-
Mamuhay Kaayon ng Modelong Panalangin—Bahagi 1Ang Bantayan—2015 | Hunyo 15
-
-
Mamuhay Kaayon ng Modelong Panalangin—Bahagi 1
“Pakabanalin nawa ang iyong pangalan.”—MAT. 6:9.
1. Paano natin ginagamit sa ministeryo ang panalanging nakaulat sa Mateo 6:9-13?
KABISADO ng marami ang Panalangin ng Panginoon. Madalas natin itong gamitin sa ministeryo para tulungan ang mga tao na maintindihang tunay na gobyerno ang Kaharian ng Diyos at na magdudulot iyon ng napakagandang mga pagbabago sa lupa. Ginagamit din natin ang unang bahagi ng panalangin para ipakitang may pangalan ang Diyos at dapat itong pakabanalin.—Mat. 6:9.
2. Gusto ba ni Jesus na ang mga salita sa modelong panalangin ang paulit-ulit nating sasabihin kapag nananalangin tayo? Ipaliwanag.
2 Gusto ba ni Jesus na ang mga salita sa panalanging ito ang paulit-ulit nating sasabihin kapag nananalangin tayo, gaya ng ginagawa ng marami? Hindi. Sinabi ni Jesus: “Kapag nananalangin, huwag ninyong sabihin ang gayunding mga bagay nang paulit-ulit.” (Mat. 6:7) Minsan, inulit niya ang panalanging ito pero gumamit siya ng ibang pananalita. (Luc. 11:1-4) Sa pamamagitan nito, tinulungan tayo ni Jesus na malaman kung ano ang mga kailangan nating hilingin at kung alin ang dapat nating unahin. Kaya naman matatawag itong modelong panalangin.
3. Anong mga tanong ang puwede nating pag-isipan habang sinusuri ang modelong panalangin?
3 Sa artikulong ito at sa susunod, susuriin natin ang nilalaman ng modelong panalangin. Habang ginagawa iyan, tanungin ang sarili, ‘Paano makatutulong ang panalanging ito para mapasulong ko ang aking panalangin? Namumuhay ba ako kaayon ng modelong panalangin?’
“AMA NAMIN NA NASA LANGIT”
4. Ano ang ipinaaalaala sa atin ng pananalitang “Ama namin”? Bakit masasabing si Jehova ay “Ama” ng mga Kristiyanong may makalupang pag-asa?
4 Ipinaaalaala sa atin ng pananalitang “Ama namin,” at hindi “Ama ko,” na kabilang tayo sa “samahan ng mga kapatid” na may tunay na pag-ibig sa isa’t isa. (1 Ped. 2:17) Napakaganda ngang pribilehiyo! Ang mga pinahirang Kristiyano na pinili ni Jehova na mabuhay sa langit ay inampon bilang mga anak ng Diyos, kaya matatawag nilang “Ama” si Jehova sa ganap na diwa. (Roma 8:15-17) Si Jehova ay matatawag ding “Ama” ng mga Kristiyanong may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa. Siya ang Tagapagbigay-Buhay nila, at maibigin niyang inilalaan ang pangangailangan ng lahat ng kaniyang tunay na mananamba. Ang mga may makalupang pag-asa ay magiging anak ng Diyos sa ganap na diwa kapag sakdal na sila at nanatiling tapat sa huling pagsubok.—Roma 8:21; Apoc. 20:7, 8.
5, 6. Ano ang pinakamagandang regalo na maibibigay ng mga magulang sa kanilang mga anak? Ano ang dapat gawin ng bawat anak sa regalong ito? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
5 Napakagandang regalo ang maibibigay ng mga magulang sa kanilang mga anak kung tuturuan nila ang mga ito na manalangin at tutulungang maunawaan na si Jehova ay mapagmalasakit na Ama sa langit. Isang brother na naglilingkod ngayon bilang tagapangasiwa ng sirkito sa South Africa ang nagsabi: “Mula nang isilang ang mga anak ko, magkakasama na kaming nananalangin gabi-gabi, maliban na lang kapag wala ako sa bahay. Madalas nilang sabihin na hindi nila natatandaan ang eksaktong salita sa mga panalanging iyon. Pero naaalaala nila ang sama-sama at taimtim na pakikipag-usap namin sa ating Ama, si Jehova, at ang kapanatagan at kapayapaan ng isip na nadarama nila. Noong kaya na nila, hinimok ko silang manalangin nang malakas para marinig ko kung paano nila sinasabi kay Jehova ang mga iniisip at nadarama nila. Magandang pagkakataon iyon para malaman ko ang laman ng puso nila. Pagkatapos, nasasabi ko sa kanila na isama ang mahahalagang bahagi ng modelong panalangin para lalong maging makabuluhan ang panalangin nila.”
