-
Kapag Namatay ang Isang MinamahalAng Bantayan (Pampubliko)—2016 | Blg. 3
-
-
TAMPOK NA PAKSA
Kapag Namatay ang Isang Minamahal
“Alam ng Diyos ang pinakamabuti, anak. . . . Huwag . . . ka nang . . . umiyak.”
Iyan ang ibinulong kay Bebe. Nasa libing siya noon ng kaniyang ama, na namatay dahil sa isang aksidente sa sasakyan.
Malapít si Bebe sa kaniyang ama. Mabuti naman ang intensiyon ng kaibigang iyon ng kanilang pamilya, pero sa halip na gumaan ang loob, lalo lang nasaktan si Bebe. “Ano bang mabuti sa pagkamatay niya?” ang paulit-ulit na sabi niya sa kaniyang sarili. Nang ikuwento ni Bebe ang karanasang ito sa isang aklat makalipas ang ilang taon, damang-dama pa rin niya ang pagdadalamhati.
Gaya ng napatunayan ni Bebe, matagal bago lubusang maka-recover sa pagdadalamhati ang isang namatayan, lalo na kung malapít siya sa namatay. Tama lang ang pagkakalarawan ng Bibliya sa kamatayan bilang ang “huling kaaway.” (1 Corinto 15:26) Ginugulo nito at sinisira ang ating buhay at inaagaw ang mga mahal natin sa buhay, na kadalasan ay sa panahong di-inaasahan, at wala tayong magawa para pigilan ito. Lahat tayo ay apektado ng masaklap na epekto nito. Kaya normal lang kapag hindi natin alam kung paano haharapin ang pagkamatay ng isang minamahal.
Baka maitanong mo: ‘Gaano katagal ang pagdadalamhati? Paano ito makakayanan? Paano ko aaliwin ang mga namatayan? May pag-asa ba ang mga mahal natin sa buhay na namatay na?’
-
-
Mali Bang Magdalamhati?Ang Bantayan (Pampubliko)—2016 | Blg. 3
-
-
TAMPOK NA PAKSA | KAPAG NAMATAY ANG ISANG MINAMAHAL
Mali Bang Magdalamhati?
Naranasan mo na bang magkasakit? Baka dahil mabilis kang gumaling, nakalimutan mo na iyon. Ibang-iba ito sa pagdadalamhati. “‘Walang katapusan’ ang pagdadalamhati,” ang isinulat ni Dr. Alan Wolfelt sa kaniyang aklat na Healing a Spouse’s Grieving Heart. Pero dagdag niya: “Sa paglipas ng panahon at sa tulong ng iba, mababawasan ito.”
Halimbawa, tingnan ang reaksiyon ng patriyarkang si Abraham nang mamatay ang kaniyang asawa. Sinasabi sa orihinal na teksto ng Bibliya na “si Abraham ay nagsimulang magdalamhati at umiyak dahil kay Sara.” Ang salitang ‘nagsimula’ ay nagpapahiwatig na mahabang panahong nagdalamhati si Abraham.a Isang halimbawa rin si Jacob, na pinapaniwalang ang kaniyang anak na si Jose ay pinatay ng isang mabangis na hayop. Nagdalamhati siya nang “maraming araw,” at walang kapamilya niya ang nakaaliw sa kaniya. Kahit maraming taon na ang nakalipas, nangungulila pa rin siya kay Jose.—Genesis 23:2; 37:34, 35; 42:36; 45:28.
Nagdalamhati si Abraham sa pagkamatay ng kaniyang minamahal na si Sara
Totoo rin iyan sa marami sa ngayon na namatayan ng mahal sa buhay. Tingnan ang dalawang karanasan.
“Noong Hulyo 9, 2008, namatay ang asawa kong si Robert sa isang aksidente. Normal na araw lang ang umagang iyon. Pagkatapos ng almusal, gaya ng lagi naming ginagawa bago siya pumasok sa trabaho, nag-kiss kami, nagyakap, at nagsabi ng ‘I love you.’ Ang sakit pa rin kahit anim na taon na ang lumipas. Parang ’di na yata matatapos ang pagdadalamhati ko sa pagkamatay ni Rob.”—Gail, 60 anyos.
