Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ang Hapdi ng Pagdadalamhati
    Gumising!—2018 | Blg. 3
    • Lalaking mag-isa sa restaurant

      TULONG PARA SA MGA NAGDADALAMHATI

      Ang Hapdi ng Pagdadalamhati

      “Mahigit 39 na taon na kaming kasal ni Sophiaa nang mamatay siya matapos ang matagal na pagkakasakit. Inalalayan naman ako ng mga kaibigan ko, at nagpakaabala ako. Pero isang taon akong nanlumo. Hindi ko makontrol ang damdamin ko. Ngayon, kahit halos tatlong taon na mula nang mamatay siya, may mga panahong bigla na lang akong nakakaramdam ng matinding kirot.”​—Kostas.

      Namatayan ka na ba ng mahal sa buhay? Kung oo, malamang na nauunawaan mo si Kostas. Ang pagkamatay ng asawa, kamag-anak, o kaibigan ay isa sa pinakamasakit na pangyayari sa buhay. Sang-ayon diyan ang mga eksperto na nag-aaral tungkol sa matinding sakit na dulot ng pagdadalamhati. Ayon sa isang artikulo na inilathala sa The American Journal of Psychiatry, “ang kamatayan ang pinakakitang-kitang permanente at matinding uri ng kawalan.” Dahil sa matinding kirot na dulot nito, baka maitanong ng isa: ‘Hanggang kailan ako magdadalamhati? Magiging masaya pa kaya ako? Saan ako makakahanap ng kaaliwan?’

      Sasagutin ang mga tanong na iyan sa isyung ito ng Gumising! Tatalakayin ng susunod na artikulo kung ano ang mga dapat mong asahan kapag namatayan ka ng mahal sa buhay. Tutulungan ka naman ng susunod na mga artikulo na mabawasan ang iyong pagdadalamhati.

      Umaasa kami na makapagbibigay ito ng kaaliwan at praktikal na tulong sa sinumang dumaranas ng hapdi ng pagdadalamhati.

      a Binago ang ilang pangalan sa seryeng ito ng mga artikulo.

  • Kung Ano ang Aasahan Mo
    Gumising!—2018 | Blg. 3
    • Mag-asawang nagdadalamhati

      TULONG PARA SA MGA NAGDADALAMHATI

      Kung Ano ang Aasahan Mo

      Sinasabi ng ilang eksperto na ang pagdadalamhati ay prosesong may sunod-sunod na yugto. Pero ang bawat tao ay may kani-kaniyang paraan ng pagdadalamhati. Ibig bang sabihin, ang iba ay hindi gaanong nalulungkot sa pagkamatay ng mahal nila sa buhay o “pinipigilan” nila ang kanilang damdamin? Hindi naman. Totoo, makakatulong kung aaminin at ipapakita ng isa ang kaniyang pagdadalamhati, pero walang “tamang paraan” ng pagdadalamhati. Karaniwan na, depende ito sa kultura, personalidad, at mga karanasan sa buhay ng isang indibidwal, pati na kung paano namatay ang kanilang mahal sa buhay.

      LALALA PA BA ITO?

      Baka hindi alam ng isang namatayan kung ano ang mga aasahan pagkamatay ng mahal niya sa buhay. Pero asahan mo na may mga emosyon at hamon na pangkaraniwan. Pansinin ang mga sumusunod:

      Nadaraig ng emosyon. Karaniwan ang pag-iyak, pangungulila, at biglang pagbabago ng mood. Baka palalain pa ito ng mga alaala at panaginip tungkol sa namatay. Sa umpisa, baka mabigla ang isa at hindi makapaniwala sa nangyari. Naalaala ni Tiina ang reaksiyon niya nang biglang mamatay ang asawa niyang si Timo. Sinabi niya: “Noong una, wala akong maramdaman. Hindi nga ako makaiyak. Sobrang tindi ng emosyon ko kaya may mga panahong hindi ako makahinga. Hindi talaga ako makapaniwala sa nangyari.”

