Bakit Kailangang Sumunod sa Katuwiran?
SA MARAHAS na sanlibutan bago dumagsa ang Baha, isang tao ang ibang-iba sa lahat. Ang taong iyon ay si Noe. Siya at ang kaniyang pamilya ay lumakad na kaalinsabay ng Diyos samantalang ang natitirang bahagi ng sangkatauhan ay hindi nagbigay-pansin sa Kaniya. Kaya naman, “si Noe ay isang taong matuwid” sa mga panahong iyon ng kabalakyutan, at sa di-nakikinig na mga makasanlibutan siya ay naging “isang mangangaral ng katuwiran.”—Genesis 6:9; 2 Pedro 2:5.
Minsan mga taóng 56 ng ating Panlahatang Panahon (C.E.), si apostol Pablo ay nakabilanggo sa Cesarea. Nang tawagin buhat sa kaniyang pagkapiit upang humarap kay Gobernador Felix, sinamantala ni Pablo ang pagkakataon na mangaral sa mataas na pinunong Romanong ito. Ano ba ang pinakadiwa ng kaniyang mga sinabi? “Siya’y nagsalaysay tungkol sa katuwiran at pagpipigil-sa-sarili at sa paghuhukom na darating.” (Gawa 24:25) Oo, si Pablo man ay isang mangangaral ng katuwiran.
Ang pagkabahala na ipinakita ukol sa katuwiran ng dalawang tapat na lingkod na ito ng Diyos ay tunay na nararapat. Si Jehova ay “isang matuwid na Diyos at isang Tagapagligtas.” (Isaias 45:21) Sa gayon, sinasabi sa atin ng kinasihang kawikaan: “Ang lakad ng masama ay kasuklam-suklam kay Jehova, ngunit iniibig niya ang sumusunod sa katuwiran.” (Kawikaan 15:9) Lahat ng mga lingkod ng Diyos ay kailangang sumunod sa katuwiran.
Nakalulungkot, marami sa ngayon ang mapagbakasali tungkol sa katangiang ito. Kanilang sinasabi: ‘Hindi naman ako gumagawa ng masama sa aking kapuwa, kaya’t nasisiguro ko na nalulugod sa akin ang Diyos.’ O baka sabihin nila: ‘Maraming daan patungo sa katuwiran. Lahat ay ayos naman habang ako’y taimtim na gumaganap ng aking relihiyon.’ Sa palagay mo kaya’y ang ganiyang pagbabakasakali ay kalulugdan ng Diyos?
Ang iba marahil ay magbabangon ng isang naiibang isyu. Baka alam nila ang sinabi ni Pablo: “Tayo’y inaring matuwid dahil sa pananampalataya.” (Roma 5:1) Sa liwanag nito, marahil sila ay magtatanong: ‘Papaanong ang mga Kristiyano, na inaring matuwid na, ay inaasahang patuloy na susunod sa katuwiran?’ Papaano mo sasagutin ang ganiyang katanungan?
Isang Diyos ng Katuwiran
Sang-ayon sa diksiyunaryo, ang katuwiran ay matuwid na asal, katarungan, kasuwato ng banal o moral na batas. Yamang si Jehova ay isang Diyos ng katuwiran, sinuman na ibig makalugod sa kaniya ay kailangang mabahala tungkol sa mahalagang katangiang ito. “Si Jehova ay matuwid,” ang sabi ng salmista. “Siya’y umiibig sa matuwid na mga gawa. Ang mga matuwid ang makakakita ng kaniyang mukha.” (Awit 11:7; Deuteronomio 32:4) Si apostol Pedro ay nagsabi: “Ang mga mata ni Jehova ay nasa mga matuwid, at ang kaniyang pandinig ay nakahilig sa kanilang mga daing.”—1 Pedro 3:12.
