Ang mga Kabataan ay Nagtatanong
Paano Ko Gagawing Kawili-wili ang Pagbabasa ng Bibliya?
Gaano ka kadalas magbasa ng Bibliya? (Mag-tsek ng isa)
□ Araw-araw
□ Linggu-linggo
□ Iba pa ․․․․․
Kumpletuhin ang sumusunod na pangungusap.
Kapag hindi ako nasisiyahan sa pagbabasa ng Bibliya, karaniwan nang dahil . . . (I-tsek ang lahat ng sagot mo)
□ Nababagot ako
□ Hindi ko ito maintindihan
□ Nagagambala ako
□ Iba pa ․․․․․
WALA ka bang hilig magbasa ng Bibliya? Kung oo, baka sumang-ayon ka sa sinabi ng 18-anyos na si Will, “Mababagot ka sa pagbabasa ng Bibliya.” Pero idinugtong niya, “Iyon ay kung hindi mo alam kung paano ito babasahin.”
Bakit dapat mong malaman kung paano magbasa ng Bibliya? Gusto mo bang matuto nang higit kung paano
◼ gagawa ng tamang desisyon?
◼ magkakaroon ng tunay na mga kaibigan?
◼ makakayanan ang stress?
Maraming magagandang payo ang Bibliya tungkol diyan at sa iba pang paksa. Totoong kailangan ang pagsisikap para malaman ang mga ito. Pero tulad ito ng paghahanap ng nakabaong kayamanan: Miyentras mas mahirap maghanap, mas masaya kapag nakita mo na ito!—Kawikaan 2:1-6.
Paano mo makukuha ang mga kayamanang ito sa Bibliya? Bibigyan ka ng ideya ng kahon sa kanan kung paano mo babasahin ang Bibliya, at ng kahon sa kabilang pahina kung sa anong pagkakasunud-sunod mo ito puwedeng basahin. Subukan din ang mga mungkahing magugustuhan mo sa sumusunod na mga pahina.
Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype
Kung nakakapag-Internet ka, puwede mong mabasa ang Bibliya sa www.watchtower.org/e/bible
PAG-ISIPAN
Sinasabing ang laki ng pakinabang ay depende sa laki ng ipinuhunan mo.
◼ Bakit totoo rin ito sa pagbabasa ng Bibliya?
◼ Kailan ka puwedeng magbasa ng Bibliya?
[Kahon/Larawan sa pahina 23]
KUNG PAANO BABASAHIN ANG BIBLIYA
Bago magbasa . . .
◼ Tiyaking tahimik ang paligid para makapagpokus ka.
◼ Manalangin na sana’y tulungan kang maunawaan ang iyong binabasa.
Habang nagbabasa . . .
◼ Gumamit ng mga mapa at larawan ng mga ulat sa Bibliya para mailarawan mo sa isip ang mga eksena sa Bibliya.
◼ Pag-isipan ang tagpo, at suriin ang mga detalye.
◼ Tingnan ang mga talababa at cross-reference.
◼ Itanong sa iyong sarili ang gaya ng mga sumusunod:
DETALYE: Kailan ito nangyari? Sino ang nagsasalita? Sino ang kinakausap?
KAHULUGAN: Paano ko ito ipaliliwanag sa iba?
KAHALAGAHAN: Bakit isinama ng Diyos na Jehova ang ulat na ito sa kaniyang Salita? Ano ang ipinakikita nito tungkol sa kaniyang mga katangian o paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay? Anu-anong aral ang magagamit ko sa aking buhay?
Matapos magbasa . . .
◼ Magsaliksik pa. Gumamit ng mga reperensiyang inilathala ng mga Saksi ni Jehova, gaya ng Insight on the Scriptures at “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang.”
◼ Manalangin muli. Sabihin kay Jehova ang mga natutuhan mo at kung paano mo ito planong gamitin. Pasalamatan siya sa kaniyang Salita, ang Bibliya.
[Kahon/Larawan sa pahina 24]
SA ANONG PAGKAKASUNUD-SUNOD MO BABASAHIN ANG BIBLIYA?
Mapagpipilian . . .
□ Basahin mula umpisa hanggang katapusan.
□ Basahin ayon sa petsa ng pagkakasulat ng mga aklat o ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari.
□ Bawat araw, magbasa ng iba-ibang seksiyon ng Bibliya.
