Mga Tanong
● Papaano natin matutulungan ang ating mga estudiyante sa Bibliya na maging kuwalipikado sa bautismo bilang mga alagad ni Kristo?
Ito ay mabisang magagawa sa pamamagitan ng (1) pagsasagawa ng isang palagian at progresibong pantahanang pag-aaral sa Bibliya, (2) pagpapasigla ukol sa regular na pagdalo at pakikibahagi sa limang lingguhang mga pulong ng kongregasyon, at (3) kapag sila’y naging kuwalipikado ayon sa Kasulatan, karakaraka silang sanayin upang magkaroon ng makabuluhang bahagi sa ministeryo sa larangan.
Ang isang alagad ay isa na tumatanggap at aktibong nagsasagawa ng aral ng iba. Kung gayon, ang mga nababautismuhan ay dapat na hindi lamang nagtataglay ng saligang kaalaman sa katotohanan ng Bibliya kundi dapat na nagpapamalas sa pamamagitan ng kanilang landasin ng pamumuhay na sila ay sumasang-ayon sa matutuwid na mga pamantayan ni Jehova. Karagdagan pa, kinikilala nila ang nakikitang organisasyon ni Jehova at ang kapangyarihan ni Jesu-Kristo sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mat. 24:45-47; Gawa 1:8) Inihahanay nila ang kanilang sarili sa bayan ni Jehova sa pagsasagawa ng gawain na iniatas ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod. (Luk. 8:1; Mat. 24:14) Ang bautismo sa tubig ng mga alagad na ito ay isang panlabas na tanda ng kanilang pag-aalay sa Diyos na Jehova.—Ihambing ang Awit 40:8.
Dapat na ingatan sa kaisipan na gumagawa tayo ng mga alagad ni Jesu-Kristo at hindi ng ating sarili. Kung dahilan sa personal na mga kalagayan ay hindi nating matutulungan ang isang estudiyante ng Bibliya na gumawa ng kailangang pagsulong upang maging alagad, dapat tayong makipag-usap sa mga matatanda tungkol dito. Maaari silang makapagbigay ng praktikal na mungkahi na makatutulong sa espirituwal na pagsulong ng estudiyante kaayon ng mga salita ni Pablo sa 1 Corinto 3:5-9.
Ang pag-aaral sa Bibliya ay dapat na magpatuloy hanggang matapos ang dalawang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa at Nagkakaisa sa Pagsamba ng Tanging Tunay na Diyos, kahit kuwalipikado at nabautismuhan na ang estudiyante bago matapos ang dalawang aklat. Kung alinman sa mga aklat na ito ay wala pa sa inyong wika, ang iba pang katulad na publikasyon na naglalaman ng mga saligang turo ng Bibliya at nagpapaliwanag sa mga kahilingan ni Jehova para sa sangkatauhan ay maaaring gamitin.