6 Sumulong sa espirituwal ang mga anak ng brother. Kasama ng kani-kanilang mister, masaya silang naglilingkod ngayon nang buong panahon kay Jehova. Matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na magkaroon ng malapít na kaugnayan kay Jehova at ito ang pinakamagandang regalo na maibibigay nila. Siyempre pa, pananagutan ng bawat anak na ingatan ang kaugnayan nila sa Diyos. Para magawa iyan, kailangan nilang matutuhang ibigin ang pangalan ng Diyos at lubos na igalang.—Awit 5:11, 12; 91:14.
“PAKABANALIN NAWA ANG IYONG PANGALAN”
7. Anong pribilehiyo ang taglay ng bayan ng Diyos, at ano ang dapat nating gawin?
7 Isang pribilehiyo na malaman natin ang personal na pangalan ng Diyos at taglayin ito bilang “isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.” (Gawa 15:14; Isa. 43:10) Hinihiling natin sa ating Ama: “Pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” Dahil ipinananalangin natin iyan, mapakikilos tayo nito na hilingin kay Jehova na tulungan tayong huwag makagawa o makapagsalita ng anumang magdudulot ng kapintasan sa kaniyang banal na pangalan. Ayaw nating maging gaya ng ilan noong unang siglo na hindi ginagawa ang ipinangangaral nila. Isinulat sa kanila ni Pablo: “Ang pangalan ng Diyos ay nalalapastangan dahil sa inyo sa gitna ng mga bansa.”—Roma 2:21-24.
8, 9. Magbigay ng halimbawa kung paano pinagpapala ni Jehova ang mga nagnanais na pakabanalin ang kaniyang pangalan.
8 Gusto nating pakabanalin ang pangalan ng Diyos. Isang sister sa Norway na may dalawang-taóng-gulang na anak ang biglang namatayan ng asawa. “Hirap na hirap ako noon,” ang sabi niya. “Araw-araw akong nananalangin, halos oras-oras, para mapanatiling balanse ang emosyon ko nang hindi matuya ni Satanas si Jehova dahil sa anumang maling desisyon ko o kawalang-katapatan. Gusto kong pakabanalin ang pangalan ni Jehova, at gusto kong makitang muli ng aking anak ang tatay niya sa Paraiso.”—Kaw. 27:11.
9 Sinagot ba ni Jehova ang panalanging iyon? Oo. Dahil sa regular na pakikisama sa mapagmalasakit na mga kapatid, napatibay ang sister na ito. Makalipas ang limang taon, nakapag-asawa siya ng isang elder. Bautisado na ang kaniyang anak, na 20 anyos na ngayon. “Masayang-masaya ako,” ang sabi niya, “dahil tinulungan ako ng mister ko na palakihin siya.”
10. Ano ang kailangan para lubusang mapabanal ang pangalan ng Diyos?
10 Ano ang kailangan para lubusang mapabanal ang pangalan ng Diyos at malinis ito mula sa lahat ng upasala? Kailangang alisin ni Jehova ang lahat ng ayaw tumanggap sa kaniya bilang kanilang Tagapamahala. (Basahin ang Ezekiel 38:22, 23.) Pagkatapos, unti-unting isasauli sa kasakdalan ang mga tao. Tiyak na sabik na sabik na tayong dumating ang panahon kung kailan ang pangalan ni Jehova ay ituturing na banal ng lahat ng matatalinong nilalang! At sa wakas, ang ating maibiging Ama sa langit ay magiging “lahat ng bagay sa bawat isa.”—1 Cor. 15:28.
