KABANATA 37
Dapat Na ba Akong Magpabautismo?
Sagutin kung tama o mali:
Ang bautismo ay kahilingan para sa mga Kristiyano.
□ Tama
□ Mali
Ang pangunahing layunin ng bautismo ay tulungan kang makaiwas sa paggawa ng kasalanan.
□ Tama
□ Mali
Dahil sa bautismo, maaari kang maligtas.
□ Tama
□ Mali
Kung hindi ka bautisado, hindi ka mananagot sa Diyos sa mga ginagawa mo.
□ Tama
□ Mali
Kung nagpapabautismo na ang mga kaibigan mo, ibig sabihin handa ka na ring magpabautismo.
□ Tama
□ Mali
KUNG sinusunod mo na ang mga pamantayan ng Diyos, sinisikap mo nang maging kaibigan Niya, at sinasabi mo na sa iba ang tungkol sa iyong pananampalataya, natural lamang na pag-isipan mo na ang tungkol sa bautismo. Pero paano mo malalaman kung handa ka nang magpabautismo? Para matulungan kang sagutin ang tanong na iyan, talakayin natin ang mga pangungusap na binanggit sa itaas.
● Ang bautismo ay kahilingan para sa mga Kristiyano.
Tama. Iniutos ni Jesus na magpabautismo ang kaniyang mga alagad. (Mateo 28:19, 20) Sa katunayan, si Jesus mismo ay kusang-loob na nagpabautismo. Para matularan mo si Kristo, kailangan mong magpabautismo kapag may-gulang ka na para gumawa ng desisyong iyan at talagang gusto mo nang gawin iyan.
● Ang pangunahing layunin ng bautismo ay tulungan kang makaiwas sa paggawa ng kasalanan.
Mali. Ang bautismo ay isang simbolo. Sa pamamagitan nito, malalaman ng mga tao na inialay mo na ang iyong sarili kay Jehova. Ang iyong pag-aalay ay hindi basta isang kasunduan lamang na pumipigil sa iyo na gumawa ng mga bagay na alam mo namang mali. Sa halip, iniaalay mo ang iyong buhay kay Jehova dahil gusto mong mamuhay ayon sa kaniyang mga pamantayan.
● Dahil sa bautismo, maaari kang maligtas.
Tama. Sinasabi ng Bibliya na ang bautismo ay isang mahalagang hakbang para maligtas ang isa. (1 Pedro 3:21) Pero hindi naman ibig sabihin nito na ang bautismo ay parang isang insurance na puwede mong maging proteksiyon kapag nagkaroon ng sakuna. Magpapabautismo ka dahil mahal mo si Jehova at gusto mo siyang paglingkuran nang buong puso magpakailanman.—Marcos 12:29, 30.
● Kung hindi ka bautisado, hindi ka mananagot sa Diyos sa mga ginagawa mo.
Mali. Sinasabi ng Santiago 4:17: “Kung nalalaman ng isa kung paano gagawin ang tama at gayunma’y hindi ito ginagawa, ito ay kasalanan sa kaniya”—nagpabautismo man siya o hindi. Kaya kung alam mo ang tama at may-gulang ka na para seryosong pag-isipan ang iyong buhay, marahil panahon na para makipag-usap ka sa iyong magulang o sa ibang may-gulang na Kristiyano para malaman mo kung ano ang dapat gawin para maging kuwalipikado ka sa bautismo.
● Kung nagpapabautismo na ang mga kaibigan mo, ibig sabihin handa ka na ring magpabautismo.
Mali. Dapat na kusang-loob ang desisyon mong magpabautismo. (Awit 110:3) Saka ka lamang magpabautismo kung malinaw na sa iyo ang mga kahilingan para maging isang Saksi ni Jehova at kung sigurado kang handa mo nang balikatin ang pananagutang iyan.—Eclesiastes 5:4, 5.
Isang Hakbang na Babago sa Iyong Buhay
Ang bautismo ay isang hakbang na babago sa iyong buhay at magdudulot sa iyo ng maraming pagpapala. Pero may kasama itong mabigat na pananagutan—ang tuparin ang iyong pag-aalay kay Jehova.
Handa ka na bang ialay ang iyong sarili sa Diyos? Kung oo, may dahilan ka para magsaya. Naghihintay sa iyo ang pinakadakilang pribilehiyo sa lahat—ang paglingkuran si Jehova nang buong puso at mamuhay sa paraang nagpapakita na talagang nakaalay ka sa kaniya.—Mateo 22:36, 37.
Alamin kung paano ka magtatakda ng mga tunguhing makakatulong sa iyo na gamitin ang iyong buhay sa matalinong paraan.
TEMANG TEKSTO
“Iharap ninyo ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos, isang sagradong paglilingkod taglay ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran.”—Roma 12:1.
TIP
Sa tulong ng mga magulang mo, humanap ng isang kapatid sa kongregasyon na makakatulong sa iyo na maging kuwalipikado sa bautismo.—Gawa 16:1-3.
ALAM MO BA . . . ?
Ang pagpapabautismo ay isang napakahalagang bahagi ng “marka” na nagpapakitang karapat-dapat ka sa kaligtasan.—Ezekiel 9:4-6.
ANG PLANO KONG GAWIN!
Para sumulong ako at maging kuwalipikado sa bautismo, pag-aaralan ko pa nang higit ang sumusunod na mga turo mula sa Bibliya: ․․․․․
Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․
ANO SA PALAGAY MO?
● Bakit napakaseryosong hakbang ang pagpapabautismo?
