Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • “Ang Wakas”—Ano ang Kahulugan Nito?
    Ang Bantayan—2015 | Mayo 1
    • Babaeng natatakot sa wakas, habang ang mga tao sa paligid niya ay tumatakas sa sunog, usok, at kaguhuan mula sa isang sakuna

      TAMPOK NA PAKSA | MALAPIT NA BA ANG WAKAS?

      “Ang Wakas”—Ano ang Kahulugan Nito?

      Kapag narinig mo ang mga salitang “Malapit na ang wakas!” ano ang naiisip mo? Naiisip mo ba ang isang asteroid na tatama sa lupa at lilipol sa lahat ng tao? O ang pagkawasak ng ekolohiya o ang ikatlong digmaang pandaigdig? Ang mga ito ay maaaring makabahala sa ilang tao; ang iba naman ay baka mag-alinlangan o matawa pa nga.

      Sinasabi ng Bibliya: “Darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Tinatawag din ang wakas na “dakilang araw ng Diyos” at “Har–Magedon,” o Armagedon. (Apocalipsis 16:14, 16) Totoo, maraming kalituhan tungkol sa paksang ito, kaya nagkalat ang kakaiba at negatibong mga ideya. Gayunman, malinaw na sinasabi ng Bibliya ang tungkol sa wakas—kung ano ang kahulugan nito at ang hindi kahulugan nito. Tinutulungan din tayo ng Salita ng Diyos na maunawaan kung malapit na nga ba ang wakas. Higit sa lahat, itinuturo nito sa atin kung paano tayo maliligtas! Pero linawin muna natin ang ilang maling akala tungkol sa wakas at alamin ang tunay na kahulugan nito. Ano nga ba ang kahulugan ng “wakas” ayon sa Bibliya?

      ANG HINDI KAHULUGAN NG WAKAS

      1. HINDI ITO PAGKAWASAK NG LUPA SA PAMAMAGITAN NG APOY.

        Sinasabi ng Bibliya: “Itinatag [ng Diyos] ang lupa sa mga tatag na dako nito; hindi ito makikilos hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.” (Awit 104:5) Tinitiyak sa atin ng tekstong iyan na hindi kailanman wawasakin ng Diyos ang lupa ni hahayaan man niya itong mawasak!—Eclesiastes 1:4; Isaias 45:18.

      2. HINDI ITO ISANG PANGYAYARI NA NAGKATAON LANG.

        Isinisiwalat ng Bibliya na ang Diyos ay nagtakda ng espesipikong panahon para sa wakas. Mababasa natin: “May kinalaman sa araw na iyon o sa oras ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa langit kahit ang Anak, kundi ang Ama. Manatili kayong mapagmasid, manatiling gising, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang panahon.” (Marcos 13:32, 33) Maliwanag, may “takdang panahon” ang Diyos (“ang Ama”) kung kailan niya pasasapitin ang wakas.

      3. HINDI ITO KAGAGAWAN NG TAO O RESULTA NG PAGBAGSAK NG MGA ELEMENTO MULA SA KALAWAKAN.

        Paano darating ang wakas? Sinasabi ng Apocalipsis 19:11: “Nakita kong bukás ang langit, at, narito! isang kabayong puti. At ang nakaupo roon ay tinatawag na Tapat at Totoo.” Sabi naman sa talata 19: “At nakita ko ang mabangis na hayop at ang mga hari sa lupa at ang kanilang mga hukbo na nagtipun-tipon upang makipagdigma sa isa na nakaupo sa kabayo at sa kaniyang hukbo.” (Apocalipsis 19:11-21) Bagaman makasagisag ang karamihan sa pananalita rito, mauunawaan natin na: Ang Diyos ay magsusugo ng isang hukbo ng mga anghel upang lipulin ang mga kaaway niya.

