-
Bakit Pa Kailangang Mabuhay?Gumising!—2014 | Abril
-
-
TAMPOK NA PAKSA
Bakit Pa Kailangang Mabuhay?
KUNG titingnan mo si Diana,a mukha naman siyang matalino, palakaibigan, at masayahin. Pero sa likod nito, dumaranas pala siya ng matinding depresyon na tumatagal nang mga ilang araw, linggo, o mga buwan pa nga. “Araw-araw, lagi kong naiisip na sana’y mamatay na ako,” ang sabi niya. “Mabuti pang mawala na ako sa mundo.”
“Ipinakikita ng ilang pag- aaral na sa bawat natuloy na pagpapakamatay, 200 ang nagtangkang gawin ito at 400 katao naman ang nag-isip nito.”—THE GAZETTE, MONTREAL, CANADA.
Sinasabi ni Diana na hinding-hindi naman siya magpapakamatay. Pero may mga panahong wala na siyang nakikitang dahilan para mabuhay pa. “Sana maaksidente na lang ako at mamatay,” ang sabi niya. “Ang tingin ko sa kamatayan ay kaibigan—hindi kaaway.”
Marami ang kagaya ni Diana, at ang ilan sa kanila ay nakapag-isip, o nagtangka nang magpakamatay. Pero sinasabi ng mga eksperto na karamihan sa mga nagtatangkang magpakamatay ay hindi naman talaga gustong mamatay; gusto lang nilang tapusin ang kanilang pagdurusa. Sa madaling salita, naniniwala silang may dahilan sila para mamatay; ang kailangan nila ay dahilan para mabuhay.
Bakit pa kailangang mabuhay? Isaalang-alang ang tatlong dahilan.
a Binago ang pangalan.
-
-
Dahil Nagbabago ang mga Bagay-bagayGumising!—2014 | Abril
-
-
TAMPOK NA PAKSA | BAKIT PA KAILANGANG MABUHAY?
1 Dahil Nagbabago ang mga Bagay-bagay
“Ginigipit kami sa bawat paraan, ngunit hindi nasisikipan anupat hindi na makakilos; naguguluhan kami, ngunit hindi lubos na walang malabasan.”—2 CORINTO 4:8.
Ang pagpapakamatay ay tinaguriang “isang permanenteng solusyon sa pansamantalang problema.” Bagaman parang imposibleng mangyari, ang isang nakapanlulumong sitwasyon—maging ang isa na parang hindi mo kontrolado—ay baka pansamantala lang. Sa katunayan, puwede itong magbago nang di-inaasahan.—Tingnan ang kahong “Nagbago ang Kanilang Kalagayan.”
Kung hindi man mangyari iyan, mas mabuting harapin ang iyong mga problema sa bawat araw. “Huwag kayong mabalisa tungkol sa susunod na araw,” ang sabi ni Jesus, “sapagkat ang susunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga kabalisahan. Sapat na para sa bawat araw ang sarili nitong kasamaan.”—Mateo 6:34.
Pero paano kung hindi na mababago ang iyong kalagayan? Halimbawa, mayroon kang sakit na wala nang lunas. O paano kung nanlulumo ka dahil naghiwalay kayong mag-asawa o namatay ang isang mahal mo sa buhay?
Kahit sa ganiyang mga kalagayan, may isang bagay na puwede mong baguhin: ang pangmalas mo sa sitwasyon. Kung matututuhan mong tanggapin ang isang kalagayang hindi mo mababago, malamang na maging positibo ang pangmalas mo sa mga bagay-bagay. (Kawikaan 15:15) Mas malamang din na maghanap ka ng paraan para mapagtiisan mo ang sitwasyon sa halip na basta tapusin na lang ang lahat. Ang resulta? Unti-unti mong makokontrol ang isang sitwasyon na sa tingin mo’y hindi mo kontrolado.—Job 2:10.
TANDAAN: Hindi mo maaakyat ang isang bundok sa isang hakbang; pero maaakyat mo ito sa paisa-isang hakbang. Magagawa mo rin iyan sa mga problemang napapaharap sa iyo, kahit parang gabundok ang mga ito.
ANG PUWEDE MONG GAWIN NGAYON: Ipakipag-usap sa iba—marahil sa isang kaibigan o kapamilya—ang iyong problema. Baka matulungan ka niyang magkaroon ng mas timbang na pangmalas.—Kawikaan 11:14.
-
-
Dahil May MakatutulongGumising!—2014 | Abril
-
-
TAMPOK NA PAKSA | BAKIT PA KAILANGANG MABUHAY?
2 Dahil May Makatutulong
‘Ihagis ninyo sa [Diyos] ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.’—1 PEDRO 5:7.
Baka gustuhin mo nang mamatay dahil naiisip mong wala ka nang magagawa para mapabuti ang iyong sitwasyon. Pero may makatutulong sa iyo.
Panalangin. Ang pananalangin ay hindi lang basta pampagaan ng loob; hindi rin ito isang bagay na ginagawa lang kapag desperado na ang isa. Ito ay aktuwal na pakikipag-usap sa Diyos na Jehova, na nagmamalasakit sa iyo. Gusto ni Jehova na sabihin mo sa kaniya ang iyong mga ikinababahala. Sa katunayan, hinihimok tayo ng Bibliya: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo.”—Awit 55:22.
