-
Kailangan Nating Lahat ng TulongAng Bantayan (Pampubliko)—2016 | Blg. 5
-
-
TAMPOK NA PAKSA | SAAN KA MAKAKAKUHA NG TULONG?
Kailangan Nating Lahat ng Tulong
Naaalaala mo ba nang mahulog ka noong bata ka pa? Marahil nasugatan ang kamay mo o nagasgas ang tuhod mo. Natatandaan mo ba kung paano ka tinulungan ng nanay mo? Baka ginamot niya ang sugat mo at nilagyan ng benda. Umiyak ka, pero dahil sa kaniyang malambing na salita at mainit na yakap, gumaan ang pakiramdam mo. Nang sandaling iyon, dumating agad ang tulong.
Pero habang nagkakaedad tayo, nagiging mas komplikado ang buhay. Lumalaki ang mga problema, at mas mahirap makakuha ng tulong. Nakalulungkot, ang mga problemang iyan ay hindi malulutas ng benda at yakap ng ina. Pansinin ang ilang halimbawa.
Na-trauma ka ba nang masesante ka sa trabaho? Sinabi ni Julian na nang masesante siya, nabigla siya at nabalisa. ‘Paano ko mapapakain ang pamilya ko?’ naisip niya. ‘Pagkatapos kong magtrabaho nang husto sa loob ng maraming taon, bakit inisip ng kompanya na wala na akong silbi?’
Para bang gumuho ang mundo mo nang maghiwalay kayong mag-asawa? “Nang bigla akong iwan ng mister ko 18 buwan na ang nakararaan, napakalungkot ko. Parang nadurog ang puso ko,” ang sabi ni Raquel. “Apektado hindi lang ang kalooban ko kundi pati buong katawan ko. Takót na takót ako.”
Baka may malubha kang sakit na parang hindi gumagaling. Maaaring nadama mo rin minsan ang nadama ng patriyarkang si Job, na nagsabi: “Ako’y hirap na hirap na, ayaw ko nang mabuhay.” (Job 7:16, Magandang Balita Biblia) Malamang na pareho kayo ng nadarama ng 80-anyos na si Luis, na nagsabi, “Kung minsan, hinihintay ko na lang na mamatay ako.”
O baka kailangan mo ng karamay dahil sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay. “Nang mamatay ang anak kong lalaki dahil bumagsak ang eroplanong sinasakyan niya, hindi ako makapaniwala,” ang sabi ni Robert. “Saka ko naramdaman ang kirot na inihahambing ng Bibliya sa isang mahabang tabak na tumatagos sa iyo.”—Lucas 2:35.
Nakakuha ng tulong sina Robert, Luis, Raquel, at Julian kahit sa napakahirap na mga sitwasyong iyon. Nasumpungan nila ang tanging Persona na makapagbibigay nito—walang iba kundi ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Paano siya tumutulong? Tutulungan ka rin ba niya?
-
-
Kung Paano Tayo Tinutulungan ng DiyosAng Bantayan (Pampubliko)—2016 | Blg. 5
-
-
TAMPOK NA PAKSA | SAAN KA MAKAKAKUHA NG TULONG?
Kung Paano Tayo Tinutulungan ng Diyos
Inilarawan ni apostol Pablo si Jehovaa bilang “ang Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa amin sa lahat ng aming kapighatian.” (2 Corinto 1:3, 4) Kaya tinitiyak sa atin ng Bibliya na lahat ng tao ay kayang tulungan at patibayin ng ating Ama sa langit gaanuman katindi ang trahedya.
Siyempre pa, dapat tayong kumilos kung gusto nating tulungan tayo ng Diyos. Paano tayo matutulungan ng isang doktor kung hindi tayo magpapatingin sa kaniya? Nagtanong si propeta Amos: “Magkasama bang lalakad ang dalawa malibang nagtagpo sila ayon sa pinagkasunduan?” (Amos 3:3) Kaya naman hinihimok tayo ng Kasulatan: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.”—Santiago 4:8.
