Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Isang Pandaigdig na Problema
    Gumising!—2001 | Oktubre 22
    • Isang Pandaigdig na Problema

      “Ang pagpapatiwakal ay isang malubhang suliraning pangkalusugan ng bayan.”​—David Satcher, U.S. surgeon general, noong 1999.

      ANG pangungusap na iyan ang naging kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan na binanggit ng isang surgeon general sa Estados Unidos ang pagpapatiwakal bilang isang isyu ng bayan. Parami nang paraming tao sa bansang iyon ang nagpapakamatay kaysa pinapatay ng ibang tao. Hindi kataka-taka na ipinahayag ng Senado ng Estados Unidos ang pag-iwas sa pagpapatiwakal bilang isang pambansang priyoridad.

      Gayunman, ang bilang ng pagpapatiwakal sa Estados Unidos, na 11.4 sa bawat 100,000 noong 1997, ay mababa sa pandaigdig na bilang na inilathala ng World Health Organization noong 2000​—16 sa bawat 100,000. Ang bilang ng pagpapatiwakal sa buong daigdig ay tumaas nang 60 porsiyento sa nakalipas na 45 taon. Ngayon, sa loob lamang ng isang taon, mga isang milyon katao sa buong daigdig ang nagpapatiwakal. Katumbas iyan ng halos isang kamatayan sa bawat 40 segundo!

      Subalit, hindi lubusang maiuulat ng estadistika ang buong situwasyon. Sa maraming kaso, ikinakaila ng mga miyembro ng pamilya na ang isang kamatayan ay dahil sa pagpapatiwakal. Isa pa, tinatayang sa bawat naisagawang pagpapatiwakal, sa pagitan ng 10 at 25 ang tinangka. Natuklasan ng isang surbey na 27 porsiyento ng mga estudyante sa haiskul sa Estados Unidos ang umamin na noong nakaraang taon, seryoso nilang pinag-isipan ang pagpapatiwakal; 8 porsiyento sa grupong sinurbey ang nagsabi na sila’y nagtangkang magpatiwakal. Natuklasan ng iba pang pagsusuri na mula 5 hanggang 15 porsiyento ng mga nasa hustong gulang ang minsa’y nakapag-isip na magpatiwakal.

      Pagkakaiba-Iba sa Kultura

      Lubhang nagkakaiba-iba ang pangmalas ng mga tao sa pagpapatiwakal. Minamalas ito ng ilan bilang isang krimen, ng iba bilang isang duwag na pagtakas, at ng iba naman bilang isang marangal na paraan ng paghingi ng tawad para sa isang malaking pagkakamali. Itinuturing pa nga ito ng ilan bilang isang marangal na paraan upang isulong ang isang layunin. Bakit ang gayong pagkakaiba-iba ng pangmalas? Malaking papel ang ginagampanan ng kultura. Sa katunayan, sinasabi ng The Harvard Mental Health Letter na ang kultura ay maaari pa ngang “makaimpluwensiya sa posibilidad ng pagpapatiwakal.”

      Isaalang-alang ang isang bansa sa gitnang Europa​—ang Hungary. Binabanggit ni Dr. Zoltán Rihmer ang mataas na bilang ng pagpapatiwakal doon bilang ang “malungkot na ‘tradisyon’ ” ng Hungary. Sinabi ni Béla Buda, ang direktor ng National Institute for Health sa Hungary, na ang mga taga-Hungary ay handang-handang magpatiwakal, sa halos anumang dahilan. Ayon kay Buda, isang karaniwang reaksiyon ang, “May kanser siya​—alam niya kung paano wawakasan ang gayong kalagayan.”

      May relihiyosong kaugalian noon sa India na kilalá bilang suttee. Bagaman matagal nang ipinagbabawal ang kaugaliang ito, kung saan kusang tumatalon ang isang biyuda sa sigáng pinansunog sa bangkay ng kaniyang asawa, umiiral pa rin ito. Nang isang babae ang iniulat na nagpatiwakal sa ganitong paraan, pinuri ng mga tagaroon ang trahedya. Ayon sa India Today, ang rehiyong ito sa India “ay nakasaksi sa halos 25 babae na nagsunog ng kanilang sarili sa sigáng pinansunog sa bangkay ng kani-kanilang asawa sa loob ng gayunding dami ng taon.”

      Kapansin-pansin, tatlong ulit ang dami ng mga buhay sa Hapón ang nasasawi sa pagpapatiwakal kaysa sa mga aksidente sa trapiko! “Ang tradisyunal na kultura ng Hapón, na hindi kailanman humahatol sa pagpapatiwakal, ay kilalá sa pagkakaroon ng isang ritwal at pormal na paraan ng paglalaslas ng sariling tiyan hanggang sa lumabas ang bituka (seppuku, o hara-kiri),” sabi ng Japan​—An Illustrated Encyclopedia.

      Sa kaniyang aklat na Bushido​—The Soul of Japan, ipinaliwanag ni Inazo Nitobe, na nang maglaon ay naging pangalawang kalihim panlahat ng Liga ng mga Bansa, ang pagkabighaning ito ng kultura sa kamatayan. Sumulat siya: “Isang imbensiyon noong Edad Medya, ang [seppuku] ay isang proseso kung saan ang mga mandirigma ay maaaring mapawalang-sala sa kanilang mga krimen, mapatawad sa mga pagkakamali, makatakas sa kahihiyan, mawaging-muli ang kanilang mga kaibigan, o magpatunay sa kanilang kataimtiman.” Bagaman ang ritwal na anyong ito ng pagpapatiwakal ay, sa pangkalahatan, isang lipas na bagay na, ginagawa pa rin ito ng ilan alang-alang sa epekto nito sa lipunan.