      Karaniwan din ang pagkabalisa, galit, at panunumbat ng budhi. “Mga ilang panahon pagkamatay ng aming 24-anyos na anak na si Eric,” ang sabi ni Ivan, “galít na galít kami ng asawa kong si Yolanda! Talagang nagulat kami kasi hindi naman kami magagalitin. Sinisisi rin namin ang aming sarili, na sana may nagawa pa kami para tulungan ang anak namin.” Ganiyan din ang nadama ni Alejandro, na ang asawa ay namatay matapos ang matagal na pagkakasakit: “Noong umpisa, inisip ko na kung hinahayaan ako ng Diyos na magdusa nang ganito, siguro masamang tao ako. Pero na-guilty rin ako, kasi parang sinisisi ko ang Diyos sa nangyari.” Ganito naman ang sabi ni Kostas, na binanggit sa naunang artikulo: “May mga panahon pa ngang nakaramdam ako ng galit kay Sophia dahil namatay siya. Pero pagkatapos no’n, nakokonsensiya naman ako. Kasi hindi naman niya kasalanan ’yon.”

      Magulong takbo ng isip. May mga panahong nagiging magulo at di-makatuwiran ang pag-iisip ng isa. Halimbawa, baka isipin ng namatayan na naririnig niya, nararamdaman, o nakikita ang namatay. O baka mahirapan siyang magpokus o maalaala ang mga bagay-bagay. Sinabi ni Tiina: “Minsan kapag nakikipag-usap ako, lumilipad ang isip ko! Paulit-ulit na sumasagi sa isip ko ang mga pangyayari noong mamatay si Timo. Napakahirap magpokus kaya lalo akong naiinis.”

      Kagustuhang mapag-isa. Baka maging iritable at asiwa ang isang nagdadalamhati kapag kasama ng iba. Sinabi ni Kostas: “Kapag kasama ko ang mga may asawa, pakiramdam ko, nag-iisa ako. Pero ganiyan din ang pakiramdam ko kapag kasama ko ang mga walang asawa.” Naalaala naman ni Yolanda, asawa ni Ivan: “Napakahirap makasama ang mga taong nagrereklamo sa problema nila, na kung tutuusin ay napakaliit lang kumpara sa ’min! Pagkatapos, may ilan din na nagkukuwento ng magagandang bagay tungkol sa mga anak nila. Masaya naman ako para sa kanila, pero hiráp akong makinig sa kanila. Alam naman naming mag-asawa na tuloy lang ang buhay, pero parang wala kaming gana o tiyaga na harapin ito.”

      Problema sa kalusugan. Karaniwan ang pagbabago sa timbang, tulog, at gana sa pagkain. Naalaala ni Aaron ang sumunod na taon pagkamatay ng tatay niya: “Hindi talaga ako makatulog. Gabi-gabi akong nagigising sa gayunding oras kakaisip sa tatay ko.”

      Naalaala naman ni Alejandro na nagkaroon siya ng kakaibang problema sa kalusugan: “Maraming beses na akong nagpatingin sa doktor at tiniyak niya sa akin na malusog naman ako. Kaya naisip ko na ang mga sintomas na iyon ay epekto ng pagdadalamhati.” Nang maglaon, nawala rin ang mga sintomas na iyon. Pero tama ang ginawa ni Alejandro na pagkonsulta sa doktor. Dahil sa pagdadalamhati, puwedeng humina ang resistensiya ng isa, lumala ang kasalukuyang sakit, o magkaroon pa nga ng panibagong karamdaman.

      Hiráp sa pag-aasikaso ng mahahalagang gawain. Naalaala ni Ivan: “Pagkamatay ni Eric, kailangan namin itong ipaalám hindi lang sa mga kamag-anak at kaibigan namin, kundi pati sa iba, gaya ng employer niya at may-ari ng tinitirhan niya. Napakarami ding papeles na kailangang asikasuhin. Kailangan pa naming isa-isahin ang personal na mga gamit ni Eric. Pagód na nga ang aming isip, katawan, at emosyon, kailangan pa naming magpokus.”