“DUMATING NAWA ANG IYONG KAHARIAN”
11, 12. Sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, ano ang naunawaan ng mga tunay na Kristiyano sa tulong ni Jehova?
11 Bago umakyat sa langit si Jesus, nagtanong ang mga apostol: “Panginoon, isasauli mo ba ang kaharian sa Israel sa panahong ito?” Makikita sa sagot ni Jesus na hindi iyon ang panahon para malaman nila kung kailan magsisimulang mamahala ang Kaharian ng Diyos. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad na magpokus sa mahalagang gawain na kailangan nilang gawin—ang pangangaral. (Basahin ang Gawa 1:6-8.) Pero itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na asamin ang pagdating ng Kaharian ng Diyos. Kaya mula pa noong panahon ng mga apostol, ipinananalangin na ng mga Kristiyano na dumating ito.
12 Noong malapit nang mamahala sa langit ang Kaharian ng Diyos sa pamumuno ni Jesus, tinulungan ni Jehova ang kaniyang bayan na maunawaan kung kailan iyon mangyayari. Noong 1876, isang artikulo na isinulat ni Charles Taze Russell ang inilathala sa magasing Bible Examiner. Sa artikulong iyon na “Mga Panahong Gentil: Kailan Matatapos?,” tinukoy ang 1914 bilang isang mahalagang taon. Ang “pitong panahon” sa hula ni Daniel ay iniugnay ng artikulo sa “mga takdang panahon ng mga bansa” na binanggit ni Jesus.a—Dan. 4:16; Luc. 21:24.
13. Ano ang nangyari noong 1914? Ano ang pinatutunayan ng mga pangyayari sa daigdig mula noong panahong iyon?
13 Noong 1914, sumiklab ang digmaan sa pagitan ng mga bansa sa Europa—isang digmaan na naging pambuong-daigdig. Nang matapos ito noong 1918, nagkaroon ng matitinding kakapusan sa pagkain at epidemya ng trangkaso na pumatay ng mas maraming tao kaysa sa digmaan. Sa gayon, nagsimulang matupad ang ibinigay ni Jesus na “tanda” ng kaniyang di-nakikitang pagkanaririto bilang bagong Hari ng lupa. (Mat. 24:3-8; Luc. 21:10, 11) Maraming ebidensiya ang nagpapatunay na noong 1914 ibinigay sa Panginoong Jesu-Kristo ang “isang korona.” “Humayo siyang nananaig at upang lubusin ang kaniyang pananaig.” (Apoc. 6:2) Nilinis niya ang langit—nakipagdigma siya kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo at inihagis sila sa lupa. Mula noon, naranasan ng mga tao ang katuparan ng kinasihang pananalitang ito: “Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.”—Apoc. 12:7-12.
14. (a) Bakit mahalagang ipanalangin pa rin natin na dumating ang Kaharian ng Diyos? (b) Anong gawain ang dapat nating gawin ngayon?
14 Ipinaliliwanag ng hula sa Apocalipsis 12:7-12 kung bakit kasabay ng pagsilang ng Kaharian ng Diyos ay nagkaroon ng kalunos-lunos na mga pangyayari na patuloy na sumasalot sa sangkatauhan. Si Jesus, ang Hari ng Kaharian ng Diyos, ay nagsimulang maghari sa gitna ng kaniyang mga kaaway. Hangga’t hindi pa nalulubos ang kaniyang pananaig at hindi pa niya winawakasan ang masamang daigdig, patuloy nating ipananalangin na dumating ang Kaharian ng Diyos. Dapat din tayong mamuhay kaayon ng panalanging iyan at makibahagi sa katuparan ng kamangha-manghang bahagi ng “tanda.” Sinabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mat. 24:14.
“MANGYARI NAWA ANG IYONG KALOOBAN . . . SA LUPA”
15, 16. Paano tayo makapamumuhay kaayon ng kahilingang mangyari ang kalooban ng Diyos sa lupa?