Samakatuwid, tayo ay hindi maaaring maging mapagbakasakali sa bagay na ito, kagaya ng marami sa mga Judio. Marami sa kanila ang walang-alinlangang mga taong disente naman na hindi gumagawa ng masama sa kanilang kapuwa. Sila’y mga taimtim din—masisigasig pa nga—tungkol sa kanilang relihiyon. Ngunit noong unang siglo, ang karamihan ay hindi matuwid sa mata ng Diyos. Sinabi ni Pablo: “Ako’y nagpapatotoo na masigasig sila sa Diyos; ngunit hindi ayon sa tumpak na kaalaman; sapagkat, dahilan sa di-pagkaalam ng katuwiran ng Diyos kundi sa paghahangad na maitayo ang kanilang sarili, hindi sila napasakop sa katuwiran ng Diyos.”—Roma 10:2, 3.
Saan nagkamali ang mga Judio? Sinasabi ni Pablo na sila’y hindi sumunod sa katuwiran ayon sa tumpak na kaalaman. Ang kanilang babalang halimbawa ay nagsasabi sa atin na hindi sapat ang magkaroon lamang ng isang magandang personalidad at umiwas ng paggawa ng masama sa iba. Ipinakikita rin nito na walang maraming iba’t ibang daan tungo sa katuwiran. Maliwanag, may isang bagay na mali sa daan na pinili ng karamihan ng mga Judio noong kaarawan ng mga apostol. Tayo’y maaaring magtagumpay ng pagsunod sa katuwiran tangi lamang kung tayo’y makikinig sa Diyos. Ang aklat ng Kawikaan ay nagsasabi: “Anak ko, kung iyong tatanggapin ang aking mga salita at pakakaingatan mo ang aking mga utos, kung magkagayo’y mauunawaan mo ang katuwiran at ang kahatulan at ang karampatan, ang bawat mabuting landas.”—Kawikaan 2:1, 9.
Ang Daan ng Katuwiran
Mula noong panahon ni Moises hanggang kay Jesus, ang katuwiran ay kaugnay na ng pagsunod sa mga utos ng Diyos ayon sa nalalahad sa Kautusang Mosaiko. Yamang ang di-sakdal na mga Israelita ay hindi makaiwas ng paglabag sa mga utos na ito, sila’y kailangang maghandog ng mga hain at ng mga handog ukol sa kasalanan na itinakda ng Kautusan upang matakpan ang kanilang kasalanan. Sinabi ni Moises sa mga Israelita: “At siya’y magiging katuwiran sa atin, kung ating isagawa ang buong utos na ito sa harap ni Jehova na ating Diyos, gaya ng iniutos niya sa atin.”—Deuteronomio 6:25.
Sa loob ng maraming daan-daang taon walang sinuman na lubusang nakatupad ng Kautusan. Gayumpaman, marami ang taimtim na nagsikap sumunod sa katuwiran sa pamamagitan niyaon, at ang iba sa mga ito ay tinutukoy ng Bibliya bilang matuwid. Halimbawa, ang mga magulang ni Juan Bautista ay tinutukoy na “matuwid sa harap ng Diyos dahilan sa paglakad nang walang kapintasan ayon sa lahat ng utos at legal na kahilingan ni Jehova.”—Lucas 1:6.
Subalit, si Jesus ay nagbukas ng isang bagong daan ng pagsunod sa katuwiran. Kaniyang lubusang nasunod ang Kautusang Mosaiko—ang tanging tao na kailanman’y nakagawa nito. Namatay si Jesus sa pahirapang tulos, at tinanggap ni Jehova ang halaga ng kaniyang sakdal na buhay bilang isang pantubos sa sangkatauhan. Magmula noon, ang mga paghahain na ginagawa sa ilalim ng tipang Kautusan ay hindi na kinakailangan. Ang sakdal na hain ni Jesus ay nagtakip sa mga pagkakasala ng lahat ng mga taong may matuwid na puso.—Hebreo 10:4, 12.
Ang mga Tunay na Kristiyano ay Inaaring Matuwid
Kung gayon, buhat nang mamatay at buhaying-muli si Jesus ang katuwiran ay iniugnay sa pagsasagawa ng pananampalataya sa matuwid na Anak na ito ng Diyos. (Juan 3:16) Samantalang ang mahilig sa tradisyon na mga Judio noong kaarawan ni Pablo ay hindi nakaabot sa pamantayan ng katuwiran sapagkat kanilang itinakuwil ang tumpak na kaalaman tungkol kay Jesus, ating mababasa hinggil sa tapat na mga Kristiyano: “Sila’y inaaring matuwid sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na awa na dumating dahil sa katubusan na binayaran ng pantubos ni Kristo Jesus.”—Roma 3:24.