      Pero para sa ilan, ang totoong hamon ay ang pag-aasikaso sa mga bagay na dating ginagawa ng kanilang mahal sa buhay. Ganiyan ang nangyari kay Tiina. Sinabi niya: “Si Timo ang laging nag-aasikaso ng mga transaksiyon namin sa bangko at iba pang bagay. Ngayon, ako na ang gumagawa nito, kaya nadagdagan pa ang stress ko. Kakayanin ko kaya ang lahat ng ito?”

      Dahil sa mga nabanggit na hamon—emosyonal, mental, at pisikal—baka maisip mong napakahirap maka-recover sa pagdadalamhati. Totoong napakasakit mawalan ng mahal sa buhay, pero kung nauunawaan mo ito sa umpisa pa lang, mas makakayanan mo ang sitwasyon. Tandaan din na hindi lahat ng nagdadalamhati ay nakakaranas ng lahat ng posibleng epekto nito. Karagdagan pa, makakatulong din sa isang namatayan kung alam niya na normal lang na dumanas ng matinding kirot kapag nagdadalamhati.

      MAGIGING MASAYA PA KAYA AKO?

      Ang dapat mong asahan: Hindi habambuhay ang sakit na dulot ng pagdadalamhati; huhupa rin ito. Hindi naman ibig sabihin nito na tuluyan nang “makaka-recover” ang isa o tuluyan na niyang makakalimutan ang namatay. Pero unti-unti, maghihilom din ang sugat ng pagdadalamhati. Baka bumalik ito kapag bigla mong naalaala ang namatay o sa mga panahong gaya ng anibersaryo. Pero karamihan ay dumarating sa punto na kontrolado na nila ang kanilang emosyon at kaya na nilang magpokus uli sa pang-araw-araw na gawain. Totoo ito lalo na kapag ang namatayan ay tinutulungan ng mga kapamilya at kaibigan, at kapag nagsisikap siya mismo na maka-recover.

      Gaano ito katagal? Para sa ilan, matagal na ang ilang buwan. Para naman sa marami, mga isa o dalawang taon pa nga ang kailangan para maka-recover. Ang iba naman ay nangangailangan ng higit pang panahon.a “Sa sitwasyon ko,” ang sabi ni Alejandro, “mga tatlong taon din akong nagdalamhati.”

      Maging matiisin sa sarili. Harapin ang bawat araw ayon sa kakayahan mo, at tandaan na ang sakit na dulot ng pagdadalamhati ay may katapusan din. Kung gayon, may magagawa ka ba para mabawasan ang pagdadalamhati mo ngayon at hindi na ito magtagal?

      Normal lang na dumanas ng matinding kirot kapag nagdadalamhati

      a Napakatindi at nagtatagal ang pagdadalamhati ng ilan kung kaya nauuwi ito sa tinatawag na komplikado o namamalaging pagdadalamhati. Ang gayong mga indibidwal ay baka mangailangan ng tulong ng mga doktor.

  • Pagharap sa Pagdadalamhati—Ang Puwede Mong Gawin
    Gumising!—2018 | Blg. 3
    • Mga taong nagpapalipad ng saranggola at kumukuha ng picture sa tabing-dagat

      TULONG PARA SA MGA NAGDADALAMHATI

      Pagharap sa Pagdadalamhati ang Puwede Mong Gawin

      Kung naghahanap ka ng payo para maharap ang pagdadalamhati, marami kang makikita—may nakakatulong, mayroon ding hindi. Iyan ay dahil, gaya ng nabanggit noong una, iba-iba ang paraan ng pagdadalamhati ng bawat tao. Ang makakabuti sa isa ay baka hindi naman makakatulong sa iba.

      Sa kabila nito, may mga bagay na napatunayang epektibo ng marami. Ang mga ito ay madalas banggitin ng mga eksperto, at masasalamin sa mga ito ang walang-kupas na mga simulaing makikita sa sinaunang aklat ng karunungan, ang Bibliya.

      1: TUMANGGAP NG TULONG MULA SA MGA KAPAMILYA AT KAIBIGAN

      • Mga taong nagpapalipad ng saranggola at kumukuha ng picture sa tabing-dagat

        Ayon sa ilang eksperto, ito ang pinakamahalagang hakbang para makayanan ang pagdadalamhati. Pero minsan, baka gusto mong mapag-isa. Baka mairita ka pa nga sa mga taong nagsisikap na tumulong sa iyo. Normal lang iyon.