15 Mga 6,000 taon na ang nakalilipas, ang kalooban ng Diyos ay ginagawa sa lupa. Kaya naman sinabi ni Jehova na ang lahat ay “napakabuti.” (Gen. 1:31) Pagkatapos ay nagrebelde si Satanas, at mula noon, iilang tao na lang ang gumagawa ng kalooban ng Diyos sa lupa. Pero ngayon, mga walong milyong Saksi ang naglilingkod kay Jehova. Bukod sa ipinananalangin nila na mangyari ang kalooban ng Diyos sa lupa, sinisikap din nilang mamuhay kaayon ng panalanging iyan. Kitang-kita ito sa paraan ng kanilang pamumuhay at sa masigasig na paggawa ng alagad.
Tinutulungan mo ba ang iyong anak na mamuhay kaayon ng kahilingang mangyari ang kalooban ng Diyos sa lupa? (Tingnan ang parapo 16)
16 Halimbawa, isang sister na nabautismuhan noong 1948 at naging misyonera sa Africa ang nagsabi: “Kaayon ng bahaging ito ng modelong panalangin, madalas kong ipinananalangin na ang lahat ng tulad-tupang tao ay makausap at matulungang makilala si Jehova bago mahuli ang lahat. Bago magpatotoo, humihingi rin ako ng karunungan para maabot ko ang puso ng tao. At para sa mga natagpuang tulad-tupa, ipinananalangin ko na pagpalain ni Jehova ang mga pagsisikap na alagaan sila.” Kaya naman matagumpay sa ministeryo ang 80-anyos na sister na ito. Marami siyang natulungan na maging Saksi ni Jehova. Tiyak na may naiisip ka ring mga indibiduwal na naging magandang halimbawa dahil ibinuhos nila ang kanilang sarili sa paggawa ng kalooban ng Diyos sa kabila ng katandaan.—Basahin ang Filipos 2:17.
17. Ano ang nadarama mo sa gagawin ni Jehova kapag sinagot na niya ang kahilingan natin na mangyari ang kalooban niya sa lupa?
17 Hangga’t hindi pa inaalis ni Jehova sa lupa ang mga kaaway ng Kaharian ng Diyos, patuloy nating ipananalangin na mangyari ang kaniyang kalooban. Makikita natin ang higit pang katuparan ng kalooban ng Diyos kapag binuhay-muli sa paraisong lupa ang bilyon-bilyong tao. “Huwag kayong mamangha rito,” ang sabi Jesus, “sapagkat ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng [aking] tinig at lalabas.” (Juan 5:28, 29) Napakasarap ngang mabuhay sa panahong iyon at salubungin ang ating mga mahal sa buhay na binuhay-muli! “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa [ating] mga mata.” (Apoc. 21:4) Karamihan sa bubuhaying muli ay “di-matuwid,” mga taong namatay nang hindi nakaalam ng katotohanan tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak. Pribilehiyo nating ituro sa mga bubuhaying muli ang tungkol sa kalooban at layunin ng Diyos, at tulungan silang makamit ang “buhay na walang hanggan.”—Gawa 24:15; Juan 17:3.
18. Ano ang pinakamahahalagang pangangailangan ng mga tao?
18 Magkakaroon ng lubos na kapayapaan at pagkakaisa kapag napabanal na ng Kaharian ng Diyos ang pangalan ni Jehova. Kaya ang pinakamahahalagang pangangailangan ng mga tao ay masasapatan kapag lubusan nang nasagot ang unang tatlong kahilingan sa modelong panalangin. Pero may iba pa tayong mahahalagang pangangailangan. Binabanggit ito sa natitirang apat na kahilingan sa modelong panalangin na itinuro ni Jesus. Tatalakayin iyan sa susunod na artikulo.
a Para sa paliwanag kung paano natupad ang hulang ito noong 1914 nang isilang ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos, tingnan ang aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? pahina 215-218.
-
-
Mamuhay Kaayon ng Modelong Panalangin—Bahagi 2Ang Bantayan—2015 | Hunyo 15
-
-
Mamuhay Kaayon ng Modelong Panalangin—Bahagi 2
“Nalalaman ng Diyos na inyong Ama kung anong mga bagay ang kinakailangan ninyo.”—MAT. 6:8.
1-3. Bakit kumbinsido ang isang sister na alam ni Jehova ang kailangan natin?