      Sa kabilang panig naman, malaon nang minamalas sa Sangkakristiyanuhan ang pagpapatiwakal bilang isang krimen. Noong ikaanim at ikapitong siglo, itinitiwalag ng Simbahang Romano Katoliko ang mga nagpapatiwakal at pinagkakaitan sila ng mga seremonya sa libing. Sa ilang lugar, ang sigasig sa relihiyon ay nagbunga ng kakatwang mga kaugalian may kinalaman sa pagpapatiwakal​—kasali na ang pagbibitin sa bangkay, at maging ang pagtarak ng isang tulos sa puso.

      Balintuna nga, yaong nagtangkang magpatiwakal ay maaaring parusahan ng kamatayan. Sa pagsisikap na kitlin ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng paglalaslas ng kaniyang lalamunan, isang lalaking Ingles noong ika-19 na siglo ang binitay. Sa gayon ay nagawa ng mga awtoridad ang hindi nagawa ng lalaki. Bagaman ang parusa para sa tangkang pagpapatiwakal ay nagbago sa paglipas ng panahon, noon lamang 1961 ipinahayag ng Parlamentong Britano na hindi na krimen ang pagpapatiwakal at tangkang pagpapatiwakal. Nanatili itong krimen sa Ireland hanggang noong 1993.

      Sa ngayon, itinataguyod ng ilang awtor ang pagpapatiwakal bilang isang mapagpipilian. Isang aklat noong 1991 tungkol sa tinulungang pagpapatiwakal para sa mga may taning na ang buhay ang nagmungkahi ng mga paraan upang wakasan ang buhay ng isa. Nang maglaon, dumami ang mga taong gumagamit ng isa sa mga iminungkahing paraan bagaman wala namang taning ang buhay nila.

      Pagpapatiwakal nga ba ang talagang lunas sa mga problema ng isa? O may mabubuting dahilan ba upang patuloy na mabuhay? Bago isaalang-alang ang mga tanong na ito, suriin muna natin kung ano ang umaakay sa pagpapatiwakal.

      [Blurb sa pahina 4]

      Sa loob lamang ng isang taon, mga isang milyon katao sa buong daigdig ang nagpapatiwakal. Katumbas iyan ng halos isang kamatayan sa bawat 40 segundo!

  • Kung Bakit Sumusuko sa Buhay ang mga Tao
    Gumising!—2001 | Oktubre 22
    • Kung Bakit Sumusuko sa Buhay ang mga Tao

      “Ang bawat isa ay may sariling dahilan sa pagpapatiwakal: siya lamang ang nakaaalam, mahirap unawain, at lubhang nakababagabag.”​—Kay Redfield Jamison, saykayatris.

      “PAGDURUSA ang mabuhay.” Iyan ang isinulat ni Ryunosuke Akutagawa, isang kilaláng manunulat noong mga unang taon ng ika-20 siglo sa Hapón, bago siya magpatiwakal. Gayunman, sinimulan niya ang pangungusap na iyon ng mga salitang: “Sabihin pa, ayaw kong mamatay, ngunit . . .”

      Tulad ni Akutagawa, marami sa mga nagpapatiwakal ang ayaw mamatay kundi gusto lamang nilang “wakasan ang anumang nangyayari,” sabi ng isang propesor sa sikolohiya. Gayon nga ang ipinahihiwatig ng pananalita na karaniwang nasusumpungan sa mga sulat ng pagpapatiwakal. Ang mga pariralang gaya ng ‘Hindi ko na ito makayanan,’ o ‘Ano pa ang silbi ng mabuhay?’ ay nagpapakita ng masidhing pagnanais na takasan ang malulupit na katotohanan sa buhay. Subalit gaya ng pagkakalarawan dito ng isang dalubhasa, ang pagpapatiwakal ay “gaya ng paggamot sa sipon sa pamamagitan ng isang bombang nuklear.”

      Bagaman iba-iba ang dahilan kung bakit nagpapatiwakal ang mga tao, may ilang pangyayari sa buhay na karaniwang sanhi ng pagpapatiwakal.

      Mga Pangyayaring Sanhi ng Pagpapatiwakal

      Karaniwan na para sa mga kabataan na sumusuko sa kabiguan at nagpapatiwakal na gawin ang gayon kahit na sa mga bagay na waring hindi gaanong mahalaga sa iba. Kapag nasaktan sila at walang magawa tungkol dito, maaaring malasin ng mga kabataan ang kanilang kamatayan bilang isang paraan upang gumanti sa mga nanakit sa kanila. Si Hiroshi Inamura, isang espesyalista na tumutulong sa mga taong gustong magpatiwakal sa Hapón, ay sumulat: “Sa pamamagitan ng kanila mismong kamatayan, ninanais ng mga bata na parusahan ang taong nagpahirap sa kanila.”