      • Hindi naman kailangang lagi kang maraming kasama, pero huwag mo rin silang ipagtabuyan. Tutal, baka kailanganin mo ang tulong nila. Mabait na ipagbigay-alam sa iba kung ano ang kailangan mo sa pagkakataong iyon, at kung ano ang hindi.

      • Ayon sa pangangailangan mo, balansehin ang panahon kasama ng iba at ang pag-iisa.

      SIMULAIN: “Ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa . . . Dahil kung mabuwal ang isa sa kanila, maibabangon siya ng kasama niya.”​—Eclesiastes 4:9, 10.

      2: MAG-INGAT SA KINAKAIN MO, AT MAG-EHERSISYO

      • Makakatulong ang balanseng pagkain para maharap ang stress na dulot ng pagdadalamhati. Kumain ng iba’t ibang prutas, gulay, at lean protein.

      • Uminom ng maraming tubig at iba pang masustansiyang inumin.

      • Kung wala kang gana, kumain nang unti-unti pero mas madalas. Puwede ka ring kumonsulta sa iyong doktor tungkol sa mga nutrition supplement.a

      • Ang brisk walking at iba pang uri ng ehersisyo ay makakabawas ng negatibong emosyon. Kapag nag-eehersisyo, may panahon kang makapag-isip-isip sa nangyari, o isaisantabi muna ito.

      SIMULAIN: “Walang sinumang napopoot sa sarili niyang katawan, kundi pinakakain niya ito at inaalagaan.”​—Efeso 5:29.

      3: MATULOG NANG SAPAT

      • Kama

        Mahalaga ang pagtulog lalo na’t nakakapagod ang pagdadalamhati.

      • Bantayan ang dami ng iniinom mong caffeine at alak dahil makakaapekto ito sa tulog mo.

      SIMULAIN: “Mas mabuti ang sandakot na pahinga kaysa sa dalawang dakot ng pagpapakapagod at paghahabol sa hangin.”​—Eclesiastes 4:6.

      4: MAG-ADJUST

      • Isang nagdadalamhating babae na nagkukuwento sa kaniyang kaibigan

        Tanggapin na iba-iba ang paraan ng pagdadalamhati ng bawat tao. Kailangan mong alamin kung ano ang paraang pinakamakakatulong sa iyo.

      • Marami ang natulungan ng pagsasabi ng kanilang niloloob sa iba; ayaw naman itong ipahayag ng iba. Magkakaiba ang opinyon ng mga eksperto tungkol dito. Kung kailangan mong ipakipag-usap sa iba ang nararamdaman mo pero nag-aalangan ka, baka makatulong kung unti-unti ka munang magkukuwento sa isang malapít na kaibigan.

      • Para sa iba, nakakatulong ang pag-iyak. Mas nakakayanan naman ng iba ang pagdadalamhati kahit hindi sila gaanong umiiyak.

      SIMULAIN: “Nalalaman ng puso ang kaniyang sariling kapaitan.”​—Kawikaan 14:10, Ang Biblia.

      5: UMIWAS SA BISYO

      • Isang lalaking umiinom ng alak

        Para matakasan ang sakit ng damdamin, may ilang namatayan na bumabaling sa pag-abuso sa alak o droga. Pero mapanganib ito. Pansamantala lang ang ginhawang ibibigay nito at magdudulot ito ng matinding pinsala. Maghanap ng di-nakakapinsalang paraan para kumalma.

      SIMULAIN: “Linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karumihan.”​—2 Corinto 7:1.

      6: BALANSEHIN ANG IYONG PANAHON

      • Nakatulong sa marami ang pagkakaroon ng panahon sa paggawa ng ibang bagay para hindi magtuloy-tuloy ang pagdadalamhati.

      • Makakatulong sa iyo ang pagbuo o pagpapatibay ng pagkakaibigan, pag-aaral ng mga bagong skill, o paglilibang.