HINDING-HINDI malilimutan ni Lana ang nangyari sa kaniya sa Germany noong tag-araw ng 2012. Kumbinsido siyang sinagot ni Jehova ang dalawang panalangin niya. Una siyang nanalangin habang nasa tren papuntang airport. Hiniling niyang makapagpatotoo siya. Pagdating sa airport, nanalangin ulit siya dahil nalaman niyang inilipat ang flight niya kinabukasan. Wala siyang matutuluyan at halos wala na ring pera.
2 Hindi pa tapos manalangin si Lana nang may marinig siyang nagsalita, “Hello, Lana, ano’ng ginagawa mo rito?” Dating kaeskuwela ni Lana ang lalaking nagtanong. Papuntang South Africa ang lalaki at inihatid sa airport ng nanay at lola niya. Nalaman ng nanay niya na si Elke ang sitwasyon ni Lana. Niyaya ni Elke si Lana na tumuloy sa bahay nila. Maraming itinanong si Elke at ang nanay nito tungkol sa paniniwala ni Lana at sa pagiging payunir niya.
3 Kinabukasan, pagkatapos mag-almusal, sinagot ni Lana ang iba pa nilang tanong tungkol sa Bibliya. Kinuha rin niya ang mga impormasyong kailangan para masubaybayan ang interes nila. Nakauwi nang ligtas si Lana at patuloy na nagpayunir. Kumbinsido siya na ang “Dumirinig ng panalangin” ang nasa likod ng mga nangyari sa kaniya.—Awit 65:2.
4. Anong mga pangangailangan ang tatalakayin natin?
4 Kapag bigla tayong nagkaproblema, baka napakadali sa atin na manalangin para humingi ng tulong, at natutuwa naman si Jehova na pakinggan ang panalangin ng kaniyang tapat na mga lingkod. (Awit 34:15; Kaw. 15:8) Pero kung bubulay-bulayin natin ang modelong panalangin, makikita nating may mas mahahalagang pangangailangan pa tayo na dapat ipanalangin. Halimbawa, pansinin kung paano itinatampok sa huling tatlong kahilingan sa modelong panalangin ang espirituwal na mga pangangailangan natin. At ano pa ang kailangan nating gawin para makapamuhay ayon sa ikaapat na kahilingan tungkol sa tinapay natin sa araw-araw?—Basahin ang Mateo 6:11-13.
“IBIGAY MO SA AMIN NGAYON ANG AMING TINAPAY PARA SA ARAW NA ITO”
5, 6. Bakit mahalaga ang paghiling ng “aming tinapay” kahit may sapat tayong materyal na bagay?
5 Pansinin na ang kahilingang ito ay hindi lang paghiling ng “aking tinapay” kundi ng “aming tinapay.” Sinabi ni Victor, isang tagapangasiwa ng sirkito sa Africa: “Madalas akong magpasalamat nang taimtim kay Jehova dahil hindi na namin masyadong iniisip ng misis ko kung saan manggagaling ang susunod naming kakainin, ni inaalala namin kung sino ang magbabayad ng aming renta. Ang mga kapatid ang nag-aasikaso sa amin araw-araw. Pero ipinananalangin ko na makayanan ng mga tumutulong sa amin ang pinansiyal na mga problema nila.”
6 Kung may sapat tayong pagkain, maaari nating alalahanin ang mga kapatid nating mahihirap o naapektuhan ng sakuna. Ipanalangin natin sila at kumilos kaayon ng ating mga panalangin. Halimbawa, puwede tayong magbigay ng kung ano ang mayroon tayo. Maaari din tayong regular na magbigay ng donasyon sa pambuong-daigdig na gawain dahil alam natin na ginagamit ito nang tama.—1 Juan 3:17.