      Nalampasan ng mga nakaligtas sa Armagedon ang pagkawasak; natatanaw ang usok na pumapailanlang mula sa malayo

      Ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa wakas ay mabuting balita sa halip na masamang balita

      ANG KAHULUGAN NG WAKAS

      1. WAKAS NG BIGONG PAMAMAHALA NG TAO.

        Ipinaliliwanag ng Bibliya: “Magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian [gobyerno] na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.” (Daniel 2:44) Gaya ng nabanggit kanina, sa ikatlong punto, lilipulin “ang mga hari sa lupa at ang kanilang mga hukbo,” na ‘magtitipon-tipon upang makipagdigma sa isa na nakaupo sa kabayo at sa kaniyang hukbo.’—Apocalipsis 19:19.

      2. WAKAS NG DIGMAAN, KARAHASAN, AT KAWALANG-KATARUNGAN.

        “Pinatitigil [ng Diyos] ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa.” (Awit 46:9) “Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang siyang maiiwan dito. Kung tungkol sa mga balakyot, lilipulin sila mula sa mismong lupa; at kung tungkol sa mga mapandaya, bubunutin sila mula rito.” (Kawikaan 2:21, 22) “Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.”—Apocalipsis 21:4, 5.

      3. WAKAS NG MGA RELIHIYON NA HINDI SUMUNOD SA DIYOS AT NANLIGÁW SA MGA TAO.

        “Ang mga propeta ay nanghuhula nang may kabulaanan; at kung tungkol sa mga saserdote, sila ay nanunupil ayon sa kanilang mga kapangyarihan. . . . At ano ang gagawin ninyo sa wakas nito?” (Jeremias 5:31) “Marami ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nanghula sa pangalan mo, at nagpalayas ng mga demonyo sa pangalan mo, at nagsagawa ng maraming makapangyarihang gawa sa pangalan mo?’ At kung magkagayon ay ipahahayag ko sa kanila: Hindi ko kayo kailanman nakilala! Lumayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.”—Mateo 7:21-23.

      4. WAKAS NG MGA TAONG SUMUSUPORTA SA KASALUKUYANG KALAGAYAN NG DAIGDIG.

        Sinabi ni Jesu-Kristo: “At ito ang saligan sa paghatol, na ang liwanag ay dumating sa sanlibutan ngunit inibig ng mga tao ang kadiliman sa halip na ang liwanag, sapagkat ang kanilang mga gawa ay balakyot.” (Juan 3:19) Inilalarawan ng Bibliya ang mas naunang pagpuksa sa sanlibutan noong panahon ng tapat na si Noe. “Ang sanlibutan ng panahong iyon ay dumanas ng pagkapuksa nang apawan ito ng tubig. Ngunit sa pamamagitan ng gayunding salita ang mga langit at ang lupa sa ngayon ay nakalaan sa apoy at itinataan sa araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.”—2 Pedro 3:5-7.

      Pansinin na ang dumarating na “araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa” ay inihahambing sa pagkapuksa ng “sanlibutan” noong panahon ni Noe. Anong sanlibutan ang napuksa? Nakaligtas ang ating planeta; ang “mga taong di-makadiyos”—mga kaaway ng Diyos—ang “dumanas ng pagkapuksa.” Sa dumarating na “araw ng paghuhukom” ng Diyos, ang mga kaaway niya ay pupuksain din. Pero ang mga kaibigan ng Diyos ay maliligtas, gaya ng nangyari kay Noe at sa kaniyang pamilya.—Mateo 24:37-42.

      Isip-isipin kung gaano kaganda ang lupang ito kapag inalis na ng Diyos ang lahat ng masamang impluwensiya! Maliwanag, ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa wakas ay mabuting balita sa halip na masamang balita. Pero baka maitanong mo: ‘Sinasabi ba ng Bibliya kung kailan darating ang wakas? Malapit na kaya ito? Paano ako makaliligtas?’

      PAGKATAPOS NG WAKAS

      Ano kaya ang mangyayari pagkatapos ng wakas? Inilalarawan ng maraming teksto sa Bibliya ang kapana-panabik na panahong iyon. Halimbawa: “‘Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.’ At ang Isa na nakaupo sa trono ay nagsabi: ‘Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.’” (Apocalipsis 21:4, 5) Ang wakas ay hindi nangangahulugang wakas ng iyong buhay. Gusto ng Diyos na maligtas tayo, at sinasabi niya sa atin kung paano.