Lunes: Kapana-panabik na kasaysayan (Genesis hanggang Esther)
Martes: Buhay at turo ni Jesus (Mateo hanggang Juan)
Miyerkules: Sinaunang Kristiyanismo (Gawa)
Huwebes: Hula at mga payo tungkol sa moralidad (Isaias hanggang Malakias, Apocalipsis)
Biyernes: Madamdaming tula at awit (Job, Mga Awit, Awit ni Solomon)
Sabado: Praktikal na mga payo sa buhay (Kawikaan, Eclesiastes)
Linggo: Mga liham sa mga kongregasyon (Roma hanggang Judas)
Anumang pagkakasunud-sunod ang piliin mo, tandaan kung nasaan ka na! Maglagay ng ✔ sa tabi ng kabanatang nabasa mo, o isulat kung ano nang mga kabanata ang natapos mo.
Gupitin ang kahong ito at ilagay sa iyong Bibliya!
[Kahon/Dayagram sa pahina 24]
GAWING BUHÁY NA BUHÁY ANG MGA ULAT NG BIBLIYA!
Para manabik ka sa binabasa mo, subukan ang sumusunod:
□ Gawan ng family tree ang nabasa mong mga pangalan.
□ Gumawa ng dayagram. Halimbawa, kapag binabasa mo ang tungkol sa isang tapat na tauhan, isulat ang mga katangian at ang mga ginawa ng taong iyon at kung anong mga pagpapala ang natanggap niya dahil dito.—Kawikaan 28:20.
[Dayagram]
Kaibigan ng Diyos
↑ Masunurin
↑ Tapat
↑ ↑
Abraham
□ Idrowing ang kuwento.
□ Gumawa ng storyboard, simpleng mga drowing ng sunud-sunod na mga pangyayari. Isulat ang nangyayari sa bawat eksena.
□ Gumawa ng maliit na modelo ng mga istraktura, gaya ng arka ni Noe.—Halimbawa, tingnan ang isyu ng Gumising!, Enero 2007, pahina 22.
□ Magbasa nang malakas kasama ng mga kaibigan at kapamilya. Mungkahi: Pumili ng isang babasa ng pagsasalaysay. May iba namang babasa sa linya ng mga tauhan.
□ Pumili ng isang salaysay, at gawin itong parang balita. Ireport sa iba’t ibang anggulo ang mga pangyayari—“interbyuhin” ang mga pangunahing tauhan at mga saksi.
□ Basahin ang isang salaysay kung saan nagkamali ng pasiya ang isang tauhan at mag-isip ng ibang ending! Halimbawa, basahin ang ulat tungkol sa pagkakaila ni Pedro kay Jesus. (Marcos 14:66-72) Ano sana ang mas magandang ginawa ni Pedro sa mahirap na situwasyong iyon?
□ Manood o makinig ng mga rekording ng drama sa Bibliya.
□ Sumulat ng sarili mong drama. Isama ang mga aral na matututuhan sa ulat.—Roma 15:4.
TIP: Isadula ang dramang ito kasama ng iyong mga kaibigan.
[Kahon/Larawan sa pahina 25]
PARA MANABIK KANG MAGBASA
◼ Magtakda ng tunguhin! Isulat sa ibaba kung kailan mo gustong simulan ang programa ng pagbabasa ng Bibliya.
․․․․․
◼ Pumili ng isang bahagi ng Bibliya na interesado kang basahin. (Tingnan ang kahong “Sa Anong Pagkakasunud-sunod Mo Babasahin ang Bibliya?”) Isulat sa ibaba kung aling bahagi ng Bibliya ang una mong babasahin.
․․․․․
◼ Sa umpisa, magbasa ka lamang nang ilang minuto. Mas mabuti nang magbasa ng kahit 15 minuto kaysa hindi ka magbasa. Isulat sa ibaba kung ilang minuto o oras ang mailalaan mo sa pagbabasa ng Bibliya.
․․․․․
Mungkahi: Kumuha ng Bibliya na gagamitin mo para lamang sa iyong personal na pag-aaral. Sulatan ito ng mga nota. Markahan ang mga talata na gustung-gusto mo.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 25]
ANG SINASABI NG IBANG KABATAAN
“Gabi-gabi, sinisikap kong magbasa ng ilang bahagi ng Bibliya bago matulog. Kaya naman may magandang bagay akong napag-iisipan bago makatulog.”—Megan.