7. Paano ipinakita ni Jesus na hindi tayo dapat “mabalisa tungkol sa susunod na araw”?
7 Nang banggitin ni Jesus ang tungkol sa ating pang-araw-araw na tinapay, malamang na pangunahing mga pangangailangan natin ang tinutukoy niya. Kaya matapos ipakitang dinaramtan ng Diyos ang ligáw na mga bulaklak, sinabi niya: “Hindi ba mas lalong daramtan niya kayo, kayo na may kakaunting pananampalataya? Kaya huwag kayong mabalisa at magsabing, . . . ‘Ano ang aming isusuot?’” Pagkatapos, inulit niya: “Huwag kayong mabalisa tungkol sa susunod na araw.” (Mat. 6:30-34) Ipinakikita nito na sa halip na maging materyalistiko, dapat tayong makontento sa mga pangunahing pangangailangan natin sa araw-araw. Kasali sa mga ito ang disenteng tahanan, trabaho para makapaglaan sa pamilya, at karunungan para maharap ang mga problema sa kalusugan. Pero kapag pisikal na mga pangangailangan lang ang ipinananalangin natin, hindi tayo balanse. May espirituwal na mga pangangailangan tayo na di-hamak na mas mahalaga kaysa sa mga ito.
8. Ano ang ipinaaalaala sa atin ng sinabi ni Jesus tungkol sa ating pang-araw-araw na tinapay? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
8 Ipinaaalaala sa atin ng sinabi ni Jesus tungkol sa ating pang-araw-araw na tinapay na kailangan natin ng espirituwal na pagkain. “Ang tao ay mabubuhay,” ang sabi ng ating Panginoon, “hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (Mat. 4:4) Kaya dapat na lagi nating ipanalangin na patuloy tayong paglaanan ni Jehova ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon.
“PATAWARIN MO KAMI SA AMING MGA PAGKAKAUTANG”
9. Bakit masasabing “pagkakautang” ang mga kasalanan natin?
9 Bakit “pagkakautang” ang salitang ginamit ni Jesus, samantalang sa isa pang pagkakataon, “kasalanan” ang ginamit niya? (Mat. 6:12; Luc. 11:4) Mahigit 60 taon na ang nakalilipas, ipinaliwanag ng babasahing ito: “Kapag nagkakasala tayo laban sa kautusan ng Diyos, nagkakautang tayo sa kaniya. . . . Para sa ating mga kasalanan, maaaring hingin ng Diyos ang buhay natin bilang kabayaran. . . . Maaari niyang bawiin sa atin ang kaniyang kapayapaan, anupat pinuputol ang lahat ng mapayapang kaugnayan sa atin. . . . Pananagutan nating ibigin siya sa pamamagitan ng pagsunod; at kapag nagkakasala tayo, nabibigo tayong bayaran ang utang nating pag-ibig sa kaniya, dahil ang kasalanan ay kawalan ng pag-ibig sa Diyos.”—1 Juan 5:3.
10. Ano ang saligan para mapatawad ni Jehova ang ating mga kasalanan? Ano ang dapat nating madama rito?
10 Araw-araw, kailangan natin ang kapatawaran ni Jehova. Itinatampok nito ang tanging legal na saligan para makansela ng Diyos ang ating mga kasalanan—ang haing pantubos ni Jesus. Halos 2,000 taon na mula nang ibayad ang pantubos, pero dapat natin itong pahalagahan na parang isang regalo na ngayon ibinigay. Ang “halagang pantubos” para sa buhay natin ay “napakamahal” at walang anumang magagawa ang sinumang di-sakdal na tao para mabayaran ito. (Basahin ang Awit 49:7-9; 1 Pedro 1:18, 19.) Kaya dapat nating patuloy na pasalamatan si Jehova para sa napakahalagang regalong ito. Dapat ding ipaalaala sa atin ng pananalitang “aming mga kasalanan,” at hindi “aking mga kasalanan,” na kailangan ng lahat ng mananamba ng Diyos ang maibiging paglalaang ito. Maliwanag, gusto ni Jehova na isipin natin hindi lang ang sariling espirituwal na kapakanan natin kundi pati ang sa iba, kasama na ang mga nagkasala sa atin. Kadalasan, maliliit lang ang gayong mga kasalanan at pagkakataon iyon para maipakita nating talagang mahal natin ang ating mga kapatid at handa tayong patawarin sila, kung paanong pinatatawad tayo ng Diyos.—Col. 3:13.
