richard at Gloria Jenkins noong araw ng kanilang kasal, Enero 1955

[Larawan sa pahina 85]

Sina Girlie at Bill Moss nang papunta sila sa Samoa

[Larawan sa pahina 95]

Karaniwang tahanan sa Samoa

[Larawan sa pahina 100]

Ang Kingdom Hall na ito na itinayo sa Apia ang kauna-unahan sa Samoa

[Larawan sa pahina 107]

Dating Kingdom Hall sa Tafuna, American Samoa

[Larawan sa pahina 115]

Metusela Neru

[Larawan sa pahina 116]

Saumalu Taua‘anae

[Larawan sa pahina 131]

Nanindigan sa panig ni Jehova si Ane Ropati (ngayo’y Gauld) noong siya’y kabataan pa

[Mga larawan sa pahina 141]

Opisina at Bethel sa Samoa

Komite ng Bansa sa Samoa: Hideyuki Motoi, Fred Wegener, Sio Taua, at Leva Faai‘u

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share