  • Malapit Na Ba ang Wakas?
    Ang Bantayan—2015 | Mayo 1
    • TAMPOK NA PAKSA

      Malapit Na Ba ang Wakas?

      Hahayaan ba ng Diyos na patuloy na supilin ng tao ang isa’t isa at isapanganib ang kinabukasan ng lahat ng tao? Hindi. Gaya ng nakita natin, kikilos siya at wawakasan ang pagdurusa at paniniil na nararanasan ng tao sa loob ng daan-daang taon. Gusto ng Maylalang ng tao at ng lupa na malaman mong malapit na siyang kumilos. Paano niya ipinaaalam ang mahalagang kaalamang iyan?

      Isaalang-alang ang ilustrasyong ito: Kung maglalakbay ka sakay ng iyong kotse, maaaring titingin ka muna sa mapa, sa Internet, at sa mga brosyur para sa direksiyon. At habang nakikita mo ang mga palatandaan ng lugar na katugma ng sinasabi sa direksiyon, alam mong malapit ka na sa iyong pupuntahan. Sa katulad na paraan, ibinigay sa atin ng Diyos ang kaniyang Salita, na naglalarawan ng kapansin-pansing mga pangyayari sa buong mundo. Habang nakikita nating nagaganap ang mga iyon, kumbinsido tayo na nasa yugto na nga tayo ng panahon na hahantong sa wakas.

      Ipinaliliwanag ng Bibliya na ang kasaysayan ng daigdig ay sasapit sa isang naiiba at napakahalagang yugto ng panahon na magtatapos sa wakas. Sa panahong iyon, masasaksihan ang iba’t ibang pangyayari at kalagayan sa daigdig na hindi pa nararanasan sa kasaysayan ng tao. Isaalang-alang ang ilan sa mga ito na binabanggit sa Salita ng Diyos.

      1. KAGULUHAN SA BUONG DAIGDIG Inihula sa Mateo kabanata 24 ang mga pangyayari sa lupa na bubuo ng isang tanda. Iyon ang tanda ng “katapusan ng sistema ng mga bagay” na hahantong sa panahon kung kailan “darating ang wakas.” (Talata 3, 14) Kasama rito ang malalaking digmaan, kakapusan sa pagkain, mga lindol sa iba’t ibang dako, paglago ng katampalasanan, kawalan ng pag-ibig, at tusong mga pagsisikap ng mga lider ng relihiyon na iligaw ang mga tao. (Talata 6-26) Sa paano man, nakita na nating nagaganap ang mga iyan sa nakalipas na daan-daang taon. Pero habang papalapit ang wakas, ang lahat ng iyan ay mangyayari sa iisang yugto ng panahon. Kasama rin diyan ang susunod na tatlong babalang tanda.

      2. SALOOBIN NG MGA TAO Sinasabi ng Bibliya na makikita sa “mga huling araw”—ang yugto ng panahong hahantong sa wakas—ang pagsamâ ng saloobin ng mga tao. Mababasa natin: “Ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri sa sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:1-4) Totoo, hindi na bago ang kawalang-galang sa kapuwa, pero sa “mga huling araw” lang titindi ang saloobing ito anupat angkop na mailalarawan ang yugtong ito bilang “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” Napansin mo ba ang pagsamâ ng saloobin ng mga tao?

      3. PAGKASIRA NG LUPA Sinasabi ng Bibliya na ipapahamak ng Diyos ang “mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:18) Sa ano-anong paraan ipinapahamak, o sinisira, ng tao ang lupa? Gaya ito ng pagkakalarawan sa panahon ni Noe: “Ang lupa ay nasira sa paningin ng tunay na Diyos at ang lupa ay napuno ng karahasan. Kaya nakita ng Diyos ang lupa at, narito! ito ay sira.” Kaya sinabi ng Diyos sa masamang lipunang iyon: “Lilipulin ko sila.” (Genesis 6:11-13) Nakikita mo ba ang dumaraming ebidensiya na ang lupa ay napupuno ng karahasan? Bukod diyan, ang tao ay sumapit na sa naiibang yugto sa kasaysayan: Kaya na nilang literal na sirain ang lupa sa pamamagitan ng paglipol sa lahat ng tao. May mga sandata silang magagamit. Sinisira din nila ang lupa sa ibang paraan. Ang mga sistema na sumusuporta sa buhay sa lupa—ang hanging ating nilalanghap, ekosistema ng hayop at halaman, ang karagatan—ay patuloy na nasisira dahil sa maling pangangalaga ng tao.