“Kahit 18 taon na mula nang mamatay ang mahal kong misis, nalulungkot pa rin ako at nami-miss ko siya. Kapag may nakikita akong magandang tanawin, naaalaala ko siya. Naiisip ko na kung nandito lang siya, tiyak na matutuwa rin siya.”—Etienne, 84 anyos.
Oo, normal lang ang magdalamhati nang mahabang panahon. Iba-iba ang reaksiyon ng tao kapag namatayan, at hindi natin sila dapat husgahan. Pero hindi rin naman natin dapat husgahan ang ating sarili kung sa tingin natin ay parang sobra ang pagdadalamhati natin. Paano natin makakayanan ang pagdadalamhati?
a Matagal ding nagdalamhati ang anak ni Abraham na si Isaac. Gaya ng makikita sa artikulong “Tularan ang Kanilang Pananampalataya” na nasa isyu ring ito, nagdadalamhati pa rin si Isaac sa pagkamatay ng kaniyang inang si Sara kahit tatlong taon na ang lumipas.—Genesis 24:67.
-
-
Pagharap sa PagdadalamhatiAng Bantayan (Pampubliko)—2016 | Blg. 3
-
-
TAMPOK NA PAKSA | KAPAG NAMATAY ANG ISANG MINAMAHAL
Pagharap sa Pagdadalamhati
Napakaraming payo kung paano makakayanan ang pagdadalamhati. Pero hindi lahat ay nakatutulong. Halimbawa, baka may magsabi sa iyo na huwag kang umiyak o itago mo na lang ang nadarama mo. Baka pilitin ka naman ng iba na gawin ang kabaligtaran—ilabas ang lahat ng nararamdaman mo. Ang Bibliya ay nagbibigay ng mas balanseng payo na sinusuportahan ng modernong pananaliksik.
Sa ilang kultura, hindi itinuturing na tunay na lalaki ang isa kapag umiyak siya. Dapat ba talagang ikahiya ang pag-iyak, maging sa publiko? Ayon sa mga eksperto sa kalusugan ng isip, normal lang ang umiyak kapag nagdadalamhati. At sa paglipas ng panahon, maaari pa nga itong makatulong sa iyo na matanggap ang pagkamatay ng minamahal. Pero kung pipigilin mo ang pagdadalamhati, baka lalo lang itong makasamâ sa iyo. Hindi sinasabi ng Bibliya na mali ang umiyak o na hindi tunay na lalaki ang isa kapag umiyak siya. Isipin ang halimbawa ni Jesus. Sa pagkamatay ng kaniyang matalik na kaibigang si Lazaro, si Jesus ay umiyak sa harap ng maraming tao kahit na may kapangyarihan siyang buhaying muli ang patay!—Juan 11:33-35.
Maaari ding makadama ng galit ang isang namatayan, lalo na kung bigla at di-inaasahan ang pagkamatay ng minamahal. Baka dahil ito sa hindi pinag-isipan at walang batayang mga salita mula sa isang iginagalang na tao. “Namatay si Tatay noong 14 anyos lang ako,” ang sabi ni Mike na taga-South Africa. “Sa libing, sinabi ng ministrong Anglikano na kailangan ng Diyos ng mababait na tao kaya kinukuha sila agad.a Nagalit ako kasi kailangang-kailangan namin si Tatay. Lumipas na ang 63 taon, pero masakit pa rin iyon.”
Nariyan din ang paninisi sa sarili. Kapag di-inaasahan ang pagkamatay ng minamahal, baka laging isipin ng namatayan, ‘Kung ginawa ko lang sana ito, baka buháy pa siya.’ O baka nagtalo kayo bago siya mamatay. Kung ito ang nangyari, baka lalo kang makonsensiya.