Paano tayo makatitiyak na lalapit sa atin ang Diyos? Una sa lahat, paulit-ulit niyang sinasabi sa atin na gusto niya tayong tulungan. (Tingnan ang kalakip na kahon.) Ikalawa, mayroon tayong nakakukumbinsing patotoo ng mga taong tinulungan ng Diyos—totoong mga tao na nabuhay noon at ngayon.
Gaya ng marami sa ngayon na humihingi ng tulong sa Diyos, dumanas din ng maraming trahedya si Haring David. Minsan, nagsumamo siya kay Jehova, “Dinggin mo ang tinig ng aking mga pamamanhik kapag humihingi ako sa iyo ng tulong.” Tinulungan ba siya ng Diyos? Oo. Sinabi pa ni David: “Ako ay natulungan, anupat nagbubunyi ang aking puso.”—Awit 28:2, 7.
ANG PAPEL NI JESUS PARA TULUNGAN ANG LAHAT NG NAGDADALAMHATI
Binigyan ng Diyos si Jesus ng mahalagang papel sa paglalaan ng tulong. Ang ilan sa mga iniatas ng Diyos kay Jesus ay ang “bigkisan ang may pusong wasak” at “aliwin ang lahat ng nagdadalamhati.” (Isaias 61:1, 2) Gaya ng inihula, nagpakita si Jesus ng pantanging interes sa mga taong “nagpapagal at nabibigatan.”—Mateo 11:28-30.
Tinulungan ni Jesus ang mga tao sa pamamagitan ng kaniyang matalinong payo at mabait na pakikitungo. Sa ilang pagkakataon pa nga, pinagaling niya sila. Isang araw, nagmakaawa kay Jesus ang isang ketongin: “Kung ibig mo lamang, mapalilinis mo ako.” Nahabag si Jesus at sinabi: “Ibig ko. Luminis ka.” (Marcos 1:40, 41) At gumaling ang ketongin.
Sa ngayon, wala na ang Anak ng Diyos sa lupa para tulungan tayo. Pero patuloy na tinutulungan ng kaniyang Ama na si Jehova, “ang Diyos ng buong kaaliwan,” ang mga nangangailangan. (2 Corinto 1:3) Pansinin ang apat na pangunahing paraan ng pagtulong ng Diyos sa mga tao.
Bibliya. “Ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.”—Roma 15:4.
Banal na Espiritu ng Diyos. Hindi pa natatagalan pagkamatay ni Jesus, ang kongregasyong Kristiyano ay nakaranas ng isang yugto ng kapayapaan. Bakit? “Lumalakad ito sa pagkatakot kay Jehova at sa kaaliwan mula sa banal na espiritu.” (Gawa 9:31) Ang banal na espiritu, ang aktibong puwersa ng Diyos, ay talagang makapangyarihan. Ginagamit ito ng Diyos para tulungan ang sinuman sa anumang kalagayan.
Panalangin. “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay,” ang payo ng Bibliya. Sa halip, sinasabi nito, “ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan.”—Filipos 4:6, 7.
Kapuwa mga Kristiyano. Sila ang ating tunay na mga kaibigan na handang tumulong sa mahihirap na sitwasyon. Inilarawan ni apostol Pablo ang kaniyang mga kasama bilang “tulong na nagpapalakas” sa panahon ng “pangangailangan at kapighatian.”—Colosas 4:11; 1 Tesalonica 3:7.
Pero baka maisip mo kung paano nangyayari iyan. Tingnan natin ang karanasan ng mga taong napaharap sa mga problemang binanggit sa simula. Gaya nila, makikita mong tinutupad pa rin ng Diyos ang nakaaantig na pangakong ito: “Tulad ng isang tao na patuloy na inaaliw ng kaniyang sariling ina, gayon ko kayo patuloy na aaliwin.”—Isaias 66:13.
a Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.
-
-
Tulong sa Mahihirap na PanahonAng Bantayan (Pampubliko)—2016 | Blg. 5
-
-
TAMPOK NA PAKSA | SAAN KA MAKAKAKUHA NG TULONG?
Tulong sa Mahihirap na Panahon
Maraming problema ang napapaharap sa atin. Tiyak na hindi natin mapag-uusapan lahat, pero tingnan natin ang apat na halimbawang nabanggit na. Pansinin kung paano tinulungan ng Diyos ang mga taong napaharap sa gayong mga problema.