      Ipinakikita ng isang kamakailang surbey sa Britanya na kapag ang mga bata ay dumanas ng matinding pananakot o pang-aapi, halos pitong ulit na mas malamang na sila’y magtangkang magpatiwakal. Ang kirot sa damdamin na dinaranas ng mga batang ito ay tunay. Isang 13-anyos na batang lalaki na nagbigti ang nag-iwan ng isang maikling sulat na bumanggit sa pangalan ng limang tao na nagpahirap at nangikil pa nga ng pera sa kaniya. “Pakisuyong iligtas ang ibang mga bata,” ang sulat niya.

      Maaari namang sikapin ng iba na magpatiwakal kapag sila’y nagkaproblema sa paaralan o sa batas, dumanas ng kabiguan sa pag-ibig, nakakuha ng mababang marka sa kard, dumanas ng kaigtingan sa mga eksamen, o nasiraan ng loob dahil sa mga alalahanin tungkol sa hinaharap. Sa mga kabataan namang may matataas na marka na may hilig na maging mga perpeksiyonista, ang isang pagkatalo o isang kabiguan​—totoo man ito o guniguni​—ay maaaring maging dahilan upang magtangkang magpatiwakal.

      Para sa mga nasa hustong gulang, ang mga problemang pinansiyal o may kaugnayan sa trabaho ay karaniwang mga pangyayaring sanhi ng pagpapatiwakal. Sa Hapón, pagkatapos ng mga taon ng paghina ng ekonomiya, ang pagpapatiwakal kamakailan ay lumampas nang 30,000 sa isang taon. Ayon sa Mainichi Daily News, halos tatlong-sangkapat ng mga lalaking nasa katanghaliang gulang ang nagpatiwakal “dahil sa mga problemang nagmumula sa mga pagkakautang, pagbagsak ng negosyo, kahirapan at kawalan ng trabaho.” Maaari ring humantong sa pagpapatiwakal ang mga problema sa pamilya. Isang pahayagan sa Finland ang nag-ulat: “Ang mga lalaking nasa katanghaliang gulang na kamakailan lamang nagdiborsiyo” ang bumubuo sa isa sa mga grupong higit na nanganganib. Natuklasan ng isang pag-aaral sa Hungary na ang karamihan sa mga batang babae na nagbabalak magpatiwakal ay lumaki sa mga wasak na tahanan.

      Pangunahing sanhi rin ang pagreretiro at pisikal na karamdaman, lalo na sa mga may-edad na. Kadalasang pinipili ang pagpapatiwakal bilang lunas, kahit na wala naman taning sa buhay dulot ng isang karamdaman, subalit kapag hindi na mabata ng pasyente ang paghihirap.

      Ngunit, hindi naman lahat ay tumutugon sa mga pangyayaring ito sa pamamagitan ng pagpapatiwakal. Sa kabaligtaran pa nga, kapag napaharap sa gayong maiigting na kalagayan, ang karamihan ay hindi nagpapatiwakal. Kung gayon, bakit minamalas ng ilan ang pagpapatiwakal bilang lunas, samantalang ang karamihan naman ay hindi?

      Pangunahing mga Salik

      “Ang kalakhang bahagi ng desisyong mamatay ay depende sa pagpapakahulugan sa mga pangyayari,” ang sabi ni Kay Redfield Jamison, propesora ng saykayatri sa Johns Hopkins University School of Medicine. Sabi pa niya: “Ang karamihan sa mga isipan, kapag malusog, ay hindi nagpapakahulugan sa anumang pangyayari na gayon na lamang kagrabe upang magpatiwakal.” Sinabi ni Eve K. Mościcki, ng U.S. National Institute of Mental Health, na maraming salik​—ang ilan sa mga ito ay umiiral at pangunahin subalit hindi halata​—ang nagsasama-sama upang humantong sa pagkilos na umaakay sa pagpapatiwakal. Kabilang sa gayong pangunahing mga salik ang mga sakit sa isip at pagkasugapa, kayariang henetiko, at kemikal na reaksiyon sa utak. Isaalang-alang natin ang ilan sa mga ito.

      Unang-una sa mga salik na ito ang mga sakit sa isip at pagkasugapa, gaya ng panlulumo, bipolar mood disorder, schizophrenia, at pag-abuso sa mga inuming de-alkohol o droga. Ipinakikita ng pananaliksik kapuwa sa Europa at sa Estados Unidos na mahigit sa 90 porsiyento ng naisagawang mga pagpapatiwakal ay nauugnay sa gayong mga karamdaman. Sa katunayan, nasumpungan ng mga mananaliksik na Sweko na sa mga lalaking nasuri na walang anumang uri ng gayong karamdaman, ang dami ng pagpapatiwakal ay 8.3 sa bawat 100,000, subalit sa mga nanlulumo ito ay lumukso sa 650 sa bawat 100,000! At sinasabi ng mga dalubhasa na ang mga salik na humahantong sa pagpapatiwakal ay kahawig niyaong sa mga lupain sa Silangan. Gayunman, kahit ang pagsasama ng panlulumo at mga pangyayaring sanhi ng pagpapakamatay ay hindi tumitiyak sa pagpapatiwakal.