      Tanungin ang iyong sarili, ‘Noong nakalipas na siglo, may kakayahan na ba ang tao na lubusang lipulin ang sarili?’ Pero ngayon ginagamit na ng tao ang kakayahang iyan sa pag-iimbak ng makabagong mga sandata at sa pagwasak sa kapaligiran. Waring nauunahan ng mabilis na pagsulong ng teknolohiya ang kakayahan ng tao na maunawaan o makontrol ang mga epekto nito. Gayunman, hindi para sa tao ang magpasiya o kumontrol sa kinabukasan ng lupa. Bago pa malipol ang lahat ng buhay sa lupa, kikilos ang Diyos para puksain ang mga sumisira sa lupa. Iyan ang pangako niya!

      4. PANGANGARAL SA BUONG MUNDO Isa pang bahagi ng tanda ng wakas ang humuhula tungkol sa isang walang katulad na gawain: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Ang pangangaral na ito ay ibang-iba sa pangungumberte ng karamihan ng relihiyon sa nakalipas na mga siglo. Sa mga huling araw, isang mensahe ang itatampok, “ang mabuting balitang ito ng kaharian.” May alam ka bang relihiyon na nagtatampok ng mensaheng iyan? At kung mayroon mang nangangaral ng gayong mensahe, sa lugar lang ba ninyo, o naipalaganap nila ang mabuting balitang ito sa “buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa”?

      Dalawang Saksi ni Jehova na nangangaral sa tabing-dagat; ibinabahagi nila ang isang teksto sa Bibliya sa lalaki

      Ang Kaharian ng Diyos ay ipinahahayag sa buong daigdig sa daan-daang wika

      Itinatampok ng website na www.pr2711.com ang tungkol sa “mabuting balitang ito ng kaharian.” Makikita sa website ang mga literatura na nagpapaliwanag sa mensaheng iyan sa mahigit 700 wika. May alam ka bang iba pang paraan kung saan gayon kalawak ipinahahayag ang mabuting balita ng Kaharian? Bago pa nagkaroon ng Internet, nakilala na ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang pagsisikap na ipalaganap ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. Mula pa noong 1939, makikita na sa pabalat ng bawat isyu ng magasing Ang Bantayan ang mga salitang “Naghahayag ng Kaharian ni Jehova.” Isang aklat tungkol sa mga relihiyon ang nagsabi na ang gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova ay “halos walang katulad kung sigasig at lawak ang pag-uusapan.” Idiniriin ng pangangaral na ito ang mabuting balita na napakalapit nang ‘dumating ang wakas’ sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos.

      NAPAKAHALAGANG PANAHON SA KASAYSAYAN NG DAIGDIG

      Nakita mo bang nangyayari ang lahat ng apat na babalang tanda ng Bibliya na inilarawan sa artikulong ito? Sa loob ng mahigit sandaang taon, ang magasing ito ay nagbibigay sa mga mambabasa nito ng impormasyon tungkol sa mga pangyayari sa daigdig upang tulungan silang matiyak na papalapit na tayo sa wakas. Siyempre, hindi pa rin sang-ayon ang ilang nag-aalinlangan, anupat iginigiit na ang impormasyon at estadistika ay batay lang sa personal na opinyon at maaaring doktorin. Sinasabi rin nila na yamang patuloy na sumusulong ang komunikasyon sa buong daigdig, parang lalo lang lumalala ang mga kalagayan sa mundo. Sa kabila nito, dumarami pa rin ang ebidensiya na nasa katapusan na tayo ng isang naiibang yugto ng panahon sa kasaysayan ng tao.