KAPAG NAWALAN NG TRABAHO
“Natutuhan kong tanggapin ang anumang trabaho, at binawasan namin ang aming mga gastusin.”—Jonathan
“Sabay kami ng misis ko na nawalan ng trabaho,” ang naalaala ni Seth.a “Sa loob ng dalawang taon, nakaraos lang kami dahil sa tulong ng mga kamag-anak at ilang di-permanenteng trabaho. Kaya naman nadepres ang misis kong si Priscilla at nadama kong wala akong silbi.”
“Paano namin ito hinarap? Laging iniisip ni Priscilla ang sinabi ni Jesus sa Mateo 6:34 na hindi tayo dapat mag-alala sa susunod na araw, dahil ang bawat araw ay may sariling álalahanín. Natulungan din siya ng taimtim na panalangin na magpatuloy sa buhay. Nakatulong naman sa akin ang Awit 55:22. Gaya ng salmista, inihagis ko ang aking pasanin kay Jehova, at nadama kong inalalayan niya ako. May trabaho na ako ngayon, pero pinananatili pa rin naming simple ang aming buhay kaayon ng payo ni Jesus sa Mateo 6:20-22. Higit sa lahat, napalapit kami sa Diyos at sa isa’t isa.”
“Nang malugi ang maliit na negosyo namin, nag-alala ako nang husto,” ang sabi ni Jonathan. “Dahil sa krisis sa ekonomiya, nasayang ang 20-taóng pinaghirapan namin. Lagi naming pinagtatalunan ng misis ko ang pera. Hindi na rin kami makagamit ng credit card dahil natatakot kaming ma-reject ito.
“Pero tinulungan kami ng Salita ng Diyos at ng kaniyang banal na espiritu para makapagdesisyon nang tama. Natutuhan kong tanggapin ang anumang trabaho, at binawasan namin ang aming mga gastusin. Bilang mga Saksi ni Jehova, sinuportahan kami ng aming mga kapananampalataya. Pinalakas nila ang loob namin at tinulungan kami sa mahihirap na panahon.”
KAPAG NAGHIWALAY ANG MAG-ASAWA
“Nasaktan ako at nagalit nang bigla akong iwan ng mister ko,” ang sabi ni Raquel. “Lungkot na lungkot ako. Pero araw-araw akong nananalangin sa Diyos, at tinulungan niya ako. Dahil sa kapayapaan ng Diyos, napanatag ang loob ko. Parang pinaghilom niya ang nadurog kong puso.
“Dahil sa kaniyang Salita, ang Bibliya, napaglabanan ko ang galit at hinanakit. Sinunod ko ang sinabi ni apostol Pablo sa Roma 12:21: ‘Huwag kang padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama.’
“May ‘panahon ng pagtanggap sa pagkawala.’ . . . Ngayon, may mga bagong tunguhin na ako.”—Raquel
“Pinayuhan ako ng isang mabuting kaibigan na kailangan kong mag-move on. Ipinabasa niya sa akin ang Eclesiastes 3:6 at mabait niyang sinabi na may ‘panahon ng pagtanggap sa pagkawala.’ Mahirap sundin ang payong iyon, pero iyon ang kailangan kong gawin. Ngayon, may mga bagong tunguhin na ako.”
“Kapag naghiwalay kayong mag-asawa, kailangan mo ng tulong,” ang sabi ni Elizabeth. “May malapít akong kaibigan na araw-araw akong tinutulungan. Magkasama kaming umiiyak, inaalalayan niya ako, at ipinadama niyang mahal niya ako. Kumbinsido akong ginamit siya ni Jehova para maghilom ang nasugatan kong damdamin.”
SA PANAHON NG PAGKAKASAKIT O PAGTANDA
“Pagkatapos manalangin sa Diyos, pakiramdam ko pinalalakas ako ng kaniyang banal na espiritu.”—Luis
Si Luis, na binanggit sa simula ng seryeng ito, ay may malubhang sakit sa puso, at dalawang beses na siyang muntik mamatay. Naka-oxygen na siya 16 na oras sa isang araw. “Lagi akong nananalangin kay Jehova,” ang sabi niya. “Pagkatapos manalangin sa Diyos, pakiramdam ko pinalalakas ako ng kaniyang banal na espiritu. Lumalakas ang loob ko na magpatuloy dahil nananampalataya ako sa kaniya at alam kong nagmamalasakit siya sa akin.”