“Labinlimang minuto kong pinag-aaralan ang isang talata. Binabasa ko ang lahat ng talababa at cross-reference, at nagsasaliksik pa. Kung minsan, hindi ko natatapos sa isang upuan ang isang talata, pero marami akong natututuhan sa ganitong paraan!”—Corey.
“Minsan, nabasa ko ang buong Bibliya sa loob ng sampung buwan. Sa ganoong bilis, nakita ko ang koneksiyon ng iba’t ibang bahagi ng Bibliya na hindi ko dati napapansin.”—John.
[Kahon sa pahina 25]
MAMILI KA NA!
□ Pumili ng isang pangyayari. Punung-puno ang Bibliya ng kapana-panabik na mga kuwento na totoong nangyari. Pumili ng isa na gustung-gusto mo, at basahin ito mula sa simula hanggang wakas.
Mungkahi: Para malaman kung paano ka higit na makikinabang, tingnan ang pahina 292 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
□ Pumili ng isang Ebanghelyo. Basahin ang Mateo (kauna-unahang isinulat na Ebanghelyo), Marcos (kilalang mabilis ang takbo ng kuwento at naglalahad ng maraming kapana-panabik na ulat), Lucas (nagbibigay ng higit na pansin sa panalangin at kababaihan), o Juan (nag-uulat ng maraming detalye na wala sa ibang Ebanghelyo).
Mungkahi: Bago magbasa, kumuha ng ilang impormasyon tungkol sa aklat ng Bibliya at sa manunulat nito para lalo mong maunawaan ang ipinagkaiba nito sa ibang Ebanghelyo.
□ Pumili ng isang awit. Halimbawa:
Kung pakiramdam mo ay nag-iisa ka at walang kaibigan, basahin ang Awit 142.
Kung nasisiraan ka ng loob dahil sa iyong mga kahinaan, basahin ang Awit 51.
Kung nag-aalinlangan ka sa kahalagahan ng mga pamantayan ng Diyos, basahin ang Awit 73.
Mungkahi: Gumawa ng listahan ng mga awit na nakapagpapatibay sa iyo?
[Kahona sa pahina 26]
PAG-ARALANG MABUTI
◼ Pag-isipan ang tagpo. Suriin kung kailan at saan naganap ang ulat at kung ano ang mga kalagayan nang panahong iyon.
Halimbawa: Basahin ang Ezekiel 14:14. Mga anong edad si Daniel nang sabihin ni Jehova na isa siyang mabuting halimbawa gaya nina Noe at Job?
Clue: Ang Ezekiel kabanata 14 ay isinulat limang taon lamang matapos ipatapon si Daniel sa Babilonya—malamang na tin-edyer siya noon.
Aral: Napakabata ba ni Daniel para hindi makita ni Jehova ang kaniyang katapatan? Anu-anong tamang pasiya ang ginawa niya kaya siya pinagpala? (Daniel 1:8-17) Paano makatutulong sa iyo ang halimbawa ni Daniel para makagawa ka ng tamang pasiya?
◼ Suriin ang mga detalye. Kung minsan, isa o dalawang salita lamang ay mahalaga na.
Halimbawa: Ihambing ang Mateo 28:7 sa Marcos 16:7. Bakit isinama ni Marcos sa kaniyang ulat ang detalye na malapit nang magpakita si Jesus sa kaniyang mga alagad “at kay Pedro”?
Clue: Hindi nakita ni Marcos ang mga pangyayaring ito; malamang na ikinuwento ito sa kaniya ni Pedro.
Aral: Bakit kaya tiyak na napatibay si Pedro nang malaman niyang gusto siyang makitang muli ni Jesus? (Marcos 14:66-72) Paano pinatunayan ni Jesus na isa siyang tunay na kaibigan ni Pedro? Paano mo matutularan si Jesus para maging tunay kang kaibigan?
◼ Magsaliksik pa. Maghanap ng paliwanag sa mga literatura sa Bibliya.
Halimbawa: Basahin ang Mateo 2:7-15. Kailan dinalaw ng mga astrologo si Jesus?
Clue: Tingnan ang isyu ng Ang Bantayan, Enero 1, 2008, pahina 31, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Aral: Paano kaya pinaglaanan ni Jehova ng materyal na pangangailangan ang pamilya ni Jesus habang nasa Ehipto sila? Paano makatutulong sa iyo ang pagtitiwala sa Diyos kapag may mabibigat kang problema?—Mateo 6:33, 34.