      Si Propesora Jamison, na minsa’y nagtangkang magpatiwakal mismo, ay nagsabi: “Waring natitiis o nababata ng mga tao ang panlulumo habang naroroon ang paniniwala na bubuti pa ang mga bagay-bagay.” Gayunman, nasumpungan niya na habang ang dumaraming kabiguan ay hindi na mabata, unti-unting nanghihina ang kakayahan ng sistema ng isip na pigilan ang mga bugso ng pagpapatiwakal. Inihahalintulad niya ang kalagayan sa pagnipis ng mga preno sa isang kotse dahil sa madalas na pagpreno.

      Mahalagang kilalanin ang gayong hilig sapagkat nalulunasan ang panlulumo. Ang mga damdamin ng kawalang-kakayahan ay maaaring baguhin. Kapag nalutas ang pangunahing mga salik, maaaring iba na ang maging reaksiyon ng mga tao sa mga sama ng loob at mga kaigtingan na kadalasang nagiging sanhi ng pagpapatiwakal.

      Inaakala ng ilan na ang henetikong kayarian ng isa ay maaaring maging isang pangunahing salik sa maraming pagpapatiwakal. Totoo, ang mga gene ay gumaganap ng papel sa pagtiyak sa disposisyon ng isa, at isinisiwalat ng mga pagsusuri na ang ilang angkan ng pamilya ay may higit na mga insidente ng pagpapatiwakal kaysa sa iba. Subalit, “ang henetikong hilig na magpatiwakal ay hindi nangangahulugan na hindi maiiwasan ang pagpapatiwakal,” sabi ni Jamison.

      Maaari ring maging isang pangunahing salik ang kemikal na reaksiyon sa utak. Ang bilyun-bilyong neuron ng utak ay nakikipagtalastasan sa elektrokemikong paraan. Sa nagsasangang dulo ng mga himaymay ng mga nerbiyo, may maliliit na agwat na tinatawag na mga synapse kung saan dinadala ng mga neurotransmitter ang impormasyon sa kemikal na paraan. Ang antas ng isang neurotransmitter, ang serotonin, ay maaaring nasasangkot sa biyolohikal na kahinaan ng isang tao na magpatiwakal. Ganito ang paliwanag ng aklat na Inside the Brain: “Ang mababang antas ng serotonin . . . ay maaaring mag-alis sa kaligayahan ng buhay, anupat nawawalan ng interes ang isang tao sa kaniyang pag-iral at nadaragdagan ang panganib ng panlulumo at pagpapatiwakal.”

      Subalit, ang totoo ay na walang sinuman ang itinalagang magpatiwakal. Napagtatagumpayan ng milyun-milyong tao ang mga sama ng loob at mga kaigtingan. Ang paraan kung paano tumutugon ang isipan at puso sa mga panggigipit ang siyang umaakay sa ilan na magpakamatay. Dapat lutasin hindi lamang ang kasalukuyang mga sanhi kundi ang pangunahing mga salik din naman.

      Kaya, ano ba ang magagawa upang lumikha ng isang mas positibong pangmalas na magpapanumbalik ng sapat na kasiyahan sa buhay?

      [Kahon sa pahina 6]

      Kasarian at Pagpapatiwakal

      Ayon sa isang pagsusuri sa Estados Unidos, bagaman dalawa hanggang tatlong ulit na mas malamang magtangkang magpatiwakal ang mga babae kaysa sa mga lalaki, apat na ulit na mas malamang na maisagawa ng mga lalaki ang pagpapatiwakal. Ang mga babae ay di-kukulanging dalawang ulit na dumanas ng panlulumo kaysa sa mga lalaki, na maaaring siyang dahilan ng mas maraming bilang ng mga tangkang pagpapatiwakal. Gayunman, ang kanilang mga karamdaman dahil sa panlulumo ay maaaring hindi gaanong matindi, at sa gayo’y maaari silang bumaling sa hindi gaanong matinding paraan. Sa kabilang dako naman, ang mga lalaki ay maaaring gumamit ng mas agresibo at tiyak na mga paraan upang siguruhin na maisagawa nila ito.

      Subalit sa Tsina, naisasagawa ito ng mas maraming babae kaysa ng mga lalaki. Sa katunayan, isinisiwalat ng isang pagsusuri na mga 56 na porsiyento ng mga pagpapatiwakal ng mga babae ang nangyayari sa Tsina, lalo na sa mga lalawigan. Sinasabing ang isa sa mga dahilan ng mapusok na mga tangkang pagpapatiwakal ng mga babae na humahantong sa naisagawang mga pagpapatiwakal doon ay na madaling makakuha ng nakamamatay na mga pestisidyo.

      [Kahon/Larawan sa pahina 7]

      Pagpapatiwakal at Kalungkutan

      Ang kalungkutan ay isa sa mga salik na umaakay sa mga tao sa panlulumo at pagpapatiwakal. Si Jouko Lönnqvist, na nanguna sa pagsusuri ng mga pagpapatiwakal sa Finland, ay nagsabi: “Para sa marami [na nagpatiwakal], malungkot ang buhay sa araw-araw. Marami silang libreng panahon subalit kakaunting pakikipag-ugnayan sa iba.” Si Kenshiro Ohara, isang saykayatris sa Hamamatsu University School of Medicine sa Hapón, ay nagkomento na ang “pagbubukod” ang pangunahing salik sa kamakailang bugso sa pagpapatiwakal ng mga lalaking nasa katanghaliang gulang sa bansang iyon.