Kung galít ka at labis na nakokonsensiya, huwag mo itong kimkimin. Ipakipag-usap ito sa isang kaibigan na makikinig, makauunawa, at titiyak sa iyo na normal lang sa isang nagdadalamhati ang nadarama mo. Ang sabi ng Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.”—Kawikaan 17:17.
Ang ating Diyos at Maylalang, si Jehova, ang pinakamatalik na Kaibigan na puwedeng lapitan ng isang namatayan. Sa panalangin, ibuhos mo sa kaniya ang laman ng iyong puso dahil “nagmamalasakit siya sa [iyo].” (1 Pedro 5:7) Nangangako rin siya sa lahat ng gumagawa nito na mapapanatag ang kanilang isip at giginhawa ang kanilang pakiramdam dahil sa “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.” (Filipos 4:6, 7) Hayaang aliwin ka ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabasa ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Maglista ng nakapagpapatibay na mga teksto. (Tingnan ang kahon.) Puwede mo pa ngang sauluhin ang ilan sa mga ito. Malaking tulong ang pagbubulay-bulay sa mga tekstong ito sa gabi kapag nag-iisa ka at hindi makatulog.—Isaias 57:15.
Kamakailan, namatay dahil sa kanser ang asawa ng 40-anyos na lalaking tatawagin nating Jack. Sinabi ni Jack na may mga panahong ang lungkot-lungkot niya. Pero nakatulong sa kaniya ang panalangin. “Kapag nananalangin ako kay Jehova,” ang sabi niya, “ramdam kong hindi ako nag-iisa. Madalas akong magising sa gabi at hindi na makatulog. Pero kapag nagbasa na ako at nagbulay-bulay ng nakaaaliw na mga teksto sa Bibliya at ibinuhos sa panalangin ang lahat ng laman ng puso ko, napapanatag na ang isip at kalooban ko. Nakakatulog na ako ulit.”
Namatay sa sakit ang nanay ng kabataang si Vanessa. Panalangin din ang nakatulong sa kaniya. “Sa mga panahong hiráp na hiráp ako,” ang sabi niya, “tatawagin ko lang ang pangalan ng Diyos at saka hahagulhol. Pinakinggan ni Jehova ang mga panalangin ko at lagi niya akong pinalalakas.”
May mga tagapayo na nagsasabing para maibsan ang pagdadalamhati ng mga namatayan, magandang tumulong sa iba o magboluntaryo sa komunidad. Sa paggawa nito, makadarama ang isa ng kagalakan at maiibsan ang kaniyang pagdadalamhati. (Gawa 20:35) Maraming Kristiyanong namatayan ang nakadama ng malaking kaaliwan dahil sa pagtulong sa iba.—2 Corinto 1:3, 4.
a Hindi ito itinuturo ng Bibliya. Sinasabi ng Bibliya na may tatlong dahilan kung bakit tayo namamatay.—Eclesiastes 9:11; Juan 8:44; Roma 5:12.
-
-
Tulong sa mga NagdadalamhatiAng Bantayan (Pampubliko)—2016 | Blg. 3
-
-
TAMPOK NA PAKSA | KAPAG NAMATAY ANG ISANG MINAMAHAL
Tulong sa mga Nagdadalamhati
Nadama mo na ba na parang wala kang maitulong nang mamatayan ang isang malapít sa iyo? Minsan, hindi natin alam kung ano ang sasabihin o gagawin, kaya nananahimik na lang tayo. Pero may magagawa tayo para makatulong.
Kadalasan, sapat na sa namatayan ang dalawin mo siya at sabihin, “Nalulungkot ako sa nangyari.” Sa ibang kultura, ang pagyakap o ang pagpisil sa braso ay pagpapakita ng malasakit o simpatiya. Kapag gustong magkuwento ng namatayan, makinig na mabuti sa kaniya. Tulungan din ang naulilang pamilya sa mga bagay na hindi na nila magawa, gaya ng pagluluto, pag-aalaga sa mga bata, o pag-aasikaso sa burol at libing, kung gusto nila. Maaaring higit pa ang maitutulong nito kaysa sa anumang magiliw na pananalita.