Sa konteksto, ang salitang ito ay kakapit na tuwiran sa pinahirang mga Kristiyano na, dahilan sa kanilang pananampalataya sa haing inihandog ni Jesus, ay inaaring matuwid dahilan sa kanilang pagiging mga kasamang tagapagmana ni Kristo sa makalangit na Kaharian. Gayunman, sa ngayon, gaya ng nakita sa pangitain ni apostol Juan, isang malaking pulutong ng mga Kristiyano na may makalupang pag-asa ang lumitaw na sa tanawin. Ang mga ito ay nagsasagawa rin ng pananampalataya sa pantubos. Kanilang ‘nilabhan ang kanilang mga kasuotan at pinaputi sa dugo ng Kordero’ kaya sila inaaring matuwid bilang mga kaibigan ng Diyos na may pag-asang makaligtas nang buháy sa malaking kapighatian.—Apocalipsis 7:9, 14; ihambing ang Santiago 2:21-26.
Patuloy na Sumunod sa Katuwiran
Gayumpaman, pansinin na ang pagsunod sa katuwiran ay hindi natatapos sa paglalagak natin ng pananampalataya kay Jesus. Si Timoteo ay naging isang nag-alay, pinahirang Kristiyano sa loob ng maraming taon nang sulatan siya ni Pablo ng ganitong mga salita: “Sundin mo ang katuwiran, ang maka-Diyos na debosyon, ang pananampalataya, ang pag-ibig, ang pagtitiis, ang kahinahunan. Makipagbaka ka ng mabuting pakikipagbaka ng pananampalataya.” (1 Timoteo 6:11, 12; 2 Timoteo 2:22) Bakit pa kinailangan ni Timoteo na ‘sundin ang katuwiran’ kung siya’y inaring matuwid na ng Diyos?
Sapagkat ang salitang “matuwid” ay ginagamit din sa Bibliya sa isang lalong malawakang diwa upang tumukoy sa isang tao na namumuhay nang tapat, malinis na pamumuhay at ginagawa ang lahat upang sumunod sa mga utos ng Diyos. Ito ang diwa ng pagsasabing ang mga magulang ni Juan Bautista ay matuwid. (Lucas 1:6) Ang ama-amahan ni Jesus, si Jose, at si Jose ng Arimathea ay matuwid din sa ganitong paraan. (Mateo 1:19; Lucas 23:50) Ang bagay na inaring matuwid na ang mga Kristiyano ay hindi nag-aalis ng kanilang pananagutan na sumunod sa katuwiran sa diwang ito. Oo, sinumang Kristiyano na hindi namumuhay nang tapat, malinis na pamumuhay o hindi sumusunod sa mga utos ng Diyos ay mawawalan ng kaniyang matuwid na katayuan sa harap ni Jehova.
Ang Pagsunod sa Katuwiran—Isang Hamon
Ang pagsunod sa katuwiran ay isang hamon. Bakit? Sapagkat tayong lahat ay di-sakdal at may matinding hilig na gumawa ng di-matuwid. (Genesis 8:21; Roma 7:21-23) Isa pa, tayo’y namumuhay sa isang sanlibutan na kunsintidor sa di-matuwid na mga pag-iisip at kumikilos at nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas na Diyablo, “ang balakyot na isa.” (1 Juan 5:19; 2 Corinto 4:4) Hindi nga katakataka na nang sumulat si Pablo kay Timoteo, ang pagsunod sa katuwiran ay kaniyang iniugnay sa ‘pakikipagbaka ng mabuting pakikipagbaka ng pananampalataya’!—1 Timoteo 6:11, 12.