      [Larawan sa pahina 5]

      Para sa mga nasa hustong gulang, ang mga problemang pinansiyal o may kaugnayan sa trabaho ay karaniwang mga pangyayaring sanhi ng pagpapatiwakal

  • Makasusumpong Ka ng Tulong
    Gumising!—2001 | Oktubre 22
    • Makasusumpong Ka ng Tulong

      ‘APATNAPU’T SIYAM na pildoras na pampatulog sa isang tasa. Lulunukin ko ba ang mga ito o hindi?’ ang tanong sa kaniyang sarili ng isang 28-anyos na lalaki sa Switzerland. Iniwan siya ng kaniyang asawa at mga anak, at nakaranas siya ng matinding panlulumo. Gayunman, pagkatapos lunukin ang mga pildoras, sinabi niya sa kaniyang sarili: ‘Hindi. Ayaw kong mamatay!’ Mabuti na lamang, nabuhay siya upang ikuwento ito. Ang mga simbuyong magpatiwakal ay hindi laging humahantong sa kamatayan.

      Ganito ang sinabi ni Alex Crosby ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention hinggil sa mga tangkang pagpapatiwakal ng mga tin-edyer: “Kung mapipigilan mo ito kahit na sa loob lamang ng ilang oras, maihihinto mo ito. Kung mamamagitan ka, marami ang mahahadlangan mong magpatiwakal. Maililigtas mo ang kanilang buhay.”

      Samantalang nagtatrabaho sa Lifesaving and Emergency Center sa Japan Medical College, natulungan ni Propesor Hisashi Kurosawa ang daan-daang taong gustong magpatiwakal na muling naisin ang mabuhay. Oo, dahil sa isang uri ng pamamagitan, maililigtas ang mga buhay. Ano ang kinakailangang tulong?

      Pagharap sa Pangunahing mga Problema

      Gaya ng nabanggit sa naunang artikulo, sinasabi ng mga mananaliksik na 90 porsiyento ng mga nagpatiwakal ay may mga sakit sa isip o mga problema may kaugnayan sa pag-abuso sa droga o inuming de-alkohol. Kaya naman, si Eve K. Mościcki, ng U.S. National Institute of Mental Health, ay nagsasabi: “Ang pinakamalaking pag-asa upang mahadlangan ang pagpapatiwakal sa lahat ng gulang ay ang paghadlang sa mga sakit sa isip at pagkasugapa.”

      Nakalulungkot, maraming dumaranas ng gayong mga sakit ay hindi humihingi ng tulong. Bakit hindi? “Sapagkat may matinding pagtatangi sa lipunan,” ang komento ni Yoshitomo Takahashi ng Tokyo Metropolitan Institute of Psychiatry. Sinabi pa niya na bunga nito, kahit na ang mga taong may bahagyang kabatiran na sila’y may sakit ay nag-aatubiling humingi ng kagyat na lunas.

      Subalit, hindi hinahayaan ng ilan na pigilin sila ng kahihiyan. Hayagang kinilala ni Hiroshi Ogawa, isang tanyag na tagapagbalita sa telebisyon na may sariling palabas sa Hapón sa loob ng 17 taon, na siya’y dumaranas ng panlulumo at muntik pa ngang magpatiwakal. “Ang panlulumo ay inihahalintulad sa karaniwang sipon ng isip,” sabi ni Ogawa. Maaaring magkaroon nito ang sinuman, paliwanag niya, ngunit posible ang paggaling.

      Makipag-usap sa Isang Tao

      “Kapag sinasarili ng isa ang kaniyang problema, karaniwang nakikita niya ito na talagang napakalaki at hindi malulutas,” ang sabi ni Béla Buda, ang opisyal sa kalusugan na taga-Hungary na sinipi kanina. Idiniriin ng obserbasyong ito ang karunungan ng sinaunang kawikaan sa Bibliya: “Ang nagbubukod ng kaniyang sarili ay naghahanap ng kaniyang makasariling hangarin; laban sa lahat ng praktikal na karunungan ay sasalansang siya.”​—Kawikaan 18:1.

      Pakinggan ang matatalinong pananalitang ito. Huwag hayaan ang iyong sarili na mag-isang nakikipagpunyagi sa napakaraming personal na mga problema. Humanap ka ng isang tao na mapagkakatiwalaan mo at mapagtatapatan mo. ‘Subalit,’ baka sabihin mo, ‘wala akong mapagtatapatan.’ Ayon sa propesyonal sa kalusugan ng isip na si Dr. Naoki Sato, gayon ang nadarama ng marami. Sinabi ni Sato na maaaring iwasan ng mga pasyente na magtapat sa iba sapagkat ayaw nilang isiwalat ang kanilang mga kahinaan.

      Saan makasusumpong ang isa ng isang taong makikinig? Sa maraming lugar, maaari siyang humingi ng tulong sa isang sentro sa pag-iwas sa pagpapatiwakal o sa isang crisis hot line o humanap ng isang kilaláng doktor sa medisina na tumutulong sa paglutas ng mga emosyonal na problema. Subalit kinikilala rin ng ilang dalubhasa ang isa pang pinagmumulan ng tulong​—ang relihiyon. Paano makatutulong ito?