Sa paglipas ng panahon, baka puwede mo nang ipakipag-usap ang tungkol sa namatay, marahil ang magagandang katangian niya o masasayang karanasan. Ang gayong mga kuwentuhan ay maaaring magpangiti sa namatayan. Halimbawa, ganito ang sinabi ni Pam, na namatayan ng asawa anim na taon na ang nakaraan: “Minsan ikinukuwento sa akin ng iba ang mabubuting bagay na ginawa ni Ian na hindi ko alam, at nagpapasaya ito sa akin.”
Sinasabi ng mga mananaliksik na sa umpisa, maraming tulong ang natatanggap ng mga namatayan, pero kapag naging abala na muli ang kanilang mga kaibigan sa kanilang mga gawain, nakakalimutan na sila. Kaya sikaping regular na makausap ang namatayang kaibigan.a Lubhang pinahahalagahan ng maraming namatayan ang pagkakataong ito para maibsan ang matagal na nilang tinitiis na kalungkutan.
Tingnan ang halimbawa ni Kaori, isang dalagang Haponesa na lungkot na lungkot sa pagkamatay ng kaniyang ina, na sinundan pa ng pagkamatay ng ate niya pagkaraan ng 15 buwan. Nakatulong nang malaki sa kaniya ang patuloy na pagsuporta ng kaniyang tapat na mga kaibigan. Ang isa sa kanila, si Ritsuko, na mas matanda kay Kaori ay naging matalik na kaibigan niya. “Sa totoo lang,” ang sabi ni Kaori, “hindi ko ikinatuwa iyon. Walang sinuman ang puwedeng pumalit sa nanay ko. Pero dahil sa pakikitungo sa akin ni Mama Ritsuko, naging malapít ako sa kaniya. Linggo-linggo, magkasama kaming nangangaral at dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Inaanyayahan niya akong magmeryenda, dinadalhan ako ng pagkain, at madalas akong sinusulatan at pinadadalhan ng card. Malaking impluwensiya sa akin ang pagiging positibo ni Mama Ritsuko.”
Lumipas na ang 12 taon mula nang mamatay ang ina ni Kaori. Sila ng mister niya ay buong-panahong mga ebanghelisador ngayon. “Nag-aalala pa rin sa akin si Mama Ritsuko,” ang sabi ni Kaori. “Kapag umuuwi ako sa amin, lagi ko siyang dinadalaw at tuwang-tuwa ako sa aming nakapagpapatibay na samahan.”
Isa pa sa nakinabang sa patuloy na pagsuporta ay si Poli, isang Saksi ni Jehova sa Cyprus. Mabait ang mister ni Poli na si Sozos, isang huwarang Kristiyanong pastol na madalas nag-iimbita ng mga ulila at balo sa kanilang tahanan para sa nakapagpapatibay na samahan at salusalo. (Santiago 1:27) Nakalulungkot, sa edad na 53, namatay si Sozos dahil sa tumor sa utak. “Namatay ang aking tapat na asawa na nakasama ko sa loob ng 33 taon,” ang sabi ni Poli.
Mag-isip ng praktikal na mga paraan para makatulong sa namatayan
Matapos mailibing si Sozos, lumipat sa Canada si Poli at ang bunsong anak niyang si Daniel, na 15 anyos. Umugnay sila roon sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. “Hindi alam ng mga kapatid sa kongregasyon kung ano ang pinagdaraanan namin,” ang sabi ni Poli. “Pero tinanggap nila kami at inaliw sa pamamagitan ng magiliw na pananalita at praktikal na tulong. Kay laking tulong niyan sa amin, lalo na noong kailangan ng anak ko ang kaniyang ama! Ang mga elder sa kongregasyon ay nagpakita ng personal na interes kay Daniel. Tinitiyak ng isa sa kanila na kasama si Daniel kapag nagsasama-sama o naglalaro ang mga kapatid.” Maayos ang kalagayan nilang mag-ina ngayon.