      • Sa paglipas ng panahon, puwedeng magbago ang balanseng iyan. Dahil sa paggawa ng ibang bagay, unti-unting mababawasan ang pagdadalamhati mo—palatandaan na nakaka-recover ka na.

      SIMULAIN: “May takdang panahon para sa lahat ng bagay, . . . panahon ng pag-iyak at panahon ng pagtawa; panahon ng paghagulgol at panahon ng pagsasayaw.”​—Eclesiastes 3:1, 4.

      7: SUMUNOD SA ISANG RUTIN

      • Isang babaeng nagpaplano gamit ang kalendaryo

        Sa lalong madaling panahon, bumalik sa normal mong rutin.

      • Kapag mayroon kang rutin sa pagtulog, pagtatrabaho, at iba pang gawain, mas madaling bumalik sa normal ang mga bagay-bagay.

      • Kapag abala ka sa positibong mga gawain, makakatulong ito para mabawasan ang sakit.

      SIMULAIN: “Halos hindi niya mapapansin ang paglipas ng mga araw ng buhay niya, dahil ginagawa siyang abala ng tunay na Diyos sa mga bagay na nagpapasaya sa puso.”​—Eclesiastes 5:20.

      8: HUWAG MAGPADALOS-DALOS SA PAGGAWA NG MALALAKING DESISYON

      • Maraming namatayan ang nagsisisi dahil nagpadalos-dalos sila sa paggawa ng malalaking desisyon.

      • Kung posible, magpalipas ng makatuwirang panahon bago lumipat ng tirahan, magpalit ng trabaho, o itapon ang mga gamit ng mahal mo sa buhay.

      SIMULAIN: “Ang mga plano ng masipag ay tiyak na magtatagumpay, pero ang lahat ng padalos-dalos ay tiyak na maghihirap.”​—Kawikaan 21:5.

      9: ALALAHANIN ANG IYONG MAHAL SA BUHAY

      • Ipinapakita ng isang lalaki ang mga litrato ng kaniyang namatay na asawa

        Para sa maraming namatayan, nakakatulong ang mga gawaing nagpapaalaala tungkol sa namatay.

      • Baka makatulong sa iyo ang pag-iipon ng mga picture o alaala o ang pagkakaroon ng diary ng mga pangyayari at kuwentong gusto mong matandaan.

      • Ipunin ang mga bagay na may magagandang alaala at tingnan ang mga ito kapag handa ka na.

      SIMULAIN: “Alalahanin ninyo ang lumipas na panahon.”​—Deuteronomio 32:7.

      10: MAGBAKASYON

      • Pag-isipang magbakasyon.

      • Kung hindi praktikal ang mahabang bakasyon, baka may puwede kang gawin sa loob ng isa o dalawang araw na kasiya-siya, gaya ng hiking, pagpunta sa museum, o pagda-drive.

      • Makakatulong kahit ang panandaliang pagbabago sa iyong rutin.

      SIMULAIN: “Sumama kayo sa akin sa isang lugar na malayo sa mga tao at magpahinga tayo nang kaunti.”​—Marcos 6:31.

      11: TUMULONG SA IBA

      • Isang kabataang tumutulong sa isang may-edad sa pamimili

        Kapag tumutulong ka sa iba, gagaan ang pakiramdam mo.

      • Puwede mong tulungan ang mga naapektuhan ng pagkamatay ng mahal mo sa buhay, gaya ng mga kaibigan o kamag-anak na nangangailangan ng masasandalan.

      • Ang pagtulong sa iba ay makapagbibigay sa iyo ng kasiyahan at layunin sa buhay.

      SIMULAIN: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”​—Gawa 20:35.

      12: SURIIN MULI ANG MGA PRIYORIDAD MO

      • Dahil sa pagdadalamhati, mas mauunawaan mo kung ano ang mga bagay na mahalaga.

      • Samantalahin ang pagkakataon para masuri kung paano mo ginagamit ang iyong buhay.

      • Kung kailangan, baguhin ang iyong mga priyoridad.