      Pagkasumpong sa Kinakailangang Tulong

      Si Marin, isang baldado sa Bulgaria, ay nagkaroon ng matinding pagnanais na magpakamatay. Isang araw, di-sinasadyang natagpuan niya ang relihiyosong babasahin na Ang Bantayan, isang publikasyon ng mga Saksi ni Jehova. Tumugon siya sa paanyaya na nasa magasin na personal na dalawin ng mga Saksi ni Jehova. Ipinaliwanag ni Marin ang naging resulta: “Natutuhan ko mula sa kanila na ang buhay ay isang kaloob mula sa ating makalangit na Ama at na wala tayong karapatang saktan ang ating mga sarili o kusang wakasan ang ating buhay. Kaya, binago ko ang aking pagnanais na magpatiwakal at muli kong pinahalagahan ang buhay!” Tumanggap din si Marin ng maibiging tulong mula sa kongregasyong Kristiyano. Bagaman baldado pa rin, sinabi niya: “Ang mga araw ko ngayon ay nakagagalak at tahimik, at ang mga ito’y punô ng kaayaayang mga bagay na gagawin​—higit pa sa panahong mayroon ako sa paggawa nito! Utang ko ang lahat ng ito kay Jehova at sa kaniyang mga Saksi.”

      Ang lalaking Swiso na nabanggit sa pasimula ay tumanggap din ng tulong mula sa mga Saksi ni Jehova. Binabanggit niya ngayon “ang kabaitan ng isang pamilyang Kristiyano” na kumupkop sa kaniya sa kanilang tahanan. Sabi pa niya: “Nang maglaon, naghali-halili ang mga miyembro ng kongregasyon [ng mga Saksi ni Jehova] sa pag-anyaya sa akin sa pagkain araw-araw. Ang nakatulong ay hindi lamang ang mapagpatuloy na pakikitungo sa akin kundi ang pakikipag-usap din naman sa iba.”

      Lubhang napatibay-loob ang lalaking ito ng natutuhan niya sa Bibliya, lalo na nang malaman niya ang tungkol sa pag-ibig na nadarama ng tunay na Diyos, si Jehova, para sa sangkatauhan. (Juan 3:16) Oo, si Jehova ay talagang nakikinig sa iyo kapag ‘ibinubuhos mo ang iyong puso’ sa harap niya. (Awit 62:8) “Ang kaniyang mga mata ay lumilibot sa buong lupa,” hindi upang hanapan ng pagkakamali ang mga tao, kundi “upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.” (2 Cronica 16:9) Tinitiyak sa atin ni Jehova: “Huwag kang matakot, sapagkat ako ay sumasaiyo. Huwag kang luminga-linga, sapagkat ako ang iyong Diyos. Patitibayin kita. Talagang tutulungan kita. Talagang aalalayan kitang mabuti sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng katuwiran.”​—Isaias 41:10.

      May kinalaman sa pangako ng Diyos na isang bagong sanlibutan, ganito ang sinabi ng lalaking Swiso: “Malaki ang naitulong nito sa akin upang gumaan ang pasan ng aking kabiguan.” Kasama sa pag-asang ito na inilarawan bilang “angkla para sa kaluluwa,” ang pangako ng buhay na walang hanggan sa Paraiso sa lupa.​—Hebreo 6:19; Awit 37:10, 11, 29.

      Mahalaga ang Buhay Mo sa Iba

      Totoo, maaaring makaharap mo ang mga kalagayan na magpapadama sa iyo na ikaw ay lubhang nag-iisa at na ang kamatayan mo ay hindi mahalaga sa sinuman. Subalit tandaan: May malaking pagkakaiba sa pagitan ng pagkadama na nag-iisa at sa pagiging nag-iisa. Noong panahon ng Bibliya, ang propetang si Elias ay dumanas ng panlulumo sa kaniyang buhay. Sinabi niya kay Jehova: “Ang iyong mga propeta ay pinatay nila sa pamamagitan ng tabak, anupat ako lamang ang natira.” Oo, ang akala ni Elias ay ganap na siyang nag-iisa​—at may dahilan naman. Marami sa kaniyang mga kapuwa propeta ay pinatay. Siya mismo ay pinagbabantaan ng kamatayan, at tumatakas siya para mailigtas ang kaniyang buhay. Ngunit talaga bang nag-iisa siya? Hindi. Ipinaalam sa kaniya ni Jehova na may mga 7,000 matapat na tao na, katulad niya, may katapatang nagsisikap na maglingkod sa tunay na Diyos noong madidilim na panahong iyon. (1 Hari 19:1-​18) Ngunit, kumusta ka naman? Posible kayang hindi ka nag-iisa na gaya ng nadarama mo?

      May mga taong nagmamalasakit sa iyo. Maaaring isipin mo ang iyong mga magulang, ang iyong kabiyak, ang iyong mga anak, at ang iyong mga kaibigan. Subalit marami pang iba. Sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, makasusumpong ka ng may-gulang na mga Kristiyanong interesado sa iyo, na makikinig sa iyo, at mananalangin na kasama mo at para sa iyo. (Santiago 5:14, 15) At kahit na biguin ka man ng lahat ng di-sakdal na tao, may Isa na hindi ka kailanman iiwan. Sinabi ni Haring David noong una: “Sakaling iwan ako ng aking ama at ng aking ina, si Jehova mismo ang kukupkop sa akin.” (Awit 27:10) Oo, si Jehova ay ‘nagmamalasakit sa iyo.’ (1 Pedro 5:7) Huwag kailanman kaligtaan na mahalaga ka sa mga mata ni Jehova.