Bakit hindi mo subukang makipag-usap ngayon sa Diyos? Gamitin mo ang pangalan niyang Jehova, at magsalita ka mula sa puso. (Awit 62:8) Gusto ni Jehova na makilala mo siya bilang isang kaibigan. (Isaias 55:6; Santiago 2:23) Ang pananalangin ay isang paraan ng pakikipag-usap na magagawa mo kahit kailan, kahit saan.
Sinasabi ng American Foundation for Suicide Prevention na “ayon sa mga pag-aaral, natuklasang karamihan sa mga nagpakamatay—90% o higit pa—ay may sakit sa isip noong mamatay sila. Pero ang mga sakit na ito ay kadalasan nang hindi natukoy, na-diagnose, o nalapatan ng lunas”
Mga taong nagmamalasakit. Mahalaga sa iba ang buhay mo—pati na sa iyong mga kapamilya o kaibigan na nagmamalasakit sa iyo. Kasama rin sa mga nagmamalasakit sa iyo ang ilang hindi mo pa nakikilala. Halimbawa, sa kanilang ministeryo, ang mga Saksi ni Jehova ay nakakatagpo ng mga taong naguguluhan, at ang ilan ay umaaming desperado na sila at gusto nang magpakamatay. Dahil sa pagbabahay-bahay, natutulungan ng mga Saksi ni Jehova ang gayong mga tao. Tulad ni Jesus, ang mga Saksi ni Jehova ay may malasakit din sa kanilang kapuwa. Nagmamalasakit sila sa iyo.—Juan 13:35.
Mga doktor. Ang pag-iisíp na magpakamatay ay kadalasan nang palatandaan ng mood disorder, gaya ng clinical depression. Wala kang dapat ikahiya kung mayroon kang emosyonal na karamdaman—kung paanong hindi ka rin dapat mahiya kung mayroon kang pisikal na karamdaman. Sa katunayan, ang depresyon ay inihahalintulad sa “karaniwang sipon ng isip.” Kahit sino, puwedeng dapuan nito—at nagagamot ito.a
TANDAAN: Karaniwan nang imposibleng makaahon mula sa malalim na hukay ng depresyon kung nag-iisa ka. Pero kung may tutulong sa iyo, magagawa mo iyon.
ANG PUWEDE MONG GAWIN NGAYON: Humanap ng isang mapagkakatiwalaang doktor na gumagamot ng mga mood disorder gaya ng depresyon.
a Kung hindi maalis-alis sa isip mo ang pagpapakamatay, alamin kung saan ka makahihingi ng tulong—marahil sa isang suicide-prevention hotline o mental health center. May mga staff dito na sinanay para makatulong.
-
-
Dahil May Pag-asaGumising!—2014 | Abril
-
-
TAMPOK NA PAKSA | BAKIT PA KAILANGANG MABUHAY?
3 Dahil May Pag-asa
“Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—AWIT 37:11.
Sinasabi ng Bibliya na “maikli ang buhay [ng tao] at lipos ng kaligaligan.” (Job 14:1) Sa ngayon, ang bawat tao ay dumaranas ng kani-kaniyang trahedya. Pero ang ilan ay nawawalan na ng pag-asa sa buhay, na para bang wala na silang matanaw na liwanag at wala na silang magandang kinabukasan. Ganiyan ka rin ba? Kung oo, magtiwala ka sa tunay na pag-asang iniaalok ng Bibliya—hindi lang sa iyo kundi sa buong sangkatauhan. Halimbawa:
Itinuturo ng Bibliya na napakaganda ng layunin ng Diyos na Jehova para sa atin.—Genesis 1:28.
Nangangako ang Diyos na Jehova na gagawin niyang paraiso ang lupa.—Isaias 65:21-25.
Tiyak na matutupad ang pangakong iyan. Sinasabi sa Apocalipsis 21:3, 4:
“Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”
Ang pag-asang iyan ay hindi lang basta pangangarap nang gising. Talagang tutuparin iyan ng Diyos na Jehova, at taglay niya ang kapangyarihan at pagnanais na gawin iyan. Maaasahan ang pag-asang iniaalok ng Bibliya, at sinasagot nito ang tanong na “Bakit pa kailangang mabuhay?”
TANDAAN: Kung ang emosyon mo ay parang bangkang sinisiklot-siklot ng mga alon sa maunos na dagat, ang mensahe naman ng pag-asa mula sa Bibliya ay parang angklang magpapatatag sa iyo.
ANG PUWEDE MONG GAWIN NGAYON: Suriin mo na ngayon ang mga itinuturo ng Bibliya tungkol sa tunay na pag-asa sa hinaharap. Matutuwa ang mga Saksi ni Jehova na tulungan ka. Puwede kang makipag-ugnayan sa kanila sa inyong lugar o maghanap ng mahahalagang impormasyon sa kanilang Web site na jw.org.a
a Mungkahi: Magpunta sa jw.org/tl at tingnan ang PUBLIKASYON > ONLINE LIBRARY. Mula roon, hanapin ang mga salitang gaya ng “depresyon,” “pagpapakamatay,” o “pagpapatiwakal” para sa higit pang tulong.
-