      SIMULAIN: “Mas mabuting pumunta sa bahay ng namatayan kaysa sa bahay na may handaan, dahil iyon ang wakas ng lahat ng tao, at dapat itong isapuso ng mga buháy.”​—Eclesiastes 7:2.

      PAGHARAP SA PAGDADALAMHATI | SUMARYO

      • 1: TUMANGGAP NG TULONG MULA SA MGA KAPAMILYA AT KAIBIGAN

        Ayon sa pangangailangan mo, balansehin ang panahon kasama ng iba at ang pag-iisa.

      • 2: MAG-INGAT SA KINAKAIN MO, AT MAG-EHERSISYO

        Kumain ng masustansiyang pagkain, uminom ng maraming tubig, at mag-ehersisyo.

      • 3: MATULOG NANG SAPAT

        Mahalaga ang sapat na tulog para maharap ang pagod na dulot ng pagdadalamhati.

      • 4: MAG-ADJUST

        Dahil iba-iba ang paraan ng pagdadalamhati ng bawat tao, alamin kung ano ang pinakamakakatulong sa iyo.

      • 5: UMIWAS SA BISYO

        Iwasan ang pag-abuso sa alak at droga dahil nakadaragdag lang ito ng problema.

      • 6: BALANSEHIN ANG IYONG PANAHON

        Magkaroon ng panahon para sa pakikipagsamahan at paglilibang.

      • 7: SUMUNOD SA ISANG RUTIN

        Maging abala sa positibong mga gawain para mas madaling bumalik sa normal ang mga bagay-bagay.

      • 8: HUWAG MAGPADALOS-DALOS SA PAGGAWA NG MALALAKING DESISYON

        Kung posible, magpalipas ng isang taon o higit pa para hindi makagawa ng malalaking desisyon na baka pagsisihan mo.

      • 9: ALALAHANIN ANG IYONG MAHAL SA BUHAY

        Mag-ipon ng mga picture at alaala o magsulat ng diary para hindi mo makalimutan ang iyong mahal sa buhay.

      • 10: MAGBAKASYON

        Maglaan ng panahon para maiba ang iyong rutin​—kahit isang araw lang.

      • 11: TUMULONG SA IBA

        Tulungan ang mga nangangailangan, kasama na ang mga naapektuhan ng pagkamatay ng mahal mo sa buhay.

      • 12: SURIIN MULI ANG MGA PRIYORIDAD MO

        Samantalahin ang pagkakataon para maunawaan kung ano ang mga bagay na mahalaga, at kung kailangan, baguhin ang iyong mga priyoridad.

      Ang totoo, walang lubusang makapag-aalis ng sakit na nararamdaman mo. Pero maraming namatayan ang makapagsasabi na nakatulong sa kanila ang paggawa ng positibong mga hakbang, gaya ng nakalista sa artikulong ito. Siyempre, hindi ito kumpletong listahan ng mga puwedeng gawin para mabawasan ang pagdadalamhati. Pero kung susubukan mo ang ilan sa mga mungkahing ito, puwedeng gumaan ang iyong damdamin.

      a Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang partikular na paggamot.

  • Ang Pinakamabuting Tulong Para sa mga Nagdadalamhati
    Gumising!—2018 | Blg. 3
    • Makakasamang muli ng mga tao sa Paraiso ang mga namatay nilang mahal sa buhay

      TULONG PARA SA MGA NAGDADALAMHATI

      Ang Pinakamabuting Tulong Para Sa Mga Nagdadalamhati

      KAMAKAILAN, PINAG-AARALAN NANG HUSTO ANG SAKIT NA DULOT NG PAGKAMATAY NG MAHAL SA BUHAY. Pero gaya ng natalakay natin, ang pinakamabuting payo ng mga eksperto ay kadalasang kaayon ng makikita sa sinaunang aklat ng karunungan, ang Bibliya. Talagang di-kumukupas ang payo nito! Pero hindi lang maaasahang payo ang nilalaman ng Bibliya. May impormasyon din na dito mo lang masusumpungan, na makapagbibigay ng napakalaking tulong sa mga nagdadalamhati.