Sabihin pa, maraming paraan para makapagbigay ng tulong at kaaliwan sa mga nagdadalamhati. Inaaliw rin tayo ng Bibliya sa pamamagitan ng kapana-panabik na pag-asa sa hinaharap.
a Minamarkahan pa nga ng ilan sa kanilang kalendaryo ang petsa ng kamatayan para maalaala nila kung kailan pinakamagandang kumustahin at aliwin ang namatayan—sa petsa o malapit sa petsa ng pagkamatay.
-
-
Mabubuhay-Muli ang mga Patay!Ang Bantayan (Pampubliko)—2016 | Blg. 3
-
-
TAMPOK NA PAKSA | KAPAG NAMATAY ANG ISANG MINAMAHAL
Mabubuhay-Muli ang mga Patay!
Si Gail, na binanggit sa naunang artikulo, ay nag-aalinlangan kung makakayanan niya ang pagdadalamhati sa pagkamatay ng kaniyang asawang si Rob. Pero umaasa siyang makikita niya itong muli sa bagong sanlibutan na ipinangako ng Diyos. “Paborito kong teksto ang Apocalipsis 21:3, 4,” ang sabi niya. Mababasa rito: “Ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”
Sinabi ni Gail: “Talagang napakaganda ng pangakong ito. Naaawa ako sa mga taong namatayan na hindi alam na may pag-asa palang makitang muli ang mga mahal nila sa buhay.” Dahil dito, nagboluntaryo si Gail bilang buong-panahong ebanghelisador at ibinabahagi niya sa iba ang pangako ng Diyos sa hinaharap kung kailan “hindi na magkakaroon ng kamatayan.”
Nagtitiwala si Job na mabubuhay siyang muli
‘Imposible!’ baka masabi mo. Pero pag-isipan ang lalaking si Job. Nagkaroon siya ng malubhang sakit. (Job 2:7) Hiniling niya na mamatay na siya, pero nanampalataya pa rin siya sa Diyos na kaya siyang buhaying muli rito sa lupa. Buong-pagtitiwala niyang sinabi: “O ikubli mo nawa ako sa Sheol, . . . Ikaw ay tatawag, at ako ay sasagot sa iyo. Ang gawa ng iyong mga kamay ay mimithiin mo.” (Job 14:13, 15) Nagtitiwala si Job na aalalahanin siya ng kaniyang Diyos at mimithiin Niya na buhayin siyang muli.
Malapit na itong gawin ng Diyos—kay Job at sa napakaraming iba pa—kapag naging paraiso na ang lupang ito. (Lucas 23:42, 43) “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli,” ang sabi ng Bibliya sa Gawa 24:15. “Huwag kayong mamangha rito,” ang sabi ni Jesus, “sapagkat ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas.” (Juan 5:28, 29) Makikita ni Job ang katuparan ng pangakong iyon. Magkakaroon siya ng pag-asang maibalik ang “lakas ng kaniyang kabataan,” at ang kaniyang laman ay magiging “higit na sariwa pa . . . kaysa noong kabataan.” (Job 33:24, 25) Gayundin ang mangyayari sa lahat ng magpapahalaga sa maawaing paglalaan ng Diyos na pagkabuhay-muli dito sa lupa.
Kung namatayan ka ng minamahal, posibleng hindi lubusang maaalis ng mga impormasyong tinalakay natin ang iyong pagdadalamhati. Pero kung bubulay-bulayin mo ang mga pangako ng Diyos sa Bibliya, magkakaroon ka ng tunay pag-asa at ng lakas na makapagpatuloy sa buhay.—1 Tesalonica 4:13.
Gusto mo bang matuto nang higit pa kung paano mahaharap ang pagdadalamhati? O baka may iba ka pang tanong, gaya ng, “Bakit hinahayaan ng Diyos ang kasamaan at pagdurusa?” Pakisuyong magpunta sa aming website na jw.org/tl at tingnan ang nakaaaliw at praktikal na sagot ng Bibliya.
-