“Ang dami kong gustong gawin, pero hindi ko magawa,” ang sabi ni Petra na mga 80 anyos. “Mahirap tanggapin na nanghihina na ako. Pagod na pagod na ako at umaasa na lang ako sa gamot. Madalas kong inaalaala ang pakiusap ni Jesus sa kaniyang Ama na kung posible, palampasin sana ang paghihirap niya. Pinalakas ni Jehova si Jesus, at pinalalakas din niya ako. Naging terapi ko ang pananalangin. Gumagaan ang pakiramdam ko pagkatapos kong makipag-usap sa Diyos.”—Mateo 26:39.
Ganiyan din ang nadarama ni Julian na halos 30 taon nang may multiple sclerosis. “Ipinagpalit ko ang isang silyang pang-eksekyutib sa isang silyang de-gulong,” ang sabi niya. “Pero mas makabuluhan ngayon ang buhay ko dahil nagagamit ko talaga ito sa paglilingkod sa iba. Ang pagbibigay ay nakapagpapaginhawa, at talagang tinutupad ni Jehova ang kaniyang pangako na palalakasin tayo sa panahong kailangan natin. Kagaya ni apostol Pablo, masasabi ko rin: ‘Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.’”—Filipos 4:13.
KAPAG NAMATAYAN NG MAHAL SA BUHAY
“Nang mamatay si Tatay sa isang aksidente, hindi ako makapaniwala,” ang sabi ni Antonio. “Parang unfair kasi naglalakad lang siya at wala siyang ginagawang masama. Pero wala akong magawa. Na-comatose siya nang limang araw bago siya namatay. Hindi ko ipinakikita kay Nanay na umiiyak ako. ‘Bakit? Bakit?,’ ang lagi kong tanong sa sarili ko.
“Sa mga panahong iyon, humihingi ako ng tulong kay Jehova na makontrol ang damdamin ko at bigyan ako ng kapayapaan ng isip. Gumagaan ang pakiramdam ko. Naaalaala ko ang sinasabi ng Bibliya na ang ‘di-inaasahang pangyayari’ ay sumasapit sa ating lahat. Dahil hindi nagsisinungaling ang Diyos, kumbinsido ako na makikita kong muli si Tatay sa pagkabuhay-muli.”—Eclesiastes 9:11; Juan 11:25; Tito 1:2.
“Bagaman namatay ang anak namin sa pagbagsak ng eroplano, marami kaming masasayang alaala.”—Robert
Ganiyan din ang pananaw ni Robert, na binanggit sa unang artikulo. Sinabi niya: “Naranasan namin ng misis ko ang kapayapaan ng isip na sinasabi sa Filipos 4:6, 7 sa pamamagitan ng mga panalangin kay Jehova. Ang kapayapaang ito ang tumulong sa amin na ipakipag-usap sa mga reporter ang tungkol sa pagkabuhay-muli. Bagaman namatay ang anak namin sa pagbagsak ng eroplano, marami kaming masasayang alaala. Ito ang pinagtutuunan namin ng pansin.
“Nang sabihin ng mga kapuwa namin Saksi na kalmado naming naipaliwanag sa TV ang tungkol sa aming paniniwala, sinabi namin na nagawa namin iyon sa tulong ng kanilang mga panalangin. Naniniwala akong inalalayan kami ni Jehova sa pamamagitan ng kanilang nakapagpapatibay na mga mensahe.”
Ipinakikita ng mga halimbawang iyon na kayang tulungan ng Diyos ang mga taong napapaharap sa iba’t ibang problema. Kumusta ka naman? Anuman ang problemang mapaharap sa iyo, may makukuha kang tulong para makayanan ang mga ito.b Kaya subukang humingi ng tulong kay Jehova. Siya “ang Diyos ng buong kaaliwan.”—2 Corinto 1:3.
-