      • Katiyakan na ang mga namatay nating mahal sa buhay ay hindi nagdurusa

        “Walang alam ang mga patay,” ang sabi ng Bibliya sa Eclesiastes 9:5. “Naglalaho ang pag-iisip” nila. (Awit 146:4) Kaya naman, inihalintulad ng Bibliya sa mahimbing na pagtulog ang kamatayan.​—Juan 11:11.

      • Kaaliwan dulot ng paniniwala sa isang maibiging Diyos

        Sinasabi ng Awit 34:15: “Ang mga mata ni Jehovaa ay nakatingin sa mga matuwid, at ang mga tainga niya ay nakikinig sa paghingi nila ng tulong.” Kapag sinasabi natin sa Diyos ang ating nararamdaman sa pamamagitan ng panalangin, hindi lang gumagaan ang ating loob o napapanatag ang ating isip. Tumitibay rin ang personal na kaugnayan natin sa Maylikha, na may kapangyarihang umaliw sa atin.

      • Kapana-panabik na magandang kinabukasan

        Isip-isipin ang panahong bubuhaying muli sa lupa ang mga namatay! Paulit-ulit na binabanggit sa Bibliya ang pag-asang iyan. Inilalarawan ng Bibliya ang magiging kalagayan sa lupa sa hinaharap: “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa mga mata [natin], at mawawala na ang kamatayan, pati ang pagdadalamhati at ang pag-iyak at ang kirot.”​—Apocalipsis 21:3, 4.

      Talagang napatibay ng pag-asang pagkabuhay-muli ang maraming naniniwala kay Jehova, ang Diyos ng Bibliya. Halimbawa, namatay ang asawa ni Ann matapos ang kanilang 65-taóng pagsasama. Sinabi niya: “Tinitiyak sa akin ng Bibliya na hindi nagdurusa ang mga namatay nating mahal sa buhay at na bubuhaying muli ng Diyos ang lahat ng nasa alaala niya. Ito ang lagi kong iniisip tuwing nangungulila ako, kaya nakayanan ko ang pinakamasaklap na nangyari sa buhay ko!”

      Sinabi ni Tiina, na nabanggit kanina: “Mula nang mamatay si Timo, naramdaman ko ang tulong ng Diyos. Damang-dama ko ang pag-alalay ni Jehova noong nagdadalamhati ako. Totoong-totoo sa akin ang pangako ng Bibliya na pagkabuhay-muli. Pinalalakas ako nito na patuloy na mabuhay hanggang sa araw na muli kong makita si Timo.”

      Ganito rin ang nadarama ng milyon-milyong naniniwala sa Bibliya. Baka iniisip mo na ang sinasabi ng Bibliya ay hindi totoo at pawang panaginip lang. Pero suriin mo pa rin ang mga katunayan na ang mga payo at pangako nito ay maaasahan. At makikita mo na ang Bibliya ang pinakamabuting tulong para sa mga nagdadalamhati.

      MATUTO PA NANG HIGIT TUNGKOL SA PAG-ASA NG MGA NAMATAY

      Panoorin ang kaugnay na mga video sa aming website, jw.org/tl

      Makakasamang muli ng mga tao sa Paraiso ang mga namatay nilang mahal sa buhay

      Nangangako ang Bibliya na sa hinaharap, makakasama nating muli ang mga namatay nating mahal sa buhay

      ANO ANG KALAGAYAN NG MGA PATAY?

      Ano ang Kalagayan ng mga Patay?

      Ano ang nangyayari sa atin kapag namatay tayo? Ang malinaw na sagot ng Bibliya ay nakakatulong at nagbibigay ng pag-asa

      Tingnan sa LIBRARY > VIDEO (Kategorya ng Video: ANG BIBLIYA)

      GUSTO MO BA NG MAGANDANG BALITA?

      Gusto Mo Ba ng Magandang Balita?

      Kabi-kabila ang masasamang balita. Saan ka makakakuha ng magandang balita?

      Tingnan sa TURO NG BIBLIYA > KAPAYAPAAN AT KALIGAYAHAN

      a Sa Bibliya, Jehova ang personal na pangalan ng Diyos.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share