      Ang buhay ay isang kaloob mula sa Diyos. Sabihin pa, kung minsan ang buhay ay waring isang pabigat kaysa isang kaloob. Gayunman, maguguniguni mo ba kung ano ang madarama mo kung pinagkalooban mo ng isang mahalagang regalo ang isang tao na pagkatapos ay itinapon ito bago pa man gamitin ito nang lubusan? Tayong mga di-sakdal na tao ay halos nagsisimula pa lamang sa paggamit sa kaloob na buhay. Sa katunayan, ipinakikita ng Bibliya na ang buhay na tinatamasa natin ngayon ay hindi pa nga ang “tunay na buhay” sa paningin ng Diyos. (1 Timoteo 6:19) Oo, sa malapit na hinaharap ang ating buhay ay di-hamak na magiging higit na ganap, mas makabuluhan, at mas maligaya. Paano?

      Sinasabi ng Bibliya: “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:3, 4) Sikaping ilarawan ang buhay na tatamasahin mo kapag natupad na ang mga salitang ito. Huwag kang magmadali. Sikapin mong lumikha ng isang buo at makulay na larawan sa isipan. Ang larawang iyan ay hindi isang walang-saysay na guniguni. Habang binubulay-bulay mo kung paano nakitungo si Jehova sa kaniyang bayan noon, lalakí ang pagtitiwala mo sa kaniya at ang larawang iyan ay maaaring maging higit na totoo sa iyo.​—Awit 136:1-26.

      Maaaring mangailangan ng ilang panahon bago ka lubusang makabawi sa iyong pagnanais na mabuhay. Patuloy na manalangin sa ‘Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian.’ (2 Corinto 1:3, 4; Roma 12:12; 1 Tesalonica 5:17) Bibigyan ka ni Jehova ng lakas na kailangan mo. Tuturuan ka niya na sulit ang mabuhay.​—Isaias 40:29.

      [Kahon/Larawan sa pahina 9]

      Paano Mo Matutulungan ang Isa na Waring Gustong Magpatiwakal?

      Ano ang dapat mong gawin kung may nagtapat sa iyo na gusto niyang magpatiwakal? “Maging isang mabuting tagapakinig,” ang payo ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention (CDC). Hayaan mong ipahayag niya kung ano ang kaniyang nadarama. Subalit, sa maraming kalagayan, ang isang taong may balak na magpatiwakal ay walang kibo at hindi nakikipag-usap. Tanggaping totoo ang kirot o kawalang-pag-asa na nararanasan niya. Kung mahinahon mong babanggitin ang ilang partikular na mga pagbabagong napapansin mo sa kaniyang paggawi, maaaring maudyukan mo siyang magsalita at magtapat sa iyo.

      Habang nakikinig, magpakita ng empatiya. “Mahalagang idiin na ang buhay ng taong iyon ay mahalaga sa iyo at sa iba,” sabi ng CDC. Ipaalam mo sa kaniya na ang kaniyang kamatayan ay malaking kawalan sa iyo at gayundin sa iba. Tulungan ang taong iyon na maunawaang ang kaniyang Maylalang ay nagmamalasakit sa kaniya.​—1 Pedro 5:7.

      Iminumungkahi rin ng mga dalubhasa ang pag-aalis ng anumang bagay na maaaring gamitin ng taong iyon upang magpatiwakal​— lalo na ang mga baril. Kung waring malubha ang kalagayan, baka naisin mong himukin ang taong iyon na magpatingin sa doktor. Sa sukdulang mga kaso, maaaring wala ka nang magagawa kundi ang tumawag mismo ng isang uri ng medikal na serbisyong pangkagipitan.

      [Kahon sa pahina 11]

      ‘Patatawarin Kaya Ako ng Diyos sa Nadarama Kong Ito?’

      Ang pakikisama sa mga Saksi ni Jehova ay nakatulong sa marami na madaig ang mga kaisipang magpatiwakal. Subalit, lahat ay apektado ngayon ng maiigting na pangyayari sa buhay o panlulumo. Ang mga Kristiyanong nakapag-isip na magpakamatay ay karaniwang lubhang nakokonsiyensiya sa pagkakaroon ng gayong mga kaisipan. Ang pagkadama ng pagkakasala ay makadaragdag lamang sa kanilang pasanin. Kaya paano haharapin ang gayong mga damdamin?

      Makabubuting pansinin na ang ilang tapat na mga lalaki’t babae noong panahon ng Bibliya ay nagpahayag ng matitinding negatibong damdamin tungkol sa buhay. Si Rebeka, ang asawa ng patriyarkang si Isaac, ay lubhang nabagabag minsan may kinalaman sa isang problema ng pamilya anupat nasabi niya: “Namumuhi na ako sa buhay kong ito.” (Genesis 27:46) Si Job, na nagdusa sa pagkawala ng kaniyang mga anak, ng kaniyang kalusugan, ng kaniyang kayamanan, at ng kaniyang katayuan sa lipunan, ay nagsabi: “Ang aking kaluluwa ay talagang naririmarim sa aking buhay.” (Job 10:1) Si Moises ay minsang humiyaw sa Diyos: “Pakisuyong patayin mo na lamang ako.” (Bilang 11:15) Si Elias, isang propeta ng Diyos, ay nagsabi minsan: “Sapat na! Ngayon, O Jehova, kunin mo ang aking kaluluwa.” (1 Hari 19:4) At paulit-ulit na sinabi ni propeta Jonas: “Ang aking kamatayan ay mas mabuti kaysa sa aking pagiging buháy.”​—Jonas 4:8.