      Ayon sa ilang eksperto, papalapit na tayo sa malalaking pagbabago sa lupang ito. Halimbawa, noong 2014, ang Science and Security Board ng Bulletin of the Atomic Scientists ay nagbabala sa United Nations Security Council tungkol sa matitinding banta sa pag-iral ng tao. Sinabi ng mga siyentipikong iyon: “Ang masusing pagsusuri sa mga bantang iyon ay aakay sa atin na isiping nariyan pa rin ang panganib na malipol ang sibilisasyon dahil sa teknolohiya.” Parami nang parami ang kumbinsidong nasa napakahalagang panahon na tayo sa kasaysayan ng daigdig. Ang mga tagapaglathala ng magasing ito at ang maraming mambabasa nito ay nakatitiyak na ang naiibang panahong ito ang mga huling araw at na malapit na ang wakas. Pero sa halip na matakot sa hinaharap, maaari kang matuwa sa resulta nito. Bakit? Dahil maaari kang maligtas!

      MGA PROPETA NG KATAPUSAN NG MUNDO?

      Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi mga propeta ng katapusan ng mundo. Mahigit sandaang taon na nilang ibinabahagi ang positibong mensahe tungkol sa hinaharap. Halimbawa, sa kombensiyon nila noong 1958, ipinaliwanag sa pahayag na “Ang Kaharian ng Diyos ay Nagpupuno Na—Ang Katapusan ng Sanlibutan ay Malapit Na Ba?” na “ang kaharian ng Diyos ay darating, hindi para wasakin ang lupang ito, kundi para lipulin ang sanlibutan ni Satanas. Ang kaharian ng Diyos ay darating, hindi para sunugin ang lupang ito, kundi para pangyarihin ang kalooban ng Diyos dito sa lupa gaya rin sa langit. Sa dahilang iyan, ang lupa ay nararapat ingatan yamang nilalang ito ng Diyos; at iingatan ito ng Diyos magpakailanman.”

  • Marami ang Maliligtas Pagdating ng Wakas—Puwede Ka Rin
    Ang Bantayan—2015 | Mayo 1
    • Ipinakikipag-usap ng isang Saksi ni Jehova ang Bibliya sa babae

      TAMPOK NA PAKSA | MALAPIT NA BA ANG WAKAS?

      Marami ang Maliligtas Pagdating ng Wakas—Puwede Ka Rin

      Sinasabi sa atin ng Bibliya na may mangyayaring pagpuksa pagdating ng wakas: “Magkakaroon ng malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon . . . Sa katunayan, malibang paikliin ang mga araw na iyon, walang laman ang maliligtas.” (Mateo 24:21, 22) Ngunit nangangako ang Diyos na maraming tao ang maliligtas: “Ang sanlibutan ay lumilipas . . . , ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:17.

      Kung gusto mong maligtas sa paglipas ng sanlibutang ito at ‘manatili magpakailanman,’ ano ang dapat mong gawin? Mag-iimbak ka ba ng materyal na mga bagay o gagawa ng iba pang pisikal na paghahanda? Hindi. Pinapayuhan tayo ng Bibliya na magtakda ng ibang priyoridad. Mababasa natin: “Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mapupugnaw nang gayon, ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon, na hinihintay at iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.” (2 Pedro 3:10-12) Ipinakikita ng konteksto na kasali sa “lahat ng mga bagay na ito” na mapupugnaw, o mapupuksa, ang mga namamahala sa tiwaling sanlibutang ito at ang lahat ng pumipili sa kanilang pamamahala sa halip na sa Diyos. Maliwanag, hindi tayo maliligtas sa pagpuksang iyon kung mag-iimbak tayo ng materyal na mga bagay.

      Oo, para maligtas tayo, kailangan nating maging tapat sa Diyos na Jehova at alamin kung anong uri ng paggawi at mga gawa ang nakalulugod sa kaniya. (Zefanias 2:3) Sa halip na tularan ang karamihan sa ngayon at ipagwalang-bahala ang malinaw na mga tanda na nabubuhay na tayo sa napakahalagang panahon, kailangan nating ‘ingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.’ Maipakikita sa iyo ng mga Saksi ni Jehova mula sa Bibliya kung paano ka makaliligtas sa dumarating na araw na ito.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share