Tayo ba’y magtatagumpay sa ‘mabuting pakikipagbakang’ ito? Oo, ngunit tangi lamang kung tayo’y magpapaunlad ng isang taus-pusong pag-ibig sa mga pamantayan ni Jehova at ng pagkapoot sa masama. Sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jesus: “Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan mo ang kasamaan.” (Hebreo 1:9) Tayo’y dapat na may ganito ring saloobin: ang matinding pagnanasa na pagyamanin ang pag-ibig sa nakalulugod sa Diyos at kapootan ang anuman na hindi nakalulugod sa kaniya.
Kasabay rin nito, tandaan natin na ang pagsunod sa katuwiran ay hindi isang kompetisyon. Kung ating minamalas ang sarili natin na mas magaling kaysa iba, o kung ipinagmamalaki natin ang ating sariling katuwiran, tayo nga ay katulad ng mga Judiong Fariseo. (Mateo 6:1-4) Ang mga taong nagtatagumpay ng pagsunod sa katuwiran ay may tunay na mapagpakumbabang pagkakilala sa kanilang sarili, ‘itinuturing na ang iba ay mas magaling sa kanila.’—Filipos 2:3.
Idiniin ni Pablo ang kahalagahan ng pag-aaral ng Bibliya sa pagsunod sa katuwiran nang siya’y sumulat: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdisiplina ayon sa katuwiran.” (2 Timoteo 3:16) Kung tayo’y mag-aaral ng Bibliya at dadalo sa mga pulong Kristiyano na kung saan tinatalakay ang Bibliya, tayo’y masasanay sa katuwiran. Ang Bibliya ang makahuhubog sa atin upang tayo’y magbihis ‘ng bagong pagkatao, na nilikha sa tunay na katuwiran at katapatan.’—Efeso 4:24.
Pagka ang katuwiran ay naging isang mahalagang bahagi natin, tayo’y tunay ngang mapopoot sa kasamaan. Tayo’y hindi matutukso na maghangad ng masasamang kasama sa sanlibutang ito. (1 Corinto 15:33) Tayo’y hindi maiimpluwensiyahan na ibigin ang mga bagay ng sanlibutang ito o umayon sa materyalistikong pamantayan ng sanlibutang ito. (Kawikaan 16:8; 1 Timoteo 6:9, 10; 1 Juan 2:15-17) Tiyak, tayo ay hindi maaakit sa imoral at marahas na mga libangan na laganap sa maraming dako sa ngayon.—Efeso 5:3, 4.
Ang mga Pagpapala ng Katuwiran
Oo, ang pagsunod sa katuwiran sa paraan ni Jehova ay isang hamon, ngunit ang pagpupunyagi ay sulit naman. Bakit? Sapagkat ito ay umaakay tungo sa ating pagtatamasa ng isang personal na kaugnayan kay Jehova mismo. Anong kahanga-hangang pribilehiyo! Ang Bibliya ay nagsasabi sa atin: “Pinagpapala [ni Jehova] ang tahanang dako ng mga matuwid.” “Si Jehova ay malayo sa mga balakyot, ngunit ang panalangin ng mga matuwid ay kaniyang dinirinig.” (Kawikaan 3:33; 15:29) Isa pa, tayo’y nagkakaroon ng malawak na pagkaunawa sa mga layunin ni Jehova. “Ang landas ng mga matuwid ay parang maningas na liwanag na sumisikat nang paliwanag nang paliwanag hanggang sa malubos ang araw.”—Kawikaan 4:18.
Ang Bibliya ay nangangako ng kaligtasan sa mga humahanap ng katuwiran pagka ang di-matuwid na sistemang ito ng mga bagay ay dumating na sa kaniyang kawakasan. “Hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa, na nagsigawa ng ayon sa Kaniyang sariling ipinasiyang kahatulan. Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Kaipala’y makukubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.” (Zefanias 2:3) Pagkatapos nito, para sa mga taong may makalupang pag-asa, ang Bibliya ay naghahandog ng isang tunay na kahanga-hangang pag-asa: “Ang matuwid ang magsisipagmana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.”—Awit 37:29.
Anong kagila-gilalas na mga dahilan upang sundin ang katuwiran! Gaya ng sinabi mismo ng Diyos: “Ang sumusunod sa katuwiran at kagandahang-loob ay makasusumpong ng buhay, ng katuwiran, at kaluwalhatian.”—Kawikaan 21:21.