      Hinatulan ba ni Jehova ang mga indibiduwal na ito dahil sa nadama nila? Hindi. Iningatan pa nga niya ang kanilang mga sinabi sa Bibliya. Gayunman, mahalagang pansinin na hindi hinayaan ng sinuman sa mga tapat na iyon na udyukan sila ng kanilang damdamin na magpatiwakal. Pinahalagahan sila ni Jehova; nais niya silang mabuhay. Ang totoo, nababahala ang Diyos kahit sa buhay ng mga balakyot. Hinihimok niya silang baguhin ang kanilang mga lakad upang ‘patuloy nga silang mabuhay.’ (Ezekiel 33:11) Gaano pa ngang nanaisin niyang patuloy na mabuhay yaong mga nababahala na matamo ang kaniyang pagsang-ayon!

      Inilaan ng Diyos ang haing pantubos ng kaniyang Anak, ang kongregasyong Kristiyano, ang Bibliya, at ang pribilehiyo ng panalangin. Ang linyang ito ng pakikipagtalastasan sa Diyos​—ang panalangin​—ay hindi kailanman nagiging busy. Naririnig at diringgin ng Diyos ang lahat ng lumalapit sa kaniya taglay ang isang mapagpakumbaba at taimtim na puso. “Samakatuwid, lumapit tayo nang may kalayaan sa pagsasalita sa trono ng di-sana-nararapat na kabaitan, upang makapagtamo tayo ng awa at makasumpong ng di-sana-nararapat na kabaitan bilang tulong sa tamang panahon.”​—Hebreo 4:16.

      [Kahon sa pahina 12]

      Nagpatiwakal ba ang Isang Mahal Mo sa Buhay?

      Kapag may nagpatiwakal, dumaranas ng matinding kaligaligan sa isipan ang mga miyembro ng pamilya at matatalik na kaibigan. Sinisisi ng marami ang kanilang sarili sa trahedya. Sinasabi nila ang mga bagay na gaya ng: ‘Kung gumugol lamang sana ako ng higit na panahong kasama niya noong araw na iyon,’ ‘Kung pinigil ko lamang sana ang dila ko nang panahong iyon,’ ‘Kung may nagawa pa sana ako upang tulungan siya.’ Ang implikasyon ay, ‘Kung nagawa ko lamang sana ito o iyon, marahil ay buháy pa ang aking minamahal.’ Subalit makatuwiran bang sisihin ang sarili dahil sa pagpapatiwakal ng iba?

      Tandaan, napakadali lamang makilala ang mga palatandaan ng damdamin ng magpapatiwakal pagkatapos maganap ang trahedya. Sa kasalukuyan ay hindi gayon. Sinasabi ng Bibliya: “Ang puso lamang ang nakababatid sa kapaitan nito, at walang ibang tao ang nakikigalak dito.” (Kawikaan 14:10, Tanakh) Kung minsan ay talagang imposibleng mabatid ang iniisip o nadarama ng isang tao. Hindi masabi-sabi ng maraming taong gustong magpatiwakal ang kanilang niloloob sa iba, kahit sa malalapít na miyembro ng pamilya.

      Ganito ang sinasabi ng aklat na Giving Sorrow Words tungkol sa mga palatandaan na ang isang tao ay maaaring may balak na magpatiwakal: “Ang totoo ay karaniwan nang hindi madaling mahalata ang mga palatandaang iyon.” Sinasabi pa ng aklat ding iyon na kahit na makilala mo ang ilang pahiwatig, hindi nito tinitiyak sa ganang sarili na mapipigilan mo ang pagpapatiwakal. Sa halip na usigin ang iyong sarili, makasusumpong ka ng kaaliwan sa mga salita ng matalinong si Haring Solomon: “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran.” (Eclesiastes 9:5) Hindi pinahihirapan sa maapoy na impiyerno ang iyong minamahal. At natapos na ang mental at emosyonal na dalamhati na umakay sa kaniya na magpatiwakal. Hindi siya nagdurusa; nagpapahinga lamang siya.

      Marahil ay pinakamainam na ituon ngayon ang pansin sa kapakanan ng mga buháy, pati na sa iyong sarili. Si Solomon ay nagpatuloy: “Ang lahat ng masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong buong kapangyarihan” habang ikaw ay nabubuhay. (Eclesiastes 9:10) Makatitiyak ka na ang mga pag-asa sa buhay sa hinaharap niyaong mga nagpatiwakal ay nasa mga kamay ni Jehova, “ang Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan.”​—2 Corinto 1:3.a

      [Talababa]

      a Masusumpungan mo ang isang timbang na pangmalas hinggil sa mga pag-asa sa hinaharap niyaong mga nagpatiwakal sa artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Pagpapatiwakal​—May Pagkabuhay-Muli?” sa labas ng Setyembre 8, 1990, ng Gumising!

      [Mga larawan sa pahina 8]

      Makipag-usap sa isang tao

      [Larawan sa pahina 10]

      Mahalaga ang buhay mo sa iba

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share