Kung gusto mong patawarin ka ng Diyos, patawarin mo rin ang iba (Tingnan ang parapo 11)
11. Bakit mahalagang maging mapagpatawad?
11 Nakalulungkot, dahil hindi tayo sakdal, nagkikimkim tayo kung minsan ng sama ng loob sa ating kapuwa. (Lev. 19:18) Kung sasabihin natin ito sa iba, baka kampihan nila tayo, at masira ang pagkakaisa ng kongregasyon. Kung hahayaan nating magpatuloy ang gayong sitwasyon, ipinakikita nito na hindi natin pinahahalagahan ang awa ng Diyos at ang pantubos. Hindi tayo patatawarin ng ating Ama kung hindi natin pinatatawad ang iba. (Mat. 18:35) Nilinaw ito ni Jesus pagkatapos niyang ibigay ang modelong panalangin. (Basahin ang Mateo 6:14, 15.) Gayundin, para mapatawad tayo ng Diyos, iwasan nating mamihasa sa paggawa ng malubhang kasalanan. Ang pagnanais natin na huwag mamihasa sa kasalanan ay aakay sa atin sa kasunod na kahilingan.—1 Juan 3:4, 6.
“HUWAG MO KAMING DALHIN SA TUKSO”
12, 13. (a) Ano ang nangyari kay Jesus pagkatapos ng kaniyang bautismo? (b) Bakit hindi natin dapat sisihin ang iba kapag nahulog tayo sa tukso? (c) Ano ang napatunayan ng pananatiling tapat ni Jesus hanggang kamatayan?
12 Isaalang-alang natin ang nangyari kay Jesus pagkatapos ng kaniyang bautismo. Makatutulong ito para maintindihan natin kung bakit kailangan nating hilingin: “Huwag mo kaming dalhin sa tukso.” Inakay si Jesus ng espiritu ng Diyos patungo sa ilang. Bakit? “Upang tuksuhin ng Diyablo.” (Mat. 4:1; 6:13) Dapat ba nating ikagulat ito? Hindi, kung nauunawaan natin ang pangunahing dahilan kung bakit isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa lupa—para malutas ang isyung bumangon noong tanggihan nina Adan at Eva ang pamamahala ni Jehova. May mga tanong na kailangan ng panahon para masagot. Halimbawa, may mali ba sa paraan ng paglalang ng Diyos sa tao? Posible ba para sa isang taong sakdal na itaguyod ang soberanya ng Diyos kahit ginigipit ng “isa na balakyot”? At mas makabubuti ba sa mga tao kung sila ang mamamahala sa kanilang sarili at hindi ang Diyos, gaya ng ipinahihiwatig ni Satanas? (Gen. 3:4, 5) Kapag nasagot na ang mga tanong na ito, malalaman ng lahat ng matatalinong nilalang na ang paraan ng pamamahala ni Jehova ang pinakamabuti.
13 Si Jehova ay banal, kaya hindi niya kailanman tutuksuhin ang sinuman na gumawa ng masama. Ang Diyablo “ang Manunukso.” (Mat. 4:3) Kaya niyang gumawa ng nakatutuksong mga sitwasyon. Pero nakadepende sa bawat isa kung magpapadala siya sa tukso o hindi. (Basahin ang Santiago 1:13-15.) Agad na tinanggihan ni Jesus ang bawat panunukso ni Satanas sa pamamagitan ng pagsipi sa Salita ng Diyos. Sa gayon, naitaguyod ni Jesus ang karapatan ng Diyos na mamahala. Pero hindi sumuko si Satanas. Naghintay siya “hanggang sa iba pang kumbinyenteng panahon.” (Luc. 4:13) Nanatiling tapat si Jesus sa kabila ng lahat ng pagsisikap ni Satanas na sirain ang kaniyang katapatan. Itinaguyod ni Kristo ang matuwid na soberanya ni Jehova at pinatunayan niyang puwedeng manatiling tapat ang isang sakdal na tao kahit sa ilalim ng pinakamahirap na pagsubok. Pero sinisikap ding tuksuhin ni Satanas ang mga tagasunod ni Jesus, kasama ka na.