● Bakit kaya nagpapabautismo ang ilang kabataan kahit na hindi pa sila talaga handa?
● Bakit kaya atubili ang ilang kabataan na ialay ang kanilang sarili sa Diyos at magpabautismo kahit kuwalipikado na sila?
[Blurb sa pahina 306]
“Dahil alam kong bautisado na ako, nakatulong ito para makagawa ako ng matalinong mga pasiya at makaiwas ako sa paggawa ng anumang bagay na ikapapahamak ko.”—Holly
[Kahon/Larawan sa pahina 307]
Mga Karaniwang Tanong Tungkol sa Bautismo
Ano ang isinasagisag ng bautismo? Ang paglubog at pag-ahon sa tubig ay nangangahulugang namatay ka na sa iyong makasariling paraan ng pamumuhay at muling nabuhay para gawin ang kalooban ni Jehova.
Ano ang ibig sabihin ng pag-aalay ng iyong buhay kay Jehova? Nangangahulugan ito na hindi na ikaw ang nagmamay-ari ng iyong sarili, at nangangako kang uunahin mo sa iyong buhay ang paggawa ng kalooban ng Diyos. (Mateo 16:24) Angkop lamang na pormal mong ialay ang iyong sarili kay Jehova sa pamamagitan ng panalangin bago ka magpabautismo.
Ano ang dapat na ginagawa mo na bago ka magpabautismo? Dapat na sinusunod mo na ang mga pamantayan ng Diyos at sinasabi mo na sa iba ang tungkol sa iyong pananampalataya. Dapat na sinisikap mo nang maging kaibigan ng Diyos sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aaral ng kaniyang Salita. Dapat na pinaglilingkuran mo na si Jehova dahil ito ang gusto mong gawin—hindi dahil pinipilit ka lang ng iba na gawin ito.
May partikular bang edad na dapat ay bautisado ka na? Hindi edad ang pinakaimportante rito. Pero dapat ay may-gulang ka na at nasa tamang edad na para maunawaan ang kahulugan ng pag-aalay.
Paano kung gusto mo nang magpabautismo pero sinabi ng iyong mga magulang na maghintay ka muna? Baka gusto nilang magkaroon ka pa ng higit na karanasan sa pamumuhay bilang Kristiyano. Pahalagahan mo ang kanilang payo, at gamitin ang panahong ito para lalo kang maging malapít kay Jehova.—1 Samuel 2:26.
[Kahon sa pahina 308, 309]
Worksheet
Gusto Mo na Bang Magpabautismo?
Para malaman mo kung kuwalipikado ka na, isaalang-alang ang mga tanong at pangungusap sa ibaba. Siguraduhing nabasa mo na ang binanggit na mga teksto sa Bibliya bago mo isulat ang iyong mga sagot.
Sa anu-anong paraan mo ipinakikitang nagtitiwala ka kay Jehova?—Awit 71:5. ․․․․․
Sa anu-anong paraan mo naipakitang nasanay na ang iyong mga kakayahan sa pang-unawa na makilala ang tama at mali?—Hebreo 5:14. ․․․․․
Gaano ka kadalas manalangin? ․․․․․
Gaano kaespesipiko ang iyong mga panalangin, at mapapansin ba sa iyong mga panalangin na talagang mahal mo si Jehova?—Awit 17:6. ․․․․․
Ilista sa ibaba ang mga gusto mong maging tunguhin may kaugnayan sa iyong mga panalangin. ․․․․․
Gaano ka kadalas mag-aral ng Bibliya?—Josue 1:8. ․․․․․
Anu-ano ang personal na pinag-aaralan mo? ․․․․․
Ilista sa ibaba ang mga gusto mong maging tunguhin may kaugnayan sa iyong personal na pag-aaral. ․․․․․
Mabisa ba ang iyong pangangaral? (Halimbawa: Kaya mo bang ipaliwanag sa iba ang mga pangunahing turo ng Bibliya? Binabalikan mo ba ang mga taong nagpakita ng interes sa Bibliya? Sinisikap mo bang makapagdaos ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya?)
□ Oo □ Hindi
Sumasama ka ba sa pangangaral kahit wala ang mga magulang mo?—Gawa 5:42.
□ Oo □ Hindi
Ilista sa ibaba ang mga gusto mong maging tunguhin may kaugnayan sa iyong pangangaral.—2 Timoteo 2:15. ․․․․․
Kumusta ang pagdalo mo sa mga Kristiyanong pagpupulong, regular ba o paminsan-minsan lang?—Hebreo 10:25. ․․․․․
Sa anu-anong paraan ka nakikibahagi sa mga pulong? ․․․․․
Dumadalo ka ba kahit wala ang mga magulang mo (kung pinayagan ka naman nila)?
□ Oo □ Hindi
Gustung-gusto mo ba talagang gawin ang kalooban ng Diyos?—Awit 40:8.
□ Oo □ Hindi
Isulat ang ilang pagkakataon na napaharap ka sa panggigipit ng iyong mga kasama at napaglabanan mo ito.—Roma 12:2. ․․․․․
Ano ang gagawin mo para hindi lumamig ang iyong pag-ibig kay Jehova?—Judas 20, 21. ․․․․․
Maglilingkod ka pa rin ba kay Jehova kahit huminto na ang iyong mga magulang at kaibigan sa paglilingkod sa Kaniya?—Mateo 10:36, 37.
□ Oo □ Hindi
[Larawan sa pahina 310]
Tulad ng pag-aasawa, ang bautismo ay isang hakbang na babago sa iyong buhay—dapat itong seryosohin