14. Ano ang dapat nating gawin para hindi tayo mahulog sa tukso?
14 Dahil kailangang malutas ang isyu tungkol sa soberanya ng Diyos, hinahayaan ni Jehova ang Manunukso na gamitin ang sanlibutang ito para tuksuhin tayo. Hindi tayo dinadala ng Diyos sa tukso. May tiwala siya sa atin at gusto niya tayong tulungan. Iginagalang niya ang kalayaan nating magpasiya, kaya hindi niya tayo awtomatikong pinipigilang mahulog sa tukso. May dalawang bagay tayong dapat gawin—manatiling gising sa espirituwal at patuloy na manalangin. Paano sinasagot ni Jehova ang ating mga panalangin?
Panatilihin ang iyong espirituwalidad at sigasig sa ministeryo (Tingnan ang parapo 15)
15, 16. (a) Ano ang ilang tukso na kailangan nating labanan? (b) Sino ang dapat sisihin kapag nahulog ang isa sa tukso?
15 Binibigyan tayo ni Jehova ng kaniyang makapangyarihang banal na espiritu para mapalakas tayo at matulungang labanan ang tukso. Binababalaan din tayo ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng kongregasyon tungkol sa mga sitwasyong dapat nating iwasan, gaya ng pag-aaksaya ng panahon, pera, at lakas sa hindi gaanong mahahalagang materyal na bagay. Sina Espen at Janne ay nakatira sa isang mayamang bansa sa Europe. Sa loob ng maraming taon, regular pioneer sila sa isang lugar sa bansa nila kung saan malaki ang pangangailangan. Dahil nagkaanak, kinailangan nilang tumigil sa pagpapayunir. Dalawa na ang anak nila ngayon. “Madalas naming ipanalangin kay Jehova,” ang sabi ni Espen, “na hindi kami mahulog sa tukso ngayong nabawasan na ang panahon namin para sa teokratikong mga gawain. Hinihiling namin kay Jehova na tulungan kaming mapanatili ang aming espirituwalidad at sigasig sa ministeryo.”
16 Ang isa pang tukso na kailangan nating labanan ngayon ay ang panonood ng pornograpya. Kapag nahulog tayo sa tuksong ito, hindi natin masisisi si Satanas. Bakit? Dahil hindi tayo mapipilit ni Satanas at ng kaniyang sanlibutan na gawin ang isang bagay na ayaw natin. Ang ilan ay nahulog sa tuksong ito dahil hinayaan nilang maglaro sa isipan nila ang masasamang bagay. Pero malalabanan natin ang tukso, gaya nagawa ng marami nating kapatid.—1 Cor. 10:12, 13.
“ILIGTAS MO KAMI MULA SA ISA NA BALAKYOT”
17. (a) Paano tayo makapamumuhay kaayon ng kahilingang iligtas tayo mula sa isa na balakyot? (b) Anong magandang kalagayan ang malapit na nating maranasan?
17 Para makapamuhay kaayon ng kahilingang “iligtas mo kami mula sa isa na balakyot,” dapat nating sikapin na “hindi [maging] bahagi ng sanlibutan” ni Satanas. At “huwag [nating] ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay man na nasa sanlibutan.” (Juan 15:19; 1 Juan 2:15-17) Kailangan dito ang patuloy na pakikipagpunyagi. Laking ginhawa natin kapag pinuksa na ni Jehova si Satanas at ang masamang sanlibutan nito bilang sagot sa kahilingan natin! Pero tandaan na noong ihagis si Satanas mula sa langit, alam niyang kaunti na lang ang kaniyang panahon. Galit na galit siya, at ginagawa niya ang lahat para sirain ang ating katapatan. Kaya dapat tayong patuloy na manalanging iligtas tayo mula sa kaniya.—Apoc. 12:12, 17.
18. Para maligtas kapag pinuksa ang sanlibutan ni Satanas, ano ang dapat nating patuloy na gawin?
18 Gusto mo bang mabuhay sa isang daigdig na wala na si Satanas? Kung gayon, patuloy mong ipanalangin na dumating ang Kaharian ng Diyos, para mapabanal ang pangalan ng Diyos at matupad ang kaniyang kalooban sa lupa. Umasa kay Jehova para sa iyong espirituwal at materyal na pangangailangan. Oo, maging determinadong mamuhay kaayon ng modelong panalangin.
-